Skylander Series Chapter 5

"Sigurado kang ikaw na lang ang sasama kay Jet, Chari?” tanong ni Jemarra habang naghahanda itong umalis kasama si Jet. Nasa kusina sila ng guesthouse at doon niya nakumpirma na wala talaga ang susi. Kaya naman babalik ang mga ito sa mga lugar na pinuntahan nila para magbaka-sakaling makita ang susi. “Puwede pa rin naman akong sumama sa inyo.."

"Huwag ka ng magpumilit. Pagkakataon ko na ito, 'no?" bulong nito.

Tinitigan niya ito. Noong una ay hindi pa niya ito naintindihan. Nang makita niya ang pagtu-twinkle ng mga mata nito ay saka niya nalaman kung ano ang gusto nitong mangyari. Ang masolo si Jet para sa Project: Flirting 101 nito.

"Ikaw talagang babae ka!" Tinutop niya ang bibig at humagikgik. Mabuti at nasa labas si Jet. "Tuparin mo ang pangako mo, ha? Hindi mo gagahasain si Jet."

"Promise." Itinaas nito ang kanang kamay. "I'll be gentle with him."

Animo’y guilty sila at agad naghiwalay nang bumungad si Jet. "Wala akong makitang payong," anito saka tumanaw sa kalangitan. "Tumigil na ang ulan kaya puwede na siguro tayong umalis kahit walang payong. I don't think lalakas pa ito."

“Rui," tawag nito sa lalaki na naabutan nilang nagkakape sa kusina kanina. "Ikaw na muna ang bahala rito, pare. Sandali lang kami."

"Go and get him," aniya sa buka ng labi nang palabas na ito.

Ngumiti ito at inginuso si Rui. "Go and get him, too,” walang tunog din nitong sabi. Sinenyasan niya itong gigilitan ng leeg.

Ihinatid pa niya ito hanggang sa pinto. “Ganbate!” aniya sa Japanese na ang ibig sabihin ay ‘goodluck’ o ‘galingan mo’.

Well, goodluck din sa kanya dahil nangangatog na siya sa lamig. Niyakap niya ang sarili at pumunta sa kusina. Now it was her turn to pretend that he was not there. Taas-noo niya itong nilagpasan at naghalungkat. Walang laman na kape ang thermos at hindi niya alam kung nasaan ang imbakan ng kape doon. Ang tanging nakasalang ay kalan ay ang tubig na nagsisimula nang kumulo.

Kumuha siya ng styro cup at sinalinan ng tubig. Saka siya umupo sa harap ng TV at nanonood ng cable. Nang walang makitang magandang palabas ay pinagtiisan niya ang MTV channel na kasalukuyang video ng isang Korean artist ang palabas. Pinagsalikop niya ang palad sa styro cup saka hinipan ang mainit ng tubig para mabawasan ang lamig na nararamdaman niya.

Sinulyapan niya si Rui na kampanteng nagkakape. Naiinggit siya dito dahil komportable itong nakaupo. Habang siya ay nagtitiis na magpainit sa steam ng mainit na tubig. Pero maninigas siya sa lamig bago humingi ng tulong dito.

Ibinalik niya ang tingin sa TV. Walang mangyayari kung kaawaan niya ang sarili. Magkukunwari na lang siyang mag-isa doon at wala si Rui.

“Anong ginagawa mo?” tanong nito nang tumayo sa likuran niya. Akala niya ay wala itong balak na kausapin siya.

“Nagpapainit,” kaswal niyang sabi nang hindi inaalis ang tingin sa TV.

“Pero tubig lang iyan,” puna nito.

Nilingon niya ito. “Oo. Tubig nga lang. Obvious ba?”

“Iniinom mo?”

“Hindi. Hinihipan ko para mainitan naman ako. I have to do something to keep me warm cause I am freezing here!” Wala kasing silbi ang jacket niya dahil basa siya. Lalo lang siyang lalamigin.

“Bakit hindi ka magkape?”

Nang-iinis niya itong tiningnan. “Wala namang kape dito. Hindi naman ako makakuha ng kape sa kuwarto namin dahil naka-lock.” Ewan niya kung hindi ito makaintindi o gusto lang siyang inisin. Did she have to stress the obvious?

“Hindi ka ba hihingi ng kape sa akin?”

“Bakit hindi mo na lang ako alukin?” sarkastiko niyang sabi. Mas maganda iyon. At least hindi na niya kailangang makiusap dito.

“Gusto mo ng kape?”

Tumango agad siya. “Siyempre.” Kung pwede nga lang niya itong sakalin para bigyan siya nito ng kape ay gagawin niya.

“Humingi ka sa akin.”

Napaawang ang labi niya. Talagang gusto pa nitong makiusap siya. “Hindi ba pwedeng basta mo na lang ako bigyan ng kape? Do I have to beg? Wala ka bang awa sa kapwa mo? Hahayaan mo ba akong mamatay sa hypothermia? Kapag natuluyan ako, mumultuhin kita!” nanggigigil niyang sabi. Sa dinami-dami ng nilalang na pwedeng pagbilinan sa kanya ni Jet, doon pa siya sa isang walang puso at walang damdamin napunta. Sana sumama na lang siya sa mga ito.

“Wala ka talagang balak makiusap? Sige, bibigyan kita ng kape pero utang.”

Tinaasan niya ito ng kilay. “Utang? Ikaw na talaga ang pinaka-hospitable na taong nakilala ko.” Kumuha siya ng mangga sa bag. Dito na lang niya ibibigay ang mangga na bigay sa kanya ni Lola Inez. “Ito na lang ang kapalit, pwede?”

“Ano ang gagawin ko diyan? Marami nang mangga sa amin.”

“Anong gusto mong kapalit?” kinakabahan niyang tanong. Baka gusto nitong katawan niya ang kapalit para lang sa kape nito.

“Kape rin. Ibibigay ko sa iyo ang nag-iisang sachet ko ng kape. Basta tiyakin mo na papalitan mo sa akin.” Kokontra pa sana siya pero pumunta ito sa kusina. Nang bumalik ito ay inilapag nito sa harap niya ang isang tasa ng kape.

“Salamat,” sarkastiko niyang sabi.

“You should have asked nicely. Para wala kang utang sa akin.”

Umingos siya at itinutok ang tingin sa TV. Mabuti na rin iyon para wala siyang utang na loob dito. Kumunot ang noo niya nang uminom ng kape. “Parang ikaw lang ang taga-Sagada na hindi umiinom ng Arabic coffee.”

“I prefer decaf. Mahilig ako sa kape pero ayokong punuin ng caffeine ang katawan ko,” sabi nito. “Ano ba ang pinapanood mo? Hindi ko maintindihan.”

“Korean at Japanese MTV. Bakit hindi mo naiintindihan? Hindi ba kalahi mo naman sila? Naiwan ka siguro ng isang tourist dito tapos inampon ka.”

“Taal akong taga-Sagada. I was even born here.” Kinuha nito ang remote control sa kanya. “Mag-Discovery Channel na lang tayo o National Geographic.”

“Sa Manila, iyan na lang palagi ang pinapanood ko,” angal niya. “Pero sige, baka sakaling may maganda silang documentary ngayon. Manonood na rin ako.”

Tumayo ito. “Babalik na ako sa shop. Okay ka na ba?”

“Oo.” Hindi na siya masyadong nilalamig dahil nainitan na ang katawan niya. “Salamat sa kape. Saka ko na babayaran.”

Tumango lang ito at pagkatapos ay umalis na. Talagang hindi ito marunong ngumiti. At maging ang salita nito ay de-metro rin. Naka-isang daan na siguro siyang salita laban sa mangilan-ngilan nitong sagot.

At least Discovery Channel at National Geographic ang pinapanood nito. Kahit paano naman ay intelehente ito. Doon lang yata sila magkakasundo. Humigop siya ng kape. At mukhang masarap din ang pagkakatimpla nito ng kape. Tamang-tama lang ang tamis at dami ng creamer. Hindi kaya ginayuma na siya nito?

IBINABA ni Jemarra ang hawak na research paper at humiga sa kama. Kanina pa siya nakatutok sa laptop at nagbabasa ng mga impormasyong nakuha niya. Kailangan pa niyang I-download ang mga pictures mula sa digital camera na gamit niya sa pagkuha ng litrato. Napakarami pa niyang kailangang gawin pero nagsisimula na siyang antukin. Malamig kasi ang panahon.

Sinulyapan niya si Charity na mahimbing na natutulog nang may ngiti sa labi. Alam niya ang laman ng panaginip kung saka-sakali. Si Jet. Para kasing galing ang mga ito sa honeymoon nang dumating mula sa paghahanap ng susi. Mukhang in love na naman ito. And she was hoping that Jet would love her friend back.

Isasara na niya ang bintana na naiwang bukas ni Charity kanina nang mapansin niyang nasa terrace si Rui. Nakatingala ito sa langit at hindi alintana ang fog na pumapalibot dito. Kumuha siya ng dalawang sachet ng frothė at bumaba sa kusina para magtimpla ng kape. Sa palagay niya ay kailangan nito ng kausap.

Maingat siyang pumunta sa terrace bitbit ang dalawang mug ng umuusok na kape. Nakatalikod ito sa kanya kaya hindi siya nito napansin.

“Bakit mag-isa ka lang dito?” tanong niya. “Hindi ka ba nilalamig?”

Gulat itong lumingon sa kanya. “Anong ginagawa mo dito?”

“I was working. Pababa ako para kumuha ng kape nang makita kitang mag-isa dito. Naisip ko na igawa ka rin ng kape at makipag-kwentuhan na rin kahit sandali. May utang ako sa iyo, hindi ba?” aniya at inilapag ang kape sa coffee table sa tabi nito at umupo siya sa lounging chair sa kabilang side ng lamesa.

“Hinihintay ko si Jet. Dapat magku-kwentuhan kami dito. Pero may mga dumating na Korean guests. Inaasikaso pa niya,” paliwanag nito.

Inilapag din niya ang hawak na mug sa coffee table at niyakap ang sarili. “Ganito pala kalamig dito kapag gabi. Saka napakaaga pa. Wala pang nine o’clock pero wala nang taong gagala-gala.”

“May curfew kasi ng nine o’clock,” anito at kinuha ang mug. Akala niya kanina ay tatanggihan nito ang kapeng tinimpla niya. Subalit hindi nito ininom iyon kundi hinawakan lang. Na parang hinahayaan nitong dumaloy ang init sa mga kamay nito.

“That’s a frothė.”

“Are you saying something?” tanong nito at bahagya siyang nilingon.

“I was warning you. Frothė ang iinumin mo at hindi decaf. Wala kasi akong decaffeinated na coffee. Sana okay lang sa iyo.” Nagkibit-balikat lang ito at tumingin sa langit. Nang parang wala itong balak kausapin siya ay nakitingala rin siya. Subalit wala siyang nakita kundi ang maitim na langit. “What are you looking at?”

“The sky,” anitong nanatili pa ring nakatingala.

“Stargazing?” Ang stargazing ay panonood ng bituin at ibang celestial bodies. Walang bituin o buwan dahil natatakpan ng ulap dahil sa katatapos pa lang na ulan.

“Walang bituin dahil maulap. Ganito talaga dito lalo na kapag tag-ulan.”

“Bakit mo pa tinitingnan kung wala ka naman palang nakikitang bituin. It was all black,” angal niya.

Sinulyapan siya nito. “Can’t I watch the sky alone even without the stars?”

“For me, it is not worth looking at. The stars and the moon make the night more beautiful. Pangit kapag puro ulap lang.” Pakiramdam niya ay gabi ng lagim. Baka may lumabas na lang na monster at kagatin siya sa leeg.

Muli nitong pinagmasdan ang kalangitan. “It

is somehow comforting to watch the starless sky. Hindi siya naa-appreciate ng tao. Na parang wala siyang kwenta kapag walang ilaw na tumatanglaw sa kanya. But for me, the sky is still beautiful even without the moon and the stars.”

Pinagmasdan niya itong mabuti. He was gorgeous even in dark night. Na parang mas tumitingkad ang personalidad nito sa madilim na gabi. As if he was one with the dark night. Or he was the black sky himself. Without the stars and the moon to light him. Na parang walang nagpapangiti dito. Walang nagdadala ng saya sa buhay nito. Yes, Rui was gorgeous. But he doesn’t have any sparks in his life.

Matagal na sandali niya itong pinagmasdan. Wala siyang nasabing anumang salita kahit napakaraming tumatakbo sa isip niya. May bago siyang konsepto sa pagkatao nito. And it makes him more of an enigma.

Sinulyapan siya nito at bahagyang nagsalubong ang kilay nang mahuli siyang nakatitig dito. “Pumasok ka na sa loob. Bumababa na ang fog. Masyado nang malamig dito.”

“Ikaw, hindi ka ba maiinip na hintayin si Jet?”

Inilayo nito ang tingin sa kanya. “I prefer to spend my time alone.”

Nakadama siya ng lungkot dahil tahasan na siyang itinataboy nito. Baka pinagbigyan lang siya nito kanina na kausapin ito.

“Sorry for the bother,” sabi niya at kinuha ang sariling coffee mug.

Papasok na siya sa pinto nang marring niya ang tawag nito. “Jemarra!”

“Yes?” aniya at lumingon dito.

Inangat nito ang coffee mug. “Thanks for the coffee. Even if it is not decaf, it isn’t that bad at all. And thanks for keeping me company.”

“It’s nothing. Goodnight,” bati niya at nakangiting umakyat sa kuwarto niya.

Maybe Rui isn’t as bad as the dark starless night after all. Kailangan lang nito ng isang tao na makaka-appreciate dito.

“SAAN ka pupunta at todo paganda ang lola ko?” tanong ni Jemarra nang maabutan si Charity na naglalagay ng kolorete sa mukha. Katatapos lang niyang maligo. Maaga kasi siyang pupunta sa bahay ni Lola Inez para sa interview.

“May date kami ni Jet. He’ll tour me around.” Humarap ito sa kanya. “Do I look pretty?”

“OA na ang make-up mo. We are at the top of the mountain. Don’t you think you are a little over…” Suminangot siya at di na itinuloy ang sasabihin.

Hinarap siya nito. “Jeje, pabayaan mo na ako. Ayoko namang magmukhang pindangga sa date namin. How will he like me if I don’t look pretty?”

Itinirintas niya ang buhok. “Kaya naman pala hindi ka sasama sa akin.”

“I am more interested at the view than taking people’s pictures.”

Nanunukso siyang ngumiti. “But you are interested to a certain person.”

“Well, that is a different case. Susubukan ko ngang sumimoy.”

“Ano ba ang nasisimoy mo sa kanya?” tanong niya at kinindatan ito.

Nanghaba ang nguso nito at ipinikit ang mga mata na parang ini-imagine si Jet. “The masculine scent of pine trees. Ang bango-bango.”

Tumawa siya. “Amoy car freshener?”

Ibinato nito sa kanya ang unan. “Gaga!”

Tatawa-tawa niyang sinalo iyon. “Aalis na nga ako. Kailangan nasa kina Lola Inez na ako before six o’clock.” Gusto niyang simulan nang maaga ang trabaho.

“Hindi ka ba magpapaganda?”

“I am already beautiful,” punong kompiyansa niyang sabi.

“Si Rui, hindi mo ba pagpapagandahan?” tukso nito.

Iningusan niya ito. “Bye!” She was sure na mas naa-appreciate pa nito ang itim na langit kaysa sa magagandang babae tulad niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.