Skylander Series Chapter 44

The atmosphere in the plane was tough. Di sila nagkikibuan. Parang di nila kilala ang isa’t isa. Kung hindi siya nito kakausapin, wala rin siyang balak na kausapin ito. Ibinaling niya ang tingin sa bintana ng eroplano habang hinihintay ang pag-take off niyon. Maya maya pa ay in-anunsiyo na ikabit ang seatbelt nila.

Napapitlag siya nang hawakan ni Arthur ang kamay niya nang dahan-dahang tumakbo ang eroplano sa runway. Nagtataka niya itong tiningnan. “Bakit? Natatakot ka?” tanong niya dito.

“No. Hindi ba ikaw ang natatakot kapag nagte-take off ang eroplano?”

Noong umuwi sila sa Pilipinas ay nanginginig siya nang papalipad na ang eroplano. Isang kaibigan niya ang namatay sa plane crash kaya na-trauma siya. Si Arthur ang humahawak sa kamay niya kapag pa-take off na ang sinasakyan nila.

Umiling siya. “Hindi na. Thank you for your concern,” aniya at bahagyang ngumiti. Ito ang nagturo sa kanya kung paano mawawala ang kabang iyon.

Sa unahan nito itinuon ang tingin. “Nagpa-reserve ako sa Manila Hotel,” pagkuwan ay sabi nito. “Doon tayo susunduin nila Rohann.”

“Teka, gusto kong dalawin ang lolo at lola ko,” pahabol niya.

“Your mother arranged a dinner for you and your other relatives. Sila na lang ang pupunta sa hotel para dalawin ka.”

“Hindi ka ba pwedeng mag-extend sa Manila?”

“Nakausap ko na sila Rohann. Napaka-inconvenient kung babalikan ka pa nila ulit. At hindi na ako pwedeng magtagal sa Manila dahil kailangan ko pang mag-prepare para sa next exhibit sa Manila. May mga bago rin akong estudyante na kailangang asikasuhin.”

“You are a very busy man.” Maganda iyong balita para sa kanya. Hindi nila kailangang magkita nang madalas. Basta alam niya kung saan ang lugar nito at ganoon din siya. Her stay in Sagada would be bearable at least.

“Go to sleep, Sapphire,” mahina nitong utos sa kanya.

Napahikab siya. Noon lang siya nakadama ng pagod dahil tatlong araw siyang wala halos tulog sa dami ng inempakeng gamit. “Good night, Arthur.”

“Sabihin mo sa akin kapag may kailangan ka.” Inayos nito ang kumot niya. “Good night, Sapphire,” usal nito habang halos ilang pulgada ang layo ng mukha nito sa kanya. She thought that he would give her a good night kiss. Subalit mabilis nitong inilayo ang mukha sa kanya at nagbasa ng magazine. As if he was afraid that he would be tempted to kiss her.

Nakangiti niyang ipikit ang mata. For her, it was good sign.

“ANO? Kayo ba ulit ni Kuya Arthur?”

Gulat na nilingon ni Sapphire si Arwen. Nasa van na sila noon papuntang Sagada. Ito, si Rohann at si James ang sumundo sa kanila ni Arthur sa hotel.

“Kailan ka pa naging intrigera, Arwen?” nakataas ang kilay niyang tanong.

“Mula pagkabata ko pa. Hindi lang halata. Saka hindi ka maririnig ni Kuya Arthur dahil tulog siya. Pinuyat mo siguro,” makahulugan nitong sabi.

“Malay ko kung saan siya napuyat.”

He had an early night last night. Saglit lang itong sumama sa dinner nila ng mga kapamilya niya. Naroon ang mga pinsan niyang sina KC, Klein at Fawna. Sa Manila nakabase ang mga ito. Habang ang naghatid sa kanya ngayon ay ang mga pinsan niya sa mother side-ang mga Madrigal. Sa Sagada kasi ang base ng mga ito.

“Kailan ka mag-aasawa, ‘Insan?” tanong ni Rohann na siyang nagmamaneho. “May anak na ako at magiging daddy na rin si Kuya Jet. Kaedad mo lang si Aki pero four years old na ang anak niya.”

“Kailangan bang ipagdiinan na napag-iiwanan ako ng panahon? Hindi pa naman matanda ang twenty-seven, hindi ba?”

Siniko siya ni Arwen at inginuso ang natutulog na si Arthur. “Pwede mo naman siyang pikutin, hindi ba?”

Muntik na niya itong sabunutan. “Bruha! Hindi ako interesado. Nandito ako para kay James at para magtrabaho.”

Hindi na ulit nagpakita ng interes sa kanya si Arthur habang magkasama sila. Mas lalo pa nga yata itong dumistansiya siya. Ayaw nitong magpapikot.

“Hindi ko kailangan ng mag-aalaga sa akin,” James countered curtly. Ipinikit nito ang mata at nagkunwaring tulog para hindi na nila ito kausapin pa. Tahimik din ito mula nang dumating siya. Isa pa ito sa napapanisan ng laway.

“Mabuti pa, mag-celebrate tayo sa Sanctuary mamayang gabi.”

“Anong mayroon sa Sanctuary?” tanong niya.

“It is an art gallery and café,” paliwanag ni Rohann. “Bagay ka doon dahil artist ka. At ethnic ang concept ng lugar kaya tiyak na mag-e-enjoy ka. Hindi naman iyon malayo sa Bokong.” Sa Bokong nakatayo ang villa nila.

“You know how much I hate parties.”

“Come on! Huwag ka ngang killjoy!” angal ni Arwen. “Wala kang mae-experience na ganoon sa New York. Para kang bumalik noong unang panahon.”

“Iinom tayo! At masarap ang mga vegetarian food nila,” dagdag ni Rohann.

Naalimpungatan si Arthur sa pagkakaingay nila. “Ano ang mayroon?” tanong nito. “Nasaan na tayo?”

“Nasa Ifugao pa lang tayo. Pinag-uusapan din pala namin na magse-celebrate kami sa Sanctuary mamayang gabi,” sabi ni Rohann.

“Okay,” simpleng wika ni Arthur at ipinagpatuloy ang pagtulog.

Nagtaka siya dahil hindi ito niyaya ng mga pinsan niya. Baka naman alam ng mga ito na hindi siya papayag. Dahil kung cold treatment lang din naman ang ibibigay sa kanya ni Arthur, mabuti pa ngang hindi na lang sila magsama. Masisira lang ang gabi niya.

“WOW! I love the hand painted shirts,” manghang-manghang sabi ni Sapphire habang tinitingnan ang mga produkto sa Sanctuary. Iba’t ibang ethnic beads din ang nakasabit sa pinto pa lang ng art gallery. “Puro ba wearable ang mga art collection ninyo? Ngayon lang ako nakakita ng ganito. Kahit nang magbiyahe ako sa Latin Amerika, walang ganito.”

“The culture of this province is unique and one of a kind. Kaya gusto naming ganoon din ang I-offer sa mga pumupunta dito. Para pag-uwi nila sa kanya-kanya nilang lugar, may maiuuwi silang piece of Sagada. At may iba pa kaming art collection,” paliwanag ni Anarinda, ang isa sa mga namamahala ng Sanctuary Café and Art Gallery. Naglakad ito patungo sa isa pang part ng gallery. Iba’t ibang native musical instruments ang nakasabit doon. “Hindi namin ipinagbibili ang mga ito. But you can get to hear them play later.”

“Wow! Parang gusto kong marinig ang tugtog na iyan.”

“And you have to dance. Lahat ng bisita namin dito ay nagsasayaw.”

Natawa siya. “Paano iyan, parehong kaliwa ang paa ko?”

“Ate Sapphire, ikaw na lang ang hinihintay baba,” anang pinsan niyang si Aki.

“Susunod na ako.” Nagpaalam siya kay Anarinda saka siya pumunta sa ibabang bahagi ng bahay na nagsilbing music lounge.

She was like transported back in time once she stepped inside. Noong mga panahon na hindi pa napapasok ng dayuhan ang bayan ng Sagada. No, she was in Ganduyan-the ancient Sagada. Tanging sulo lang ang tumatanglaw sa lugar. Sa nilalang abaka nakaupo ang mga kasama niya at ang mga lalagyan ay gawa sa kahoy na mangkok, bao at kawayan bilang mga baso.

“Cool!” bulalas niya at umupo sa tabi ni Arwen. Lumabi siya nang makitang puro bote ng native ang nasa mesa. “Walang pagkain?”

“Mukhang gutom ka na nga,” sabi ni Jet. Kasama nito ang asawang si Charity na dalawang buwang buntis. Naroon din ang asawa ni Rohann na si Kimberly, ang asawa ni Mikylla na si Raju at ang nobyo ni Arwen na si Rajin. Habang si James ay tahimik lang sa isang tabi.

Napapikit siya nang sumama sa hangin ang amoy ng bagong lutong pagkain. “Mukhang masarap iyon.” Nagpaluto siya ng vegetarian cuisine-broccoli, young corn, carrots at chicaro na iginisa sa oyster sauce.

“Pasensiya na kung natagalan. Naubusan kami ng oyster sauce.”

Maang siyang napatingin kay Arthur nang ilapag nito ang mga lutong pagkain sa mesa. Nakasuot ito ng apron. “Bakit ganyan ang itsura mo?”

“Mahirap maging artist. May panahon na wala kaming benta sa mga gawa namin. At dahil wala akong pera, nagpa-part time cook ako dito.”

“Cook ka dito?” Akala pa nga niya ay wala ito doon kaya komportable siyang gumalaw. But it didn’t bother herMas nag-alala siya sa katayuan nito. Kaya ba ito nagpunta sa Amerika dahil may problema ito sa pera at hihingi ng tulong sa magulang nito? Pero umuwi itong bigo kaya cook na lang ngayon. “Kung naghihirap ka pala, sana tinanggap mo na lang ang offer ni David sa gallery niya. Tiyak na mas malaki ang kikitain mong pera doon.”

Sa pagtataka niya ay biglang nagtawanan ang lahat ng mga kasama niya. “Maniwala ka diyan,” sabi ni Rohann. “Paano iyan maghihirap? May pottery siya at siya pa ang may-ari nitong Sanctuary.”

“What?” bulalas niya at lumipad ang tingin kay Arthur upang kumpirmahin kung totoo. “Akala ko sila Tocks at Anarinda ang may-ari nito.”

“Sila ang nag-isip ng concept na magsama ang art gallery at music lounge. Pero si Arthur ang financier. Ang mag-asawa ang namamahala,” paliwanag ni Kim na hindi pa rin nawawala ang ngiti. Alam rin nito ang dati nilang relasyon ni Arthur.

Tinanggal nito ni Arthur ang apron at umupo sa tabi ni James. “Wala pa naman kayong order kaya dito muna ako.” At home na ito sa mga kamag-anak niya. Napansin nito na hindi niya ginalaw ang pagkain sa harap. “Hindi ba gutom ka na?” untag nito sa kanya. “Kumain ka na. Paborito mo iyan, hindi ba?”

Tahimik niyang nilagyan ang mangkok na kahoy. Akmang susubo siya nang tuksuhin siya ni Arwen. “Naks! May TLC iyan. Tender loving care.”

Ibig-ibig na niya itong batukan. “Kumain ka na lang din.” Pinanlakihan niya ito ng mata. “Sasabihin ko kay Rajin na ginayuma mo siya.”

Humalakhak lang ito. “Matagal na niyang alam.”

“Pahingi ng degway,” aniya nang marindi sa panunukso ni Arwen. Nagsalin siya ng wild berry wine sa baso at iwas ang mata kay Arthur nang inumin iyon.

Ipapakita niya sa lahat na immune na siya kay Arthur. Kung mauuto niya ang mga ito. Pride niya ang nakasalalay dito.

NALILIYO na si Sapphire. Masarap ang berry wine. Masyado siyang nag-enjoy sa tugtugan at sayawan sa music lounge kaya naparami ang inom niya. Hindi pa mandin siya uminom ng alak. Di tulad ng mga kasama niya na matatag sa alak. Kapag may festival sa Sagada ay natural na iyon lalo na’t malamig ang panahon.

Lumabas siya sa terrace kung saan tanaw ang maraming pine trees at ang underground river sa baba. Malamig ang hangin sa balat niya pero hindi niya inda ang lamig. Tumingin siya sa langit pero puro ulap iyon. Hindi niya magagawang pampalipas-oras ang pagtingin sa buwan.

Narinig niya ang yabag sa likuran niya pero hindi na niya nagawang lumingon. “Sapphire, what are you doing here? It is freezing here!”

“Gusto kong panoorin ang buwan.” Kapag mag-isa siya, gusto niyang kausapin ang buwan. Bukod sa paintings niya, ang buwan lang ang nakakaalam ng lahat ng nararamdaman niya. Because the moon would never reveal her secrets.

“Walang buwan ngayon dahil maulap. Lasing ka na yata.”

“Of course not!” protesta niya at itinaas ang dalawang daliri. “Alam ko kung ilan ito. One, two!”

“Tama ka pero may tama ka na.” Inalalayan siya nito. “Hindi mo dapat ginagawang tubig ang degway. David will kill you once he finds out.”

Inilapat niya ang daliri sa labi nito. “Shhh… huwag mo akong isusumbong. You won’t tell him, right?”

“Someone ought to spank you, brat,” he said through gritted teeth. As if he was tempted to do just that.

“Ngayon mo lang ako tinawag na brat.”

“Because you are acting like one.” Binuhat siya nito. “I’ll take you home.”

Hindi niya magawang tumutol. Sa halip ay isinubsob pa niya ang mukha sa dibdib nito. “Hmmm… you smell good. Do you know how much I miss you? Kahit nang iwan mo ako, ikaw pa rin ang iniisip ko. I remember everything about you. But you never really cared about me.”

“You are just drunk. Hindi mo alam ang sinasabi mo.”

“But you can’t stop me from talking,” pagpapatuloy niya. “I love you, Arthur. Wala kaming relasyon ni David.”

“Pag-usapan natin ito kapag matino ka na.”

“I am sane!” sigaw niya at yumakap sa batok niya. Gumuhit ang mapang-akit na ngiti sa labi niya. “Kiss me, Arthur!”

“No!” matatag nitong tutol.

“Yes,” usal niya at hinatak palapit ang ulo nito sa kanya.

Just a few inches and their lips will touch once more. Arthur’s eyes were soft warm sherry, igniting her veins. When their lips touched, she knew she was lost. She was really lost. Dahil unti-unting bumaba ang madilim na ulap sa pagitan nila. Unti-unting naglaho si Arthur sa kanyang paningin. Then everything was in black.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.