“Tikman mo naman ang ginawa kong flavored coffee kung papasa sa standard mo,” sabi ni Arwen at inilapag sa harap niya ang Irish cream coffee na gawa nito. Ito ang namamahala sa pinakamalaking coffee farm sa Sagada.
Nasa terrace sila ng Sagada Guesthouse. Walang masyadong tourist nang mga panahong iyon kaya okay lang maglagi sa terrace. Kapag kasi may mga guest, nakakailang na manatili doon. Isa ang guesthouse sa mga in-invest ng Mama niya sa Sagada at ipina-manage na nito sa pinsan niyang si Mikylla.
“Hindi ako ang dapat na tinatanong mo. Wala akong hilig sa kape. Kung tsaa sana ang ipapainom mo sa akin, mas okay.”
Tumulis ang nguso nito at ininom ang kape na dapat ay sa kanya. “Nakakainis ka naman! Kanino naman ako magtatanong tungkol dito?”
“I have a friend in New York. Mahilig siya sa kape. Lahat na yata ng klase ng kape, natikman na niya. Mabibigyan ka pa ni David ng tip sakaling may kailangan kang I-improve.” Dahil kung gaano kalupit na art critic si David ay malupit din itong critic pagdating sa mga kape. Kape ang dumadaloy sa dugo nito. He was an addict.
“Salamat na lang. Sa ibang tao na lang ako magtatanong. Pwede siguro si Maggie na lang ang tanungin ko. Baka mas may pakinabang ako sa kanya.”
“Sinong Maggie?” tanong niya. Nag-init agad siya marinig lang ang pangalang iyon. Ito ang dahilan kung bakit naputol ang kaligayahan nila ni Arthur kanina.
“She is an artist from Paris. Baka kilala mo siya dahil si Arthur mismo ang kasama niya nang mag-check in kanina.”
Maggie was friendly and lively. Kasundo agad nito si Arwen. Mukhang wala siyang magiging kakampi kapag ipinagkalat niya ang hinagpis niya.
“Yeah, I know Maggie. We met in New York. Noon lang nakaraang exhibit ko. Nasaan siya ngayon?” tanong niya.
“Umalis siya kanina kasama si Arthur. Pupunta yata sila sa pottery.”
Naidala na ni Arthur si Maggie sa pottery samantalang siya ay hindi pa nakakatapak doon. Walang kwenta siguro kay Arthur nang halikan siya kanina. Baka naawa lang ito sa kanya. At ang masaklap, baka si Maggie pa ang iniisip nito habang hinahalikan siya.
“O, ayun na pala sila!” anang si Arwen at itinuro sila Arthur at Maggie na nasa harap ng tourist information center. “Arthur! Maggie!”
Hinila ulit niya ito paupo. “Stop it!”
“Well, they look good together. At mukhang sweet silang dalawa. Sila ba?”
Gusto na niya itong sakalin. Parang wala itong pakialam sa nararamdaman niya. “Kapag tinawag mo sila, magkakaaway talaga tayo.”
“Bakit? Nagseselos ka? Di ba break na kayo ni Kuya Arthur?”
Nasapo niya ang noo at tumayo. “How can you be so insensitive, Arwen?”
Iniwan niya itong tulala at tuloy-tuloy sa hagdan. That day was pesky because of Maggie. At mukhang wala siyang kakampi sa labang iyon.
“Ate, sorry na,” anito at hinabol siya. “Akala ko okay lang sa iyo. Parang hindi ka na interesado kay Kuya Arthur. Kung gusto mo siya, dapat sinabi mo sa kanya.”
“I told him but he thought I was a nuisance.”
Umihip ang malakas na hangin at unti-unting dumilim ang langit habang naglalakad siya pauwi. Di pa siya nagtatagal na umuwi ay bumuhos na ang malakas na ulan. Parang nakikisimpatya ang langit sa kabiguan niya.
She never felt so miserable in her life. Isa iyong malaking sampal sa kanya. Akala niya ay mababago ang lahat kapag sinabi niya kay Arthur na mahal niya ito. Pero mukhang huli na. Dahil kahit ipagsigawan pa niya sa mundo na mahal niya ito ay hindi na siya ang mahal nito.
Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nakatulala sa bintana. Kasabay ng matalim na kidlat ay narinig niya ang pagsigaw ni James at malakas na lagabog ng sumarang pinto. Anong problema nito? May kaaway ba ito?
“Yabang mo!” narinig niyang sigaw ng isang babae. “Akala mo kung sino kang sikat. Ganyan pala kasama ang ugali mo. Wala kang konsensiya! Wala kang puso!”
“Ano iyon?” tanong niya kay James na hindi maipinta ang mukha.
“She’s just a lunatic. Mukhang mas matinik siya kaysa sa ibang reporter.”
Sinilip niya ang babae sa bintana at nakita niyang basang-basa ito. Kahit na kaaway ang tingin ng kapatid niya sa mga reporter, labag naman yata sa human rights na pabayaan ang isang babae na basang-basa sa ulan. Mukhang malayo pa mandin ang pinanggalingan nito. Binuksan niya ang pinto. “Miss, are you okay?”
Umiling ito at parang gusto nang umiyak. “No, I am not.”
“Pumasok ka muna sa loob,” yaya niya.
“Ate, huwag mong papasukin iyan,” pigil ni James sa kanya. “Wala nang ginawa ang mga reporter na iyan kundi guluhin ang buhay ko.”
“Reporter?” bulalas ng babae. “You must be mistaken. I am not a reporter.”
“Hindi ka reporter?” Lalo niyang binuksan ang pinto. “Pumasok ka na, Miss. Baka lalo kang magkasakit dito sa labas.”
“Kung hindi ka reporter, bakit ka nandito?” tanong ni James pagpasok nito.
“Hinahanap ko lang si Sapphire. Sabi ni Kuya Rui, sa kanya ko daw kunin ang susi sa bahay ni Lola Inez.”
“Oh, I’m sorry, Miss. Akala kasi ng kapatid ko reporter ka. I am Sapphire,” pagpapakilala niya at inabot ang kamay dito.
“Jenascia Almayda. You can call me Jenna.”
“Kapatid ka pala ni Jemarra.” Girlfriend iyon ni Rui, ang kapitbahay nila. “Pasensiya na, hindi ko agad nalaman. Hindi ka sana napagsaraduhan ni James.”
Naninisi nitong tiningnan si James. “I was not given the chance to explain.”
“Sorry if I mistook you for a reporter,” sabi ni James at umakyat sa kuwarto. “Nakatakas nga ako sa reporter. But I can’t get rid of a star struck fan.”
“Can I offer you any hot drinks? Tea? Coffee? Hot chocolate?” alok niya para malaman ni Jenna na hindi siya kasing-sungit ng kapatid niya.
“Hot tea will do.” Pagkatapos I-serve ang tsaa ay nalaman niya na galing ito sa Manila at magbabakasyon. Walang tao sa bahay ng mga Lorenzo sa kapit-villa nila dahil pupunta ang mga ito sa Amerika. Si Jenna muna ang taong-bahay.
Matapos nitong mag-tsaa ay sinamahan niya ito sa kabilang bahay. Nang matiyak na komportable ito ay bumalik agad siya sa bahay nila. Pero wala na siyang planong magsentimyento. Hinarap niya si James na nanonood ng tennis championship. Inagaw niya ang remote dito at pinindot ang off button. “Tumayo ka diyan at puntahan mo si Jenna. Mag-sorry ka sa kanya.”
Napaungol ito. “Ate naman! Mas malupit pa siya sa reporter kung mag-usisa.”
“Tiyak na dismayado na siya sa iyo kaya hindi ka na niya uusisain.” Piningot niya ito. “Apologize to her and invite her for dinner.”
Nagdadabog na tumayo si James at tinungo ang kabilang bahay. Hindi nga siguro masaya ang lovelife niya pero pwede naman niyang I-divert sa iba ang atensiyon. She could do a little matchmaking as a hobby.
“WHAT a gloomy day,” usal ni Sapphire at napabuntong-hininga. Wala siya sa mood magtrabaho samantalang ang mga ibon ay masayang nag-aawitan. Bakit hindi na lang siya maging katulad ng ibon? Walang problema sa love life at naka-sentro lang ang buhay sa paglipad at paghahanap ng pagkain.
“Tinatamad ka lang siguro dahil umulan kahapon,” sabi ni James na katatapos lang mag-jogging. “Exercise lang ang katapat niyan, Ate. Tamad ka kasi. Subukan mong magtatakbo papuntang falls habang bitbit ang mga gamit mo sa painting. Tiyak na hindi ka na tatamarin.”
“Magsibak ka ng kahoy sa labas!” utos niya dito. “Wala na tayong kahoy para sa fireplace. Malamig na naman mamayang gabi.” Sira kasi ang heater nila.
“Mag-boyfriend ka na lang, Ate.”
“Mag-girlfriend ka na lang, James. Maganda naman si Jenna, hindi ba?” Okay na sana ang dinner kagabi kung hindi lang suplado ang kapatid niya. “Hindi ba ganoon ang mga type mo noong college ka. Mga chinita?”
“Magsisibak na lang ako ng kahoy sa labas,” anito at iniwan siya.
Dumungaw siya sa bintana at nag-inat. Bakit ba siya nagpapa-apekto sa kay Arthur at Maggie. Naroon siya para magtrabaho at hindi maghinagpis. Ano ngayon kung may relasyon ang mga ito? Dapat masanay na siya. Hindi pwedeng habang-panahon siyang maging broken hearted.
Dala ang mga gamit sa pagpipinta ay lumabas siya ng bahay. Habang maganda ang panahon ay kailangan niyang magpinta sa falls. Mahirap na dahil baka abutan pa siya ng ulan. Mabilis pa manding magbago ang panahon sa Sagada.
Nakasalubong niya si Jenna na tumutuloy sa kabilang villa na pag-aari ng mga Lorenzo. “Good morning, Sapphire!” bati nito sa kanya.
“Good morning, Jenna!” nakangiting bati niya. “Nag-breakfast ka na ba?”
“Hindi pa. Magdya-jogging lang ako. Para makita ko na rin paligid. Ikaw? Saan ka magpipinta?”
“Sa falls. Gusto mo bang sumama sa akin?” yaya niya dito.
“Next time na lang siguro. Saka ayokong maabala ka sa pagpe-paint mo. I am also an artist that’s why I know that distraction is the last thing you need.”
“Kung magdya-jogging ka, magpasama ka na lang kay James.”
Bahagya itong lumingon kay James saka nakangiti siyang binalingan. “Huwag na lang. Busy pa siya. Ayoko namang abalahin siya sa trabaho niya.”
“Pero Jenna…”
“See you around,” anito at tumakbo sa direksiyon patungo sa main road.
Mag-isa siyang nagtungo sa falls. Nangangalahati na siya sa pinipinta nang matigilan. It was the same Bokkong Falls. Pero parang wala na iyong buhay nang maisalin niya sa canvas. The color was dull. Malungkot.
Ihinagis niya ang brush kasama ng iba pang brush na nagamit na niya. Hindi iyon ang gusto niyang lumabas sa painting niya. She wanted to show that Sagada was a lovely place. She didn’t want to show the sorrow of her heart.
Umupo siya sa batuhan habang nakapangalumbaba. Kung makakatulong lang sana ang pag-iisa niya para ma-improve ang nararamdaman niya. Kasalanan nila Maggie at Arthur ang lahat. Sinira ng mga ito ang mood niya.
Napukaw ang pagsesentimyento niya ng malakas na tawanan. Mahina siyang napaungol nang makitang pababa ng hagdan sina Arthur at Maggie.