“Pasensiya ka na, hija. Baka hindi mo ako ma-interview nang maayos. Sumakit kasi ang rayuma ko kagabi dahil masyadong malamig,” hinging paumanhin ni Lola Inez kay Jemarra nang puntahan niya ito sa bahay nito. Wala pang alas sais ay naroon na siya dahil gusto muna niya itong makausap bago dumirekta sa tribo.
“Ganoon po ba?” aniya at malungkot na ngumiti. “Hindi po bale. Magpagaling na lang po kayo. Tutuloy na lang po ako agad sa tribo. Kanino po ba ako pwedeng makipag-coordinate para makausap ko ang tribal council?”
“Hindi kita pwedeng pabayaang mag-isa. Pasasamahan kita sa apo kong si Ruizito. Nag-jogging lang siya sandali pero babalik din iyon. Pumasok ka muna at sumabay ka na ring mag-almusal sa amin,” yaya nito.
Pagpasok niya sa bahay ay dinulutan siya ng kape. Naghahanda pa lang ng hapunan ang tagasilbi kaya inabala muna niya ang sarili sa pagtingin sa mga diploma na nakasabit sa dingding.
“Ruizito Lorenzo,” usal niya habang binabasa ang diploma ng apo ni Lola Inez.
“Bakit nangingiti ka?” tanong nito. “Dahil ba sa pangalan ng apo ko? Kasi patron ko si San Lorenzo Ruiz. Kaya Ruizito ang ipinangalan ko sa kanya.”
“Kasing bait po ba siya ng santo?”
“Tahimik ang apo ko at medyo malihim. Pero matalino siya. Pangarap niyang maging sikat sa mundo ng computer. Pero…” anito at lumungkot ang boses.
“Ano po ang nangyari sa kanya?” tanong niya. Hindi ba naituloy ni Ruizito ang pangarap nito? Dahil kung sikat na ito, bakit nasa Sagada lang ito lumalagi?
“Lola, nandito na po kami ni Tito!” sigaw ni August mula sa labas.
“Kapag umaga nagdya-jogging ang mag-tito na iyan basta dito nagba-bakasyon ang iba kong apo. Sandali at sasalubungin ko lang ang mga iyon,” anang si Lola Inez at lumabas. “Ruizito, saan ba kayo nagtatakbo at natagalan kayong bumalik? Aba’y may bisita tayo at kanina ka pa hinihintay. Bilisan mong magbihis at pasasamahan ko siya sa iyo sa mga am-ama para sa interview.”
“Opo, Lola,” magalang na sagot ng isang lalaki.
Naintriga siyang sumilip upang makita ang mukha ni Ruizito. Masyado kasi ang pagbi-build up ni Lola Inez dito. Kailangan lang naman siguro niya itong makilala dahil ito ang makakasama niya sa maghapon. Guwapo nga kaya ito?
“Lola, pwede na po ba akong kumain?” tanong ni August. “Nagutom po kasi ako sa pagdya-jogging.”
“Hindi,” sagot naman ni Ruizito. “Maliligo ka muna dahil nakakahiyang kumain ka nang hindi malinis ang katawan mo. Nakakahiya sa bisita natin.”
Nakasuot ito ng jacket at jogging pants. Mukhang maganda ang built ng katawan nito. And she could imagine lean muscles when his clothes were off. Nakatalikod ito sa kanya kaya hindi niya makita ang mukha nito. Pero pamilyar ito.
“Umakyat ka na sa taas, August. At ikaw, Ruizito. Ipapakilala muna kita sa bisita natin bago ka maligo,” sabi ni Lola Inez.
Nagkunwari siyang tumitingin sa picture na naka-display para hindi mahalata ng mga ito na nakatingin siya kanina. “Jem, ipapakilala lang kita sa apo kong si Ruizito sandali,” sabi ni Lola Inez.
Nakangiti siyang humarap sa mga ito. Sa wakas ay makikita na niya ang ipinagmamalaking guwapong apo ni Lola Inez. Ngunit natigilan siya nang makitang si Rui ang kasama nito. “Rui?” Tiningnan niya ang mga diploma na nakasabit sa dingding. Ito ang apo ni Lola Inez? “Rui-zi-to?”
Kumunot ang noo nito nang pagmasdan siya. “Ikaw ang sasamahan ko?”
Walang sinuman sa kanila pa ang makapagsalita pagkatapos niyon. Sino ba ang mag-aakala na ang nag-iisang apo ni Lola Inez at si Rui ay iisa? At magkakasama sila sa buong maghapon. Hindi kaya siya mapanisan ng laway?
“Aakyat na po ako sa taas, Lola,” sabi ni Rui.
“Sige, huwag na ninyong paghintayin si Jem. Nakakahiya.” Nakangiti itong bumaling sa kanya. “Magkakilala na pala kayo ng apo ko.”
“Kaibigan po kasi siya ni Jet. Kaya po pala Rui ang nickname niya.”
“Ayaw kasi niya ng Ruizito. Pero ano ang masasabi mo sa apo ko, hija. Guwapo siya, hindi ba?”
“Opo,” sang-ayon niya. Pero suplado naman.
“Ibig sabihin, gusto mo ang apo ko?” umaasam nitong tanong.
“Hindi pa po kami masyadong magkakilala, Lola,” aniya at alanganing ngumiti. Sa dinami-dami naman ng ima-matchmake sa kanya, doon pa siya kay Rui na hindi marunong ngumiti napunta.
“Hindi bale. Magkakakilala kayong mabuti kapag nagkasama kayo mamaya.”
Hindi tuloy niya maiwasang mainggit kay Charity. Malamang ay masaya na ito kasama si Jet. Masaya ang lovelife ng kaibigan niya. Samantalang siya, guwapo nga at intelehente si Rui. Pero mukhang hindi naman siya nito type. Malas talaga siya.
“NAME-MAINTAIN pa rin pala ng tribe dito ang culture nila. Kaso nga lang ine-expect ko na naka-retain pa rin ang dating tribal village,” sabi ni Jemarra habang papunta sila sa rice terraces sa Antadao. Gusto kasi niyang makunan ng top view ang sinasabing pinaka-magandang rice terraces ng Sagada.
“Maunlad na ang kabuhayan ng mga taga-tribo ngayon. You can’t expect them to live in old houses made of wood and nipa. Pero kahit nagbago na ang mga damit nila at ang bahay na tinitirhan nila, nananatili pa rin ang dating kultura nila. Ang mga ugali at mga tradisyon ay hindi pa rin nababago. They even retain the old ways of planting here,” sabi ni Rui na kasabay niya sa paglalakad.
“Why don’t they implement the modern way of planting? Dahil ba iyon na ang nakagawian ninyo dito at ayaw na ninyong baguhin?” usisa niya. Interesanteng kausap si Rui dahil kapag tungkol sa lugar na kinalakhan at sa kultura ng mga tao doon ay nagiging madaldal ito. Hindi na ito matipid magsalita.
“Dahil hindi naman bagay sa ganitong klase ng taniman ang mga modernong paraan ng pagtatanim. Mas bagay dito ang tradisyunal,” paliwanag nito.
“Wow!” usal niya nang makarating sa tuktok ng terraces.
Napakaganda ng pagkakagawa ng terraces. Paikot iyon na parang hagdan pababa. Hindi man siguro iyon kasing sikat ng Banaue Rice Terraces. Pero maari pa rin iyong maipagmalaki ng mga taga-Sagada. Parang asul na rice terraces dahil wala pang tanim ang ilang bahagi. At nagre-reflect sa tubig ang bughaw na langit.
“Akin na ang backpack mo para mas komportable kang kumuha ng pictures,” anito at kinuha ang backpack sa likuran niya.
“Thank you,” sabi niya at sinimulan nang kunan ang magandang view.
Nakailang shots na siya nang mapansin si Rui na nakaupo sa damuhan. Seryoso ang mukha nito. Mas gusto marahil nito sa ganoon katahimik na lugar. Katulad nang kung paano nito nagustuhan ang madilim na gabi. Parang masarap itong kunan ng picture.
Pero bago pa man niya ito makunan ng stolen shot ay lumingon na ito sa kanya. “Tapos ka na bang kumuha ng picture? Magpahinga ka na,” yaya nito.
“Hindi naman ako napagod. Saka nakakawala ng pagod ang hangin dito. Hindi kasi ako nakakaamoy ng pine trees sa Manila. Maliban na lang kung car freshener.” Naalala tuloy niya ang description ni Charity kay Jet. Amoy pine trees daw ito. Ano naman kaya ang amoy ni Rui? Baka kape dahil sa dami ng kapeng nainom nito.
Napahagikgik siya nang maisip iyon. “Anong nakakatawa?” tanong ni Rui.
“Huh?” aniya at nilingon ito. “W-Wala. Pwede na ba tayong bumaba? Alam ko naman kasi na marami ka pang kailangang gawin sa computer shop mo.”
“Wala ka na bang ibang pupuntahang lugar?”
“Bukas na lang siguro. May isang araw pa naman ako dito.”
“Sa susunod na araw pa pala kayo uuwi,” anitong parang nanghihinayang.
“Parang gusto mo na akong itaboy pauwi,” aniya at nagpatiunang maglakad.
“Hindi kita itinataboy,” kaila nito. “Huwag kang mauna. Aalalayan kita.”
Iwinaksi niya ang kamay. “Huwag na. Magkaroon pa ako ng utang sa iyo.”
“I am offering my help for free,” anito at inilahad ang kamay.
Tiningnan lang niya ang kamay nito at pagkatapos ay sa mukha nito. Saka niya ito tinalikuran. “No, thanks! Kaya kong bumabang mag-isa. Saka ikaw naman ang may bitbit ng gamit ko. Ako, itong camera lang.”
“Basta mag-ingat ka sa pagbaba. Medyo madulas ngayon,” babala nito.
“Oo!” aniya. Sa kabilang banda ng terraces ay may napansin siyang nagliliparang mga paru-paro. May mga bulaklak din. Maganda iyong kunan na ang background ay rice terraces.
“Saan ka pupunta?” tanong ni Rui.
“Doon!” turo niya sa mga bulaklak. “Kukunan ko!” Nagmamadali niyang pinuntahan ang mga bulaklak. Nakasunod naman sa kanya si Rui. “Diyan ka na lang!” utos niya. “Babalik naman ako agad.”
Matapos makunan ang mga bulaklak ay napagdesisyunan niyang umiba ng daan. Para shortcut at doon na lang niya sa bandang baba ng terraces sasalubungin si Rui. Marami pa kasi siyang makukunang picture sa bandang iyon.
“Huwag ka diyan dumaan!” utos ni Rui. “Bumalik ka sa dinaanan mo kanina.”
“Ayoko nga! Dito na ako para mas mabilis,” giit niya.
Nasa gitna na siya ng isang pilapil nang maramdaman niyang lumulubog iyon. Sinubukan niyang bilisan ang paglakad para maabot niya ang dulo ng pilapil malapit sa dapat ay dadaanan nila ni Rui pero pinangunahan na siya ng takot. Lalo na nang halos one-third na ng suwelas ng rubber shoes niya ang lumulubog.
Kinawayan niya si Rui. “Rui!” sigaw niya dito. “Lumulubog ako!”
Tumapat ito sa pilapil niya. “Bilisan mong maglakad. Lalo kang lulubog kung tatayo ka lang diyan.”
“Natatakot nga ako.” Naalala niya nang muntik na siyang malaglag sa ilog nang manggaling sila ni Charity sa Bokong Falls nang abutan sila ng ulan. May kataasan pa mandin ang lalaglagan niya kung sakali.
“Kaya mo iyan,” anito at inunat ang kamay.
“Puntahan mo ako dito!” aniya at nagpapadyak.
Bumuntong-hininga ito at ibinaba ang mga gamit na bitbit. Saka dahan-dahang tumulay ng pilapil papunta sa kanya. Hinawakan agad nito ang kamay niya. “Lumakad ka na. Hindi naman kita bibitawan,” sabi nito.
“Buhatin mo ako,” hirit niya dahil hindi na niya maigalaw ang paa.
“Hindi pwede,” angal nito. “Pareho tayong lulubog. Aalalayan na lang kitang tumulay. Kung natatakot ka na malaglag ka, sa akin ka na lang tumingin. Sige, humakbang ka.”
Huminga siya nang malalim saka ihinakbang ang paa. Bawat sabi nitong humakbang siya ay sinusunod niya. Parang nanghihipnotismo ang mga mata nito. Or maybe it was the warmth of his hand.
“Pwede ka nang huminga nang normal. Nandito na tayo.”
Napakurap siya mula sa pagkakatitig sa mukha nito. Saka niya na-realize na nakatawid siya sa tulong nito. “Yehey!” parang bata niyang sabi
. “Nagawa kong makatawid nang hindi lumulublob sa pilapil.”
Sa sobrang tuwa ay niyakap niya ito. He smells so fresh. Tulad ng hangin sa paligid. It somehow made her feel relaxed while her heart was beating wildly.
Nang tingnan niya si Rui ay nakakunot ang noo nito.
Parang hindi nito nagustuhan ang pagkakayakap niya dito. Mabilis siyang humiwalay dito. Maya-maya ay humagalpak ito ng tawa. Unang beses niya itong narinig na tumawa.
Ipinapasok niya ang camera sa bag. Ibinaba niya ang bag sa pilapil at hinarap ito. “Anong nakakatawa?” nakapamaywang niyang tanong.
“Ikaw,” anito at tinalikuran na siya habang patuloy pa rin sa pagtawa. “Akala ko kasi matapang ka. Iyon pala, lumulubog lang na pilapil ang katapat mo.”
“Ang yabang mo naman!” inis niyang sabi.
“Sinabihan na kitang huwag dumaan doon. May shortcut ka pang nalalaman. Ayaw mo pala ng tulong ko pero gusto mo pang magpabuhat sa akin.”
“Ako naman ang katapat mo!”Hindi ito nakahuma nang itulak niya sa putikan. Now it was her turn to laugh out loud. Hindi maipinta ang mukha nito habang pilit na umaahon sa bukid na puno ng tubig bilang paghahanda sa pagtatanim.
“Anong itinatawa-tawa mo diyan?”
“Ikaw!” aniya at itinuro ito. “Minsan ka lang kasi ngingiti sa tanang buhay mo, ako pa ang pagtatawanan mo. Buti nga sa iyo.”
“Wala kang karapatang magtawa,” sabi nito at hinila ang paa niya.
Napatili siya nang bumagsak din siya sa putikan. Mas lumakas at mas nakakainsulto pa ang tawa nito ngayon kaysa sa kanina. “Now we are even.”
“Yeah! Pwede na tayong mag-extra sa pelikula ng taong putik,” nakangisi niyang sabi. Hindi na niya magawang magalit dito dahil pareho naman silang naputikan. “Kunin ko kaya ang camera ko at kunan kita ng picture.”
“Don’t you even dare!” babala nito.
Hindi man kasing-romantic ng date nina Jet at Charity ang pagsasama nila ni Rui dahil pareho silang naglublob sa putikan, hindi iyon naging boring. He was not Ru
i of the Dark Night anymore. He was Smiling Rui now.
“SINABI ko sa iyo na ingatan mo si Jem. Pero anong ginagawa mo? Naligo kayo sa putikan. Para kayong mga bata. Kung kailan ka tumanda, saka ka pa nagkaganyan, Ruizito,” narinig ni Jemarra na sermon ni Lola Inez kay Rui. Katatapos lang niyang maligo noon dahil puro sila putik nang manggaling sila sa terraces. Mabuti na lang at may dala siyang pamalit na damit. Idinala niya iyon sakaling mawalan na naman sila ng susi at magtiis na naman siyang mamaluktot sa lamig.
“Lola, hindi ko po kasalanan iyon. Siya po ang nagtulak sa akin sa putikan matapos ko siyang tulungan,” depensa ni Rui sa sarili.
“At hinila mo naman ang paa ko,” singit niya. “Maligo ka na, Rui Putik. Dahil hindi ka ganoon ka-cute kapag puro putik ka.” Pinauna kasi siya nitong maligo. Bukod pa sa inulan muna ito ng sermon ni Lola Inez.
Nang-iinis itong ngumisi. “Sino kaya ang takot sa lumulubog na pilapil at nagpapabuhat pa sa akin?” pahabol nito at pumasok sa banyo.
Namula siya nang ipapaalala nito ang ginawa niya. Kung nasa matino lang siyang pag-iisip, hinding-hindi niya gagawin iyon. Pinagkatuwaan nito ang takot niya.
“Magpainit ka muna,” sabi ni Lola Inez at hinainan siya ng kape at tinapay.
“Salamat po,” sabi niya at humigop ng kape. “Masarap po talaga ang kape ninyo. Bibili ako ng coffee beans nito kahit na hindi ako mahilig sa kape.”
“Ako ang dapat magpasalamat sa iyo, hija. Napangiti mo ang apo ko.”
“Ako po?” gulat niyang sabi at natigil sa pag-ihip sa mainit na kape.
“Alam mo bang ngayon ko lang siya nakitang ngumiti ulit?” anito at nilagyan ng asukal ang sariling kape. “Hindi naman dating masungit ang apo ko. Masayahin siya tulad ng ordinaryong bata. Pero noong magbinatilyo siya, nagpakasal ang Mommy niya at pumunta ng Amerika. Iniwan na siya dito sa akin. Naging malu-lungkutin na siya Rui. Nagseselos kasi sa kanya ang stepfather niya dahil kamukha niya ang nasirang Daddy niya.”
“Ganoon po ba? Kaya rin po ba siya mailap sa mga babae?” Nagka-girlfriend na kaya si Rui. O hindi ito nanliligaw dahil sa tampo nito sa sariling ina?
“Nagka-girlfriend siya noong college siya. Pero nang nagtatrabaho na siya ay ipinagpalit naman siya ng babae sa mas mayaman at boss pa niya sa kompanya. Sa sama ng loob niya, umuwi siya sa Sagada at nagtayo na lang ng shop. Nang kumita ang shop niya dito ay nagtayo rin siya sa Bontoc at Banaue.”
“Paano po ang pangarap niya na maging sikat sa IT world?” tanong niya.
Huminga ito nang malalim at hinalo ang kape. “Hindi na niya itinuloy. Kinalimutan na niya ang mangarap, ang ngumiti at ang magmahal. Wala na siyang interes sa mga babae. Lagi niyang sinusupladuhan. Kaya tuloy nahihiya ang mga babaeng lumapit sa kanya. Ayokong tumandang-binata ang apo ko. Gusto kong ibalik ang saya niya. Kaya nang makita ko siyang ngumiti dahil sa iyo, umaasa ako na ikaw ang sagot sa dasal ko.”
Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit masyado itong mailap. Ni hindi makangiti. Dalawang babae ang minahal nito. Una ay ang sariling ina na pumunta ng Amerika at ipinagpalit ito sa bagong asawa. Pagkatapos ay ang girlfriend nito na ipinagpalit naman ito ibang lalaki. At tiyak na takot na rin itong magmahal dahil baka iwan lang ulit ito ng babaeng mamahalin nito.
Ginagap niya ang kamay nito. “Pasensiya na po, Lola. Dalawang araw na lang po ang itatagal ko dito. Ayoko po kayong paasahin.”
“Sayang nga,” anito at malungkot na ngumiti. “Ikaw sana ang napipisil ko para sa kanya. Kung magtatagal ka lang, magkakasundo kayo.”
“Makakahanap pa po siya ng babae na magpapangiti sa kanya. Kahit paano po may pag-asa na kayo na babalik siya sa dati,” pagbibigay niya ng lakas-loob dito.
“La, ibinebenta na naman ninyo ako?” tanong ni Rui. Bagong ligo ito at nakapagbihis na rin. Mas guwapo talaga ito ngayon dahil preskong tingnan. Kung mai-in love siya dito, pagtitiisan niya ang kasungitan nito.
“H-Hindi, apo,” kaila ni Lola Inez pero halata namang guilty. “Uminom ka muna ng kape bago mo ihatid si Jem.”
“Ihahatid ko na po siya ngayon, Lola. Kailangan ako sa shop. Saka para po makapagpahinga na rin siya,” katwiran naman ni Rui.
“Sige po, Lola. Salamat po sa tulong ninyo,” sabi niya.
“Babalik ka bukas, Jem!” pahabol ni Lola Inez.