“Tumitingin po ako,” inosenteng sagot ni Shandie at nakangiti pang inayos ang bonnet nang sumulyap sa salamin. “Ano po ang problema?”
“Mag-ingat ka sa pagtingin sa salamin,” sabi ni Manang Berta at ibinalik ang takip ng puting tela sa antique na salamin. “Dahil hindi mo alam kung ano ang maari mong makita.”
“Katulad po ng mga multo?” tanong ni Shandie.
“Tama na iyan!” saway niya dito at hinila ito sa kamay. “Kumain na lang tayo para makapamasyal na rin tayo.”
“Mabuti pa nga,” anang si Manang Berta at muling bumalik ang ngiti sa labi.
Kumakain sila ng bibingka sa dining hall. Halos gawa sa kahoy ang bahay at muwebles. Pero name-maintain pa rin. “Manang Berta, gaano na po kaluma ang mga gamit dito?” tanong niya.
“Naku! Iyong karamihan ay galing pa sa mga ninuno ni Don Emilio. Noong panahon pa daw ng Kastila at Amerikano. Ibinilin lang sa akin ni Doña Regina na I-maintain sila dahil matitibay daw ang mga iyan.”
“Bakit naman po bawal tumingin sa salamin samantalang ginawa nga po ang salamin para makita ko ang kagandahan ko?” usisa ni Shandie.
“Kayo talagang mga kabataan,” anang si Manang Berta at pumalatak.
“Bakit po?” tanong ni Shandie.
“Ang sabi ng lola ko, kapag humarap ka daw sa salamin nang may dalang kandila at may sinabi kang orasyon sa hatinggabi ng unang araw ng Mayo, makikita mo daw ang lalaking pakakasalan mo,” kwento ni Manang Berta.
“Wow! Exciting iyan! Ano po ang orasyon?” tanong ni Shandie.
Ipinagpatuloy na lang niya ang pagkain at hindi pinansin ang pangunglit ni Shandie. Kalokohan! Napanood na kasi niya ang eksenang iyon sa pelikula. Tungkol sa babaeng tumingin sa salamin kapag hatinggabi nang may hawak na salamin. Sa halip na ang ideal man nito ay isang lalaki na nagmula noong unang panahon na na-trap ang kaluluwa sa salamin ang naroon. Ang lalaking isinumpa ng isang mangkukulam. At mawawala lang ang sumpa sa halik ng pag-ibig. Sino ba ang mai-in love sa lalaking galing sa unang panahon?
“Paano po kung hindi ko makita ang lalaking pakakasalan ko?”
Namutla si Manang Berta. “Kung ganoon ay kahabagan ka nawa ng langit.”
“Bakit po?” tanong ni Shandie na hulog na hulog ang loob sa istorya.
“Dahil baka makita mo ang demonyo.”
Natulala si Shandie at nabitiwan ang hawak na kutsara. Natawa siya sa itsura nito at kinalabit ito. “Hoy! Huwag mong sabihing natatakot ka sa demonyo? E mas terror nga iyong boss mo, di mo kinatakutan.”
“Ano ba? Totoong demonyo ang pinag-uusapan dito,” sabi ni Shandie at niyakap ang sarili. “Nakakatakot naman!”
“Mas nakakatakot pa sa demonyo ang mga nakakaharap natin sa araw-araw. Sa dami ng snatcher, magnanakaw, bastos at mga corrupt na buwaya sa gobyerno, ano pa ba ang katatakutan mo sa panahong ito,” nakaismid niyang sabi. Bukod pa sa wala siyang hilig sa mga kababalaghan.
“Wala ka nga namang dapat ikatakot, Shandie,” sabi ni Manang Berta na bahagyang ngumiti. “Iba na ang henerasyon ngayon. Hindi na kayo naniniwalang mga kabataan sa mga kababalaghan. Isa pa, istorya lang naman iyon ng lola ko. Kahit ako nga ay hindi na naniniwala doon. Sa tanda ko na kasing ito, hindi pa rin naman ako naniniwala sa mga multo. Sumusunod lang ako sa mga pamahiin at lumang paniniwala dahil iyon na ang nakasanayan ko.”
“Pero naaaliw po ako sa kwento ninyo,” sabi niya. Nahihiya siya dahil baka nasaktan niya ang damdamin nito. “Nai-kwento nga po sa akin ni Fawna na kayo ang madalas nilang puntahan kapag gusto nilang magpa-kwento ni KC.”
“Ang dalawang iyon. Masyado na silang malalaki para makinig pa sa kwento ko. Pero sa palagay ko mahahabol ko pa ang magiging mga anak nila.”
“Ako po, Manang Berta,” singit ni Shandie. “Gusto ko pong malaman ang tungkol sa orasyon na sasabihin sa harap ng salamin. Ano po ang sasabihin ko?”
“Shandie!” saway niya dito. Akala niya ay tumigil na ito.
“Bakit ba? Gusto ko lang namang malaman kung sino ang pakakasalan ko.”
“Hintayin mo na lang na dumating ang lalaking nakatakda para sa iyo,” sabi ni Manang Berta at tinapik ito sa balikat. “Kaysa demonyo ang makita mo.”
MALAMIG ang gabi. Pagod na si Evaine sa kapapasyal pero hindi pa rin siya dinadalaw ng antok. Weird. Pero kahit ang libro na hawak niya ay hindi makatulong sa kanya para antukin. Samantalang dati ay tulog na siya ilang pahina pa lang ang nababasa niya. Pasado alas onse na pero dilat na dilat pa rin ang mata niya. Parang tulog na ang buong Sagada at siya na lang ang hindi pa.
“Ahhh!!!” pasigaw na angil ni Shandie at bumalikwas ng bangon.
Napasulyap siya dito at natigil sa pagbabasa ng libro. Kanina pa ito pabiling-biling sa higaan. “Hindi ka rin makatulog?”
Tumango ito. “Oo. Nakaka-torture talaga.”
“Ang alin? Don’t tell me namamahay ka?”
“Hindi. Hindi ko alam kung sino kina Robbie at Louie ang pipiliin ko.” Sinabunutan niya ang sarili. “Please help me decide.”
“Anong please help me decide? Kakikilala mo pa lang sa kanila kanina.”
Si Robbie ay isang Swedish na nakilala nito sa tourist information center. Habang si Louie ay Filipino na nakilala nito habang kumakain sila ng hapunan sa Yogurt House. She couldn’t believe that she would take their flirting seriously.
“Basta! Feeling ko isa sa kanila ang destiny ko.” Dumapa ito sa kama at nangalumbaba na parang nangangarap. “Okay lang ba na tumira sa Sweden? O mas cute kung Filipino ang magiging ama ng anak ko. Cute naman si Louie.”
“Doon ka sa magtitiyaga at talagang magmamahal sa iyo.”
“Well, I have my own standard. He must be thirty to thirty five years old. May stable job at guwapo, siyempre. Iyon nga lang, kailan pa ba may magtitiyaga sa akin? Paano kung pakawalan ko si Mr. Right dahil nainip siya sa akin? What if I pick the wrong man dahil si Mr. Wrong lang ang nagtitiis sa akin?”
“Kung pakakawalan mo si Mr. Right, babalik siya kung siya ang right guy for you. At kung si Mr. Wrong lang ang magtitiis sa iyo, kawawa ka naman.”
“Ikaw, bakit ka nagtiis kay KC kahit na siya si Mr. Wrong?”
“May sinabi ba ako na siya ang maling lalaki para sa akin?” tanong niya.
“Well, if he is Mr. Right, you shouldn’t have let him go.”
“Siya pa rin ang Mr. Right para sa akin. I still love him. But I have to let him go because I am not his Miss Right. He doesn’t love me.”
“Hindi rin siya si Mr. Right kung ganoon. Why still pin on him?”
“Because I can’t tell my heart to stop loving him. My heart is beyond my control,” paliwanag niya dito. Kung kaya lang niyang kontrolin ang puso, noon pa sana niya kinalimutan si KC.
“Oo nga, no?” anito at napaisip. “Pero mas mahirap ang sitwasyon ko. Hindi ko alam kung sino ang lamang sa puso ko. I am in love with the two of them.”
Natawa siya. “Ang drama mo! Torn between two lovers?”
“Jeez! I don’t want to commit a mistake. Hindi pwedeng pareho ko silang piliin. I am not a playgirl. Kaya dapat kong malaman kung sino ang tamang lalaki para sa akin, hindi ba?”
“You’ll eventually feel it. Just feel!”
Umupo ito sa kama. “Ayoko nang ganoon. I can’t trust my feelings right now. Gusto ko iyong sigurado. Wala bang manghuhula sa tabi-tabi?”
Gusto na niya itong batuhin ng libro dahil mukhang seryosong-seryoso ito. “Stop it, Shandie!” saway niya dito. “Be patient. Kung isa sa kanila ang destiny mo, kailangan mo lang maghintay.”
Humalukipkip ito at lalong sumingkit ang mata. “I can’t wait! Basta, kailangan kong malaman kung sino sa kanila ngayundin! Dahil hindi ako makakatulog.”
“Bahala ka sa buhay mo!” aniya at binalikan ang binabasang libro.
Pero hindi na siya makapag-concentrate sa pagsusulat dahil naka-lotus seat ito at nakapikit habang mahinang nagha-hum. Parang isa itong Buddhist monk na nagme-meditate sa gitna ng kabundukan.
“Shandie, what the hell are you doing?”
“I’m thinking!” anito at nagpatuloy sa pag-hum.
“It won’t work. Stop it! Pati ako naliligalig sa iyo.”
“Shhh!” saway nito sa kanya. “Malapit na akong ma-enlighten.”
“May sapi ka yata,” mahina niyang usal.
Biglang dumilat ang mata ni Shandie. “Alam ko na!” bulalas nito.
“Ano iyon?” kinakabahan niyang tanong. She was expecting that she would float on air and roll her head.
Bumaba ito sa kama. “Alam ko na kung paano malalaman ang destiny ko.”
“Paano? Itatanong mo sa buwan?”
She smiled sheepishly. “No. I will ask the mirror.”
“Mirror?”
“The one at the sala. Iyong antique. Hindi ba sinabi ni Manang Berta na malalaman ko kung sino ang lalaking pakakasalan ko kapag itinanong ko sa salamin? At ito ang tamang oras para doon. It is May Day Eve!”
“Naku! Luka-luka ka talaga.” Nangangati na ang kamay niya na sabunutan ito. May bagong kalokohan na naman itong naisip.
Naghalughog ito sa side pocket ng bag nito at inilabas ang posporo at kandila na dala in case mag-brownout. “Samahan mo ako sa baba,” yaya nito.
“Ayoko nga, no?” aniya at humiga. “I don’t have time for your lunacy.”
“Natatakot ka na makakita ng multo, no?”
“I don’t believe in things that has no scientific explanation. At hindi na ako bata para matakot sa mga multo-multo. They don’t exist.”
“Or maybe, you are afraid to see the devil,” anito at ginawang nakakatakot ang boses. “Hahaha! Takot ka sa devil.”
“Hindi nga totoo iyon!”
Hinila siya nito. “Kung hindi ka natatakot, samahan mo ako. After all, hindi ka naman naniniwala, hindi ba?”
“Matutulog na lang ako.”
“Sige na. Samahan mo na ako. Para kapag nakakita ako ng devil, dalawa tayong kukunin. Natatakot akong mag-isa.”
“Kita mo. Takot ka naman pala tapos gusto mo pa rin.”
“Di ka naman naniniwala sa devil, di ba? Ano ang dapat mong ikatakot?”
“Wala. Pero wala rin akong oras na dapat aksayahin sa ganyan.”
“Ayaw mo bang makita ang destiny mo?”
“Wala akong destiny,” malamig niyang sagot. Alam na niya ang nakatadhana sa kanya. Kapag di niya nakalimutan si KC, di na niya kayang magmahal pa ulit.
“Consider it as a game. Pampalipas-oras kaysa nakatunganga lang tayo dito. Di ka naman makatulog, di ba?” Nang di pa rin siya tuminag ay nag-iba ang tono nito. “Gusto ko lang namang makita ang destiny ko. Sige ka, iiyak ako dito kapag hindi mo ako sinamahan,” anito at nagsimula nang magpatulo ng luha.
“Oo na. Sasamahan na kita!” aniya bago pa ito pumalahaw ng iyak. Ayaw niyang eskandaluhin ang Sagada dahil sa iyak nito. At sa huli, baka siya pa ang lumabas na mali dahil di niya ito pinagbigyan.
“Thank you!” anito at hinalikan siya sa pisngi. “Here is your candle.”
“Kung di lang kita friend.”
Maingat silang naglakad sa madilim na hallway. Wala naman sigurong harm sa gagawin nito. After all, walang makakakita kung magmukha man silang tanga. Silang dalawa na lang naman ang tao.
Bubuksan sana niya ang switch ng ilaw sa hallway nang pigilan siya nito. “Huwag. Baka masira ang diskarte natin kapag bukas ang ilaw.”
Hinayaan na lang niya ito. May bahagyang liwanag sa sala dahil sa sinag mula sa buwan. Tampok ang salamin sa salang iyon. Dahan-dahan silang lumapit dahil sa sobrang tahimik, parang kaunting kaluskos lang ay magigising na sina Manang Berta. Malamig ang hangin. Kahit summer pa ay nagbabadya na ang papasok na tag-ulan. Ilang minuto na lang kasi ay Mayo na.
Maingat nitong inalis ang takip ng salamin at sinindihan naman niya ang kandila. “Now what? Do we have to wait for twelve o’clock midnight?”
“Hindi na siguro. Pwede na rin iyan,” atat na atat nitong sabi at may inilabas na papel. “Ito ang orasyong sasabihin natin.”
Inagaw niya ang papel mula dito. “Ito na iyon?” Kunwa’y pumikit siya. “Salamin, salamin sa dilim. Ipakita sa akin kung sino ang pinakamagandang babae sa buong kaharian!” aniya at mahinang humalakhak na parang wicked stepmother ni Snow White na nakaharap sa magic mirror.
“Akin na nga iyan! Kainis ka!” anito at inagaw ang papel sa kanya. Binasa nito ang orasyong nasa papel habang hawak ang kandila sa kabilang kamay. “Salamin, salamin, sabihin mo sa akin kung sinong lalaki ang nararapat sa akin.”
Nakadilat ang isang kamay niya habang tatlong beses nitong sinasabi ang orasyon. Pagkatapos niyon ay dumilat ito. “Wala naman, ah!” sabi niya nang repleksiyon pa rin nila ang makita sa salamin.
“May nakasulat pa sa baba, o!” aniya at itinuro ang iba pang nakasulat sa papel. “English version. Baka hindi nakaka-intindi ng Tagalog ang destiny mo. Malay mo foreigner.”
Ngumisi ito. “Oo nga, no? Iyon naman ang sasabihin ko.” Pumikit siya agad bago pa bumulanghit ng tawa. Seryosong-seryoso kasi ito sa ginagawa. “Mirror, mirror, show to me whose woman I will be.”
Pagdilat nito ay biglang umihip ang nakakapangilabot na lamig ng hangin. Pagkatapos ay isang malakas na kalampag ang narinig nila.