Skylander Series Chapter 59

Mukha namang mababait ang mga kamag-anak at kaibigan ni KC. Pero naiilang siya sa tingin na ibinibigay ng mga ito. Hindi niya inaasahan na pupunta sa bahay ng pinsan nitong si Sapphire. Matagumpay kasi ang ginanap na exhibit nito at ang asawa nitong si Arthur sa Amerika.

“Siya na ba ang girlfriend mo?” tanong ni Jet, kaibigan ni KC.

Inakbayan siya ni KC. “Bagay kami, hindi ba?”

Tiningala niya ito at matalim na tiningnan. Nananamantala na kasi ito.

“Alam mo bang matagal na hindi nadalaw sa amin si KC?” tanong ni Rohann na kapatid ni Jet. “Sabi kasi niya, hindi daw siya pupunta dito hangga’t hindi pa niya maipapakilala sa amin ang babaeng pakakasalan niya.”

“Hindi ako iyon,” mabilis niyang tanggi. “At hindi niya ako idinala dito. Kusa akong nagpunta dito para magbakasyon.”

“Coincidence lang kaya ang pagsasama ninyo dito o destiny?” tukso ni Jemarra. Kilala niya ito dahil kapatid ito ni Jenna, ang paborito niyang fashion designer. Nakapag-asawa ito ng isang taga-Sagada, si Rui. “Sabi nga sa akin ni Jenna, madalas kang magpagawa ng damit sa kanya para kay KC.”

Umugong ang tuksuhan. Pilit siyang ngumiti habang malapad naman ang ngiti ni KC. Hinigpitan pa nito ang pagkakayakap sa kanya. “Nagba-blush na tuloy ang sweetheart ko. Huwag na ninyong masyadong tuksuhin.”

“Alam na namin ang love story ninyo,” sabi ni Sapphire. “Mabuti napagtiisan mo ang pinsan ko.”

“Actually, hindi niya ako girlfriend. Matagal ko na siyang pinagsawaan. Ubos na ang pasensiya ko sa kanya,” nakangiti niyang sabi pero seryoso ang boses niya.

Nawala ang ngiti ng karamihan. “Mukhang may lover’s quarrel yata kayo,” komento ni Rui. “Ano na namang kalokohan ang ginawa mo, KC?”

“Nagpapakabait na nga ako,” depensa agad nito.

“Kiss and make up,” suggestion ni James, ang bunsong kapatid ni Sapphire. “Hindi masaya na mag-away dito sa Sagada. Dapat laging masaya.”

“Nice suggestion,” nakangising sabi ni KC at dahan-dahang inilapit ang mukha sa kanya. Talagang hahalikan siya nito sa harap ng maraming tao. No way! Baka himatayin na lang siyang bigla.

Iniamba niya ang kamao. “Subukan mo lang. Lagot ka sa akin.”

“Sa noo lang ako hahalik,” anito at kinintalan siya ng halik sa noo. Saka ito kumaway sa mga bisita. “Pasensiya na. Nahihiya ang sweetheart ko.”

“Kumain na muna kayo,” yaya ni Arthur, ang asawa ni Sapphire na isang sikat na clay sculptor. “I am glad that you are here, Evaine. Tiyak ko na mag-e-enjoy ka dito. Masarap din magpakasal dito? Dito na rin kayo magpakasal ni KC. Maraming magandang venue dito para sa wedding.”

Napalunok siya. “He doesn’t really want to marry me,” matapat niyang sabi. Ayaw niyang lokohin ang malalapit na kamag-anak at kaibigan ni KC. They have to know the real score. KC didn’t really love her.

Ginagap ni KC ang kamay niya. “We don’t have plans to get married yet,” pagtatama nito. “We are not in a hurry. Pareho pa naman kaming bata.”

“Sana seryoso ka na kay Evaine. I like her,” sabi ni Sapphire at niyakap siya. “Welcome to the family, dear.”

Hindi niya alam kung dapat siyang magpasalamat o patuloy na itanggi na may relasyon sila ni KC. Mukha namang walang nakikinig. Sabagay, balwarte iyon ni KC. At kahit ano pang deny ang gawin niya, wala siyang magagawa dahil si KC ang pinaniniwalaan ng mga ito. Lalo na’t kilala siya ng mga pinsan ni KC na sina Sapphire at James. Alam ng mga ito kung paano niya habul-habulin si KC noon. Na kulang na lang ay halikan niya ang lupang nilalakaran nito.

Nahuli niya si KC na nakangisi sa kanya at nag-thumbs up. Tuwang-tuwa ito dahil tiyak na kakalat sa buong Sagada na boyfriend niya ito. Paano pa siya makakaiwas dito? It would be harder for her to ignore him.

“You’ll pay for this,” she said through gritted teeth. Hindi lang siya ang niloko nito kundi maging mga kaibigan at kamag-anak nito. How dare him!

“Sure, sweetheart,” malambing nitong sabi at kinintalan siya ng halik sa labi.

TAHIMIK lang na nakikinig sa pagkakantahan ng mga kalalakihan si Evaine habang nakaupo sa isang pine tree bench sa gilid ng garden ng bahay nila Sapphire. Malapit iyon sa isang cliff kung saan tanaw ang buong bayan ng Sagada. Sa di kalayuan naman ay si Shandie na kausap ang isa sa mga kaibigan ni KC. Gusto lang niyang samantalahin ang katahimikan. Para makapag-isip siya habang wala si KC.

Lumapit sa kanya ang isang batang babae. Sa palagay niya ay nasa apat o limang taong gulang ito. “Hi! Kayo po ba ang girlfriend ni Tito KC?”

“No, I am just his friend,” sagot niya. Pati ba naman sa mga batang paslit ay hindi siya makakalusot sa intriga? “What is your name?”

“I am Ayeka.” Humaba ang nguso nito. “Pero sabi niya kanina love ka niya. Narinig ko siya na kausap si Tito James at Tita Sapphire.”

“You shouldn’t listen to older people’s conversation. And besides, masyado ka pang bata para malaman ang mga bagay na iyan.”

“But I am smart,” taas-noo nitong sagot.

Hinaplos niya ang buhok nito. “Smart girl, wait ‘til you grow up to understand things. Hindi pa madaling I-explain ang mga bagay na iyan sa ngayon.”

“Stop treating me like a kid. May nanliligaw na nga sa akin sa school. I want to be like Cinderalla and Sleeping Beauty. I want to have a prince. I love fairy tales. Do you like fairy tales?”

Naalala niya ang sarili niya sa edad nito. She dreamt about being a princess and KC as her prince. Hanggang nitong nakakaraan, nabuhay siya sa ganoong ilusyon hanggang matuklasan niyang bangungot lang ang lahat. She was the Sleeping Beauty who would never be awakened by a prince.

“I don’t really like fairy tales. I prefer horror stories.”

Nanlaki ang mata nito. “Wow! Pwede po bang kwentuhan ninyo kami ng mga kaibigan ko?” Umandar din ang pagiging bata nito. Na mahilig sa mga kababalaghan at katatakutan.

“Sure,” aniya. Bigla, parang mas gusto niyang kausap ang mga batang paslit.

Tinawag ni Ayeka ang mga kalaro nito. Mukhang kaklase nito ang ilan at ang dalawang maliliit na bata ay pinsan nito. Kinandong niya si Heaven, mahigit isang taong gulang at pinakabata sa lahat.

“Kayo po ba si Lola Basyang?” tanong ni Arnold, kaklase ni Ayeka.

“Do I look old to you?” tanong niya. Mukha ba siyang lola?

“Not very old,” sagot ni Ayeka. “But you are still old.”

“But you are pretty,” bawi ng isa sa mga bata doon.

“Thank you.”

“Ano pong story ang iku-kwento ninyo? Nakakatakot ba talaga?” tanong ni Arnold na kanina pa excited.

“It is about the devil in the mirror.”

“Oh!” sabay-sabay na usal ng mga ito kasabay ng panlalaki ng mga mata. Natahimik ang mga ito at nakinig sa kwento niya.

MAHIMBING na natutulog ang mga bata sa pagod sa pakikipag-kwentuhan sa kanya at pakikipaglaro. Hinalikan niya isa-isa ang mga ito at iniwan sa silid. Nangako siya sa mga ito na makikipag-kwentuhan sa ibang araw. Pupunta daw ang mga ito sa Lizardo Farm para dalawin siya.

Pababa siya sa hagdan nang makasalubong niya si KC. “Kanina pa kita hinahanap. Saan ka ba nanggaling?”

“Nakipaglaro at nakipagtakutan ako sa mga bata. They are lovely,” aniya at nilingon ang kuwarto kung saan mahimbing na natutulog ang mga ito.

“Hindi ko alam na mahilig ka sa mga bata.”

“I don’t know that myself. Hanggang maka-kwentuhan ko na lang sila at nag-enjoy sila na kasama ako, saka ko lang na-realize na enjoy din ako na kasama sila.”

“Do you want to have kids of your own?”

Tumango siya at naunang bumaba ng hagdan. “Someday.”

“Ilan?” tanong nito.

“Isang babae at isang lalaki.”

Pangarap niya na magkaroon ng mga anak kapag kasal na sila ni KC. Dalawang bata na kukuha ng features sa kanilang dalawa. She would love to teach them a lot of things, comfort them when they cry and kiss them when they were wounded. Gusto pa rin niyang magkaroon ng anak kahit na mukhang malabo.

“Gusto ko sana ng isang dosena dahil dalawa lang kaming magkapatid ni Fawna,” sabi nito. “Pwede bang tig-isang dosenang babae at lalaki na lang ang maging anak natin?”

Mahina siyang natawa nang biglang matigilan. Nawala ang ngiti sa labi niyang nilingon ito. “KC, hindi na ako umaasa na mangyayari pa iyon. Dati, iyan ang pangarap ko. Pero ngayon, ayoko nang isipin.”

Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. “I am pretty sure that you will be my children’s mother. I could see my future children in your eyes.”

His eyes enthralled her. He was about to kiss her when she stepped back. Dahil kung papayag na naman siyang mahulog dito, tiyak na makakalimutan na naman niya ang sarili niya. “Why do you have to do this, KC?”

“What?” nagtatakang tanong nito.

“Bakit kung kailan ako nagkakaroon ng plano sa sarili ko, saka ka naman dumating para guluhin iyon?” Lalong bumibigat ang dibdib niya.

“I won’t stop you if you have plans for yourself. Iyon naman ang sinabi ko, hindi ba? Gusto kong magkaroon ka ng pangarap para sa sarili mo lang. Pero gusto ko ring malaman mo na may mga plano ako para sa sa ating dalawa.”

Umupo siya sa hagdan. “Weird. I used to do all the planning and dreaming for us before. Sinasabi ko lagi sa iyo kung ano ang gusto kong wedding, kung saan ko gustong mag-honeymoon at kung saan ko gustong tumira. I kept on planning but you didn’t seem to care. Hanggang pinili ko na lang na isuko ang lahat ng iyon, kasama ka na. It was not easy to start from scratch. Nabuhay na ako sa pangangarap na makasama ka mula pagkabata ko. But I am trying so hard to live without you, KC. Kung kailan kita isinuko, bakit ngayon mo pa ako hinabol?”

“You are special to me, Evaine. But I used to see you as a little girl. Ni hindi ko napansin na lumaki ka na. I thought you are always there for me. Hanggang sumuko ka na nga sa akin. Saka ko naisip na hindi kita masyadong napahalagahan. Well, I told myself that I wouldn’t let you go. And I would really love to go after you and chase you,” anito at ngumiti.

Tumalim ang mata niya at tumayo. “So that’s it. Hindi mo ako napapansin dati dahil lagi akong nagpapapansin. You love the chasing and I am just a challenge to you. Kung hindi kita sinukuan, I don’t think hahabulin mo ako.”

Nagulat ito sa naibulalas niya. “No, Evaine! I love you. Kaya kita sinundan dito dahil mahal kita. Bakit naman naisip mo na challenge ka lang sa akin?”

“Because you love the challenge I provide but not me,” naghihinanakit niyang sabi at padabog na bumaba ng hagdan.

Wala siyang kwenta noong siya pa ang naghahabol. Most men love to be challenged and they don’t take easy women seriously. At tulad ni KC, mas gusto nitong paghirapan ang isang bagay bago makuha. And that was what she was. An object that was worthy to be obtained.

“Aw, Evaine!” anito at hinabol siya. “Ano na naman ba ang pumasok sa isip mo? Since you told me that you want to live on your own, everything I say was a lie. Lahat na lang ng gawin ko may hidden motive. Hindi ka na nakikinig sa akin. Don’t do this to me. I love you!”

“Shut up, KC. Before I hate you more,” aniya at nagtungo kina Sapphire at Arthur para magpaalam na babalik na sa farm. Tahimik lang na sumunod sa kanya si KC pero hindi na ito kasing sweet tulad kanina.

She was mad big time and he knew it. She still loved him but she would never forgive him for treating her like a prize.

DI MAKATULOG si Evaine. Pabiling-biling siya sa higaan habang mahimbing si Shandie sa kabilang kama. Gusto niyang sabihan si Shandie na mag-empake pero ayaw niyang sirain ang masayang bakasyon nito. Dalawang taon itong walang pahinga sa katatrabaho. Karapatan nitong magpahinga. Ang problema lang ang hindi niya matagalan si KC. Sa inis niya ay hindi siya sumabay maghapunan dito dahil ayaw niya itong kausapin. And he wore that pathetic look on his face. Nagpapaawa sa kanya. As if maaawa siya dito. Mas nakakaawa siya sa kanilang dalawa.

Nakikipag-debate siya sa sarili kung magbibilang ng tupa hanggang makatulog nang makatanggap siya ng text message. Noong una, naisip niya na baka isa iyon sa mga kaibigan niya sa Manila. Pero iba ang mensahe doon.

I know you can’t sleep. I am waiting for you downstairs – The Devil

Nagsalubong ang kilay niya. Ano na naman ang kalokohang pumasok sa isip ni KC? It was almost midnight. Bababa ba siya? Bumangon siya sa kama at isinuot ang robe. Walang mangyayari kung magtatanong lang siya sa sarili. Gusto rin naman niyang malaman kung ano ang gusto nito. At kapag ginalit na naman siya nito, ora mismo ay mag-eempake siya at lalayasan ito.

Hindi siya nag-abalang buksan pa ang ilaw sa hallway nang bumaba siya. Maliwanag ang buwan na sumisinag sa dadaanan niya. Madilim ang sala habang bumababa siya sa hagdan. Mukhang wala naman ang kumag na iyon, isip-isip niya. Sabi na nga ba’t pinaglololoko na naman ako noon.

Pabalik na ulit siya sa kuwarto nang marinig niyang may tumawag sa kanya. “Evaine, I’m here,” naulinigan niyang sabi ni KC.

Nilingon niya ito at nakatayo ito sa baba ng hagdan. “Ano ba ang kailangan mo sa akin at pinabangon mo ako nang hatinggabi?”

Umakyat ito at lumapit sa kanya. “I just want us to talk. Gusto kong mag-apologize tungkol sa argument natin kanina. Will you accept my regret for hurting you again?” tanong nito at inabot ang puting rosas sa kanya.

Magkasalubong ang kilay niya iyong tiningnan. “Inaamin mo ba sa akin na guilty ka nga? Na challenge lang ang tingin mo sa akin?”

“Iyon nga ang gusto kong ipaliwanag.”

“Don’t bother,” aniya at kinuha ang rosas mula dito. “I will accept this rose but not your explanation.” Lalo lang siyang maiinis sa mga palusot nito.

“Kung ayaw mong magpaliwanag ako, makipagsayaw ka na lang sa akin,” anito at inilahad ang kamay sa kanya.

“Bakit ka naman makikipagsayaw sa akin?”

“Mas mabuti iyon kaysa makikipagtalo ka. I want this evening to be romantic. Hindi mo ba ako mapagbibigyan?”

“Ano ang mangyayari sa akin kapag hindi ako nakipagsayaw sa iyo?”

Ngumisi ito at binuhat siya. “I am the devil and I don’t accept ‘no’.”

Gusto niyang magpumiglas para ibaba siya nito. Pero naalala niyang nasa hagdan sila. Baka malaglag sila kapag nanlaban siya. Kaya iniyakap na lang niya ang kamay sa leeg nito. “Paano tayo sasayaw nang walang tugtog?” tanong niya nang dahan-dahan siyang ibaba sa sahig.

Kinabig siya nito at ihinilig ang ulo niya sa dibdib nito. “Close your eyes and just listen to the song of the night,” bulong nito sa kanya.

Sumunod siya sa utos nito. Habang nakapikit ang mata niya ay narinig niya ang mabining pagaspas ng hangin at ang awitan ng mga hayop na panggabi. And she could also hear the faint beat of his heart. Ano ba ang laman ng puso nito? Kung malalaman lang sana niya, hindi siya masyadong masasaktan.

“I love you,” mahina nitong usal. “Iyon lang ang gusto kong sabihin.”

Pinigilan ng daliri niya ang labi nito. “Shhh… Don’t say that word. It would just ruin this night. Don’t say it if you don’t mean it. Let’s just dance.”

Hindi na ito nagsalita pa. Sa halip ay mahigpit siyang niyakap. Maya maya ay tumigil sila sa pagsasayaw at inangkin nito ang labi niya. She valued the silence. Mas mabuti iyon kahit di nito sabihin na mahal siya nito. Subalit isang bagay lang ang natitiyak niya nang mga oras na iyon. Mahal niya ito at handa niyang tanggapin ang buhay na kasama ito kahit hindi siya nito mahal.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.