“Bye, kids! Dadalawin ulit ninyo ako!” Kumaway si Evaine sa papalayong van na kinalulunanan ng mga batang kanina lang ay kalaro niya.
“Bye, Tita Evaine! Babalik po kami!” sabi ng mga ito at wala ring patid ang pagkaway sa kanya. Kanina ay nagmistulang day care center ang Lizardo Farm. Dinalaw kasi siya ng mga bata. Nagsilbing day off iyon ng mga magulang ng batang makukulit. Maghapon siyang nakipag-kwentuhan at nakipaglaro sa mga ito.
Malapad ang ngiti ni KC nang akbayan siya. “Hay, salamat! Wala na rin ang mga asungot.”
“Anong asungot? Hindi ka ba nag-e-enjoy na may mga bata dito? Wala ka bang hilig sa mga bata? Paano ka hihingi ng isang dosenang anak?”
Napakamot ito sa ulo. “Wala namang problema sa akin ang mga bata. Iyon nga lang, nakakaabala sila sa bakasyon natin.”
“Minsan ko lang naman sila makakasama. Ngayon nga lang ako nakipaglaro sa kanila. Pati ba naman iyon ipagseselos mo?”
“Dapat magke-caving tayo ngayon. Hindi natuloy dahil sa kanila,” nanghahaba ang ngusong sabi nito. “Sa susunod talaga, hindi na ako papayag na magtagal sila dito nang maghapon.”
Kinurot niya ito sa pisngi. “Dapat masanay ka na na may kasama akong mga bata. Lalo na ang mga kasing-edad nila na makukulit.”
Ngumisi ito at niyakap siya. “Ikaw, ha? May plano ka na agad,” makahulugan nitong sabi. “Magpo-propose ka ulit ng kasal sa akin?”
Tinaasan niya ito ng kilay. “Sino ang may sabi sa iyo na gusto kong magpakasal sa iyo? I want to take up Education.”
“Education? Bakit bigla mo namang naisipan?”
Umupo siya sa wooden swing sa porch. “Because I love to teach children. Gusto ko, ako mismo ang huhubog sa kanila habang mga bata pa sila. Ngayon ko lang na-realize na gusto kong maging preschool teacher nang makasama ko sila.”
Maybe her maternal instinct was triggered. Pero higit pa doon, bigla rin siyang nagkaroon ng pangarap para sa sarili niya. Na hindi niya naisip dati dahil lahat ng gusto niyang gawin ay naka-focus kay KC. She took up Mass Communication and worked in Public Relations Office just to be with him.
Tinabihan siya ni KC sa swing. “Hindi kaya maaga kang tumanda sa pag-intindi sa mga tulad nila? You saw Mikylla’s daughter, Ayeka. Maraming tanong. Kung ako siguro ang makakasama niya, tiyak na matutuyuan ako ng utak.”
“But it is my dream to teach children like them, KC. I would really love to satisfy their curiosity and answer their questions. Come on, this is the first dream I ever had for myself.” Hinaplos niya ang pisngi nito. “Aren’t you happy for me?”
Ginagap nito ang kamay niyang nasa pisngi nito. “I am. Ako mismo ang nagsabi sa iyo na hanapin mo ang sarili mo. Build dreams for yourself and I will support you. Pero natatakot ako. Paano kung tuluyan na akong hindi makasama sa mga pangarap mo?”
Noon lang niya narinig na natakot ito. Parang hindi ito ang KC na matagal na niyang kilala, who was so sure of his self and who didn’t care about the world. Natatakot ba talaga ito kung mawawala ito sa buhay niya?
“You are still a part of my dream, KC.”
“Anong klaseng pangarap naman iyon?”
“I see you as the father of my children,” mahina niyang amin. “I tried to change them. Pero hindi pala ganoon kadali. Hindi madaling kalimutan ang isang taong mahal mo at basta-basta na lang itapon ang lahat ng pangarap mo.”
“You still love me? Kahit na sinaktan kita? Sabi na nga ba,” puno ng kompiyansang sabi nito at niyakap siya. “Alam ko naman na mahal mo pa rin ako. Medyo nagpapakipot ka lang.”
“Yabang mo talaga!” anito at kinurot ito. “Dapat yata hindi ako umamin. Kasi lalaki na naman ang ulo mo.”
Ginagap nito ang dalawang kamay niya at hinalikan iyon. There was pure happiness in his eyes when he looked at her. “Sino ba naman ang hindi magmamalaki? How could you love a stupid man like me? I must admit, hindi ko nalaman kung gaano ka ka-importante sa akin mula nang mawala ka. Nasanay ako nang nandiyan ka sa tabi ko at nagmamahal sa akin. Hindi ko naisip na maaring mapagod ka. Ayoko nang maulit iyon. Hindi ako papayag na mawala ka pa sa akin. Please don’t leave me, Evaine.”
It was so unusual for him to beg. Naninibago siya. Na parang anumang oras niya gustuhin ay iiwan niya ito. Leaving him was the hardest thing she did.
“I won’t leave you until you tell me,” pangako niya dito. “I want to experience all the best that life can offer. I want to be with my family and friends and work on my newly found dream. And I want to be with you. I just want you to understand me and accept me as me. And in return, I will love and take care of you.”
“So do I. I love you,” she uttered as he looked straight into her eyes. Then his lips claimed hers.
She had forbidden him to use that word. Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya nagawang tumutol pa. It was so perfect at that moment. And she didn’t care a bit whether he meant it or not. But she was wishing that it came from his heart.
Naputol ang halik nito nang mag-ring ang cellphone niya. Madilim ang anyong inilayo ni KC ang mukha sa kanya. “Sino ba ang istorbong iyan?” may bahid ng iritasyon nitong tanong.
“Sandali lang,” pabulong niyang sabi at sinagot ang tawag. “Hello, Shandie.”
“Sunduin mo na ako dito. Hindi talaga ako pwedeng maging artist. Hindi ako makabuo kahit na isang palayok,” anito sa mangiyak-ngiyak na boses. “Pinagta-tawanan na ako dito ng mga mas bata pa sa akin.”
“Sige, ipapasundo na kita kay KC.”
“Ano daw ang kailangan ng babaeng iyon?” nakapamaywang na tanong ni KC. Parang gusto na nitong kumain ng tao nang mga oras na iyon.
“Sabi ni Shandie sunduin na daw siya.”
Humalukipkip ito. “Ayoko nga. Istorbo siya.”
Iniyakap niya ang kamay sa leeg nito. “Sunduin mo na siya, please. Kapag nainis si Shandie, hindi iyon makakatulog hanggang hatinggabi. At tiyak na magtatanong siya kapag basta na lang ako bumaba sa sala mamaya. Baka sumama pa iyon sa akin. Gusto mo ba iyon?”
Nasanay na silang magkita sa sala tuwing hatinggabi. Wala silang ginawa kundi magkwentuhan. Kung minsan, masaya na silang panoorin ang madilim na langit. It was so simple yet she really valued it. It was better than flowers and expensive gifts he used to give her. Dahil parang bahagi ng sarili nito ang ibinigay nito sa kanya. Mas marami rin siyang nalaman tungkol dito. Di tulad noon na hindi niya alam kung ano ang talagang iniisip nito. Nabalewala ang lahat ng paghihintay at hinanakit niya dito noong wala itong panahon sa kanya.
“Parang gusto kitang dalhin sa isang lugar kung saan walang istorbo sa ating dalawa. Para lagi kitang masosolo,” akmang lalapit na naman ang mukha nito nang mag-ring ulit ang cellphone niya.
“Si Shandie ulit iyon. Sunduin mo na kasi.”
“Humanda sa akin ang babaeng iyon. Lagi siyang wrong timing. Kapag bumalik ako nang hindi siya kasama, malamang naihulog ko na siya sa bangin,” nanggigigil nitong sabi at padabog na sumakay ng kotse.
NAKAUPO sa rocking chair sa front porch si Evaine habang nagbabasa ng libro tungkol sa Sagada. Nasa Banaue si KC dahil may pictorial ito doon. Dapat ay naka-bakasyon pa ito. Pero pumayag ito sa photo shoot dahil malapit lang naman ang location. Gusto sana siya nitong isama pero tumanggi siya. Gusto kasi niyang masanay nang hindi nakabuntot at nakasunod sa lahat ng kilos nito.
Samantalang sina Manang Berta at Shandie naman ay nagpunta sa palengke para mamili ng para sa pagkain nila sa araw na iyon. Sabado at market day ng Sagada kaya madami daw mabibili doon.
“Good morning,” anang isang babae na parang nag-aalangang tumuloy.
“Yes?” aniya at ibinaba ang binabasa. Simple lang ang ganda ng babae. Nang ngitian siya nito ay gumaan ang loob niya dito. Mababait naman ang mga taga-Sagada at magiliw ang mga ito lalo na sa mga bisita.
“Nandiyan ba si Kristoffer?” tanong nito.
“Si KC? Wala siya dito. May pictorial siya sa Banaue.”
Lumungkot ang anyo nito. “Ganoon ba? Kailan siya babalik?”
“Tomorrow morning. Doon na siya magpapalipas ng gabi dahil delikadong magbiyahe. Tumuloy ka muna,” yaya niya.
“H-Hindi na. Gusto ko lang ibigay sa kanya itong iniluto ko,” anito at parang nagdadalawang-isip pa kung ibibigay sa kanya ang nasa kaserola. “Paborito kasi niya ang tinolang manok.”
“Ganoon ba? Paborito ko rin ito!” excited niyang sabi nang malanghap ang mabangong amoy ng ulam. Lahat kasi ng paborito ni KC ay naging paborito na rin niya. “Pumasok ka muna. Wala akong kasama dahil namalengke si Manang Berta. Nasa farm naman ang asawa niya. Mamaya pa sila babalik. Samahan mo naman akong mag-miryenda. May lemon pie pa sa ref.”
“Salamat,” anito at tumuloy sa loob.
“How stupid of me. Ni hindi ko man lang itinanong ang pangalan mo.”
“I am Alicia.”
“Nice meeting you, Alicia. I am Evaine. Isa ka siguro sa mga kaibigan ni KC dito. Bakit ngayon lang yata kita nakita?” tanong niya habang isinasalin ang tinola sa malaking mangkok.
“Sa Baguio kasi ako nagtatrabaho. Dumadalaw lang ako dito every weekend. Actually, schoolmate ko si KC noong nasa college kami,” kwento nito.
Bumakas ang pagtataka sa anyo niya nang kunin ang lemon pie sa ref. “Alicia? Bakit hindi ka yata niya naipakilala sa akin? Halos naman lahat ng kaibigan niya noong college kakilala ko.”
“Magkaiba kami ng course. Saka baka hindi lang natitiyempuhan na maipakilala tayo sa isa’t isa,” anito at bahagyang ngumiti nang ihain niya ang pie.
“Actually, bakasyon namin ito. Pero may sumingit na trabaho. But I am sure he would be glad to see you. Nasa Sanctuary kami tomorrow night. Sana pumunta ka,” yaya niya dito. Napansin kasi niya na parang naiilang ito na kausapin siya. Baka likas lang dito ang pagiging mahiyain.
“Susubukan ko.” Tumayo ito at halos di nabawasan ang kinain. “Kailangan ko nang umalis. May aayusin pa ako sa souvenir shop.”
“Alin ang souvenir shop mo?”
“The one near Sagada Guesthouse. Magkita na lang tayo bukas.”
“I’ll expect you tomorrow,” aniya at ihinatid ito sa labas. “At kapag napunta ako sa may Poblacion, dadalaw ako sa souvenir shop mo.”
Tumango lang ito. Napansin nga niya na mas lumamig pa ang tingin nito sa kanya. As if she didn’t like her. Baka naman nami-misinterpret lang niya ito. After all, noon lang sila nagkita at wala siyang ginagawang masama dito.
“Dumaan si Alicia dito?” anang si Manang Berta pagdating mula sa palengke. Nagpaiwan daw si Shandie sa palengke dahil marami pa itong gustong bilhin. Sasala na sa oras ng tanghalian kung di pa uuwi si Manang Berta.
“Opo. Nagdala pa nga po siya ng tinola para kay KC. Matagal na po siguro silang magkaibigan kaya hanggang ngayon naalala pa rin niya ang paborito ni KC, ‘no?” aniya at tinulungan ito sa pagbibitbit.
“Oo naman. Di ba’t si Alicia pa nga ang unang nobya ni KC?”
“Po?” bulalas niya at muntik nang maibagsak ang mga dala-dala.
“Ay, naku!” anang si Manang Berta at mabilis na natutop ang bibig. “Ang daldal ko talaga. Akala ko naman kasi ay alam mo. Sabi mo kasi sa akin alam mo ang lahat ng tungkol kay KC. Akala ko nabanggit niya sa iyo.”
“Wala po siyang nasabi sa akin,” mahina niyang usal. Ang kilala lang niya ay ang mga babaeng napa-publish sa diyaryo kasama ni KC.
Hinaplos ni Manang Berta ang balikat niya. “Kalimutan mo na ang sinabi ko. Matagal na iyon. Mga bata pa silang dalawa. Huwag ka sanang magagalit kay Alicia. Mabait naman siyang bata. Wala na silang relasyon ni KC.”
“Mahal po ba siya ni KC?” tanong niya.
“Ikaw na bata ka. Kung anu-ano pa ang iniisip mo. Ikaw na ang pakakasalan ni KC. Ibig sabihin, ikaw na ang mahal niya. Huwag mo nang intindihin kung ano ang nangyari sa nakaraan nila.”
“Bakit po pala sila naghiwalay?” tanong niya.
Ngumiti si Manang Berta. “Ang alam ko, dahil sa iyo. Dahil siguro ikaw talaga ang mahal ni KC. Kaya wala ka nang dapat ipag-alala. Bahagi lang ng nakaraan niya si Alicia. Hindi na siya banta pa sa inyo.”
Pilit niyang pinagaan ang loob at ngumiti. “Tama po kayo, Manang Berta. Wala nga po siguro akong dapat na ipag-alala.”
Sana nga ay tama ang iniisip niya. Na magkaibigan lang ang turingan ng dalawa. Pero hindi maalis ang kaba niya tuwing maalala niya ang lungkot at bahid ng galit sa mga mata ni Alicia. Wala na nga ba itong nararamdaman kay KC?
“ALIN ba dito ang mas bagay sa akin?” tanong ni Shandie na hindi alam kung ano ang bibilhin. Kung ang turquoise necklace o ang dream catcher. Ilang araw na lang kasi ang itatagal nila sa Sagada. Kaya ngayon pa lang ay namimili na ito ng pasalubong para sa mga kaibigan at souvenir.
“Pareho mo na lang bilhin,” animo’y wala sa sarili niyang sabi.
Nasa kina KC at Alicia ang isip niya. Nang dumating sila ni KC sa music longue ay naroon na ang dalaga. Gusto sana niyang manatili sa tabi ni KC pero kinulit siya ni Shandie na mamili ng mga accessories sa art gallery.
Huminga siya nang malalim. Matagal nang hiwalay ang dalawa. Siguro ay noong college pa ang mga iyon. That was years ago. Siya ang pinili ni KC. Si Alicia ay bahagi lang ng nakaraan nito. Ano ang dapat niyang ikatakot?
“Ano ang maganda sa tatlo?” nakangiting tanong ni Shandie at itinuro sa kanya ang iba’t ibang ethnic earrings na nasa dingding.
“Bahala ka nang mamili. May pupuntahan lang ako,” aniya at lumabas ng art gallery. Dali-dali siyang tumuloy sa music longue na nasa baba lang niyon.
Inikot niya ang paningin subalit hindi niya makita sinuman kina KC o Alicia. Nagsisimula na siyang mag-alala. Gusto sana niyang magtanong subalit mukhang nag-e-enjoy ang mga kaibigan ni KC. Nahihiya siyang mang-abala.
Tinungo niya ang terrace. Subalit hindi niya magawang humakbang nang makitang magkayakap sina KC at Alicia. Nakatalikod si KC sa kanya kaya hindi siya nito nakita. Subalit nagsalubong ang mga mata nila ni Alicia. Ngiti lang tagumpay.
Hindi niya magawang huminga at mabilis na isinara ang pinto. Matagal na sandali siyang hindi nakagalaw sa kinatatayuan. Walang epekto ang magandang etnikong musika na tinutugtog ng banda. Ni hindi niya napapansin ang pagkakasiyahan ng ibang mga tao. All she cared about was her own personal hell.