“Pasensiya ka na sa Lola ko,” sabi ni Rui habang naglalakad sila papunta sa resthouse. “Lagi na lang niya akong ipine-pair sa lahat ng babaeng makilala niya.”
“She doesn’t mean any harm,” depensa naman ni Jemarra kay Lola Inez. “Mahal ka lang talaga niya. Mag-asawa ka na kasi para hindi ka niya kulitin.”
Ganoon naman talaga ang mga lola o maging mga magulang. Gusto nang mag-asawa ang mga anak o apo para lumagay sa tahimik. Dahil kaligayahan na lang ng mga ito na makitang makapag-asawa ang mga pinalaki nito.
“Bakit mo naman naisip na pag-aasawa nga ang makakabuti sa akin? Naranasan mo na bang ma-in love? Nagka-boyfriend ka na ba?” tanong nito sa kanya na may halong paghamon.
Umiling siya. “Hindi pa ako nai-in love at hindi pa ako nagkaka-boyfriend.”
Itinuon nito sa dinadaanan nila ang tingin. “Hindi dahil nasa isang relasyon ang isang tao, magiging masaya na siya. Hindi dahil gusto ni Lola na mag-asawa ako at doon siya sasaya ay susundin ko na iyon.”
“Dahil ba sa naging girlfriend mo dati?” may kahinaan niyang tanong habang tinatantiya ang mood nito. Baka mamaya ay magalit ito dahil sa pagtatanong niya tungkol sa mapait nitong nakaraan.
Bahagyang kumunot ang noo nito. “Sabi na nga ba’t nai-kwento na sa iyo ni Lola ang buhay ko.”
“Sorry, hindi ko sinasadyang ungkatin. Pero malungkot kasi si Lola Inez kapag nakikitang malungkot ka.”
Lalong naging seryoso ang anyo nito. “I prefer to be alone.”
“Do you really want to be alone all your life?” tanong niya at sinulyapan ito. “Dahil ba ayaw mo nang masaktan?”
“I’d rather be alone. Hindi dahil ayokong masaktan. Kundi natatakot ako na kapag nasaktan ako, mas masasaktan ang lola ko. Kung ako lang, kaya ko ang sakit. Pero kung si Lola, baka hindi na niya kayanin. Ayoko nang dagdagan pa ang problema niya,” paliwanag nito.
May katwiran naman ito. Gusto lang nitong protektahan ang mga taong nagmamahal dito. “Paano kung dumating si Miss Right?”
Umangat ang gilid ng labi nito. Na parang isang kahibangan ang sinabi niya. “Is there such a thing as Miss or Mr. Right? Naniniwala ka doon?”
“Yup!” Naniniwala siya na ang bawat isang tao ay may nakatalaga na kaparehas nito sa buhay. Na ang taong iyon ang magpapasaya dito. Kaya kahit akala ng iba ay wala siyang balak na mag-asawa, iyon ay dahil hindi pa siya nakakadama ng atraksiyon sa kahit sinong lalaking nakilala niya.
Napapalatak ito. “Tatanda kang dalaga sa kahihintay mo kay Mr. Right. Para kang batang paslit na naghihintay ng Prince Charming.”
“Okay. So hindi ka naniniwala kay Miss Right. Pero naniniwala ba sa true love?” nang-iintriga niyang tanong. “If you fall in love again, will you stop yourself and let her pass by or will you take the chance?”
Matagal niyang hinintay ang sagot nito. Ngunit tuwid lang ang tingin nito na parang walang kasama. At parang wala itong narinig. Hindi naman mahina ang pagkakatanong niya. She was pretty sure that he heard her.
“Rui?” untag niya dito.
Nilingon siya nito. “May sinasabi ka ba?” tanong nito na parang hindi naman interesado sa kung anumang hindi nito narinig kanina. Hindi niya alam kung talagang wala itong narinig o ayaw lang sagutin ang tanong niya.
“Wala,” usal niya at nagpatuloy sa paglalakad. Ayaw niyang magtanong pa ulit dahil ayaw niyang magtalo sila. Ngayon pang nagkakasundo na sila.
Rui will be a beautiful dark night if there will be stars in his life. Sana lang ay matagpuan nito ang babaeng magpapaliwanag sa buhay nito. He definitely needed it. Kung magtatagal lang sana siya sa lugar na iyon at magkakakilala pa silang mabuti, baka siya pa mismo ang magprisinta na bumura sa dilim ng buhay nito. Mukha namang hindi ito mahirap na mahalin. Ang problema, wala itong balak na magmahal pang muli.
“NASAAN si Charity?” tanong ni Jet kay Jemarra habang nakaupo siya sa lounging chair sa terrace. Hapon na noon at pinagmamasdan niya ang bumababang ulap. Gusto kasi niyang ma-capture iyon sa camera.
“She was inside her room. Napagod siguro sa tour ninyong dalawa,” sabi niya. Hindi na niya nabanggit na medyo malungkot at tulala si Charity. Ayaw kasi niya itong tanungin dahil mukhang wala itong balak na sumagot. Maybe she will explain it to her in due time.
“Kumusta naman ang research mo?”
“Marami akong nakuhang impormasyon dahil maraming alam si Rui. Saka napaka-accommodating mga tao dito. Except na lang siguro sa incident na nalaglag kami sa pilapil ni Rui.” Bumulanghit siya ng tawa. “Nakakahiya talagang ikwento.” Natigilan siya nang mapansing nakatitig ito sa kanya. “Bakit ganyan ka makatingin?”
“Kamukha mo talaga siya?” anitong humalukipkip at tinitigan siya.
Nagsalubong ang kilay niya. “Sino?”
“Si Sapphire.”
“Ex-girlfriend mo? Tantanan mo ako!” babala niya. Ayaw niyang magkaroon sila ng gap ni Charity dahil lang doon.
“No. Pinsan ko siya. Nasa New York siya. Akala ko nga umuwi siya nang makita kita. Dapat nga tatanungin ko kung ano ang ginagawa mo dito sa Sagada.”
Natawa siya dahil nakahinga na siya nang maluwag. “Akala ko, ex-girlfriend mo. Dahil kapag nagkataon, tutuktukan kita.”
“Walang malisya ang tingin ko sa iyo.”
“Dapat lang.” Nagseryoso siya at pinagmasdan ito. “Forgive me if I will be brutally frank to you. Pero gusto ko lang malinaw. How you feel about Charity?”
Noong una ay nagulat ito. Subalit pagkatapos ay tiningnan siya nito nang direkta sa mga mata. “I like her.”
“Like? Tulad natin? As friends?”
Tigas ang iling nito. “No. I like her more than a friend does. I couldn’t even take my off her the first time I saw her.”
Muntik na siyang magtatalon sa tuwa para sa kaibigan. “You mean you like her, too?” hindi makapaniwala niyang tanong.
“Too?”
Nakagat niya ang labi dahil hindi sinasadya niyang nasabi ang totoong nararamdaman dito ng kaibigan. “Never mind. Basta maging pasensiyoso ka. Alam mo naman na hindi maganda ang break up nila ng ex niya. Make sure you won’t make her cry. Or else…”
“Or else what?” agap nitong nang mahimigan ang babala niya.
“You wouldn’t want to know what I did to Victor, her ex.” And Jet seemed so nice. Kaibigan na rin ang turing niya dito. Ayaw niyang makaaway ito.
Ngumisi ito. “Hindi ko na aalamin.”
Itinaas niya ang kamay. “You promise that you will make Charity happy?”
“I promise,” anito at sa halip na sumumpa ay nakipag-apir sa kanya. Nagtatawanan sila nang bigla itong matigilan. “Si Rui iyon, hindi ba?”
“Nasaan?” tanong agad niya at hinagilap ng paningin si Rui. Nakita niya itong galing sa souvenir shop at baka papunta na sa computer shop nito. Sumampa siya sa baba ng balustre ng terrace at kinawayan ito. “Rui!” sigaw niya. “Andito ako! Rui!”
Tiningala siya nito. Ngunit sa halip na ngitian siya nito ay isang malamig na tingin ang ibinigay nito sa kanya. Saka ito nagpatuloy sa paglalakad patungo sa shop nito at hindi na siya nilingon pa.
Nagugulan niyang ibinaba ang kamay at umupo sa lounging chair. “Ano ang problema ni Rui?” tanong niya kay Jet. Nagtataka siya dahil kanina lang magkasama sila ay mukhang okay naman ang mood nito. Nginitian pa nga siya nang mag-thank you siya. Hindi niya ito maintindihan. Daig pa ang bagyo sa pagpapalit ng mood.
“Parang hindi ka na nasanay kay Rui. Ganyan naman talaga iyan.”
No. Hindi iyon ang Rui na nakasama niya kanina. Ang nagtawa sa kanya nang hindi siya makatawid sa lumulubog na pilapil. What is wrong with him? Ano ang nangyari dito at bumalik na naman ito sa dati? O hindi na talaga ito magbabago?
ISANG malaking palaisipan para kay Jemarra ang inasal ni Rui. Bumalik na naman ito sa pagiging suplado. Idagdag pa ang kakaibang asal ni Charity sa kanya. Hindi niya alam kung anong espiritu ang pumasok dito at ayaw siyang kausapin. Hindi tuloy siya makapagtrabaho nang maayos.
Nagulantang siya nang may marring siyang sumigaw. Kasunod niyon ay ang biglang pagbukas ng pinto at pumasok si Charity na umiiyak. “Anong nangyari sa iyo? Bakit ka umiiyak?” tanong niya nang daluhan ito.
Pinunasan nito ang luha. “Wala. Natalisod lang ako sa hagdan ay tumama ang alulod ko. Masakit kaya ako napaiyak.”
Tinitigan niya itong mabuti dahil diskumpiyado siya sa sagot nito. Dahil kung totoong tumama ang paa nito sa hagdan, malamang hanggang ngayon ay nakikipagsipaan pa ito sa hagdan. “Narinig ko ang boses ni Jet…”
“Damn him!” anitong lalong napaiyak. “Akala ko iba siya kay Victor. Pare-pareho lang pala silang manloloko. God! Bakit ko ba naisipan pang makipaglapit sa isang iyon? Wala na talaga akong kadala-dala.”
“Charity...”
“Pagkatapos siyang ipahiya ng Antonette na iyon nang sampalin siya sa harap ng maraming tao at pigilan siya sa kanyang pangarap na maging sundalo, babalikan pa niya ngayon uli ang bruhang iyon. How stupid can he get?”
Si Antonette marahil ang ex-girlfriend ni Jet. At hindi nito sinabi sa kanya ang ginawa ng babae. Kahit gusto niyang magdeklara ng giyera sa babaeng nanakit dito, hindi niya iyon pwedeng gawin ngayon. Kailangan niyang unahin ang kaibigan.
“Huwag kang magsalita ng ganyan. For all we know, hindi siya nakikipag-balikan sa ex niya,” pagpapakalma niya dito.
“Paano mo nasabi iyan? Nakita ko sila…”
“He told me.”
Magpapaliwanag pa siya dito nang putulin nito ang sasabihin niya. “Right. Malapit nga pala kayo sa isa’t isa.”
Nagsalubong ang kilay niya dahil niya gusto ang tono nito. Hinarangan niya ito nang tangka itong lalabas ng kuwarto. “Nagseselos ka ba sa akin dahil iniisip mong may relasyon kami ni Jet?”
“Wala kayong relasyon ni Jet dahil alam kong si Rui ang gusto mo. Bakit ako magseselos sa iyo?”
“I don’t know. Bakit hindi ikaw ang magsabi sa akin?” hamon niya.
“You’re right. I am jealous of you because Jet...” Huminga ito nang malalim “Never mind. I’m sorry, Je. Hindi ko dapat ibunton sa iyo ang sama ng loob ko.”
“Nagseselos ka dahil iniisip mong may gusto sa akin si Jet?” Hinila niya ang buhok nito. “Paano magkakagusto sa akin iyon e may iba na siyang ma…I mean, nariyan ka naman.”
“Jet likes you,” giit nito.
“Yes, but only because I look like his cousin who is now staying in New York. Nami-miss na raw niya iyon kaya lagi kaming magkausap.” Tinalikuran na lang niya ito dahil ayaw niyang I-reveal ang sekreto ni Jet dito. “Mabuti pa, kayong dalawa ni Jet ang mag-usap.”
“Paano ko gagawin iyon kung nasa kandungan siya ngayon ng ibang babae?”
“Kumprontahin mo si Jet,” payo niya. Iyon na ang pagkakataon ni Jet para sabihin dito ang katotohanan. “Alamin mo kung ano talaga ang score sa pagitan ninyo at kung bakit nasa eksena ngayon ang ex niyang iyon.” Gusto na niya itong kutusan nang umiling ito. Isa rin itong matigas ang ulo. “Kaya nagkakagiyera sa mundo, eh. Dahil ayaw mag-usap ng dalawang panig. Alalahanin mo, babalik na tayo ng Maynila. Gusto mo bang umuwing luhaan?”
“Ayoko sana. Kaya lang...”
“No more ‘buts’, Chari. Remember, ikaw ang unang nagpasya na hindi mo na pipigilan ang sarili mong gawin ang mga bagay na gusto mong gawin dahil baka mawala sa mga kamay mo ang isang magandang opportunity. Kung ngayon mo babawiin ang ipinangako mong iyon nang dumating tayo rito, you will lose the most important thing that could ever happen to you.”
Nang hindi ito makapagsalita habang nakasalampak sa sahig at malalim na nag-iisip, saka niya naisip si Rui. He might lose the most important thing that could happen to him if he didn’t take the risk of falling in love again.
Yes, she likes Rui. Hindi naman niya igigiit ang sarili niya dito dahil hindi pa ganoon kalalim ang nararamdaman niya. Pero sana dumating din ang tamang babae para dito. He deserves to be happy even if he keeps on claiming that he won’t fall in love again. Sabagay, sa gulo ba naman ng lovelife ng kaibigan niya ngayon, parang napaka-komplikado ngang ma-in love. Sakit na sa ulo, sakit pa sa puso.
“AYOKO na!!!” gigil na sabi ni Jemarra at frustrated na ini-off ang laptop. Kanina pa may sira na hindi niya maintindihan. Sinasabayan ang topak niya. Mula umaga ay masama na ang mood niya. Hindi si Rui ang sumama sa kanya sa iba pang mga tourist spots sa Sagada kundi isang professional tourist guide na kababata ni Rui. Hindi naman sa ayaw niya sa company ng tourist guide na si Andrew. Pero nami-miss niya ang company ni Rui. Ang pagsusuplado at pagsusungit nito. Hindi katulad ni Andrew na laging sweet at nakangiti sa kanya. She hated that.
Dumungaw siya sa bintana at nakita si Rui na pumasok sa computer shop nito at may bitbit na mug ng kape. Marahil ay galing ito sa kusina ng guesthouse para magkape. Hindi na sila nag-usap nito mula kahapon. Halatang iniiwasan siya. Hindi siguro masama kung magpapaalam siya dito dahil paalis na sila kinabukasan.
Dumampot siya ng diskette sa case at isinuot ang parka niya. Para may dahilan siya na pumunta sa internet shop nito at hindi siya itaboy nito. “Good evening!” nakangiti niyang bati nang lumapit sa counter. Nakaupo si Rui sa computer server habang katabi naman nito si Paul. “Hi, Rui! Mag-iinternet ako. May ii-email akong files sa Manila,” aniya at itinaas ang diskette.
Walang katingin-tingin sa kanya si Rui nang tumayo at tinapik sa balikat si Paul. “Ikaw na ang bahala dito. Huwag kang magbibigay ng discount.”
Napaawang ang labi niya. “Anong sabi mo, Ruizito?”
Subalit ni hindi nito pinansin ang pagtawag niya sa first name nito at lumabas ito ng café na parang wala siya doon. Na parang ikamamatay nito kapag nakita siya.
Sinundan niya ito sa paglabas ng café. “Iniiwasan mo ba ako, Rui?”
“Bakit naman kita iiwasan? Pupunta lang ako sa guesthouse para kumuha ng kape. Iniiwasan na ba kita noon?”
“Puno pa ng kape ang mug mo,” puna niya. Subalit nagpatuloy lang ito sa paglakad at hindi siya pinansin. Namaywang siya. “What the hell is your problem?”
“I hate tenacious females who are trying to change my life.”
Nanlaki ang mata niya. “I am not trying to change your life! Minsan ko lang naman nai-open ang topic tungkol sa buhay mo. I am not trying to change you. Ano ba ang kinatatakutan mo sa akin, Rui?”
Nagkibit-balikat ito. “Wala. Kaya pumasok ka na sa loob kung talagang mag-I-Internet ka. Si Paul na ang aasikaso sa iyo.”
“I am leaving tomorrow, Rui. And I don’t really give a damn if you spend your whole life alone. Pero sana isipin mo si Lola Inez…”
Matiim siya nitong pinagmasdan. “Are you going to lecture me again?”
Natigilan siya. “No. I came here to say goodbye. And thank you for your hospitality,” aniya at tinalikuran ito.
Bakit pa siya umaasa na may mababago sa relasyon nila hanggang sa huling pagkakataon? That maybe they can maintain even friendship, at least. But he let her slip away. He doesn’t want her company. He doesn’t want her friendship. He doesn’t want her. Hindi na niya kailangan pang ipagsiksikan ang sarili niya dito.
He wanted to stay in his world of dark lonely nights. So be it.