Tahimik si Evaine habang nag-e-enjoy sa pagsasayaw ng etnikong musika ang mga kasama niya. Maging si Shandie ay nakikisali sa mga ito. Pero wala siya sa mood para makisaya. Di kalayuan sa kanya ang table ni Alicia. Hindi nakakaligtas sa kanya ang malagkit nitong tingin kay KC at ang naghahamong tingin sa kanya.
“Excuse me,” sabi niya kay KC nang hindi makatiis at tumayo.
“Saan ka pupunta, sweetheart?” tanong nito.
“Magpapahangin lang ako sa labas.”
Tumayo rin ito. “Sasamahan na kita.”
“Dito ka lang. Babalik din naman ako agad,” aniya at bahagyang ngumiti. He wouldn’t even know that it was a fake smile because the light was dim.
Huminga agad siya nang malalim nang tumama ang malamig na hangin sa kanyang mukha. Walang tao doon kaya hindi niya kailangang magkunwari na masaya siya. Maya maya ay may narinig siyang yabag sa likuran niya. Nang lumingon siya ay si Alicia ang nandoon.
“Anong kailangan mo sa amin ni KC?” direkta niyang tanong.
“Do I have to stretch the obvious?” walang halong guilt na sabi nito.
“Gusto mo siyang agawin sa akin? Gusto mong bumalik siya sa iyo?”
“What a melodrama!” anito at inikot ang mga mata. Parang hindi na ito ang mahinhin at mabait na babae na una niyang nakita. “Paano ko aagawin ang isang taong simula pa lang ay hindi na sa iyo? Nag-iilusyon ka pa rin ba hanggang ngayon na mamahalin ka niya? Sunod ka pa rin nang sunod sa kanya.”
Nagsalubong ang kilay niya. “Ako ang sinundan niya dito. Ang totoo, ako ang gustong lumayo sa kanya. Matagal na akong tapos mag-ilusyon, Alicia. It was KC who wanted to take me back. Hindi ko na kailangan pang mag-ilusyon dahil alam kong mahal niya ako,” matapang niyang sabi habang pilit na tinatatagan ang sarili. Ayaw niyang alalahanin na magkayakap ang dalawa kanina. Kailangang maniwala siya kay KC. Na totoong mahal siya nito. Na siya ang pinili nito.
“I see. Si Kristoffer mismo ang ayaw na lumayo sa iyo. Hanggang ngayon pala ay nakatali pa rin siya sa kasunduan ng mga magulang ninyo.”
Nagulat siya kung paano nito nalaman ang tungkol doon. “Paano mong nalaman ang tungkol doon?” Kahit nga sa mga kaibigan niya ay hindi niya sinasabi ang tungkol doon.
“Kristoffer told me. Ako ang babaeng mahal niya kaya wala siyang inilihim sa akin. Pero hindi niya maipagtapat sa magulang niya ang tungkol sa aming dalawa noon. You see, natatakot din siyang masaktan ka. Kaya hindi mo ako kilala. Lihim ang relasyon namin. He was young and scared. Kinailangan naming maghiwalay bago pa matuklasan ng mga magulang niya. Pero nangako siya sa akin na kapag handa na siyang ipaglaban ako, siya mismo ang pupunta dito sa Sagada para tuparin iyon.” Bakas ang sakit sa mga mata nito habang nagku-kwento.
“Kaya mo inisip na pumunta siya dito para sa iyo?”
Sino ba ang tunay na pakay ni KC sa pagpunta sa Sagada? Siya o ang unang babaeng minahal nito? Baka siya lang ang ginamit nitong rason para makapunta ng Sagada. Pero ang gusto nitong makasama ay si Alicia.
“Nang makita kita, biglang bumagsak ang pag-asa ko na magkakasama pa kami. Dahil alam ko na hindi mo papayagan iyon. Bata ka pa lang, nakikita na kitang sumusunod sa kanya sa school at kahit saan siya magpunta. Hindi ka titigil hangga’t hindi napupunta sa iyo si KC.”
“Noon iyon. I already gave him up. Nagpunta ako sa Sagada para kalimutan siya. Kaya nagtataka ako, kung ikaw ang pinuntahan niya, hindi na sana siya nakiusap na bumalik pa sa akin.”
“Dahil mahal niya ang pamilya niya. He honors your parents’ agreement. Both you and KC has Chinese blood. Bilang panganay na anak, dapat niyang pangatawanan iyon. Kung di ka niya pakakasalan, maaring masira ang relasyon ng pamilya ninyo. At kung magsasama kami, masisira rin nang tuluyan ang pangarap niya. His parents won’t allow us to be together.”
“It is not as binding as other agreements. Ang totoo, minsan lang iyon nabanggit sa amin ng mga magulang namin. At hindi ko pipilitin si KC na magpakasal kung hindi niya ako mahal.” Iyon ang una niyang dahilan kung bakit niya iniwan si KC. Para malaya nitong mapakasalan ang babaeng mamahalin nito. Kahit kailan ay hindi niya intensiyong sirain ang kaligayahan nito.
“Kahit na. Magulang pa rin niya ang makakalaban niya kapag kumawala siya sa kasunduan. They will force him to marry you. That would be very convenient on your part. Lalo na’t gustong-gusto mo si KC. Ikaw ang sagabal sa kaligayahan niya, Evaine. Hindi na siya makakawala pa sa iyo.”
Nanlumo siya. Bakit kahit anong gawin niyang pagpaparaya, siya pa rin ang masama? Hindi niya kasalanan kung seryoso si KC sa pagtupad sa kasunduan ng mga magulang nila. Ang gusto lang naman niya ay mahalin din siya nito.
Sa simula pa lang ay hindi na niya ino-honor ang kasunduan ng mga magulang nila. Hindi rin kasi siya ang tipo ng tao na sunud-sunuran sa iba. Kung minahal man niya si KC, puso niya ang pumili dito at hindi ang mga magulang niya.
“Ano ang handa mong gawin para kay KC?” tanong niya.
“Handa akong tiisin na makita kayong magkasama. Kahit na ikasal pa kayo.”
“Bakit kailangan mong magpaka-martir? Hindi mo ba siya pipigilan? Paano naman ang kaligayahan ninyo?”
Hindi niya ito maintindihan. Kung talagang nagmamahalan ito at si KC, dapat nitong ipaglaban ang pagmamahal nito at hindi umupo sa isang tabi lang.
“Desisyon niya iyon. Nirerespeto ko ang kagustuhan niyang sundin ang pamilya niya. Pero sa akin pa rin puso niya. Hindi mo siya maaagaw kahit kailan. Handa akong maghintay na bumalik siya kapag tuluyan na siyang nakawala sa iyo.”
Napipilan siya. Kung tuluyan man silang makakasal ni KC, ibig sabihin ay panandalian lang ang kaligayahan niya. Dahil mawawala rin sa kanya si KC. Babalik din ito sa babaeng mahal nito.
“Matagal ko ring hinintay na mahalin niya ako,” sabi niya at lakas-loob na sinalubong ang paningin nito. “Mula pagkabata minahal ko na siya. Nakaya ko ring tanggapin ang mga babaeng gustong mapalapit sa kanya. At kung makakasal na kami, legal na siyang magiging akin. What if I don’t want to let him go?”
“Inaasahan ko nang iyan ang sasabihin mo. Pero gaya ng sinabi ko, handa akong maghintay dahil mahal ko siya. Ikaw, ano ang handa mong isakripisyo para kay Kristoffer para mapatunayan ang pagmamahal mo?”
“KANINA ka pa masyadong tahimik, Evaine,” puna ni KC habang magkatabi silang nakaupo sa barandilya sa front porch. Kanina pa ito nagku-kwento pero wala siyang maintindihan. Lumilipad ang isip niya tungkol sa pag-uusap nila ni Alicia kanina. Paulit-ulit niyang naririnig ang tanong nito. Tanong na hindi man lang niya nasagot upang maipagtanggol ang sarili niya.
“Sorry. May sinasabi ka?” aniya at bahagya itong nilingon.
“I said you are so quiet. Mukhang hindi ka nga nag-enjoy sa Sanctuary.”
“Gusto ko nang umalis bukas,” aniya at bumaba sa barandilya.
Pinisil nito ang pisngi niya. “Okay, mag-eempake na ako. Anong oras ba tayo aalis bukas?”
Pinigilan niya ang kamay nito nang tangka na itong papasok sa loob ng bahay para ayusin ang gamit. “You don’t have to leave. Pwede naman tayong umalis kagaya nang dumating tayo. Nang hindi magkasama.”
Matagal na sandali siyang pinagmasdan nito. “What’s wrong? Kanina lang masaya tayong dalawa. Why the cold treatment?”
“Did you come here for me or for Alicia?”
Natigilan ito sa una subalit pagkuwan ay ngumiti ito. “Jealous, sweetheart? Nagkakaganyan ka dahil lang sa kanya.”
“She is your first love.”
“That was a long time ago,” anito at tumawa. “Hindi mo siya kailangang pagselosan. Siya ba ang dahilan kung bakit gusto mo nang umuwi?”
“Be serious, KC! I know that you still love her. Nangako ka sa kanya na pagbalik mo sa Sagada, handa ka nang ipaglaban ang pagmamahalan ninyo.”
“But I came here for you,” anitong may bahid pa rin ng ngiti sa labi. Magaan ang boses nito habang halos maghisterya na siya.
“Dahil sa kasunduan ng mga magulang natin at hindi dahil mahal mo ako. Did they threaten to disinherit you once you didn’t marry me?”
Tumiim ang anyo nito. “Mukha bang pera ang tingin mo sa akin?”
“Dahil wala akong ibang maisip na dahilan kung bakit pinipilit mo ang sarili mo sa akin. Sinabi sa akin ni Alicia na ako ang dahilan kung bakit naghiwalay kayo noon. Dahil kailangan mong sundin ang kasunduan ng mga magulang natin. Umaasa siya sa pangako mo, KC. Na babalik ka pa rin sa kanya.”
“Ikaw ang pakakasalan ko,” mariin nitong sabi. “I made it clear to her. But I will marry you because I want to.”
“Do you pity me, KC? Dahil mula pagkabata mukha na akong aso na susunod-sunod sa iyo? You find me pathetic, don’t you?”
“Hell, no!” anitong napu-frustrate na sa pagpapaliwanag sa kanya. “I am marrying you because I love you!”
“Paano ang pangako mo kay Alicia? Ganoon lang ba kadali para sa iyo na kalimutan iyon?” Kaya ba nitong balewalain ang babaeng una nitong minahal?
“Bata pa kami noon. Pero nagbabago ang nararamdaman ko. I was too young and naïve. I don’t even know if I was in love with her then. O nagrerebelde lang ako dahil sa higpit ng mga magulang ko and I blamed it all on you. Hindi ko itatago sa iyo ang nakaraan ko kung gusto mong malaman. Pero kung mahal ko nga siya hanggang ngayon, hindi na kita pipilitin na bumalik sa akin. But I took you back, did I? Ibig sabihin, ikaw ang pinili ko.”
“Stop sacrificing your feelings for me! Tama na ang panloloko natin sa mga sarili natin. Mas lalo mo lang akong sinasaktan.”
Niyakap siya nito nang mahigpit. “I don’t want to hurt you, sweetheart. And I am sorry if I did. I love you.”
Itinulak niya ito palayo at tinakpan ang tainga. “No!”
Mas maiintindihan pa niya kung ni-reject nito ang pagmamahal niya. Pero ang hindi niya matatanggap ay ang kasinungalingan nito.
Tinanggal nito ang ang kamay niyang nakatakip sa tainga niya. “Listen! Nahihirapan ka sigurong maniwala na mahal kita. But I do. I am not lying!”
“Then don’t lie! Stop telling me that you love me. And forget about marrying me. Dahil hindi ko kayang mabuhay sa pagkukunwari. Huwag mong pilitin ang sarili mo na paniwalaing mahal mo ako. Para lang sa huli ay kamuhian mo dahil hindi mo ako kayang mahalin.”
He cupped her face while his own was in sheer agony. “You promised that you wouldn’t leave me. Bakit mo ako iiwan ngayon?”
Malungkot siyang ngumiti. Pinipilit niyang magpakatatag dahil ayaw niyang umiyak. “I want you to be happy. Gusto kong ipaglaban mo ang totoong nararamdaman mo at makasama ang babaeng mahal mo.”
“Aalis ka pa rin ba kahit na ikaw ang mahal ko?”
“If you really love me, then don’t stop me from leaving. Hayaan mo ako habang kaya ko pang magparaya.” Kinintalan niya ito ng halik sa labi at mapait na ngumiti. “Be happy, KC.”
Iniwan niya itong nakatayo sa verandah. Noong unang beses niya itong palayain, puno siya ng hinanakit dito dahil hindi siya nito kayang mahalin. She left him to preserve herself while she still could.
Sa pagkakataong ito ay palalayain niya ito dahil mahal niya ito. Kailangan niyang tanggapin nang maluwag sa loob niya na hindi sa kanya ang puso nito.
Pinahid niya ang luha habang lihim itong pinagmamasdan sa bintana ng kuwarto niya. Nakatayo pa rin ito sa verandah habang matiim ang anyo na nakatingin sa langit.
I am sorry, KC. Ayokong saktan ka. Pero ito lang ang paraan para maipakita ko ang pagmamahal ko. You and Alicia don’t have to wait anymore. And I won’t wait for your love or run after you. You are free.