“Magbabakasyon ako, Mom, Dad,” paalam ni KC habang nagdi-dinner sila. Request iyon ng kuya niya para sabay-sabay daw silang makapaghapunan. Matagal na panahon na nga naman nila iyong di nagagawa.
“At this time of year? I thought you have projects,” sabi ng Daddy niya.
“Nagpaalam na po ako sa manager ko. Susundan ko si Evaine sa Vigan. At ipagpapaalam ko na rin na isasama ko si Fawna.”
“Sa bakasyon?” bulalas ng mommy niya. “No. Dito lang siya sa bahay.”
“Kung gusto ninyo, idadaan ko na siya papuntang Sagada.”
“No!” sabay pa nilang sigaw ng mommy niya.
Tumalim ang singkit na mata ng kuya niya. Ibig sabihin ay tumahimik lang siya. Pero gusto niyang maghurumentado. They can send her to Africa or even planet Pluto. But definitely not in Sagada.
“Ipinahiya kami ni Fawna,” her dad said in a firm voice. “At bilang parusa, di siya maaring makalabas sa bahay na ito.”
“Come to think of it, Mom, Dad. Kung nasa Sagada si Fawna, makakasama siya ni Ate Sapphire. Mababantayan siya doon. We don’t to worry where the hell she is. Kung kumakain ba siya nang maayos o kung saan siya natutulog.”
“Hindi nagbabago ang isip ko. Dito lang si Fawna sa loob ng bahay hangga’t di nagbabago ang ugali niya,” kontra ng daddy niya.
“Nandoon si Lycerge,” dagdag ni KC.
Naalarma siya nang mawala ang kunot sa noo ng daddy niya at pagsilay ng ngiti sa labi ng mommy niya. Huwag kayong papayag! Huwag!
“That’s a brilliant idea, hijo!” anang mommy niya. “Magandang opportunity iyon para muli silang magkalapit ni Lycerge. Ano sa palagay mo, honey?”
Tumango-tango ang daddy niya. “Bukas na bukas din, ihatid mo na siya sa Sagada. Mas makakabuti nga kung doon siya tumira.”
Nag-thumbs up ang kuya niya sa kanya. Inambaan niya itong tutusukin ng tinidor. Naku! Sa halip na tulungan siya nito, lalo pa siya nitong ipinahamak.
“WALA kang makukuhang kahit anong impormasyon sa akin. Magpapakabulok ako sa kuwarto ko. Hindi ako tatapak sa Sagada!” nakahalukipkip na sabi ni Fawna at nakairap sa Kuya KC niya. Ipinagdiinan pa nito si Lycerge. Pwes, magdusa ito.
“Ayaw mo ba sa Sagada? That’s better than being held in this room. Walang balak sila Mommy na palabasin ka kahit mabulok ka pa dito. When you were younger halos ayaw mo na ngang umalis doon.”
“Noon iyon. I don’t want to see Lycerge of all people. At habang nandoon siya, parang nakakulong din ako doon. What I want is absolute freedom.”
“Okay. Point taken.” Nagpalakad-lakad ito sa harap niya. “If you want absolute freedom, itatakas kita dito. Makakapunta ka saan mo man gustuhin bago ka pa man makatapak sa Sagada.”
“You will do that for me?” Niyakap niya ito. “Thank you! Pero ikaw ang lagot kina Mommy at Daddy kapag nawala ako.”
“Palalabasin ko na tinakasan mo ako. Wala na silang magagawa. Nakatakas ka na. Hindi maiisip nila Mommy na pinatakas kita dahil ang alam nila kakampi nila ako,” nakangisi nitong paliwanag. “Okay na ba ang plano ko?”
“Oo naman.”
“Pwede mo na bang sabihin sa akin kung nasaan si Evaine?”
She gave him a grin. “She’s in Sagada, brother dear.”
“SIGURADO ka bang magiging komportable ka dito?” Mukhang diskumpiyado si KC habang iniikot ang tingin sa bahay ni Ziann sa Baguio. Hindi iyon masyadong maliit pero parang kasinglaki lang iyon ng kuwarto niya sa mansion nila. “Kung gusto mo, ikukuha na lang kita ng ibang bahay.”
“Kuya, matagal akong tumira dito. Sanay na ako dito. Saka nakakahiya kay Ziann kapag narinig ka niya,” pabulong sabi at pinanlakihan ito ng mata.
“Naiintindihan ko ang kuya mo, Fawna,” sabi ni Ziann at nag-serve ng kape.
“No offense meant. Gusto ko lang matiyak na komportable ang kapatid ko. Pero nagpapasalamat ako dahil inalagaan mo siya habang nandito siya.”
“Maiwan ko muna kayong dalawa,” sabi ni Ziann at pumasok sa kusina.
“Thank you, Kuya. Talagang ihinatid mo pa ako dito, di ba? Samantalang pwede mong puntahan agad si Ate Evaine.”
“Fawna, tayong dalawa lang ang magkapatid sa mundo. And you will always be my baby sister. Gusto ko lang matiyak na safe ka. Hindi din kita pababayaan.” Inilabas nito ang ATM mula sa wallet. “Use this. Pincode niyan ang birthday ni Evaine. Tawagan mo lang ako sa cellphone ko kapag kailangan mo pa.”
Tumanggi siya. “Kaya kong kumita ng sarili kong pera.” May pride siya kaya di siya basta-basta humihingi ng tulong sa iba.
“Kailangan mo ito,” giit nito. “Magtago ka muna. Hahanapin ka nila Mommy oras na malaman nilang nakatakas ka. I’ll make them think na sa ibang lugar ka nagtago. Kaya hindi ka pa pwedeng mag-perform. Magtiis ka muna.”
Napilitan siyang tanggapin ang ATM at niyakap ito. “Thank you, Kuya KC!” Na-touch siya sa pagtulong nito sa kanya. Noong una, ang akala niya ay tuta rin ito ng mga magulang niya. Lagi kasi itong nakatango kung anuman ang gustuhin ng mga magulang nila. Ngayon niya naramdaman na kapatid nga niya ito. “Pero pwede pa rin naman akong mag-perform kung naka-maskara ako, di ba?”
“Don’t push your luck. Huwag mong sayangin ang pagkakataon mo. Tuluyan ka na nilang ikukulong kapag nahuli ka nila. Baka di na kita matulungan.”
“Di ka natatakot sa galit ni Daddy. Baka naman ikaw ang ikulong nila,” nag-aalala niyang sabi.
Tumawa ito. “Kaya nga dapat kaming magkabati ni Evaine. Para hindi na nila ako masyadong pag-initan. After all, wala akong alam sa pagkatakas mo,” nakangisi nitong sabi. “Inosente ako, di ba?”
Nagtawanan silang dalawa. “Take Ate Evaine back. She loves you.”
“And Lycerge loves you, too.”
Sumama ang timplada niya. “Cut it, bro! I don’t want to talk about him.” Pagdating sa pang-iinis ay magaling ito. Pikon siya pagdating kay Lycerge.
“Sasabihin ko sa kanya na nami-miss mo siya,” panunukso nito.
Hinampas niya ito. “Huwag na huwag mo iyong gagawin. I am serious, Kuya. Hindi na ako interesado kay Lycerge. I hate him! Pumunta ka na nga sa Sagada.”
“Take your time, Sis. Enjoy your freedom. Pero kapag sawa ka na sa pagtakas sa lahat ng kinatatakutan mo sa buhay, babalik ka rin sa taong tinatakasan mo. Hindi mo rin makakalimutan ang taong mahal mo.”
“NINETEEN, TWENTY! Pwede na ito!” sabi ni Fawna at satisfied na tiningnan ang mga accessories na ginawa niya na may ethnic designs. Naka-twenty siya na kuwintas para sa araw na iyon.
Mahinang umingit ang pinto sa kuwarto ni Ziann. “Gising ka pa?”
Mabilis niya itong pinuntahan. “O, bakit bumangon ka agad? Bumalik ka ulit sa higaan mo. May sinat ka pa.”
Tiningnan nito ang mga nagawa na niyang kuwintas sa mesa. “Bakit ikaw ang gumagawa niyan? Di ba sabi ko huwag mo na silang pakialaman?”
“Pero kailangan nating magbenta. Sayang ang kikitain natin.” Bagamat malakas ang kita nila sa pagkanta sa bar, rumaraket pa rin sila sa pagbebenta ng iba’t ibang accessories. Naglalatag sila sa sidewalk para direkta na agad ang kita. Marami na silang parokyano kaya malakas ang kita nila. Matagal nang ubos ang pera sa ATM na bigay ng kuya niya. Di na siya humingi pa muli dito.
“Nakakahiya naman sa iyo. Halos ikaw na lang ang nagtatrabaho dito sa bahay. Wala na akong naitulong sa iyo.” Ilang araw na itong may trangkaso.Magma-Marso pa lang kaya malamig ang panahon. Wala pang masyadong turista sa Baguio.
“Parang magkapatid na tayo, Ziann. Matagal na tayong magkasama. Nang kinailangan ko ng tulong mo, di mo ako pinabayaan.” Pinatuloy siya nito sa bahay nito at binigyan pa siya ng trabaho.
“Hayaan mo na muna ang mga iyan. Kapag magaling na ako, bahala na akong magtinda.”
“Ako na ang magtitinda mamaya. Sayang ang kikitain natin.”
“Pero hindi ka naman sanay na magtinda sa kalsada.” Halos ayaw nga siya nitong palabasin dahil ng bahay sa takot na may makakilala sa kanya. At kapag nagpe-perform ay may pinta siya sa mukha para di siya makilala. Hanggang ngayon kasi ay pinaghahanap pa rin siya ng tauhan ng Mama niya.
“Kaya ko na ito. Malaki na ako.” Malakas ang loob niya dahil ayon sa tip ng Kuya KC niya, sa Davao siya hinahanap ng mga tauhan ng magulang niya. May mga kaibigan din kasi siya doon na maari niyang taguan. “Kung gusto mong ikaw ang magtinda, magpagaling ka muna.”
“Sige, basta mag-iingat ka. Maraming luku-luko ngayon. Talasan mo ang paningin mo sa mga bumibili sa iyo,” bilin nito. “Saka maging matalas ka rin sa mga pulis. Baka bigla nilang mapag-trip-an na manghuli ng sidewalk vendors.”
“No problem!” Kayang-kaya niyang lusutan ang mga problemang iyon.
Pumuwesto siya sa Session Road, ang pinaka-busy na kalsada sa Baguio. Marami ring ibang naka-pwesto sa sidewalk vendor. Di pa man niya naaayos ang paninda ay nagdagsaan na ang mga gustong mamili. Kakaiba kasi ang tinda nila.
“Ate, magkano ito?” tanong ng isang teenager na lalaki. Hawak nito ang kuwintas na may batong naka-paint na Chinese characters.
“Fourty pesos. Bilhin mo na,” sabi niya.
“Baka naman pwedeng tumawad, Ate. Mas mura ito sa palengke.”
“Kahit ikutin mo ang palengke, wala kang mabibiling ganyang design. Kami lang ang mayroon niyan. At kapag sa akin ka bumili, ikaw lang ang may ganoong design na kuwintas. Di mo na makikita sa iba. Astig, di ba?”
“Sige na nga,” napipilitang sabi ng lalaki at nagbayad sa kanya. Iyon ang una niyang customer na nasundan pa ng iba. Karamihan kasi sa mga estudyante ay naghananap ng kakaibang mga accessories. At dahil artist, alam niya kung anu-anong design ang mabenta.
Nag-suggest nga si Tito Edwin na kumuha sila ng pwesto sa palengke. Pero ayaw nila ni Ziann dahil mahal. Isa pa, magiging commercialized ang mga produkto nila. Hindi negosyo at pagkita ng pera ang focus nila ni Ziann. Mas naka-focus pa rin sila sa art nila. At kapag wala nang pera, saka lang sila naglalatag sa kalye.
Kalahating oras na siya sa pwesto nang isang lalaki ang tumayo sa pwesto niya. Nakahalukipkip ito at masama ang tingin sa kanya. Mukhang wala naman itong plano na bumili sa kanya. “Kayo, Sir?” tanong niya.
Inilahad nito ang palad. “Nasaan ang lagay mo?”
Tumaas ang kilay niya nang marinig ang sinabi nito. “Lagay?”
“Oo! Bingi ka ba?” sigaw nito. Napatingin dito ang mga nagdadaan. Maging ang mga customer niya at natakot din. “Magbayad ka sa akin. Two hundred na lang kung wala ka pang kita.”
“Okay ka lang?” Two hundred? Iyon pa nga lang ang kinita niya.
Tinanggal nito ang sigarilyong nakasupalpal sa bibig at itinapon sa kalye. “Kahit one hundred na lang. Babalikan ko na lang mamaya ang kulang mo.”
“Bakit naman ako magbibigay sa iyo? Wala ka namang nai-contribute sa paghihirap ko,” sabi niya at inirapan ito. Ayaw niya sa lahat ay nanglalamang ng kapwa. Hindi porke’t nagtitinda siya sa kalye ay pagsasamantalahan na siya nito.
“Nagtitinda ka sa teritoryo ko kaya dapat lang na magbigay ka.”
“Kailan mo pa naging pag-aari ang Session Road?” maangas niyang tanong. “Kung bawal ang pagtitinda sa kalye, mas bawal mangotong.”
Nagdilim ang mukha ng lalaki. “Aba! Matapang ka!”
May pulis na lumapit sa kanila. “Anong problema dito?”
Magsusumbong sana siya na nangongotong ang lalaki pero inunahan siya nito. “Bossing, ayaw magbigay ng lagay. Sinagot-sagot pa nga ako,” sumbong ng lalaki. “Pumapalag. Subukan nga ninyong palambutin.”
“Miss, bigyan mo na ng pampadulas itong kasama ko kung gusto mo pang patuloy na makapagtinda dito. Ikaw din, wala kang kikitain kapag sa presinto ka bumagsak. Kawawa ka naman.”
Lalo siyang nagngitngit. Kaya naman pala malakas ang loob ng lalaki na mangotong dahil malakas ang kapit nito sa pulis. Nang mga oras na iyon, di na niya inisip ang sarili niyang kapakanan. Mas gusto niyang pagbuluhin ang dalawang gahaman sa pera ng iba at nagsasamantala sa kapwa.
Tumayo siya at namaywang. “Mahiya nga kayong dalawa! Bakit kayo ang makikinabang sa di naman ninyo pinaghirapan? Ang laki pa mandin ng katawan ninyo. Lalo ka na, mamang pulis. Hindi nagbabayad ng tax ang mga tao para lang swelduhan ang mga makakapal ang mukha na tulad mo. Sa halip na magserbisyo ka sa kapwa mo, nang-aabuso ka.”
Naglatang ang galit sa mukha ng pulis at inilabas ang posas. “Tumahimik ka! Ang lakas ng loob mo na sigaw-sigawan ako. Ikaw na nga ang nagtitinda sa kalsada, ikaw pa ang matigas. Sa presinto ka magngangawa. Tingnan ko lang kung hanggang saan ka dadalhin ng kayabangan mo!” wika nito at nilagyan siya ng posas.
“DAPAT di mo na sila pinatulan,” sermon ni Ziann kay Fawna. “Nagbigay ka na lang sana sa kanila.”
Gigil siyang kumapit sa rehas na bakal. “Ibig sabihin, kinukunsinti mo ang mga kumag na iyon? Nagbibigay ka? Pinaghirapan natin tapos bibigyan mo lang sila! Kinukunsinti mo naman kaya umaabuso.”
“Wala akong magagawa. Kaysa naman matulad ako sa iyo. Kaya nga kinakabahan ako kanina. Sana di na lang kita pinagtinda.”
“Huwag mong sisihin ang sarili mo. Kung tutuusin, kasalan ko ito. Hindi kasi ako makapagtimpi. Alam mo naman kapag mali, di ko pinapalampas.”
Hinding-hindi niya makakalimutan ang hilatsa ng mukha ng pulis na iyon. Pati na rin ang kasabwat nito. Kahit kailan, di pa siya nagpauto sa ibang tao. Alam niya kung ano ang karapatan niya at ipinaglalaban niya iyon. Okay lang sa kanya kung mahuli siya dahil sa pagtitinda sa kalye. Pero di naman siya makakapayag na hulihin dahil lang hindi niya kinunsinti ang luku-lukong mga pulis.
“Huwag kang mag-alala.” Hinawakan nito ang kamay niya mula sa pagitan ng rehas. “Makakalabas ka na rin dito. Humingi na ako ng tulong.”
“Kanino? Wala naman si Tito Edwin.” Nasa ospital ito at nagpapagamot ng sakit sa baga. Ito lang kasi ang naiiisip niya na maari nilang lapitan.
“Sa mga kasamahan natin. Willing silang mag-ambag ng pera para makaalis ka dito. Hindi ka nila pababayaan.”
“Paano mangyayari iyon kung pare-pareho naman tayong walang pera.”
“Huwag kang matanong. Ang importante, makakalabas ka na dito.”
Lumapit sa kanila ang isang pulis. “Fawna Ang!” tawag nito sa pangalan niya. “Makakalaya ka na.”
“Po? Talaga?” hindi makapaniwala niyang tanong.
“Malakas pala ang kapit mo. Kaya pala malakas ang loob mong mag-angas,” sabi ng pulis habang tinatanggal ang padlock ng gate ng kulungan.
“Anong sinasabi noong kapit?” tanong niya kay Ziann. Sino naman ang kakapitan niya? Simpleng artist lang ang mga kadamay niya.
“Huwag mo nang pansinin. Basta laya ka na.”
Tama. Ang importante ay makakalayo na siya sa kulungang iyon. Wala naman talaga siyang planong magpakabulok doon.
Nawala ang ngiti niya nang makitang nasa police desk si Lycerge at naghihintay sa kanya.