Muntik nang magtatakbo si Fawna pabalik ng kulungan nang makita si Lycerge. Pero bago pa niya magawa iyon ay nayakap na siya ni Lycerge. “Are you okay? Hindi ka ba nasaktan? Maayos ba ang naging trato nila sa iyo?”
It felt good to be in his arms again. Di niya maramdaman ang malamig na klima ng Baguio. Nakalimutan na rin niyang magtatakbo pabalik sa malamig na rehas. She missed him. “Anong ginagawa mo dito, Lycerge?” aniya nang matauhan. Bakit ba siya tuwang-tuwa sa yakap nito? Isa itong kaaway. Isang traidor.
“Tinutulungan kang makalabas. Kinausap ko na ang mga pulis. Hindi na sila magsasampa pa ng reklamo sa iyo.”
Iba talaga ang impluwensiya ng isang pulitiko. Kaya kung makapagsalita ang pulis sa kanya kanina. Malakas daw ang kapit niya. Kahit kailan, wala siyang planong dumikit na parang linta kay Lycerge. She didn’t want to do anything about him at all.
“Miss, pumirma ka na dito para makalabas ka na,” wika ng pulis.
“Sige na. Pumirma ka na!” sabi ni Ziann. She was relieved sa paglaya niya.
Pikit-mata siyang pumirma. She didn’t want to sign. Ayaw niyang magkaroon ng utang na loob kay Lycerge. Pero ayaw na rin niyang bumalik pa sa kulungan.
“Bakit tinawagan mo siya?” pabulong na sisi niya kay Ziann.
“Wala na akong ibang mahihingan ng tulong. Kapag nalaman ito ni Tito Edwin, baka tumaas ang presyon niya. Saka masyadong malayo ang Manila. Habang si Lycerge, nandito lang din sa Baguio dahil sinamahan niya ang mga high school students ng Sagada na lumaban sa regional martial arts competition. At kahit nasa kung saang bundok pa iyan, pupunta siya dito para tulungan ka,” paliwanag nito. “Nag-iwan kasi siya ng calling card sa akin dati. Siya lang ang nasa isip ko kanina nang tumawag ka at sinabi mong nakakulong ka.”
Mariin siyang napapikit. “Pero sa ginawa mo, malamang bumalik na naman ako sa mga magulang ko. Isusumbong niya ako kay Daddy.” Sayang lang ang ilang buwan niyang kalayaan kung mahuhuli na naman siya.
“Uunahin ko pa bang isipin ang mga magulang mo samantalang ang gusto ko lang ay makalaya ka. Gusto mo bang mamatay ako sa pag-aalala?”
Humigpit ang hawak niya sa ballpen. “I’m sorry,” mahina niyang wika at tinapos ang pagpirma. Sa halip na magpasalamat dahil natulungan niya ang kaibigan ay ito pa ang igaganti niya dito.
“Don’t blame her, Fawna. Ginawa lang niya kung ano ang dapat,” sabi ni Lycerge na nakikinig pala sa usapan nila. “Ihahatid ko na kayo.”
“Miss, magpapakabait ka na, ha?” ngingisi-ngising sabi ng pulis na nanghuli sa kanya kanina.
“Ikaw ang dapat na magpakabait,” sabi niya sa pulis. Natameme ito. Siguro ay mag-iingat na ito sa susunod na manghuhuthot ito sa iba. May ninong siyang general sa Crame. Titiyakin niyang hindi ito makakalusot kapag nagsumbong siya.
“Tama na iyan!” saway ni Ziann sa kanya at hinila siya palabas ng presinto. “Kalalabas mo pa lang, makikipag-away ka na naman.”
“Sumakay na kayo,” wika ni Lycerge at ipinagbukas sila ng pinto ng van nito.
Ayaw sana niyang sumakay pero wala naman siyang pamasahe. Itinulak siya ni Ziann papasok sa loob ng van. Nagkatabi tuloy sila ni Lycerge sa likod dahil inokupa na ni Ziann ang unahan ng sasakyan.
“Salamat sa pagtulong mo sa akin,” aniya sa malamig na boses. “Don’t worry, babayaran kita kapag nagkapera na ako.”
Tumiim ang anyo ni Lycerge. “You don’t have to do that.”
“Ayokong magkaroon ng utang na loob sa iyo.”
Huminga nang malalim si Lycerge. “Ganito na lang ba ang gagawin mo sa buhay mo, Fawna? Noong una, nagtatago ka lang. Ngayon, nagtitinda ka na sa kalsada at sa presinto pa kita pinupulot.”
“Hindi ko sinabing tulungan mo ako. Saka bakit ba madami kang reklamo? I will live my life the way I feel. Kung kailangan kong magbenta sa kalsada, gagawin ko. Nagkataon lang na natiyempuhan ko ang abusadong pulis na iyon.”
“Hindi naman dapat ganito ang buhay mo! You are wasting your time.”
“At ano ang dapat kong gawin? Bumalik sa pamilya ko at magpakasal sa iyo? I want to be free! Nasasakal ako sa pakikialam ninyo sa buhay ko.”
“Gumising ka nga! Dito ka lang ba dadalhin ng pagrerebelde mo? Mas makakabuti sa iyo kung doon ka sa poder ng magulang mo.”
Naalarma siya. “Sinabi mo ba sa kanila na nandito ako?” Subukan lang nitong magsumbong, di na siya nito makikita pa kahit kailan.
Napatungo ito at umiling. “Hindi. Lalo lang silang mag-aalala sa iyo. Ang alam nila, nasa Davao ka at kumakanta sa isang hotel. Iyon ang impormasyong gusto nilang I-confirm. Masasaktan lang ang pamilya mo kapag nalaman nilang nakulong ka. Parents want to get hold of their children’s lives because they love us.”
“Their love is killing me.” She was an artist. Hindi niya kaya ang ginagawang paninikil ng magulang niya sa self-expression niya. Ganoon din kapag kasama niya si Lycerge. Magkaiba sila ng pananaw. She couldn’t stand beside him and watch as he ruin her dreams little by little. Sa huli, di rin sapat ang pagmamahalan nila.
“Umuwi ka na sa kanila. Tutulungan kitang magpaliwanag na dapat ka nilang bigyan ng laya sa gusto mong gawin.”
“Hindi sila makikinig.” Sumandal siya sa backrest at pumikit. Nakakapagod ang araw na iyon para sa kanya. “Pabayaan mo na lang ako, Lycerge. Gusto ko lang gawin ang lahat ng gusto ko. Ipahayag ang nararamdaman ko. Iyong walang magdidikta sa akin at manghuhusga.”
“Then come home to Sagada. Remember, kaya mong gawin ang lahat ng gusto mo doon. Malaya mong magagawa ang lahat.”
Her eyes flew open. “No! Not in Sagada.” Muli na namang bumangon ang hinanakit niya dito. Kung may malaking pader na nakapagitan sa kanila ni Lycerge, iyon ay ang Sagada. It was like a battlefield for them.
“Ano ba ang ikinatatakot mo? Bakit ka ba takbo nang takbo?”
“You ruined Sagada, Lycerge.” Masakit para sa akin na makita na ang lalaking minahal niya ang mismong sumira niyon.
“Is Sagada really ruined?” bato nito ng tanong sa kanya. “Iyon ba ang kinatatakutan mo? Face your fears, Fawna. Kung gusto mong pigilan ko ang mga pagbabago sa Sagada, then make me stop. I am challenging you. Pero hindi mo iyon magagawa nang malayo ka. Nang hindi ka tumatapak sa lugar na ipinaglalaban mo.”
“Sir, nandito na po tayo!” anang driver ni Lycerge.
Inalalayan siya nitong bumaba. “You will always be Sagada’s daughter, Fawna,” usal ni Lycerge nang ihatid siya sa gate. “Patunayan mo sa akin na ikaw nga ang nasa tama.”
NAKATITIG si Fawna sa pagbaba ng fog sa mga pine trees sa labas ng bintana. Malapit man sa metropolis, mapuno pa rin ang paligid ng bahay nila Ziann. Naalala tuloy niya ang Sagada. Para sa kanya, nasa Sagada pa rin ang pinakamagandang view na nakita niya. Kung gaano kaberde ang paligid at kung paano maglaho ang mga ulap dahil sa init ng araw.
“Kumain ka na,” untag ni Ziann sa kanya. “Huwag mo nang isipin ang nangyari. Makukulta lang ang utak mo. Naibalik naman sa atin ang paninda natin pati na rin ang perang kinumpiska sa iyo. Natakot kay Lycerge iyong pulis.”
“Nakakahiya kay Lycerge. Baka isipin ng ibang tao na kunsintidor siya.”
“Kita mo ito. Ngayon ka pa nahiya. Samantalang kahapon, inaway-away mo iyong tao. Ang sabihin mo, mas nakakahiya kapag nalaman ng mga pulis na isang sidewalk vendor na mataray ang ex-girlfriend niya. Mabuti na lang walang ibang nakakilala sa iyo.”
Umupo siya at sumandok ng noodles. Kahit na instant iyon, sinasahugan nila iyon ng gulay. May pagka-vegetarian kasi sila ni Ziann.
“Iniisip ko tuloy kung ano ang gusto ko sa buhay.”
“Akala ko ba malinaw na iyan sa iyo kaya ka tumakas sa bahay ninyo. Na gusto mong I-express ang sarili mo at maintindihan ng ibang tao.”
“Totoo iyan. Pero ang mas matindi kong pangarap ay sagipin ang mundo.” Sumubo siya ng diced carrots. “Naririnig mo naman siguro iyon sa mga kinakanta ko. Iyon din ang dahilan kung bakit nagkahiwalay kami ni Lycerge. Magkaiba kami ng pananaw. Naisip ko tuloy na baka scapegoat ko lang ang pangarap ko bilang artist para takasan ang lahat ng frustrations ko. Mga expectations ko na pumalpak. Katulad ng kay Lycerge. I thought we share the same dreams. Pero nang hindi iyon mangyari, natakot na lang ako na harapin ang totoo.”
Natulala si Ziann sa kanya. “Ang lalim noon. Hindi ko nakuha.”
“Ang ibig kong sabihin, sa halip na harapin ako ang takot ko at harapin kung ano ang dapat kong ipaglaban, tumatakbo ako palayo. Dahil natatakot na naman akong matalo. Di ko kayang harapin ang pagkatalo ko,” malungkot niyang wika.
At the back of her mind, di niya mapipigilan ang progress ng Sagada. Nasaktan lang siya dahil si Lycerge mismo ang nag-initiate niyon. Kung di siguro ito tumakbong vice mayor, baka di siya masyadong nasaktan.
“Tao po!” anang boses ng isang babae sa labas.
“Ako na ang magbubukas,” sabi ni Ziann. Maya maya pa ay bumalik na ito. “Fawna, may naghahanap sa iyo.”
Nagtataka siyang nagtungo sa sala. Naabutan niya doon ng dalawang pinsan niya. “Ate Sapphire! Kuya James!” tuwang-tuwa niyang niyakap ang dalawa. Matagal na kasi niyang hindi na kita ang mga ito. “Anong ginagawa ninyo dito?”
“Itinatanong pa ba iyan?” sabi ni James at ginulo ang buhok niya. “Natural dinadalaw ka namin. Matagal kang nagtago sa amin.” She had always been the family’s princess. Dalawa lang kasi silang babae ni Sapphire.
“Mga pinsan ko, Ziann,” pagpapakilala niya. “Si Ziann, kaibigan ko. Sa kanya po ako tumutuloy.”
“Salamat sa pag-aalaga mo sa pinsan namin,” sabi ni Sapphire.
“Sumabay na po kayong mag-lunch sa amin ni Fawna,” yaya ni Ziann.
“Thank you. Hindi na kami tatanggi ni Ate,” sabi ni James. Mula nang magka-girlfriend ulit ito ay bumalik ang pagiging makulit nito.
“Si Lycerge ba ang nagsabi na inyo na nandito ako?”
“Kasama si James sa facilitator sa martial arts competition,” paliwanag ni Sapphire. “Natural lang siguro na ipaalam niya sa amin. Don’t worry, di namin sinabi kina Tito na nandito ka. Sekreto din ang nangyari kahapon.”
“Nagtatampo ako sa iyo,” naiiling na wika ni James. “Malapit lang ang sports clinic ko dito pero hindi mo man lang ako madalaw. Kung may kailangan ka, pwede mo naman akong hingan ng tulong. Kung di pa tinawagan ng kaibigan mo si Lycerge, hindi pa namin malalaman kung nasaan ka.”
Napayuko siya. “Sorry.Naiintindihan siguro ninyo kung bakit ko ginagawa ito.”
“Oo naman. Kaya lang, ayaw naming mapahamak ka. Mas gusto namin na nababalitaan namin kung ano ang nangyayari sa iyo. Saka kung anuman ang plano mo, suportado ka naman namin,” wika ni Sapphire. “Tingnan mo, nag-aalala tuloy kami sa iyo. Ikinasal nga ako, nagpadala ka lang ng regalo. Hindi nakakatuwa ang patago-tago mong ginagawa. You miss special occasions.”
Na-guilty siya. Sa Sagada kasi ito ikinasal at ang asawang si Arthur kaya talagang malabo siyang makapunta. “Sorry na. Nakokonsensiya na po ako.”
“At iyong pagkakakulong mo kahapon?” magkasalubong ang kilay na tanong ni James. “Anong garantiya namin na di na mauulit iyon?”
“Hindi ko naman gusto ang nangyari.”
“Sorry,” singit ni Ziann. “Hindi siya dapat ang magtitinda kundi ako.”
“Hindi ka namin sinisisi,” sabi ni Sapphire. “Gusto lang naming ma-realize ni Fawna na pagkatapos ng nangyari kahapon, wala nang magandang patutunguhan ang paglalayas at pagrerebelde niya. Marami pa siyang dapat na isaalang-alang bukod sa kagustuhan niyang I-express ang sarili niya at tuparin ang pangarap niya. She has her family to consider.”
“Artist din naman si Ate Sapphire tulad mo. Kung di ka naiintindihan ng parents mo, naiintindihan ka namin,” wika ni James. “We appreciate your talent.”
“Kaya sumama ka na lang sa amin sa Sagada,” dagdag ni Sapphire. “That place is more ideal for you. My husband has an artist’s haven. Sa lugar na iyon, pwede mong I-express ang sarili mo. We have our own art gallery. And musicians from all over the world go to that place to showcase their music. And if you want to sell your products, we have a shop where you can place your goods.”
“Tama sila. Mas mapapabuti ka sa Sagada,” sabi ni Ziann. “After all, doon mo naman talaga gustong pumunta, di ba?”
Handa na ba siyang harapin si Lycerge at ang bayang ilang beses na niyang tinakbuhan? Kaya na ba niyang ipaglaban ang pangarap niya? Kung di siya pupunta sa Sagada, habambuhay na lang siyang magtatago. Sawa na siyang magtago.
“Paano ka?” tanong niya kay Ziann. Nasanay na siyang lagi silang magkasama. Parang magkadugtong na nga ang mga bituka nila.
“Alam mo naman na di ko maiiwan itong bahay. Nandito ang lahat ng alaala ni Mama. Hinihintay ko na bumalik ang Papa ko. Iyon ang pangako niya kay Mama,” wika ni Ziann at malungkot na ngumiti. “Dadalawin kita pag maluwag ang oras ko.”
“Kung gusto mo, pwede ka pa rin namang pumunta dito sa Baguio para mag-perform,” sabi ni Sapphire. “Parang kapitbahay lang naman ng Baguio ang Sagada. At pwede mo ring imbitahan ang mga kaibigan mo na mag-perform sa Sanctuary. Para maka-mingle din nila ang ibang mga artist.”
Niyakap niya si Ziann. “Basta, magkikita pa rin tayo.”
Haharapin niya si Lycerge at ang lahat ng bagay na kinatatakutan niya. Tatanggapin niya ang hamon nito.