“Fawna, bunso ko!” tuwang-tuwang sabi ni Manang Bertha nang salubungin siya. Ito ang katiwala sa Lizardo Farm. Ito ang nag-alaga sa kanya kapag nasa Sagada siya. Noong bata siya ay napagkakamalan pa nga siyang anak nito.
Sa ancestral house ng mga Lizardo siya tumuloy dahil wala namang tao doon. Bakasyunan lang nila iyon dahil halos lahat sila ay sa Manila na naka-settle. Maging ang lolo at lola niya ay nagpapabalik-balik na lang sa ibang bansa at sa Manila.
“Manang Bertha, kumusta na po?”
“Gaya ng dati, lalong tumataba.” Hinawakan nito ang kumakapal na baywang. “Anak, nangangayayat ka yata. Kumakain ka pa ba?”
“Opo. Puro gulay po ang kinakain ko kaya po ako payat. Diet po.”
“Anong diet? Dapat magpataba ka. Sinong lalaki ang magkakagusto sa iyo kung isang ihip lang ng hangin ay matutumba ka na?” sermon nito at umakyat sila sa hagdan. “Oo nga. May isa pang lalaking hibang sa iyo kahit sobrang payat ka.”
Pinanlakihan niya ito ng mata. “Huwag na ninyong banggitin.” Alam kasi niyang si Lycerge ang tinutukoy nito.
“Kunyari pang ayaw banggitin. Kaya ka nga bumalik dito dahil magpapakasal na kayong dalawa, di ba?” sabi nito at inayos ang kama niya.
Iniikot niya ang mga mata. “Malabo pong mangyari iyon.” Nang pumasok sa kuwarto para sa kanya ay ibinagsak niya ang sarili sa kama. It was the same old four-poster bed. Maging ang kurtinang ginantsilyo ay gawa pa ng lola niya. “Ang sarap naman dito. Na-miss ko ang kama ko!” aniya at nagpagulong-gulong doon.
Hinampas ni Manang Bertha ang balakang niya. “Para kang bata.”
Niyakap niya ang unan. “Mabuti po di nagbago itong villa.”
Gawa pa rin sa kahoy ang lahat. Ang pagkakaalam niya, ang library lang ang nag-iisang modernong kuwarto sa bahay. Doon isinasagawa ng pinsan niyang sina Raphael at Klein ang business transactions ng mga ito kapag nasa Sagada. Ang mga ito kasi ang namamahala Lizardo Business Conglomerate.
“Iyon ang gusto ng lolo mo,” sabi ni Manang Bertha habang inaayos ang gamit niya. “Kapag pumupunta siya dito, gusto niyang iyon pa din ang makita. Pakiramdam daw niya tumatanda siya kapag may nababago.”
Natuwa siya sa desisyon ng lolo niya. Kaya naman antique na ang halos lahat ng gamit sa bahay na iyon. Panahon pa kasi ng Amerikano naitayo. Isa iyon sa pinakamatatandang bahay sa Mountain Province. At ang mga Lizardo ay isa sa tinitingalang pamilya sa lalawigan.
“Parang gusto ko ring tumanda dito. I-request ko kaya kay Lolo na sa akin na lang ipamana itong bahay.”
Kinurot ni Manang Bertha ang tainga niya. “Kung anu-ano ang iniisip mo. Magpahinga ka na lang para di ka pangit tingnan kapag dinalaw ka ni Lycerge.”
“Dadalawin po ako ni Lycerge?”
“Oo. Mamaya daw siyang alas dose pupunta dito.”
“Ganoon po ba? Kailan pa siya nagkaroon ng lahing Intsik? Ang alam ko ako may lahing Intsik. Siya wala.”
“Oo nga, no?” sabi ni Manang Bertha. “Di naman siya Intsik. Bakit ka nga naman niya dadalawin ng tanghaling tapat?”
“Sabihin po ninyo na sa hapon na lang siya bumalik. Matutulog pa po ako.”
“Sasabay daw siyang mananghalian sa iyo.”
Lumabi siya at nagtalukbong ng kumot. “Hindi na lang ako kakain. Pag-alis na lang po niya saka ako kakain.” Di dahil bumalik na siya ng Sagada ay magkasundo na ulit sila. Di pa rin sila close.
“Basta, gigisingin pa rin kita kapag nandito na siya.”
Nagtalukbong siya at pinilit ang sarili na matulog. Basta, hindi siya lalabas mamaya kahit na magutom pa siya. Mag-lunch si Lycerge na mag-isa.
Pabiling-biling siya sa higaan. Kahit na napuyat dahil huling gabi niya sa bar kagabi at nagkantahan sila buong magdamag nila Ziann ay di pa rin siya makatulog. Binubulabog ni Lycerge ang utak niya. Paano kung manligaw ulit ito sa kanya? Paano kung maging sweet ulit ito? Before, she could resist his charm. Magkalayo kasi sila. Pero ngayong pareho silang nasa Sagada at madalas na magkita, mahihirapan yata siyang maging manhid sa charms nito. There was something mystical and magical about Sagada’s air. Kaya nga na-in love siya kay Lycerge noon.
Nato-torture siya habang pinagmamasdan ang paggalaw ng kamay ng wallclock na nasa dingding. Malakas ang kaba ng dibdib niya. Haharapin ko ba si Lycerge o hindi? Baka hindi rin ako makakain kapag nakita ko siya. Paano kung yakapin ulit niya ako tulad ng ginawa niya sa presinto? O kaya halikan niya ako?
Bigla siyang bumangon. Damn! Lycerge was a great kisser. Tiyak na hindi siya makakatanggi dito. At hindi niya iyon papayagang mangyari.
Isinuot niya ang rubber shoes at dumungaw sa labas ng bintana. “I need to breathe some fresh air. I need to take a walk.”
Labinglimang minuto bago alas dose ay lumabas siya ng kuwarto. Maingat niyang tiningan kung may tao sa dadaanan niya. Nang matiyak na wala ay bumaba siya ng hagdan. Abala ang lahat ng tao sa kusina. Hindi pa rin nagbabalikan ang mga trabahador mula sa citrus farm. Kailangan niyang makalabas ng farm nang walang kilatis bago dumating si Lycerge.
Dumaan siya sa likod ng farm. May madawag na short cut doon patungo sa Poblacion. Doon siya madalas na dumaan kapag tumatakas siya sa Mommy niya. Ayaw kasi nitong pagala-gala siya sa Sagada nang walang kasama. While she wanted to roam around the place alone.
Isinuot niya ang hood sa ulo upang matakpan ang kanyang mukha. Ayaw muna niyang may makakilala sa kanya. Gusto muna niyang maglakad-lakad nang walang kilatis. Halos walang ipinagkaiba ang Sagada sa dati. May mangilan-ngilang bahay nang naitayo. Dating gawa lang sa pawid pero ngayon ay sementado na. Makikita na unti-unti nang umaaasenso ang mga mamamayan doon. Sa bayan ay unti-unti na ng nakikita ang senyales ng pag-unlad. “Naks! May cell sites na rin at internet shops.” Inilabas niya ang cellphone. Puno ang signal bar niya. Samantalang noong huli niyang punta doon ay inutil ang cellphone niya dahil kahit isang bar ay wala siyang masagap.
Dumami na rin ang mga lodging houses. May mangilan-ngilan nang turista na nasa tourist information center. Nagtuloy-tuloy siya sa paglalakad. Gusto niyang bisitahin ang mga paborito niyang lugar. Patungo kasi sa Suyo at Ambasing na nasa Timog ng Sagada ay may madadaanang limestone cliffs at rice terraces. Dahil malapit lang sa bayan ay gustong-gusto niyang pagmasdan ang mga iyon. Gayundin ang nagtataasang pine trees sa tabi ng daan.
Natigilan siya sa paglalakad. Nalagpasan na yata niya ang limestone formation na nasa gilid lang ng daan. Bumalik siya at hinanap iyon. Tandang-tanda niya na nasa tapat iyon ng century-old pine tree.
“Nasaan na iyon?” tanong niya. Nagpalinga-linga siya. “Ang tanda ko dito lang iyon,” giit niya at itinapik ang paa.
Pero wala na ang century-old pine tree. Ang tanging nandoon ay ang malaking ugat ng puno na nabunot. “Oh, no!” bulalas niya. Nang hanapin niya ang limestone formation ay isang four-story building na ang nakatayo sa ibabaw niyon. Wala na ang puno niya at limestone formation. Pareho nang naglaho.
“Anong nangyayari dito?” pabulong niyang tanong at nagpatuloy sa paglalakad. Napansin niya na sementado na rin ang daan. Wala na ang mga puno ng sunflower sa tabi ng daan. Pakiramdam niya ay naliligaw na siya.
Tumigil siya sandali at pinagmasdan ang rice terraces. Pero sa halip na rice terraces ay puro mga bahay ang nakikita niya. “Ano ba? Pati ba naman rice terraces tinayuan na ng bahay? Wala na akong makitang view!” pasigaw niyang tanong.
Subalit napatili siya nang maramdamang may humaginit na bus sa tabi niya. Gahibla na lang ang layo niyon sa kanya at nasagasaan na siya kung di siya nakagilid agad. Samantalang dati, pwede siyang humara-hara sa daan dahil mangilan-ngilan lang ang sasakyang dumadaan.
Nanlulumo siyang napasandal sa batong pader na harang sa gilid ng daan. “Oh, my God! Nasa Sagada pa ba ako?” Isa iyong masamang panaginip.
Napapitlag siya nang may sasakyang tumigil sa harap niya at bumusina. Si Lycerge ang nagmamaneho niyon. “Fawna, hop in!”
Nanginginig ang tuhod niyang sumakay sa sasakyan nito. Pero bumalik ang inis niya nang maalala ang lahat ng pinagdaanan niya kanina.
“Anong ginawa mo sa Sagada?” mariin niyang tanong.
“Anong ginawa ko?” inosente nitong tanong. “Nakapag-ikot ka na pala.”
“Oo. Sandali lang akong nawala dito, ang dami nang nagbago. Kung anu-ano na ang nangyari!” She let out an infuriated breath. “Pakiramdam ko mababaliw ako. This can’t be happening.”
“Ano ba ang problema?”
“Maraming problema! Maraming magagandang lugar ang nasira ng ipinagmamalaki mong progress. Ang mga century old trees, binunot. Ang limestone formation, tinayuan ng building.” Mas gusto niyang pagmasdan ang mga limestone formation kaysa isang building. “Hindi mo ba alam kung ilang milyong taon ang kailangan para lang mabuo ang isang limestone formation? Don’t you have any sense to protect it? Pati na rin ang mga puno?”
“Private property iyon,” sabi nito. “Tumataas ang demand para sa accommodation ng tourists. Noong nakaraang taon, halos wala nang matuluyan. Kinailangang putulin ang puno para matayuan ng building. At iyong limestone formation, part iyon ng property nila.”
“You have the right to reject it!”
“Vice mayor lang ako. Mayor ang nag-a-approve at nagbibigay ng lisensiya sa construction ng iba’t ibang building dito. Pinag-usapan na ang tungkol diyan. Even the DENR approves the permit.”
Sumandal siya sa headrest. “And this road…”
Ngumiti ito. There was pride and joy in his eyes. “Kagagawa lang nito. Last year lang siya na-approve at inasikaso agad ang pagpapagawa. Kaya tuluy-tuloy na ang mga bus sa Ambasing at sa Suyo. Mabilis na ang biyahe.”
“Oo. At muntik na akong hagingan ng bus kanina. This is a nightmare.” Parang gusto niyang sisihin ang kalsada sa lalong pagka-exploit ng Sagada.
“Ikaw lang ang nagreklamo sa kalsadang ito. It is beneficial. Mas madali nang magbiyahe ng produkto ngayon. Di na nahihirapan ang mga magsasaka na magdala ng mga ani nila. Mas matipid sa gasoline. At di madaling masira ang sasakyan. This is one of the road to market projects of the government.”
“Ang mga rice terraces, tinayuan na ng mga bahay.” Di bale sana kung traditional house iyon o bahay kubo. Pero puro sementado ang mga structure. Masakit sa mata. “Wala na akong makitang view. Puro bubong ng bahay ang nakikita ko. Iyan ba ang ipagmamalaki mong rice terraces sa mga turista?”
“We have no jurisdiction over them. We can’t help it if they want to construct their houses over the terraces. Sila ang may-ari ng rice terraces. May mga tourist spots naman kaming pinoprotektahan. Iyong mga cultural heritage.”
“Lycerge, this whole town is a cultural heritage. Pero tingnan mo, malayong-malayo na ito sa dati. Sa susunod, mapupuno na ito ng kung anu-anong structure. Wala nang matitira dito.”
“You can’t stop progress, Fawna. Pero hindi namin pinababayaan ang likas na yaman. We are sustaining and maintaining eco-tourism. Na sa kabila ng pag-unlad, mapapanatili namin sa dati ang mga important sites dito. As a matter of fact, there are lots of caves and sites that are not open as tourist spots. Tulad ng mga sacred burial caves. Para maiwasan ang degradation at vandalism.”
Humalukipkip siya. “I am not satisfied.”
Ito mismo ang kinatatakutan niya sa kanyang pagbalik. Ang makitang unti-unting nasisira ang dating Sagada. She missed the old days when the rice terraces were clear. Kung may nakatayo mang istraktura doon ay puro mga traditional Igorot houses lang. Noong madalang pa ang sasakyan at nakakapaglakad siya nang walang humahaginit na sasakyan sa tabi niya.
Hindi siya tutol sa turismo. After all, doon kumukuha ng ikabubuhay ang maraming mamamayan. Nadidismaya lang siya. Dahil sa turismo ay unti-unti ring nasisira ang mga lugar na gusto niyang protektahan just to cater their needs. Umuunlad ang tao pero bumabagsak ang pagpapahalaga sa kalikasan at kultura.
“I can’t please you. Basta ang alam ko, nakakatulong ako sa marami,” katwiran nito. “Bakit hindi mo buksan ang isip mo? Bigyan mo naman kami ng chance na patunayan na mabuti ang ginagawa namin.”
“Ibaba mo na ako dito,” utos niya nang tumapat sila sa gate ng Lizardo Farm.
“I thought sabay tayong magla-lunch? Kaya nga hinanap kita dahil gusto kong magkasabay tayo. I want to welcome you properly.”
Umismid siya at bumaba ng sasakyan. “Sasabihan ko si Manang Bertha na ipaghanda ka ng lunch mo. But I am afraid I can’t join you,” matabang niyang sabi. “You don’t have to welcome me properly. Sapat na ang welcome mo kanina.”
It was a horrible welcome at di pa rin siya nakaka-recover sa sobrang shock. Ihinanda na niya ang sarili niya sa bagay na iyon. Na maraming magbabago sa Sagada. Pero masakit pa rin sa kalooban niya ang mga nakita. Hindi na siya magtataka kung dadating ang panahon na magiging isang siyudad na rin ang Sagada katulad ng Baguio. Iyon yata ang di niya matatanggap.
“Open your mind, Fawna. Huwag ka agad maging negative sa mga nakikita mo. There are some things that we have to give up for the better. Some other time na lang tayo mag-lunch.”
“For the better?” bulong niya sa sarili nang makaalis na ang sasakyan nito. “That’s why you gave me up before. Mas masaya nga naman ang kinalalagyan mo dahil may pwesto ka na. Why do we have to end up this way, Lycerge?”
NANLALAKI ang mata ni Fawna ng makapasok sa art gallery ng Sanctuary. Iba’t ibang klaseng indigenous instruments kasi ang naka-display doon. Katulad ng ginagamit nilang instruments kapag nagpe-perform sila.
“Wow!” bulalas niya. “This place is great!” kinalabit niya ang kawayang xylophone. “Nandito pati ang mga instruments na matagal ko nang gustong tugtugin. Sa inyo pong lahat ito?” Daig pa niya ang batang pumasok sa toy store.
Tumango si Tocks, ang manager at part owner ng Sanctuary. “Galing ang mga instrumentong iyan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. My wife and I used to travel a lot at nagko-collect kami ng instruments sa bawat napupuntahan namin. Iyong iba, idinadala ng mga kaibigan namin na musician at artist din.”
“I have my own instruments. I also play earth music. Kung alam ko lang na ganito ang music lounge ni Kuya Arthur, noon pa sana ako pumunta dito.” Akala kasi niya ay basta bar lang ang Sanctuary. “Will you allow me to play here?”
“Of course. Pinsan ka ni Sapphire. Lagot ako kapag di kita pinayagan.”
“Si Kuya naman!” nagtatampo niyang sabi.
Tumawa ito. “Pwede kang tumugtog. Sinabi sa akin ni Sapphire na magaling ka. Saka kahit sinong gustong tumugtog dito, pwede.”
“Aba, mukhang magkasundo kayong dalawa,” sabi ni Anarinda, asawa ni Tocks at nagma-manage din ng Sanctuary. Kalong nito ang anak na si Daloy.
“Ganoon talaga ang mga artist,” sabi niya. “Kailan po ba ang jamming night dito, Ate Ana?”
“Mamayang gabi, acoustic ang theme namin. Pero bukas weekend. Kaya earth music kami. Iyon kasi ang gusto ng mga tourist. Kakanta ka, ha?”
“Siyempre! Excited na nga ako!”
“Sa jamming natin, everyone has the chance to play instruments. Guests can express their selves. They can sing and dance as well.”
“Nagkakatuwaan yata tayo,” singit ni Lycerge at pumasok ng art gallery.
“Vice mayor, naligaw po tayo,” sabi ni Tocks at sinalubong ito.
“Nasabi kasi ni Manang Bertha na nandito si Fawna. Sinusundo ko siya,” wika nito at tumutok agad ang mga mata sa kanya.
“At kung ayaw ko?” nakataas ang kilay niyang tanong.
“Hindi tinatanggihan ang grasya,” nakangiting sabi ni Anarinda. “Saka pwede mo bang hindian si Vice Mayor?”
Hindi na siya hinayaan pang tumanggi ni Lycerge at hinawakan agad ang kamay niya. “Come on. Tiyak na mag-e-enjoy ka sa pupuntahan natin. After a long time, ngayon lang ulit tayo magde-date.”