Skylander Series Chapter 76

“Iiwan mo ako dito?” mataas ang boses na tanong ni Shandie kay Jade. Nasa isang restaurant sila sa Bontoc na nasa terminal ng mga jeepney papuntang Sagada. Pero susunduin daw sila ng kaibigan nito. At dahil gutom na siya ay naisipan muna niyang kumain. Hindi na siya makakatiis na sa Sagada pa mananghalian.

Sinipat nito ang camera. “I want to visit the museum. Malapit lang iyon dito.” Isang linggo silang magbabakasyon sa Sagada. Pareho kasi silang workaholic ni Jade at sa ilang taong pagtatrabaho ay burn out na rin ito. “Gusto mong sumama?”

“Wala ako sa mood. Saka gutom na ako. Baka makain ko pa ang mga artifacts na sinasabi mo kapag nagpunta ako doon.” At wala siyang hilig sa mga lumang bagay. Kaya nga History ang pinakamababa niyang grade noon.

“Don’t worry. Maya maya lang, nandito na ang sundo natin.”

“Paano ko makikilala iyon?” Hindi pa niya nakikita ang pinsang hilaw ni Evaine. Lumalabas na ito kasama ang mga kaibigan niya dati pero nasa Cayman Islands pa siya nang mga panahong iyon. Basta ang description nito sa lalaki ay guwapo, matangkad at maganda ang pangangatawan dahil naging international kickboxing champion ito ilang taon na ang nakakaraan.

“I told Klein what you look like.”

“Okay. Sasabihin ko na lang kay Calvin Klein na hihintayin ka namin dito.”

“Don’t call him Calvin Klein. Mag-aaway kayo,” bilin nito bago umalis.

Inilagay niya sa discman sa tainga habang kumakain ng daing na bangus. Alas otso pa lang ng umaga ay umalis na sila ni Jade sa Banaue. Ni hindi siya nakakain nang maayos dahil ayaw nitong maiwan ng jeepney.

They toured Banaue the other day. Sumakit ang katawan niya sa kalalakad dahil nagpunta pa sila sa hot spring ng Hapao. Kasama nila sina Jerome at Georgia na kakakasal pa lang. Ang mga ito na ang nagma-manage ng antique shop ng pamilya ni Jerome. Hindi tuloy niya maiwasang maiinggit. Dati kasi ay nagliligawan lang ang mga ito. Napag-iiwanan na talaga siya.

May pag-asa kaya na makabingwit siya ng guwapo pagpunta niya sa Sagada? Nang nakaraang punta niya sa Sagada ilang buwan na ang nakakaraan ay may nakuha siyang mga prospect. Pero hanggang prospect lang. Dahil isang araw lang niyang nakilala ang mga ito ay tinatapos na agad ang bakasyon. Anong klaseng relasyon ang magkakaroon sila kung saglit lang silang nagkakilala? She was more matured now. She won’t commit the same mistake she did with Xander.

“Shandie?” Speaking of the devil, narinig na naman niya ang boses ni Xander. Umangat ang tingin niya sa lalaking nakatayo sa tabi niya. He was the guy who gave her the handkerchief habang nagdadrama siya sa bar sa Libis.

“You are…” He called her Shandie. Kilala siya nito. “Klein!” Ito ang sundo niya. Mukhang sinuswerte siya sa bakasyong iyon. Di pa siya tumatapak sa Sagada ay may prospect na agad siya. Guwapong prospect.

“Akala ko hindi mo ako makikilala.”

“How can I forget you? I met you at the bar, remember?” animated niyang kwento. Grabe! Mabait talaga ang langit sa kanya. “Salamat nga pala sa pagtulong mo sa akin. Ni hindi man lang ako nakapag-thank you.”

“How are you? Mukhang may malaki kang problema noon.” Kung makipag-usap ito sa kanya ay parang matagal na silang magkakilala. She could see pure concern in his eyes. That’s what she wanted in a guy. Caring. Compassionate.

Lalo niyang tinamisan ang ngiti. Hindi siya mahihirapang kunin ang loob nito kung sakali. Baka sa bar pa lang ay type na siya nito. Kung ganoon, hindi na siya masyadong magpapakipot. Wala siyang pakialam kahit na kahawig pa ito ni Xander. Xander was Xander. And Klein was Klein.

“I am okay now. Nasa museum si Jade. Hintayin daw natin siya.”

“Ipapasok ko muna ang gamit ninyo sa sasakyan,” sabi nito at binuhat ang malaking camping bag niya.

“Tutulungan na kita,” prisinta niya. “Baka mahirapan ka.”

Tumawa si Klein. She liked the sound of his laughter. Very manly. “I can handle this, believe me. Magpahinga ka lang diyan.”

She admired his physique as he loaded their bags. How old was he? Siguro nasa late twenties ito o early thirties. Pwedeng-pwede. Nasa bracket ito ng ideal guy niya. “Klein, nasa bahay pa ang panyo mo. I didn’t know that I’d meet you here.”

He gave her a knockout smile. “I don’t mind.”

Wala sa sariling napahawak siya sa pantalon sa takot na malaglag iyon dahil sa ngiti ni Klein sa kanya. Huwag ka munang dadating, Jade. Didiskartehan ko muna si Klein. My heart is alive again! Parang di nabugbog ang puso niya kailan lang.

Sinulyapan nito ang relo. “Sunduin natin si Jade sa museum.”

“Malaki na siya at kaya na niyang bumalik dito nang mag-isa.”

Sumandal ito sa SUV at humalukipkip. Lalong naglabasan ang muscles nito. Wala sa sariling natanggal niya ang suot na jacket dahil parang biglang nag-init ang buong Cordillera. Samantalang kauulan pa lang noon.

“How’s Banaue?” tanong nito.

“Nag-enjoy ako sa Hapao. Gusto sana naming puntahan doon sa location ng shooting ng Mumbaki. Pero inabutan na kami ng ulan.”

“Nagkita ba kayo ni Jerome?”

Kumunot ang noo niya. “Jerome? Jerome who?”

“Jerome. Jerome Suarez. Classmate mo noong high school.”

Paano nito nalaman ang tungkol kay Jerome? Kung may nakakilala kay Jerome, si Xander iyon. Mataman niyang tinitigan si Klein. O kung si Klein nga ba ito. “Who are you?”

“Klein,” kaswal nitong sagot.

“No! You are Xander!”

“Ako rin iyon.” Tumuwid ito ng tayo. “Alexander Klein Lizardo.”

“Ahhh!” tili niya na dinig yata sa buong Bontoc at umaalingawngaw sa kabundukan. “Binabangungot ako!” Gusto niyang ibaon ang sarili nang buhay nang malamang ang pinapantasya niyang lalaki ay ang lalaki rin na parang sumpa sa kanya. Ang dahilan ng kanyang karma.

Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. “Ano ba ang nangyayari sa iyo?”

Nagwala siya. “Huwag mo akong hawakan! Manloloko!”

“Shandie, pag-usapan natin ito nang maayos,” mariing bulong nito at hinawakan siya sa braso. “Nagtitinginan na ang mga tao.”

“Natatakot kang malaman nila na manloloko ka? Niloko mo ako!”

Nagkibit-balikat ito na parang walang pakialam kung magwala man siya. “I don’t really mind. Hindi naman ako ang nagmumukhang baliw dito.”

Nanlaki ang mata niya. “Sinasabi mo na mukha akong baliw? Sumosobra ka na talaga!” Umigkas ang palad niya para sampalin ito pero mabilis itong nakailag. Sa isang iglap ay isang dipa na agad ang layo nito sa kanya. Lalo siyang nagwala sa inis. Saka niya naalalang bihasa ito sa pakikipaglaban.

“Klein! Shandie! What’s going on here?”tanong ni Jade na bumaba ng tricycle.

Hinalikan ito si Klein sa pisngi. “Nagkakatuwaan lang kami. Excited na kasi si Shandie na pumunta ng Sagada.”

Kumapit siya agad sa braso ni Jade. “Umalis na tayo.”

Gusto na niyang kunin ang mga gamit niya at sumakay sa jeep na pabalik sa Banaue. Kahit sumakay pa siya ng ulap makalayo lang sa manlolokong si Klein.

“Teka, dadaan lang ako sa antique shop,” sabi ni Jade. “Sabi sa museum, pwede daw akong makabili ng antique na snake bones doon. I am excited!”

“Huwag na! Umalis na tayo!” Alexander Klein Lizardo was the last person she wanted to be with.

“Sumakay na kayo,” sabi ni Klein at binuksan ang passenger’s seat ng SUV. “Malapit lang ang antique shop dito.” Napilitan siyang sumakay sa sasakyan nito. Pero hindi nakaligtas si Klein sa matalim niyang tingin.

“YOU are enjoying this, right? You love making a fool out of me.” Shandie kept giving Klein dagger looks. Naiwan silang dalawa sa sasakyan nito habang namimili si Jade sa antique shop. Klein coolly strummed his fingers on the steering wheel. He wasn’t bothered by her anger. Kaya kung kanina ay pinagnanasaan niya ito, kumukulo ang dugo niya sa inis ngayon. Hindi niya matanggap na napaikot siya ng isang lalaki.

“I didn’t make a fool out of you, Shandie.”

“Liar!” singhal niya at dinuro ito. “You told me that your name is Xander.”

“I am Xander to my buddies.”

“Bakit hindi Klein ang pakilala mo sa akin?”

“Iyon ang tawag sa akin ng family ko. But my friends used to tease me as Calvin Klein. Kaya Xander na lang ang tawag sa akin nila Jerome kapag magkakasama kami. Saka iyon naman talaga ang pangalan ko,” depensa nito.

“Nakilala mo na ba ako sa bar noong magkita tayo?” Ano ang iniisip nito nang makitang nag-iiiyak siya? Pinagtatawanan siguro siya nito dahil mukha siyang baliw.

“Yeah!” sagot nito at nagsalang ng alternative rock na CD. “I can easily recognize you, Shandie. You are as beautiful as ever.”

“Huwag mo na nga akong bolahin!” Pumapalakpak ang tainga niya kapag nakakarinig ng compliment dito. Magaling itong mambola at madali pa rin siyang mauto. “Bakit hindi ka nagpakilala sa akin sa bar?”

He looked at her with tenderness in his eyes. “I don’t know how you’d take me. Hindi maganda ang naging paghihiwalay natin noon. Isa pa, parang hindi iyon ang tamang pagkakataon para magpakilala ako. I was even shock to find out that you were back from Cayman Islands. Hindi nabanggit nila Jerome.”

“Ilang buwan pa lang ako dito.” At hindi niya ibinilin niya kay Jerome na huwag sabihin dito. Wala siyang balak na makausap ito. Ni address niya doon ay ayaw niyang ipabigay. Dahil ayaw na niyang magkaroon pa sila ng ugnayan.

“So ikaw pala ang kaibigan ni Evaine na isinama niya dito noon. Ikaw pala ang Shandie na binanggit ni Manang Luisa,” tukoy nito sa caretaker ng ancestral house ng mga Lizardo na nakatayo din sa farm.

“Did you laugh when you saw me cry?” pagkuwan ay tanong niya.

Nagulat ito. “The last thing I wanted was to see a woman cry. Nang lapitan kita, all I wanted was to comfort you and to make you feel okay.”

Humalukipkip siya at inirapan ito. He was as gentleman as ever. But comfort was the last thing he could provide for her. Dahil sa pagbabalik nito sa buhay niya, muli na namang naligalig ang mundo niya.

“Hi, nainip kayo?” tanong ni Jade at umupo sa tabi ni Klein.

“Oo,” nakasimangot niyang sagot.

“Hindi,” kontra ni Klein. “Anong nabili mo?”

May inilabas itong mukhang kuwintas na gawa sa buto ng kung anong hayop. “A snake bone headdress.” At inilagay nito iyon sa ulo.

Nahilot niya ang sentido. “May balak ka bang mag-albularya?”

“Luka-luka! Souvenir lang ito.”

“You look lovely,” nakangiting puri dito ni Klein.

“Thank you.” Lalo siyang napasimangot. Akala niya ay siya lang ang sinasabihan nitong maganda. Pati kaibigan niya ay binobola nito. Kaya naman wala siyang kabalak-balak na pagkatiwalaan pa si Klein.

“Excited si Manang Berta na makilala ka, Jade,” wika ni Klein habang tinatahak nila ang mabanging daan patungo sa Sagada. Si Manang Berta ang namamahala sa ancestral house ng mga Lizardo. Ito ang nag-estima sa kanila ni Evaine nang huling punta nila sa Sagada. “And she is excited to see you again, Shandie. Alas kuwatro pa lang nang madaling-araw ay ginising na niya ako para sunduin kayo. At kahapon pa nakahanda ang kuwarto ninyo.”

“Pwede bang ihatid mo kami sa Sagada guesthouse?” request niya.

“Bakit ayaw mo sa bahay? Are you afraid of ghosts?” Klein asked with a joshing expression on his face.

Tumawa si Jade. “She is afraid of the old mirror.”

Matatakutin siya. Kaunting kaluskos lang ay nagpi-freak out na siya. Dahil luma ang bahay ng mga Lizardo, akala niya noon ay puro multo ang nakatira doon. Naroon pa ang salamin na sinasabing pwede mong makita ang lalaking pakakasalan mo. And if you didn’t see your destiny, you would see the devil instead.

“There is nothing to be afraid of, Shandie. There are no ghosts,” sabi ni Klein.

You are the ghost I am scared of, Klein, ibig sana niyang ipagsigawan dito. At gusto na kitang ma-exorcise sa buhay ko.

“Nahihiya kasi ako sa iyo. Hindi naman kami kapamilya.”

The idea of staying in the same house with Klein made her edgy.

“Bisita namin kayo,” sagot agad ni Klein. “Guests of Lizardo family don’t stay at the guesthouse or hotel.”

“Don’t mind Shandie. Napagod lang iyan sa biyahe. At ang totoo, natatakot lang siya sa mundo. Duwag pa rin iyan hanggang ngayon,” Jade humored.

“Good!” Lumapad ang ngiti ni Klein.

Pumikit na lang siya at hindi nakipagtalo. Wala naman kasi siyang laban sa dalawa. But if Klein wanted to play with her, she would make sure that he wouldn’t get the best of her anymore.

“WHAT’S wrong with you, Shandie? You are rude to Klein!” sermon sa kanya ni Jade habang inaayos nila ang mga bagahe sa kuwarto nila. Katatapos lang ng lunch nila. Halos di niya kibuin si Klein samantalang dati naman siyang friendly sa mga lalaki.

“I am not. Wala lang ako sa mood makipag-usap ngayon.”

Isinabit nito ang blouse sa hanger at tinaasan siya ng kilay. “Ang ibig kong sabihin, iyong pagpapahatid mo sa guesthouse samantalang alam niyang dito tayo tutuloy. That is rude! We are his visitors.”

Napayuko siya dahil ayaw nitong makita ang pagtalim ng mata niya. “He is such a pest!” she murmured to herself.

“How come Klein is a pest?” anang si Jade na narinig pala ang sinabi niya. Pag-angat ng tingin niya ay nakapamaywang na ito sa harap niya. Kuyom nito ang palad at handa siyang kutusan. “I know you are hard to deal with after you broke your heart. Pero huwag mong idamay si Klein sa galit mo sa pag-ibig. Please!” anito at itinaas ang kamay. Pagkuwan ay ngumiti ito. “Magpahinga ka na. Pagod lang iyan. Dahil mamayang gabi, pupunta tayo sa Sanctuary.”

“Ayokong sumama. Dito na lang ako.”

“Hindi kita isinama dito para magmukmok. Sasama ka sa amin ni Klein…”

Humiga siya at tinalikuran ito. “Ayoko nga siyang kasama, okay?”

Tumayo ito sa side kung saan siya bumaling. “Ano ang problema mo?”

Bumuntong-hininga siya at bumangon. “I guess it can’t be help. Kailangan mong malaman na ex-boyfriend ko si Klein.”

“Ex-boyfriend!” anito sa mataas na boses.

“Or sort of.” Dahil mutual understanding lang ang mayroon sila ni Klein.

“Anong ‘sort of’?” Mas mataas na ang pitch nito. Ganoon si Jade kapag nasosobrahan sa shock. Lumalabas ang pagka-soprano nito. “Di namin ito alam.”

“Nangyari iyon ilang araw bago ako umalis papuntang Cayman Islands.”

Ikinuwento niya kung ano ang nangyari sa kanila ni Klein. Habang nagku-kwento ito ay nakakunot ang noo nito.“Hindi na kayo nagkaroon ng communication?”

“What for? We just played around. Ni hindi nga niya sinabi sa akin kung ano ang totoong identity niya.”

“He has a valid reason. Pero mas masama ang ginawa mo sa kanya. You made him fall and then drop him like a hot potato without a blink.”

Napangiwi siya dahil sermon na naman ang inabot niya. Kaya nga ayaw niyang ikwento dito. “Dati pa iyon. Mga bata pa kami.”

“Matanda na kayo noon. Twenty one na kayo noon at hindi disi-sais.”

“Pero naiintindihan mo kung bakit ako nagkakaganito?”

“Naiintindihan kita. You are acting in a very immature way! Sa tingin ko, natatakot ka kay Klein dahil nakakaramdam ka pa rin ng guilt sa ginawa mo sa kanya. And you are afraid that he might do something against you.”

Napapadyak siya. “Jade, hindi iyan ang gusto kong marinig sa iyo.” Gusto niyang tulungan siya nitong iwasan si Klein at hindi bigyan ng lecture.

“Hindi nga iyon ang gusto mong marinig pero iyon ang dapat mong marinig,” mariin nitong sabi. “And I won’t tolerate your childish ways. Klein is also my friend. Hindi ko kayo pakikialaman. So if you have a problem with Klein, settle this in a very matured and adult way, okay?”

Lalong sumakit ang ulo niya. Sana ay nagpatihulog na siya sa bangin kanina para walang problema. She had no idea on how to deal with ‘ex’ in a very matured and adult way. Klein was giving her a hard time so she would return the favor.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.