Something Hot, Something Messy, Something Scandalous Triliogy Chapter 12

“DAPAT ba sinabi ko sa kanya `yong mga takot ko at hindi ko siya basta tinaboy? Dapat ba nagpaliwanag muna `ko sa kanya imbes na tinapos ko agad ang relasyon namin? Tanga ba `ko?”

“Uhm, ano’ng gusto mong marinig, Vanessa? The whole truth or the less painful version?”

“The ugly truth,” sagot ni Vanessa sa tanong ni Eleanor. Pagkatapos ay tinakpan niya ng mga kamay ang mukha niya. “Shit, Eli. Never kong naisip noon na of all people, sa `yo ako hihingi ng advice. No offense, pero ni minsan kasi, hindi ko na-imagine na darating ako sa point na kakailanganin ko ng payo ng isang taong magaling sa ganito. It never crossed my mind na magkakaro’n ako ng problemang pampuso. You know me. Casual sex is my game, not something as sappy as… love.”

Ang totoo niyan, ang unang nilapitan ni Vanessa ay sina Isabella at Penelope na tulad niya, nag-e-enjoy din sa mga hookup at casual relationships. Pero wala siyang napala sa dalawa dahil gaya niya, wala ring alam ang mga ito pagdating sa seryosong relasyon.

“If it has nothing to do with sex, I’m useless,” sabi ni Penelope sa kanya. “You can ask me anything about sex positions, sex toys, or even advice on how a threesome works effectively. Pero pagdating sa ganyan, pareho lang tayong clueless.”

“I enjoy watching my friends fall in love and I can support you one hundred percent,” sabi naman ni Isabella. “Pero kung advice ang hihingin mo sa `kin, wala akong maibibigay. Isa-suggest ko sana ang makeup sex, but I think it doesn’t work unless you already solved the problem. Girl, kay Eleanor o kay Champagne ka na lumapit. Alam mo namang sila ang expert sa romance department.”

Iyon ang dahilan kung bakit nasa Hot&Cold—isang coffee shop—si Vanessa ngayon kasama si Eleanor. Magandang choice din sana si Champagne na siyang pinaka-hopeless romantic sa grupo nila, pero busy ang bride-to-be niyang kaibigan sa pag-aasikaso ng kasal nito kaya hindi na niya ito inabala. Saka close kasi ito sa mga kaibigan ni James Grande kaya baka maging biased ang babae.

“Ang tanga mo, Vanessa,” poker-faced na sabi ni Eleanor. “Sinayang mo `yong lalaki na pinapangarap ng maraming babae. Sinuko mo pa `yong pagkakataong magkaro’n ng masayang relasyon na ipinagkakait sa maraming tao. Kung alam mo lang sana kung ga’no ka kasuwerte na may isang Fern Fletcher na seryosong nagmamahal sa `yo, baka nagpasagasa ka na dahil d’yan sa kagagahan mo.”

Tumaas ang kilay ni Vanessa. Okay, nakalimutan niya kung gaano kaprangka si Eleanor kaya nabigla siya sa mga sinabi nito. Pero mas matimbang ang sakit hindi lang dahil nainsulto siya, kundi dahil totoo ang mga sinabi ng kaibigan. “You’re really my true friend, Eli. Ang sakit, eh.”

“You asked for it,” malumanay na sabi ni Eleanor, saka ibinaba sa mesa ang tasa ng kape nito bago nagpatuloy. “Isa pa, alam ko namang tama ako. Sa mga ikinuwento mo sa `kin, pareho nating alam na ikaw ang may problema.”

“Can you blame me?” paghihinanakit naman ni Vanessa. “Eli, kilala mo `ko. I’m a drifter. I leave when things start to get ugly to save myself from pain.”

God, now she was quoting her ex-boyfriend!

Sumandal si Eleanor sa silya at humalukipkip habang pinagmamasdan siya. “About that Stacy girl, ginamit mo lang na excuse `yon para i-justify ang pagtalikod mo kay Fern Fletcher, `di ba? You know what the core problem is? You’re afraid of not being good enough for Fern.”

Napalunok si Vanessa. Ngayon lang nalaman ni Eleanor ang tungkol sa kanila ni Fern, pero base pa lang sa pagkukuwento, nakita na agad nito kung saan nagmumula ang takot at katangahan niya.

Hopeless romantic people are scary, aren’t they?

“Iniisip mo na kung magiging kayo nga ni Fern, baka pumalpak ka at hindi mo mapanindigan `yon,” pagpapatuloy nito. “Na kung magkulang ka sa kanya at hindi mo maabot ang expectation niya sa `yo bilang ‘girlfriend’ ay maghanap siya ng ibang babae na sanay sa seryosong relasyon. Kaya bago pa umabot sa gano’n, tumakas ka na no’ng nagkaro’n ka ng pagkakataon. Ginawa mong excuse `yong tungkol sa pag-aakalang si Stacy ang gusto ni Fern para ma-justify mo sa sarili mo na tama lang ang desisyon mong sumuko kahit hindi pa naman nagsisimula ang laban.”

Napangiwi si Vanessa. Lahat ng sinabi ni Eleanor, tumagos sa puso niya kasi totoo. Tamang tao nga ang nilapitan niya. “Ano ba’ng dapat kong gawin, Eli?”

“Aminin mo muna sa sarili mo na mahal mo si Fern Fletcher.”

Natahimik si Vanessa. Hinintay niyang magprotesta ang kalooban niya dahil sa sinabi ni Eleanor. Dati kasi, kapag nakakarinig siya ng mga bagay na may kinalaman sa pag-ibig, kinikilabutan siya. Pero ngayon, payapa ang damdamin niya. Na para bang sa kaibuturan ng kanyang puso, matagal na niyang tinanggap na may damdamin siya na puro at hindi lang dala ng pagnanasa. “Is that supposed to solve anything, Eli?”

Ngumiti si Eleanor. “Of course. When you’re in love, you can do anything and everything. Hindi ko naman puwedeng idikta sa `yo kung ano ang dapat mong gawin. Alam kong cliché itong ipapayo ko sa `yo, pero maniwala kang effective `to: Listen to your heart.”

Muli, natahimik si Vanessa. Hindi siya makapaniwalang ginagawa niya ito, pero sinusunod niya ang payo ni Eleanor—nakikinig siya sa puso niya. God, iba na pala ang tunog ng tibok niyon!

Fern. Fern. Fern. Fern. Fern.

Habang nakatulala sa salaming dingding ng coffee shop, may dumaan na pamilyar na lalaki. Nanlaki ang mga mata niya at bigla siyang napatayo. Tama kaya ang nakita niya?

“Vanessa, are you okay?” nag-aalalang tanong naman ni Eleanor.

Mabilis na tumango si Vanessa. “Si Fern yata `yong dumaan, Eli.”

Natawa nang mahina si Eleanor. “Then go get your man, girl.”

Nakangiting tumango si Vanessa. Niyakap niya si Eleanor mula sa likuran at hinalikan ang kaibigan sa pisngi. “Thank you sa advice, Eli! `Love you!”

“`Love you, too,” natatawang sagot naman ni Eleanor.

Tumakbo si Vanessa palabas ng coffee shop. Dumeretso siya sa car space kung saan nakita niyang papunta si Fern. Nakita niya ang binata na kasasakay lang ng kotse nito at bago maisara ang pinto, pinigilan niya ito. “Fern Fletcher!”

“Sorry, I’m the older Fletcher.”

Natigilan si Vanessa nang pag-angat ng tingin ng lalaki sa kanya, si Flynn nga ang sumalubong sa kanya at hindi si Fern. Nadismaya siya.

Malaki kasi ang pagkakahawig ng magkapatid at puwedeng mapagkamalang kambal. Hindi na niya siguro napansin ang kaibahan sa height ng dalawa dahil nasabik siya para sa mas batang Fletcher.

“You look disappointed,” nakasimangot na sabi ni Flynn. Pagkatapos, bumaba ito ng kotse, isinara ang pinto at sumandal doon. Humalukipkip ito at binigyan siya ng matalim na tingin. “Huwag kang mag-alala. Dismayado rin ako na ikaw ang nakita ko at hindi ang kaibigan mong si Isabella.”

Tumaas ang kilay ni Vanessa. Masayahing tao si Flynn kaya nakakagulat na makita itong iritable. “Ano ba’ng nagawa ko para magalit ka sa `kin nang ganyan?”

“Oh, nothing. You just broke my younger brother’s heart. Dapat kong ikatuwa `yon sa `yo, `di ba?” sarkastikong sagot ni Flynn.

Napapiksi si Vanessa. Okay, nasaktan siya roon. “I’m so sorry about that.”

“Hindi ako ang nasaktan kaya huwag mo sa `kin sabihin `yan,” malamig na sabi ni Flynn. “Pero kung `yan lang ang sasabihin mo kaya mo gustong makita si Fern, huwag na lang. He doesn’t need your apology. He needs you to stay out of his life so he can move on in peace. The last time I saw him, he was doing good. Baka bumalik siya sa dati kung magpapakita ka na naman sa kanya.”

“Alam mo kung nasaan si Fern?” puno ng antisipasyon na tanong ni Vanessa. Sa lumipas kasi na sampung araw, hindi na niya nakitang lumabas ng condo si Fern. Sa palagay niya, wala roon ang binata. “Puwede mo bang sabihin sa `kin kung nasaan siya?”

“I think there’s a reason why my brother didn’t tell you where he is, right?”

Nakagat ni Vanessa ang ibabang labi. “You hate me this much, huh?”

Pinisil ni Flynn ang pagitan ng mga mata nito. Nag-iwas ito ng tingin at tumitig sa sexy na babaeng pumasok sa café. “Yeah, I hate you for ruining my brother.”

Kumunot ang noo ni Vanessa. Pinisil niya ang pagitan ng mga mata niya. “Fern does this, too. Pareho kayo ng mannerism?” You’re getting horny in broad daylight? Seriously?

Gulat na nilingon siya ni Flynn. “Oh, shit. Sinabi sa `yo ni Fern na ginagawa namin `to kapag nagsisinungaling kami?”

Nanlaki ang mga mata ni Vanessa. Iyon ba ang totoong dahilan kung bakit ginagawa iyon ni Fern? Bigla tuloy niyang naalala ang mga sinabi ng binata noong ginawa nito ang mannerism na iyon.

“I’m not that of a romantic, Vanessa. Aaminin ko, nagustuhan kita no’ng nasa college tayo. Pero sigurado rin ako na no’ng lumipad ako papuntang LA para pumasok sa culinary school, nakalimutan na kita.”

“It wasn’t love. But I was seriously attracted to you, kaya bumalik agad `yon no’ng nakita uli kita…”

“Oh. Don’t worry, Nessa. I’m not hoping for a serious relationship with you. I’m already fine with what we have now.”

Kung ganoon, totoo palang noong umpisa pa lang ay seryoso na talaga si Fern sa kanya.

Shit. Tama si Eli. Dapat nga akong magpasagasa dahil sa katangahan ko!

“I don’t hate you, Vanessa,” mas friendly na na pag-amin ni Flynn mayamaya. “Pero totoong naiinis ako sa `yo dahil sa ginawa mo sa kapatid ko. Though I’m not probably in the right place to stop you from seeing my brother. Ang akin lang, huwag muna ngayon. Hindi pa siya handa.”

“I want to make everything right, Flynn,” pakiusap ni Vanessa. “Kaya sana sabihin mo sa `kin kung nasaan si Fern. Promise, hindi ko na sasaktan ang kapatid mo.”

Ngumiti nang apologetic si Flynn. “Sorry, Vanessa. Hindi ko alam kung nasaan si Fern ngayon. Nagpapakita lang siya sa `kin kapag gusto niya. Pero walang nakakaalam kung saan siya nag-i-stay.”

Nalaglag ang mga balikat ni Vanessa. Nakumpirma niya ang hinala: wala nga sa condo nito si Fern. “Gano’n ba…”

Tinapik siya ni Flynn sa balikat. “Don’t worry. I’ll tell him you want to see him. Pero hindi ko maipapangako na haharapin ka na ni Fern dahil lang do’n.”

“Does he hate me that much?” kabadong tanong ni Vanessa.

“Only Fern can tell, Vanessa.”

NANLULUMO pa rin si Vanessa nang pauwi na siya sa condo niya. Makabuluhan naman ang naging usapan nila ni Eleanor. Iyon nga lang, kahit alam na niya ang totoong nararamdaman para kay Fern, hindi naman niya alam kung nasaan ang binata.

Ilang beses na niyang tinext at in-e-mail si Fern pero hindi ito sumagot. Nang tawagan niya ito, hindi naman niya ito ma-contact. Dumaan din siya kanina sa restaurant nito pero ang sabi ng mga tauhan nito, nagbakasyon ang lalaki. Obviously, pinagtataguan siya nito.

Fern… nasa’n ka na ba?

Huminto si Vanessa sa harap ng pinto ng condo ni Fern. Bigla niyang naalala ang unang beses na pinagbuksan siya ng binata kung saan tanging pantalon lang ang suot nito. Iyon ang naging simula ng pagiging malapit nila sa isa’t isa.

Siguro kung hindi niya kinailangan ng food stylist nang araw na iyon, wala pa ring mangyayari sa kanila ni Fern. O baka naman lumapit ito sa kanya sa ibang paraan. Pero alam niyang kung dineretsa siya ng binata na gusto siya nitong maging girlfriend, tatanggihan niya ito agad-agad.

Ngayon naiintindihan na niya kung bakit ginawa ni Fern ang mga ginawa nito para mapalapit sa kanya. Epektibo naman ang strategy nito para mapalambot ang kanyang puso. Ang problema lang, naging matigas ang ulo niya. Hindi niya agad inamin ang totoong damdamin para sa binata dahil sa dami ng takot at issues niya sa buhay.

Pinagsisisihan na ni Vanessa ang pagiging duwag. Kung mabibigyan sana siya ng isa pang pagkakataon, itatama na niya ang lahat ng katangahan.

Universe, just once. Please listen to me. I want Fern. No… I love him. Puwede bang ibalik mo na siya sa `kin? Promise, magiging mas mabuting tao na `ko kapag bumalik siya.

Humugot ng malalim na hininga si Vanessa at kahit alam niyang walang saysay, pinindot pa rin niya ang doorbell nang paulit-ulit, umaasa na may Fern na magbubukas ng pinto. Pero ilang minuto na ang lumipas, wala pa ring nangyari.

I hate you, Universe. Madamot ka, sobrang damot!

Aalis na sana siya, pero natigilan nang marinig niya ang pagpihit ng seradura at ang pagbubukas ng pinto.

Napangiti si Vanessa, pero agad din iyong nawala nang imbes na ang shirtless na si Fern ang sumalubong sa kanya, si Stacy iyon na tanging tuwalya lang ang nakatakip sa makurba nitong katawan. Basa ang buhok nito, halatang kalalabas lang ng shower.

Kulang ang sabihing nagulat siya. Pakiramdam niya, dinukot ang puso niya at inapak-apakan iyon sa kanyang harap. Pero nang makabawi ay bumangon ang matinding selos sa dibdib niya.

Posible bang hindi naman lumayo si Fern at halos dalawang linggo lang itong nagkulong sa condo kasama si Stacy? Masakit man aminin, maganda at sexy ang babaeng ito. Kung lalaki siguro siya, hindi na rin siya aalis ng kama kung mala-diyosa ang makakasama niya.

“Oh, you’re looking for Fern, right?” nakangiting sabi ni Stacy. Inosente ang mukha nito, pero walang kainosentehan sa nakikita niyang kamalditahan sa mga mata nito. Eksaherado pa itong bumuntong-hininga. “I’m so sorry, but he’s too tired to get up from bed. Kung may sasabihin ka sa kanya, sa `kin mo na lang sabihin. I’ll tell him when he wakes up.”

Kinalma ni Vanessa ang sarili. Hindi siya puwedeng mawalan ng poise sa mga ganoong pagkakataon. “Kailan pa bumalik si Fern?”

“Just last night,” mabilis na sagot ni Stacy. Pagkatapos ay namula ang mga pisngi nito at bumuntong-hininga pa na parang nangangarap. “I think kasalanan ko yata kung bakit hindi na nagpapakita si Fern sa mga kaibigan niya simula nang bumalik ako. What can I say? I think he missed me so much.” Bumungisngis pa ito na parang kinikilig at parang teenager na sinapo pa ang mga pisngi. “Nakakahiya. Sorry, ha? Hindi ko lang mapigilan ang sarili kong magkuwento.”

Naikuyom ni Vanessa ang mga kamay. Mukha lang siyang kalmado sa labas, pero kumukulo na ang dugo niya sa matinding galit. Childhood friend, my ass! Malamang fuck buddy ni Fern ang babaeng `to no’ng nasa LA siya!

Ngumiti nang apologetic si Stacy. “I’m sorry, but I have to get back inside. Medyo messy pa kasi ang kuwarto namin, lalo na’t nagkalat ang Nutella sa bedsheet. Baka langgamin na si Fern kung hindi pa `ko maglilinis.”

Pinilit ni Vanessa ang sariling ngumiti kahit parang narinig niyang napunit ang kanyang dibdib. “All right. Pasensiya na sa abala. Langgamin sana kayo sa ka-sweet-an n’yo at mamaga ang lahat ng parte ng katawan n’yo na hindi n’yo na mae-enjoy mamayang gabi. Good-fucking-bye,” mapait na sabi niya saka tinalikuran si Stacy.

Pagbalik ni Vanessa sa condo niya, dumeretso siya sa kusina. Kumuha siya ng isang pitsel ng malamig na tubig, nagsalin sa baso, at inisang-lagok iyon. Pagkatapos, ipinatong niya ang mga kamay sa kitchen island habang kinakalma ang sarili.

Lahat ng mga sinabi ni Stacy sa kanya kanina, paulit-ulit niyang narinig sa isip. Ngayon ay alam na niya kung gaano kasakit masaktan nang dahil sa isang lalaki. Tama si Eleanor. Dapat siyang magpasagasa dahil sinayang niya ang taong may kakayahang magpasaya sa kanya at ipinagtulakan pa ito sa ibang babae.

Bigla tuloy niyang naisip na noong sinabi ni Fern na gusto na nitong tapusin ang kanilang relasyon, hindi pinisil ng binata ang pagitan ng mga mata nito. Ibig sabihin, hindi ito nagsisinungaling. Siguro si Stacy ang tumutulong sa gagong iyon para makalimot.

Marahas na pinunasan ni Vanessa ang kanyang mga luha na basta na lang pumatak. Sa edad niyang iyon, hindi niya akalaing maiiyak pa siya dahil sa pagkabigo sa pag-ibig. “This is why you should never fall for your fuck buddy! Love fucks you up!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.