NAG-EEMPAKE na si Erica.
Kahapon na ang huling araw niya sa opisina. Naipasa na niya ang project na hawak kay Stacy. Nag-organize din ang mga katrabaho niya ng munting padespedida para sa kanya. Gaya noong una, sinabi ng editor in chief nila na puwede siyang bumalik anumang oras, na parang umaasa pa rin na magbabago ang isip niya tungkol sa pag-alis.
Dahil libre na si Erica ngayon, nagsimula na siyang mag-empake ng mga gamit. Meron pa siyang limang araw bago umalis. Balak niyang magbakasyon sa Antipolo para makasama naman niya ang kanyang pamilya at mabawasan na rin ang lungkot niya.
Nang nangilid na naman ang mga luha ni Erica, dumeretso siya sa banyo para sana maghilamos. Pero nang makita pa lang niya sa bathroom sink ang box ng Durex—ang paborito nilang brand ng condom ni Josh—ay lalong nanikip ang kanyang dibdib. “Shit.” Tinampal-tampal niya ang mga pisngi hanggang sa mamula ang mga iyon. “Masyado ka nang matanda para umiyak uli sa lalaki, Erica.”
The doorbell rang.
Napahawak si Erica sa sikmura nang mabuhol iyon. Tumawag si Josh kanina at sinabing dadalaw sa condo niya, kaya naibilin na niya sa receptionist ng building nila ang pagdating ng binata. Kahit ayaw niya, kailangan niya itong harapin.
Mabigat ang kanyang mga paa nang pagbuksan niya ng pinto si Josh. Inasahan niya ang galit o hinanakit nito dahil sa tatlong araw na lumipas, hindi siya nagpakita at nagparamdam man lang sa lalaki. Iniwan niya ito sa ospital at hinayaang magpagaling mag-isa. Nag-aalala siya, oo. Pero alam naman niyang inaalagaan ito ni Carrie.
Hindi niya inaasahan ang magandang ngiti ni Josh, at ang mabilis na “pagnanakaw” nito ng halik sa kanyang mga labi. Magaang at sandali lang ang pagkakadikit ng mga labi nila, pero may kung anong mainit na bagay na bumalot sa dibdib niya.
“Na-miss kita, Eri,” nakangising sabi ni Josh. Pero eksaherado ring sumimangot pagkatapos. “May kailangan kang ipaliwanag sa `kin.”
Pinilit ni Erica na huwag magpakita ng emosyon. “Alam ko,” kaswal na sagot niya, saka nilakihan ang pagbukas ng pinto. “Come in.”
Kumunot ang noo ni Josh pero hindi naman nagkomento. Tahimik itong pumasok sa loob ng condo niya.
Kahit nakatalikod si Erica kay Josh, ramdam niyang nakatitig ito sa kanya. Dumeretso siya sa kusina. “What do you want to drink?”
“`Yong juice na galing sa `yo.”
Nag-init ang mga pisngi ni Erica dahil sa sagot ni Josh. Muntik na niyang makalimutan kung gaano ito kabulgar magsalita madalas. Mabuti na lang, nakatalikod siya dahil ayaw niyang makita ng binata na naapektuhan siya sa mga sinabi nito. Because damn, the need in his voice made her wet. “Sorry, it’s not available.” Sinubukan niyang buksan ang ref, pero sumara din agad iyon nang ilapat ni Josh ang kamay sa pinto niyon. Ramdam niya ang mainit na katawan ng lalaki sa kanyang likod. Sa totoo lang, gusto niyang pumihit paharap para yakapin ito. Kinagat niya ang ibabang labi para pigilan ang sarili. “Josh, wala ako sa mood.”
“Eri, kailangan nating mag-usap.”
Humugot ng malalim na hininga si Erica bago pumihit paharap kay Josh. Sa pagkakataong iyon, dalawang kamay na nito ang nakatukod sa magkabilang-gilid niya. Mukhang wala itong balak umalis doon kaya sumandal na lang siya sa pinto ng ref at humalukipkip. Tumingala siya sa binata para ipakita ang pagiging malamig niya. “Fine. Let’s talk.”
Halatang na-distract si Josh nang bumaba ang tingin nito sa kanyang dibdib. Tank top na malalim ang neckline ang kanyang suot kaya nang humalukipkip siya, umangat at lalong lumaki tingnan ang boobs niya. Napalunok ang lalaki. Pagkatapos, bumalik ang mga mata sa kanyang mukha. Bakas sa mukha ni Josh ang pagnanasa, pero may pagkalito rin siyang nakikita.
“Eri, alam ko kung bakit mo `ko iniiwasan. Kung bakit mo `ko iniwan kay Carrie kung kailan kita kailangan. Tinataboy mo na `ko, `di ba?”
Tumango si Erica. Sigurado siyang kalmado ang kanyang hitsura, pero sa totoo lang, bumabaha na ng luha sa loob niya. “Ayoko na, Josh. Tapusin na natin kung anong meron tayo ngayon.”
Sa pagkagulat niya, ngumiti si Josh. Iyong ngiti na parang nagpabalik sa pagkabata nito dahil sa inosenteng kasiyahan na nangingislap sa mga mata. Nawala na ang pagnanasa sa mukha ng binata na parang... may mas puro at mas dalisay nang ugnayan sa pagitan nila. “Huwag ka nang umayaw kasi mahal din kita, Eri.”
Kulang ang sabihing nagulat si Erica. May bahagi niya na inaasahan na ang pagtatapat ni Josh, pero mas nangibabaw pa rin ang pagkabigla. Nataranta tuloy siya. “Ano ba’ng sinasabi mo d’yan?”
Yumuko ang lalaki para magpantay ang eye level nila. Hindi pa rin nawawala ang inosenteng kasiyahan sa mukha nito. “In love ka na sa `kin kaya umaayaw ka na, `di ba?”
Bumuka ang bibig ni Erica para sana itanggi ang “paratang” ni Josh. Pero parang biglang nawalan siya ng boses. Wala naman kasing salitang makakapagkaila sa kanyang nararamdaman.
Lumuwang ang pagkakangiti ni Josh. Ngiting-tagumpay. “Tama ako. Naramdaman ko, eh. Nagseselos ka kay Carrie, `di ba? Huwag kang mag-alala, Eri. Umiiwas na `ko sa kanya at alam niya kung bakit. Hindi siya ang kasa-kasama ko habang nagpapagaling ako. Si Juliana ang nag-alaga sa `kin. Nagpunta siya rito sa Maynila. Kung gusto mo ng patunay, tara sa apartment ko. Nando’n siya.”
Napakurap-kurap si Erica, hindi pa rin makapaniwala sa naririnig. “Kailan pa?”
“Siguro no’ng una pa lang. Hindi ko lang agad na-realize `yon kasi akala ko dati, libog lang. Pero no’ng nag-away tayo ng isang buwan at iniwasan mo `ko, do’n ko pa lang naramdaman na seryoso na pala ako sa `yo. `Yon din ang dahilan kung bakit nasabi ko ang mga bagay na sinabi ko no’ng araw na tinatawag mong ‘Fall-Out Stage’ natin. Puso ko na pala ang nagsasalita no’n.”
“Pero nakipag-date ka kay Kara no’n imbes na suyuin ako,” pagpapaalala niya rito.
“Palabas lang `yon,” sagot naman ni Josh na parang nahihiya pa. “Nakita ko kasi sa `yo na natakot ka no’ng nahalata mo `yong totoo kong nararamdaman. Alam kong hindi ka pa handa, kaya naisip kong magpanggap na hindi ako seryoso sa mga nasabi ko no’n.”
Mabuti na lang at nakasandal si Erica kundi, baka natumba na siya. Josh’s confession felt heavy in her confused heart. “Josh...”
“I love you, Eri,” sansala ni Josh sa sasabihin niya. “Walang pero kasi totoo. Hindi gaya ng ex mong gago.” Ngumiti ito at masuyong hinaplos ang kanyang pisngi. “Aaminin ko na no’ng una, tumatanaw lang ako ng utang-na-loob sa `yo. Akala ko, gusto lang kitang paligayahin para lang makabawi. Eh, nag-evolve `yong pagkalibog ko. Naging seryoso. Malalim. Hanggang nahulog na `ko sa `yo.”
Walang nasabi si Erica. Natatakot kasi siya na baka kapag ibinuka niya ang bibig, ang puso niya rin ang magsasalita. Kaya kinagat niya ang ibabang labi.
“Kaya nga huwag ka nang umayaw,” pagpapatuloy ni Josh nang nanatili siyang tahimik. “Mahal naman natin ang isa’t isa, eh. Magseryosohan na tayo.”
Marahang umiling si Erica. Sumakit ang lalamunan niya sa pagpipigil umiyak. “I’m leaving, Josh.”
Halatang nagulat ang lalaki, ilang segundong natigilan at nagmukhang estatwa. Nang magsalita ito, mahihimigan sa boses ang pagkalito. “Para sa bakasyon? Trabaho? Matagal ba?”
“For good.”
Inalis ni Josh ang mga kamay sa magkabilang-gilid niya nang tumayo ito. Namaywang ang binata habang binibigyan siya ng naguguluhang tingin. “Kailan pa, Eri? Matagal mo na bang pinlano ang pag-alis?”
Marahang tumango si Erica. “No’ng isang buwan pa.”
Muli, natigilan si Josh. Kitang-kita niya ang paglalaro ng iba’t ibang emosyon sa mukha nito—gulat, pagkalito, takot, sakit, at pag-aakusa. “No’ng isang buwan pa,” pag-uulit ng binata na parang may inaanalisa sa isipan. Nagtagis ang mga bagang nito bago nagpatuloy. “Sandali, Eri. Naging mabait ka ba sa `kin nitong mga nakaraang linggo dahil iiwan mo na `ko?”
Humapdi ang gilid ng mga mata ni Erica dahil sa luha. In a way, Josh’s accusation was true. She wanted to create happy memories with Josh as a souvenir before she left. “Ano ba’ng akala mo?”
“Akala ko mahal mo na `ko, eh. Akala ko `yon ang dahilan kung bakit gusto mong matapos na tayo. Kaya nga ako pumayag do’n, eh,” paghihinanakit ni Josh. Kunot na kunot ang noo nito at kitang-kita sa mga mata ang sakit. “Pati ba `yong paghahanap mo ng ‘disenteng girlfriend’ para sa `kin, planado mo para may makasama ako kapag umalis ka na?”
Marahang tumango si Erica. Ayaw niyang saktan si Josh, pero huli na para ihinto iyon. “It’s supposed to be my farewell gift to you, Josh. I want to find a nice girl who’ll take care of you when I leave. Gusto kong makasiguro na hindi ka babalik sa pagiging malungkot kahit mawala na `ko.”
“Hindi na `ko bata. Hindi ko kailangan ng mag-aalaga sa `kin,” galit na sabi ni Josh.
Ngumiti nang malungkot si Erica. “Josh, alam natin pareho na nakadepende ka sa `kin. Nag-alala lang naman ako na baka madurog ka sa pag-alis ko.”
Ngumisi nang mapait ang lalaki. “Hindi ako nakadepende sa `yo dahil mahina ako. `Yon lang ang gusto kong isipin mo dahil gusto kong nasa tabi mo parati. Kasi hindi ko na makita ang buhay ko nang hindi ka kasama, Eri.”
“Josh—”
Tumunog ang doorbell.
Kumunot ang noo ni Erica sa pagtataka. Wala siyang inaasahang bisita. Saka kung meron mang dumating, dapat ay tinawagan muna siya ng receptionist. Naisip niyang baka kapitbahay niya iyon. Mabuti na lang dahil kailangan niya ng distraction. “Excuse me,” sabi niya kay Josh, saka ito iniwan sa kusina para buksan ang pinto.
Isang bouquet ng pulang rosas ang sumalubong sa kanya. Natatakpan man ng bulaklak ang mukha ng lalaking may hawak niyon, hindi pa rin siya puwedeng magkamali.
Oh, no. No. No...
Ibinaba ni Jeff ang hawak na mga bulaklak kaya nakita na niya ang nakangiti at guwapo nitong mukha. “Surprise!”
“Ano’ng ginagawa mo rito, Jeff?” hindi makapaniwalang tanong ni Erica.
“Oh.” Halatang nadismaya si Jeff sa kanyang reaksiyon. “Nakilala ako ng receptionist n’yo kaya pinakiusapan ko siyang huwag sabihin sa `yong nandito ako. I wanted to surprise you.” Bumakas sa mukha nito ang pag-alala. “You look pale. Are you okay, Erica?”
Okay ba si Erica? Hindi. Hindi siya makahinga.
“Erica, I think you...” Lumagpas ang tingin ni Jeff sa kanya. Bahagyang kumunot ang noo nito kaya doon pa lang, alam na niya kung sino ang nakita nito. “Josh.”
“SO, JOSH is your lover, huh? Why have I not thought you’d be hooking up with your best friend? I should have known.”
Ipinaikot ni Erica ang mga mata sa namamanghang boses ni Jeff. Bakit ba lahat ng tao, “best friend” ang label sa relasyon nila ni Josh? Hindi na lang niya isinatinig ang tanong dahil sa totoo lang, alam naman niya ang sagot. They were best friends, with intense lust for each other. And now, it was more than that. “Nagbago na ba ang isip mo tungkol sa pakikipagbalikan sa `kin ngayong alam mo nang si Josh ang kasama ko simula nang naghiwalay tayo?”
One hour ago was the most awkward hour of her life.
Kitang-kita ni Erica ang matinding sakit at hinanakit sa mga mata ni Josh nang makita nito si Jeff. Walang sabi-sabing umalis ang una.
Habang si Jeff naman, hindi gaanong nagpakita ng reaksiyon bukod sa pagkabigla.
Pinatuloy na lang niya ang dating nobyo sa condo niya dahil malayo ang biniyahe nito. Ang sama naman niya kung paalisin agad niya ang lalaki, lalo na’t alam niyang may dapat silang pag-usapan. Sa kasalukuyan, magkaharap sila sa kitchen island habang nagkakape.
“To be honest, I’m pissed off right now,” matapat na sabi ni Jeff mayamaya. Kontrolado ang boses nito, pero mahihimigan pa rin ang iritasyon. “Gusto kong sapakin si Josh. Pakiramdam ko, sinikmuraan n’yo `ko, eh. Pero naisip ko, siguradong ganito rin ang naramdaman mo nang nalaman mo `yong naging kasalanan ko sa `yo. Siguradong mas higit pa nga. I deserve this kind of pain from you. Ain’t karma a bitch?”
“I’ve been honest with you from the start, Jeff. You know I’m hooking up with someone else.”
“Oo. Pero mas madaling tanggapin kung ibang lalaki lang kasi makakasiguro ako na hindi ka mapapalapit sa taong `yon. But Josh is different,” giit naman ni Jeff. “He’s your best friend. You care about him. He cares about you a lot. There must have been feelings involved somewhere.”
Humigpit ang pagkakahawak ni Erica sa tasa. Sana lang ay kalmado ang hitsura niya nang mga sandaling iyon. “Everything is so messy, Jeff.”
“I know, Erica,” tumatango-tangong sabi ni Jeff. “Alam kong hindi naman talaga maiintindihan ng ibang tao kung bakit ganito ang sitwasyon natin ngayon dahil hindi naman sila ang nakakaranas nito. Pero maaayos din naman ang lahat kapag umalis na tayo rito. Pagdating natin sa New York, puwede na uli tayong magsimula. Kalimutan na natin ang lahat ng hindi magandang nangyari sa `tin nitong mga lumipas na buwan.”
“Jeff, `yong sa `min ni Josh—”
“Ay hindi mo kailangang sabihin sa `kin,” sansala ni Jeff sa mga sinasabi niya. “Erica, we’re not together right now. You’re technically single, so you’re free to see other people.”
Tumahimik si Erica. Hindi naman niya balak magpaliwanag kay Jeff. Gusto niya sanang sabihin dito na hindi lang simpleng hookup ang nangyari sa kanila ni Josh.
Pero hindi na siguro niya dapat banggitin iyon. Kung anuman ang naganap sa pagitan nila ni Josh, tapos na iyon. Iyong nararamdaman nila ngayon para sa isa’t isa, wala namang kasiguruhan iyon. Paano kung matapos iyon bigla? Walang matitira sa kanya.
Siguro nga makasarili si Erica. Pero hindi niya kayang sumugal kay Josh. Alam kasi niyang kapag hindi naging maayos ang relasyon nila, hindi niya kakayanin. Kaya bago pa lumalim ang damdamin niya sa binata, iiwan na niya ito.
“And Erica?”
“Yes?”
Ngumiti si Jeff at hinawakan ang kamay niyang nakapatong sa mesa. “Alam kong ako pa rin ang pipiliin mo sa pagitan namin ni Josh.”
Kumunot ang noo ni Erica. “Paano mo naman nasiguro `yan?”
“Because you know you’re safe with me.”