KINABUKASAN. Pagkagising ni Adam ay nagtaka siya kung bakit masakit ang kanyang panga. May nanuntok ba sa kanya habang tulog siya? Hindi kaya si Elice dahil ginigising siya nito ng maaga pero hindi siya nagising? Hindi ba dapat ay ulo ang sumakit sa kanya dahil sa mga ininom niyang alak kagabi? Bakit panga? Napagod yata iyon sa kakatungga ng alak.
O baka naman may dumalaw sa kanyang mga engkanto at sinaktan siya habang natutulog? Fuck, he’s going crazy as shit. Pero hindi mapigilang mag-isip ng ganoon ni Adam matapos ng nangyari sa kanya kagabi. Malinaw pa rin sa kanyang isipan ang hitsura ng ‘Hidden Spring’. Tandang-tanda pa niya ang nangyari nang nagdaang gabi—ang misteryosong tinig, ang mahiwagang bukal at bola ng mga liwanag.
Kapag narinig nina Chino ang tungkol dito, siguradong babatukan niya ako para matauhan ako, naiiling na sabi ni Adam sa sarili.
Ayaw pa sana niyang bumangon pero kailangan na niyang bumalik sa Maynila ngayon. Maaga pa ang pasok ni Elice at dapat pa niya itong ihatid sa Silver Grande Hotel bago siya pumasok. Pikit-mata niyang tinungo ang banyo ng villa na kanyang tinutuluyan. Kailangan niyang mag-shower para mas lalo pa siyang magising dahil magmamaneho pa siya. Pero lumaki yata ang ulo ni Adam nang makita ang repleksyon sa salamin.
“What the fuck?!” malakas na sigaw niya sa sarili. Even his voice…changed.
Sinampal niya ang sarili, pinalaki pa ang kanyang mata, naghilamos ng malamig na tubig, sinampal-sampal ang sarili at iniumpog ang ulo sa pader dahil hindi siya makapaniwala sa nakikita pero hindi nagbago ang repleksyon niya sa salamin.
Siya pa rin si Jared doon. Isang Jared na medyo nangingitim ang gilid ng mga labi.
Holy fuck! hiyaw ng buong diwa niya at isipan. Pagkuwa’y lumabas siya ng banyo at sinuyod ng tingin ang kwartong kinagisnan. Light at dark blue shade na may black and white pang details ang interior ng silid na kinaroroonan niya ngayon. Malayo iyon sa white at wooden-themed room ng villa na tinutuluyan niya sa Hidden Valley.
Muntikan nang mapaupo sa sahig si Adam ng makita niya ang larawan ni Jared kasama ang ina nitong si Rita sa isang frame, ang litrato nito kasama ang daddy niya sa isa pa at ang family picture ng mga ito sa gitna. Nanikip ang kanyang dibdib. Hindi ito maaari…Nagkapalit sila ni Jared? Paanong nangyari ito?
Ang Hidden Spring! hiyaw ng kanyang isipan. Iyon lang ang naiisip niyang dahilan kung paano siya napunta sa katawan ni Jared.
Pero hindi ito ang hiniling ko sa Hidden Spring, tanggi naman siya sa sarili. Mali. Maling-mali ang pangyayaring ito. Ibig sabihin ay hindi totoong tumutupad ng kahilingan ang Hidden Spring na iyon. Pero kung ganoon ay bakit kami nagkapalit ni Jared? Fuck. Kailangan ko siyang tawagan.
Nakita niya ang cell phone ni Jared sa may bedside table nito at tinipa ang sarili niyang numero doon. Mukhang tulog pa si Jared—o ang katawan ni Adam—dahil hindi nito sinasagot ang kanyang tawag. Ugh. This is so unbelievable!
“Jared! Anak, gising na,” anang isang tinig mula sa labas ng silid. Kasunod niyon ang sunud-sunod na katok.
“Shit, shit, shit!” mura ni Adam sa sarili. Paano niya haharapin ang nanay ni Jared—ang karibal ng mommy niya, ang pangatlong taong ayaw niya sa mundo at ang babaeng kailanma’y hindi niya matatanggap?
“Jared?”
“Gising na ‘ko,” pasigaw na sabi niya rito. Lumapit siya sa pintuan ng silid at sinigurong naka-lock iyon. Para ba siyang timang dahil kung makaasta siya’y para siyang susugurin ni Rita at nagsisilbing pananggalang ni Adam ang pintuan mula rito.
Sumulyap siya sa digital clock na nasa may bedside table ng kama ni Jared. Lampas-alas-kwatro na ang oras doon. Bakit ang aga naman yatang magising ng nanay ni Jared?
“Hindi ka pa ba okay? May inihanda na akong yelo para d’yan sa pasa mo,” nag-aalala at malambing na sabi ni Rita mula sa labas ng pintuan. Adam hated it. He hated everything about her.
“Yeah,” tanging naisagot ni Adam dito. Bakit ba kasi may pasa si Jared?
Nang marinig niya ang mga yabang ni Rita papalayo sa kwartong iyon ay doon lang napanatag si Adam—kahit papaano. Pagkuwa’y bumalik siya sa loob ng banyo. Jared’s such a kid, isip-isip ni Adam habang naghuhubad ng pajamas na suot. Iyon ang isa nilang pagkakaiba dahil gusto ni Adam na walang suot na kahit ano—maliban sa kanyang boxers—tuwing natutulog.
Holy shit! I can’t do this. This is so gross, naninindig ang balahibong sabi ni Adam sa sarili nang makita niya ang hubad niyang katawan—na katawan naman talaga ni Jared—sa salamin. Sumakit ang ulo niya sa nakita at muntikan pa siyang masuka kaya naman lumabas na lang siya ng banyo at hindi na itinuloy pa ang paliligo.
I can’t touch this body. Fuck! I can’t even touch myself now, hindi makapaniwalang sabi ni Adam sa sarili habang naghahanap ng damit na maaari niyang suotin. Kung alam lang niyang ganito pala ang magiging consequence ng paghiling niya sa Hidden Spring, disinsana’y hiniling na lang niyang makipagpalit sa katawan ni Kris.
Because switching with a female has its perks. Ugh! Bakit kasi kailangang si Jared pa? himutok niya.
Nang matapos siyang magbihis ay kinuha niya sa ibabaw ng bedside table ni Jared ang susi ng kotse nito. Saka siya lumabas ng silid na iyon. Pero nakabantay naman sa kanya sa may sala ang nanay ni Jared at nakapang-jogging attire ito.
“Bakit ganyan ang suot mo? May pupuntahan ka ba ng ganito kaaga?” tanong nito.
“Quezon for work-related stuffs,” tipid na sagot ni Adam dito.
“O, sige. Ako na lang muna ang magja-jogging ngayon. Pero kumain ka muna bago ka umalis. Nakapagluto na ako,” anito.
“Hindi na. Kailangan kong maagang makarating do’n,” tanggi niya rito.
“O, sige. Pero magbaon ka ng sandwich at lagyan mo ng yelo ‘yang—“
“Hindi na,” putol niya sa iba pa nitong sasabihin. Saka niya ito tinalikuran. Pero napatda siya dahil sa sunod na sinabi ng ina ni Jared.
“Anak, may nakalimutan ka.”
“Ano?” kunot-noong tanong niya rito. Pero sa halip na sagutin siya’y iniumang lang ng babae ang pisngi nito sa kanya. Nang ma-realize niya kung ano ang ibig nitong sabihin ay napangiwi si Adam.
No fucking way! Hinding-hindi niya hahalikan sa pisngi ang babaeng pinaka-ayaw niya sa mundo. Isipin pa lang niya ang posibilidad niyon ay naghihimagsik na ang kanyang damdamin.
“I gotta go,” nagmamadaling sabi niya. Nagkunwari na lang si Adam na hindi napansin ang ibig nitong sabihin saka siya mabilis na naglakad palabas ng bahay iyon habang nangangako sa sariling hindi na siya kailanman babalik pa roon. Kailangan niyang makabalik sa Hidden Valley. Kailangan niyang makitang muli ang Hidden Spring para matapos na ang kahibangang ito.
MASAKIT ang ulo ni Jared nang magising siya. Umabot ba sa ulo ang sakit ng pagkakasuntok sa kanya ni Roberto kagabi? Nadagdagan pa ang sakit niyon dahil sa sunud-sunod na katok sa kanyang pintuan na malamang ay ang kanyang ina. Kaya bumangon siya mula sa hinihigaang kama at tinungo ang pintuan. Pagbukas niya niyon ay napakunot-noo si Jared. Ano’ng ginagawa ni Elice na matalik na kaibigan ni Adam sa bahay nila?
“Malapit nang mag-alas-singko! ‘Wag ka ng maligo. Let’s go,” nagmamadaling sabi ni Elice sa kanya. Masama pa ang tingin nito sa kanya na tila ba may nagawa siyang mali dito.
“Uh, ano’ng ginagawa mo dito, Elice?” naguguluhang tanong ni Jared sa babae. Dahil hindi naman sila close na dalawa.
“Did you bump your head last night or something? Hello? We’re supposed to drive back to Manila earlier at four AM. Ano’ng oras na! Kanina pa ‘ko naghihintay sa’yo, Adam,” inis na sabi ni Elice saka ito padabog na pumasok ng kanyang kwarto. Napamata lang dito si Jared nang mamaywang ito sa kanya.
Teka, ‘Adam’? Mali lang ba ako ng dinig o ‘Adam’ talaga ang itinawag niya—Ano’ng nangyari sa kwarto ko? tanong ni Jared sa sarili nang makita ang hitsura ng kwartong kinaroroonan niya. Araw-araw siyang umuuwi sa blue interior ng kanyang kwarto kaya bakit white at wood na iyon ngayon? Noon lang din niya na-realize na tanging itim na boxers lang pala ang kanyang suot. At ugali niyang mag-pajamas tuwing natutulog.
Nagtatanong pa rin si Jared sa sarili nang lumapit sa kanya si Elice at tampalin siya nito ng malakas sa noo. “Mag-shower ka na nga! Late na ako!” sigaw nito sa kanya.
“Hindi ako si Adam, Elice. Ako si Jared,” seryosong sabi niya rito.
“Snap out of it, Adam! Mag-shower ka na! Bakit kasi uminom ka pa kagabi eh, alam mo namang maaga pa tayong babalik sa Maynila ngayon?” sermon pa sa kanya ni Elice. Kinunutan niya ito ng noo.
Shit. Dalawang beses na siya nitong tinawag na “Adam”. What the fuck is going on?
Noon tumunog ang kanyang cell phone at nagulat pa siya ng makitang numero niya ang tumatawag doon. Tumingin si Jared kay Elice na nakasimangot pa rin sa kanya. “One moment,” sabi niya rito saka tumakbo sa banyo ng silid na iyon at sinagot ang tawag.
“Jared,” anang tinig niya sa kabilang linya. Doon nagising ang buong diwa ni Jared. Kahit tila isang panaginip ang nangyari at hindi iyon kapani-paniwala ay nakikita niya mismo sa repleksyon niya sa salamin ang katotohanan nakapagpahilo sa kanya.
Ang katotohanang siya na si Adam ngayon.
“Adam?” sabi naman niya sa tinig ni Adam. “Paanong…nangyari ‘to? Bakit tayo nagkapalit?”
“Hindi ko rin alam. Basta d’yan ka lang. ‘Wag kang aalis d’yan. Papunta na ako,” sabi ni Adam. “Pakisabi kay Elice na gamitin na lang niya ‘yong sasakyan ko para makabalik ng Maynila. Sabihin mo na lang na may inutos sa’yo ang boss mo kaya kailangan mong mag-stay d’yan. At ‘wag na ‘wag mong sasabihin sa kanya ang tungkol sa pagkakapalit natin. It’s already crazy for the both of us.”
“Okay. What about my mother?” seryosong tanong niya rito.
“Don’t worry. I didn’t kill her.”
That brat, ani Jared matapos putulin ni Adam ang tawag na iyon. Maniniwala kaya sa’kin si Elice? pagkuwa’y tanong niya sa sarili.
Jared wrapped a towel around his waist. Nag-alampay din siya ng isa para maitago ang kanyang kahubdan—kahit katawan pa iyon ni Adam. Para na rin kahit paano’y hindi siya makaramdam ng awkwardness kay Elice.
“What’s up with you today, A?” kunot-noong tanong ni Elice nang makita nito ang hitsura niya. Ibig sabihin ay sanay itong makitang nakahubad si Adam?
Tumikhim si Jared. “Hindi na kita maihahatid sa Maynila, Elice. May biglaang inutos sa’kin ang boss ko dito. Gamitin mo na lang ‘yong sasakyan ko,” sabi dito ni Jared na base sa talagang sinabi ni Adam.
“Inutusan ka ng boss mo ng ganito kaaga?” nakataas ang isang kilay na tanong ni Elice.
“Uh, yeah. Para hindi na daw ako magsayang pa ng oras na bumalik sa Maynila,” ani Jared. Napatuwid ng tayo si Elice dahil sa sinabi niya. Mali ba siya ng paraan sa pagkakasabi niyon?
“I see. Pero paano ka makakauwi?”
“May susundo sa’kin dito,” simpleng sabi niya.
“Okay,” ani Elice.
Akala ni Jared ay aalis na ito pagkatapos niyang sabihin iyon pero nanatili lang ito roong nakatingin sa kanya. Kinakabahan si Jared. Hindi siya sanay na umarte o magsinungaling ng ganito. Paano kung malaman ni Elice na hindi siya si Adam?
Hindi siya maniniwala. Pero iisipin niyang baliw ka—or si Adam, sagot ng isang bahagi ng kanyang isipan.
Si Kris…shit. Paano nila haharapin si Kris?
You as Adam and Adam as you.
Ang Calypso project, paano ang team niya?
Boom. Matatalo kayo, nang-uuyam na saad ng isipan niya. Jared almost grunted at that.
“Adam, alam mo namang nandito kami lagi para sa’yo, ‘di ba?” pagkuwa’y sabi ni Elice.
“Yes. Siyempre, alam ko ‘yon,” nakangiting sabi niya rito.
Iyon ang isa pa sa mga pagkakaiba nila ni Adam. May mga kaibigan itong palaging nasa tabi nito samantalang si Jared ay wala—subordinates, mayroon. Dahil kasama sa mga isinakripisyo niya noon para sa kanyang pangarap ang pagkakaibigan nila ni Chino.
Napabuga ng hangin si Jared saka niya ibinagsak ang katawan sa kamang naroon. In-analyze niya ang kanilang sitwasyon ni Adam. Kaya masakit ang ulo niya ngayon ay dahil lasing ang katawan ni Adam. Dahil uminom ito kagabi ayon kay Elice. Kung ganoon ay tiyak na mararamdaman din ni Adam ngayon sa katawan niya ang sakit ng kanyang panga dahil sa malakas na suntok ni Roberto kay Jared kahapon.
“Paano nalaman ni Adam na nag-date kayo ni Tina?” mahinahong tanong ni Roberto kay Jared pagpasok niya sa bahay nito. Pero dahil hinihilot nito ang sintido’y alam niyang na-stress ito sa kung anumang sinabi ni Adam.
“Nakita niya kami kanina sa hotel. Sa tingin ko ay kasama siya sa team ng Villarosa & Associates na makakalaban natin sa bidding,” sagot naman niya rito. Kitang-kita ni Jared kung paano napalitan ng inis ang mukha ng ama. Pagkuwa’y nagparoo’t parito ito sa may sala.
“Ang tigas talaga ng ulo ng kapatid mong ‘yon. Ano na lang ang iisipin ni Greg kapag nalaman niyang nagtatrabaho sa kalaban ang isang Marasigan?” pasigaw at galit na tanong ni Roberto.
“Ibigay mo na lang sa iba ang Calypso project, Sir. I don’t want to be a part of it,” sa halip ay sabi niya rito.
“Ano’ng sabi mo?” kunot-noong tanong nito. Pero tila isang mahinang tanong ang pagkunot-noo nito kung susuwayin na ba niya ito o hindi.
“Tutal naman ay wala pa rin kayong tiwala sa’kin, sa tingin ko ay hindi ako ang nararapat na humawak ng proyektong ito. Ipina-date mo sa’kin si Tina Rodriguez bilang counter measure sakaling matalo ako, ‘di ba? Paano ako gaganahang lumaban at gawin ang proyektong ‘yon kung iniisip n’yo rin palang matatalo ako sa huli? Isa pa, kung iniisip mong ipareha sa’kin si Tina katulad ng nangyari sa inyo ng mommy ni Adam noon, I won’t do it. May iba akong gusto at ayokong matulad siya kay mama.”
At dahil sa mga sinabing iyon ni Jared kaya lumipad ang isang kamao ni Roberto sa kanyang mukha. But saying all those things felt so good. At iyon ang unang pagkakataon na sumang-ayon siya kay Adam.