Something Twisted Chapter 5

“STOP being a kid, Adam!”

Sa halip na sagutin ang ama ay nginisihan lang ito ni Adam. Nagtaka siya kung bakit may pakialam pa ito sa kanya. Pero naisip niyang baka nag-aalala lang ito sa imahe na ipinapakita niya para sa kanilang pamilya—para sa mga Marasigan—dahil galing na naman siya sa isang club at umuwi na naman siyang lasing kagabi.

“Sa susunod na umuwi ka ng lasing dito ay puputulin ko na ang allowance at credit cards mo,” banta pa nito sa kanya.

“Right. Stop being a father to me and focus all your attention and asset to that guy,” walang emosyong sagot niya rito sabay sulyap kay Jared na nakatayo sa tabi nito.

“Malakas ang loob mong magsalita ng ganyan dahil may iniwan sa’yong trust fund ang mommy mo,” sabi naman ni Roberto.

Muling nagngitngit ang kalooban ni Adam nang banggitin nito ang mommy niya. Mahigit isang buwan na ang nakalilipas mula nang pumanaw ito. Mahigit isang buwan na rin mula nang mag-drop siya sa unibersidad na kanyang pinapasukan. Pero sa gitna ng pagkakalunod sa alak nitong nakalipas na buwan ay nakabuo siya ng plano.

Aalis siya sa bahay na ito at aayusin niya ang kanyang sarili. Balak niyang mag-enrol muli sa unibersidad na kanyang pinasukan sa susunod na semestre. Ipagpapatuloy niya ang kursong Architecture. At pagdating ng panaho’y pababagsakin niya si Roberto Marasigan kasama ang bago nitong pamilya.

“Oh, right. Naalala mo siya bigla ngayon. Sana lang ay naalala mo siya no’ng nabubuhay pa siya. Pero hindi, nasa bingit na siya ng kamatayan ay naro’n ka sa kabit mo at nagpapakasaya sa birthday party ng babaeng ‘yon,” nang-uuyam na sabi ni Adam sa ama. Hindi maipagkakamali ang poot na hindi maaalis sa kanyang dibdib—lalo na kapag nakikita niya itong kasama si Jared.

“Kaya hindi mo ako hinayaang pumunta sa burol niya?” anito.

“Bakit pa? Alam ko namang wala ka ng pakialam sa kanya,” walang emosyong sabi niya rito bago tinalikuran ang mga ito. Palabas na sana siya ng bahay ng may makalimutan siyang sabihin sa mga ito. “Aalis na nga pala ako dito. Para naman may oras pa kayong maging masaya. Pansamantala,” sarkastikong sabi niya sa mga ito.

Nang mga sumunod na araw ay naging abala siya sa paghahanap ng malilipatang apartment. Ayaw kasi niyang makitira sa mga magulang ng mommy niya dahil sa Tagaytay pa nakatira ang mga ito. Ang ang guardianship ng lolo’t lola niya ang ginamit ni Adam para makahanap siya ng apartment sa tulong na rin ng Tita Myrna niya.

Naintindihan ng mga ito ang rason niya dahil masama din ang loob ng mga ito kay Roberto. Nag-offer ang lolo’t lola niyang ang mga ito na ang magbibigay ng allowance sa kanya at magpapaaral sa kanya pero ayaw naman niyang samantalahin ang kabaitan ng mga ito. Kaya naghanap si Adam ng pansamantalang trabaho para makaipon siya bago magsimula ang sunod na pasukan. Para habang maaga pa ay matuto na siyang maging independent. Ayaw rin naman niyang ubusin ang perang iniwan ng mommy niya.

Ang Tita Myrna niya ang itinuring niyang pangalawang ina dahil talagang inalagaan siya nito ng mawala ang mommy ni Adam. Ginawa siya nitong helper pansamantala sa restaurant ng mga ito hanggang hindi pa nagsisimula ang susunod na semestre. Pero ‘mani’ lang ang kinikita niya roon kompara sa ibinibigay na allowance ng lolo’t lola niya. Tinatanggihan iyon ni Adam pero sa tuwina’y lumuluwas pa ng Maynila ang Lola Carmen niya para personal na ibigay sa kanya ang pera. Kaya malaki na ang naiipon ni Adam.

“Pupunta ka ba sa debut ni Suri bukas?” tanong ni Elice kay Adam habang naghuhugas sila ng plato sa family restaurant ng mga ito. Tumutulong doon si Elice tuwing wala itong pasok katulad ngayon.

“Come on, E. Ask me nicely,” nakangising sabi niya rito. Muntikan na niyang makalimutan ang debut ng kaibigan. Isang taon nang excited si Suri sa debut nito kaya naman dalawang buwan pa lang bago ang debut nito’y may invitations na.

Tinaasan siya nito ng isang kilay. “Pupunta ka ba sa debut ni Suri bukas?” ulit nito sa tanong nito. Natawa naman si Adam sa ginawa ni Elice.

“Hindi ‘yon ang ibig kong sabihin. But anyway, yes. I’ll be your date for tomorrow,” sagot niya rito. May panunukso sa kanyang tinig lalo na ng tingnan niya ang matalik na kaibigan. Hindi na niya maaalis sa kanyang sarili na asarin ito.

“No, thanks. I can go by myself,” pairap na tanggi nito sa kanya na muling ikinatawa ni Adam. Sigurado siyang iniisip na naman nito ang “pagkakamali” nito—noong nag-confess sa kanya si Elice na mahal daw siya nito na agad din nitong binawi. Tinawanan lang niya ito at tinuring nilang hindi na lang nangyari ang confession nito.

Sa isang pamosong hotel sa Pasay ginanap ang debut ni Suri. May customized bar na kasama ang catering nito at doon napiling mamalagi ni Adam kasama ng iba pa nilang kaibigan nina Suri at Elice noong high school. Na-enjoy nila ang flairing show ng dalawang bartenders doon at nagpaturo pa siya sa isang nagngangalang “Chino”. Pero mahirap pala iyon. Pakiramdam niya’y magkakapasa siya sa tama ng mga flairing bottles sa kanyang braso.

“Wow. Saludo ako sa’yo, dude. Ang hirap,” umiiling na sabi niya kay Chino.

“Sa simula lang ‘yan, Sir. Ganyan din ako no’ng una. Dinaan ko lang sa praktis,” paliwanag naman ni Chino sa kanya.

“Adam,” singit sa kanila ni Elice. Pagkuwa’y hinila siya nito palayo kay Chino at bumulong. “Kasama ni Kuya Raven si Jared.”

Napakunot-noo si Adam sa narinig. Pero ibig sabihin lang niyon ay nakapasok na si Jared sa sirkulo ng mga mayayaman. Ibig sabihin ay ipinakilala na ito ni Roberto sa mga kaibigan nito at sa anak ng mga iyon kaya kasama na nito si Raven Natividad ngayon—na siyang nakatatandang kapatid ni Suri. Ang pamilyang Natividad ang nangunguna sa pakikipag-socialize sa elite circle ng mga mayayaman kaya ang sinumang nangangarap na umangat ay kailangang kumapit sa impluwensiya ng mga ito.

“Adam, birthday ‘to ni Suri kaya iwasan na lang natin siya, okay?” bilin sa kanya ni Elice. Matino naman siya ngayon at ayaw niyang mag-eskandalo sa birthday ng kaibigan kaya tinanguan niya ito.

Ngunit bago pa man siya makaiwas dito’y lumapit na ang grupo nina Raven sa kanila kasama nga si Jared. Nang magtama ang kanilang paningin ay agad na nabalot ng inis ang buong sistema niya. Pero pinigilan niya ang sariling magsimula ng gulo alang-alang kina Suri at Elice.

“Hindi ko alam na may daga pala dito. Kaya pala ayaw pumunta ni China dito. She must have felt embarrassed,” narinig niyang sabi ni Raven sa mga kasamahan nito. Napuno ng tensyon ang paligid. Hindi niya alam kung sino ang pinariringgan nito pero nang lumapit ito kay Chino inihanda niya ang sarili. After all, Raven Natividad’s known for being an asshole.

“Rave,” tawag ni Adam dito bago niya ito mabilis na nilapitan at inakbayan. “Kanina ka pa hinihintay nina Suri at Elice. Gusto ka nilang makasayaw,” palusot niya rito para mailayo niya ito kay Chino. Alam naman kasi niyang wala itong masamang magagawa sa mga kaibigan niya.

“Huh. Let’s go,” ani Raven matapos nitong bigyan ng matamang tingin si Chino. Pero bago ito umalis doon ay muli siya nitong binalingan. “Right, Adam. Hindi mo ba babatiin ang ‘kuya’ mo?”

Siya naman ang matamang tumingin kay Jared ngayon na halatang hindi sanay sa ganoong lugar dahil ramdam niya mula sa kanyang kinatatayuan ang pagkabalisa nito. Napangisi siya ng mabasa ang reaksyon nito.

“Hindi yata dito ang tamang lugar para sa kanya, Raven. Hindi kaya dapat mo siyang ibalik sa pinanggalingan niya?” nang-uuyam na parinig niya dito.

“Oho! Brother’s conflict—“

“Kuya Rave, let’s dance,” singit ni Elice sa kanila habang tinitingnan siya nito ng masama. Nagpapaumanhin naman niya itong tiningnan.

“Jared, hindi mo kailangang makilala ang mga taong katulad niya. Ipapakilala kita sa mga tamang tao,” narinig pa niyang sabi ni Raven kay Jared habang naglalakad palayo ang mga ito.

“May ‘tamang’ tao pala?” aniya nang lumingon siya kay Chino. Isang malungkot lang na ngiti ang isinagot sa kanya ni Chino. “What’s your deal with Raven?”

“Sabihin na lang nating hindi namin gusto ang isa’t isa,” simpleng sagot ni Chino. At ipinarating nito sa kanya sa pangungusap na iyon na ayaw nitong pag-usapan ang tungkol sa totoong rason ng animosidad na nararamdaman niya sa pagitan nito at ni Raven. Kaya hindi na niya pinursige pa ang usapan.

Nang pauwi na sila ni Elice ay dumaan muna siya sa comfort room. Paglabas niya roon ay natigilan siya ng marinig ang mga pamilyar na tinig sa hallway.

“Kung ikinahihiya mo na kami bilang kaibigan at kung wala ka ng panahong makipagkaibigan sa’min, magbigay ka naman ng panahon sa girlfriend mo. Pinaghihintay mo siya lagi pero hindi ka naman dumadating. Kung hindi mo na kayang punan ang posisyon mo bilang boyfriend niya, mabuti pang hiwalayan mo na lang siya,” mariing saad ng tinig ni Chino.

“Ipinaliwanag ko naman sa kanya ang lahat. At hindi kita ikinakahiya, Chino,” sabi ni Jared sa banayad na tinig. Nasa tono ng pananalita nito ang guilt na nararamdaman. Hindi akalain ni Adam na kilala pala nito si Chino at kaibigan pa.

“Talaga? Pinalampas ko na ‘yong sinabi mo sa’kin noon tungkol sa dapat kong pagsuko kay China pero ‘yong ginawa mo kaninang pag-ignora sa’kin? Sa mabilis na panahon…nagbago ka agad, Jared. Ang hirap mo nang ma-reach. Hindi na ako magtataka kung sa susunod ay hiwalayan mo na nga si Kris dahil may bago ka ng lifestyle at circle of friends. O, ‘di kaya’y girlfriend,” nanunuyang sabi ng tinig ni Chino.

“Chino…si Papa kasi—”

“’Wag mong gawing katwiran ang papa mo. Choice mong sabihin at gawin ang mga nangyari, hindi sa papa mo,” iyon lang at natapos na ang usapan.

Maya-maya ay nakaharap na ni Adam si Chino. Pero wala itong sinabi sa kanya. Tiningnan lang siya nito. Namura niya ang sarili dahil sa sinabi niya kanina sa harapan nina Raven patungkol sa “pinanggalingan” ni Jared. He must have hurt Chino’s feelings with those words too.

And all he thought about that moment was to make up for it.

NAIHILAMOS ni Jared ang mga kamay sa kanyang mukha nang talikuran siya ni Chino. Alam niyang may mali at pagkukulang siya sa kanilang pagkakaibigan pero dahil sa matinding pressure na nararamdaman niya nitong mga nakaraang araw ay inignora niya iyon.

Maraming pinagawa at pinakilalang tao sa kanya si Roberto. Mula nang ipakilala siya nito sa board of directors ng kompanya—matapos ang kanyang graduatuion—ay naramdaman niya ang bigat ng pagiging anak nito dahil sa malaking posibilidad na siya ang maging tagapagmana nito. Well, technically, he is one of Roberto’s successors now. Pero hindi maaaring bale-walain ang posisyon ni Adam bilang ang isa pa.

Ngunit dahil siya ang nasa kompanya ngayon at siya ang pinaka matanda ay siya ang inaasahan ng mga itong sumunod sa yapak ni Roberto. Kaya naman naging hectic ang schedule niya dahil tinuturuan siya ni Roberto ng pasikut-sikot sa firm at kung paano nito mina-manage iyon at araw-araw ay may assignment siyang dapat tapusin. At dahil may pagka-perfectionist si Roberto ay hindi ganoon kadaling makapasa sa mga assignment na binibigay nito. Kaya hindi agad siya nakakaalis sa opisina.

Nagkaroon na rin siya ng personal assistant na siyang nagma-manage ng kanyang mga schedule, damit, pagkain at cell phone. At dahil inutusan din siya ni Roberto na makipagkaibigan sa mga “tamang tao” ay ang meeting o pakiki-hangout sa mga taong iyon ang madalas nakasaad sa kanyang schedule kapag wala siya sa opisina. Kaya nakakaligtaan niyang maglaan ng oras para sa kanyang mga kaibigan.

At nang minsang nakita niya si Chino sa isang bar kung saan ito nagpa-part-time ay kung anu-ano pa ang sinabi niya dito patungkol sa relasyon nito kay China—na anim na buwan nitong niligawan bago nito naging nobya. Noon pa man ay tutol na siya sa panliligaw ni Chino kay China dahil hindi nila ka-lebel ang babae. At nang makilala niya ang ama nito’y natiyak niyang hindi sasang-ayon ang matandang maging nobyo ni China si Chino.

“Chino, ipinakilala ka na ba ni China sa pamilya niya? Baka naman hindi siya kasing-seryoso mo sa relasyon ninyo. Sinabi ko na sa’yo noon na ‘wag na lang siya dahil hindi mo siya ka-lebel. Baka may ibang plano ang mga magulang niya para kay China. Hindi ba mas mabuti kung itigil mo na ‘yan ngayon?”

Kasama din niya noon si Raven—na mukhang may gusto kay China—dahil nang malaman nitong nobya ni Chino ang babae’y inatake nito ng mga nakakasakit na salita si Chino. Nasaktan siya para kay Chino. Ayaw niyang tratuhin itong ganoon kaya nasabi niya ang mga salitang iyon. Hindi niya naisip noon na mas masasaktan pa niya ito.

At si Kris… Shit. Sa kanya ako may malaking pagkukulang. Paano ko sasabihin sa kanyang gusto akong pag-aralin ni papa sa ibang bansa at…gusto ko rin ‘yon?

Tama. Masaya ang kanyang ina nang marinig nitong gusto siyang pag-aralin ni Roberto sa ibang bansa para sa kanyang master’s degree. Pero higit kanino man ay masaya siya dahil sino ba naman ang hindi nangangarap na kumuha ng master’s degree sa ibang bansa nang hindi nag-aalala sa perang gagastusin?

Maliban sa kagustuhan niyang tanggapin ang offer na iyon ay nais din niyang patunayan sa lahat na nararapat din siya bilang tagapagmana ni Roberto Marasigan. Na hindi siya lumitaw na lang bigla doon para magpakasasa sa kayamanan ng mga ito. Na gagawin niya ang lahat para maging isang karapat-dapat na Marasigan.

“Finally feeling the weight of being a Marasigan?” bilang putol ng tinig ni Adam sa pagmumuni-muni ni Jared. Hindi niya akalaing naroon din ito sa lugar na iyon. Narinig ba nito ang usapan nila ni Chino? “Give up, brother. I know it’s too much for someone like you to bear,” nanunuya pang dugtong nito.

And of all those people he should prove wrong, nangunguna itong si Adam. Kailangan niyang patunayang mali ito sa mga sinasabi nito sa kanya. Na worthy din siyang maging anak ng ama nito at hindi siya deserving sa mga panunuya nito ngayon. Kailangan niyang magsikap na makuha ang buong-tiwala ni Roberto para matigil na rin si Adam sa pambabastos sa kanyang ina.

“Tinutukoy mo ba ang sarili mo? Ikaw ang tumatakbo sa responsibilidad mo bilang isang Marasigan, ‘di ba?” balik naman niya kay Adam.

Nang mga oras na iyon ay naramdaman niya ang maaaring naramdaman ni Chino noon at kanina—nang bastusin ito ni Raven—dahil sa pagitan nila ni Adam ay siya si Chino at ito si Raven. Na-realize niyang hindi dapat maging down ni Chino. Nagkamali talaga siya sa mga ginawa at sinabi rito. Dahil dapat ay lumaban ito—sila.

“I’m not running away. I’m simply…preparing for war,” kaswal namang sagot ni Adam.

“Ha. Paano mo naman tatawirin ang distansya nating dalawa?” confident na sabi niya rito kahit inis na siya sa loob.

“You better not let your guard down. Dahil anumang oras ay maaari akong umatake,” sabi naman ni Adam saka siya nito nginisihan at tinalikuran.

Ano namang magagawa nito kundi inisin lang siya? Mas matanda siya dito ng limang taon. Nagsisimula pa lang ito sa kolehiyo samantalang nasa corporate world na siya.

Pagdating sa experience ay lamang siya. At base sa atensyong ibinibigay ni Roberto ay pabor ito sa kanya. Kaya paano siya lalabanan ni Adam?

Makalipas ang isang linggo ay kinailangang gumawa ng desisyon ni Jared na mas lalo pang makapagpapabago ng kanyang buhay. It’s a choice between his family and his friends and Kris. At pinili niyang saktan ang huli.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.