Something Twisted Chapter 6

A FEW MONTHS later. Nawala ang boredom ni Adam nang makita niya ang laman ng iPad gallery ni Chino—ang bago niyang kaibigan na nagpa-part-time job sa paborito niyang coffee shop. Pulos pictures ng mga sexy costumes mula fairy hanggang Harry Potter ang laman ng gallery nito. Hindi akalain ni Adam na may ganitong fetish pala ang kanyang kaibigan.

“Dude, nagro-role playing ba kayo ng girlfriend mo?” pabirong tanong niya kay Chino.

Tinuktukan nito ang ulo niya sabay kuha ng iPad sa kanya. “Hindi akin ‘to. Bakit mo ba pinakialaman ‘to?”

“Chino, hindi mo naman kailangang magkunwari sa’kin kung ‘yon talaga ang trip mo. Hindi na ako bata. Gusto ko nga rin ‘yong subukan dahil nakaka-add daw ng thrill pero—“

Tinakpan nito ang bibig niya. “Baka may makarinig sa’yo, ano ka ba. Isa pa, hinding-hindi gagawin ‘yon ni China ‘no,” ani Chino.

Mahigit isang buwan na mula nang magkakomprontahan sina Adam at Chino. Nakipag-peace kasi si Adam dito kasabay ng paghingi niya ng tawad patungkol sa masasakit na salita na kanyang nasabi noon—dahil sa galit niya kay Jared. Sinsero ang paghingi niya ng tawad kay Chino noon pero hindi niya itatangging may ibang motibo siya kaya pinursige niya ang paglapit dito. At alam iyon ni Chino.

Pinayuhan siya nitong huwag nang ituloy ang kanyang paghihiganti at dahil umalis naman si Jared ng bansa—para daw mag-master’s—ay pansamantala naman talaga siyang hindi makikipag-communicate sa mga ito. Pero nakaukit sa kanyang puso ang sakit na dulot ng mga pangyayari. Sa kabilang banda ay masaya si Adam dahil sa halip na magalit sa kanya’y pakiramdam niya’y kinupkop siya ni Chino pati na ng nobya nitong si China. Nawalan man siya ng isang pamilya ay nagkaroon naman siya ng bago. Hindi pa man sila ganoon ka-close ay nakikita niyang magiging mabuting magkaibigan sila kahit na limang taon ang agwat ng edad nila sa isa’t isa. At dahil marami din siyang natututunan mula kay Chino.

“Eh, ‘di humanap ka ng ibang partner,” parang tinatamad na sabi niya rito.

“’Tado!”

“Seriously, hindi pa ba kayo nagsasawa sa isa’t isa? Ilang taon na nga kayo?”

“Bago pa lang kami, actually. Six months pa lang. Hindi mo ako maiintindihan kahit ipaliwanag ko sa’yo. But she’s ‘it’, man. Siya ‘yong babaeng gusto kong pakasalan at makasama habang buhay,” ani Chino.

Binigyan ito ng blangkong tingin ni Adam kahit gustong-gusto niyang sabihin dito na kahit gaano pa katagal ang mga ito ay hahantong din ang mga ito sa hiwalayan sa huli. Walang forever.

“Maaga pa para magsalita ka ng ganyan,” sabi na lang niya rito.

“Oo na. Pero gagawin ko ang lahat para maging kami pa rin hanggang sa huli. Teka, bakit bigla ka yatang naging interesado sa love life ko? ’Wag mong sabihin sa’king interesado ka ng magka-girlfriend? May nakilala ka ng babaeng makakapagtuwid sa baluktot mong paniniwala sa buhay?”

“Wala. And I have girl friends,” tinatamad na sabi ni Adam dito.

“Hindi, Adam. Mayro’n kang…sex friends,” pagtatama naman nito sa kanya.

“Oh? May pagkakaiba pala ‘yon?”

“’Tado!” sabi nito saka siya binatukan. Napaigik siya sa sakit kaya napabangon siya mula sa coffee table at nagrereklamong tumingin dito habang himas ang kanyang likuran.

“Bakit ba? May punto naman ako, ‘di ba? Don’t guys usually have girlfriends to have unlimited sex?” maang na tanong niya rito.

“Hindi, Adam. Naghahanap tayo ng girlfriends para mahalin at maging masaya,” sermon na naman sa kanya ni Chino saka ito bumuntong-hininga at matamang tumingin sa kanya. “Siguro okay na din ‘yan. Na ‘wag ka munang magka-girlfriend hanggang hindi mo pa nakikita ‘yong babaeng makakapagpabago sa nararamdaman mo.”

“Eh? Gano’n pala ang purpose ng girlfriends?” maang na namang tanong niya rito. Pero paraan lang niya iyon para ubusin ang pasensiya ni Chino. Nang mapabuntong-hininga na naman ito’y natawa na siya sa loob-loob niya.

“Hay, Adam. Kailangan mo nang magseryoso sa buhay, okay? May tatalunin ka pa, ‘di ba?” makahulugan namang tanong nito.

Siya naman ang natigilan dahil sa tanong nito. Pero dinaan na lang niya sa biro ang pagsagot sa tanong nito. “Panalo na ako dahil naging akin ka na.”

“’Tado! ‘Wag ka ngang magsalita ng ganyan, bata ka,” ani Chino. Napasimangot siya rito ng tawagin siya nitong “bata” dahil alam nitong ayaw niyang ituring siyang parang bata. “Baka may makarinig sa’yo, kung ano pa ang isipin nila,” sabi pa ni Chino. Natawa siya ng manginig pa ito. Pero naputol ang pag-uusap nila ng may isang babaeng lumapit sa counter kung saan sila nag-uusap ni Chino.

Tiningnan ni Adam mula ulo hanggang paa ang bagong dating. Maliit ang mukha ng babae pero maganda ito. Naka-two-piece business suit itong hakab sa katawan na para bang isinuot nito ipangalandakan ang maganda nitong S shape—ang mayaman nitong dibdib. Nakasuot din ito ng black stiletto heels na nakadagdag sa sex appeal nito. Pero ang higit na nakakuha ng pansin niya’y ang pula nitong buhok.

Fuck, biglang bumalik sa kanyang alaala ang mga sexy costumes na nakita niya sa iPad kanina. Kung ito ang magsusuot ng mga iyon, he’s definitely game. Adam’s insides coiled with red hot lust. Bata pa lang siya pero lalaki siya para makaramdam ng ganoong urge. Kaagad na nawala ang lahat ng boredom na naramdaman niya kanina at napangiti siya. Nabuhay ang dugo niya dahil sa biglang pagsulpot ni “Red”—iyon na muna ang ibibigay niyang pangalan dito.

“Kris!” pagkilala ni Chino sa babae. Pagkuwa’y ibinigay nito sa babae ang iPad.

Hindi napigilan ni Adam ang matawa at dahil doon ay pinanlakihan siya ng mata ni Chino. Pero inilingan lang niya ito saka muli niyang ibinaling ang tingin kay Red na nakataas ang isang kilay sa kanya. Binigyan niya ito ng isang matamis na ngiti. His smiling face always works with girls.

“Hi, I’m Adam,” pakilala niya rito. Inilahad niya ang isang kamay dito pero hindi niya inasahang hindi iyon tatanggapin ni Red.

“Salamat dito, Chino. Akala ko kung saan ko na naiwan,” pagkausap nito kay Chino.

“Wala ‘yon,” nakangiting sabi ni Chino sa babae. “Tapos ka na bang maghakot ng gamit?”

“Hindi pa nga. Napabalik ako dahil dito. Salamat ulit, Chino. Kailangan ko nang bumalik sa opisina. Kapag may time kayo ni China, dalaw kayo sa bahay, ha? Miss ko na kayo,” ani Red na talagang iniignora si Adam.

“Sige. Nami-miss na rin namin si Lola Guada,” sabi naman ni Chino bago tuluyang nagpaalam ang babae.

Hindi makapaniwala si Adam na inignora siya ni Red. At lalong hindi iyon tinanggap ng pride niya. Kaya nang oras na tumalikod ito’y tinapik niya ito sa balikat at nang humarap ito’y bigla niya itong hinalikan na halatang ikinagulat nito dahil sa panlalaki ng mga mata nito. Pero nginitian lang niya ito ng maghiwalay ang kanilang mga mukha.

“Hindi mo tinanggap ang kamay ko kanina, so I figured that maybe you’d prefer my lips instead,” aniya rito. Na-amuse siya ng makitang namula ang buong mukha nito malapit na kulay ng buhok nito.

“Gano’n ba? So, maybe you’d figure this out too?” anito ng makabawi ito.

“Huh?” maang na tanong niya.

Isang malakas at malinaw na sagot ang nakuha niya mula kay Red—suntok sa panga.

Oh, hell. I’m definitely turned on.

“’Wag mo ng tangkain pang lumapit sa kanya, Adam,” sabi ni Chino sa likuran niya.

“Bakit naman hindi?” balik niya rito.

“Dahil ex-girlfriend siya ni Jared.”

Oh really? Hmm. Interesting.

PADABOG na lumabas si Kris sa café na pinagtatrabahuhan ni Chino—dahil malapit lang iyon sa M Architects building kung saan siya nag-i-intern ay madalas siyang mag-kape doon. Mabilis niyang hinugot ang isang panyo mula sa kanyang bulsa at ipinahid iyon sa kanyang mga labi. Kung maaari lang ding mapawi ng tissue na iyon ang nangyari kanina.

How dare that guy! Naikuyom niya ang kanyang mga kamay dahil sa inis sa lalaking iyon. Hindi niya tinanggap ang kamay ng lalaking iyon na nagpakilalang Adam kanina dahil nakita niya kung paano siya nito sipatin mula ulo hanggang paa. It made her feel uneasy. At sa ngising nakapaskil sa mukha ng lalaki’y alam niya kung ano ang iniisip nito sa kanya.

Hay, mga pesteng lalaking gano’n! inis na hiyaw ni Kris sa loob-loob niya. Hindi niya kailangan ang mga ito—maliban sa ilan niyang kaibigang lalaki—sa kanyang buhay ngayon. Lalo na’t bitter pa rin siya sa pang-iiwan sa kanya ng ex boyfriend niyang si Jared.

Mahigit dalawang buwan na ang nakalilipas pero masakit pa rin ang pakikipaghiwalay nito sa kanya hanggang ngayon. Naiintindihan naman niya ang pangarap nitong makapag-aral sa ibang bansa. Sa apat na taon nilang pagsasama, naiintindihan na niya ang pagiging ambisyoso ni Jared. Pero hindi naman nito kailangang makipaghiwalay sa kanya para lang makamit nito ang pangarap at doon labis na nasaktan si Kris. Dahil pakiramdam niya’y ayaw na ni Jared na maging parte siya ng future nito.

Maliban doon ay hindi rin matanggap ni Kris ang biglaang pagbabago ni Jared. Ang pagpapaasa nito sa kanya. Ilang beses siyang naghintay dito noon. Ilang beses siyang umasa na darating ito pero hindi naman nagawa ni Jared dahil may mga “meeting” daw itong kailangang puntahan na iyon pala’y party na ng mga elite—isang mundong “kailangan” daw nitong pasukin dahil iyon daw ang “utos” ng ama nitong si Roberto Marasigan—ang may-ari at presidente ng M Architects kung saan sila nag-OJT at internship.

Dahil tapos na ang internship niya sa kompanyang iyon ay nagdesisyon siyang mag-apply sa Villarosa & Associates. Kung tutuusin ay gusto siyang i-absorb ng M Architects pero ayaw na niyang magtrabaho pa roon dahil alam niyang darating ang panahon na magkakaroon si Jared ng posisyon sa kompanya at hindi niya kayang magtrabaho para dito. Hindi siya masokista para gawin iyon.

Pagdating ni Kris sa kanilang opisina ay agad niyang iniligpit ang kanyang mga gamit. Saka siya nagpaalam sa kanyang mga kasamahan. Alam niyang darating ang araw na magiging magkalaban sila ng mga ito pero gusto niyang magkaroon sila ng friendly competition. After all, nagging maayos din naman ang pagsasama nila. Pagkatapos ng pamamaalam niya sa mga ito’y bumaba na siya sa lobby ng building.

Napakunot-noo si Kris nang makita niya sa lobby ang lalaking nanghalik na lang bigla sa kanya kanina—si Adam. Hindi basta lang ang mga taong nakakapasok sa M Architects kaya ipinagtaka niya kung paano ito nakapasok doon. Pero pinili na lang niya itong ignorahin. After all, hindi naman talaga sila magkakilala.

Pero nang lumabas siya ng building ay sumunod din doon si Adam—sa kanya. Wala siyang panahong makipaglaro sa isang lalaki lalo na at may mga dala siyang gamit kaya hindi na lang niya ito pinansin. Nang makarating siya sa may sidewalk ay ibinaba niya sa sahig ang dalang kahon para makapara siya ng taxi pauwi. Nakasunod pa rin sa kanya si Adam.

“Here,” anang tinig ng lalaki. Pagkuwa’y naramdaman niya ang mainit na cup ng dala nitong kape. Nang lingunin niya ito’y diretso na itong nakatingin sa kanyang mukha at hindi sa kanyang katawan. “Café latte ‘yan. Ang sabi ni Chino ay ‘yan daw ang paborito mo.”

Sorry gift niya? “No, thanks. Hindi madaling kalimutan ang ginawa mo kanina,” tanggi niya sa peace offering nito kahit iyon nga ang paborito niya. Ngumisi ang damuhong lalaki dahil sa sinabi niya. At huli na ang lahat bago pa niya ma-realize kung ano ang maaaring ibig sabihin niyon para dito.

“Gano’n mo ‘yon nagustuhan? Pero smack lang ‘yon. Not exactly a real kiss. ‘Wanna try the real thing?” nanunuksong sabi ni Adam.

Nag-init ang bumbunan ni Kris dahil doon. “Gusto mo ring ipaalala ko sa’yo kung anong ibig kong sabihin?” inis na sabi niya saka niya iniumang ang kanyang kanang kamao sa harapan.

Bahagya itong lumayo sa kanya habang nakataas ang dalawang kamay at tumatawa. “You’re so hot. Chill.”

Inignora na lang ni Kris ang sinabi nito at saka pinulot sa sahig ang isang kahon ng kanyang mga gamit saka siya naglakad palayo sa lalaki. Pero sa panggigilalas niya ay sumunod na naman ito sa kanya. Naglakad pa siya palayo pero nakasunod pa rin ito sa kanya.

“Ano ba?” singhal niya rito. Napakunot-noo si Adam saka ito lumapit sa kanya at inilapat ang dalawang daliri sa kanyang noo—tila para patagin iyon.

“Kunin mo na ‘to. Hindi na kita guguluhin,” pagkuwa’y sabi nito sa seryosong tinig.

Tinaasan niya ito ng kilay. Pero nagulat siya ng kunin nito sa kanya ang karga niyang box habang halos iduldol na nito sa kanya ang dalang kape. Saka ito pumara ng isang taxi para sa kanya. Kahit paano’y may pagka-gentleman din pala ang lalaking ito. Binistayan niya ng tingin si Adam. Hindi naman talaga iyon ang intensyon niya noong una pero bigla na lang siyang napatingin dito.

Hindi na niya kailangan pang sabihin na gwapo ito dahil sa umaapaw pa lang nitong confidence ay madadala ka na. Matangkad itong higit kaysa sa kanya at sa tindig nito’y hindi mo aakalaing teenager pa ang lalaki. Pero nang muling humarap si Adam kay Kris ay noon lang niya napagtantong mukhang teenager pa nga lang ito.

“Ilang taon ka na?” nabigla niyang tanong ditto.

“Uh, seventeen. Why?” kaswal nitong sagot. Nanlaki ang mga mata niya dahil sa isinagot nito. Hindi siya nakapagpigil at hinampas niya ito ng malakas sa braso.

“Ang lakas ng loob mong halikan ako, ‘yon pala’y seventeen ka pa lang! Grabe ka! ‘Ate’ mo na ‘ko,” nanghihilakbot na sigaw niya rito. Pero sa panggigilalas pa niya’y tumawa lang ang lalaki.

“So, ibig sabihin, ‘pag hindi na ako teenager, pwede na ulit kitang halikan?” nakangising sabi nito sa kanya kaya naman muli itong hinampas ni Kris sa braso.

Nagpasalamat siya ng may dumating ng taxi. Agad niyang kinuha dito ang kanyang mga gamit at saka ibinalik kay Adam ang kape. Pero nang makasakay siya sa taxi ay inilagay nito sa kahon ang kape.

“See you around, Red,” paalam ni Adam saka nito isinara ang pinto ng taxi at sinenyasan ang driver na umalis na.

‘Red’? nagtatakang tanong niya sa sarili. Pero nakita niya sa rearview mirror ang kulay pula niyang buhok—salamat sa pagiging bitter niya kay Jared—kaya naisip niyang baka iyon ang dahilan kaya “Red” ang tawag sa kanya ni Adam.

Napataas naman ang isang kilay ni Kris nang makita sa sleeve ng coffee cup ang isang phone number at note. What gets broken without being held? Text me the answer. – Adam

Napailing na lang siya at inignora ang nakasulat doon. Saka niya ibinigay sa driver ang kape. Nang tumunog ang kanyang cell phone ay napaisip pa siya kung binigay ba ni Chino ang numero niya kay Adam. Pero ang tiyahin niyang si Nita ang tumatawag sa kanya. Napakunot-noo siya. Hindi ugali ng tiyahin niyang iyon ang tumawag sa kanya. Nope, never in a million years. Kaya anong mayroon?

“Tita?”

“Kris! Nasa ospital kami ngayon…ang Lola Guada mo…”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.