Something Twisted Chapter 7

PANAY ang sulyap ni Adam sa kanyang cell phone dahil hinihintay niya ang text ni Kris pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagte-text sa kanya. Hindi ba nito alam ang sagot sa tanong niya? Nauubusan na siya ng pasensiya. Gusto na niya itong puntahan kung nasaan man ito para mag-demand ng atensyon. Pero magmumukha lang siyang kawawa at clingy—na wala sa karakter niya—kapag ginawa niya iyon.

Heck, bakit ka ba nagpapakahirap na makuha ang atensyon ng babaeng ‘yon? kastigo ng isang bahagi ng kanyang isipan.

Simple lang. I don’t leave a woman I set my eyes on unconquered, sagot naman niya sa sarili.

Pero ex siya ni Jared, ang mortal mong kaaway. Isa siya sa mga iniwan ni Jared. Papayag ka bang mapunta sa’yo ang itinapon lang ni Jared?

“Hey, Adam. No date tonight?” untag sa kanya ng tinig ni China kaya hindi na niya nasagot ang tanong sa sarili. Maya-maya ay naramdaman niya itong tumabi sa kanya sa nag-iisang sofa doon sa café kung saan nagta-trabaho si Chino. Kadarating lang nito at hinihintay nitong matapos doon si Chino. May date siguro ang dalawa ngayong gabi.

“Wala. Would you want to play with me instead?” pabirong baling niya rito. Pero tinawanan lang siya ni China.

“Pwede sana. Pero baka ipapatay ako ng harem mo,” pabiro ring sabi ni China.

“Okay. Tulungan mo na lang ako. May kailangan akong number.”

“Nino?”

“Ni Kris Caniete. Kilala mo rin siya, ‘di ba?” tanong niya. Natigilan si China. Siguro’y nakikipagtalo ito sa sarili kung dapat ba nitong ibigay sa kanya ang numero ni Kris gayong ex-girlfriend ng kapatid niya ang babae. “Wala namang problema kung hingin ko ang number niya, ‘di ba? Ex na siya ni Jared.”

Hindi nakasagot si China at tila nagulat pa ito na alam na niya ang tungkol doon. Pero hindi na nakasagot pa sa kanya si China dahil biglang dumating ang tila natatarantang si Chino.

“Kailangan nating puntahan si Kris. Inatake daw si Lola Guada,” nagmamadaling sabi ni Chino.

“Okay. Let’s go,” agad na sabi ni China na tila ba alam nito ang urgency ng usapan.

“Sama ako,” aniya sa mga ito. Masama ang kutob ni Adam at higit sa lahat ay nag-aalala siya para kay Kris. Kasama niya lag ito kanina. Hindi niya alam kung nakauwi pa ba ito o dumiretso na ito sa ospital.

Masama palagi ang dating sa kanya ng salitang “ospital”. Marinig pa lang niya iyon ay naaalala agad ni Adam ang naging sitwasyon nng kanyang ina mahigit tatlong buwan na ang nakalilipas. Kung maaari lang ay ayaw na sana ni Adam na may makaranas pa ng pinagdaanang hirap ng mama niya sa ospital—nang pinagdaanan niyang hirap dahil pakiramdam niya noo’y pinanonood niyang mamatay ang kanyang ina. Wala siyang ibang magawa.

“Okay lang kaya si Kris? Paano kung inaapi na naman siya ng pinsan at tiyahin niya do’n?” nag-aalalang tanong ni China kay Chino—na siyang nagmamaneho ng kotse ng nobya. Naikuyom naman ni Adam ang kanyang mga kamay nang marinig iyon. Gusto na niyang makarating agad sa kinaroroonan ni Kris para masigurong okay lang ito.

“Si Zonia nga ang nag-text sa’kin na nasa ospital daw sila. Sana’y okay lang si Kris. Alam mo namang kahit matapang ang dating no’n ay malambot talaga ang puso niya,” sabi naman ni Chino.

Ikinwento nina Chino at China kay Adam ang tungkol sa pamilya ni Kris. Na ulila na ito sa mga magulang at ang Lola Guada nito ang nagpalaki kay Kris. Dahil sa kalinga at atensyong ibinibigay kay Kris ng lola nito’y umani ito ng inggit mula sa tiyahin nitong si Nita at sa anak niyong si Zonia. At ayon sa kwento ni Chino, kapag may pagkakataon daw ay pulos masasakit na salita ang natatanggap ni Kris sa mag-ina.

It’s weird, sabi ni Adam sa sarili. Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang pag-aalalang nararamdaman para kay Kris—dahil nag-aaalala siyang baka nga inaaapi na naman ito ngn mag-ina ngayon. Pero siguro nga ay dahil nakaka-relate lang siya sa maaaring nararamdaman nito ngayon.

“Hay, bakit ngayon pa ‘to nangyari kung kailan umalis si Jared?” ani China.

Instant inis agad ang naramdaman ni Adam nang marinig ang pangalan ni Jared. Bumigat ang galit niya rito nang maisip na pinili nitong iwan at makipaghiwalay kay Kris dahil lang iyon ang utos ni Roberto. Hindi siya makapaniwalang may mga tao pala talagang ganoon—na handang iwan ang lahat makamit lang ang pinaka-mimithing pangarap.

“Kris should take this as a test. Hindi naman kailangan ay palaging nakadepende ang buhay niya sa ibang tao lalo na’t sa isang walang kwentang tao pa siya umaasa. Kailangan niyang matutong tumayo sa sarili niyang mga paa. Base naman sa nakita ko sa kanya, matapang naman siya. Kailangan lang niyang tibayan ang kanyang loob,” hindi napigilang komento ni Adam.

“Wow, ha. Ang matured mo nang mag-isip, Adam. Parang hindi ka seventeen,” sabi ni China.

Isang payak na ngiti lang ang isinagot dito ni Adam. Dahil marami akong naranasan these past few months na hindi ko akalaing mangyayari pala sa’kin. I’m still in the learning process of facing life, tahimik na sabi niya sa sarili.

Medyo mahaba ang naging biyahe nila dahil sa traffic. Nag-away pa ang mag-nobyo dahil sa pagseselos ni China sa pinsan ni Kris na si Zonia. Bakit daw kay Chino pa nag-text ang babae gayong hindi naman daw close ang dalawa at kesyo dapat daw ay hindi ibinigay ni Chino ang number nito kay Zonia. Iyon pala’y may gusto daw kay Chino si Zonia. It was a petty fight. Kaya madaling nagkaayos ang mag-nobyo.

Ipinagpasalamat naman ng mga ito ang pagkontak ni Zonia kay Chino dahil kung hindi ay hindi nila malalaman ang problema ni Kris. Malapit na sila sa ospital nang muling mag-text ang babae kay Chino at sinabing pumanaw na daw ang lola ng mga ito. Nalaglag ang kanilang mga balikat. Hindi kilala ng personal ni Adam ang lola ni Kris pero may lungkot at sakit na lumukob sa kanyang puso. Paano pa kaya si Kris?

Pagdating nila sa ospital ay naabutan nila ang eksenang kanilang pinangangambahan. Pagpasok mo pa lang sa hallway ng ospital malapit sa emergency room ay agad mong maririnig ang pag-iyak at paninigaw ng tinig ng isang babae. Halos lumuhod na sa sahig ng hallway si Kris habang sinisigawan ito ng isang middle-aged na babaeng marahil ay siyang Tita Nita nito.

“Ikaw ang may kasalanan nito, Kris! Ikaw ang may kasalanan kung bakit namatay si nanay,” panaghoy ng ginang.

“Nita, tumigil ka na. Walang kasalanan ‘yong bata sa nangyari,” awat naman dito ng isang matandang lalaki. Hinawakan ito ng matandang lalaki pero nagpumiglas ang tiyahin ni Kris.

“Kasalanan niya! Iniwan niyang mag-isa ang nanay sa bahay,” sigaw naman ng ginang. Saka nito sinugod ng magkabilang sampal si Kris.

Hindi na nakapagpigil pa si Adam. Halos liparin na niya ang eksena para lang maprotektahan si Kris at mailayo sa tiyahin nito. Nang makalapit siya sa mga ito’y agad niyang isiningit ang sarili sa gitna ng dalawang babae—para maprotektahan niya si Kris sa mga sampal ng tiyahin nito. Pagkuwa’y itinayo ni Adam si Kris at inilayo ito sa tiyahin.

“Okay ka lang?” nag-aalalang tanong niya rito. Pero umiyak lang si Kris sa halip na sagutin si Adam. Kaya wala siyang nagawa kundi ang yakapin ito.

Niyakap lang niya ito dahil iyon ang kailangan nito ngayon kaysa sa kahit ano pang magagandang salita. Alam niya dahil naranasan na niya ang nararanasan ni Kris ngayon. Dahil kahit gaano pa ka-comforting pakinggan ang isang salita, mas nakakapagpalungkot lang iyon sa isang taong nawalan ng mahal sa buhay.

“Lola,” sambit ni Kris habang umiiyak ito sa dibdib ni Adam. “I’m sorry, Lola. Kasalanan ko.”

Kokontrahin sana ito ni Adam pero naunahan siya ni Chino. “Wala kang kasalanan, Kris,” anito. Nag-angat ng tingin dito si Kris at nang makita nito si Chino ay agad itong lumipat sa mga bisig ng kaibigan ni Adam.

“Chino, si Jared…gusto kong makausap si Jared,” sabi ni Kris habang umiiyak.

Fuck. Adam felt a sudden prick in his heart.

“ADAM, hindi ka pa ba uuwi?”

Iling lang ang naisagot ni Adam sa tanong na iyon ni Chino habang patuloy pa rin ang tingin niya sa likuran ni Kris. Kasalukuyan silang nasa burol ng lola nito. Inihatid kasi nila roon si Kris matapos nitong umiyak sa ospital. Hindi nito nakausap si Jared katulad ng gusto nito dahil na-realize ni Kris na iniwan na nga pala ito ng walang-kwentang lalaki.

Nagpasya silang manatili para makipaglamay—at least, sina Chino at China. Dahil walang ibang ginawa doon si Adam kundi ang tumunganga sa likuran ni Kris. Maraming lumalapit dito na nagpapahatid ng pakikiramay pero tango lang ang isinasagot ni Kris sa mga ito. Naka-relate si Adam dahil ganoon din siya nang mawala ang mommy niya. Gusto niya itong konsolahin pero alam niyang makakadagdag lang iyon sa lungkot at bigat ng nararamdaman nito ngayon.

Isa pa’y baka hanapin na naman nito si Jared. Nagkamali si China nang sabihin nitong matured na siya dahil immature pang talaga si Adam. Nasaling ang ego niya nang hanapin ni Kris si Jared kanina gayong siya ang yakap nito. Pero ano pa ba ang aasahan niya gayong hindi naman talaga sila close ni Kris? At speaking of hindi sila close, bakit ganito na lang ba siya kaapektado sa babae?

“Siguro naman ay magbabago na ang isip mo sa kanya ngayon?” sabi ni Chino sa kanyang tabi. Nagkibit-balikat dito si Adam.

Kaya niya pinuntahan si Kris kanina sa M Architects ay dahil inutusan siya ni Chino na mag-‘sorry’ sa babae. Pero sinunod niya iyon dahil gusto niyang makilala ang babaeng minahal—at iniwan—ni Jared. He didn’t come close into totally figuring her out because this happened. Pero sigurado si Adam na hindi ordinaryong babae si Kris.

Kanina’y naglitanya kay Adam si Chino na huwag niyang idadamay si Kris sa gulo daw ng kanilang “pamilya”. Dahil nasaktan na daw ni Jared si Kris at wala siyang puso kung pati daw siya’y sasaktan din ang babae. Mukhang wala namang mali sa babae kaya bakit ito nagawang iwan ni Jared?

“Fake ba ang boobs ni Kris?” pabulong na tanong niya kay Chino.

Nanlaki muna ang mga mata ni Chino bago siya nito tinampal ng malakas sa ulo. “Tarantado ka talaga!”

“Kung hindi, bakit siya iniwan ng lalaking ‘yon?” nakangising tanong niya rito.

Bumuntong-hininga muna si Chino bago muling nagsalita. “Walang kinalaman sa boobs niya ang ginawa ni Jared. Tanga ‘yong si Jared kaya ‘wag kang gagaya do’n.”

“Siyempre! Ikaw lang ang idol ko,” aniya rito.

“Seryoso, Adam. Lubayan mo si Kris, okay?”

Tumango siya rito at seryoso siya sa pagtangong iyon. Wala na siyang balak pang idawit si Kris sa gulo ng kanilang “pamilya”—kahit hindi naman talaga sila isang pamilyang matatawag. Ayaw niyang matulad kina Roberto at Jared. Ayaw niyang matulad si Kris sa kanyang ina.

“Kakausapin ko lang siya,” paalam niya kay Chino saka siya naglakad palapit sa kinauupuan ni Kris. Umupo siya sa tabi nito. “Promise,” aniya rito.

“Ha?” maang na tanong ni Kris ng tumingin ito sa kanya. Maga ang mukha nito sa kaiiyak at mapula pa rin ang mga mata nito. Gusto itong kabigin ni Adam para yakapin pero pinigilan niya ang sarili.

“’Promise’ ang sagot do’n sa tanong ko sa’yo kanina. Hindi mo nabasa? I’m hurt,” biro niya rito.

“What gets broken without being held,” ulit ni Kris sa mga katagang isinulat ni Adam sa cup sleeve ng kapeng ibinigay niya rito kanina. Pagkatapos ay ngumiti ito sa kanya at doon na-realize ni Adam na talaga palang maganda si Kris.

“Bakit nga pala may pictures ka no’ng mga sexy costumes? May ibang trabaho ka pa ba maliban sa pagiging arkitekto?” pagkuwa’y tanong niya rito.

Nanlaki ang mga mata nito dahil sa sinabi niya. “Ginamit mo ang iPad ko?”

“Akala ko kasi kay Chino. Sorry,” hinging-paumanhin niya kay Kris. Pinukol siya nito ng masasamang tingin pero walang ibang ginawa si Adam kundi ang mag-puppy eyes dito. “They’re all good. Lahat ay babagay sa’yo.”

“Hindi sa’kin ‘yon. Designs ‘yon ng kaibigan ko na s-in-end niya sa’kin. Pinapatingnan lang niya kung maganda at bebenta,” paliwanag ni Kris ng makabawi ito sa pagkabigla.

“Oh. Pero walang masama kung isuot mo ang mga ‘yon,” biro niya rito.

“Ha. Nope. Never.”

Mahabang katahimikan ang namayani sa pagitan nilang dalawa. Hindi akalain ni Adam na maaari pala siyang manahimik ng ganoon katagal. Hindi niya alam kung paano magpapaalam dito dahil ayaw pang umalis ni Adam sa tabi ni Kris. Siguro’y dahil naisip niyang pareho silang dalawa. Pareho silang naging biktima ni Jared. Kaya gusto niya itong damayan.

“Ano pang gusto mong sabihin, Adam?” basag ni Kris sa katahimikan.

“Kalimutan mo na siya,” seryosong sabi niya rito kahit alam niyang wala siyang karapatang sabihin iyon. “He’s a jerk like his father.”

Mataman siyang tiningnan ni Kris. Tila binabasa nito kung ano ang iniisip niya. “Ikaw ba si Adam…Marasigan?”

O ‘di kaya’y kinikilala siya.

“Yes. Hi,” kiming sabi niya rito. Tumango-tango ito sa kanya na tila ba naiintindihan na kung bakit siya lumapit dito.

“Gagamitin mo ako para makaganti ka kay Jared? Sorry pero wala kang mapapa—“

“No. Well, naisip ko siguro ‘yon at one point pero hindi ‘yon ang dahilan kung bakit ako talagang lumapit sa’yo. Nagpunta ako sa M Architects para mag-‘sorry’ sa ginawa kong paghalik sa’yo dahil utos ‘yon ni Chino. Though, I’m not really sorry I kissed you. So, hindi connected sa lalaking iyon kung bakit kita hinalikan kanina, okay?” paliwanag ni Adam dito.

Napamata lang sa kanya si Kris pagkatapos. Tila hindi alam kung ano ang isasagot sa kanya o pinipilit pa nitong mag-sink in sa sarili ang mga sinabi niya. “I’m sorry about your mother,” pagkuwa’y sabi ni Kris.

“I’m not okay. I need a hug,” aniya pero hindi iyon pinansin ni Kris.

“Wala akong karapatang sabihin ‘to pero sana’y ‘wag mo nang isipin pang maghiganti sa kanila. Alam kong nasaktan ka, ang mommy mo, sa biglaang pagsulpot nina Jared pero hindi mo ba naisip na nasaktan din sila dahil sa mga sinabi mo, Adam? Alam ko kung ano ang istorya n’yo. Sinabi sa’kin ni Jared. Hindi sa kinakampihan ko siya pero anak din siya, Adam. Pareho lang kayo,” makahulugang sabi ni Kris.

“Sinasabi mo bang dapat tanggapin ko na lang ang kabit at bastardo ng daddy ko? Sila ang dahilan kung bakit hindi na lumaban si mommy. Kung hindi sila dumating…”

May magbabago ba sa pagtingin ng daddy mo sa mommy mo kung hindi dumating ang pamilya nina Jared? tila iyon ang gustong iparating ng tinging ibinibigay ni Kris kay Adam. Kaya hindi na niya itinuloy pa ang pagsasalita. Hindi rin naman niya alam kung ano ang isusunod doon.

“I get it. Pero hindi ko sila kayang tanggapin,” sabi na lang ni Adam. Dahil kapag tinanggap niya si Jared at ang ina nito’y pakiramdam niya’y magtataksil siya sa kanyang ina.

“Naiintindihan naman kita, Adam. Pero sana’y ‘wag kang gumawa ng isang hakbang na hindi makabubuti sa’yo at sa kapwa mo. Live your life the way you want it to be. Kung ayaw mo sa kanila, hayaan mo na lang. Be happy. I’m sure ‘yon naman ang gugustuhin ng mommy mo para sa’yo,” nakangiting saad ni Kris.

Hindi pa iyon ang talagang nakapagpabago sa isip ni Adam para iwaglit sa isipan ang paghihiganti kina Jared pero iyon ang unang beses na napukaw ni Kris ang kanyang puso.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.