Present time
SI KRIS ang naging inspirasyon ni Adam. Pansamantala’y nakalimutan niya ang galit kina Jared at Roberto dahil iniukol niya ang buong atensyon at panahon kay Kris at sa kanyang pag-aaral. Naging mabuting magkaibigan sila—pamilya. Naging partners in crime silang dalawa. Ipinakilala niya ito sa lolo’t lola niya pati na sa kanyang mga kaibigan at ganoon din si Kris. Pero nanatiling sina Chino at China ang pinakamalapit sa kanilang dalawa.
Nang magpasyang lumipat ng bahay si Kris—dahil hindi na nito makayanan ang mga pagpaparinig ng tiyahin at pinsan nito—ay sa katabi ng apartment niya ito lumipat. Malaking bentahe iyon kay Adam dahil noong nag-aaral pa siya ay dito siya tumatakbo para magpaturo sa ilang school works. Kaya naman talagang nalungkot si Adam ng tanggapin ni Kris ang offer na sa Singapore branch ng Villarosa & Associates ito magtrabaho.
Wala siyang social networking accounts noon dahil hindi siya mahilig sa mga ganoon pero gumawa siya ng Facebook at Skype para magkaroon ng komunikasyon dito. Everybody who knows him knew that he loves her. Hindi niya iyon tinatago lalo na kay Kris. Hangga’t maaari ay ipinapakita niya rito ang pagmamahal—na hindi pa rin nito tinatanggap hanggang ngayon. At least, not yet. Pero hindi siya susuko sa pagpaparamdam dito na mahal niya ito.
Kaya walang puwang si Jared sa istorya nila. Wala itong karapatang balikan si Kris na sinaktan na nito noon. Agawin na ni Jared kay Adam ang lahat pero hindi niya hahayaang maagaw nito sa kanya si Kris. Hindi niya hahayaang makuha muli nito si Kris dahil kapag nangyari iyon ay kawawa na naman siya. Magiging masaya si Jared dahil mapupunta na dito ang lahat—buong pamilya at ang pagmamahal ng babaeng gusto nito. At hindi iyon hahayaang mangyari ni Adam.
Gusto niyang ipagdiinan dito ang pakiramdam kung paano mawalan ng minamahal. Katulad noong ipinaramdam nito sa kanya nang mawala ang kanyang ina. Hindi rin niya hahayaang maging buo ang pamilya ng mga ito. Kailangan niyang makaisip ng plano para hindi matuloy ang kasal nina Roberto at Rita. Gusto niyang maramdaman din ni Roberto ang sakit na naramdaman noon ng mommy niya dahil sa pagtataksil nito. At sisiguraduhin niyang magtatagumpay siya ngayon.
Naputol ang pagmumuni-muni niya nang biglang tumunog ang kanyang cell phone. Si Elice ang tumatawag. Alam ni Adam na nag-aalala na naman para sa kanya ang matalik na kaibigan. Kilalang-kilala siya nito kaya sigurado siyang napansin ni Elice na may dinadamdam siya pagkakita nito sa kanya kanina.
“Nasaan ka?” bungad ni Elice ng sagutin ni Adam ang tawag nito.
“Matulog ka na, Elice. Maaga pa tayong babalik sa Manila bukas. I don’t want you grumpy on me tomorrow,” paiwas na sagot niya rito.
“Umiinom ka ba?” sa halip nama’y tanong nito. Napabuga ng hangin si Adam. Elice knows him too well.
Nagkakasiyahan sa birthday party ng Lola Carmen ni Adam pero hayun siya sa may pool area—ng Hidden Valley—at nagpapakalasing. Nagsara na iyon dahil hanggang alas-siyete ng gabi lang pwedeng mag-swimming pero binigyan niya ng malaking tip ang isang resort staff para panatalihin pa siya roon.
“Alam mo na ba?” tila nag-aalangan pang tanong ni Elice.
“Alin?”
“Ah, nothing.”
“Elice.”
Matagal bago muling nagsalita si Elice. “Nasabi lang sa’kin ni Lola Carmen kanina. ‘Yong tungkol sa kasal ni Tito Robert—“
“Alam ko na,” putol niya sa iba pa nitong sasabihin dahil ayaw muling marinig ni Adam ang tungkol doon.
“Adam, maybe you have to just…let them be. Sabi din nina Lola Carmen, siguro panahon na para mag-move on tayong lahat,” ani Elice.
“Just let them be? Kapag ginawa ko ‘yon, parang nagtaksil na rin ako kay mommy. No, Elice. I can’t let them be happy,” mariing sabi niya rito. Naikuyom niya ang magkabilang palad dahil sa matinding inis. Pansamantala lang niyang nakalimutan angn poot at galit noon kina Jared pero naroon pa rin iyon. Hinding-hindi niya makakalimutan ang sakit na naramdaman niya noon.
“Sabihin mo kung nasaan ka, Adam. Pupuntahan kita,” sabi ni Elice.
“Matulog ka na, Elice,” sabi ni Adam dito bago niya pinutol ang tawag. Inisang straight niya ang pag-inom ng beer saka siya lumusong sa pool at uminom pa ng marami.
Dahil sa sama ng loob ay naapektuhan na rin ng emosyon ang takbo ng kanyang isipan. Iniisip na rin niya ngayon na paano kung mahal pa rin ni Kris si Jared? Paano kung hinihintay nito si Jared at kapag nagkausap na ng maayos ang dalawa ay magkabalikan ang mga ito? Ano’ng mangyayari sa kanya? Magiging katulad siya ng mommy niya na hindi sinuklian ng pag-ibig ng taong mahal nito at mananalo ang Team Jared.
No! Hindi dapat mangyari ‘yon, sabi niya sa kanyang sarili.
Nang maubos na ang ilang bote ng beer na dala ni Adam roon ay umahon na siya mula sa pool para bumalik sa tinutuluyan niyang villa. Ayaw niyang biguin si Elice dahil nangako siyang babalik sila ng maaga sa Maynila bukas. Pero natigilan siya ng may marinig siyang isang misteryosong tinig. Hindi niya maintindihan kung ano ang sinasabi ng tinig dahil tila pabulong iyon at nag-e-echo. Kaya pinakiramdaman niya ang paligid.
Baka mga resort staff lang na naglilinis, sabi ni Adam sa sarili ng tumigil ang boses. O baka nagkakaroon na siya ng auditory hallucination dahil sa dami ng beer na kanyang nainom. Pero hindi pa siya nahihilo kaya hindi pa siya lasing. Iilang bote ng beer lang naman ang nainom niya.
Itinabi ni Adam sa may beach beds ang mga baseyo ng beer saka niya isinuot ang kanyang puting roba. Maglalakad na sana siya paalis ng pool area nang mapatda siya sa nakita. May mga bola ng liwanag na lumulutang sa ere at papalapit iyon sa kanya. They were yellow-green ball of lights that were too big to be Christmas lights. At wala pa siyang nakikitang dekorasyong Pamasko sa Hidden Valley kaya imposibleng Chrismtas lights ang mga iyon.
Holy shit! Nagha-hallucinate na nga yata ako, sabi pa niya sa sarili. Kinusot ni Adam ang kanyang mga mata para makakita ng maayos. Ngayon ay nakapalibot na sa kanya ang mga bola ng liwanag. Dahil hindi pa rin siya makapaniwala ay itinubog ni Adam ang mukha sa pool. Pero pag-ahon niya niyon ay naroon pa rin ang mga liwanag. Maging ang misteryosong tinig ay muli na naman niyang narinig.
Hindi makapaniwala si Adam sa kanyang nakikita. May isang parte sa kanyang sarili na gusto nang tumakbo palayo roon pero may parte rin namang pinaiiral ang matinding curiosity. Lalo na’t tila ine-engganyo siya ng misteryosong tinig at bola ng mga liwanag patungo sa kung saan—o baka naman dahil lang ito sa epekto ng alak na kanyang nainom. Kaya nang lumipad palayo ang mga bola ng liwanag ay sinundan iyon ni Adam.
Dahil gabi na ay hindi na nakikita pa ni Adam ang daang kanyang tinatahak. Basta sinusundan lang niya ang mga bola ng liwanag. He could hear the crisp sound of his feet crushing dried leaves of the trail he’s walking on. Nang tumingala siya sa langit ay nakita niya ang matataas na puno salamat sa liwanag na nanggagaling sa buwan.
Nadama ko ang silakbo ng iyong puso, Taga-lupa, sa wakas ay naintindihan niyang sabi ng misteryosong tinig. Paulit-ulit lang iyon at tila nag-e-echo pa sa kanyang pandinig. Maaari kitang tulungan, sabi pa nito.
“Sino ka?” sigaw niya.
Hinanap ni Adam kung saang parte nagmumula ang tinig. But it seemed to be everywhere. Hanggang sa lumusot siya sa matataas na hilera ng mga halaman at nakita niya ang isang napakagandang bukal. Nawala ang mga bola ng liwanag at napalitan iyon ng tila pixiedust na kumalat sa buong paligid. Pero hindi matatalo ng liwanag na iyon—o kahit ng buwan—ang linaw ng kulay berde at asul na bukal. It was as if the daylight was trapped in it. It was so enchanting.
Holy shit! No way. No fucking way! Totoo ang myth ng ‘hidden spring’?
Naaalala niya ang parehang nagtanong sa isang resort staff kaninang umaga tungkol sa hidden spring. “Nagpapakita lamang ang spring na iyon sa mga piling tao at hindi basta-basta makikita ng kung sinumang may gusto. Kung hinahanap ninyo ang spring na iyon ngunit hindi kayo ang piling tao, hindi ninyo makikita iyon kahit anong gawin ninyo.”
Ito na ba iyon? Ang bukal na maaaring tumupad ng isang kahilingan? Ibig sabihin ay napili siya. Shit. This is crazy. Totoo ba talagang tumutupad ng hiling ang bukal na ‘to? tanong ni Adam sa sarili.
Wala namang mawawala sa’yo kung subukan mong humiling, sabi naman ng isang bahagi ng kanyang isipan. Pero ano ang hihilingin niya sa bukal? Hindi niya maaaring sayangin ang isang kahilingan dito. Out of the question na ang gusto sana niyang pagbalik ng kanyang ina. Alam niyang hindi na niya ito maibabalik pa. Kailangan niyang pumili ng isang hiling na magiging worth it.
Lumusong siya sa tubig at saka bumuntong-hininga ng malalim. “I don’t want Jared to be happy. Sana’y hindi matuloy ang kasal ng mga magulang niya. Sana’y hindi sila magkabalikang muli ni Kris. I wish that I would win against Jared in all the aspects of our lives—career, love life, family and friends. Gusto kong maramdaman niya ang naramdaman kong sakit noong mawala si mommy at iyong sakit na nararamdaman ko ngayon. So please, Hidden Spring, grant me my wish,” hiling niya sa bukal.
Naghintay si Adam ng “poof” para malaman niya kung magkakatotoo ba ang hiling na iyon pero wala. Pinakiramdaman niya ang sarili dahil baka magkaroon siya ng divine intervention dahil sa paghiling sa spring pero wala namang nangyari.
“Hello? Spring? Voice?”
Walang sumagot. Siraulo at lasing na nga yata ako kaya ko pinatulan ito, sabi niya sa sarili. Pero dahil nandito na rin siya ay sinulit na niya ang experience ng hidden spring. Nagpakasarap siyang maglunoy doon hanggang sa maalala niyang maaga pa nga pala sila ni Elice bukas.
“Hey, beautiful ball of lights. Hindi n’yo ba ako ihahatid pabalik? Hindi ko alam ang daan,” mukhang tangang pagkausap niya sa mahiwagang liwanag na naroon. Pero hindi iyon gumalaw. Unti-unti pa ngang naglalaho ang liwanag niyon pati na rin ang liwanag ng bukal. Kaya tumingala siya sa langit para humingi ng gabay sa buwan.
He just followed his instincts. Mahigit beinte minutos yata siyang naglakad hanggang sa narating niya ang trail patungo sa pool area na pinanggalingan niya kanina. Nagulat pa siya ng makitang may mga sumasayaw na liwanag na nanggaling sa may entrance ng pool area pero iyon pala’y mula sa flashlights ng kung sinong mga tao. Akala niya’y bumalik na naman ang mga bola ng liwanag.
“Adam!” pagkuwa’y narinig niya ang tinig na iyon ni Elice.
“I’m here!” sigaw niya rito.
“Saan ka nanggaling? Kanina pa kami naghahanap sa’yo,” sabi ni Elice ng makita siya nito.
“’Just did some…soul searching,” palusot niya rito.
Napabuga ng hangin si Elice. “Okay ka lang ba?”
“Crazy but okay.”
HINIHINTAY ni Kris ang tawag ng kaibigan niyang si Mandy mula Dubai. Hindi pa rin naman siya makatulog kaya okay lang sa kanyang maghintay. Iniisip kasi niya ang magiging laban nila sa M Architects—kay Jared. Alam niyang hindi magiging madali ang lahat pero confident siya sa kanyang kakayahan. Na-finalize na rin niya ang kanyang team of architects and engineers at handa na silang magsimulang gumawa ng plano para sa Calypso bukas.
Ang ipinangangamba lang ni Kris ay baka maging masyadong personal ang laban. Sensitive pa naman si Adam pagdating kay Jared kahit propesyunal ito sa trabaho. Nakita kasi niya kanina kung gaano kainit at ka-sama ang naging tingin ni Adam kay Jared kanina. Hindi niya mapipigilan ang maaaring maging alitan sa pagitan ng magkapatid.
Pero ayaw naman niyang tanggalin si Adam sa proyekto dahil alam ni Kris na importante ang experience na iyon para dito. Kailangan iyon ni Adam para madagdagan ang karanasan nito at credentials. Para umangat pa ito sa mga kasabayan nito. Sana lang ay hindi gumawa si Adam ng isang hakbang na makapagpapasama dito.
At si Jared…Alam ni Kris na mataas ang pangarap ng dating nobyo. Pero hindi niya akalaing magagawa nitong manggamit ng tao para makamit lang ang gusto nito.
Tuwing naaalala niya ang naging date nito kanina kay Tina Rodriguez ay hindi niya maiwasang makaramdam ng inis. But she still have her hopes for him. Sana’y hindi ito masyadong mabulag sa tagumpay.
Gusto sanang tumulong ni Kris para kahit paano’y maging maayos ang pakikitungo ng magkapatid sa isa’t isa pero dahil nainis siya kanina kay Jared ay nakalimutan niya iyon. Gusto kasi niyang makitang magkasama ang dalawa na hindi nakasinghal o masama ang tingin sa isa’t isa. At sigurado si Kris na iyon din ang gusto ng mga magulang at kaibigan ng mga ito. After all, limang taon na rin naman ang nakalilipas.
The brothers were very different from each other. Alam niya dahil isa siya sa mga taong malapit—o naging malapit—sa dalawang lalaki. Where Adam loves animals, Jared hates them. Adam likes spicy food over sour and bitter ones. Samantalang paborito naman ni Jared ang maasim na pagkain lalo na ang mangga. At dahil may diabetes ang ina ni Jared, nakaugalian na ng mga itong uminom ng ampalaya juice at sa huli’y naging routine na ni Jared ang pag-inom niyon. Kung papipiliin din ang mga ito sa pagkain ay tiyak na gugustuhin ni Adam ang pasta at pizza combination samantalang burger at fries naman kay Jared dahil iyon ang naka-ugalian nito.
Pagdating naman sa pag-uugali ay obvious na mas confident si Adam—kahit may problema ito’y madalas nito iyong idaan sa biro. Serious type kasi si Jared at kapag galit ito, malalaman mo agad na galit ito. Si Jared, kapag may isang bagay na dapat itong gawin, nagfo-focus lang talaga ito roon hangga’t sa matapos iyon. Natatandaan pa ni Kris noon, palaging ahead of time kung magpasa ng assignments si Jared. Si Adam naman, dahil madali itong ma-bore ay madalas itong maghanap ng pampalipas-oras hanggang sa mahanap muli nito ang drive na gawin ang dapat nitong gawin. Pero naipapasa pa rin nito ang mga gawin on time.
But the biggest difference between the two was how they deal with promises: Adam always keeps his while Jared could not.
“Yes, Mands?” sagot ni Kris sa tawag ni Mandy.
“Paano ba makakalimutan ang isang taong akala mo’y makakasama mo na habang-buhay? Pakshet, ‘be. Ang sakit-sakit,” humihikbing bungad ni Mandy sa kanya sa kabilang linya. Nagulat si Kris sa sinabi nito dahil ang alam niya’y wala itong problema sa nobyong si Javi—ang tatlong taon nitong nobyong Indian na nakilala nito sa Dubai.
“Kahit anong gawin mo, hindi mo siya makakalimutan. Minahal mo eh. Pero alam mo, darating ang panahon na magiging accustomed ka na sa pakiramdam na iyon. Na magiging normal na lang sa’yo ang pag-ibig na ‘yon. Kapag nag-break naman kasi kayo, hindi na madagdagan pa ang pagmamahal mo sa kanya. Unless, hanap-hanapin mo siya. Kung talagang nagkasala siya sa’yo, do yourself a favor and try to live without him. Because only then can you give your heart justice,” paliwanag niya kay Mandy.
Feeling expert siya sa pag-ibig at moving on gayong noong nakita niya si Jared kanina ay naging eratiko ang tibok ng kanyang puso. Ugh. Sinabi ko nang ‘yon ay dahil nagulat lang ako, mariing katwiran niya sa sarili.
“Paano ka naka-move on kay Jared?” tanong ni Mandy.
Paano nga ba? tanong niya sa sarili.
Mali ang tanong ni Mandy. Ang dapat na tanong, kung naka-move on ka na ba? sabi naman ng isang bahagi ng makulit niyang isipan.
“Hindi na ako in love kay Jared,” sagot ni Kris sa sarili pero nasabi pala niya iyon ng malakas.
“Judging by the defensive tone of your voice, naka-move on ka na ba talaga sa kanya?” tanong ni Mandy. Minura ni Kris ang isipan dahil tila ba may ESP si Mandy at nabasa nito ang iniisip niya.
“Oo naman. Matagal na kaming hiwalay ‘no. Five years,” agad niyang sagot dito. Pero tinawanan lang siya ng kaibigan.
“Kris, ang puso, hindi ‘yan parang brake ng sasakyan na pwede mong tapakan para lang huminto sa pagmamahal sa isang taong ayaw mong mahalin. So let it be. Kasing komplikado man ng traffic sa EDSA ang pag-ibig mo, uusad pa rin ‘yan kahit hindi sumunod sa tamang traffic light signal. Kung mahal mo kasi, mahal mo,” sabi ni Mandy. Ito naman ang nangaral sa kanya ngayon.
No. Hindi na talaga ako in love kay Jared. Right?