Stallion Island Series Chapter 101

Nakangiting kumaway si Julian kay Jumeirah na naghatid sa kanila pasakay sa cable car na magbababa sa kanila ni Arjhilleyne sa Central Town Village mula sa The Peak. “Bye! See you tomorrow!”

Mariin niyang kinuyom ang palad habang pinipigil ang emosyon. Awtomatikong pagsara ng pinto ng cable car at umandar iyon ay puno ng akusasyon niyang pinagmasdan si Julian. Ito ang pinakakinasusuklaman niyang tao nang mga oras na iyon. Di ito nauubusan ng paraan para gawin siyang miserable.

Nawala ang ngiti nito nang humarap sa kanya. “Arjhilleyne… tungkol kanina… I am sorry.”

“Sorry? Ganoon lang? Sorry lang?” tanong niya sa nanginginig na boses habang tinitimping lumabas ang galit niya. “Basta mo na lang akong hinalikan. Akala mo ba katulad na lang ako ng ibang babaeng baliw na baliw sa iyo? Na cheap ako at basta basta na lang akong magpapahalik sa iyo?”

“No! I didn’t mean to make you feel cheap. Kailangan ko lang iyong gawin dahil baka mahuli tayo ni Jumeirah na nag-aaway. Tiyak na isusumbong niya tayo kay Prince Rostam at sa village lords. Gusto mo bang pareho tayong mapahamak?”

Natigilan siya. So that was it. Akala niya ay hindi nito matagalan ang mga siansabi niya tungkol sa pagkatao nito. And he meant to punish her. Subalit di niya ito mapaniwalaan agad. Di kaya nagpapalusot lang ito?

“Pero wala ka pa ring karapatan. Sana sinabi mo sa akin na paparating na siya,” protesta niya.

“You were unreasonable. Sa palagay mo ba makikinig ka sa akin kung sinabi ko sa iyo? Baka nga sabihin mo pa na wala kang pakialam kung mahuli tayo.” HInaplos ng palad nito ang sariling mukha. “Look! Hindi ako basta basta nanghahalik ng babaeng ayaw sa akin. I don’t have to force myself to you.”

“Yeah! Santambak nga pala ang babaeng handang umokupa ng oras mo. Na pati oras ng pagtatrabaho natin, kailangan mo pa silang unahin,” may himig ng sarkasmo niyang wika para ipaalala dito kung ano ang dahilan ng pagtatalo nila.

“Iyong kausap ko kanina, she is not my woman,” wika nito.

Umangat ang gilid ng labi niya. “Don’t lie on my account. Parang maniniwala naman ako sa iyo. Wala naman akong pakialam sa love life mo, sa sex life mo o kung anumang klaseng buhay ka. Basta huwag mo lang sasayangin ang oras ko at huwag lang magiging dahilan para mapaalis ako dito sa Stallion Island.”

She had so much at stake here. Her career. Her future. Di niya inaakalang ang simpleng pangarap niya na makarating sa Stallion Island ay kailangang maging mahirap at kumplikado dahil lang kay Julian Veron Yun.

Bakit ba hindi nito patahimikin ang kaluluwa niya? Nadoble pa ang galit niya dito. He made it hard for her to forget him. Tuwing makikita niya ito, naalala niya ang halik na ibinigay nito sa kanya. It made her hot and bothered. HAbang parang balewala lang dito ang lahat. She was just a woman after all. At para dito, laruan lang ang mga babae na madaling palitan.

Malungkot nitong isinandal ang ulo sa salamin ng cable car na parang pagod na pagod na ito. “Pwede bang tapusin na natin ang pagtatalo na ito? We can’t work together peacefully if we will always fight. Pareho lang tayong mapapahamak. Pwede naman akong makipag-cooperate sa iyo para matapos natin ang punishment sa atin.”

Mataman niya itong tinitigan. Gusto nito na makipagbati siya dito? Ganoon lang? Kakalimutan na niya ang lahat ng ginawa nito? No way!

“Simple lang ang gusto ko. Huwag mo na akong kakausapin. Kung ako ang masusunod, ayokong makita ka. Pero dahil imposible iyon, magkukunwari na lang ako na hindi ka nag-e-exist. Because I hate you, Julian Veron Yun! At para sa akin, isang bangungot na mahalikan mo!” mariin niyang wika at iniiwas ang tingin dito.

Hindi na siya nagtangka pang tingnan ito hanggang makababa sila sa cable car. Iyon lang ang paraan para di niya ito tangkaing awayin tuwing makikita niya dito. Sana iyon din ang paraan para mabura niya ang halik nito sa sistema niya.

MATALIM ang tingin ni Arjhilleyne nang lumabas ng Lighthouse Restaurant si Julian kasama ang cute na lalaking may chinitong mata.. Nawalan siya ng ganang kumain nang pumasok ito ng restaurant.

Nakaramdam siya ng gutom nang mawala na ulit ito sa paningin niya. Sunud-sunod ang subo niya sa fetuccini with béchamel sauce. “Buti naman umalis na ang pangit na iyon,” aniya sa mga kasamang kumakain habang namumuwalan.

Nakasunod naman ng tingin na maysab kasamang panghihinayang ang mga kasamahan niya. “Sayang! Umalis na iyong cute,” nanghihinayang na sabi ni Tennessee habang nakapangalumbaba.

“Si Hiro Hinata iyon, may-ari ng Hinata Industries ng Japan at ang company nila Julian ang gumagawa ng ilan sa mga gadgets nila at ibang electronic parts. Isa sa mga sikat na member ng Stallion Riding Club,” paliwanag ni Doktora Nathaniella. “And he is already engaged.”

Sabay-sabay na napabuntong-hininga sina Tennessee, Leica at Sissy. Siya naman ay biglang tumayo sa kinauupuan at napasigaw. “What? Si Hiro Hinata iyong kasama ng impaktong Julian na iyon. Oh, gosh! M-Magpapa-autograph ako!”

Pinigilan siya ni Leica nang akmang susugod siya sa pinto para sundan si Julian at Hiro Hinata. “Umayos ka nga! May white sauce ka pa sa bibig,” sabi nito at parang bata na pinunasan ng napkin ang bibig niya.

“Bad trip kasi ang Julian na iyon. Di ko tuloy napansin na si Hiro Hinata pala ang kasama niya,” reklamo niya.

“Tinamaan ka na yata kay Julian. Nakita mo lang siya, wala ka nang napansin pang ibang guwapo sa mundo,” biro ni Leica. “Or is the kiss so unforgettable?”

Mariin siyang pumikit. Parang nananadya pa si Leica. Di nito naiisip na baka mag-amok siya oras na napag-usapan ang halik ni Julian. Kinikilabutan niyang kiniskis ng palad ang pisngi niya. “Ngii! Kakadiri! Doc, baka naman pwede na akong magmumog ng alcohol.” Kahit anong toothbrush ang gawin niya ay di pa rin mabura sa alaala niya ang halik ni Julian.

“I think it is a mind shattering kiss,” Tennessee said breathlessly.

“At dahil pleasurable ang experience, sa subconscious brain mo ayaw mo talagang makalimutan,” dagdag ni Doc Nathaniella nang may ngiti sa labi.

“Nang-aasar ka, Doc?” tanong niya.

“I am speaking as a professional,” kaswal nitong wika.

“Baka naman based on experience iyan. May kinalaman ba diyan si Doc Arvind na di mo malimut-limutan?” tanong ni Sissy.

“Huwag nga ninyong isasali ang orangutan na iyon sa usapan!” bigla ay singhal ng cool na cool na doktora.

“Eh… baka may experience na din siya kay Tomasino Roque Lopez III kaya naiintriga siya,” tukso naman ni Leica.

“Ikaw kay Warren naman!” ganting-tukso ni Sissy dito.

“Kay Draco Montague ba may sizzling experience ka na?” tanong niya kay Tennessee. Total nagkakabulgaran na ng lovelife kaya sasagarin na niya.

Ipinakita nito ang magandang leeg. “Wala pa akong mark. Lagi kasi akong may dalang bawang, sibuyas, toyo at suka.”

Kumunot ang noo ni Sissy. “Ha? Iyon na ba panlaban sa bampira ngayon?”

“Aadobohin ko siya kapag di siya umayos,” sagot ni Tennessee.

“Well, yummy siya kahit na may kasungitan,” sabi ni Sissy.

“Parang si Fafa Torque? Masungit pero yummy?” tanong ni LEica.

Nagkakatuwaan pa sila at nagkakatuksuhan nang isang matangkad at magandang babae ang lumapit sa kanila. “Ate Nath!”

“Jazzmire!” tuwang-tuwang sabi ni Nathaniella at niyakap ang bagong dating.

Natulala siya nang marinig ang pangalan ng babae. Jazzmire. Kundi siya nagkakamali ay iyon ang pangalan ng girlfriend ni Julian. Ang babaeng dahilan kung bakit nagkandaloko-loko ang unang araw ng pagtatrabaho nila sa library ni Prince Rostam. No wonder napuyat si Julian at na-late. Jazzmire looked like a Chinese porcelain doll. Makinis ang kutis nito at natural na balingkinitan. Ito ang klase ng babae na nanaising pagsilbihan ng kahit sinong lalaki.

“I am looking for Arjhilleyne Reyes,” anito sa malambing na boses.

Nanigas siya sa kinauupuan. Anong kailangan nito sa kanya? Baka mamaya ay siniraan siya ng mga Sirens dito. Ayaw na talaga niya ng gulo. Tama na ang isang Julian Veron YUn na gumugulo sa buhay niya.

Magtatago sana siya mula dito pero itinuro na siya ni Doc Nathaniella. “That’s her.” Namumuwalan pa siya sa fettuccinni. Dali-dali siyang ngumuya at lumunok.

“Hi!” nakangiting bati ni Jazzmire. “Pwede bang makausap ka kahit sandali? I know that you are a very busy person. Pero importante lang ito.”

“Jazz, maganda sa taas,” sabi ni Nathaniella at itinuro ang third floor ng Lighthouse Restaurant. “Maganda ang view doon at hindi crowded.”

“Ipapasunod na lang namin ang pagkain mo,” sabi ni Sissy.

Yeah! Food! Kailangan niya ang props kapag nag-usap sila ni Jazzmire. Kinakabahan pa rin siya sa pag-uusapan nila.

Umorder ng adobo rolls si Jazzmire at orange juice. Sumandal ito at bumuntong-hininga habang sumisipsip ng juice at tinatanaw ang magandang view. Nagulat siya. Nabawasan ang pagiging feminine nito lalo nang itaas nito ang dalawang paa sa couch. “I hope you won’t mind. Nakakapagod talaga. Madami akong trabaho ngayon lalo na’t ang daming pinapagawa ni Julian.”

“Bakit gusto mo akong makausap?” tanong niya. Alam ba ni Julian na mukhang mas siga pa sa kanya ang China doll nito?

“Yeah.” Malungkot itong ngumiti. “I just want to apologize. Mukhang naabala ko yata ang trabaho ninyo ng kapatid ko.”

Kumunot ang noo niya. “Sinong kapatid?”

“Si Julian.”

“Kapatid mo si Julian?” di makapaniwala niyang usal.

Tumango ito. “Yeah! We are actually twins. Di ba niya nasabi?”

Marahan siyang umiling at di makapagsalita. Now that explains it. Parehong singkit ang mata ng mga ito. At si Jazzmire ang babaeng version ni Julian. “A-Akala ko…”

“Akala mo isa ako sa mga babae niya?” pagtatapos nito sa sasabihin niya. “You see, the other night bumagsak ang ekonomiya ng US. They had a recession. And it affected the global economy. At kapag may ganitong economic problem, kaming nasa computer at electronics industry ang unang nakakaranas ng problema.”

“G-ganoon ba?” tanong niya.

“Hindi siya natulog at ayoko pa nga siyang paalisin para tulungan ka sa trabaho ninyo kay Prince Rostam. Sila ni Kuya Jairon ang humahawak ng kompanya. Nasanay na akong di humawak ng mabibigat na responsibilidad. Natatakot ako na kapag basta na lang nilang iniwan ang responsibilidad sa akin kahit na ilang oras, baka tuluyan nang bumagsak ang kompanya. And we have people to think of. Maraming empleyadong umaasa sa amin. Mga taong inaasahan din ng pamilya nila. At itinuring na rin namin silang parang kapamilya namin.”

“I see,” mahina niyang usal. Napahiya siya sa sarili niya. habang iniisip niya ang sarili niya, iniisip naman pala ni Julian di lang ang kompanya nito kundi pati ang kabuhayan ng ibang mga tao. At kahit na may iba itong alalahanin ay isinaalang-alang pa rin siya nito. Tapos ay nagalit pa siya dito. Parang napaka-selfish niya.

“Narinig ko sa usapan nila ni Kuya Warren kagabi na nag-away kayo. Akala mo daw yata mas inuuna niya ang pambababae kaysa sa punishment sa inyo ni Prince Rostam. Hindi naman kita masisisi kundi mo siya paniwalaan.”

Humigit siya ng malalim na hininga. “Yeah! Masama talaga ang tingin ko sa kanya. Kung sasabihin mo sa aking terorista siya, maniniwala ako.”

Mahina itong tumawa. “Well, alam ko na magagalit si Julian kapag nalaman niyang kinausap kita tungkol dito. Gusto ko lang malaman mo ang totoo. I am not asking you to be nice to him. Pero mas makakaluwag sa loob niya kung mabawasan ang mga inaalala niya lalo na’t crucial ang panahong ito para sa amin.”

Marahan niyang pinakawalan ang hininga. “Okay. I think I owe him an apology. Pero kapag wala nang kinalaman sa kompanya ninyo at ginawan pa rin niya ako ng kalokohan, aawayin ko talaga siya.”

Aliw na aliw ito habang pinagmamasdan siya. “Know what? My brother is a naughty man but no woman complained about it before. Ikaw lang. You are not the type of woman who is easily charmed, are you?”

“I am not most girls.” But sometimes she was just like any other girls. Katulad nang hinalikan siya ni Julian. Nanginig talaga ang tuhod niya at nawala siya sa sarili. Wala siyang magagawa sa mga bagay na tulad niyon.

Malungkot ang mga mata nito nang tumingin sa kanya. “Tingin ng marami kay Julian isa lang siyang playboy. Na papatulan niya ang lahat ng babaeng magpapakita ng interes sa kanya. He is just a sex symbol but they didn’t bother to know the man inside. You see him as a player but he also has a heart that’s hurting. Kung titingnan mo lang ang mga mata niya, malalaman mo na hindi totoo ang mga ngiti niya. Bakit ko nga ba sinasabi ito?” anito at sumubo ng pasta. “Gutom na yata ako. Kung anu-ano na ang sinasabi ko.”

“You love your brother.” And sharing the same womb with Julian made them even closer. Mas marami itong alam kay Julian kumpara sa ibang tao.

“Anong love? Gugulpihin ko siya dahil pinagdadrama niya ako ngayon. I am not used to this, alright!” nanghahaba ang nguso nitong sabi.

“Ikaw? Gugulpihin mo siya?”

“Yeah! Alam mo ba na sabay-sabay kong napapaiyak sina Kuya Jairon, Kuya Warren at si Julian noong mga bata pa kami?” pagmamalaki nito.

“You are so scary!” mas nakakatakot pa yata ito kay Julian.

Magaan ang loob niya kay Jazzmire. Pero may isang importanteng bagay siyang dapat na gawin. Kailangan niyang humingi ng tawad kay Julian. Kung ganoon lang sana kadali ang lahat.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.