Stallion Island Series Chapter 103

Hina-hum ni Arjhilleyne ang kanta ni Carrie Underwood na Inside Your Heaven habang nagsasalansan ng libro sa bookshelf. Hindi na isang burden ang magtrabaho sa library mula nang magkabati sila ni Julian. For them, working together was fun. Iba talaga ang nagagawa ng world peace.

“Anong kanta iyan?” tanong ni Jumeirah nang bumalik siya sa harap ng computer.

“Inside Your Heaven ni Carrie Underwood. Paborito ko kasi iyon. At iyon ang kakantahin ko mamaya kapag nag-videoke kami ni Julian.”

Gusto kasing bumawi ni Julian sa kanya mula dahil di siya nakapag-videoke nang inakala niyang nadisgrasya ito. Maganda na ang relasyon niya ngayon. Di na rin ito nanunukso pa o nang-iinis kaya naman magaan na ang loob niya dito. Mas naramdaman niya ang sinseridad nito sa pakikipagbati sa kanya.

“Para kasing iba ang tono sa naririnig ko.”

Tumikhim siya. “Medyo iniiba ko talaga para original. Alam mo ba pangarap ko talagang maging sikat na recording artist. Ayaw lang ng parents ko.”

“Baka bigla kang ma-discover at sumikat mamaya,” wika ni Julian na bumaba sa hagdan mula sa pagsasalansan sa top shelf ng bookshelf. “At ako ang bibili ng unang album mo.”

“Hindi naman masyadong mataas ang pangarap ko. tama nang ilibre mo ako mamaya sa videoke,” sabi niya. “Hindi pa ako ready na sumikat.” Pinagpag niya ang palad. “Tapos ka na? Let’s go! Kantang-kanta na ako.”

“Sama ka, Jumeirah?” tanong ni Julian. “My treat. Saka wala naman si Prince Rostam, di ba? Pwede kang mag-relax.”

“Para namang hindi niya malalaman na umalis ako dito sa palasyo niya. Ang mga alipin ng isang malupit na prinsipe katulad ng Prince Rostam ninyo walang karapatan na mag-relax at makikanta sa videoke,” malungkot nitong sabi. “Marami siyang iniwang assignment sa akin.”

“Okay. Sa iyo ko ide-dedicate ang kanta na kanina ko pa pina-practice.”

“Ah! Iyong Say You’ll Never Go ni Erik Santos?” tanong ni Jumeirah.

“Hindi! Inside Your Heaven ni Carrie Underwood. Naku! Wala ka talagang alam sa music,” sabi niya.

Pa-hum-hum pa rin siya habang nakasakay sa E-jeepney papunta sa Windy Café. Ready na siyang mag-videoke galore. “Iyan ba ang kakantahin mo mamaya? Mukhang maganda, ah!” sabi ni Julian.

Tumikhim siya. “Siyempre. Gusto ko talaga iyong matataas para feeling diva. Ikaw? Anong kakantahin mo? Maganda ang boses mo.”

“Makikinig na lang ako sa iyo,” sabi nito. “Sa iyo lang ang microphone.”

Mangilan-ngilan pa lang ang mga tao nang dumating sila. May live band na tumutugtog habang hindi pa nagsisimula ang kantahan. Naramdaman agad niya ang matalim na tingin sa kanya ng Sirens lalo na’t nakitang kasama siya ni Julian.

“Okay lang ba na makita ako ng mga fans mo na kasama ka?” paniniyak niya.

“Don’t mind them. Gusto ko lang mag-enjoy ka. Okay?” Inusod nito ang rattan chair para makaupo ka. “Um-order ka t mapapasabak ka sa kantahan mamaya.”

Maya maya ay umakyat ng stage ang stand up commediane na si Onay Palaypay at song master na siyang magho-host ng karaniwang videoke night.

“Good evening, world! Nandito na pala ang una nating singer,” sabi ni Onay at tumingin sa direksiyon niya. “Miss Eunice Arjhilleyne Reyes, come up on stage! Naghihintay na ang mic para sa bonggang-bongga mong kanta.”

Natigilan siya sa pagnguya ng sisig lalo na’t nagtinginan sa kanya ang mga tao. Pinunasan niya ang labi. “Sandali! Di pa ako nakakapili ng kanta,” angal niya.

“Meron na. Ipina-reserve ko na kanina. Inside your heaven?” anang si Julian.

Nakangisi siyang uminom ng iced tea. Kanina pa siya ready para kantahin ang kanyang piyesa. Kuntodo palakpak naman si Jkulian para sa kanya.

“Kanino mo naman idine-dedicate makabagbag damdamin mong kanta?” tanong ni Onay. “Para ba sa ka-date mo na itatago natin sa pangalan na Julian Veron Yun?”

Nag-init ang pisngi niya. “Uy, wala namang ganon! Baka mamaya umurong iyan sa panlilibre sa akin.”

“Oo nga! Sa amin lang si Julian!” sigaw ni Raine sa kabilang mesa na parang gusto siyang sugurin. Hindi na lang niya pinansin ang mga ito at nag-concentrate sa pagsisimula ng kanta niya. “I’ve been down. Now I am blessed…”

Natahimik ang lahat. Intro pa lang pero parang gustong-gusto nang makinig ng mga tao sa kanya. Kaya naman itinuloy lang niya ang pagkanta. Nasa chorus na siya nang makarinig siya ng kantiyawan. “Booo! Bumaba ka na diyan. Wala ka sa tono. Feeling mo naman maganda ang boses mo.”

“Gosh! Parang winawarat na lata!” Kahit di siya tumingin ay alam niyang ang mga Sirens iyon. Mga boses nito ang pumupuno sa buong café at nakikipag-kompitensiya sa pagkanta niya. Kapag napikon siya ay pupukpukin niya ng mic ang mga ito.

“Go, Arjh!” narinig niyang sigaw ni Julian lalo na nang bumirit siya. Feeling niya ay magandang-maganda ang boses niya lalo na nang pumalakpak ito. Kaya naman lalo pa niyang ginalingan ang pagkanta. Ano ngayon kung wala siya sa tono at sablay siya kapag bumibirit? Basta pumapalakpak si Julian para sa kanya.

Nang matapos na niya ang kanta ay tumayo si Julian na parang proud na proud sa kanya. At sa totoo lang, ito lang ang pumalakpak sa kanya nang walang halong panlalait. Kahit ang pamilya niya ay di ma-appreciate ang boses niya.

“One hundred ang score mo!” anunsiyo ni Olay. “You are the next big star!”

Tumili siya at tuwang-tuwang yumakap kay Julian pagbaba ng stage. “Naka-one hundred ako!” Pakiramdam niya ay nanalo siya sa isang sikat na singing contest.

Niyakap at binuhat naman siya ni Julian. “Sabi na nga ba magaling ka.”

“At dahil diyan, may free Stallion stuffed toy ka.” Niyakap agad niya ang kabayong laruang inabot ni Olay.

“More! More!” sigaw naman ng grupo nila Quillian at Trent na nasa kabilang table. “Baka naman pwede kaming mag-request.”

“Mamaya na. kailangang kumain ng diva natin,” sabi ni Julian at inalalayan siyang umupo.

“Mandaraya ang machine na iyan! Ang pangit-pangit ng boses niyan tapos naka-one hundred! Kalokohan!” panggagalaiti ni Merian at inagaw pa ang mic kay Olay pag-akyat ng stage. “Gusto ko ng Single Ladies ni Beyonce.”

Subalit puro hingal lang ang ginawa ni Merian habang kumakanta dahil busy ito sa paggiling-giling habang isa-isang inaakit ang mga lalaki sa bawat mesa. Matalim ang tingin niya dito nang si Julian naman ang haplos-haplusin sa mukha.

Pinigilan ni Julian ang kamay nito. Sa halip na makipag-flirt ay parang ilang na ilang ito. “Mas maganda ka kung sa stage ka na lang kakanta at sasayaw.”

Parang utu-uto naman na sumunod si Merian. Subalit parang binagsakan ito ng langit nang makita ang score nito. “Sixty-five? Sixty-five lang ang score ko! Hindi totoo iyan!”

“Oo nga! Ang ganda pa mandin ng pagkakasayaw mo don,” sabi ni Francey.

“Oh, shut up! Umalis na tayo dito,” panggagalaiti ni Merian at saka lumabas ng restaurant kasama ang mga amuyong nito. Napuno ng tawanan ang buong café.

Dalawang oras din silang nakipagkantahan ni Julian hanggang magyaya itong maupo sa may baba ng windmill. “Thank you! Nag-enjoy ako kanina. Kahit na nilalait ng iba ang boses ko, pinalakpakan mo pa rin ako.”

“Nakikita ko naman na nag-e-enjoy kang kumanta. Para sa akin maganda ka dahil doon,” sabi nito at hinawi ang buhok niyang tinatangay ng hangin.

Itinirik niya ang mga mata. “Lalaki ka nga. You love to patronize women and make her feel perfect. May pagkakataon na ba na pinuri mo ang isang babae dahil mahal mo siya? Na kahit ano pa ang flaw niya, maganda pa rin siya para sa iyo?”

Ngumiti ito at tumingin sa mga ilaw ng Wave Village na tanaw mula sa mataas na bahaging iyon ng Wind Village. “Yeah! My first love.” At napansin niya ang kislap sa mga mata nito. Parang may himig pa rin ng pagmamahal sa boses nito.

“Nasaan na ang first love mo?” tanong niya.

“She left. She said she’ll come back.”

“Hinintay mo ba siya?”

Pain crossed his face for a while. Pagkatapos ay nakangiti itong bumaling sa kanya. “Only a fool would wait for his or her first love. Dahil kung mahal talaga siya ng taong iyon, hindi niya iiwan.”

Julian didn’t bother waiting. Kung mahal din nito ang first love nito, hindi sana ito maghahanap ng ibang babae.

Inunat niya ang dalawang kamay. “Masyado palang masalimuot ang pag-ibig. Pero parang masarap pa rin ang ma-in love.”

“Di ka pa ba nagkaka-boyfriend o manliligaw man lang?”

Bumuntong-hininga siya. “Hindi naman kasi ako pang-Miss Universe. Sa palagay mo ba may mai-in love na Stallion hunk sa tulad ko?”

Pinisil nito ang baba niya. “If you will be a bit nicer at hindi ka manggugulpi ng mga lalaki, baka may mabulag sa kagandahan mo.”

Magaan niya itong sinuntok sa braso. “Iniinis mo na naman ako!”

Humalakhak lang ito. “Bahala ka. Basta sinasabi ko lang ang opinyon ko.”

Be a little bit nicer? Maging sweet at huwag manggulpi ng lalaki. Parang imposibkle naman ata ang hinihingi nito sa kanya. Kung mahal talaga siya ng isang lalaki, mamahalin siya nito bilang siya.

Si Julian naman kaya, kailan nito makikita ang babaeng mamahalin nito?

“MAGANDANG umaga!” Napasinghap siya nang makita ang santambak na librong nakalapag sa carpeted na sahig ng library. “Ano ‘yan?”

“Pasalubong ni Prince Rostam kagabi,” sabi ni Jumeirah.

Nanlalambot siyang umupo sa couch na nasa gilid lang ng pinto. Santambak na libro na mas matangkad pa sa kanya. Ilang tore ng libro ang kailangan na naman nilang lagyan ng code ni Julian at ayusin. Matatapos na sila. Isang linggo na lang ang ilalagi niya doon. Tapos ay tatambakan na naman sila ng mas marami pa kaysa noong una? Gusto na yata niyang mag-collapse.

Umiling siya. “Mukhang kailangan ko nang mag-empake.” Hindi na niya kakayanin pang tapusin ang lahat ng librong iyon sa loob ng isang linggo. At paano kapag nakita pa iyon ni Julian? Baka lalo na iyong hindi matulog.

Tumuwid sila ng tayo ni Jumeirah nang pumasok si Prince Rostam kasama ang dalawang alagad nito. “Good morning!” bati nito.

Yumuko siya. “Good morning, Your Highness!”

“Congratulations, Miss Reyes! You accomplished so much in less than a month. Maganda ang resulta ng teamwork ninyo ni Julian. Mula ngayon, hindi na ninyo kailangan pang magtrabaho dito sa library,” anang prinsipe.

Nagulat siya. Tama ba ang narinig niya? Tapos na ang parusa nila ni Julian? “P-Pero marami pa pong librong hindi naika-catalogue.”

Iwinaksi ni Prince Rostam ang kamay. “Hindi na kailangan. Ang main goal ng parusa ninyo ni Julian ay para magkasundo kayong dalawa. Hindi na kayo nag-aaway ngayon at mabuti na rin kayong magkaibigan. For us, that’s perfect.”

Nasapo niya ang dibdib. “T-Thank you po! Ayoko lang magulpi ng bodyguard ninyo pero gusto ko kayong yakapin at halikan.”

Tumawa lang si Prince Rostam. Gusto niyang magtatalon at magtitili. Nagbunga ang mga sakripisyo nila ni Julian. Hindi na rin siya mapapaalis sa isla. Buhay pa rin ang mga pangarap niya.

“Ang ibig mong sabihin ako ang mag-aayos ng lahat ng librong iyan?” anang si Jumeirah sa mataas na tono.

Pinisil ni Prince Rostam ang baba nito. “Of course. Inipon ko talaga ang mga librong iyan at ipinasalubong para may mapagkaabalahan ka dito sa isla. I am a sweet master, right?”

Kinuyom ni Jumeirah ang mga palad. “Sana talaga pwede kitang sakalin!”

“Tutulungan na kita…” aniya at hahabulin sana si Jumeirah na nagdadabog na pumunta sa mga libro.

Pinigilan siya ni Prince Rostam sa balikat. “Puntahan mo na si Julian sa port. Nagpahanda ako ng lunch kay Rouen para sa inyo.”

“HUwag mo akong intindihin,” wika ni Jumeirah. “Sanay na akong maging alipin ng prinsipeng palaka na iyan.”

“That will cost you your insolent tongue, slave,” anang si Prince Rostam.

“Eh, di putulin mo!” wika ni Jumeirah at dinilaan ito.

Natatawa na lang siyang nagpunta sa pantalan. Hindi na niya kailangan pang intindihin si Jumeirah. She could take Prince Rostam single-handedly.

Malayo pa lang sa may wooden steps ay kinawayan na niya si Julian na nakatayo sa may dulo ng wooden steps at sa likuran nito ay isang maliit na yate. “Julian! Na-lift na ang parusa sa atin ni Prince Rostam. Di na ako aalis dito.”

“Parang papayag ako na mapaalis ka dito,” anito at pinisil ang pisngi niya. “Dapat lang mag-celebrate tayo.” Hinila nito ang kamay niya. “Come! Kanina pa tayo hinihintay.”

“Hinihintay nino?” tanong niya.

“Ng isang taong espesyal para sa akin.”

NAKaKUNOT ang noo ni Arjhilleyne habang bumibiyahe sila ni Julian sakay ng yate. Nakasalampak siya habang pinagmamasdan ang mga ibong nagliliparan sa himpapawid. Saan naman kaya siya dadalhin nito at sino naman ang special someone na tinutukoy nito? Idadamay pa siya sa pambababae nito.

“Malapit na tayo,” untag ni Julian nang umupo sa tabi niya at itinuro ang islang nilalapitan nila. “That’s Nirvana Island.”

“Yeah! Stallion Island’s twin island.” Magkalapit lang ang dalawang isla at pinaghihiwalay ng isang sandbar. “Ang alam ko isa iyang animal sanctuary.”

Isa rin iyong research center sa mga marine animals dahil mayaman sa marine wildlife ang mga dagat na nakapaligid sa Stallion Island at Nirvana Island. Ang mga village lords mismo ang nangunguna sa adhikain ng conservation group na nangangalaga sa isla.

Ibig bang sabihin ay nandoon ang girlfriend ni Julian? Ano kaya ang itsura nito? Maganda ba? Mabait? Hindi ba ito maarte? Maganda ba ang boses?

Pagbaba sa pantalan ay isang magandang babae na nakasuot ng wrap around skirt at white blouse ang sumalubong sa kanila. “Welcome, Julian!”

Kinamayan ito ni Julian. “GUmaganda ka yata lalo, Miss Yvannka.”

“Nagagawa mo pa akong bolahin sa harap ng ka-date mo.” Inilahad ni Yvannka ang kamay. “Hi! I am Yvankka Laurel, manager of Nirvana Island Wildlife Sanctuary. Welcome!”

Kinamayan niya ito. “I am Eunice Arjhilleyne Reyes.”

“She’s with the Stallion Island security team. Where’s Marly?”

Agad niyang tiningala si Julian nang banggitin ang pangalang Marly. His eyes lit up. Marly pala ang pangalan ng babae nito.

“She’s with Raschid right now. Ihahatid na lang kayo ng safari cart doon.”

Ang safari cart ay kagaya ng e-jeepney sa Stallion Island na pinapatakbo ng kuryente. Subalit mas angkop ang safari cart sa di patag na daan ng Nirvana Island.

Nahigit niya ang hininga nang makita ang mga wild horses na nagtatakbuhan sa malawak na damuhan. “That’s a band of wild horses. Mustangs,” sabi ni Julian.

“Hindi ba sa Amerika lang sila nakikita?” tanong niya.

“Yes. Pero sa paglipas ng panahon, sinasabing nakakasira na sila sa kabuhayan ng mga ranchers sa Amerika. Kaya marami sa kanila pinapatay na lang. Kaya ang ginawa ng government nila, hinuhuli sila para ipaampon. Kaya inampon ng Nirvana Wildlife Sanctuary ang lahat ng mustangs na pwede nilang ampunin.”

“May Horse Sanctuary din sa Stallion Island pero parang mas natural ang setting dito,” sabi niya nang makita pa ang dalawang stallion na nag-aaway. Nanlaki ang mata nang may makitang elepante. “Akala ko kabayo lang meron.”

“Marami pang iba’t ibang klaseng hayop ang in-adapt nitong sanctuary. At sa population ng islang ito, mas marami ang hayop kaysa sa tao.”

Inalalayan siya nitong bumaba pagtigil sa isang treehouse. Natulala siya nang makita ang isang guwapo at makisig na lalaki na nakasuot lang ng maong na pantalon. He had a long rougish hair at may five o’clock shadow pa sa mukha.

“Prince Rostam?” usal niya. Anong nangyari kay Prince Rostam? Bakit mukha itong barbaro? At anong ginagawa nito sa Nirvana Island? Hindi ba kanina lang ay kausap niya ito at malinis na malinis ang itsura. At laging pormal si Prince Rostam. Ni minsan ay di nito ibinalandra ang makisig nitong katawan sa mga mata niya.

“Your Royal Highness!” wika naman ni Julian at yumukod.

“Shut up, Julian! Don’t ever call me Your Highness anymore.” He flashed a seductive smile when his eyes focused on hers. “I am Raschid San Roman, Senorita.” Ginagap nito ang kamay niya at hinalikan ang likod ng palad niya.

“I am Arjhilleyne Reyes, Your Highness.” Bigla niyang natutop ang bibig. “Sorry. Kasi kamukha mo si Prince Rostam.” Subalit kung berde ang mata ni Prince Rostam ay light brown naman ang kay Raschid.

“Nonsense. Paanong nakamukha ng isang prinsipe ang isang alipin. Umakyat nan kayo sa treehouse. Natutulog pa si Marly. She doesn’t want to leave my bed.”

Dinalawang-hakbang ni Julian ang hagdan. “Then I should wake her up.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.