Titig na titig si Arjhilleyne sa sarili at nagpapaikot-ikot doon nang abutan siya ng kasama sa lodging house na si Andrya. Ito ang bagong psychologist na sumasala sa mga nais magtrabaho sa Stallion Island pati sa mga gustong maging miyembro nito. “Baka naman mabasag iyang salamin sa katititig mo.”
“Miss Andrya, tingnan mo nga akong mabuti. Pangit ba ako?” tanong niya at hinarap ito.
Ni hindi man lang siya nito sinulyapan at sumingit sa harap at salamin para magsuklay. “Ano naman ang puno’t dulo ng tanong na iyan? Hindi ka pa ba nasiyahan na nilimas mo na ang Stallion Shampoo natin pero kulang pa rin ang confidence mo?”
“Sige na. Sabihin mo na ang totoo. Kung lalaki ka ba, maakit ka ba sa akin?”
Tiningnan siya nito mula sa repleksiyon niya sa salamin. “Ano nga ang ipinagkakaganyan mo? Hindi ka naman conscious sa itsura mo dati. Naglalakad ka nga sa isla ng di nagsusuklay pero di naman naging isyu iyan sa iyo.”
Bumuntong-hininga siya at umupo sa sofa. Hindi niya alam kung paano sisimulang magpaliwanag dito. “Hindi ba nag-overnight kami ni Julian sa isang kuwarto noong nasa Nirvana Island kami. Tapos buong magdamag kaming magkatabing natulog pero ni hindi niya hinawakan ang dulo ng daliri ko.”
Tinaasan siya nito ng kilay. “Tapos?”
“Hindi ba lahat nga ng babaeng makasama niya pinapatulan niya? It was a perfect opportunity to seduce me. Pero hindi niya ginawa.” Pinagsalikop niya ang mga kamay. “Pangit ba ako kaya di niya ako nagustuhan?”
Pagak itong tumawa. “Ano? Hindi ba malaking improvement iyon para kay Julian. He is not as crass as his usual reputation. Nirespeto ka niya, Arjh. Hindi ba dapat natutuwa ka nga?”
Tumayo siya at nagpalakad-lakad sa sala. “Ewan ko. Parang hindi kasi normal. Respeto ba talaga iyon o pangit ako kaya ayaw niya sa akin?”
Dapat naman talaga ay natutuwa siya dahil di siya nito inakit man lang. Her virginity was safe. Pero nabawasan ang kompiyansa niya sa sarili. Parang pagkapangit-pangit niya na di nanaisin ng isang lalaki na matagalan ang itsura niya kaya di siya nito mahawakan man lang.
Namaywang ito nang humarap sa kanya. “So ano ang gusto mong mangyari? Akitin ka niya? Bastusin ka niya?”
Umiling siya. “Hindi rin. Pero sana man lang kahit konti, nag-attempt siya na iparamdam sa akin na di ako ganoon kapangit.” Isinubsob niya ang mukha sa palad. “Argh! I don’t think I am making any sense at all.”
Gulong-gulo siya sa sarili niya. kanina pa siya hindi mapakali kaiisip sa mga nangyari nang gabing iyon kung inakit siya ni Julian.
“It makes perfect sense to me. You like Julian Veron Yun.”
“Like? Gusto ko naman siya dahil magkasundo na kami. Di na kami nag-aaway katulad ng dati.”
“Like. As in “like” that’s bordering on lust perhaps,” anitong may nanunuksong ngiti sa labi.
“S-Sandali! Hindi naman ganyan…”
“Okay. Hindi mo pag-iisipan ng ganyan si Julian kundi ka nai-in love sa kanya. Iyon ang nakikita ko.”
Siya? In love kay Julian? Ipinilig niya ang ulo. “No! sa palagay ko may nakakagat sa aking insekto sa isla kaya ako nagkakaganito. O kulang lang ako sa tulog. Papasok na ako, Miss Andrya. Late na ako.”
Pagdating nga niya sa opisina ay late na siya. Sinalubong agad siya ng madilim na mukha ng boss niyang si Oliver. “You are late!”
“I am sorry, boss. Hindi na po mauulit.”
“Sumunod ka kay Keeno. Nasa Thunder Village siya. Ini-install nila ang mga underwater cameras na nasira ng ulan,” sabi nito.
Pagdating sa dalampasigan ng Thunder Village kung saan mas malakas ay alon ay naabutan niyang kausap ng kasamahan niyang si Keeno si Julian at ang head ng security ng Stallion Riding Club na si Myco Gosiaco. Awtomatikong ngumiti si Julian nang makita siya. “Arjh!”
“Good morning!” Her heart skipped a bit when she saw his smile. Sintomas ba iyon na nai-in love siya dito? Bakit pa kasi sinabi iyon ni Andrya sa kanya? Hindi niya dapat ine-entertain ang idea na iyon.
“This is Myco Gosiaco of Stallion Riding Club,” pakilala ni Julian.
Kinamayan siya ni Myco. Matiim ang labi nito at ang mga mata. Kung palangiti si Julian, ito naman ay di yata marunong ngumiti. He was even more morose than Oliver. “It is good to see you again, Miss Reyes.”
“Thanks for recommending me, Sir,” pasasalamat niya. Kundi dahil sa recommendation nito ay di siya makakapasok sa Stallion Island.
“Good thing they hired you. Ikaw pala ang tormentor ni Julian,” anang si Myco at sarkastikong ngumiti.
Inakbayan ni Julian si Myco. “Magkabati na kaming dalawa. We are friends now.” Pinisil nito ang pisngi ni Myco. “Kagagaling nga lang namin sa Nirvana Island kahapon. Close na kaming dalawa.”
Hindi nawawala ang pagkakakunot ng noo ni Myco. “At dahil okay na kayo sa palagay mo tatanggapin pa kita ulit bilang bestfriend ko? Nagpagulpi ka sa babae, man! Kinukwestiyon ang kakayahan ko bilang security head pati ng sarili kong ama. And it is all your fault. Tapos iniisip pa rin nila na pervert ako…”
“He is a perfect gentleman now. I swear!” pagtatanggol niya kay Julian. O gentleman ito sa mga babaeng di nito nagugustuhan dahil pangit tulad niya.
Nagpalipat-lipat ang tingin ni Myco sa kanila ni Julian at napailing. “She is not your type, man!”
“Bakit?” bigla niyang naitanong.
Gusto niyang malaman kung bakit di man lang hinawakan ni Julian ang dulo ng daliri niya nang gabing iyon. He lost his smouldering gaze he used to give her. Even the promise of his hot kisses wasn’t there. Bakit ayaw sa kanya ni Julian?
“You are a woman who is for keeps, Miss Reyes. Not Julian’s type. You look serious to me. Hindi iyong babae na…”
TInakpan agad ni Julian ang bibig ni Myco. “Tumahimik ka!”
Pilit na kinalas ni Myco ang kamay na nakatakip sa bibig nito. “I am just giving the lady a fair warning. Baka mamaya ma-in love siya sa iyo. Madismaya lang siya. Kundi mo siya pakakasalan, huwag kang didikit sa ganyang babae. Baka mapikot ka ng wala sa oras.”
Dalawang beses na niyang narinig ang salitang iyon. Mai-in love siya kay Julian? Pero dahil di siya ang tipo ng babae na pinaglalaruan lang, hindi siya pwedeng maging parte ng buhay nito. Hindi rin siya nito aakitin. At hindi na mauulit pa ang halik na ibinigay nito sa kanya.
Kinawayan siya ni Keeno at nag-excuse siya sa dalawang lalaking nagbabangayan. “Arjh, gusto mong i-test ang bagong camera nila? This one is more durable. Tayo nga daw ang unang magkakaroon nito dahil mas kailangan daw natin ito kaysa sa Stallion Riding Club. Kalmado lang ang tubig nila sa Taal Lake. Di tulad dito sa atin na masyadong maalon,” paliwanag nito na excited sa bagong gadget.
Wala ang isip niya kay Keeno kundi nasa kina Julian at Myco na patuloy pa rin sa pag-iinisan. Parang batang naghahabulan ang mga ito sa tabing dagat.
“Kung anu-anong sinabi mo kay Arjh! Paninirang puri iyon! Hindi kita ililibre ng lunch mamaya,” banta ni Julian.
“Ano bang bago? Hindi ka naman talaga nanlilibre. At ipinagmamalaki mo sa lahat na bestfriend kita? Sa mga babae ka lang naman kuripot!”
Malungkot siyang ngumiti habang pasimpleng sinusulyapan si Julian. Hindi niya kayang maging babae para dito. At hindi siya aakitin ni Julian dahil di siya gaya ng ibang babae masaya sa panandaliang relasyon. The only relationship where she could keep Julian was as his friend. At hindi siya masaya bilang kaibigan lang nito.
She wanted his heated gaze. She wanted his hot sizzling kisses. Gusto niyang siya ang babaeng dahilan kung bakit ito ngumingiti. She wanted all of him.
Maybe she was really in love with him.
TATLONG araw na bakasyon ang hiningi ni Arjhilleyne para madalaw niya ang pamilya niya sa Cavite. Hindi na siya makapag-concentrate sa trabaho nitong nakakaraang araw. The idea that she was in love with Julian was nagging at her. Kaya naman tuwing iimbitahan siya nitong lumabas ay lagi niyang tinatanggihan. Hindi niya alam kung paano iha-handle ang nararamdaman niya. Ngayon pa lang siya na-in love. Doon pa sa lalaking malabong magustuhan siya.
Nag-aabang siya ng E-jeepney sa tapat ng lodging house nang dumating si Julian. “Hey, Arjh! Hindi ka daw pumasok.”
Her heart flipped right away. Mabigat ang pakiramdam niya nang nakakaraang araw dahil sa pag-iwas niya dito pero ngayong nakita niya ito ay magandang-maganda ang araw niya. “Uuwi ako ng Cavite. Three days ako do’n.”
“Ganoon ba? Ihahatid na kita,” anito at binuhat ang maleta niya.
“Wala ka bang ibang gagawin?” tanong niya.
Umiling ito. “Yayayain sana kitang mag-kayaking kaya kita pinuntahan. Ang alam ko kasi day off mo. Let’s go!” anito at inalalayan siyang sumakay sa e-jeepney.
Tahimik lang niyang pinagmamasdan si Julian habang nakikipag-kwentuhan ito sa piloting si Slade na may flight din nang araw na iyon. She would miss him during those three days. Kailangan niya ang tatlong araw na iyon para i-sort out ang nararamdaman niya para dito. Kung ano ang dapat niyang gawin.
“Thank you sa paghahatid sa akin, Julian,” aniya nang nasa airport na sila.
Subalit di nito binitiwan ang luggage niya at staff sa counter ng terminal. “May available pa bang seat sa flight ni Miss Reyes?”
“Yes, Sir! Isa na lang po.”
“I will take it. Make sure it is the seat beside her,” Julian said with a sheepish smile.
“Sasama ka sa flight ko?” tanong niya.
“Naisip ko na may aasikasuhin din pala ako sa Manila. Kaysa bukas pa ako umalis, ngayon na lang ako aalis para sabay na tayo,” paliwanag nito.
Magaan ang pakiramdam niya. Kasama niya si Julian. Oo nga at nangako siya sa sarili na iiwasan niya ito. Pero paano pa niya ito maiiwasan ngayong ito na mismo ang sumusunod sa kanya. She might as well give in.
“Sino ang ka-date mo nitong nakakaraang araw?” tanong niya nang nasa ere na ang eroplano nila.
“Wala. Hindi ka kasi pumapayag na lumabas kasama ako.”
Nilingon niya ito. “Come on! Mami-miss ka ng Sirens. At marami pang magagandang lady guests na dumating, di ba?”
“Bakit ba ipinagtutulakan mo ako sa ibang babae? Ikaw nga ang gusto kong kasama. Kundi lang din ikaw ang kasama kong lalabas, magtatrabaho na lang ako o kaya matutulog sa villa,” sabi nito at uminom ng mango-apple smoothies.
She should be flattered. Mas pinili siya nitong makasama kaysa sa ibang babae. Pero bilang kaibigan lang. Di niya iyon dapat makalimutan.
Hindi niya napansin ang pagdaan ng oras hanggang makarating na sila sa Manila Domestic Airport. “Ihahatid na kita,” sabi ni Julian.
“Cavite pa ako.”
“Kahit pa sa Tawi-Tawi o Batanes iyan, ihahatid pa rin kita.”
Hindi na siya nakakontra pa dahil tumigil na ang kotseng sundo nito sa harapan nila. Gaano ba kadelikado na mangarap na gusto siya nito bilang babae kaya siya nito? O magiging katulad ito ng lalaking pangarap niya. Someone who would treat her right and would do anything to keep her forever. Iyon na ang huling pagkakataon na mangangarap siya.
“Salamat sa paghahatid sa akin,” aniya nang tumigil ang kotse sa harap ng bahay nila. “Gusto mo bang makilala ang pamilya ko?”
“Sure! I would love to,” sabi nito.
“Si Arjh! May kasamang guwapo!” tili ng Mama niya na nakaabang nang bumaba siya ng sasakyan.
Pinagkaguluhan at inestima si Julian lalo na nang malamang miyembro ito ng Stallion Island. Asikasong-asikaso ito ng Mama niya.
“Alam mo, hijo ngayon lang kasi nagdala ng bisitang gwapo si Arjh. Boyfriend ka ba niya?” walang prenong tanong ng mama niya.
“Ma, nagmagandang loob lang po siya na ihatid ako dito. Magkaibigan lang po kaming dalawa,” giit niya. Ayaw niyang umasa ang mga ito.
“Mukhang inabala mo pa si Julian,” may akusasyong sabi ng Kuya Eugene niya.
“Gusto ko talagang makilala ang family ni Arjh,” wika naman ni Julian.
“Nililigawan mo ba siya?” tanong ng Ate Eularie niya.
“Malabo ang mata niya kapag niligawan niya si Arjh,” anang Kuya Eurie niya.
“O baka naman nabagok ang ulo,” dagdag pa ng Kuya Eugene niya at sabay na nagtawanan ang mga ito.
Parang hinampas ng bat ang dibdib niya. Nilalait siya ng mga kapatid niya sa harap ni Julian. Okay lang sa kanya na makipag-asaran sa mga ito kapag sila-sila lang sa bahay. Pero hindi sa harap ni Julian kung kailan mababa ang kompiyansa niya sa sarili. She was not as beautiful as the women that Julian usually dates. Parang mga diyosa ang mga ito. At kahit panandalian lang ang relasyon ng mga ito kay Julian ay naramdaman ng mga ito na maganda ang mga ito sa paningin ni Julian. And she would never be as beautiful as those women. She could never capture Julian’s eyes or heart even for just a while.
Tumayo siya nang walang sabi-sabi at nagkulong sa kuwarto niya. Hindi niya mapigilang mapaiyak sa sama ng loob. Sinundan siya ng Mama niya at niyakap nang lapitan siya nito sa kama. “Anak, tumahan ka na. Iyong bisita mo basta mo na lang iniwan sa baba.”
“Sila Kuya kasi…” paninisi niya at kinuskos ang mata. “Kailangan bang ipagdiinan nila sa harap ni Julian na di ako maganda?”
“Sabi ng papa mo papaluin niya ang mga kuya mo mamaya. You like Julian?”
Tumango siya. “Pero kaibigan lang ang tingin niya sa akin. Kung makikita lang ninyo ang mga nagiging girlfriend niya, sobrang ganda.” Di naman siya insecure sa itsura nito hanggang ma-in love siya kay Julian.
“Pero kailangan mo pa rin siyang pakiharapan, Arjh. He is a nice guy. At bisita mo pa rin siya. Nakakahiya na basta ka na lang aalis. Where is my brave daughter? Kahit ano pa ang pinagdadaanan mo, kailangan mong ngumiti. Entertain him first. At pag-alis niya, kahit tatlong araw tayong mag-iyakan dito gagawin ko.” Inabot nito ang Eye-mo sa kanya. “You can do it, sweetie.”
Tahimik na ang mga kuya niya nang bumalik siya sa kusina. Masaya namang nagku-kwentuhan ang Papa niya at si Julian. “Arjh, bilisan mong kumain diyan. Ipasyal mo si Julian sa park,” pagtataboy ng Papa niya.
“Ano naman ang kakaiba sa park, Pa?” tanong niya.
“Tahimik doon,” sabi ng Ate Eularie niya. “Makakapag-relax si Julian.”
Napilitan siya na dalhin si Julian sa park. Siguro ay kailangan nga niya ang ilang sandali na iyon para makausap si Julian. “I am sorry. Napikon ako kanina kaya nag-walk out ako kina Kuya. Ang lakas kasi nilang mang-inis.”
“Nagbibiro lang naman sila. Kahit kami nila Kuya Jairon ganoon din makipag-inisan kina Ate Jazzy at kay Jazzmire. Masyado lang silang komportable sa company ko. mababait naman ang mga kuya mo.”
Humugot siya ng malalim na hininga. “Alam ko naman na hindi ako maganda…”
“For me you are!”
Malungkot siyang ngumiti. “Naku! There goes your patronization again.”
Hinawakan nito ang balikat niya at tinitigan siya. “You are beautiful. Nagpaalam na ako sa kanila, Arjh. I want you to be my girlfriend.”