Pero hindi umuwi si Arjhilleyne. Mula sa main stable ay nagpalakad-lakad lang siya sa Central Town. Tulala siya at wala sa sarili. She was in pained and confused. Maayos naman ang pag-uusap nila ni Julian kanina. Bakit hindi man lang niya nalaman na may kasama itong ibang babae?
Akala niya ay magiging masaya ang araw na iyon. na maghapon silang magkakasama ni Julian. Tapos sa huli ay ibang babae ang makakasama nito. At kasama pa ang taksil nitong kabayong si Fleiron.
Siya ang girlfriend ni Julian! Pero nang huli niyang dalawin si Fleiron ay iningusan lang siya nito at ang dala niyang carrots. Pagkatapos ay dali-dali nitong naisakay si Deannie nang walang kahirap-hirap? Pwede naman mag-horseback riding ang mga ito pero bakit sa sarili pa nitong kabayo na si Fleiron? Alam ba nito ang ibig sabihin niyon? Na wala siyang halaga bilang nobya nito!
Hindi pa siya nakaramdam ng ganoon katinding selos. Ngayon lang may ibang babaeng pinahalagahan si Julian nang higit sa kanya. And she wanted to know why. Bakit kailangan nitong magsinungaling sa kanya? May inililihim ba ito sa kanya? Ano ba ang tunay na relasyon nito kay Deannie?
“Arjh, anong ginagawa mo dito?” tanong ni Jazzmire at bumaba ng kabayo nito.
“Nagpapahangin lang,” aniya at tiningala ito.
“Nakaupo ka sa sidewalk nang katirikan ng araw? Anong pagpapahangin iyan?” tanong nito at hinila siya papunta sa bench sa ilalim ng puno. “Okay ka lang ba? Parang tulala ka.”
Umiling siya. “Kulang lang ako sa tulog. I am okay.”
“Bakit mag-isa ka lang? Sabi ni Julian kanina magho-horseback riding siya. Hindi ba day off mo ngayon?”
The idea twisted her gut. Kay Jazzmire ay di ito nagsinungaling. Pero sa kanya ay di nito sinabi ang totoo.
Malungkot niya itong nilingon. “Nag-horseback riding sila ni Fleiron. Kasama nila si Deannie.” Huminga siya ng malalim. “Ang sabi niya sa akin kanina may inaayos siyang business proposal. Tapos malalaman ko magkasama sila,” aniyang di mapigilang maibulalas ang selos. “And what’s with Deannie and that impertinent horse? Ang sungit niya sa akin tapos…” Nangingilid ang luha niya pero pinipigilan niyang umiyak. “I am sorry. I am not making any sense.”
It was silly, she knew. Pati ang kabayo ay naidadamay niya sa selos niya. Baka naman may paliwanag ang lahat at pinangungunahan lang siya ng selos. But she wanted to get answers soon. O tuluyan nang kakainin ng selos ang puso niya.
“Si Deannie ang nagregalo kay Julian kay Fleiron. Pony pa lang si Fleiron nang ibigay niya. It was her birthday gift to Julian,” anito at nilingon siya.
“Ganoon siya ka-close? Isang pony ang regalo niya kay Julian?”
Alam niya kung gaano kamahal ang kabayo. Para bigyan nito ng kabayo si Julian, it must be really something.
“Yeah! Deannie is Julian’s first love. Naging schoolmate sila sa college. Mahal na mahal talaga ni Julian si Deannie. Hindi nga siya tumitingin sa ibang babae.” Tumingin ito sa malayo na parang inaalala ang araw na iyon. “At si Deannie lang din ang babaeng pwedeng makalapit kay Fleiron. Kahit ako hindi ko malapitan si Fleiron nang di dinadambahan.”
Ngayon ay naiintindihan na niya. Si Deannie ang babaeng unang minahal ni Julian. Ang babaeng hindi nito makalimutan. Ang babaeng dahilan kung bakit laging may lungkot sa mga mata ni Julian noon kahit na nakangiti. Even his own horse was loyal to her after all these years. Si Deannie lang ang nakalapit dito. Na di niya nagawa kahit na siya na ang mahal ni Julian ngayon.
“Anong nangyari sa kanila?” tanong niya.
“Nang mag-propose ng kasal si Julian, umayaw ang mga parents ni Deannie. You see, they own one of the most powerful investment banks in Asia. At nang panahong iyon, nagsisimula pa lang bumawi ang kompanya namin mula sa pagkalugi.” Napailing ito. “They told my brother that he is not enough for Deannie. That our family is not rich enough for them. Pinauwi nila ng Switzerland si Deannie.”
“At basta na lang umalis si Deannie? Ni hindi niya ipinaglaban si Julian?” tanong niya.
“Kung pakakasalan niya si Julian, anong guarantee na makakabawi ang pamilya namin? Maghihirap siya. And Deannie was used to a comfortable life.” Sumandal ito at humalukipkip. Bakas ang galit sa mga mata nito. “I will never forget the day when my brother went home from Switzerland. Hindi pinapasok si Julian sa birthday party ni Deannie. Nilabas nga siya ni Deannie pero para lang itaboy. Naglasing si Julian at nagwala. MAtapos iyon, ginawa niya ang lahat para tumulong sa pamilya namin na makabawi. At wala na rin siyang sineryosong babae mula noon. He lost his heart.”
NAalala niya ang unang date nila ni Julian. Sinabi nito na di siya nito mabibigyan pa ng fairy tale dahil wala itong puso. Yes, he could give women pleasure and memories. But he already lost his heart to Deannie.
At walang nagtatagal na babae sa buhay nito dahil pinuputol na nito agad. Dahil takot itong iwan. O baka isang babae lang ang hinihintay nito.
“Si Deannie lang talaga ang minahal niya,” mahina niyang usal.
Ginagap ni Jazzmire ang kamay niya. “Arjh, no! nagbago si Julian nang makilala ka niya. Nakita namin nila Mama kung paano ka niyang pinahalagahan. Wala nga siyang itinatanong kundi kung paano ang susunod ninyong date. He had never been so unsure with a woman before. na bawat kilos niya kailangan pa niyang i-check kung tama. Parang hindi siya ang Julian na kilala ko na sisiw na sisiw ang pang-aakit ang babae.”
“But Deannie is back. Ni hindi nga niya inintindi kung ikakasal na siya. Lagi siyang nakadikit kay Julian. And he lied to me.”
She could imagine Julian’s laughter a while ago. Iyon ba ang kapalit ng kasinungalingan nito sa kanya? Ang ilang sandaling kaligayahan para makasama si Deannie. Akala ba nito ay hindi niya malalaman ang totoo?
“There must be some reason. Huwag kang magpadalos-dalos. You have to keep my brother sane. Gulo lang ang dala ni Deannie.”
“Ano ang gusto mong gawin ko? Magkunwari na walang alam? Hindi ko na nga alam kung paano siya ipaglalaban.”
Siya na nga ang nadedehado sa relasyon nila. Hindi yata niya kaya na magbulag-bulagan na lang. Napakalaking insulto sa kanya.
“Huwag mong bigyan ng rason si Julian na iwan ka. Stick with him.”
“Paano kung umalis siya?”
“HIntayin mong bumalik siya. Kailangan ka niya.”
NAGTATALO pa rin ang isip ni Arjhilleyne kung tamang sumama siya sa dinner date na iyon kasama si Julian. Kinabukasan ng umaga ay nagpadala ito ng gown na may kasama nang sapatos at accessories para isuot niya. She was not in the mood to go out. Sariwa pa ang sugat na nilikha ng kasinungalingan nito sa kanya kahapon. At dahil hindi niya mailabas ang totoong nararamdaman ay parang paulit-ulit na sinasaksak ang puso niya.
Hindi niya magawang ngumiti kahit pakunwari sa mga bumabati sa kanila ni Julian. Tahimik lang siya at tumatango sa mga bati ng mga kakilala nila.
“What’s so special about tonight?” tanong niya nang magsimula na itong umorder. Guilty ba ito kaya bumabawi sa kanya?
“It is our third month anniversary.” Pinisil nito ang pisngi niya at kinintalan siya ng halik sa labi. “Akala mo siguro nakalimutan ko na.”
“Three months na kitang boyfriend?” Parang sobrang bilis ng panahon. Hindi niya napansin na nakatatlong buwan na sila. Ni hindi niya naalala ang petsa. Tapos ay si Julian pa ang nakaalala.
Lumungkot ang anyo nito. “Siguro kinalimutan mo na dahil nagtampo ka sa akin. I am sorry. Hindi kita nasamahan kahapon.”
“I know. Busy ka with your proposals,” aniya at uminom ng tubig.
Gusto niyang kalimutan na ang romantic dinner para sa anniversary niya at sabihin dito na nakita niya na si Deannie ang kasama nito at di business proposal ang inaasikaso. Pero hindi niya magawang sabihin na alam niya ang relasyon nito kay Deannie. Di niya masabi dito na natatakot siyang mawala ito. Mas madali na magtago ng nararamdaman kahit na dahan-dahan siyang pinapatay.
Ginagap nito ang kamay niya at kinintalan ang likod ang palad niya. “I will make this night memorable. That’s a promise.”
Tumigil sa pagtugtog ng piano ang resident pianist sa Banyan Tree. Tumayo si Julian at umakyat sa maliit na stage hawak ang microphone. “Tonight is a very special evening. And I want to play the violin for the woman I love,” anito at sinulyapan pa siya. “This is for you.”
Hindi siya humihinga habang pinapanood si Julian na tumugtog ng violin. It was All I Ask of You by Barbara Streissand. Hindi man ito kumakanta pero bawat notang nililikha nito ay tumatatak sa puso niya.
Hindi niya napansin na naiiyak na siya habang tumutugtog ito. Nakalimutan na niya ang isipin na baka hindi siya nito mahal. Na gusto siya nitong saktan kaya nagsinungaling ito. Nang mga oras na iyon habang nakatitig si Julian sa kanya at tumutugtog, siya lang ang babae sa paningin nito. Nobody would take away that right even just for tonight. Sa kanya si Julian sa gabing iyon.
Di na niya magawang pumalakpak nang matapos tumugtog si Julian. Masyado siyang busy sa pagpapahid ng luha. Nobody played any instruments for her before. Kahit iyong dalawang bato para lang kantahan siya. Only Julian made her feel special and beautiful. At kagaya ng pangako nito ay naging espesyal ang gabi iyon.
“That’s our song! Julian played our song for me!”
GUlat niyang nilingon ang babaeng nagsisisigaw niyon. It was Deannie. Nakatayo ito di kalayuan sa likuran niya at ipinagsisigawan sa lahat na ito ang inalayan ni Julian ng kanta. Their song? Ang tinugtog ni Julian ay ang kanta nito para kay Deannie?
Pinigilan ito ni Brien sa braso. “Deannie, don’t create a scene.”
“Anong scene ang sinasabi mo?” angil ni Deannie. “That’s the first piece he learned on a violin. At tinugtog niya iyon sa akin. Favorite ko iyon.”
Nagdikit ang mga labi niya. Paborito ni Deannie ang tinugtog sa kanya ni Julian? Bakit sa dinami-dami ng tutugtugin nito, bakit iyon pang kanta na makakapagpaalala kay Deannie ng pagmamahalan ng mga ito. Nananadya ba ito?
Hindi na niya napansin na papalapit si Julian sa kanya hanggang sunggaban na lang ni Deannie at yakapain. “Julian, thank you. I love that song.”
Pilit na ngumiti si Julian. “That song is for Arjh.”
Pinisil ni Deannie ang baba ni Julian ay inilingkis ang kamay sa leeg nito. “Don’t be coy. Okay lang naman na sabihin mo sa lahat na para sa akin ang piece na iyon. Iyon naman ang totoo.”
Gusto na niyang maghurumentado nang mga oras na iyon at kaladkarin palayo si Deannie kay Julian. It definitely ruined her nice evening.
“I am sorry. She’s a bit drunk,” hinging paumanhin ni Brien at hinawakan sa braso si Deannie para ilayo kay Julian.
Iwinaksi ni Deannie ang kamay ni Brien. “I’m not. Hindi ko alam bakit ka pa bumalik-balik. INiwan mo naman ako dito, di ba? Nakipagkita ka sa Cassandra mo! Kaya hayaan mo ako kung gusto kong makasama si Julian. Hayaan mong kami naman ang sumaya.”
Hinaklit ni Brien ang braso nito. “Mahiya ka nga! Sa harap pa ng girlfriend ni Julian.”
Sa namumungay na mata ay tumutok sa kanya ang mga mata ni Deannie. Dinuro siya nito. “Ito ba ang girlfriend ni Julian?” Tumawa ito ng pagak. “Alam ba niya kung sino ang totoong mahal ni Julian? Bakit hindi niya tanungin si Julian ngayon para malaman na ng lahat.”
Nag-init ang tainga niya. Iyon mismo ang gusto niyang tanungin kay Julian pero wala lang siyang lakas ng loob. At ginagatungan naman ni Deannie ang nag-aalab na damdamin niya.
“Brien, pakibalik na siya sa kuwarto niya,” wika ni Julian.
Hinila ni Brien si Deannie palayo. “Halika! Bumalik ka na sa kuwarto.”
Subalit di pa rin nagpapaawat si Deannie. “Susundan ka ba ni Julian kapag umalis ka? Mahal ka ba talaga niya? Ask him!”
Bumuntong-hininga si Julian. “I am sorry.”
“Kumain na lang tayo. Lasing lang siya.”
Napansin niya ang pag-aalinlangan ni Julian ngunit pinili na lang nitong sumubo. Pareho na silang di nag-usap hanggang matapos ang hapunan. Tahimik pa rin kahit nang ihatid siya nito sa working lodge niya.
“Goodnight, Julian,” usal niya. “Thank you.”
Hindi niya alam kung para saan ang pagpapasalamat niya. It was a horrible night. Parang ayaw na niyang maalala pa ang bangungot na iyon. Ipinamukha sa kanya ni Deannie na mas marami itong alaala kasama si Julian kaysa sa kanya.
Papasok na siya ng pinto nang pigilan siya ni Julian. “I am sorry. Arjh, I want to explain everything.”
“She’s drunk. That explains everything,” putol niya sa iba pang sasabihin nito at kinintalan ito ng halik sa pisngi. “Kalimutan na natin ang nangyari. Okay?”
Niyakap muna siya ni Julian sa loob ng mahabang sandali. Nararamdaman niya na gusto pa rin nitong magpaliwanag sa kanya. Ayaw na niyang marinig ang sasabihin nito. Natatakot siya na baka lumabas sa bibig nito na si Deannie ang mahal nito. She was not ready to hear his truth. She didn’t want to let him go yet.