Tennessee was trapped. Sa pag-aakala ni Draco na may relasyon sila ng kapatid nito ay kinaladkad siya nito sa Stallion Island. Hindi daw ito titigil hangga’t hindi siya nai-in love sa ibang lalaki dahil di siya karapat-dapat sa kapatid nito.
Hanggang dumating ang dati niyang kasintahang si Tommy na gusto siyang gawing mistress. “Pumapayag ako na maging boyfriend mo para itaboy ang lalaking iyon. Magpapanggap lang ako. Huwag kang mai-in love sa akin.”
Mukhang imposible ang hinihingi nito sa kanya. Una ay in love na siya dito. At nadoble pa ang nararamdaman niya sa bawat halik at haplos nito sa kanya. Pwede kaya niyang hilingin kay Draco na di na lang pagkukunwari ang lahat?
Tinakbo ni Tennessee ang entrance ng Montague Pharmaceuticals habang sa isang kamay ay hawak niya ang Hazelnut Latte na paborito ng boss niyang si Diego. Hindi ito makakapagsimula ng trabaho nang wala ang paborito nitong kape mula sa Starbucks. Wala itong pakialam kung ma-late man siya. Aligaga na naman ito dahil may launchig ang Montague Pharmaceuticals. Nakatutok ngayon sa kanila ang mapanuring mata ni Draco at kape lang ang pwede nitong maging katuwang sa mga oras na iyon para kumalma ito.
“Good morning, Ma’am!” bati ng guwardiya sa kanya.
“Morning!” bati rin niya at saka lang siya nakangiti. Hindi pa naman siya ganoon ka-late. Nakita niya ang assistant ni Draco na si Mary Ruth. Nakayuko ito habang naglalakad. “Hey, Ruthie! Kumusta na?”
Maaga ito sa opisina dahil maaga ding dumadating sa opisina si Draco. Parang sa opisina na nga nakatira ang lalaking iyon. Napaka-workaholic at dedicated sa trabaho. Montague Pharmaceuticals was an all-Filipino pharmaceutical company. At nagagawa nitong makipagsabayan sa mga dambuhalang international pharmaceutical company dahil sa galing ni Draco. And he expected no less from his assistant. Kailangan ay kasing dedicated man nito at kasing workaholic.
“Tinanggal na ako ni Sir Draco,” humihikbi nitong sabi.
Hinila niya ito sa couch sa lobby at ibinigay ang hazelnut latte ni Diego. “Inumin mo muna ‘to. Ano bang nangyari at bigla ka niyang sinesante? Okay naman ang performance mo sa trabaho, di ba? Pinagkakatiwalaan ka ni Sir Draco.”
Ito ang pinakamatagal na naging sekretarya ni Draco. Nakakadalawang buwan na ito sa trabaho. Ang ilan ay ilang araw o linggo lang ang itinatagal kay Draco dahil di matagalan ang kasungitan ng binata. Lahat ng mga ito ay umuuwing luhaan.
“Ginalingan ko talaga dahil gusto kong kailanganin niya ako. Gusto ko siyang makasama habambuhay.”
Nagsalubong ang kilay niya. “Habambuhay?”
“Hindi ko napigilan kagabi na sabihing mahal ko siya. Nagalit siya at sinesante ako,” bulalas nito at muling pumalahaw ng iyak.
Napangiwi siya at hinaplos ang likuran nito. Isa pa sa dahilan kung bakit hindi nagtatagal ang mga sekretarya ni Draco ay dahil nai-in love ang mga ito sa binata. He was very attractive. Ang kasungitan nito at pagiging istrikto ang lalong nakakaakit dito. Sa kasamaang-palad, ayaw nito sa mga kababaihang nai-in love dito. Parang may allergy ito sa pag-ibig.
Bumuntong-hininga siya. “Si Sir Draco din mismo ang nagsabi sa iyo nang i-hire ka niya na huwag na huwag kang mai-in love sa kanya. Naman, Ruthie! Akala ko matalino ka!”
“Walang utak-utak kapag pag-ibig ang pinag-uusapan,” katwiran nito at suminghot. “Kasalanan ba ang magmahal?”
“Anong gagawin natin kung ayaw nga ni Sir Draco?”
“Hindi ko na alam ang gagawin ko!”
Niyakap niya ito at pinunasan ng tissue ang mukhang basa ng luha. “Kaya mo iyan. Kung wala kang mapapasukan, pwede kitang i-refer sa kaibigan ko. Magaling ka naman. I am sure they will hire you.”
“Salamat!” sabi nito at saka niya ito ihinatid sa taxi.
She had a heavy heart. Isa na namang puso ang sugatan at isang kawawang babae na naman ang nawalan ng hanap-buhay dahil sa pag-ibig kay Draco.
Wala naman siyang ipinagkaiba kay Mary Ruth. Nagmamahal lang din siya kay Draco. At ang kaibahan nila ay hindi siya baliw para ipagsigawan kay Draco na mahal niya ito. Kinikimkim lang niya. Ayaw niyang mawalan ng trabaho. Masaya na siyang mahalin ito sa malayo.
Lulugo-lugo siyang bumalik sa opisina. Late na nga siya ay wala pa siyang dalang kape. Tiyak na mapapagalitan siya ni Diego. Magpapaliwanag na lang siya. Symphatizer naman ito ng mga kababaihang nabibigo dahil kay Draco. Tiyak na maiintindihan siya nito. Nasanay na kasi ito na pagdating sa isyu ng mga babaeng naaapi ng mga lalaki ay matindi ang stand niya. Kaya takot itong magloko dahil tiyak na isusumbong niya ito sa nobya nito.
“Ibigay mo na lang sa akin ang sekretarya mo! Ayoko ng kung sinu-sinong na lang ang inire-refer ninyo sa akin. Hindi ko sila mapagkakatiwalaan!”
Nanlamig ang katawan niya nang papasok siya sa opisina ni Diego ay narinig niya ang boses ni Draco. Siya ang pinag-uusapan ng mga ito. Gusto siyang kuning bagong assistant ni Draco?
Sumilip siya sa pinto. Nakatayo si Draco sa harap ng desk ni Diego habang ang boss niya ay naka-de kwarto pa sa pagkakaupo sa executive chair habang nakatingala dito. Hindi ito masaya sa ideya. “Humanap ka na lang ng iba. Malaki ang pakinabang ko kay Nessie dito sa department ko.”
Sa loob ng dalawang taong pagtatrabaho niya dito ay na-improve ang performance ng Marketing Department. May magagandang ideas naman si Diego. Hirap lang itong i-express ang ideas minsan dahil nape-pressure kay Draco.
“She’s reliable and efficient.”
“She is. That’s why I am not letting her go.” Tumingin sa pinto si Diego at ngumiti nang makita siya. “There she is. My very efficient and reliable assistant.”
“Good morning, Sir!” pormal niyang bati.
“Come in! May interesanteng pinag-uusapan kami ni Kuya,” sabi ni Diego at saka siya nanunuksong nginitian.
Napilitan siyang umupo sa tapat ni Draco. He looked formidable and larger than life. Lalo pa itong naging intimidating nang humalukipkip ito at nagsalubong ang mga kilay. Sa kabila ng matalim na mga mata nito, nababawasan ang bagsik niyon dahil sa mahahaba nitong pilik-mata, aristokratong ilong at ang magagandang labi. She wondered how a kiss from a dark creature like him would feel. Mas nai-imagine kasi niya itong kumakagat sa leeg kaysa sa humahalik ng babae.
Pero hanggang doon lang ang atraksiyon na nararamdaman niya dito. She was drawn to his power and his dark commanding charm. Hindi niya isusugal ang puso niya para lang bigyan ito ng pagkakataong talampakin nito katulad ng ginawa nito kay Mary Ruth at sa iba pang mga kababaihan.
“How about working for me, Miss Carson?” tanong nito.
“M-Magtatrabaho ako sa inyo?” nanginginig ang boses niyang tanong. Tumikhim siya at sinubukang maging propesyonal. She couldn’t be a meek lamb infront of him.
“I’ll double your salary. If we get along, I will even triple it.”
It was a very tempting offer. Ganoong klaseng sweldo ang inaambisyon niya. Tiyak na makakabayad siya sa utang na naiwan ng namatay niyang nanay. Kung magtatrabaho siya kay Diego, hindi nito matatapatan ang offer ni Draco.
Subalit hindi madali para sa kanya na magpatangay sa sigaw ng salapi kapag si Draco ang pinag-uusapan. Humihingi ng saklolo siyang tumingin kay Deigo. Hindi niya alam kung paano ang tamang pagtanggi kay Draco.
“Ahmm... I am not confident about my skills, Sir,” aniya at yumuko. Hindi madali para sa kanya ang magsinungaling kay Draco.
“You are good enough.” Ipinamulsa nito ang dalawang kamay. “Think about it, Miss Carson. Because as far as I am concerned, I have the right to put you under my wings without your permission. Gusto ko lang ihanda ang sarili mo.”
MAY takot sa mga mata ni Tennessee nang sundan ng tingin si Draco na palabas ng opisina ni Diego. Pinakawalan niya ang pinipigil na hininga nang marinig ang mahinang click ng pinto sa private office ni Diego.
Isinubsob niya ang mukha sa palad. “Oh, no! I can’t believe this!”
“Wow! Pinipirata ka ni Kuya Draco sa akin. Would you believe that? Doble hanggang triple ng sweldo mo. Magpapantay na ang sweldo natin. Parang gusto ko na yatang maging sekretarya na lang niya. Baka sakaling mas marami pa akong kitain. Ganoon siya kadesperadong magkaroon ng matinong sekretarya. Do you know that he fired his secretary again?”
“Yeah! Nagkasalubong kami ni Mary Ruth sa lobby kanina. She’s pretty devastated about this.”
Hindi lang ito nawalan ng trabaho. Nawala rin dito ang lalaking mahal nito. Now that was the worst experience ever. Kung siya siguro ang dadanas niyon, hindi niya alam kung saan siya magsisimula. Baka mabaliw siya.
Pumalatak ito. “Hindi naman ganyan si Kuya sa babae dati. Mula nang mamatay sa aksidente si Papa at ang girlfriend niya, ayaw na niyang magmahal. Tapos sinasaktan niya lahat ng babaeng nagmamahal sa kanya. Itinataboy niya.”
“Siguro mahal na mahal talaga niya ang girlfriend niya,” nausal niya. Nakita na niya ang nobya ni Draco sa picture. Magandang-maganda ito at parang diyosa. Matalino din ito at isang magaling na executive assistant ng nasira nitong ama. Hindi niya masisisi si Draco kung ang lahat ng babaeng lumapit dito ay hindi makaabot sa level ng dati nitong nobya. Kahit siya ay nai-intimidate.
“Bakit hindi mo tanggapin ang offer ni Kuya Draco?” tanong ni Diego. “Titriplehin ang sweldo mo. Sa ganda ng performance mo, baka bigyan ka pa niya ng sarili mong kotse. Kailangan mo ‘to. Ito lang ang maitutulong ko sa iyo para mabayaran mo ang utang ng nanay mo.”
Hindi kaila kay Diego ang problema niya. Noong isang taon lang ay namatay ang nanay niya sa breast cancer. Maraming utang ang iniwan ng pagpapagamot nito. Hindi sapat ang sweldo niya. May assistance naman na ibinigay sa kanya si Diego at ang kompanya pero hindi iyon sapat para makabayad siya.
“And what? Mag-alsa balutan din? Come on! This is the perfect job for me.”
“Wrong. Mas bagay kang maging assistant ni Kuya. I think you can do more if you are under his wings.”
Umiling siya. “Baka nakakalimutan mong in love ako sa kanya.”
Hindi na niya maitago pa kay Diego ang nararamdaman niya. Wala naman siyang ibang pwedeng masabihan. Isa pa, tiyak naman siyang itatago nito ang sekreto niya. Takot lang nito na mawala siya sa kompanya.
“And you are a sensible woman. You can handle him.”
Bumuntong-hininga siya at pinagsalikop ang palad. “No. I don’t want to risk it. Hindi ako nagiging sensible kapag in love ako. Alam ko wala akong kontrol sa emosyon ko. Matutulad lang ako sa mga babaeng nagdaan sa kuya mo. I will lose my head. Kaya nga mas safe sa akin na magtrabaho sa iyo kaysa malapit sa kuya mo. I am at a safe distance.”
“Sayang naman ang malaking sweldo.”
“Hindi ko ibebenta ang pag-ibig ko!” taas-noo niyang sabi.
Pumalakpak ito. “Naks!! Ang lupit! Pag-ibig na ito.”
“I am just using my head. Mas malaki ang mawawala sa akin kapag tinanggap ko ang offer niya.” Hindi madali para sa kanya na tanggihan si Draco. There was something delicious with the idea of getting close to him. “Kaya huwag na huwag mo akong ibibigay sa kanya kung may puso ka.”