“Imhan, thank you talaga dito sa magazine na bigay mo. Ang tagal ko nang gustong magkaroon nito kahit hindi pa lumalabas sa market.”
Nagniningning ang mga mata ni Tennessee habang hawak ang magazine para sa second batch of members ng Stallion Island Leisure and Riding Club. Isa iyong eksklusibong club para sa nagguwapuhan at successful na kalalakihan sa bansa. It was mainly for those men’s relaxation and the island offered business opportunities as well. Nasa lugar na iyon ang ilan sa mga makapangyarihang kalalakihan na kilala rin sa mundo. Kontrobersiyal iyon dahil sa pitong village lords. Some managed multi-billion dollar companies, some were known in the world of sports, food and even politics. They even had an authentic royal prince.
Isang malaking karangalan na makapasok sa prestihiyosong club. At lalong maswerte ang mga kababaihang gustong makapasok doon. Parang pinuno ng prinsipe ang islang iyon. Baka nga iyon lang ang nag-iisang lugar sa mundo na nag-uumapaw ang mga guwapo at mayamang kalalakihan. It was every woman’s fantasy at hindi na rin siya naiiba sa mga ito.
“Hindi ko alam na fan ka pala ng Stallion Boys,” wika ni Imhan sa kabilang linya. Isa ito sa pharmacist nila. Nasa Stallion Island ito nang mga oras na iyon kasama ang nobyo nito na si Jayden na isa rin sa miyembro ng club. Iniwan lang nito sa desk niya ang magazine. Kinapalan niya ang mukhang manghingi.
“Ay, naku! Dati pa! Kaso isa-isa nang nag-asawa iyong mga Stallion Boys sa Stallion Riding Club. Buti na lang may Stallion Island, no?” kinikilig niyang sabi at binuklat ang magazine. “Dapat lang makilala ko ang mga members. Sayang naman kung hahara-hara na sila sa harap ko tapos di ko sila kilala.”
“At sino naman sa kanila ang crush mo?” nanunuksong tanong nito.
Gumuhit ang ngiti sa labi niya nang tumigil siya sa pagbuklat sa pakay niyang page. Ang feature kay Draco Montague. “Secret!”
Gusto lang naman niyang makuha ang magazine na iyon dahil ayaw niyang palagpasin ang pagkakataon na makita ang eksklusibong feature kay Draco. Malay ba niya kung may ini-reveal ito sa magazine na iyon ang hindi pa niya nalalaman. Bagamat manaka-naka pa rin siyang inaalok ni Draco na maging assistant nito, napagtitiisan naman nito ang sekretarya nito na isang matandang dalaga. Mukha namang nagkakasundo ang mga ito. At safe pa rin siyang pangarapin ito.
“Secret ka pa diyan. Pwede naman kitang ilakad sa Stallion Hunk na gusto mo. Basta huwag kay Sir Draco. Hindi pa ako suicidal.”
Humalakhak siya. “Don’t worry. Masaya na ako sa magazine.”
“Naku! Kahit dito sa isla kinatatakutan siya. Parang Twilight Zone ang ambiance kapag nasa paligid siya.”
“Andiyan na si Prince of Darkness,” narinig niyang sabi ng kasama ni Imhan. Sa palagay niya ay si Jayden iyon, ang nobyo nito.
“Oh, my! He is here! Hindi sana niya narinig ang usapan natin o baka sisantehin din niya ako,” pabulong nitong paalam sa kanya. “Bye!”
Ngingiti-ngiti siya habang nakatitig sa picture ni Draco. Nakaupo ito sa balkonahe ng villa nito habang palubog ang araw. Naka-side view ito habang matalim ang mga matang nakatingin sa camera. Parang galit pa nga ito sa kumukuha ng picture.
Di kaila sa kanya na maraming naggagandahang mga kababaihan sa Stallion Island pero kampante naman siya na walang matapang na babaeng lalapit dito. Allergic ito sa babae at sa pag-ibig.
“Hi, Nessie! Miss me?”
Nagulat siya nang umupo sa tapat niya ang dating nobyo niyang si Tommy. “T-Tommy!”
May asawa’t anak na si Tommy. Patapos na sila ng college nang mabuntis nito ang kababata nito nang magbakasyon ito sa Davao. She was devastated. Hindi madali para sa kanya na pagkatiwalaan ang mga lalaki dahil dito. Nag-concentrate siya sa pag-aaral at nag-focus sa career. Habang si Tommy naman ay halos masira ang buhay dahil hindi ito masaya sa buhay may asawa at nababarkada.
Nang magkita sila muli noong isang taon ay humingi ito ng tawad sa kanya. Parang kasalanan pa niya ngayon kung bakit hindi maayos ang buhay nito
Ayaw naman niyang magtanim pa ng sama ng loob. Para naman sa kanya ay tapos na sa kanila ang lahat. Sinabihan niyang ayusin nito ang buhay nito para sa pamilya nito. Iwan na nito ang bisyo at barkada nito na di magandang impluwensiya.
“You look better.” Natutuwa siya dahil hindi na ito mukhang haggard at maayos na rin ang itsura nito. “Kumusta?”
“I have a decent job now. Kapo-promote ko lang bilang supervisor sa isang publication. Hindi ba ikaw ang nag-refer sa akin para makapasok doon? Ginusto kong magbago para sa iyo. Ikaw ang inspirasyon ko.”
Nawala ang ngiti niya nang gagapin nito ang kamay niya. Hindi niya gusto ang pagkakahawak nito sa kamay niya. Ayaw niyang lagyan ng malisya pero sino ba ang hindi mag-iisip nang di maganda sa sinabi nito?
Marahan niyang binawi ang kamay. “Ahmmm... hindi ba dapat pamilya mo ang inspirasyon mo? Ang mga anak at ang asawa mo.”
“Nasa Davao pa rin sila ngayon. Gusto niyang ilayo sa akin ang mga anak ko.”
“Noon siguro iyon. Noong wala ka pang maayos na trabaho. Pero nagbago ka na. Tiyak ko na mawawala rin ang galit sa iyo ng asawa mo.”
Naging malungkot ang mga mata nito. “My kids are all I care about. Hindi na kami magkakasundo ng asawa ko.” Muli itong naging masaya nang titigan siya. “Pero nandiyan ka naman para sa akin, di ba? We can make a new start.”
“Of course! We... are friends! Kaya kung may maitutulong talaga ako sa iyo para maayos ang pamilya mo, bakit hindi?”
Kailangan niyang linawin dito ang sitwasyon. Friendship was all she could offer. Ayaw niyang maging homewrecker at hindi niya gustong pumatol sa may asawa. Kaya siguro ng ibang babae pero hindi siya.
“You are so beautiful, Tennessee.”
Uh oh! Here we go again! He used that tone years ago when he wooed her. Malas lang nito dahil wala na iyong epekto sa kanya. At isang halimaw ang tingin niya sa lalaking hindi masiyahan sa isang babae.
“Iyan din ang sabi ng boyfriend ko sa akin,” maagap niyang sabi.
Kumunot ang noo nito. “Boyfriend? May boyfriend ka na?”
“Oo naman.” Anong palagay nito sa kanya? Habambuhay na maghihintay sa pagbabalik ng taksil na katulad nito sa buhay niya? No way!
Maayos ang buhay niya kahit wala ito. Hindi niya kailangan ng isang lalaking may sabit na para hintayin na utu-utuin siya. May pagpapahalaga naman siya sa sarili niya. Mas gusto niyang walang boyfriend.
But she couldn’t tell him that, of course. Magiging target lang siya ng kagaya nito. Mabuti nang may proteksiyon siya mula sa halimaw na katulad nito.
“May boyfriend ka na talaga?”
“Oo nga!” Nahagip ng paningin niya si Draco na nasa magazine. “At ito ang boyfriend ko. Draco Montague!”
Nagulat ito nang iharap niya at halos iduldol sa mukha nito ang magazine kung saan naka-feature si Draco. “Boyfriend mo? Member ito ng Stallion Island.” Kulang na lang ay tanungin nito kung nagpapatawa lang siya.
At sa palagay naman nito ay walang Stallion boylet na papatol sa kanya? Talagang hinahamon siya ng walanghiyang ito.
Inilabas niya ang wallet niya. “Here’s our picture during a company party.” Magkatabi lang sila ni Draco doon. Pero dahil ginitgit sila ng mga kasama ay napilitan itong alalayan siya. Well, hindi sila masyadong mukhang magnobyo doon kaya ipinakita niya dito ang mga pictures niyang edited. “Eto pa ang ibang picture namin.”
The magic of technology. Madali lang para sa kanya na iretoke iyon. May pakinabang naman ang pag-iilusyon niya. Pantaboy sa mga unwanted admirers.
“Siya ang CEO at President ng Montague Pharmaceuticals. Assistant ako ng kapatid niya. He is really great. Dahil sa kanya napaunlad niya ang kompanyang iniwan ng Papa niya.”
“What is he like as a boyfriend?” bigla ay naitanong nito.
“W-Well.... he is sweet. Medyo istrikto but we get along just fine. At faithful na faithful siya sa akin. Kapag may babaeng dumidikit sa kanya, siya pa ang nagagalit kaysa sa akin. Kaya nga hindi ako natatakot kahit na hindi kami laging magkasama.”
Take that! Para makita nito kung gaano kalayo ang distansiya nito kay Draco.
“He is lucky to have you,” malungkot nitong sabi. “Mabait ka kasi.”
“Mas maswerte ako kay Draco,” nakangiti niyang wika. “Sa dinami-dami ng babaeng naghahabol sa kanya, ako pa ang nagustuhan niya.” Tumayo siya. “I have to go, Tommy. It is nice to see you again.”
“Leaving so soon?” gulat nitong sabi.
“Mag-aalala sa akin si Draco. Tatawag siya sa bahay ko at magwo-worry siya kapag hindi pa rin ako nakakauwi.” Hindi na rin siya pwedeng magtagal pa doon. Hindi siya sanay magsinungaling. Mahirap nang mahalata siya ni Tommy.
“Parang nakakasakal naman siya.”
“He is just protective because he loves me,” kampante niyang sabi. “Saka pinagkakatiwalaan niya ako kaya ayokong pagtalunan pa namin iyon.”
Tumayo din ito. “Ihahatid na kita.”
Umiling siya. “Huwag na. Kaya ko na ang sarili ko. Saka ayokong bigyan si Draco ng dahilan para may pagtalunan kami. I hope you understand. Goodbye! At sana tuloy-tuloy na maging maayos ang takbo ng family mo.”
“Sayang talaga,” mahina nitong usal at walang nagawa kundi ihatid na lang siya ng tingin nang umalis siya.
Manghinayang ka, unggoy! Niyakap niya nang mahigpit ang magazine ni Draco. Iyon lang ang nagsisilbing proteksiyon niya nang mga oras na iyon.
Sana talaga ay tigilan na siya ni Tommy. Ayaw na niya ng gulo sa buhay niya. She hoped that Draco’s “presence” in her life would keep him at bay.
“YAN! Huwag kang malikot. Sandali na lang ‘to.”
Maingat na sinuklay paitaas ni Tennessee ang buhok ni Diego para maging brush up iyon. Kailangan niyang ikontrol ang may kahabaang buhok ni Diego para magmukha itong disente at kagalang-galang. Nakasuot ito ng black na business suit at black din the trousers. Tinanggal niya ang silver nitong hikaw.
Hindi nito matingnan ang sarili sa salamin. “Napaka-gloomy naman ng itsura ko. Parang pupunta tayo sa burol.”
“Magpapanggap ka ngang boyfriend ko,” sabi niya at kinalkal ulit ang make up kit niya. Isang party ng kaibigan niya noong high school ang pupuntahan niya. Kabarkada ni Tommy ang asawa ng kaibigan niya kaya imbitado din ito.
Nagulat na lang siya nang biglang mag-text sa kanya si Tommy para sabihing inaasahan daw nito na magkikita sa party. She had no choice but to make a plan. Kailangan may maisama siyang boyfriend. Kailangang may maisama siyang Draco Montague para mairampa sa harapan nito. Wala siyang planong i-expose ang sarili sa kahit anong tsismis at ayaw niyang bigyan ng opening si Tommy para isipin na fair game siya at bigyan ito ng ideya na pwede siyang maging kabit siya.
Hindi naman nami-meet pa ng mga kaibigan niya si Diego. Naiku-kwento lang niya. Hanggang magazine lang nakita ng mga ito si Draco kaya walang problema sa kanya kung kumuha man siya ng magpapanggap para dito.
“Oo. Para maiwasan mo ang ex-boyfriend mo na may asawa’t anak na pero gusto ka pa ring gawing mistress.”
“Right!” aniya at inilabas ang eyebrow pencil.
“Pero bakit kailangan kong maging kamukha ni Kuya? Lumalabas lalo ang kaguwapuhang minana ko sa kanya,” sabi nito at binuksan ang dalawang butones ng itim na polo nito.
“Dahil sinabi ko kay Tommy na si Sir Draco ang boyfriend ko.”
“Great! Gusto mong magpanggap akong Prince of Darkness?”
Nagkibit-balikat siya. “Why not? Magkamukha naman kayo ng kuya mo. Except you have different personalities.”
“Mas maganda ang personality ko?” nakangiting sabi nito at nag-pogi pose.
“You are more approachable. Kaya mamaya iiwasan mo nang maging approachable. Hindi ka na masyadong ngingiti at lagi lang nakakunot ang noo mo. Hindi ka magiging flirty sa mga girls at mas dapat mo silang angilan.” Hinawakan niya ang balikat nito. “Sa gabing ito, ikaw si Draco Montague.”
Ngumisi ito at tinaasan siya ng kilay. “Bakit hindi na lang si Kuya Draco ang pagpanggapin mo? Tutal siya naman ang boyfriend mo.”
“Parang sinabi mo na ring magpakamatay ako. Ikaw lang naman ang maasahan kong magpanggap na Kuya mo. Saka naiintindihan mo naman ako, di ba? Maaatim mo bang may lalaking umaligid sa akin at gusto akong gawing mistress?”
“Heto na nga. Tinutulungan na kita.” Umasim ang mukha nito at pangatlong butones na ang binuksan nito. “But this is not me.”
Isinara niya ang dalawang butones at iniwang nakabukas ang una. “Hanggang diyan ka lang! Three buttons and you look like a gigolo that you are.”
“Come on! I am a jolly creature. I love the light!” Itinaas nito ang isang kamay. “I am not a fan of darkness. Hindi ko yatang magsimangot at magsungit sa mga kababaihan.”
“Basta magiging sweet tayo ng kaunti. I will do the sweetness and you will do the sulking and all. Sumimangot ka lang at huwag masyadong magsasalita.”
Pinagsalubong nito ang kilay at pinahaba ang nguso. “Hindi masalita si Kuya pero kapag nagsalita siya, malaman at malupit. May pagka-emo pa minsan.”
“Kundi mo kayang maging emo o maging intelihente, tumahimik ka na lang.” Namaywang siya at tinitigan ito. “Parang may kulang pa sa iyo.”
“Ano pang kulang? Pangil? Kapa?”
“No!” Pumitik siya. “Kilay! Magandang masyado ang kilay mo. Parang kilay ng babae. Hindi malandi ang kilay ng kuya mo.”
“Pamana iyan sa akin ng Mama ko. Anong magagawa ko?” maktol nito at tinakpan ang kilay nito. “Huwag mo iyang gagalawin.”
Kahit na madalas nila itong tuksuhin ng nobya nito na malandi ang kilay nito ay mahal na mahal nito ang kilay nito na perfect ang arch at parang kilay ng babae. Itinaas niya ang eyebrow brush. “Pwede kayong magbakasyon sa Hawaii ng girlfriend mo sa loob ng isang linggo at ako ang aako ng lahat ng trabaho mo.”
“One month.”
“Two weeks,” hirit nito.
“Deal!”