Hinila si Tennessee ng mga kaibigan niya mula kay Diego aka Draco. Nagsisimula na ang party nang dumating sila. Sinadya niyang huwag masyadong i-circulate si Diego kahit na gustong lumabas ang pagiging party animal nito at magngingiti sa mga bisita.
“Ano ba iyang boyfriend mo?” tanong ni Amy na siyang celebrant sa gabing iyon. “Ni hindi man lang ngumingiti. Mabuti na lang galante kayong magregalo.”
“Mukha siyang masungit. Sayang guwapo pa naman,” wika ng kaibigan niyang si Penny at uminom ng white wine.
“Hindi talaga siya palangiti at hindi rin masyadong masalita,” sabi niya at bahagyang ngumiti kay Diego na nakayuko na lang at nakatitig sa alak nito. “Sa akin lang ngumingiti iyan.”
“Bongga! Paano ka nakabingwit ng Stallion Boylet na ganyan kaguwapo?” tanong ni Mina na kanina pa nagpapa-cute kay Diego. Pasimple lang niyang sinisiko ang boss niya kundi ay baka nagngingiti na ito. Kahit pa faithful ito sa girlfriend nito, hindi nito mare-resist na ngitian ang isang magandang babae.
“At bakit naman hindi? Maganda at matalino naman si Tennessee,” sabi ni Amy at nanlaki ang mata.
“Give me five minutes. Tiyak na ngingiti sa akin iyang boyfriend mo,” hamon sa kanya ni Mina.
Umiling siya. “Huwag na. Kasi masaktan lang ang ego mo kapag napahiya ka at inangilan ka ng boyfriend ko. Ayaw na ayaw niya sa mga babaeng flirt.”
Nanghaba ang nguso ni Mina at inirapan siya. Tatawa-tawa siyang bumalik sa kay Diego dala ang kopita ng wine. Kinuha agad nito ang alak at tinungga.
“You are doing great, boss,” bulong niya at itinaas ang kopita niya ang white wine. “Natatakot ang mga babae sa iyo. Kahit na gustong mag-flirt ni Mina sa iyo, sinabi ko na baka bulyawan mo lang siya. Natakot. Ang galing mo!”
“Hindi ba ako pwedeng ngumiti kahit konti lang? Konti lang. Hindi talaga kaya ng puso ko na sumimangot buong gabi at pasamain ang pakiramdam ng mga girls.”
“Tiisin mo lang, boss! Kaya mo iyan!” Nawala ang ngiti niya nang makitang pumasok ng pinto si Tommy. Binati nito ang ilang mga kaibigang lalaki na nadaanan nito saka pumunta sa celebrant na si Amy. “Get ready! Nandito na ang monster.”
Tumikhim si Diego at tumuwid ng upo. Kumapit naman siya sa braso nito at ngumiti dito. Nagkunwari siyang hindi napapansin si Tommy na palapit sa kanya.
“Hello, Tennessee!” bati ni Tommy. “You look lovely tonight.”
“Tommy!” kaswal niyang sabi at lalong dumikit kay Diego. “Tommy, meet my boyfriend, Draco Montague.”
Nagulat pa si Tommy at matamang tinitigan si Diego. Kinabahan siya. Huwag sana nitong mapansin ang maliit na discrepancy ng dalawa. Matalino rin si Tommy at very keen sa details. Sana lang ay mauto nila ito.
“Draco. Draco Montague.”
Hindi agad kumibo si Diego at nakatingin lang. Siniko niya ito. “Draco! Honey!” mariin niyang sabi.
“Oh!” usal ni Diego. Nawala yata sa isip nito na ito si Draco nang mga oras na iyon. “Ano ulit iyon, Honey? I have a lot of things in mind. May meeting pa ako kay Prince Rostam sa isang araw. It is really important.”
“This is Tommy. Tommy Ballestro,” pakilala niya.
“Pare!” sabi ni Tommy at inabot na mismo ang kamay ni Diego.
Kinabahan siya dahil baka ngitian ito ni Diego at maging friendly ito sa kaaway. Tinitigan itong mabuti ni Diego. “Pare? Bakit? Inaanak ko ba ang anak mo?”
Napalunok si Tommy. “H-Hindi. But Tennessee and I are close.”
“Close?” Nagsalubong ang kilay ni Diego hinaklit ang kuwelyo ni Tommy. “Ikaw ba ang lalaking tawag nang tawag sa girlfriend ko at lapit nang lapit sa kanya? Ikaw ba ang nanggugulo sa girlfriend ko?”
Namutla si Tommy. “H-Hindi! K-Kaibigan ko lang siya.”
Kahit siya ay nagulat sa inasal ni Diego. Pinigilan niya ang kamay nito na may hawak kay Tommy. “No! Bitiwan mo siya!”
“Oh, God!” bulalas ni Amy na humangos sa tabi nila. “Ano ‘yan?”
“Halata namang patay na patay sa iyo ang lalaking ‘to.” Dinuro ni Diego si Tommy. “Hoy! Ako na ang boyfriend ni Nessie. Gusto kong isaksak mo iyan sa kukote mo. Oras na guluhin mo pa siya, ipapatapon kita sa Ilog Pasig.”
Sumakit ang ulo niya dahil pati ang ibang mga bisita ay naalarma na. “Honey, umuwi na tayo,” aniya at hinila palayo si Diego. “I am sorry. Possessive lang talaga ang boyfriend ko.”
“I like that in a man,” sabi ni Mina at kinagat ang labi.
Saka lang binitiwan ni Diego si Tommy. “Layuan mo si Nessie o hihiram ka ng mukha sa aso.”
“Tommy, ano ba kasi ang ginawa mo?” tanong ni Marky, asawa ni Amy.
Hinayaan na niyang problemahin ni Tommy ang lahat. Ang importante lang ay mailayo niya si Diego doon bago pa dumanak ang dugo. “Yahoo!” sigaw nito nang makasakay na sa kotse at pinaghahampas ang manibela. “Ayos ba arte ko?”
“Daig mo pa ang siga sa kanto. Ganyan ba ang kuya mo?” tanong niya.
“Hindi. Kung si Kuya iyon kanina, isang titig lang niya mamumutla na ang Tommy na iyan. He has that effect on a man. Manliliit sa sarili ang kahit sinong titigan niya. Wala akong malupit na talent katulad ni Kuya. So I have to use my aggressiveness,” anito at kinabog ang dibdib.
“Masayang-masaya ka naman?”
“Namutla siya. Nakuha ko ang epektong gusto ko.”
“That’s a poor immitation,” naiiling niyang sabi. “Malamang wala nang mag-imbita sa akin na kaibigan ko kasama ang boyfriend ko.”
“Kapag si Kuya Draco ang kasama mo, mas manginginig sila.” Pinisil nito ang balikat niya. “Ang importante nasindak ko na ang ex-boyfriend mo.”
“Sana nga tigilan na niya ako.”
HALOS ibaon na ni Tennessee ang ulo sa desk niya. Santambak ang trabaho niya. Nag-lunch sina Diego at ang nobya nitong si Frannie pero hapon na ay hindi pa rin bumabalik ang mga ito. Mukhang nag-out of town nang biglaan at hinayaan na lang siya sa tambak nilang trabaho. Sinisimulan na ni Diego ang paniningil habang sumasakit naman ang ulo niya sa gulong iniwan nito sa party ng kaibigan niya.
“He doesn’t love you, Nessie. He is violent. You shouldn’t stay with that man anymore.”
Halos dumugo ang tainga niya habang pinakikinggan si Tommy sa kabilang linya. Ilang beses na niya itong binagsakan ng telepono at ipinaharang na niya sa operator pero nakakalusot pa rin ito. Napakiusapan na nga niya ang kaibigan niyang si Amy na patawarin si Diego sa ginawa pero si Tommy ang hindi makalimot.
“Tommy, salamat sa concern mo pero hindi ko iyan kailangan. Draco and I are getting along just fine. Kung naging bayolente man siya ay dahil hindi niya nagustuhan ang ginawa mo sa akin.”
“Masama bang sabihing maganda ka? Maganda ka naman talaga.”
“My boyfriend didn’t appreciate it. Possessive siya. At naiintindihan ko siya. Kung may mag-flirt ding babae sa kanya, pahihiramin ko din ng mukha sa aso,” pangangatwiran niya. Hindi talaga efficient ang ginawa ni Diego. Sa halip na tigilan siya ni Tommy ay lalo pa siyang ginulo.
“Pero baka saktan ka niya.”
“Hindi ako sasaktan ni Draco. At ni minsan di pa niya ako sinaktan. Bakit hindi na lang ang pamilya mo ang intindihin mo? Mas kailangan ka nila.”
“Bakit ba puro na lang pamilya ko?” angil nito.
“Dahil sila ang responsibilidad mo. Wala ka na dapat pakialam sa akin mula nang ipagpalit mo ako sa ibang babae.”
“That’s my biggest mistake,” mahinang usal nito.
“No! Ito ang pinakamalaking pagkakamali mo. Goodbye, Tommy!” At saka niya ito binagsakan ng telepono. Napapagod na siya. Mas gusto niyang magpahinga na lang at takasan si Tommy. Pero hindi pwede. Marami pa siyang trabaho. Ano bang pagkakamali ang ginawa niya para mamoroblema nang ganito?
Nag-ring muli ang telepono niya. “Hello! Vice President for Marketing’s office. This is Tennessee speaking,” aniya sa pormal na boses.
“Miss Carson...”
She jumped when she heard that dark, reserved voice. “Sir! Sir Draco!” Parang sinaksakan siya ng adrenaline. Kanina ay hinang-hina siya pero ngayon ay parang kaya niyang gawin ang kahit ano nang marinig ang boses nito. She was fired up. “W-Wala po dito si Sir Diego.”
“Yes. I know. Kasama niya si Frannie na lumabas. I think they are on their way to Batangas right now.”
“Huwag po kayong mag-alala. Bukas na bukas din ang maisa-submit namin sa inyo ang tungkol sa campaign ad.”
It was their support for the Cheaper Medicine Bill. Habang nagpoprotesta ang ibang mga pharmaceutical companies sa pagpapababa ng presyo ng mga gamot, nag-pioneer sila para gawing mas mababa ang presyo ng mga gamot. Isa iyong malaking kampanya para sa ikabubuti ng mga mahihirap.
“Just come to my office.”
Mahigpit ang hawak niya sa laptop niya kung saan naroon ang presentation nila. Tapos na iyon at kailangan na lang i-edit. Sana lang hindi mapansin ni Draco na haggard siya. Gusto niyang presentable siya kapag humarap dito.
Tinatagan niya ang lakad nang pumasok sa opisina ni Draco. Titig na titig kasi ito sa kanya na parang sinusuri siya. Sana pala ay di siya nagkumahog na pumunta sa opisina nito. Sana ay dumaan muna siya sa restroom para magpaganda. Subalit wala siyang choice. Kapag sinabi nitong pumunta ngayundin, hindi pwedeng paghintayin niya ito nang matagal. Ginto ang oras para kay Draco. At ayaw nitong pinaghihintay ito. Nagiging dragon ito.
“Take a seat,” utos nito.
“Dala ko po ang presentation namin para bukas, Sir.”
Umiling ito. “No! I want to show you something else. I hope you will enlighten me on this one.” Mula sa connecting LCD monitor na nakaharap sa kanya ay bumukas ang Facebook account. Naroon ang picture nila ni Diego sa party. “Tell me about this.”
“Picture po sa Facebook. Alam ninyo ang Facebook, Sir?” Ang alam niya ay wala itong hilig sa mga social networking sites.
“Natural. Anong palagay mo sa akin? Napag-iiwanan ng panahon? An acquiantance asked me to access his account and browse this woman’s account. Mina Silvestre. She posted some interesting pictures.”
At inisa-isa nito ang pictures nila ni Diego. Lahat ay may kuha kung gaano sila ka-sweet sa party. Ang nakalagay lang sa caption ng picture ni Diego ay Montague Hunk. Mabuti na lang at walang kasamang pangalan ni Draco so she was safe. Mahirap ipaliwanag iyon. Pero mukhang hindi maganda ang timplada nito habang tinititigan ang mukha niya.
“Kuha po iyan sa party ng kaibigan ko...”
“I already know that. You tagged my brother along.” Sumandal ito at pinagsalikop ang mga palad habang di inaaalis ang tingin sa kanya. “So tell me, Miss Carson. Are you having an affair with my brother?”
“N-No! Of course not!”
Mali agad ang impression nito sa kanya. Sa picture naman kasi na iyon, gusto talaga niyang palabasin na nobyo niya si Diego.
“Do you think I am stupid?” he gritted between his teeth.
“Sir, magkaibigan lang po talaga kami. We were just having fun.”
Naningkit ang mga mata nito. Kung kutsilyo lang ang matalim na titig nito, malamang ay sinaksak na nito ang kaluluwa niya. “You look like a real couple to me. Gusto ko lang ipaalala sa iyo na may seryosong girlfriend na ang kapatid ko. Frannie is like a sister to me. And I will never let anyone ruin their relationship. Si Frannie lang ang babaeng nababagay sa kapatid ko. Kung sinuman ang magtangkang sumira ng relasyon niya ay mananagot sa akin.”
Taas-noo niyang sinalubong ang mga mata nito. Walang mangyayari kung magmumukha siyang guilty. “Yes, Sir! I understand.”
“Lalo na ang babaeng pinagkakatiwalaan ni Frannie.”
Pinigil niya ang sariling mapapikit nang mariin. Paano ba niya maipapaliwanag dito nang maayos ang sitwasyon? “Wala kaming ginagawang masama ni Sir Diego. I swear! Even Miss Frannie saw those pictures. Wala lang sa kanya.”
Ipinaliwanag niya kay Frannie ang sitwasyon. Ito pa ang nangumbinsi kay Diego na tulungan siya. Pero hindi si Draco si Frannie. Di ito madaling makaintindi. At nang mga oras na iyon, maninira ng relasyon ang tingin nito sa kanya.
“I can’t take your word on it.”
Matapang niyang sinalubong ang mga mata nito. “What do you want me to do, Sir?”
“Leave my brother alone!”
“Are you firing me?” lakas-loob niyang tanong.
Hindi niya inaasahan na hahantong sa ganito ang pagpapanggap nila ni Diego. At sa itsura ni Draco nang mga oras na iyon, mukhang gusto nitong ihagis na lang siya palabas ng building.
Drat! She would lose her job. Mawawalan siya ng career. Bwisit na Tommy iyon! Dahil sa panggugulo nito sa kanya ay masisira ang kinabukasan niya.
“No! Alam ko ang value mo bilang empleyado. Malaki ang mawawala sa amin kung mapupunta ka sa kalabang kompanya. You will work for me instead.”
“What?” bulalas niya at muntik nang mapatayo sa upuan. “Y-You can’t be serious, Sir!”
“Of course I am serious. Matagal ko nang dapat ginawa ito. Gusto ko nang kunin ang serbisyo mo dati pa. Kaya ba hindi mo maiwan ang kapatid ko dahil umaasa ka na iiwan niya si Frannie para sa iyo?”
“NO!” tutol niya. “Hindi po sa ganoon.”
Naglakad ito patungo sa likuran niya. Mula sa likod ay hinawakan nito ang balikat niya at inilapit ang labi sa tainga niya. “Then work for me, Miss Carson. If you won’t work for me then you are fired!”