“Sabi na nga ba’t wala kang magagawa. Kay Kuya Draco din ang bagsak mo. We should celebrate!”
Diego clinked his glass of wine with her glass of club soda. Matalim lang itong tiningnan ni Tennessee na wala sa mood na magsaya. “Boss, parang nang-iinis ka pa. Alam mo naman na ayaw ko siyang maging amo.”
“At ayoko ring mapalitan ng assistant si Diego,” nanghahaba ang ngusong sabi ni ng nobya nitong si Frannie. “Crush kaya siya ng assistant ni Kuya Draco.”
“Huwag mong sabihing pinagseselosan mo si Manang Leah,” sabi nito. Manang ang tawag nito sa ipapalit na assistant sa kanya dahil matandang dalaga na ito.
“Hindi ko siya pinagseselosan pero di ko rin siya pinagkakatiwalaan. She has puppy eyes wherever you go. At handa siyang gawin ang lahat ng gusto mo kahit na pagtakpan ka kung mambababae ka.”
Kinintalan ni Diego ng halik sa pisngi ang nobya. “Sus! Hanggang ngiti na lang ako sa mga girls. Ilang beses ko bang kailangang patunayan sa iyo na ikaw ang mahal ko?”
Itinaas niya ang baso at tinungga ang club soda niya. “Hay! Mabuti pa kayo tuloy ang ligaya. Nade-depress na ako.”
Hindi niya alam kung paano haharapin ang buhay nang kasama si Draco. Mukhang kailangan na niyang ihanda ang sarili sa paghahanap ng ibang kompanyang papasukan. Baka patalsikin siya ni Draco anumang oras. Hindi niya alam kung paano magpa-practice na huwag ipakita dito ang nararamdaman niya.
“It is inevitable, Nessie,” sabi ni Frannnie. “You are good at your job. Natural lang na lumipat ka sa kay Kuya Draco.”
Hindi niya masabi sa mga kaibigan ang dahilan kung bakit kinuha siya ni Draco. Ayaw niyang mag-alala pa ang mga ito sa kanya. And that would be more complicated. Oras na malaman ni Draco na ito ang ipinakilala niyang boyfriend, baka pakuluan siya nito sa kumukulong mantika bago sesantehin.
Ihinatid muna nila si Frannie sa condo nito. Niyakap siya nito bago pumasok ng building. “Dadalawin pa rin kita. Kapag nape-pressure ka na kay Kuya Draco at mababaliw ka na, iti-treat kita.”
“Thanks, Fran!” sabi niya.
Lumipat siya sa tabi ni Diego. Mabigat pa rin ang kalooban niya na si Draco na ang immediate boss niya. “You will be fine, Nessie. Kayang-kaya mo ang trabaho kay Kuya Draco.”
“Alam mo na hindi iyon ang inaalala ko.” Bumuntong-hininga siya. “Nasanay na akong kimkimin ang nararamdaman kay Draco. Ngayong mas madalas na kaming magkakasama, hindi ko talaga alam!”
“Oras na para harapin mo ang nararamdaman mo sa kanya. Sa palagay ko naman hindi ikaw ang babaeng in love na luluhuran siya para magmakaawang mahalin mo rin.”
“No. Not that desperate perhaps. Pero hindi ko rin mapipigilan na mag-alala para sa kanya. Matagal ko nang gustong malaman kung may magagawa ako para mapangiti at mapasaya siya. It won’t be easy not to care for him. At kapag lagi kong ginawa iyon, tiyak na makakahalata siya sa akin.”
Itinigil nito ang sasakyan sa harap ng apartment niya. “Halika nga dito!” Kinabig siya nito sa balikat at ginulo ang buhok niya. “Isip ka kasi ng isip. Gawin mo kung anuman ang magpapasaya sa kuya ko. Sagot kita.”
Hinampas niya ang kamay nito at pilit niyang ibinalik sa ayos ang nagulo niyang buhok. “Sige! Nang pareho tayong pulutin sa kangkungan.”
Bigla itong nagseryoso at niyakap siya. “Mami-miss kita.”
“Ngayon pa lang miss na kita.” Hindi lang niya ito basta boss. Mabuti rin itong kaibigan sa kanya.
“Kung ako sa iyo, iisip na ako ng paraan para mapikot si Kuya Draco. Kaysa natatakot ka sa kanya. Tutulungan talaga kita.”
“Heh! Umuwi ka na nga!” pagtataboy niya at bumaba ng kotse nito. Bukas ay magbabago na ang buhay niya kasama si Draco.
She was psyching herself as she opened her apartment’s door. Isang malaking pakikibaka di lamang kay Draco kundi maging sa kanyang sarili ang mangyayari bukas. Sana lang ay may sapat siyang lakas para isagawa ang anumang plano niya. Hindi pwedeng bumigay ang emosyon niya. Baka nga mapikot niya si Draco nang wala sa oras.
“Are you through saying farewell to my brother?”
Napatalon siya sa pagkagulat nang marinig ang boses ni Draco sa likuran niya. There he was standing at her gate in full black regalia. “Sir! Anong ginagawa ninyo dito?” Ini-espiyahan ba siya nito? Hindi niya ito mapapansin lalo na’t nakaitim ito. Gaano ba ito katagal doon? Inaabangan ba siya nito?
“I am just checking on my new assistant.” Lumapit ito sa kanya at kinuha ang susi mula sa kanya. Saka lang niya napansin na di siya nakagalaw. Halos di nga siya humihinga. Binuksan nito ang pinto ng apartment niya. Kundi nito kinuha ang susi mula sa kanya ay baka bumigay na iyon dahil nanlalambot siya.
“B-Bukas pa ang simula ng trabaho sa inyo, Sir,” nausal niya nang ibuka nito ang pinto niya. Parang inanyayahan pa siya nitong pumasok.
“Kaya ba sinasamantala mong magkita pa kayo ng kapatid ko? Well, sana nag-enjoy ka sa huling gabi ninyong magkasama. I won’t allow it anymore.”
Noon lang siya nakabawi mula sa pagkagulat. Parang may pumitik sa kanya bilang hudyat na wala nang epekto sa kanya ang pagkakahipnotismo nito. At habang nasa trance siya ay hinayaan na naman niya itong talampakin siya.
Nagdadabog siyang pumasok ng bahay niya at sumunod sa kanya si Draco. Gusto niyang ipagsigawan dito na hindi siya interesado sa kapatid nito at kasama pa nilang lumabas si Frannie. Pero tiyak na mas makakasama pa iyon sa kanya kaya mabuti pang manahimik na lang siya at sakyan kung anumang basura ang nasa utak nito.
“Okay. Hindi na kami magkikita ng kapatid ninyo.” Binuksan niya ang bag niya at inilabas ang memo pad at papel. “So what else I can do for you? How do you want your coffee, Sir? Black?” Umupo siya sa sofa at pinagkrus ang hita. “What do you expect me at your office? Mga tipong hindi pa sumisikat ang araw? Anything else you expect from me bukod sa hindi na ako makikipagkita sa kapatid ninyo?”
Napipikon na siya dito. Hindi talaga niya maintindihan kung paano siya na-attract dito nang unang araw na nagkita sila. Siguro dahil matinding pang-akit sa kanya ang kasungitan nito. Pero nang siya na ang sinusungitan nito, hindi na siya natutuwa. Parang kaligayahan nito ang mang-torture ng tao sa paligid nito.
Tumayo ito at nakatitig lang sa kanya. Wala siyang makitang ekspresyon sa mukha nito. “Pack your things. I’ll fetch you at five in the morning tomorrow.”
“B-Bakit? Saan tayo pupunta?”
Baka naman plano na siya nitong ipatapon sa isang islang isolated sa labas ng Pilipinas para matiyak nitong di na siya makakalapit pa sa kapatid nito.
“Stallion Island. That’s where I conduct most of my business nowadays. Gusto ko pa sanang ma-acquiant ka sa opisina ko bukas pero wala akong mapagpipilian. Isn’t Stallion Island a dream place for you?”
“M-Maganda nga doon, Sir.” Ang di nito alam ay isang ambisyon sa kanya na makatapak sa naturang isla. It was hardly an isolated island. At kung makakasama niya sa islang iyon si Draco, tiyak na mag-e-enjoy siya. “Gaano katagal, Sir?”
Nagkibit-balikat ito. “I am not sure. Just be ready tomorrow.”
TENNESSEE sat stiffly beside Draco. Nasa isang seaplane sila na magdadala sa kanila sa Stallion Island. He was busy shuffling papers and looking at his laptop. Kanina pa ito nagtatrabaho at hindi siya pinapansin. Naghihintay lang siya ng instructions mula dito pero mukhang hindi yata siya nag-e-exist sa mundo. Ni hindi man lang nito napansin ang maganda niyang make up. Ni hindi nga halatang wala siyang tulog. Kabado siya na excited sa pagpunta sa Stallion Island.
Nang sumakit na ang balakang ang likod niya ay pumaling siya ng upo. “Miss Carson,” untag ni Draco sa kanya.
“Yes, Sir!” Sa wakas ay napansin na nito ang presensiya niya. Dali-dali niyang ibinasta ang steno pad para sa anumang iuutos nito.
“Matulog ka muna. Mukhang wala ka pang tulog. You really don’t look good.”
Muntik na niyang maibato ang hawak na steno pad at lapis sa inis. Wala siyang tulog at hindi daw siya maganda? Walang epekto ang make up niya. Kaya ba hindi nito maatim na tingnan man lang siya? Ni hindi man lang ba nito na-appreciate ang maganda at mabangong buhok niya dahil sa Stallion Shampoo na gamit niya?
“Sir, oras ng trabaho ko. You can’t expect me to sleep and relax habang kayo naman busy sa pagtatrabaho diyan. Mas maganda siguro Sir kung magbibigay kayo ng instructions sa akin para naman may magawa ako dito.”
Mababaliw na siya habang walang ginagawa sa tabi nito. Baka mamaya ay planuhin na niya ang pagpikot dito kapag di siya nito binigyan ng trabaho.
“Just sleep and relax. Iyon lang.”
Mariin niyang pinagdikit ang labi. Napakabigat naman ng task na ibinigay nito. Itinuktok niya ang lapis sa steno pad habang kinakalma ang sarili. She didn’t want to be an idle secretary. Di niya maatim sumweldo nang walang ginagawa.
“Sir, ano ba ang agenda natin sa pagpunta natin sa Stallion Island? It would help kung masasabi ninyo sa akin ang itinerary ninyo sa araw na ito at sa mga dadating pang araw.”
“I just want you to look beautiful.”
Bumagsak ang panga niya. “Ha?” Hinangin ba ang utak nito? Gusto nito na maging maganda siya? Iyon lang?
“Stallion Island is full of eligible and good looking men. Mga kalalakihang papangarapin ng kahit sinong babae. Sila ang dahilan kung bakit gustong makapasok ng mga katulad mo sa Stallion Island. Para makapag-asawa ng guwapo at mayamang lalaki,” mariin nitong sabi.
“Magpapaganda ako para makapag-asawa ng mayaman at guwapong lalaki. Anong kinalaman no’n sa trabaho ko, Sir?”
Iwisiwas nito ang hawak na papel. “Forget about your work. May oras para diyan. I want you to occupy your time meeting the members. You can indulge yourself with them and have fun. Kahit sinong member pa ang gusto mo. Sapat na siguro ang lalaki dito sa isla para makalimutan mo ang kapatid ko.”
Iyon pala ang dahilan kung bakit siya nito isinama sa Stallion Island. At talagang ipinaglaladlaran pa nito sa kanya ang mga kasamahan nito sa club. Sino lang ba ang makakaisip niyon kundi si Draco Montague lang?
“So I can indulge myself with any member I choose,” marahan niyang sabi at bahagya itong dinukwang. “Kahit sino?”
Nahigit nito ang hininga nang paglingon nito ay magkalapit ang mukha nila. She should pull back but she couldn’t. Gusto niyang titigan ang mukha nito nang malapitan katulad nang unang gabing nagkita sila. He was still the most beautiful man she had ever seen. At pakiramdam niya ay hahalikan din siya nito katulad nang gabing iyon. O mas tamang kakagatin ang leeg niya. Katirikan pa ng araw pero kung anu-ano nang naiisip niya.
Kung pwede niyang akitin ang kahit sinong miyembro sa Stallion Island, ito na lang ang aakitin niya. Hindi na nito kailangan pang magsabi. Hinding-hindi niya lalapitan o titingnan man lang kahit anino ng kapatid nito basta pumayag lang ito na magpaakit sa kanya.
“Except me. Don’t set your eyes on me or you are fired!” bulong nito at inilayo ang mukha sa kanya. His face was more stern when he focused his attention back to his work.
Dismayado siyang lumayo dito at nakahalukipkip itong tiningnan. “Know what, boss? You are crazy!”
Nilingon siya nito. “I don’t really care! Gusto ko lang protektahan ang kapatid ko. Frannie is good for him. At makakalaban mo ako kung ipipilit mo ang sarili mo kay Diego. There are lots of fish in the sea. Binibigyan kita ng opportunity na maging maganda ang buhay mo. Wala kang mapapala kay Diego. Makakalaban mo lang ako. Masama akong kalaban.”
Oh! She was scared. Hindi dahil banta siya sa pagsasama nina Frannie at Diego kundi wala siyang planong akitin ang ibang member ng Stallion Island maliban kay Draco. At oras na malaman nito ang katotohanang iyon, tiyak na palalanguyin siya nito palabas ng Stallion Island.
DRACULA’S Castle. Iyon agad ang pumasok sa utak ni Tennessee nang makita ang villa ni Draco. Nasa pagitan iyon ng Rainbow Village na sobrang tahimik at puro artist lang ang residente at ng Mist Village na para naman sa mga spiritual at health enthusiasts. Parehong tahimik ang lugar na iyon pero eerie naman ang tingin niya sa villa ni Draco na napaliligiran ng puno. It was like a miniature of a 15th century European castle. Napapaligiran iyon ng puno. Kundi lang sinabi sa kanya na pawang bata pa ang mga bahayan sa Stallion Island, iisipin niyang haunted house ang villa ni Draco at ilang taon nang pinamamahayan ng kababalaghan.
Lumangitngit ang pinto nang bumukas at pagdaan niya ay pabagsak iyong sumara. “Sir!” bulalas niya at kumapit sa braso ni Draco.
“Kasama iyan sa effect nitong bahay.” Parang natutuwa pa si Draco nang maramdaman ang takot niya. Madilim na madilim sa loob at wala siyang makita. He swiped his card and the room bathed in soft light. Hindi rin iyon nag-improve sa paningin niya. May mga lumang paintings at may costume pa ng cavalier na nakatayo sa magkabilang gilid ng hallway.
May bloody red circular couch sa gitna ng sala nito. Makakapal ang kurtina doon at wala halos tumatagos na liwanag. “Hindi mo ba gustong buksan ang bintana?” tanong niya. “Madilim dito sa loob. Parang mainit tuloy kahit hindi naman.”
“Leave it! Ayokong may liwanag sa loob ng bahay ko. Masyado nang maliwanag ang isla na ito para sa akin.”
Weird. Madilim din ang opisina nito. But his villa was more eerie. Daig pa niya ang nasa loob ng horror house.
“This is your room.” Binuksan nito ang pinto at tumambad sa kanya ang four-poster bed. Parang prinsesa siya doon. Halos kasinglaki na yata ng apartment niya ang kuwarto iyon. “Magpahinga ka muna. I think you really need that.”
“Thank you, Sir,” pormal niyang sabi. Nang isara na nito ang pinto ay nagtatakbo siya at ibinagsak niya ang sarili sa kama. Malambot iyon. Parang pang-maharlika. Hindi na masamang maging prinsesa ni Draco.
Binuksan niya ang makapal na drapes at nagningning ang mga mata niya nang bumaha ang liwanag sa kuwarto. Sa labas ay tanaw niya ang magandang garden. Lumabas siya ng verandah at narinig niya ang huni ng mga ibon pati na rin ang lagaslas ng tubig. Sabi ng driver ng e-jeepney na naghatid sa kanila ilang metro lang mula doon ang batis na dumadaloy patungo sa Hidden Mist Falls. Kapag day off niya ay pupuntahan niya iyon.
Narinig niya ang halinghing ng kabayo. Nang dumukwang siya ay isang itim at makisig na kabayo ang ihinatid doon ng isang lalaki. She loved horses. Pero mukhang nakakatakot ang kabayong iyon.
“Dark Knight!” wika ni Draco at sinalubong ang kabayo.
Sumasal ang kaba niya nang lapitan ni Draco ang kabayo. Baka dambahan ito at saktan. “Sir Draco!”