Stallion Island Series Chapter 116

Magkasalikop ang palad ni Tennessee habang iniikot ang mata sa loob ng Banyan Tree Restaurant. “This place is really nice and romantic. It is the perfect place for lovers,” usal niya at idinikit ang magkasalikop na palad sa isang pisngi.

“Nananadya ka bang sundan ako?” magkasalubong ang kilay na tanong ni Draco habang binubuklat ang menu. Hindi pa ito nakaka-recover nang i-invade niya ang meeting nito para sa community development na pinangungunahan ni Evandro ay nagkita na naman sila sa Banyan Tree para sa hapunan.

“Sir, huwag kang praning. Nagpa-reserve ako dito dahil dito ko gustong mag-dinner. Nagpa-reserve din pala kayo. So they assummed we are together,” kaswal niyang sabi. Ang totoo ay ginamit niya ang koneksiyon niya kay Olay na may koneksiyon sa ibang waiter ng bawat restaurant at bar sa isla. Kaya nalaman niya na may reservation si Draco. Naging madali na lang ang lahat dahil sa access card nito.

“I’ll sue them for this!” nagngangalit nitong sabi at uminom ng red wine.

“Sir, huwag ninyo akong pansinin. Di naman ninyo ako kailangang kausapin. Kunyari hindi ako nag-e-exist. Kung pwede lang sana lumipat po ako ng table pero wala na silang vacant na table,” malambing niyang sabi na lalong nakaasar dito.

“Good evening, Draco!” bati dito ng head chef at isa sa village lords na si Rouen Arezmendi. “So you finally have a date.”

Kinintalan ng half-French na three-star Michelin chef ang likod ng palad niya. “Tennessee Carson, Lord Rouen,” pagpapakilala niya.

“She’s not my date. She’s just my assistant. Hindi nga kami dapat magkasama sa isang table,” reklamo ni Draco.

“Oh! It’s no fun to eat alone at Banyan Tree. You should relish the experience with someone else. Di pwedeng lagi kang mag-isa kapag kumakain dito. Hindi ka masasarapan sa pagkain mo,” sabi ni Rouen.

“My assistant is single,” biglang hirit ni Draco.

Tumikhim si Rouen. “So you came here to find love, Tennessee?”

Umiling siya. “Nah! I am perfectly happy with my boss’ company?” Saka siya nakangiting tumingin kay Draco. “Isn’t he charming tonight?”

“He is charming with you beside him.” Nag-bow si Rouen. “Enjoy your dinner!” At saka ito lumipat sa ibang mesa.

Lalong nalukot ang mukha ni Draco. “Anong ginagawa mo? He is a village lord at mukhang interesado siya sa iyo. Iisipin niya may relasyon tayo. And what you are doing is not a part of your job. Hindi ka dapat nakikialam sa mga meetings ko. All you have to do is look beautiful and seduce other men.”

Sumubo siya ng appetizer. “According to my job description, hindi ko trabaho na mang-akit ng lalaki at magliwaliw sa Stallion Island para matahimik ang isipan ninyo. May obligasyon ako sa Montague Pharmaceuticals. We must put a brave front in our inspirations and endeavours together.”

“I don’t care! Sundin mo ang mga utos ko! Ayokong bumubuntot ka sa akin at bumili ka ng matinong damit. Para kang mananakot sa horror house.”

Lacy black long sleeve long gown naman ang suot niya ngayon. Sexy pero walang halos masisilayang balat niya. “Wala ako sa mood mang-akit ng lalaki ngayon. I prefer working. Dapat magkakilala tayong mabuti, Sir. We will work closely together after all. Sisikapin kong maka-relate sa inyo sa paraang alam ko. Gusto kong makilala bilang maging magaling na assistant ninyo. I will feel like a fraud wearing sexy dress and flaunting myself to men.”

Sa halip na harapin ang pagkain nito ay uminom ulit ito ng alak. “You are starting to irritate me.”

“Kumain kayo, Sir. Hindi matutuwa si Chef Rouen kapag hindi ninyo ginalaw ang pagkain ninyo.” Nginitian niya ito nang isubo niya ang feta cheese. “Wala akong pakialam kung mairita kayo, Sir. Magtatrabaho ako. I will find my man in my own time. Dahil contrary sa paniniwala ninyo, hindi lahat ng babae gustong mang-akit ng lahat ng guwapo at mayamang lalaking makikita niya.”

Oo nga. Pangarap niyang makarating sa Stallion Island. Pero nang naroon na siya, nagawa pa rin niyang i-set ang priorities niya. Si Draco.

“So what are you trying to tell me?” he asked cautiously.

Tinaasan niya ito ng kilay. “I will fall in love because I want to not because you ordered so. At gagawin ko ang trabaho ko. Kung gusto ninyo akong alisin sa trabaho, walang problema sa akin. Magrereklamo ako sa Department of Labor and Employment dahil ang alam ko wala akong nilalabag sa labor code. At tiyak na makakarating sa kapatid ninyo kung ano ang ginagawa ninyo sa akin.”

Mariing nagdikit ang labi nito at napilitang kumain. “I will get back to you, Miss Carson. Pinapatagal mo lang ang pagsasama natin dito sa isla. Hindi ka pa rin makakabalik sa kapatid ko.”

“Okay lang sa akin,” pakanta niyang sabi.

Draco Montague had no idea that she was having the time of her life. Walang magagawa si Draco kundi laruin ang laro niya.

IBINAGSAK ni Tennessee ang sarili sa kama. It was another tiring day. Katatapos lang niyang mag-shower at sa wakas ay naginhawahan siya dahil buong araw na mainit sa Stallion Island. Tirik na tirik pa ang araw habang hinahabol niya kung saan-saang appointment nito si Draco habang suot ang Prince of Darkness’ assistant costume niya. Itim na itim siya at in-absorb na yata niya ang lahat ng init na tumatagos sa ozone layer.

Isang malaking himala na di pa siya isinusugod sa clinic ng isla dahil sa heatstroke. Minsan ay iniisip niya kung tama ba ang ginagawa niyang paghabol-habol kay Draco habang mukhang horror kahit sa tanghaling tapat. But it was worth it. Nagagawa niya ang trabaho niya at di rin siya nito maibenta sa mga Stallion Boys dahil binibigyan niya ng hint ang mga ito na interesado sa kanya si Draco. And of course, nobody would cross the Prince of Darkness.

Di pa siya inaantok kaya pinili niyang lumabas muna at maglakad-lakad sa garden. Umupo siya sa ibabaw ng malaking bato at tumingala sa langit. Puno iyon ng mga bituin. Parang nahiya ngang magpakita ang ulap dahil malinaw na malinaw ang langit. Isa ito sa hindi niya magawa kapag nasa Manila siya. When was the last time that she went stargazing? Noong bata pa siguro siya at akala niya ay perpekto ang buhay niya. Noong naniniwala siya na isa siyang prinsesa na pinoprotektahan ng lahat. Subalit nasira ang mundo niya nang iwan silang mag-ina ng ama niya.

Mula noon ay wala na siyang oras para intindihin ang mga simpleng bagay gaya ng panonood ng mga bituin. Wala siyang inisip kundi ang trabaho niya at kung paano siya makakabayad sa mga utang niya. Kundi pa siya idinala ni Draco sa Stallion Island ay hindi siya makakapag-stargazing. Sana ay magtagal pa siya doon para mas mapadalas ang pag-i-stargazing niya.

Unti-unti na siyang inaantok habang nakatitig sa mga bituin nang mag-ring ang cellphone niya. Nakatingala pa rin siya sa langit nang sagutin niya ang tawag. “Hello!”

“Hey! Kumusta naman diyan, Ate Nessie?” bati sa kanya ng boses ng isang lalaki na pamilyar sa kanya. Di lang siya pamilyar sa tawag sa kanya.

“Ate Nessie? Sino ba ‘to?” tanong niya at tiningnan kung sino ang tumatawag sa kanya. Cellphone number iyon ni Diego. “Boss Diego! Ate Nessie ka diyan!”

“Hindi pa ba kita hipag? Ilang araw na kayo ni Kuya Draco sa iisang bahay tapos hindi mo pa rin naaakit?”

“Heh!” saway niya dito. “Puro trabaho ang inaatupag ko dito. Napaka-workaholic ng Kuya mo. Madaling araw pa lang nagbibihis na. Meeting agad niya ang iniisip niya.”

Di na lang niya isusumbong dito kung anong klaseng pahirap ang ginagawa ng kapatid nito sa kanya. Hindi bale sana kung tinatambakan siya nito ng trabaho. Pero binabalewala siya nito. Mabuti na lang at kinakapalan niya ang mukha niya kaya nakakasama siya sa mga meetings nito. Inuunahan din niya ito na gumawa ng mga reports kaya wala itong choice kundi tanggapin ang trabaho niya.

At ayaw din niya na halos ipagduldulan siya nito sa ibang mga miyembro. Paano niya maaakit ang isang lalaking ipinamimigay naman siya sa iba?

“Nag-aalala nga ako sa iyo. Baka mamaya naisipan mo na siyang akitin at pumalpak ka. Ipaalam mo sa akin kapag pupulutin ka na sa kangkungan.”

She stucked her tongue out, kahit na wala naman ito sa harap niya. “Mas matalino naman ako diyan. I am trying to cope. Right now my feelings are under control. Wala siyang kaalam-alam sa nararamdaman ko.”

Mabuti nga na mas namayani ang animosity ni Draco sa kanya. Hindi nito mapapansin ang paminsan-minsan niyang pagsulyap dito kapag di ito nakatingin. O kaya naman ay pasimple siyang kinikilig kapag pinapanood ito kung paano ito makipag-usap sa iba.

“Akala ko nakalimutan mo na ang pinagsamahan natin mula nang makasama mo si Kuya. Ni hindi mo man lang ako naisip kumustahin.”

Itinirik niya ang mga mata. “Naku! Mas masaya ka naman nang wala ako. Malaya kang makakapambabae. Walang pipigil sa iyo saan mo man gustong pumunta. Wala nang kakampi diyan si Ma’am Frannie.”

“Mas gusto ko na nandito ka kaysa naman sa bagong assistant ko. She gives me creeps. Bakit ba hindi ko napansin na may gusto siya sa akin?”

Ikinuyakoy niya ang paa. “Wala ka namang problema noon kapag may mga babaeng nagkakagusto sa iyo.”

“Nessie, mas matanda pa siya sa kuya ko. Di siguro alam ni Kuya na ibinigay niya ako sa isang manyakis. Gusto ko na ngang maiyak. Tapos pinagseselosan pa siya ng girlfriend ko. Pambihira naman kayong mga babae. Ako na nga itong hina-harass, ako pa ang masama. Pinagtutulungan ninyo ako.”

“Aba! Anong malay ko diyan? Inosente ako!”

Pare-pareho lang naman silang mga biktima ng pagkakataon. Bwisit kasing Tommy iyon. Kundi niya kinailangang magpanggap si Diego na nobyo niya, hindi aabot sa gulo ang lahat. Sumasakit na rin ang ulo niya pero di naman niya alam kung paano matutulungan ang dating boss niya.

“Ang hirap talagang maging guwapo. Lahat na lang ng babae gusto akong pagnasaan. Wala kayong gusto kundi ang katawan ko.”

“Hindi kita type,” protesta niya.

“Oo na. Si Kuya Draco lang ang type mo. Alam ko naman na professional ka. Akala ko dati masayang may magandang sekretarya at okay lang na magpa-cute sa akin. Pero nang maka-trabaho kita, mas importante na sa akin ang trabaho ko kaysa sa magandang sekretarya. Nami-miss tuloy kita.”

“Nami-miss din kita.”

Marami silang magandang pinagsamahan ni Diego. Malaking opportunity ang ibinigay nito sa kanya. At di lang ito basta boss. Mas higit pa ang pagkakaibigan nila. At di na siya makakahanap pa ng boss na katulad nito.

Marami pa siyang sasabihin para i-console ito nang biglang mawala ang cellphone sa kamay niya. Napasinghap siya at nilingon ang kamay na kumuha doon. Hindi na siya nakapiyok dahil hawak iyon ni Draco. Matilim ang mga mata nito at madilim ang mukha. Parang sasabog na ito sa galit pero kinokontrol lang.

Bubuka sana ang bibig niya para magprotesta sa ginawa nito pero naestatwa siya nang bumaba ang tingin niya sa katawan nito. Wala itong ibang suot na damit maliban sa tuwalyang nakatapis dito.

Tuluyan nang nag-freeze ang brain cells niya. Pinaglakbay na lang niya ang paningin niya sa katawan nitong nasisinagan ng liwanag ng buwan. He was well sculpted. Parang isa itong diyoses sa mga mythology. Isang makisig at katakam-takam na diyoses. Kaliligo lang nito at mamasa-masa pa ang buhok nito. Naaamoy pa niya ang panlalaking sabong ginamit nito. He looked clean and so good to eat. Ganito ba ito ka-yummy kapag gabi? Walang babaeng matatakot sa lalaking ganito ang itsura. Baka nga ito pa ang matakot sa mga babaeng sasagpang dito.

“Hello, Diego! Maghahatinggabi na. Huwag mo nang abalahin si Miss Carson,” sabi ni Draco habang may babala sa mga mata nito. Di nito inaalis ang tingin sa kanya. “You have no business with her. Matulog ka na lang dahil marami ka pang trabaho bukas.”

Natigilan siya sa pagnanasa nang talikuran niya si Draco. Ano bang naisip niya at pinagnanasaan pa niya ito? Pakiramdam niya ay gusto siya nitong ilubog sa kumukulong mantika.

Binawalan siya nitong tawagan kausapin si Diego. Nawala iyon sa isip niya. Kahit na gaano pa kaganda ang Stallion Island, natutuwa pa rin siyang makausap ang mga kaibigan niya. At si Diego ay isa sa mga kaibigan niya. But of course, Draco won’t believe that.

“What? Gusto mong magpalit ng assistant?” tanong ni Draco sa kontroladong boses. But she could feel the tremor there. Parang isa itong bulkan na naghahandang sumabog. And he was mad. She was sure about that. Gusto niyang tumakas na pero wala siyang matatakasan. She knew it was futile. Napilitan siyang tumayo habang nakikinig sa pakikipag-usap nito. “No way! Miss Carson is staying with me. Kung may importante kang idi-discuss tungkol sa negosyo, i-discuss mo sa akin nang direkta. Goodbye!”

Tahimik pa rin siyang nakatayo nang harapin siya ni Draco. Mahigpit nitong hawak ang cellphone niya subalit di man lang nito ibinalik sa kanya. “Akala ko ba nagkakaintindihan tayong mabuti, Miss Carson? Anong ibig sabihin ng tawag na ‘to?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.