Stallion Island Series Chapter 117

Pinagsalikop ni Tennessee ang mga kamay at kinagat ang pang-ibabang labi habang palapit si Draco. Ano ba ang dapat niyang ikatwiran dito? Nalusaw na utak niya. Una ay natatakot siya. Isang pagkakamali lang niya ay parang handa itong pigain ang lahat ng dugo niya. Pangalawa, paano siya makakapangatwiran sa isang guwapo at makisig na lalaki na wala halos suot kundi ang nakatapis na tuwalya dito? He was a big distraction. And she had never been so distracted all her life.

“M-May itatanong lang po siya, Sir.” There was tremor in her voice. Nang magsalubong ang kilay nito, alam niyang di siya makakalusot sa sagot niya. Parang nakasama pa nga yata.

“Like what? If you miss him and you want to know if he misses you as well?” Lalo pa itong naging mapanganib habang nagsasalita. Mas nakakatakot ito.

“Hindi po iyon, Sir...”

“Do you think I am stupid? Nanghihinayang ka siguro dahil naputol ang tawag ninyo nang di ninyo nai-express ang nararamdaman ninyo sa isa’t isa,” nang-uuyam nitong sabi at patuloy sa paglapit sa kanya.

He was like a beast, ready to attack its prey. And that prey would be torn into pieces once he gets his hands on it. And he was that poor prey.

Humakbang siya paurong habang nilalabanan ang panlalambot ng binti niya. “Sir, magkaibigan lang talaga kami.”

Lalong naging mabalasik ang anyo nito at sa isang iglap ay sinambilat nito ang baywang niya. Her body slammed against his hard, musky body. “Do you think I will buy that stupid line?” Umangat ang gilid ng labi nito. “No! Hindi ka na siguro makatiis na malayo sa kanya. Nagsumbong ka ba sa kanya kung bakit kita pinapunta dito? Mas gusto mong ituloy ang kalokohan ninyo kaya ngayon nagmamakaawa ka na kunin ka ulit niya. Wala ka talagang kahihiyan!”

Namanhid na ang dila niya. Nanlalambot ang buong katawan niya habang nadarama niya ang init ng katawan nito. Wala na nga siyang maintindihan sa sinasabi nito. Kung anu-ano nang eksena ang pumapasok sa utak niya. Nangangarap siya ng gising na sana ay tumigil na lang ito sa pagsasalita at halikan na lang siya nito. Then he’d hold her against his warm body for a long time. At walang ibang saksi sa lahat ng iyon kundi ang mga buwan at mga bituin.

Mahigpit nitong hinawakan ang braso niya. “Ano? Bakit hindi ka makasagot ngayon?”

Puno pa rin ng ulap ang isipan niya at maang na nakatitig dito. “Ha?”

“Ha? Iyan lang ang isasagot mo sa akin?” anito sa dumadagundong na boses. “Niloloko mo ba ako, Miss Carson?”

Pilit niyang inutusan ang dila niya na magsalita kahit pakiramdam niya ay lumaklak siya ng isang boteng anaesthesia sa sobrang pagkamanhid. “S-Sir, kasi po wala kayong damit.”

“What?” bulalas nito at tiningnan ang sarili. Kumunot lang ang noo nito at ibinalik ulit ang tingin sa kanya. “Ano naman ngayon?”

Lalo lang siyang nanghina. “Paano ako makakapag-isip kung may lalaking halos hubad sa harap ko, Sir? Pwede bang magdamit kayo bago tayo mag-usap?”

How could he be so casual about it? Heto nga at mababaliw na siya dahil sa katawan nito. Kung di pa ito lalayo sa kanya, baka himatayin na lang siya doon o kaya ay sapian siya ng kung anong espiritu at magahasa niya ito. Madilim pa mandin ang gabi at walang ibang makakasaksi sa krimeng nasa isip niya. Iginagalang niya si Draco pero may hangganan ang pagtitimpi niya. Isa itong malaking tukso! At hindi niya maipapangakong mapoprotektahan niya ang puri nito.

“Hindi ka lang naman siguro ngayon nakakita ng lalaking nakahubad.”

Nanigas ang panga niya. Pinalalabas ba nito na wala na ang kanyang kainosentehan? Na normal na sa kanya ang makakita ng lalaking nakahubad. Mariing nagdikit ang labi niya. Ganoon ba kababa ang tingin nito sa kanya? Gusto sana niyang ipagsigawan sa mukha nito na isa siyang inosente. Kahit nang maging nobyo niya si Tommy ay sila lumagpas sa linya kahit gusto nito. Kaya nga siguro nagtaksil ang Hudas dahil di niya ibinibigay dito ang gusto nito. Nakaka-insulto naman na mababa pala ang opinyon ni Draco sa pagkababae niya.

Matapang niyang sinalubong ang matatalim na mga nito. Namamanhid na siya sa galit sa pagkakataong ito. Itinulak niya ito palayo sa kanya. “That’s malicious, Sir!”

“Come on! Don’t be prude. Huwag mong sabihin na napaka-inosente mo pa rin hanggang ngayon. Magtititili pa rin ba kapag nakakita ng nakahubad na lalaki?” Umiling ito at namaywang. “Nah! I don’t think so. Walang inosenteng babae ang mang-aakit sa isang lalaking committed na.”

Namaywang din siya at taas-noo itong tiningnan. “Bakit, Sir? May ebidensiya ba kayo na may relasyon nga kami ni Sir Diego?” naghahamon niyang tanong.

Wala na siyang pakialam sa magandang katawan nito at sa kakisigan nitong nakabilad sa harapan niya. Di rin mahalaga kung kaharap niya ang lalaking mahal niya. Ipaglalaban niya ang karapatan niya.

Hindi siya papayag na i-buldoze na naman siya nito. Nakaladkad siya nito sa Stallion Island dahil ayaw niyang lumala pa ang gulo. Gusto rin niyang protektahan ang sarili niya dahil mas malaking gulo oras na malaman ni Draco ang istorya sa likod ng picture nila na iyon ni Diego. Pero hindi na siya mananahimik. Hindi na siya magpapasagasa. Hindi na siya magpapagapi!

“Evidence? Those pictures are enough.”

Tinaasan niya ito ng kilay. “Kahit saang korte hindi tatanggapin ang katwiran ninyo, Sir. Basta ang alam ko magkaibigan kami ni Sir Diego. Wala kaming ginagawang masama. Madumi lang talaga ang isip ninyo.”

“Miss Carson! Ako pa ang madumi ang isip ngayon? Hindi mo ako mapapaikot. Kilala ko ang mga babeang katulad mo.”

“Huh! Oo nga pala. Ubod nga pala ng talino si Draco Montague at walang mali. Isang tingin mo pa lang, alam mo na agad kung mang-aagaw ng boyfriend ng isang babae o manloloko. Sir, mataas ang tingin ko sa inyo. Nirerespeto ko kayo. At kung inaayawan man kayo ng ibang tao sa paligid ninyo dahil sa kasungitan ninyo, iniisip ko na lang na may dahilan kayo kung bakit ganoon ang attitude ninyo. Ngayon irrational na kayo. Parang praning kayo.”

“Ulitin mo nga ang sinabi mo!” nagngangalit nitong sabi.

“Praning kayo, Sir! Hindi lahat ng iniisip ninyo, iyon ang totoo. At hindi rin ninyo ako pwedeng husgahan dahil hindi naman ninyo ako kilala. Wala kayong alam sa pagkatao ko. Di ninyo alam kung ano ang nararamdaman ko.”

Hinaklit nito ang magkabilang balikat niya at bahagyang niyugyog. “Sabihin mo sa akin kung ano ang totoong nararamdaman mo.”

Parang naalog din ang utak niya sa pagkakaalog nito sa kanya. Kapag ganito kalapit si Draco sa kanya at magkadikit sila, lumilipad na ang isipan niya. Wala na naman siyang matinong maisagot dito. Kung ang totoong nararamdaman niya ang aalamin, baka ipagsigawan niya na in love siya dito kahit ito pa ang pinakamasungit na lalaki sa mundo. Wala siyang pakialam kahit na mawalan siya ng trabaho.

Natigilan siya. Trabaho. Di siya pwedeng mawalan ng trabaho. Hindi niya pwedeng sabihin kay Draco ang nararamdaman niya. Mas malaking gulo iyon.

“I-Inaantok na po ako, Sir,” nausal niya.

“Anong inaantok ka na? Sagutin mo ang tanong ko.”

Kumawala siya sa pagkakahawak nito at tinalikuran ito. “Inaantok na nga po ako, Sir. Hindi ba kayo napapagod? Kanina pa tayo nagsisigawan.”

“Hindi pa ako pagod. At hindi ka pa pwedeng matulog. Mag-usap pa tayo.”

Naglakad siya palayo at nilingon ito. “Magbihis na kayo, Sir. Mapupulmonya lang kayo sa kahuhubad ninyo.”

“Huwag kang umalis! Hindi mo ako pwedeng takasan!” mariing utos nito. “Kapag hindi ka bumalik dito, kakausapin ko si Frannie tungkol sa relasyon ninyo ni Diego. Tuluyan niyang ilalayo si Diego sa iyo.”

“Eh, di sabihin ninyo!” aniya at inunat ang dalawang kamay. “Wala akong pakialam. Basta matutulog na ako. Goodnight, Boss!” At saka siya sumaludo. Hindi na siya magpapadala sa mga banta nito. Magkaalaman na ng totoo.

Pagpasok sa kuwarto niya ay saka lang niya naisip ang implikasyon ng mga sinabi niya. Paano kung magkausap sina Draco at Frannie? Malalaman nito ang tungkol sa pagpapanggap nila ni Diego. Pero kapag nilaliman pa ni Draco ang imbestiyasyon nito, malalaman nito na hindi si Diego Montague ang ipinakilala niyang boyfriend kundi si Draco Montague.

Waaaaaa! Halos mabaliw-baliw siyang umupo sa sahig at tinuktukan ang sarili. “Ang tanga-tanga ko talaga!”

Anong gagawin niya oras na malaman ni Draco ang totoo? He’d throw her out of the island in no time. Hindi nito ito-tolerate ang presensiya ng babaeng may gusto dito. Pinagsalikop niya ang mga palad at nagdasal.

Kailangan niya ng matinding himala. Kahit anong mangyari, di pwedeng malaman ni Draco ang nararamdaman niya dito. She was dead. So dead.

MADILIM pa ay gising na si Tennessee. Gusto niyang umaga pa lang ay magsimula na ang araw niya. Plano niyang ikutin ang Stallion Island at ma-experience na makasakay man lang ng kabayo. Para naman may maganda siyang alaalang maibaon bago siya palayasin ni Draco sa isla.

Maingat siyang lumabas ng kuwarto at nakiramdam. Wala siyang narinig kahit kaluskos man lang. Tulog pa tiyak si Draco. Good! Wala siyang planong makahrap ito sa umagang iyon. Matapos niya itong sagut-sagutin nang nakaraang gabi, wala siyang magagawa kung gugustuhin nitong mawalan ng subersibong assistant. Palpak talaga siya pagdating kay Draco. Di nga nito nalamang in love siya dito, umakto pa rin siyang wala sa sarili sa harap nito.

Wala naman siyang magagawa. Kasalanan din niya. Hindi niya nakontrol ang emosyon niya. Now she had to pay the consequences.

Paglabas ng villa ay naisip niyang unahing puntahan ang simbahan na nasa Central Town. Di naman siya umaasa sa himala. Gusto lang niyang magpasalamat na nakatuntong siya sa islang iyon at nakasama si Draco. Susunod niyang pupuntahan ang Main Stable para sa mga kabayo.

Naka-program na ang mga schedule niya sa umagang iyon limang pigura na nakasuot ng brown cloak na may hood ang humarang sa kanya. “Ikaw, babae ng dilim!” anang nasa gitna at itinuro siya.

“A-Ako?” usal niya at itinuro ang sarili. Naulinigan niya ang boses nito at boses iyon ng isang babae. “S-Sino ba kayo? Anong kailangan ninyo sa akin?”

Akala ba niya ay safe maglakad-lakad sa Stallion Island dahil state of the art ang security ng mga ito. Bakit may nakakagalang mga kulto. Naku po! Baka mamaya nag-aalay pala ang mga ito ng virgin na katulad niya. O, hindi!

“Girls,” anang babae sa gitna at nagsilbing hudyat iyon para alisin ng mga ito ang hood at nag-pose na animo’y mga modelo sa pictorial. “We are the Sirens!”

Mula sa liwanag ng street light ay nakita niya ang itsura ng mga ito. Mukha sanang magaganda ang mga ito kundi lang sobrang puti habang makapal ang eyeliner at mapupula ang mga labi. Parang walang tulog ang mga ito.

“Merian, paano kapag bampira na tayo? Sirens pa rin ba tayo?” tanong ng babae sa dulo sa pinaka-leader ng mga ito na si Merian. Isa itong artista at usap-usapan kamakailan lang ang pagkaka-link nito sa isang DOM.

“Pwede ba, Francey? Saka na natin problemahin iyan kapag bampira na tayo,” anang si Merian.

“Mabuti nga naisip ko iyon. Kayo di man lang ninyo naisip,” sabi ni Francey.

Itinaas ni Merian ang kamay. “Ilabas mo ang aming Panginoong Draco?”

“Ha? Panginoon?” tanong niya. Leader na ba ng kulto si Draco ngayon?

Isa-isa niyang pinagmasdan ang mga ito. Magaganda naman ang mga ito at mukhang sopistikada. Pero parang mga wala sa tamang hulog.

“Kagabi pa kami naghihintay sa Panginoon naming Draco. Nag-vigil kami dito sa labas ng bahay niya para hintaying kagatin ang leeg namin,” sabi ni Merian. “kaya nga ito ang costume namin. Di mo ba napansin?”

Itinapik niya ang daliri sa baba at tumango-tango. “That’s a Gregorian priest costume. Hindi ganyan ang costume ng vampire.”

“Sabi ko naman sa iyo. Mali ang costume natin,” reklamo ng isa sa Siren.

“Shut up, Raine! Gusto ko lang maiba costume natin sa ibang bampira. Look at her! Naturingang bampira pero walang sense of fashion,” wika ni Merian.

Luminga pa siya para tingnan kung sino ang sinasabihan nitong walang sense of fashion nang maisip niyang siya ang tinutukoy nito. “Ako? Bampira?”

“Oo. Assistant ka ni Draco Montague. Usap-usapan dito sa isla na isa siyang totoong bampira. Kaya lang siya nakakalabas ng umaga dahil mas mataas na ang level niya. At gusto naming maging alagad niya,” sabi ni Francey. “Kaya ba hindi niya kinagat ang leeg namin kagabi at di kami nilabas dahil mali ang costume namin?”

“O baka naman dahil hindi bilog ang buwan?” tanong ni Raine.

Napailing siya. These women were impossible! Siya? Isang alalay ng bampira? Hibang na ba ang mga babaeng ito? “Sorry. Hindi ko kayo matutulungan.”

“Hindi pwede! Mag-share ka sa amin,” sabi ni Merian. “Gusto naming maging bampira dahil gusto naming maging maganda forever. Right, Alou?”

“Yes! At ibig sabihin maraming-maraming boys dahil forever tayong magiging maganda at sariwa,” wika ni Alou sa nang-aakit na boses. At sabay-sabay na nagtawanan ang mga ito na parang bruha.

“Hindi ko alam ang sinasabi ninyo. Pwedeng bumalik na lang kayo kapag kabilugan na ulit ng buwan?” Malay ba niya sa kahibangan ng mga ito. Palayas naman na siya ng Stallion Island. Di na niya problema ang gustong mag-member ng kulto ni Draco para maging bampira. “Excuse me.”

Hinarangan agad siya ng lima. “Hindi ka pwedeng umalis hangga’t hindi mo siasabi sa amin kung paano maging bampira,” sabi ni Alou.

“Huwag ka ngang madamot. Mas deserve naman namin ang eternal beauty kaysa sa iyo,” wika ni Merian at niyugyog ang balikat niya.

Pinaikutan siya ng lima. Ang iba ay humawak sa braso niya at may tumulak sa likuran niiya. Pipigain talaga siya ng mga ito. Hindi na niya alam kung anong gagawin. Anong laban niya sa limang babae?

“Anong ginagawa ninyo sa assistant ko?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.