Stallion Island Series Chapter 118

“Panginoong Draco!” tilian ng mga Sirens.

Sa isang iglap ay nawala sa harap ni Tennesee ang mga ito at pinagkulumpunan si Draco. Kanya-kanyang kapit at yakap ang mga ito.

“Kagatin mo ako, Panginoong Draco,” sabi ni Merian na halos ipagduldulan ang leeg kay Draco.

“Kayo na naman? Umagang-umaga nangungulit kayo,” asik ni Draco at iniwas ang tingin kay Merian. “Hindi ba ninyo ako titigilan?”

“Kagabi pa kami nandito. Bakit hindi ninyo kami nilabas?” nakasimangot na sabi ni Raine na nakadikit ang katawan kay Draco.

“Tiniis namin ang lamig ng gabi para sa iyo,” sabi ni Alou.

“Panginoon, pagsisilbihan ka namin habambuhay! Basta gawin mo lang kaming tapat na alagad mo,” sabi ni Francey na nakasalampak sa lupa habang nakakunyapit sa binti ni Draco.

“Gusto ba ninyong ipa-ban ko kayo dito sa Stallion Island?” iritadong banta ni Draco. “Nakakaperwisyo na kayo.”

Iritable siyang tiningnan ni Draco. Parang humihingi ito ng tulong. Hindi na yata nito alam ang gagawin sa mga babae. Isang ideya ang kumislap sa utak niya. Tutal mukhang utu-uto naman ang mga ito. Susundin siguro nito anuman ang sabihin niya.

“Girls, hindi pa kayo matatanggap ni Panginoong Draco dahil may test pa kayong hindi naipapasa,” sabi niya.

Tumaas ang kilay ni Draco. Nakuha naman niya ang atensiyon ng mga Sirens. “Blood test ba iyan?” tanong ni Alou.

“Kailangan ninyong kumuha ng psychiatric exam kay Andrya,” sabi niya.

“Iyong resident psychologist ng Stallion Island?” tanong ni Raine.

Tumango siya. “Kapag sinabi niya na pwede na kayong maging bampira at mabuhay habambuhay bilang alagad ni Master Draco, walang problema. Basta ipasa lang ninyo ang psychiatrict exam.”

“Exam na naman! Exam na naman! Ayoko ngang nag-e-exam!” reklamo ni Merian at hinubad ang brown nitong roba.

“Paano ang habambuhay nating kagandahan?” tanong ni Alou.

“Pwede naman sigurong magpa-mummify,” sabi ni Merian at saka nagdadabog na naglakad palayo.

“Basta ako mag-e-exam! Gusto kong maging bampira,” desididong wika ni Raine.

Nakangiting hinaplos ni Francey ang pisngi ni Draco. “Hintayin mo ako, Panginoong Draco. Ipapasa ko ang exam para sa iyo.” Tatangkain pa sana nitong halikan si Draco pero hinila na niya palayo.

“Sige na. Mag-exam ka muna. Baka bumula ang bibig ni Master Draco sa gagawin mo,” pagtataboy niya. “Goodluck sa exam!”

“I highly doubt it kung maipapasa nila ang psychiatric exam,” iiling-iling na sabi ni Draco. Napasinghap siya nang hawakan nito ang balikat niya at iharap dito. “Sinaktan ka ba nila?”

She was taken aback by his gentle voice and gentle touch. Nadoble ang kaguwapuhan nito sa paningin niya. Hindi niya inaasahan ang pag-aalala nito sa kanya. Sa muli nilang paghaharap, akala niya ay ipagtatabuyan na lang siya nito. “H-Hindi naman po. Tinatanong lang nila sa akin kung paano magiging bampira at tapat na alagad ninyo, Master.”

Sinapo nito ang sariling noo. “Salamat sa pagtulong mo sa akin. Ang totoo hindi ko na alam ang gagawin sa kanila. Kahit siguro ipa-ban ko sila sa Stallion Island, susundan pa rin nila ako kahit saan. They believe that I am a vampire. Epekto siguro ng mga vampire movies na napapanood nila.”

“Mas guwapo pa nga kayo sa bida ng mga vampire movies na iyon,” wala sa sariling nausal niya. Huli na para bawiin niya at nakakunot-noo siyang tiningnan ni Draco. “I mean, iyon ang sinabi nila kanina, Sir.”

“Well, I am not a vampire. Masyadong malungkot ang mundong ito para mabuhay nang matagal na panahon,” makahulugan nitong wika

Hindi nga ito bampira pero may pagka-emo naman ito. He had great ideals. Pero talaga bang nadala ng namatay nitong kasintahan ang kaligayahan nito?

“Siguro naman hindi na kayo guguluhin ng Sirens, Sir. Bigyan na lang ulit ninyo sila ng panibagong exam hanggang magsawa sila.”

“Bakit nga pala maaga kang nagising?” tanong nito.

“Magsisimba po ako, Sir,” sagot niya.

“Okay. Sabay na tayo,” sabi nito at pinara ang paparating na E-jeepney.

“Magsisimba kayo, Sir?” bulalas niya.

“Even the Prince of Darkness goes to church.”

“SIR DRACO, nainip po ba kayo sa pagdaan ko?” tanong ni Mang Karyo, ang driver ng E-jeepney na nasakyan nila.

“Hindi naman po,” pormal na sabi ni Draco.

Napakamot sa ulo si Mang Karyo. “Palagi na lang ninyo akong nauunahang dumating. Kasama pala ninyo ang girlfriend ninyo na magsisimba,” anito at ngumiti sa kanya. “Mabuti naman at may kasama nang magsisimba si Sir Draco. Palagi na lang siyang malungkot kasi. Malungkot ding magsimba ng nag-iisa, kumain ng nag-iisa, matulog nang nag-iisa...”

Tumikhim si Draco at saka tumingin sa labas. Napilitan tuloy siyang itama si Mang Karyo. “Hindi po niya ako girlfriend. Assistant po niya ako.”

“Assistant lang? Sayang maganda ka pa mandin. Bagay na bagay kayo ni Sir Draco,” wika ng madaldal na driver. Ni hindi man lang nito napapansin na sira na ang mood ni Draco. O normal lang kay Mang Karyo na pormal o kaya ay mukhang wala sa mood si Draco?

“Kumusta ang anak ninyong si Miko, Mang Karyo?” pag-iiba ni Draco sa usapan. Di na marahil ito komportableng inirereto ito ni Mang Karyo sa kanya at halos ibenta na.

“Magaling na po siya, Sir Draco. Naku! Gusto nga daw niyang makatulong sa mga may sakit katulad ng ginawa ninyo sa kanya.” Nilingon siya ni Mang Karyo. “Nagkaroon po ng sakit na dengue ang anak ko. Akala talaga namin mamamatay na siya. Nang malaman ni Sir Draco, nag-donate agad siya ng dugo. Pati ibang members dito sa isla, pinag-donate din niya. Mabait talaga si Sir Draco. Sana nga talaga magka-girlfriend na siya dahil tiyak na maswerte ang babaeng iyon.”

“Para, Mang Karyo! Nasa simbahan na tayo,” sabi ni Draco.

Wala siya halos naintindihan sa dinasal niya. Pinakikiramdaman niya si Draco na seryoso at taimtim sa pagdadasal. Alam na niyang mabait si Draco pero nagtataka siya kung bakit ayaw nitong pinag-uusapan ng ibang tao. Siguro dahil mas sanay itong maging Prinsipe ng Kadiliman kaysa makita ng iba bilang mabuting tao. Malamang ay ang mga malalapit lang dito ang nakakaalam no’n.

Nang matapos magdasal ay nakaabang na si Draco sa kanya sa labas ng simbahan. Unti-unti nang sumisikat ang araw. Mula sa simbahan ay tanaw ang malawak na dagat. Unti-unti nang sumisikat ang araw at nagsasabog ng kulay sa kalangitan. Mukhang maaliwalas ang mukha ni Draco. Hindi katulad kanina na parang di maganda ang gising. Epekto siguro iyon ng pagdadasal nito.

“Kung wala kang gagawin, sabay na tayong mag-breakfast,” yaya nito sa kanya. “Gusto ko yata ng vegetarian breakfast ng Mist Fusion.”

Himala. Niyaya siya nitong kumain. Nakasinghot ba ito ng hamog at parang okay lang dito na pumunta kung nasaan siya? Ito pa mismo ang nagyaya. Na-realize ba nito na di naman talaga siya masamang babae? Na wala silang relasyon ng kapatid nito? Ibig sabihin ay wala na silang problema?

Pagkabigay nito ng order nila ay inisa-isa nito ang schedule nito sa araw na iyon. “I have a meeting with Stefanos San Miguel at nine in the morning. Lunch meeting with Mattheu Segundo for the coverage of our medical missions. Their magazine will also feature Montague Pharmaceuticals’ 20th anniversary. I want you to prepare the materials that we will use for that article.”

Natigilan siya sa paghahalo ng cosmic tea niya. “Huh! Ako ang maghahanda ng mga materials, Sir?”

“Yes. Ikaw din ang gumawa ng materials last anniversary, di ba? I know you are good at it.”

Humingi siya ng memo pad sa waiter at ballpen saka isinulat ang lahat ng sinabi ni Draco. Magandang balita ito para sa kanya. Kaninang umaga lang paggising niya ay inaakala niyang paaalisin na siya nito sa isla. Ngayon ay nabago ang samahan nila sa isang iglap.

Pinagkakatiwalaan siya ni Draco. Makakapagtrabaho na siya nang maayos. Di tulad dati na wala itong ibinibigay na impormasyon sa kanya. Kailangan pa niya itong sundan-sundan na parang stalker para lang maka-attend sa mga business meetings nito. At kailangan pa niyang tiyaking mas mabilis siyang gumawa ng report dito para wala itong magagawa kundi ang i-check ang gawa niya at aprubahan. Pulido naman kasi siyang magtrabaho kahit na pinagkakaitan siya nito ng pagkakataon.

Ang tanging gusto lang naman niya ay malinis ang pangalan niya dahil wala naman talaga silang relasyon ni Diego. Magkaibigan lang sila. Ibig sabihin ay wala na silang kailangang problemahin ni Draco.

“Sir, I am really glad. Alam na kasi ninyo na wala kaming affair ng kapatid ninyo,” sabi niya matapos nilang mag-agahan.

“Wala ako sinasabing inosente ka at wala nga kayong relasyon ni Diego,” magkasalubong ang kilay nitong sabi.

Parang tinadyakan siya sa dibdib sa rebelasyon nito. “I-Iniisip pa rin ninyo na may relasyon kami ng kapatid ninyo? Na niloloko namin si Ma’am Frannie? Hindi ba ninyo nakausap si Ma’am Frannie?”

“There is no use upsetting her, Miss Carson. She trusts you. Tinrato ka niyang kaibigan. Ano na lang ang mararamdaman niya kapag alam niyang niloloko mo siya? Masakit iyon sa taong may tiwala sa iyo.”

Daig pa niya ang sinampal. Mababang babae pa rin ang tingin ni Draco sa kanya. Wala rin palang naiba. “Kung iniisip ninyo na may affair kami ng kapatid ninyo, bakit gusto pa rin ninyo akong magtrabaho sa inyo? Hindi ba dapat sesantehin na lang ninyo ako?”

“And what? Hayaan kang tumakbo na lang sa kapatid ko?” Ngumisi ito. “Miss Carson, I am smarter than that. Kung mananatili ka sa akin at dito lang tayo sa isla magtatrabaho, wala kang tsansa na balikan ang kapatid ko. Hindi rin siya makakapasok dito nang walang permiso ko.”

“Like what? Ten? Twenty years dito lang tayo?” bulalas niya.

“If that’s what it takes para makalimutan mo ang kalokohan ninyo ng kapatid ko. Kaya kung gusto mong makawala sa akin, dapat tuluyan mong makalimutan ang kapatid ko. Find another man. That’s the only way, Miss Carson.”

“Sir, you are incorrigible!”

Kani-kanina lang ay masayang-masaya siya dahil inakala niyang maayos na ang pakikitungo nito sa kanya. Na talagang pinagkakatiwalaan siya nito. Inakala niyang naniniwala itong di siya masamang babae. Wala rin palang nagbago. Gumagawa lang ito ng paraan para maiiwas siya sa kapatid nito.

“Incorrigible, impossible... whatever adjective you want to describe me, I don’t really care. Pagkakatiwalaan kita sa trabaho. I will even let you have my company but I will never let you anywhere near my brother. Put that in mind, Miss Carson. Let’s get back to work.”

Well, she was also hopeless and incorrigible. Dahil gaano pa yata kasama ang trato sa kanya ni Draco, in love pa rin siya dito. Kung masasabi lang sana niya ang nararamdaman niya nang di siya nasesesanti sa trabaho.

“I HATE him! I really hate him! Kasalanan niya kung bakit naparusahan ako. Pinapalabas pa niya na pervert ako at pinagnanasaan ko siya. Kapag napalayas ako dito sa Stallion Island, ipapa-rape ko siya sa mga bading. Makikita ng Julian Veron Yun na iyan!”

Walang pakundangang ipinagsigawan ni Arjhilleyne ang galit nito sa isa sa member ng Stallion Island na si Julian. Nasa Stallion Wave Restaurant siya kasama ang ibang mga naging kaibigan sa isla. Kapag may free time siya ay kasama niya ang mga ito. Sila lang kasi ang nagko-console sa isa’t isa kapag napapraning sila sa mga members doon. Kundi daw ay mababaliw ang mga ito.

Nang nakaraang araw ay naeskandalo ang buong Stallion Island nang maghabulan ang mga ito sa pool area at sa huli ay nahubaran si Julian nang mahila ni Arjhilleyne ang nakatapis na tuwalya dito.

Dahil dito ay ipinatawag ito ng council ng village lords at pinarusahan. Kaya naman hindi maka-get over si Arjhilleyne sa sobrang kahihiyan.

“Sa sobrang galit mo, malaman mo na lang in love ka na sa kanya. Hala ka!” babala ni Doc Nathaniella.

“Parang kayo din iyan ni Doc Maniac, di ba?” ngingiti-ngiting sabi ni Andrya. Bilang resident psychologist, ito ang nag-o-offer ng advice sa kanila at taga-analisa sa mga nangyayari sa kanila.

“Uy! Si Doc Maniac iyon!” sabi ni Sissy at itinuro ang kapapasok pa lang na doktor. Umulan tuloy ng tuksuhan sa mesa nila. “Uy, Doc Arvind!”

“Hi, fans!” sabi naman ni Doctor Arvind James Yun nang dumaan sa table nila saka pumunta sa table ng pinsan nitong si Zach.

“Kapal talaga,” tumitirik ang matang sabi ni Nathaniella. “Pwede ba? Ni konting paghanga di ko nararamdaman sa pangit na iyan.”

Siniko siya ni Andrya. “Umamin ka nga sa amin, Nessie. In love ka kay Draco Montague, no?”

“What?” Sunud-sunod na iling ang ginawa niya. “No way!”

“Eh! Bakit ka nagba-blush?” panghuhuli ni Andrya.

“Oo nga!” sang-ayon ni Corrine na librarian naman ng Stallion Island.

Sinapo niya ang pisngi. “Wala! Blush on ko lang ‘yan!”

“Uy! Si Prince of Darkness iyon, di ba?” sabi ni Leica nang dumaan sa table nila. Paglingon niya ay pumasok nga si Draco ng restaurant kasama si Stefanos San Miguel. Siya naman ang inulan ng tuksuhan.

Gusto na niyang magtago na lang sa ilalim ng mesa nang lalo siyang ulanin ng tuksuhan. “Please! Huwag na ninyo akong tuksuhin lalo na’t nandito siya.”

“Sus! Ikaw kasi deny ka pa ng deny,” sabi ni Arjhilleyne.

“Gusto ba ninyo akong masisante sa trabaho?”

Natahimik ang lahat at maang na tumingin sa kanya. “Oo nga pala. Ayon sa profile niya, sinesesante niya ang lahat ng assistant niya na nagkakagusto sa kanya. Naku! Sorry talaga, Nessie.”

“Tumingin pa mandin siya dito,” sabi ni Sissy. “Sorry din. For sure narinig niya ang tuksuhan natin.”

“Tatanggalin ka ba niya sa trabaho?” tanong ni Corrine.

“Alam naman ninyo ang mga members dito. They have the power to do whatever makes them happy,” wika ni Seeress at pinagsalikop ang palad. “Kailangan nating ipagdasal ang mga katulad nila.”

“Kaluluwa ko ang ipagdasal ninyo,” sabi niya. Dahil kung may isang bagay siyang kinatatakutan, iyon ay malaman ni Draco ang nararamdaman niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.