Stallion Island Series Chapter 119

“Tiya Neneng, pasensiya na kung ngayon lang ako nakatawag sa inyo. Kumusta naman kayo ng mga bata diyan?”

Kausap ni Tennessee ang tiyahin sa cellphone. Ang pamilya nito ay pansamantalang nakikituloy sa apartmen niya Dahil lubog sa baha ang bahay ng mga ito. Mabuti na ring may nagbabantay sa aparment niya habang hindi pa sila umaalis ni Draco ng isla. Praning pa rin ito tungkol sa kanila ni Diego kaya lahat ng trabaho nito ay sa isla nito ginagawa maging mga meetings ay de-video conference.

“Tennessee, mabuti naman at napatawag ka. Maayos naman kami ng mga bata dito. Pero mas maganda ata kung kasama kami sa Stallion Island,” anito at bumungisngis. “Naku! Pangarap kong makapunta diyan at makakita ng guwapong mga Stallion Boys. Gumagamit pa nga ako ng Stallion Shampoo. Dapat iyon din ang gamitin mo para makasilo ka ng Stallion Boys.”

“Tiyang talaga!” Lima na ang anak nito pero gusto pa rin ang mga Stallion Boys. Kahit yata mga lola ay pangarap ang mga Stallion Boys. Pambihira! Sabagay kahit naman siya ay nakikigamit ng Stallion Shampoo. Baka sakaling magbago ang isipan ni Draco at mabawasan ang kasungitan sa kanya.

“Alam mo bang pabalik-balik dito ang kaibigan mong si Tommy?”

Sumasal ang kaba sa dibdib niya. “Pinupuntahan po ako diyan ni Tommy?”

“Oo. Ang kulit nga. Naiinis na ako! Hindi ba dati mo iyong boyfriend?”

“Opo. Pero may asawa’t anak na iyon.”

“Sabi ko na nga ba! Iyon ang nagtaksil sa iyo. Kapal naman ng mukhang puntahan ka. Ayaw pa yatang maniwala sa akin na nasa Stallion Island ka kasama ang boss mong guwapo. Si Dracula...”

“Draco po! Draco Montague.”

“Ay, mali! Dracula Montalban ang nasabi ko.”

Nasapo niya ang noo. “Ano pong sabi ni Tommy?”

“Basta sabi ko mayaman iyon at guwapo dahil miyembro ng Stallion Island. Mukha namang naintindihan niya dahil umalis na at di na bumalik. Naku! Iwas-iwasan mo ang lalaking iyon. Diyan ka na lang sa Stallion Island at ipag-uwi mo ako ng guwapong member diyan.”

“Basta po ang importante lumayo ako kay Tommy.”

Sana ay tigilan na rin siya nito. Mas gugustuhin na niyang tumandang dalaga kaysa ang makiapid sa may asawa. Kinikilabutan siya. Ano na lang ang ipinagkaiba niya sa babaeng dahilan kung bakit nasira ang pamilya nila? Ang dahilan kung bakit naghirap ang nanay niya?

Titiisin na lang niya ang kasungitan ni Draco at ang mga paratang nito basta makaiwas siya kay Tommy.

Gabi na nang matapos niya ang report na ipinagawa ni Draco sa kanya. Magsa-submit sila ng bidding sa mga gamot na bibilhin ng Department of Health. Gustong ihanda ni Draco ang Montague Pharmaceutical di lamang bilang top pharmaceutical company sa bansa. Handa rin itong makipagsabayan sa ibang bansa na mura ang halaga ng gamot pero maganda ang kalidad.

Matinding pressure ang hinaharap ng kompanya dahil tinataasan sila ng kilay ng ibang pharmaceutical company dahil hihiwalay na sila sa tradisyunal na kultura ng karaniwang pharmaceutical companies para mas mapababa ang presyo ng gamot nila. Sa huli, ang mahalaga ay makikinabang ang mga mamamayan na gusto ng mas murang gamot. Mahalaga ang pagbabagong iyon para kay Draco. Ayaw nitong kumita lang ng pera. Gusto nitong magsilbi rin sa iba. Hindi man nito sa sabihin, nakikita at nararamdaman niya iyon.

Kinatok niya si Draco sa kuwarto nito para yayaing umalis pero walang sumagot. Siguro ay umalis ito. Nararamdaman niya na mula nang tuksuhin siya ng mga kaibigan niya tungkol dito ay di halos siya nito kinikibo malibang magbibigay ng instruction sa kanya. Mas malamig pa ang pakikitungo nito sa kanya. Wala tuloy siyang ginawa kundi makiramdam dito kung mawawalan siya ng trabaho o hindi.

Nang matiyak na wala ito ay pinili niyang dalawin ang kabayong si Dark Knight sa kuwadra nito. Fascinated talaga siya sa mga kabayo lalo na’t noon lang siya nakakita ng magagandang lahi ng mga ito.

Gusto niyang mapalapit din sa kabayo ni Draco. Tutal sila lang naman ang nakakaintindi sa amo nila. “Hi, Dark Knight!” bati niya at tumayo sa harapan ng kuwadra nito. Sumingasing ito at ipinilig ang ulo. Parang ayaw sa presensiya niya. “Wala akong dalang pagkain mo. Next time na lang, ha? Hindi pa tayo nai-introduce ni Sir Draco. I am Tennessee. Tayong dalawa lang dito ngayon. Mahirap din na hindi ko nakakausap ang mga kaibigan ko. Ikaw? Nami-miss mo ba ang mga kaibigan mo sa main stable? Gusto mo na bang bumalik?”

Pakonti-konti ay nagkakaroon siya ng kaibigan sa Stallion Island pero hindi niya mabuksan masyado ang puso niya sa mga ito. Gusto niyang mag-open sa mga taong concern din kay Draco at malapit dito. Mas nagkakaintindihan sila.

“Habang nandito ako sa isla, ako lang ang kaibigan ni Dark Knight. Hindi niya kailangang malungkot dahil nandito lang ako.”

Halos tumalon siya sa nerbiyos nang makitang nakatayo si Draco sa likuran niya. Hindi man lang niya narinig ang yabag nito. Nalibang kasi siya kay Dark Knight.

“Sir Draco! Hindi ko alam na nandiyan kayo.”

Nilapitan nito si Dark Knight at hinaplos ang leeg. “Gusto mo bang bawasan ni Dark Knight ang loyalty niya sa akin?”

Nagkibit-balikat siya. “No. Naisip ko lang baka kasi nalulungkot siya kapag wala ka. At di dahil loyal siya sa iyo, di na niya kailangan ng kaibigan.”

He didn’t argue her point. Patuloy lang ito sa paghaplos sa leeg ni Dark Knight. “What are you still doing here? It’s Friday night. Dapat lumabas ka kasama ang mga kaibigan mo. Baka may maipakilala silang member sa iyo na magugustuhan mo.”

Napailing siya. Hindi pa rin ito sumusuko na mababaling ang atensiyon niya sa ibang lalaki para mailayo siya sa kapatid nito. “Masyadong maingay kapag Friday night. Siguro nga ito lang ang pinakatahimik na lugar dito. Gusto ko namang magpahinga paminsan-minsan.”

Hinarap siya nito. Sa isang iglap ay nasa harapan na niya ito at halos magdikit na ang katawan nila. “Or are you staying here because you know I won’t leave? Mas gusto mong masolo ako.”

Parang naputulan siya ng dila at hindi agad nakapagsalita. Gusto niyang idepensa ang sarili at sabihing hindi niya alam na di naman ito umalis ng villa. But she couldn’t utter a single word. His gaze was holding hers. Naestatwa na siya habang pigil ang paghinga. Sobrang lapit ng katawan nito at halos mabingi siya sa mabilis na pintig ng pulso niya.

“H-Hindi ka ba nalulungkot na mag-isa, Sir?” bigla ay naitanong niya.

Hinawakan nito ang baba niya at inilapit ang mukha sa kanya. “Hindi ka ba nagsasawa na bumuntot sa akin nitong nakakaraang araw?”

Dapat ay matakot siya sa matalim na mga mata nito at sa bantang kaakibat no’n subalit ang napansin niya ay ang mabangong cologne nito. That manly scent and his nearness was making her heady. Sana lang ay makapag-isip siya ng matinong sagot habang kino-corrupt nito ang isipan niya.

“That’s part of my job,” aniya sa pinatatag na tinig. “This is companionship.”

“Companionship?” Umangat ang labi nito at tinalunton ng daliri nito ang pisngi niya. “Huwag mong sabihin na ayaw mo sa ibang lalaki dahil interesado ka sa akin. And that companionship is the weapon that you will use to lure me. Kunwari makikipagkaibigan ka at kukunin ang loob ko pero ang totoo gusto mo ako. After all, mas kaunti ang kakompitensiya mo kung ako ang magiging target mo. My brother is so in love with his girlfriend. And the rest of the club members have tons of fans. While you will be my first admirer just in case. Iniisip mo naman na ipagpapasalamat ko iyon sa iyo.”

Hindi na niya tuluyang alam ang sasabihin. Nahuli nga siya nito sa interes niya dito. But he made the fact lurid and dirty. Parang inuutakan lang niya ito. Walang emosyong kasangkot. Walang pagmamahal. Na kung sakaling magkaka-interes siya dito ay sasamantalahin lang niya ito at pakikinabangan.

Ngumisi ito at binitiwan siya. “No smart come back, Miss Carson?”

Umurong siya nang dahan-dahan na siyang nagkakaroon ng kontrol sa sarili niya. “Babalik na ako sa villa, Sir. Gusto ko nang magpahinga. Sa ibang araw ko na lang dadalawin si Dark Knight. Goodnight, Sir Draco.”

Hindi niya magawang ipagtanggol ang sarili o pabulaanan ang sinabi nito. Ito ang oras para di siya kumibo. Wala siyang mapapala dito kundi sakit lang ng loob. Parang wala naman siyang gagawing tama sa paningin ni Draco. Bakit naman kasi sa dinami-dami ng pwedeng mahalin ay ito pa ang napili ng puso niya?

Bakit ba siya nagtitiis dito? Nasasaktan lang naman siya. Masyado itong matigas. Hindi siya nito kayang pagkatiwalaan. Hell! He was so cold.

“Miss Carson!” tawag nito sa kanya.

Tumigil siya subalit hindi niya ito nilingon. “May iuutos ba kayo, Sir?” tanong niya sa malamig na boses.

“Huwag na huwag kang mai-in love sa akin o magkaka-interes sa akin kung ayaw mong mawalan ng trabaho,” babala nito. “You are dismissed.”

“You are dismissed,” gagad niya sa sinabi nito nang mag-isa na lang siya sa kuwarto niya. “Bawal na bawal kang ma-in love sa akin.”

Para namang may kontrol siya sa nararamdaman niya. Matagal na siyang in love dito pero wala naman siyang magawa para pigilan iyon. Ano ba ang ikinakatakot nitong ma-in love siya dito? Ikamamatay ba nito? Kung malalaman lang sana niya ang tunay na nasa isipan ng lalaking mahal niya at kung ano ang tunay na nararamdaman nito.

But Draco was an enigma. Parang madami itong itinatago. Beneath that dark and cold facade, she knew there was a man whom he didn’t want the world to see. Sana ay malaman niya kung ano ang tunay na Draco Montague.

NGITING-NGITI si Tennessee habang kumakain ng choco-mandarin cake na siyang dessert sa Lighthouse Restaurant. Katatapos lang ng meeting ni Draco at inaaayos nito ang isang conference para sa ilang doktor para sa pagkalat ng mga bagong virus at ang ilalabas nilang bagong line ng gamot para sagupain ito.

Dalawang linggo na sila sa isla at di pa rin sila bumabalik ng Manila. Natatagalan niya ang presensiya ni Draco. Bumalik na siya sa dating wardrobe. Di naman na basta-basta lalapit ang mga kalalakihan sa Stallion Island sa kanya dahil ayaw ng mga ito na makabangga si Draco.

Isa pang dahilan kaya prenteng-prente siya ay dahil doble ang sweldo niya. Wala siyang masyadong inaalalang bayarin. Marami namang advantage ang pagiging assistant ni Draco. Nato-tolerate niya ang kasungitan nito. The tables were turned now. Mas ito ang hindi maka-tolerate sa presensiya niya.

“Boss, bakit hindi kayo um-order ng dessert?” tanong niya at um-order pa ng pangalawang slice ng cake.

“I don’t like sweets,” sagot nito sa malamig na boses.

“Then you are missing a lot. Do you know that chocolate and sweets make you feel good? Mapapangiti kayo at mababawasan ang pagsimangot ninyo. Tapos feeling ninyo in love na rin kayo.” Huminga siya nang malalim at ngumiti nang isubo niya ang huling kutsarita ng cake. “Sige na, Sir. Treat ko.”

Matalim ang mga mata nito habang nakatitig sa kanya. “Are you trying to seduce me with chocolate cake?”

Natigilan siya. “Excuse me, Sir?”

“Look at your dress. It is sexy. Tapos gumagamit ka pa ng Stallion Shampoo para akitin ako.”

“Lahat naman ng babae Stallion Shampoo ang gamit dito, Sir.”

Stallion Shampoo and Conditioner ang official na shampoo sa isla. Hiyang sa kanya ang shampoo at mabango iyon. Alangan namang di siya mag-shampoo at kuskusin na lang niya ng seaweeds ang buhok niya. Praning talaga ito.

“Tapos dinagdagan mo na ang strategy para akitin ako. Dinagdagan mo pa ng chocolates. Malay ko ba kung palagyan mo ng gayuma...”

Napasipol siya. “Wow! You give me so much credit, Boss. Sexy na sa iyo ang formal office suit? Hindi naman ako naka-swimsuit. Masyado ka naman yatang affected sa alindog ko para mag-react ka nang ganyan.”

Nang nakakaraang araw kasi ay balot na balot siya. O sadyang maganda lang talaga siya. Mabuti iyon. Maakit ito sa kanya.

He suddenly looked crossed. Hindi siguro inaasahan ang pag-aanalisa niya. Kumalansing ang kutsarita nito nang ibagsak sa platito ng kape nito. “I am just telling you that it is a waste of time. Wala kang mapapala sa pang-aakit sa akin.”

“Boss, kung gusto kitang akitin dati ko pa ginawa. Di naman nalalayo ang kuwarto mo sa akin. Matagal na sana kitang ginahasa.”

“Hindi mo lang magawa dahil naka-lock ang kuwarto ko.”

Humalakhak siya at lalo pa itong pinakatitigan. His face was red beat. “Boss, masyado ka namang pa-virgin.”

“Anong pa-virgin?” Matalim siya nitong tiningnan at saka ihinagis ang table napkin sa mesa saka tumayo. “Enjoy your dessert, Miss Carson.” Saka nito iniwan ang mesa.

Ngingiti-ngiti na lang siyang sumubo ng pangalawang serving ng dessert niya. Pikon na naman si Draco. Walang problema iyon sa kanya. Nag-e-enjoy siyang asarin ito. Hangga’t di siya nito inaalis sa trabaho, magpapakasaya siya.

Matapos mag-lunch ay plano niyang habulin si Draco. Kahit di kasama sa privilege niya bilang isang guest na gamitin ang tracker para makita kung sinumang taga-isla na kailangan niyang hanapin ay may koneksiyon naman siya sa security office. Kaibigan niya ang isa sa staff doon na si Arjhilleyne. Pwede nitong hanapin si Draco para sa kanya. Nagsisilbi kasing tracking device ang singsing na suot ng sinumang papasok sa isla. Bubulabugin na naman niya ang mundo ni Draco.

Pasakay na siya ng electronic jeepney habang kausap sa telepono si Arjhilleyne nang may humarang sa dadaanan niya. “Tennesee!”

Muntik na niyang maibagsak ang cellphone nang makilala kung sino ang kaharap niya. “Tommy?”

“Hi, Nessie! Na-miss mo ba ako?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.