Stallion Island Series Chapter 120

Nanlamig ang buong katawan ni Nessie nang makaharap ang dating nobyo. Isa itong masamang panaginip. Nasa Stallion Island ang lalaking pinakaiiwasan niya.

“Anong ginagawa mo dito?” bulalas niya.

“Nalaman kong nandito ka kaya sumunod ako. Hindi ka ba natutuwang makita ako?” tanong nito at ibinuka ang mga kamay.

Dali-dali siyang lumayo nang nagtangka itong yakapin siya. Akala niya ay ligtas na siya sa Stallion Island. Akala niya ay hindi na siya masusundan pa nito. Wala na bang lugar sa mundo na di siya nito masusundan?

“Tommy!” saway agad niya dito. Handa siyang batuhin o pukpukin ito ng takong ng sapatos niya kapag lumapit ito sa kanya o kaya ay ipadampot ito sa guwardiya. Ang huling gusto niya ay makita ito sa Stallion Island. Ito nga ang tinatakasan niya kaya nagtitiis siya sa kasungitan ni Draco. Tapos ay nakasunod pa rin ito. At nagagawa pa nitong ngumiti sa kanya.

Namaywang ito at lalo pang nilaparan ang ngiti. “Come on! Alam ko naman na miss na miss mo ako. Matagal din tayong di nagkita. Ni hindi ko matawagan ang cellphone mo. Kaya nga ginawa ko ang lahat para makarating dito makita ka lang. All I want is a hug.”

“No!” tutol niya. “Aalis na ako. Marami pa akong trabaho. Enjoy your stay here at the island.”

Pinili niyang maging malamig dito. He was unwanted. Kung anumang respeto at pakikipagkaibigan na handa siyang ibigay dito noon ay nabago nang gusto nitong pagtaksilan ang asawa nito sa pamamagitan niya.

“Ni hindi mo man lang ba ako tatanungin kung paano akong nakapasok dito sa teritoryo ng boyfriend mo?” tanong nito nang harangan siya.

Wala na siyang lakas na magtanong dahil hahaba lang ang usapan nila. Gusto rin naman niya iyong malaman. Hindi niya na-anticipate ang pagdating nito.

“Tommy, may trabaho pa nga ako,” giit niya. “Excuse me.”

“Mas mahalaga pa ba ang trabaho mo kaysa sa akin? Huwag mong sabihing pahahabulin mo pa rin ako. Come on! Nandito na nga ako. Show a little warmth and appreciation that I came here for you. Hindi ako pumunta sa birthday ng asawa ko para sa iyo.”

Napailing siya. Tindi talaga nito. Hindi na kinilabutan. “Tommy, I didn’t ask for it. Huwag mong isisi sa akin ang isang bagay ginawa mo pero di ko naman ginusto. Mas maganda kung kasama mo ang mag-iina mo.”

Hinaklit nito ang mga braso niya. “Pero gusto kitang makasama. Hindi sila!”

“Tommy, bitiwan mo ako!” utos niya.

Nagpumiglas siya pero di siya nito binitiwan. Walang mga tao sa paligid nang mga oras na iyon kaya hindi niya alam kung paano hihingi ng tulong. Sana talaga may tanong dumating para tulungan siya.

“Miss Carson, may meeting pa tayo. What’s taking you so long?”

Sumasal ang kaba sa dibdib niya nang paglingon niya ay nakahalukipkip si Draco. Anong ginagawa nito doon? Akala ba niya ay umalis na ito. Hindi iniwan na siya nito kanina?

Isang ideya ang kumislap sa isipan niya. Ito ang paraan niya para makatakas kay Tommy. “Nandiyan na!” aniya at tumakbo palapit dito. Nakangiti siya nang tingalain ang madilim ang mukhang si Draco. “Let’s go!”

Sinadya niyang lambingan ang boses at kumapit sa braso nito. Umani iyon ng pagsasalubong ng kilay ni Draco mula sa kanya. Iniisip na naman nito na inaakit niya ito. Saka na siya magpapalusot dito. Ang importante ay mailayo niya ito kay Tommy. Hindi pwedeng magkaharap pa ang dalawa. Malaking gulo ang lahat.

Nakahinga siya nang maluwag nang humakbang na si Draco. Di na rin niya nilingon pa si Tommy. Hindi siya halos humihinga habang pinakikiramdaman ang susunod na hakbang ni Tommy. Madala na sana ito. Kung siya ang pinagbantaang itatapon sa Ilog Pasig, di na niya nanaisin pang makaharap ang taong nagbanta sa kanya. Sana naman ay mas natitira pang common sense dito.

Parang napakabagal ng oras habang pasakay sila ni Draco sa naghihintay na electronic jeepney nang marinig niya ang mga yabag ni Tommy na humahabol sa kanila. “Sandali lang, Draco Montague!”

Sa halip na sumakay ng jeepney ay tumigil si Draco at hinarap ito. “Yes? Is there anything I can do for you, Mister?”

Namaywang si Tommy na akala mo ay malaking tao. Apat na pulgada ang tangkad ni Draco dito pero di man lang ito nanliliit. Di niya alam kung malakas lang ang loob nito o makapal ang mukha. O nasisiraan ng bait. Mukha kasing hindi ito magpapakumbaba. Bagkus ay handa itong makipagtuos kay Draco.

“Akala mo siguro hindi ako makakaharap pa sa iyo at hahayaan ka na lang na takutin akong lumutang-lutang sa Ilog Pasig. As you can see, nandito ako sa isla mo. Susundan kita kahit saan mo pa dalhin si Nessie.” Luminga-linga ito sa paligid na parang nagmamalaki. “Di naman pala ganoon kahirap makapasok nito. Kaya huwag kang masyadong magpakakampante.”

“Do I know you?” Draco asked in a cold voice.

Uh-oh! Ganitong klaseng komprontasyon ang ayaw niya. Pero hindi niya alam kung paano pa paglalayuin ang dalawa lalo na’t nakuha na ni Tommy ang atensiyon ni Draco. Bwisit talagang Tommy ‘to! Wala na siyang magagawa ngayon para pigilan ang paghaharap ng dalawa maliban na lang kung bumuka ang lupa at lamunin si Tommy o kaya ay may dumating na dambuhalang alon at tangayin ito.

“I am Tommy Ballestro. Nessie knows me,” anitong may halo pang pagmamalaki.

“And so?” nakakunot-noong tanong ni Draco.

“Nagkita na tayo dati.”

Pinakatitigan pa ito ni Draco at umiling. “I am sorry. I don’t remember you.”

“Ano? Hindi mo ako natatandaan?” galit na bulalas ni Tommy. “Iniinsulto mo ba ako? Titigan mo akong mabuti para matandaan mo ang lalaking pinagbantaan mong lulutang sa Ilog Pasig. Pwes, hindi ako natatakot sa iyo.”

Nilingon siya ni Draco. “What is this all about, Miss Carson?”

“Huwag mo na lang pansinin. May meeting ka pa.” Sana naman ay makinig na sa kanya si Draco. It was a mess! Hindi niya kayang magpaliwanag kay Draco nang kaharap nila si Tommy. Masisira ang cover up niya.

“Huwag si Nessie ang tanungin mo! Ako ang harapin mo!” utos ni Tommy. “Baka naman natatakot ka sa akin…”

Draco stood up in full height. Naging matalim ang mga mata nito at matiim ang mga labi. Mukhang di ito natuwa nang sigaw-sigawan ito ni Tommy. Kung matalino si Tommy, tatakbo na lang ito palayo kay Draco nang mga oras na iyon. He looked dangerous. Isang maling salita lang mula kay Tommy, baka di na nito nanaisin pang makita ang sikat ng araw.

“I don’t issue threats, Mister. Dahil kung nagkita na tayo dati, hindi mo na magagawang humarap sa akin sa pangalawang pagkakataon para pagmalakihan at pagbantaan ako.” Inilapit ni Draco ang mukha dito at di kumukurap nang titigan si Tommy. “Kaya pag-isipan mo muna kung guguluhin mo ako. I don’t really like people messing up with me. Kaya mabuti pang layuan mo na lang ako kung may gagawin kang di maganda dahil makikita mo ang hinahanap mo.”

“Umalis na tayo,” sabi niya at hinila si Draco palayo. Sumunod naman si Draco pero iniwan ng isang matalim na tingin si Tommy.

Namumutla si Tommy nang iwan nila. Ni hindi ito nakapagsalita man lang. Draco had a chilling effect.

Pagsakay ng electronic jeepney ay tumawag si Draco sa cellphone. “San Miguel, I am afraid I have to cancel my appointment. I have something really important to attend to. Thank you!”

Anong importanteng appointment kaya iyon? Pinili niyang manahimik na lang. Baka mamaya ay may mga maling salita siyang masabi at bumalandra lang sa pagmumukha niya ang itatanong niya.

Sumunod naman nitong tinawagan ay ang security office. “Oliver, there’s a guest in the island. A certain Tommy Ballestro. Kindly send me information about him. Hindi ko gusto ang hilatsa ng mukha ng lalaking iyon. Just give me the information and I will tell you the details later.”

Nagiging seryoso na ito. Pati ang security ay ii-involve na nito. Ano kaya ang mangyayari kay Tommy? Isa lang naman ang inaalala niya. Kailangang di malaman ni Tommy na wala talaga silang relasyon ni Draco. Pero paano ba siya lulusot ngayon? Si Draco lang naman ang pwedeng makatulong sa kanya.

“Miss Carson,” untag sa kanya ni Draco.

Napapitlag siya sa kinauupuan. “Sir!”

“Mukhang marari kang ipapaliwanag sa akin.”

HINDI makatingin nang diretso si Tennessee kay Draco. Magkasalikop ang mga kamay niya habang nakaupo sa circular couch sa gitna ng sala nito. Palakad-lakad naman ito sa harapan niya.

Tirik ang araw sa labas pero sobrang lamig ng pakiramdam niya. Nakadagdag pa sa kaba niya ang kadilimang bumabalot sa bahay ni Draco. Ang mga lampara lang ang nagbibigay ng liwanag sa kanila. Hindi tuloy siya sa makahinga sa sobrang kaba at anumang oras ay magko-collapse na siya. Bwisit talagang Tommy ‘yon! Kahit kailan ay perhuwisyo ito sa buhay niya.

“Miss Carson, kailangan pa ba kitang tanungin o malaya kang magku-kwento sa akin nang di kita kailangang pilitin?” tanong ni Draco.

“S-Sir, hindi ko alam kung saan magsisimula.”

“Let’s start with Tommy BAllestro.”

“Ex-boyfriend ko po siya, Sir. Pero seven years na kaming hiwalay nang magpakasal siya sa ibang babae.”

“Ano pang kailangan niya sa iyo? Break na pala kayo.”

“Errr… Gusto niya na magkaroon kami ulit ng relasyon.”

“Pumayag ka naman?” mainit na tanong ni Draco sa kanya. Parang gusto siya nitong hiwa-hiwain nang pino sa talim ng mga mata nito.

Matinding iling ang isinagot niya. “Naku, Sir! Hindi po! Galit nga ako sa mga lalaking manloloko. At lalong galit ako sa mga lalaking kasal na, may asawa’t anak pero mang-iiwan ng pamilya kapag di na masaya sa buhay. Aasa-asawa siya ng iba at aanak-anak siya. Magdusa siya!”

“Bakit ganoon kung magsalita ‘yon? Parang girlfriend ka pa rin niya at inaagaw kita sa kanya? Saka di ko maintindihan kung bakit nag-i-insist siya na nagkita na kami dati at pinagbantaan ko daw siyang palulutangin sa Ilog Pasig? That is so lame! I can do better than that.”

“Hindi pa nga po kayo nagkikita, Sir.” Nakagat niya ang labi. “Ang totoo si Sir Diego na po ang nakilala niya.”

“Si Diego?”

Marahan siyang tumango. “Sir, naalala po ba ninyo ang picture namin ni Sir Diego sa isang party? Pinagpanggap ko po siyang boyfriend ko para iwasan si Tommy. Ayaw kasi niya akong tigilan. Nandoon din siya sa party. Nag-aalala na ako dahil sa mga huling tawag niya sa akin, iiwan na daw niya ang asawa’t anak niya para sa akin. Di yata niya maintindihan na ayoko na sa kanya. Naisip ko na titigilan lang niya ako kung may boyfriend na ako.”

“At si Diego ang pinagpanggap mo.”

Itinaas niya ang kanang kamay. “I swear! It was all pretense. Wala po kaming relasyong dalawa. Slam po ni Ma’am Frannie ang tungkol dito. Siya pa nga po ang kumumbinsi kay Sir Diego na magpanggap.”

“Wala kayong relasyon?” tanong nito at tumayo sa harapan niya.

UMiling siya. “Wala po.”

Iwinasiwas nito ang kamay. “Bakit hindi mo sinabi sa akin? Pinag-isipan pa kita ng masama. May dahilan ka naman pala para magpanggap.”

“Kasi baka di rin naman kayo maniwala sa akin. Kahit naman kasi anong ikatwiran ko sa inyo, nakakaisip pa rin kayo ng paraan para palabasing masama kaong babae, etcera, etcera!”

“Kung sinabi mo sa akin, baka…” TUmalikod ito at sinapo ang ulo. “Anyway, you are right. Puro masama pa rin ang iisipin ko tungkol sa iyo. I don’t really trust women where my brother is concerned. Gusto ko lang protektahan ang relasyon nilang dalawa ni Frannie. They are meant to be together.”

“Iyon din naman po ang naisip ko nang nagtatrabaho pa ako sa kanya dati. At least ngayon malinaw na po. Wala talaga kaming relasyon.”

“Mabuti naman at may silbi sa lipunan ang kapatid ko. Ibig sabihin, siya ang nagbanta sa ex-boyfriend mo na palulutangin niya sa Ilog Pasig? That’s lame!”

“Hindi naman po kasi siya bayolenteng tao. Iyon lang po ang naisip niyang paraan para matakot sa kanya si Tommy. Hindi ko lang po talaga maintindihan kung bakit di pa rin natatakot si Tommy sa banta niya.”

Ipinagpag nito ang palad sa pantalon. “Baka nga hindi convincing si Diego. Kahit noong bata pa siya, di talaga siya nakikipag-away. Nang minsang may sumuntok sa kanya, siya pa ang unang nakipagbati.”

“Hindi nga po mahirap para sa kanya ang magpanggap.”

Hinaplos ni Draco ang sariling baba habang nakatitig sa kanya. “There’s something that bothers me. Bakit tinawag akong Draco ng ex-boyfriend mo? Kung si Diego ang pinagpanggap mong boyfriend mo, di ba dapat tawagin niya akong Diego at hindi sa pangalan ko?”

Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Di niya alam kung ano ang isasagot dito. Drat! Paano ba siya magpapaliwanag ngayon? “Well… I…”

“Miss Carson, bakit di mo masagot ang tanong ko?”

“S-Sandali lang, Sir.” Heto nga at nag-iisip na siya ng isasagot. Mamamatay siya sa nerbiyos dahil dito. Di na nga siya nag-iiinom ng kape.

Umuklo ito sa harapan niya at nagkatapat ang mukha nila. “Tama ba ako ng pagkakaintindi? Ako ang ipinakilala mong boyfriend kay Ballestro?”

Nanlulumo siyang tumango. “Sir, hindi ko naman sinasadya. Nang magkaharap kasi kami ni Tommy, kayo agad ang pumasok sa utak ko nang sinabi kong may boyfriend ako. Nagbubuklat kasi ako ng magazine noon at kayo ang naka-feature. Humabi na lang ako ng kwento. Nang malaman kong magkikita kami sa isang party, wala akong choice. Kailangan kong hatakin si Sir Diego. Inayusan ko na lang para magmukhang ikaw siya. Saka di ko naman pwedeng ipakilala si Sir Diego. What if mag-imbestiga si Tommy? Malalaman niyang may girlfriend talaga si Sir Diego. Makakahanap siya ng butas para lalong lumapit sa akin. Pero di ko talaga sinasadyang gamitin kayo nang walang permiso.”

“Iyon lang ba talaga?”

“Opo, Sir! IYon lang talaga. Maiintindihan naman po ninyo ako, di ba?”

“Miss Carson, di kaya may gusto ka sa akin?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.