“Bastard! Kapal talaga ng mukha ng Tommy na iyon!”
Sinipa ni Tennessee ang kahoy na gate ng kuwadra ni Dark Knight. Di siya makatulog sa inis kay Tommy habang inaanalisa ang inakto nito. Kaya naman naisipan niyang ilabas ang sama ng loob sa pagkausap kay Dark Knight, ang kabayo ni Draco. He was a highly intelligent creature. Maiintindihan siya nito.
Humalinghing si Dark Knight nang muli niyang sipain ang pinto. Pero alam niyang sumasang-ayon ito sa kanya. “Ano? Gusto mo ipatalaktak ko sa iyo? Naaawa lang talaga ako sa asawa’t anak niya. Pero para sa akin talaga dapat nililikida na ganoong klaseng tao.”
“Mukhang mas matindi pa ang galit mo kay Tommy Ballestro kaysa sa inaakala mo. Lilikidahin is such a strong word. Parang ipapaanod sa Ilog Pasig?”
Gulat niyang nilingon si Draco. Nakasandal ito sa hamba ng pinto ng kuwadra habang nakahalukipkip. He was wearing a dark gray long sleeve shirt and black pajamas. Nasisinagan ng liwanag ng buwan ang itim na buhok nito. He was like a god of the moon. Na bumaba sa lupa para akitin siya.
“Kanina ka pa diyan?” Tumango ito. “Akala ko tulog ka na.”
“I heard Dark Knight from my room. Nag-alala ako. Iyon pala kausap mo lang siya. Wala ka bang planong matulog?”
“Gusto ko lang palipasin ang galit ko.”
Inugoy nito ang gate ng kuwadra. “Mabuti hindi nasira sa lakas ng sipa mo.”
“Sir, pwede bang salary deduction na lang kung may nasira ako?”
“No damage done. So tell me, how’s Ballestro as a boyfriend?”
Pumulot siya ng hay at nilaro-laro iyon sa daliri. “Babaero iyon bago ko naging boyfriend. Pinahirapan ko talaga siya bago ko sinagot. Two years ko din siyang naging boyfriend. Matalino kasi siya. Siya nga minsan gumagawa ng project at assignment ko. Akala ko nga okay ang relasyon namin. May mga pangarap na kami pag-graduate namin hanggang magbakasyon siya sa province nila. Nabuntis niya ang kababata niya.”
“Anong naramdaman mo nang malaman mo?”
Mapait siyang ngumiti at ihinagis ang hay sa lupa. “Nainsulto ako. Sinisi pa niya ako kung bakit siya naghanap ng iba. I don’t engage in pre-marital sex. Ilang beses ko na siyang tinanggihan.”
“Bastard!” bulalas nito at kinabig siya ng yakap.
Nagulat siya nang maramdaman ang init ng katawan nito. Hindi na sila nagpapanggap. Wala nang ibang tao sa paligid. But Draco was holding her as if Tommy had just broken her heart. At kailangan niya ng yakap nito.
“Sir, seven years ago na po iyon. It’s over.”
“He is a bastard. At dahil lumalapit na naman siya sa iyo, lalo lang kitang gustong protektahan. Di pa ba siya nasiyahan na sinaktan ka niya dati?”
Isinubsob niya ang mukha niya sa dibdib ni Draco at sinamyo ang bango nito. Wala na siyang pakialam kahit ilang beses siyang saktan ni Tommy. May Draco naman na nakakaintindi sa kanya. May Dracong poprotekta sa kanya. Pasalamat pa siya kay Tommy dahil ito pa ang dahilan para magkalapit sila ni Draco. Kundi dahil sa kahangalan nito ay di siya mayayakap ni Draco nang ganito.
“It’s okay. Nasampal ko naman siya dahil doon.”
“Atta girl!” usal nito at pinakawalan siya. “I hope he didn’t make you feel less of a woman. Hindi kailangang laging physical ang basehan sa isang relasyon. There must be respect as well.”
“Ewan ko kung nagkamali ako nang tulungan ko si Tommy two years ago. Nang magkita ulit kami, nalulong siya sa bisyo. Sigarilyo, alak at babae. And his parents were afraid baka pati drugs. Sinisisi daw niya ang sarili niya dahil iniwan niya ako at ipinagpalit sa iba. Nanghinayang ako dahil matalino siya. So I asked him to fix his life. Ini-refer ko pa siya sa iba’t ibang kompanya hanggang ma-hire siya sa Streah.”
“At nagtino naman siya?”
Tumango siya. “Nakita mo naman siguro na kahit si Sir Mattheu hanga sa kanya. But he told me that he is not doing it for his family. Ginagawa daw niya iyon para magkasama na kami ulit.”
“Other women would take a chance on their past love when opportunity presents itself.”
Tumiim ang anyo niya at sinipa niya ang lupang inaapakan niya. “Hindi ako magiging katulad ng babaeng dahilan kung bakit iniwan kami ng tatay ko.”
She could vividly remember her mother’s frail body. Di mawala sa isipan niya ang lungkot sa mga mata nito. Sa bawat araw na nagdadaan ay parang patay na buhay na ito. Umaasa sa pagbabalik ng tatay niyang ibinaon sila sa pagkakautang habang nagpapakasaya ito kasama ang kabit nito. At sa ganitong sitwasyon, ang mga bata ang higit na kawawa. Nabubuhay nang dala ang hinanakit na ginawa ng magulang na nang-iwan o nanloko. Dahil pa sa ginawa sa kanya ni Tommy, mas nahirapan siyang magtiwala sa lalaki.
Until Draco came into her life. May sariling nakaraan ito na pilit na tinatakasan. Takot itong magmahal. Kaya siguro attracted siya dito dahil nasasaktan din ito kagaya niya. He pushed people away because he didn’t want to hurt anymore.
Hinuli nito ang ilang hibla ng buhok niya at nilaro sa daliri nito. “You deserve someone better than Ballestro. Someone who will love you and respect you.”
Mataman nitong tinitigan ang mukha niya. As if he was memorizing her face. Ano ba ang nakikita ni Draco sa kanya? He was staring at her as if he saw her for the first time in his life. Katulad nang titigan siya nito nang unang beses silang nagkita sa costume party tatlong taon na ang nakakaraan. As if he was ready to devour her. That was the day she declared that she had fallen for him. Wala siyang kahit anong paliwanag dahil di pa naman niya ito kilala noon. Basta naramdaman na lang niya.
Nahiling sana niya na ito ang lalaking nakahandang magmahal sa kanya at irespeto siya. Dahil si Draco lang ang gusto niyang pumuno sa kulang sa buhay niya.
“Malamig na dito. Magpahinga ka na. Baka magkasakit ka pa.”
Ilang beses pa siyang kumurap at sinundan ito ng tingin nang magpaalam itto kay Dark Knight. “Thank you!” nausal niya.
Ngumiti ito sa kanya. “Welcome! Goodnight!”
Parang zombie siya nang bumalik sa kuwarto niya. Parang isang panaginip lang ang lahat. Tama ba ang nakita niya? Nginitian siya ni Draco. That night was full of surprises. Hinalikan siya ni Draco, niyakap at nginitian. She could get used to this.
HINATAK ni Ternnessee pati ang kumot nang bumaba ng kama para sagutin ang kumakatok at tumatawag sa kanya sa pinto. Sobrang lamig ng panahon at sarap na sarap pa siyang matulog. Nakapikit pa halos siya nang buksan niya ang pinto. Sino ba ang nambubulabog sa kanya nang ganito kaaga?
“Ano ‘yon?” paungol niyang tanong at kinusot ang mga mata.
“Good morning, Miss Carson!”
Biglang nawala ang antok niya nang makitang nakatayo sa labas ng kuwarto niya si Draco. He smelled good and fresh. Nakapag-shower na ito at nakasuot ng black na long sleeve shirt.
Saka niya na-check kung ano ang itsura niya. Magulo ang buhok niya. Hindi pa siya naghhilamo at hindi pa siya nagmumumog. Lagi siyang nakaayos kapag humaharap kay Draco. Pero ngayon ay kagigising pa lang niya at hindi sexy na pantulog ang suot niya. Balot siya ng kumot at mukhang buhay na bangkay.
“Sir Draco!” bulalas niya at biglang isinara ang pinto. Hindi siya dapat nakita nito nang muikhang busabos.
“Miss Carson, ano bang… Buksan mo ang pinto.”
“After fifteen minutes, Sir.” Nagtatakbo siya sa banyo at dinampot ang toothbrush niya. Mukhang may panis na laway pa siya kanina. Major turn off.
“Yayayain lang sana kitang pumuntang simbahan.” Binilisan niya ang pagtu-toothbrush at hinayaan itong magsalita. “Naalala ko kasi dati na maaga kang gumising para magpuntang simbahan. Kaya sabay na lang tayo.”
Iyon ay nang araw na inakala niyang sisesantehin siya ni Draco. But he didn’t. Hindi niya inaasahang yayayain siya nitong magsimba.
“Okay lang ba sa iyo?” tanong nito.
“Just give me fifteen minutes, Sir.”
Hindi niya palalagpasin ang pagkakataong makasama itong magdasal. Parang ipo-ipo ang kilos niya. Sumalang siya sa ilalim ng shower. Napahiyaw siya sa sobrang lamig at nanginginig ang kamay na dinampot ang Stallion Shampoo.
Kung ibang lalaki siguro ang nagyaya sa kanya ay hindi siya magkukumahog na sumama at di siya magkukumahog na magpaganda. There was suddenly so much energy around her. Samantalang magdadasal lang naman sila. Parang makikipag-date siya. Di lang niya alam kung sapat na ang kinse minutos para maging presentable kay Draco.
Mamasa-masa pa ang buhok niya at di man lang siya nakapag-make up nang puntahan si Draco sa front porch. Ayaw niyang paghintayin ito. Baka magbago ang isip nito at iwan siya.
Dumilim ang mukha nito nang pagmasdan siya. Hindi nito nagugustuhan ang nakikita nito. “What?” bulalas niya. Alam niyang hindi siya masyadong nakapag-ayos pero di naman siguro siya ganoon kapangit.
“Mas gusto ko ang suot mo noong nakakaraang araw.”
Niyuko niya ang sarili. She was wearing skinny jeans and white blouse. Noong nakakaraang araw ay lagi siyang nakaitim at halos matakpan ang buong katawan niya. “Mas gusto mong mukha akong laging nagluluksa?”
““That’s safer. Lalo lang magkakagusto sa iyo ang Ballestro na iyon.”
“I have you to protect me. Saka hindi ako nagbihis ng ganito para sa kanya.”
Hinawakan nito ang siko niya. “Bakit ganyan ang suot mo?”
Dahil gusto niyang mapansin siya nito. And she knew it affected him. Wala siyang pakialam kay Tommy. “Ayokong ma-heat stroke kung lagi akong mag-iitim. Dapat nga magpalit ka rin ng wardrobe. Di ka ba naiinitan sa suot mo?”
“I like black,” usal lang nito at sinabayan siyang maglakad. Nang lalabas na siya papuntang kalsada ay inakay siya nito papunta sa naghihintay na si Dark Knight. “Dito tayo sasakay.”
“A-Aangkas ako sa iyo?” nakanganga niyang tanong habang nakatitig sa makisig nitong kabayo.
“Of course. You formed a bond with Dark Knight. Sa palagay ko naman hindi ka niya ihahagis. Saka hindi ka pa naman marunong magpatakbo ng kabayo.”
“Alam mo ba ang ibig sabihin kung iaangkas mo ako sa kanya?”
“That you are my chosen one? Yeah! Iyon ang tradisyon kahit sa Stallion Riding Club. Mas maganda iyon para malaman ni Ballestro na seryoso talaga ako sa iyo. This is one of the sweetest gesture that a member can do for a girl.” Inilahad nito ang palad sa kanya. “Let’s go!”
Inalalayan siya nitong sumampa kay Dark Knight. Parang nakalutang pa rin siya nang si Draco naman ang sumampa sa may bandang likuran niya.
“This is just pretense.” Hindi niya alam kung sa sarili niya iyon sinasabi o kay Draco. Parang sa panaginip lang kasi iyon nangyayari. Na iaangkas siya ni Draco sa kabayo nito na parang prinsesa. Pero kailangan din niyang maalalang isang pagkukunwari lang ang lahat.
“Wala namang makakaalam na nagkukunwari lang tayo.”
Sana ay hindi rin niya alam na nagkukunwari lang sila. The warmth of his body against hers felt so good. His arms were strong around her. At kinikiliti ang ilong niya ng bango nito nang isandig niya ang pisngi sa dibdib nito. Hindi niya maramdaman ang malamig na hangin o ang hagupit niyon sa balat niya. Parang pinoprotektahan pa rin siya ni Draco.
Papunta sa simbahan ay nasalubong nila si Mattheu na papunta naman sa Thunder Village para mag-rock climbing. Kasama ng mga ito si Tommy. “O! Saan kayo pupunta?” tanong ni Mattheu.
“Magdadasal,” sagot ni Draco. “Then we’ll have breakfast together.”
“Mabuti naman at nakita kong nasisikatan ka na ng araw ngayon, Draco,” sabi ni Mattheu at sumaludo. “If you have time, mag-rock climbing din kayo.”
“Next time maybe,” sabi ni Draco at nagpaalam na. Ni hindi niya halos pinapansin si Tommy dahil nasa kay Draco lang ang paningin niya. Mas guwapo ito kapag nasisinagan ng araw.
“Napansin mo ba si Ballestro? Masama ang tingin sa akin,” sabi ni Draco.
“I didn’t notice.” She didn’t even care. Ang alam niya ay ipinagmamalaki siya ni Draco sa mundo bilang nobya nito. At wala siyang pakialam sa pagkukunwari nila. O kung nag-e-exist man sa mundo si Tommy o hindi.
Nagsalubong ang kilay nito nang niyuko siya. “May problema ba sa mukha ko? Kanina ka pa nakatitig.”
He was too good looking for his own good. Hindi ito nakakasawang titigan. “I am supposed to look like a devoted girlfriend. At walang ibang guwapo o walang ibang lalaki sa paningin ko kapag nasa paligid ka.”
He didn’t argue with her. Iinutusan nitong tumakbo si Dark Knight papunta sa Central Town. Nagsisimula nang sumabog ang liwanag nang dumating sila sa simbahan. Sinubukan niyang mag-concentrate sa pagdadasal pero nararamdaman niyang may nakatingin sa kanya. She didn’t have to look. She knew it was Draco. Wala na halos siyang naiintindihan sa dinadasal niya dahil nadi-distract siya nito. Matapos humingi ng paumanhin sa Diyos at nangakong babawi sa susunod ay dali-dali siyang lumabas ng simbahan.
Huminga siya nang malalim at pinagmasdan ang malawak na dagat sa di kalayuan. Masyado na siyang nadadala sa nararamdaman niya kay Draco. Hindi nakatulong sa kanya ang pagkukunwari nila. She wanted to keep her feelings to herself. Pero kung lagi silang magkakasama, bawat tingin nito sa kanya at paglalambing nito ay nagiging totoo sa kanya. Naguguluhan lalo siya.
Kalalakad niya ay nakarating siya sa tabing-dagat. Nasabog na ng liwanag ang araw at malamig ang hangin mula sa dagat. She knew she was in love with Draco. Pero sa bagong trato nito sa kanya ay lalo lang siyang nai-in love dito. Nagiging totoo ang pagpapanggap sa kanya dahil kahit walang ibang tao sa paligid ay umaakto pa rin itong boyfriend niya.
“What’s bothering you?” tanong ni Draco na akay-akay si Dark Knight. “Si Ballestro ba?”
Umupo siya sa buhanginan at di ito nilingon. “Ikaw. Tingin ka nang tingin sa akin.”
“Masama ba? May mga mata ako.”
Matalim niya itong sinibat ng tingin. “Hindi ako makapag-concentrate magdasal kanina.” There was warmth in his eyes when he looked at her. Ni halos di ito kumukurap habang nakatiitg sa kanya. “Ayan ka na naman!”
“Hindi ka na nagdadasal ngayon.”
“Huwag ka ngang titig nang titig sa akin dahil baka ma-in love ako sa iyo.”
Tanging alon lang ng dagat, ang huni ng mga ibon at ang malakas na tibok ng puso niya habang hinihintay ang reaksiyon nito. Magagalit ba ito? Sisigawan ba siya nito? Nagulat siya nang tumawa ito ng pagak. Parang di nito sineseryoso ang sinabi niya. “Miss Carson, I know you better than that. Hindi ka ganoon kadaling ma-in love. Si Ballestro nga ilang buwang nanligaw sa iyo bago mo sinagot.”
Kay Tommy iyon. Pero hindi kay Draco. She fell in love with him at first sight. All it would take was another look of warmth in his eyes and she’ll fall harder.
Namaywang siya. “Just a fair warning, Sir. Huwag ninyo akong tititigan na katulad kanina kundi naman kailangan. Kung kailangang maging masungit ulit kayo sa akin kapag tayong dalawa lang at walang ibang nakakakita, okay lang sa akin. Dahil kapag tayong dalawa lang at mabait pa rin kayo sa akin, baka iba na ang isipin ko. Na hindi na kayo nagkukunwari sa akin. Just a little consideration. Dahil ayokong mawalan ng trabaho.”
Mahabang sandali siya nitong tinitigan. There was a hard look in his eyes. Inaanalisa ang lahat ng sinabi niya. Sa huli ay tumango ito. “I understand. Ayoko rin namang mawalan ng magaling na assistant. Mag-breakfast na tayo. Malapit lang ang Stallion Wave dito. May meeting pa tayo ng nine o’clock.”
Pormal na pormal ang boses nito at nakita niya ang pagtigas ng anyo nito bago siya talikuran at naglakad ito palayo. Di naman mali ang ginawa niya, di ba? Pinoprotektahan lang niya ang sarili niya. May hanggang ang pagpapanggap nila ni Draco. Mabuting habang maaga pa lang ay malinaw na iyon sa kanya.