“Nessie-girl, you must act now. Napagpanggap mo nang boyfriend mo si Kuya. Kailangan mo na siyang pikutin.”
Kung kaharap lang niya si Diego, gusto niya itong pukpukin ng sapatos. “Will you stop giving me ideas? Heto nga at nahihirapan na ako sa pagpapanggap namin. Kaya nga sabi ko huwag na siyang maging sweet sa akin kung wala lang din namang ibang tao.”
She didn’t want to expect too much from Draco. Ayaw niyang isipin na totoo ang pagiging sweet nito sa kanya samantalang hindi naman iyon ang nature nito. Nangangarap lang siya ng mga bagay na imposible.
“Hindi mo ba naiisip na baka bumabalik na ang totoong Draco? My brother used to be a sunny person. Umaasa lang naman ako na tutal nagiging mabait na siya sa iyo, bumalik sa dati ang kapatid ko.”
“At paano naman ako? Lalo lang akong mai-in love sa kanya. Your brother won’t change overnight. Mabuti nang malinaw na sa aming dalawa kung kailan kami nagpapanggap at kung kailan hindi.”
“Sana nga habambuhay na lang kayong magpanggap. Ayoko nang makitang masungit ulit at nakasimangot ang kapatid ko. Ayoko nang mag-isa siya.”
Naiintindihan niya ang sentimyento ni Diego. Bilang kapatid ni Draco, nag-aalala ito sa inaakto ng kapatid mula nang mamatay ang kasintahan at ang magulang ng mga ito. He had to become tough. Subalit di niya maipaliwanag ang matinding kadilimang bumabalot kay Draco. As if he had ghosts in his past.
“Gusto ko na lang matapos ang pagpapanggap namin.” At kung mananatili pa rin ang pagiging sweet ni Draco sa kanya, siguro nga ay kailangan niyang tanggapin na may mabuti siyang naidulot dito. Pero kung wala naman, kahit paano ay hindi siya umasa. Masasaktan lang siya kapag umasa siya.
“Pinaka-okay na solusyon pa rin ang pikot.”
“Miss Carson, we should be going. Hindi natin pwedeng paghintayin ang mga village lords,” pormal na wika ni Draco nang silipin siya sa terrace.
Nagpaalam siya kay Diego at sumunod kay Draco palabas ng villa nito. He had been so formal since yesterday. Bumalik na naman ito sa pagiging Prinsipe ng Kadiliman. Mattheu’s team had other meetings. Sa laki ng Stallion Island ay hindi niya nakita si Tommy. Gaya ng pakiusap niya kay Draco ay malamig ito sa kanya.
“Nabasa mo na ba ang development para sa dini-discover nating gamot para hindi na mag-dialysis ang kidney patients? Nakahanda na rin ba ang proposal natin para sa blood letting program dito sa isla?”
Sinubukan niyang huwag magpakita ng emosyon habang meeting. Draco was back to being a cold yet efficient businessman. Walang ginawa ang mga village lords kundi tumango at pumirma sa proposed projects na isasagawa nito sa isla. Kahit ang iba pa nitong projects ay aprubado din ng grupo. This was the real Draco, the man who was not pretending. Dapat siyang maging komportable pero hindi. Mas gusto pa rin niya ang lalaki na kahit paano ay marunong ngumiti nang pakunwari. But that was asking too much, she knew.
Natigilan ang lahat sa pagkain sa Banyan Tree nang mag-flash sa LCD screen ang isang announcement. Ipinakita sa screen ang stand up comedienne na si Olay.
Narinig nila ang musika para sa announcement at napatingala sila sa LCD screen. Lumabas ang mukha ni Olay na may korona na bulaklak sa ulo. “Magandang Tanghali, Islanders! To couples out there, tonight is your night. Wind Cafe is inviting everyone to our Couple’s Night. Oras na para ipakita ninyo ang pagmamahalan ninyo sa isa’t isa.” Naglakad ito papunta sa kinauupuan ni Noah na busy sa pagta-type sa laptop nitong nakapatong sa coffee table. Biglang kumandong dito si Olay. “Katulad namin ni Fafa Noah.”
Napuno ng hiyawan ang buong Banyan Tree Restaurant at ganoon din sa mismong Windy Cafe kung saan kinukunan ang video.
“Ano ba?” asik ni Noah. “Umalis ka!”
“Wag kang magulo. Nasa camera tayo,” utos ni Olay. Pinagkrus pa nito ang magagandang legs at yumakap sa leeg ni Noah saka tumingin sa camera. “Kapag kayo ang mapipiling Couple of the Night, may free exotic date kayo sa The Peak courtesy of our lord prince, Prince Rostam.”
Kanya-kanyang approval ang ibang miyembro at guest sa ibang mesa. Isang malaking karangalan at pangarap ng marami na makatapak sa prestihiyosong palasyo ni Prince Rostam sa The Peak. Mistula iyong korona sa tuktok ng bundok lalo na kung gabi. Kahit ang mga members ay hindi basta-basta nakakatapak sa The Peak dahil mahigpit ang security. Maliban na lang kung may personal na imbitasyon sa prinsipe o kung makakakuha ito ng thumbprint approval mula sa tatlong village lord o kaya naman ay ipapatawag ng village lord councils para sa paglilitis.
Napamaang si Prince Rostam na mukhang inosente sa mga nangyayari. “Wait! Wala akong alam dito...”
“Hihihi!” bungisngis ni Jumeirah na slave nito. “Hohoho!”
Hinaklit ni Rostam ang braso nito. “Anong ginawa ninyo ni Kuya Raschid habang wala ako dito? Baka sa susunod nalaman ko na lang ibinenta na ninyo ang kaluluwa ko sa demonyo.”
“Huwag kang OA, Your Handsomeness. Naisip lang namin na bigyan ng kaligayahan ang mananalong couples. Sayang ang palasyo mo kundi mae-experience ng mga lovers. Saka hindi mababawasan ang kayamanan mo sa libreng dinner,” katwiran ni Jumeirah.
“Gusto ko ring manalo niyan!” sabi ni Ayumi na kapatid ng village lord na si Ryuhei at official fashion designer ng Stallion Island.
“Palagi ka namang nakakapunta sa The Peak,” wika ni Alexandros.
Kumapit si Ayumi sa braso ni Raddison. “Siyempre iba pa rin kapag ka-date ko si Raddison.”
Pilit na kumawala ni Raddison pero sadyang nakakapit na dito si Ayumi. “Ryuhei, pwede bang ilayo mo sa akin itong kapatid mo?
“May usapan kami na kapag twenty-one na ako, di sila makikialam ni Kuya Ryuji kung sinuman ang pikutin ko. Desshou?” nakataas ang kilay na tanong ni Ayumi sa kapatid.
“Hai! Hai!” Inabot ni Ryuhei ang balikat ni Raddison at tinapik. “Goumen, tomodachi,” hinging paumanhin nito sa kaibigan.
“Huwag nga ninyo akong ma-Hapon-Hapon na magkapatid. I don’t want to hear this. Hindi na lang ako pupunta sa Couple’s night na iyan,” sabi ni Raddison.
“Basta ako pupunta. Malay mo doon ko mahanap ang ka-partner ko,” sabi ni Yllac at pinagkiskis ang mga palad. “How about the Prince and Princess of Darkness? Ano ba ang magiging talent ninyo tonight?”
“Talent?” tanong niya. “Kailangan ba ng talent?”
“Kailangan iyon para mag-qualify kayo sa mga finalist,” wika ni Andreev. “Ako din manonood kahit walang ka-partner. This will be fun!”
“Hindi ako pupunta sa Windy Cafe mamayang gabi,” deklara ni Draco sa mababa at malamig na boses. “Marami pa akong trabaho.”
Nag-angalan ang ibang members sa mesa. “Draco, hindi ka pa namin nakakasama kapag gimmick night. Akala naman namin kapag may girlfriend ka na, makakasama ka na namin,” wika ng supermodel na si Cody.
“Nessie, yayain mo siya,” ungot ni Trent na nagha-handle ng mga yate at catamaran sa isla.
“Bakit ba ayaw mong sumama mamaya?” tanong niya kay Draco nang matapos ang tanghalian nila. “Kung inaalala mo lang ang trabaho mo, pwede naman kitang tulungan. Kahit ako na ang gagawa.”
“Bakit ba gustong-gusto mong sumama ako?” paasik nitong tanong. “Siguro naman sapat na ang naipakita natin kay Ballestro para makumbinsi na girlfriend talaga kita. Kung guguluhin ka pa rin niya, ipatapon na lang natin sa Spratly’s Island para wala ka nang problema.”
Napamaang siya sa pagsusungit nito. Hindi na siya sanay nang napagsusungitan ni Draco. “Hindi naman ito tungkol kay Tommy. Naisip ko lang na gusto kang makasama ng mga kaibigan mo. You should have fun. Wala ka naman halos ginawa dito sa isla kundi ang magtrabaho. Kung lumalabas ka naman, si Dark Knight lang lagi ang kasama mo. Wala kang social life.”
“Hindi kasama sa job description mo ang pakikialam kung may social life ako o wala. At hindi rin dahil nagpapanggap akong boyfriend mo, aakto ka nang girlfriend ko kahit walang ibang tao.”
Parang isinampal nito sa mukha niya ang mga sinabi niya dito nang nakaraang araw. Iyon ba ang ginagawa niya? Umaakto nga ba siyang nobya nito?
“I am not acting like your girlfriend. Concern lang ako sa iyo. Pero kung ayaw mong mapakialaman, hindi na kita pakikialaman. Hindi rin ako magiging concern sa iyo,” nakayuko niyang sabi.
“Good! Nagkakaintindihan tayo. Edit our presentation for Friday. Maaga mo nang gawin para makasama ka sa couple’s night. Ayokong makahadlang sa social life mo, Miss Carson.”
Nang tumalikod ito at pumasok sa kuwarto nito ay nanlulumo siyang pumasok sa library. Siguro ay napapagod na rin si Draco na magpanggap. This was the real him. A grouch. Sobra-sobra na ang nagawa nito para sa kanya. Hindi na siya dapat humingi pa ng iba.
Pero simple lang naman ang gusto niya. Ang makitang ngumiti ulit si Draco. Hindi iyong mapagkunwaring ngiti kundi totoong ngiti. She wanted him to be happy.
PAGBABA pa lang ng electronic jeepney sa baba ng Windy Cafe ay sinalubong agad si Nessie ng mga kaibigan niya. Nagdesisyon siyang tumuloy pa rin kahit na wala si Draco. Ilang araw na rin siyang busy sa trabaho at sinamahan pa ng stress na dala ni Tommy. Dapat naman siguro na mag-relax siya.
“Nessie! Mabuti naman dumating ka,” sabi ni Andrya at hinalikan siya sa pisngi. “Nasaan na ang prinsipe mo?”
Malungkot siyang ngumiti. “Ayun! Busy sa trabaho. Hindi ko mapilit pumunta dito.” Kinatok pa niya si Draco sa library kanina bago siya umalis. Walang sagot mula dito. Siguro di nga niya ito kailangan pang pilitin. Sobra na ang pang-aabala niya. Sayang lang dahil di ito makakapag-enjoy sa gabing iyon.
“Trabaho na naman! Mula yata nang dumating ng Stallion Island ang lalaking iyon, mas madalas siyang magkulong sa haunted house niya. Kundi man, lalabas lang para sa business meeting. I doubt it kung may matinong date kayong dalawa,” sabi ni Illiana, ang nakababatang kapatid ni Illac at bago niyang kaibigan.
“Hindi bale. Nandito naman ang single ladies para samahan ka,” wika ng song composer na si Freya at itinaas ang kamay. “Let’s party. I-invade natin ang gabi ng mga may ka-partner na. Bulabugin at guluhin.”
Baka nga may kinalaman ang mga sinabi niya kay Draco nang nakaraang araw na iwasan nito ang pagiging sweet sa kanya kaya di ito sumama. Hindi naman mali ang hiniling niya dito. Ayaw lang niyang lalo pang ma-in love.
Nakipag-kwentuhan na lang siya sa ibang mga guest at members na walang ka-partner. Nakakainggit lang talaga ang mga couples na nasa dance floor at sweet na sweet. Hindi pa nagsisimula ang program kaya pwede pang mag-enjoy sa dance floor. Bigla tuloy niyang na-miss si Draco.
“Miss Nessie, nasaan si Sir Draco?” tanong ni Miranda na staff ni Mattheu sa publication nang lapitan siya sa mesa.
“May tinatapos pa kasi siyang trabaho,” nakangiti niyang sagot. Na-freeze ang ngiti niya nang makita si Tommy na kasunod lang nito.
“Sayang! Di ka pwedeng makipag-flirt sa boys dahil taken ka na. Kaya ako na lang,” sabi ni Miranda. “This is paradise!” Umalis si Miranda para lumipat ng mesa at makihalubilo sa iba subalit naiwan pa rin si Tommy.
“Hindi ka niya dapat iniiwang mag-isa,” sabi ni Tommy at inokupa ang mesa sa tabi niya. “Mahal ka ba talaga ng boyfriend mo?”
Tinaasan niya ito ng kilay at sumipsip ng iced tea. “Ano ba namang tanong ‘yan, Tommy? Of course. Di dahil wala siya dito, di na niya ako mahal.” Ang lakas naman ng loob nitong magtanong. Ano bang gustong palabasin nito? “Bumalik ka na sa table mo dahil babalik na ang mga kasama ko.”
Dahil kay Tommy, gusto niyang magsisi na umalis pa siya nang di kasama si Draco. Lalo lang lumakas ang loob nito na lapitan siya.
“Mag-join ka na lang sa table namin. Ako na ang bahala sa iyo.”
“No!” tutol niya at itinuon ang atensiyon sa dance floor.
Hinawakan nito ang braso niya. “How about a dance? Naalala ko gustong-gusto mong magsayaw noon sa mga parties.”
Maasim ang mukha niya itong tiningnan at ipiniksi ang brasong hawak nito. “No! Tommy, iwan mo na lang ako. Oras na makarating kay Draco na kinukulit mo ako, hindi siya matutuwa.”
Ngumisi ito. “Hindi ako natatakot sa boyfriend mo. At kung gusto niya akong pigilang lumapit sa iyo, sana nandito siya para bantayan ka. At hindi ako aalis sa tabi mo hangga’t hindi ka nakikipagsayaw sa akin,” giit nito.
Hindi niya alam kung paano ito itataboy. At kilala niya si Tommy. Kapag may gusto ito ay hindi ito titigil hangga’t di nito nakukuha. Ayaw niyang may masabi ang mga taong nakakita sa kanila kapag gumawa pa ito ng eksena. Tiyak na magre-reflect iyon kay Draco. Pero kapag pinagbigyan niya si Tommy, tiyak na iisipin nito na mas interesado siya dito kaysa kay Draco. Ayaw niyang bigyan pa ito ng kahit anong ideya na maari pa silang magkaroon ng relasyon.
“I am afraid, ako lang ang pwedeng isayaw ni Tennessee sa gabing ito.”
Tumalon ang puso niya nang marinig ang boses ni Draco. Nadoble yata ang liwanag ng mga ilaw sa paligid nang makita niya itong nakatayo sa likuran niya. Hindi siya makagalaw sa sobrang saya at pagkabigla. He was still in his usual all-black attire but he was so gorgeous.
“Draco,” usal niya sa pangalan nito.
Inilahad nito ang kamay. Nang iabot niya ang kamay sa kamay nito ay iginiya siya nito patayo. Niyakap nito ang baywang niya at kinintalan siya ng halik sa noo. “Sorry kung late ako. Pwede pa namang humabol, di ba?”
“Siyempre naman!” Napagkit ang ngiti sa labi niya at hindi na niya maialis ang mga mata dito. Kanina lang ay sinusungit-sungitan siya nito pero bumalik na naman ito sa Draco na triple ang kilig niya. Wala siyang pakialam kung nagpapanggap lang ito na mabait sa kanya. Ang importante ay nandoon ito at kasama niya. Okay nga lang sa kanya kahit sungitan ulit siya nito basta kasama niya ito. Parang may kulang kapag hindi niya kasama si Draco.
“Excuse me,” anito kay Tommy at inakay siya papunta sa dance floor. Nang hapitin nito ang baywang niya ay kumapit siya sa balikat nito.
At si Tommy? Wala siyang pakialam kung kainin man ng lupa. O kung mag-tumbling man ito doon at magpapansin sa kanya. Si Draco lang ang mahalaga sa kanya. He was graceful as they swayed their body to the beat.
“Anong ginagawa mo dito?” tanong niya at haplusin nito ang buhok na nakatabing sa mata niya. Hindi niya magawang magtanong kanina dahil baka magising na lang siya sa paniginip at makitang nasa harap pa rin niya si Tommy.
“I am your protector, remember? Pwede ba namang pabayaan kita kay Ballestro?” Nilingon nito si Tommy na bumalik na sa mesa nito at umiinom ng alak habang nakatingin sa kanila. “Malakas ang loob niya na lapitan ka dahil wala ako. Dapat hindi ka masyadong nagpapaganda kapag hindi mo ako kasama.”
“Compliment ba ‘yang maganda ako o dahil...” Luminga siya sa paligid. Baka may ibang nakakarinig at sinadya nitong sabihing maganda siya para sa benefit ng ibang tao.
“It’s a fact. Sumilip ako sa bintana ng kuwarto nang umalis ka. Nagmamadali akong habulin ka nang makita ang itsura mo. Mabuti dumating ako agad.”
Namumula niyang itinuon ang atensiyon sa necktie nito. Narinig na niyang bigyan siya ng compliment ni Draco pagdating sa trabaho. Nang nakaraang sabihan siya nito na maganda siya ay parang insulto pa sa kanya dahil galit ito. Ngayon tuloy ay di niya alam kung paano tatanggapin ang papuri nito.
“Sir Draco, hindi kita masisisi kung ayaw mo nang tulungan ako. Masyado ko na kayong naabala.”
Lalo nitong hinapit palapit ang katawan niya. He pressed his face against her temple then inhaled deeply. “I am sorry. Hindi ko lang kasi maintindihan kung ano ang dapat na gawin sa iyo.”
Naguguluhan niya itong tiningala. “Ha? Anong di mo maintindihan?”
Natigil ang pag-uusap nila nang pumailanlang ang boses ng host sa gabing iyon na si Olay. “Excuse me! Ehem! Prince and Princess of Darkness. Tapos na po ang dance portion natin. Magsisimula na po ang program natin. Hello!”
Gulat niyang tiningala si Olay na nasa stage at luminga sa paligid. Wala nang ibang taong nagsasayaw sa dance floor kundi sila na lang. Kailan pa natapos ang tugtog. Hindi niya napansin. Bakit wala siyang narinig?
“Kung gusto ninyong sumali sa Couple of the Night, mamaya pa po ang talent portion. At magpalista lang po kayo para makasali kayo. Thank you!” sabi ni Olay.
Namumula niyang isinubsob ang mukha sa dibdib ni Draco. Nagkakantiyawan na ang mga tao. Masyado siyang na-focus kay Draco at di na siya aware sa nangyayari sa paligid niya. Nakakahiya!
Hinila siya ni Draco palabas ng Windy Cafe nang habol pa rin ng tuksuhan at kantiyawan ng lahat. “Drat! Let’s go!”
“Saan tayo pupunta?” tanong niya.
“Doon sa walang tao.”