“I am sorry. Kung alam ko lang na ganito ang gagawin sa kanya ni Tommy, hindi ko na sana siya isinama. Akala ko makakabuti sa campaign kung magkakasama sila ni Tennessee dahil dati na silang magkakilala.” Napailing si Mattheu at malungkot siyang pinagmasdan. “I am really sorry.”
Nakaupo si Tennessee sa kama habang umiinom ng mainit na tsaa. Tapos na siyang tingnan ni Doc Nathaniella. Ilang galos at pasa lang daw ang natamo niyang pinsala. Iyon pa nga lang ang nakuha niya ay galit na galit na si Draco. Kahit nang sabihin na ligtas naman siya ay di pa rin humuhupa ang galit nito.
“Sorry for the inconvenience, Sir Mattheu. Sana pala noon ko pa sinabi sa inyo na di ako magiging komportable na katrabaho si Tommy. Isipin ninyo ako pa ang nag-refer sa kanya. Alam ko kasi na matalino siya. Saka binigyan ko ng konsiderasyon ang asawa at anak niya. Tapos ganito...”
Huminga siya nang malalim. Hindi niya alam na ganito pa ang idudulot ng pagmamagandang-loob niya. Akala niya ay may natitira pang respeto sa kanya si Tommy kahit paano. Pero nang pagtangkaan siya nitong gahasain, wala na siyang natira kahit awa man lang dito. Isa itong hayop.
“Tatanggalin ko siya sa kompanya, Tennessee,” sabi ni Mattheu. “I don’t tolerate violence against women. Nanghihinayang din naman ako na tanggalin siya sa kompanya. He is really good at his job. But he brought it upon himself.”
“Iba-ban ko siya dito sa isla.” Matigas ang anyo ni Draco habang nakatingin kay Mattheu. “We are also filing a restraining order against him. Hindi na siya makakalapit pa kay Nessie. And the frustrated rape...”
Ginagap niya ang kamay nito at umiling. “The restraining order is fine. Matatanggalan din siya ng trabaho. That’s enough. Matututo na siya ng leksiyon niya. Iniisip ko pa rin ang epekto nito sa pamilya niya.”
“Sila pa ang iniisip mo samantalang muntik ka nang ma-rape! Paano kapag na-rape ka, pamilya pa rin nila ang iisipin mo?” singhal ni Draco sa kanya. “Woman, what’s on your mind?”
Tumikhim si Mattheu. “Mas mabuti siguro kung mauna na ako. Kailangan ko pang ibalik sa Manila si Tommy at ang iba ko pang mga tauhan. Kung anuman ang desisyon ninyo, igagalang ko.”
Hindi pa rin humuhupa ang galit ni Draco nang makaalis si Mattheu. “Kung wala ka dito sa Stallion Island at wala sa pangangalaga ko, wala akong pakialam kung wala kang isasampang kaso sa kanya.”
“Gusto ko na lang na mawala si Tommy sa paningin ko. Marami nang nawala sa kanya. Sa pagkakataong ito, wala rin siyang ibang tatakbuhan kundi ang pamilya niya. Siguro naman mare-realize niyang wala siyang mapapala sa akin. Kapag nahulasan siya at wala nang mukhang ihaharap sa mga tao, tingnan ko lang kung gusto pa niyang iwan ang mag-iina niya.”
Kung magpapadala siya sa galit niya, baka idemanda nga niya si Tommy. Isinasaalang-alang na lang niya ang mga inosenteng bata na maaapektuhan kung magdedemanda sila.
Umupo ito sa tabi niya at kinabig ang ulo niya sa balikat nito. “Halika nga dito. Hindi ka dapat umaalis sa tabi ko. Delikado.”
“Paanong delikado? Wala na si Tommy.”
“Paano kung may iba pang obssessed sa iyo.”
“Hindi mo naman ako pwedeng itali sa baywang mo.”
“Bakit hindi? Kaysa naman mapahamak ka.” Huminga ito nang malalim. “And seriously, I might have killed Ballestro kung nauna akong nakakita sa inyo.”
“Boss, hindi mo na kailangang maging overprotective sa akin. Wala na si Tommy. At hindi mo na rin masyadong kailangang maging sweet.”
Ito na ang oras para guhitan nila ang pagkukunwari nila. Naa-appreciate niya ang pag-aalala nito sa kanya pero may kanya-kanya silang buhay na dapat balikan. Babalik na lang siya sa tahimik na pangangarap dito.
“Kahit may Tommy Ballestro pa o wala na mambubulabog sa iyo, nandito lang ako para protektahan ka. No pretenses. This is real. At hindi ko sasantuhin ang sinumang mananakit sa iyo.”
“Thank you!” pasasalamat niya at kinintalan ito ng halik sa pisngi.
Kung magiging permanenteng parte na ng araw-araw niyang pamumuhay ang nakangiting Draco na overprotective at laging nakangiti. Kung lagi itong aakto na parang boyfriend niya, walang sisihan kung pikutin na lang niya ito. May hangganan ang pagpipigil niya sa puso niya.
Kumunot ang noo nito. “I don’t think that’s enough.”
Sa isang iglap ay inangkin na nito ang labi niya. His kiss was gentle. Parang ipinaghehele siya. Ang marahas na halik at haplos ni Tommy ay pinapalitan nito. Binubura nito ang masasamang alaala. Tuluyan nang tinangay ng halik ni Draco ang lahat ng takot na idinulot ni Tommy sa kanya.
Nakaawang ang labi niya habang habol ang hininga at nagtatakang nakatitig dito. Hindi niya alam kung para saan ang halik na iyon.
“S-Sabi ni Doc Andrya pampatanggal daw iyon ng trauma,” anito at nahihiyang ngumiti. Unti-unti rin itong bumaba ng kama. Parang hindi rin ito komportable matapos siyang halikan.
“Sana lagi na lang ganyan,” wala sa sarili niyang usal.
Nilingon siya nito nang tumayo ito sa kama. “What? Gusto mo palagi kitang halikan?”
Nasapo niya ang sariling pisngi. Nag-iinit ang mukha niya. “No! I just hope that you’ll always care. Always smile.”
Tipid itong ngumiti. “I will try my best.”
Pero kung gusto nitong dalas-dalasan ang paghalik sa kanya ay wala namang problema. That would be a pleasure.
“PARANG hindi pa rin natatapos ang pagkukunwari ninyo ni Kuya Draco hanggang ngayon. O baka naman totohanan na ‘yang sweetness ninyo?” nanghuhuling tanong ni Diego kay Tennessee habang nagla-lunch sila kasama ang nobya nitong si Frannie sa isang Chinese restaurant di kalayuan sa opisina ng Montague Pharmaceuticals.
“Akala ko ba gusto mong maging mabait ang kuya mo. ‘Yan na! Mabait na,” sabi niya at sumubo ng lobster.
Mas maganda ang naging samahan nila ni Draco pagbalik nito mula sa Stallion Island. Hindi na ito laging nakasimangot o kaya ay nakaangil. Kapag sinuswerte ay nakangiti na ito sa kanya umaga pa lang. Kaya naman ganadong-ganado siyang magtrabaho. Kahit overtime pa o kaya ay di pa sila nasisikatan ng araw, ready siyang magtrabaho para dito.
“Bakit parang sa iyo lang daw ngumingiti at hindi umaangil si Kuya Draco?” tanong ni Frannie. “May favoritism.”
“Baka gusto lang ngumiti ni Kuya sa babaeng in love siya.”
Tinakpan niya ang tainga nang sabay siyang tuksuhin ng dalawa. “Naku! Huwag kung anu-ano ang ipinapasok ninyo sa utak ko. Mahirap ang umasa.”
Ayaw niyang lubusin ang pag-asa kay Draco. Kung mag-e-expect siya ng sobra-sobra, masakit kapag di nangyari ang expectations niya. Hangga’t di sinasabi ni Draco na mahal siya nito ay di siya dapat magdiwang. Hindi rin naman siya umaasang sasagutin nito ang pag-ibig niya. Kung mga ngiti at pag-aalala lang ang kaya nitong ibigay sa kanya ay malugod niyang tatanggapin.
Tinapik ni Frannie ang kamay niya. “Naku! Huwag kang pessimist. Hindi ka magiging maswerte kapag ganyan.”
“Ano ba ang dapat kong gawin?”
“Gayahin mo ako. Nang di ako sigurado sa pag-ibig nitong si Dieguito, ipinagtirik ko ng itim na kandila sa Biyernes ng hatinggabi at saka ko dinasalan. Ganyan din ang gawin mo kay Kuya.”
Napaungol si Diego. “Honey, kinukulam mo ba ako?”
Pinanlakihan ito ng mata ni Frannie. “Oo. Kaya nga nananakit din ang tiyan mo kapag nambababae ka. Pinapakain ko sa mga creepy crawling insects.”
“Puro kayo kalokohan,” natatawa niyang sabi. “Okay na ako sa ganito.”
Hindi pa siya handang sumugal sa pag-ibig ni Draco. Ngayon pa lang ito muling nagtitiwala. Ayaw niyang pilitin ito dahil baka lumayo ang loob nito sa kanya.
Pagpasok niya ng opisina ay nawala ang kunot ng noo nito nang makita siya. “How’s your lunch?”
“Great! In-order ko ang pinakamalaki nilang lobster. Para sa akin lang. Sabi ni Sir Diego orderin ko daw kahit anong gusto ko.” Inilapag niya ang paper bag ng siopao at siomai sa desk nito. “Pasalubong ko sa iyo.”
“Iyan lang? Hindi man lang ninyo ako isinama sa lunch ninyo.”
Nagi-guilty siyang ngumiti. “Next time na lang, Boss.”
Hindi nito pwedeng marinig ang mga pinag-usapan nila ni Diego. Sinadya nila itong di isama. Kina Diego at Frannie lang naman niya masasabi ang nararamdaman niya tungkol kay Draco.
“Kay Chef Rouen na lang ako magpapaluto. By the way, we are leaving for Stallion Island on Tuesday morning.”
Dali-dali niyang tiningnan ang itinerary nito. “Sir, hindi ba sa Martes din po ang death anniversary ng father ninyo at ex-girfriend ninyo?” paalala niya.
“May meeting ako sa umaga ng Martes,” anito sa malamig na boses. Na parang balewala lang dito na ma-miss ang naturang okasyon.
Nagulat siya. How could he miss his father and ex-girlfriend’s death anniversary? Tiyak niyang mahalagang araw iyon para dito. Kapag nga death anniversary ng nanay niya, hindi siya pumapasok. Iyon lang kasi ang araw na maide-devote niya sa pag-alaala dito.
“Ia-adjust ko na lang ang schedule ninyo, Sir. How about an afternoon flight? If it’s TJ Javellana, I am sure he will find time. Sa Stallion Island lang naman siya laging nag-i-stay. At maiintindihan din niya kung mag-reschedule tayo.”
Iniikot nito ang swivel chair at ihinarap sa glass window kung saan matatanaw ang park sa tapat ng building nila. She considered herself dismissed. Bahala na siya sa schedule nito.
She found it weird. Siguro ay marami lang itong iniisip.
KASAMA ang taimtim na panalangin at dasal, nag-alay ng bulaklak at kandila sa puntod ng namayapang magulang si Draco at ang nakababatang kapatid nitong si Diego. Napansin niya na laging nakatapat si Draco sa puntod ng namayapang ina. Si Diego lang ang nag-alay ng bulaklak at kandila sa Papa nito.
“Sayang, Ma, Pa. Hindi na ninyo kami makikitang ikasal ni Frannie. Ni hindi na ninyo makikita ang apo ninyo sa akin,” sabi ni Diego.
Malapit si Diego sa ina. Namatay ito isang buwan matapos ang aksidente ng ama nito. Hindi kinaya ng magulang nina Draco na may ovarian cancer ang pagkamatay ng asawa at binawian na rin ng buhay. Ang alam niya ay malapit ang magkapatid sa namayapang ina.
“Let’s go,” anang si Draco sa malamig na boses.
“Saan tayo pupunta, Sir?” tanong niya. Alas onse pa lang ng umaga noon. May ilang oras pa para sa three o’clock flight nila. Nai-move din niya ng alas siyete ang meeting nito kay TJ Javellana.
“Hahabulin ang flight natin.”
“Sir, mamaya pa ‘yon.” Hindi naman nito kailangang magmadali.
“Ipina-move ko ng alas dose. We have no business here anymore.”
Nagtaka siya. “Sir, di ba ninyo dadalawin ang puntod ng girlfriend ninyo?”
Hindi nito sinagot ang tanong niya at lumabas na ng mausoleum. Nagtatanong niyang tiningnan sina Frannie at Diego. Tumango lang si Diego. “Sige na. Sundan mo na si Kuya.”
Tahimik si Draco habang bumibiyahe sila papuntang airport. Hindi niya mahulaan kung ano ang tunay na nararamdaman ni Draco. Nakasuot ito ng itim na Armani sunglasses. Di niya makita ang mga mata nito. Bakit hindi nito dadalawin ang libingan ng dating kasintahan?
PABILING-BILING sa higaan si Tennessee. Hindi pa rin mawala sa isipan niya ang inakto ni Draco kaninang umaga. Natitiyak niyang di pa nito nadalaw sa puntod nito ang kasintahan nito. They were practically together the whole time they stayed in Manila. At ang tanging panahong nakalaan para dito ay sa araw ng death anniversary nito at ng ama nito. Niluwagan na niya ang schedule nito para ma-accommodate ang naturang okasyon pero parang sadya itong umiiwas.
Pagdating sa Stallion Island ay tumuloy agad ito sa meeting nito. He looked tougher. Parang walang anumang iniinda. Matapos ang meeting ay nagkulong lang ito sa kuwarto nito matapos siyang bilinan na mamasyal kung saan niya gusto at makipagkita sa mga kaibigan niya.
Maaring hanggang ngayon ay di pa rin nawawala sa puso nI Draco ang namayapang kasintahan. Di pa rin ito maka-recover sa sakit na pagkawala ng minamahal nito. Sunud-sunod din kasi ang trahedyang nangyari.
Nasa kalagitnaan siya ng pagtulog nang makarinig siya ng mga sigaw. Napabalikwas siya ng bangon. Sigaw iyon ni Draco. Nanggagaling ang sigaw na iyon sa kuwarto nito.
Dali-dali siyang pumunta sa kuwarto nito. Pagdating niya ay pabiling-biling si Draco sa higaan nito habang sumisigaw. Pawisan ang katawan nito at tanging pajama lang nito ang suot. Tinapi niya ang pisngi nito. “Sir Draco!”
“No! NO!” sigaw nito at idinilat ang mga mata. Tumutok ang mga mata nito sa kanya pero parang hindi siya ang nakikita. “Si Papa? Si Alaine?”
“W-Wala sila, Sir. Sandali. Ikukuha ko lang kayo ng tubig.”
Binuksan niya ang mini-refrigerator nito at kumuha ng malamig na tubig. Inabot niya ang baso ng tubig dito. Tinungga iyon ni Draco habang habol ang hininga. He looked disconcerted. There was fear and anguish in his eyes.
“Nakita ko na nag-crash ang sasakyan nila sa trailer truck. Kasalanan ko.”
Ikinulong niya ang magkabilang pisngi nito sa palad niya para sa kanya tumutok ang mga mata nito. “Sir, tapos na iyon. Wala kayong kasalanan. Panaginip lang ang lahat. Matulog na kayo.”
Itinulak niya ito pahiga sa kama at inayos ang kumot nito. She felt sad for him. Sa tindi ng trahedya ng pagkamatay ng dalawang taong mahal nito, hanggang ngayon ay napapanaginipan pa nito. Pati sarili nito ay sinisisi pa nito.
Akmang lalayo siya dito nang pigilan nito ang kamay niya. “Will you stay with me? I don’t want to be alone tonight.”
Nang hilahin siya nito pahiga sa tabi nito at yakapin ay di na niya magawang tumutol. Kailangan siya ni Draco. And if she could, she’ll chase his nightmares away.