Stallion Island Series Chapter 129

Puno ang Central Town Activity Ground ng mga taong nag-participate sa blood donation program na pinangunahan ng Montague Pharmaceuticals. Bahagi iyon ng anniversary ng kompanya. NAtutuwa sila dahil mula sa village lords hanggang sa mga normal na empleyado ay nakikiisa sa kanila.

Siniko siya ni Jazzmyre. Kakambal ito ng Stallion Island member na si Julian. Hinihintay nito ang pagdo-donate ng kapatid na takot sa dugo para daw makapag-cheer ito pero sa palagay niya ay mangangantiyaw lang ito.

“Bakit hindi naka-Dracula costume si Dracula?” tanong nito.

“Ha?” Nilingon niya ito mula sa mga supply ng cakes at pastries na ipinamimigay nila sa mga nag-donate. “Ano?”

“Iyong Draco mo. Bakit hindi naka-Dracula costume? It’s his day, you know? It’s a bloody day. Ayaw nga ng kapatid ko na mag-donate dahil siya lang daw ang makikinabang.”

Tinanaw niya si Draco na kausap ang mga “anghel” nitong Sirens. Naka-vampire costume ang mga ito at nag-participate sa pamimigay ng pagkain sa mga tao. Malayo ito sa pagiging leader ng mga bampira nang mga oras iyon. He was wearing a blue gray polo shirt. First time niya itong nakitang nakasuot ng damit na light lang ang kulay. Nagulat din siya nang kaninang umaga ay di nito isinuot ang vampire costume na ipinadala pa dito ni Diego para sa okasyong iyon.

“Sawa na daw siya sa black.”

Malaki ang naging pagbabago kay Draco. Maaliwalas na ang bahay nito. He got rid of the thick drapes. Hindi na gaanong nakakatakot ang antique na decoration sa bahay nito dahil sa liwanag. Naging ugali na rin nito na laging magpalagay ng ikebana kay Noah para daw hindi masyadong matigas tingnan ang interior. At mukhang simula na rin ito na haluan nito ng light colors ang wardrobe nito.

“Guwapo naman ni Fafa Draco. I like the light colored polo, huh!” sabi ni Olay. “At parang ang bango-bango niya. Gusto ko rin yatang maging Draco’s angel. Libre ba siyang amuy-amuyin ngayon?”

“So pinagtataksilan mo na ako?” tanong ni Noah na bigla na lang sumulpot sa likuran nila.

Iningusan ito ni Olay. “Ayaw mo namang magpa-harass sa akin.”

“He looks better,” komento ni Andrya. “Hindi na rin daw siya nananaginip nang masama.’

“Salamat sa tulong mo. Malaki ang nagbago sa kanya mula nang kumonsulta siya sa iyo. Marami siyang na-realize na bago sa sarili niya dahil sa iyo.”

“Ako?” Itinuro nito ang sarili. “I don’t think so. Sabi ni Draco ikaw ang nakapagpa-realize sa kanya ng maraming bagay. He is finally free from his guilt. Now he is stepping forward.”

Ayon kay Diego ay bumalik na ang kapatid nito. Ang Draco na masayahin at nakikipagbiruan. Iyon lang naman ang gusto niya para kay Draco. Ang maging masaya ito at makawala ito sa nakaraan nito. Dahil di naman ito masamang tao gaya ng gusto nitong papaniwalain sa sarili nito.

Napapitlag siya nang kintalan siya ng halik sa ulo ni Draco habang pinasasalamatan niya ang mga doctor at nurse na nag-volunteer tumulong para sa blood letting program na iyon. “Napagod ka ba?”

“Ikaw yata ang napagod kangingiti,” biro niya at hinaplos ang noo nito na may pawis. “Bakit wala yata ang pangil mo?”

“Ipinahiram ko kay Zach.” Naka-vampire costume si Zach na enjoy na enjoy makipaghabulan at takutan sa mga Sirens. Dito napunta ang pagiging Dracula sa araw na iyon. “Masanay ka nang nakangiti ako. Matagal ko rin ‘tong di nagawa.”

“At dahil sa ngiti na iyan, dadami ang karibal ko.”

“Pwede naman akong magsungit sa kanila para di ka na magselos.”

“No! Okay na sa akin na nakangiti ka. Kaya kong i-handle ang mga karibal ko.” Pagdating sa ibang babae ay aloof pa rin si Draco. Pinipilit lang nitong ngumiti bilang pakikisama. He still offered her the warmest smile. At alam niyang siya lang ang babaeng hinahalikan nito at tinititigan kapag di niya alam.

“Tapos na akong mag-donate,” singit ni Prince Rostam sa usapan habang karay-karay ang alipin nitong si Jumeirah.

Napansin niyang si Jumeirah ang kumakain ng chocolate mousse. “Okay pala kapag may blood donation. Maraming libre.”

“Hindi ka naman nag-donate ng dugo,” sabi ni Rostam at sinibat ito ng matalim na tingin. “Sa akin ‘yang kinakain mo.”

“Ano pang dugo ang ido-donate ko samantalang nauubos na sa iyo?” mataray na sabi ni Jumeirah. Hinarang nito ang nagdadaang si Zach na bitbit ang isang tray ng chocolate mousse. “Zach, pahingi pa ng isa, ha?”

Pinigilan ni Prince Rostam ang kamay nito nang akmang dadampot. “You are my slave. Kung anuman ang kailangan mo, sa akin mo lang kukunin. Magpapa-bake na lang ako ng chocolate mousse para sa iyo mamaya.”

“Gusto ko ngayon na!” utos ni Jumeirah at dumabog pa. Parang hindi ito alipin nang mga oras na iyon kundi isang prinsesang bratinella.

“Malalatigo ka sa ginagawa mo,” banta ni Prince Rostam dito at hinila si Jumeirah palayo sa kanila.

“Isasampal ko sa iyo ang batas na Violence Against Women and Children. Wala akong pakialam kung prinsipe ka pa. Magsisisi ka kapag sinaktan mo ako.”

“Sinabi ko bang sasaktan kita?”

“Gusto mo rin ng slave?” tanong niya kay Draco.

Kinabig nito ang balikat niya. “Tama na sa akin ang assistant kong si Miss Carson. Chocolate mousse?” alok nito.

Ini-interview si Draco para sa Stallion Magazine tungkol sa blood donation program nito nang makatanggap siya ng tawag mula kay Diego.

“Hey! Successful ang blood letting ngayon. Naka-ready na ba ang mga medical mission natin diyan?” tanong niya at sinulyapan si Draco na relax na relax habang ini-interview.

“We have a problem. Buksan mo ang email mo. Nagpadala ako ng link doon para sa isang blog. Hindi ko gusto ang nakasulat.”

Binuksan niya ang laptop niya at in-access ang linkna sinasabi ni Diego. Namutla siya nang mabasa ang isang entry tungkol sa tunay na relasyon ni Alaine Navarro at ng ama ni Draco na si Delfin Montague. Naroon ang detalye ng kwento kung paanong nagkakilala ang dalawa at ang lihim na relasyon ng mga ito. Sadyang ibinitin ang kwento subalit mukhang marami pang dadating na pasabog lalo na’t di pa nababanggit sa kwento ang tungkol kay Draco.

Nagulat pa siya nang kintalan siya ng halik ni Draco sa pisngi. “Tapos na ang interview ko. What’s that?”

“Ahmm…” Hindi na niya magawang itago pa ang nilalaman ng blog. Nabasa na iyon ni Draco. “Si Sir Diego ang nagsabi sa akin tungkol dito.”

“Damn!” bulalas ni Draco at nag-dial sa cellphone nito. “Diego, contact the administrator of the blogsite. I want that entry removed and the owner of the blog banned from their site. Mag-file tayo ng kaso. Paninira ang ginagawa nila.”

“DAMN! Double damn!”

Nanggagalaiti ang magkapatid na Montague nang isang blog entry na naman ang lumabas. Sa pagkakataong ito ay nagpapakita naman ng pictures ng ama ni Draco at ng dati nitong kasintahan. Mukhang original ang mga ito at hindi in-edit lang. Lumalabas na kuha iyon nang nagsisimula pa lang si Alaine sa kompanya.

“Hindi natin mapipigilang lumabas ang mga ito. Internet ang ginagamit niyang medium. Naipasara ang entry niya at naipa-ban nga natin siya sa isang site pero meron na namang bago. Kayang-kaya niyang gumawa kahit maraming entry. Madali ‘yang ipakalat sa internet.”

Di pa nakakalapag ang seaplane na maghahatid sa kanila sa Maynila nang nakaraang araw ay tambak na ang mga reporters na nag-aabang sa kanila sa Montague Pharmaceuticals. Malaking balita ang nangyari kahit pa nga ba limang taon nang patay ang isyu. They pulled their staffs together and organized a crisis team. Kailangang maprotektahan ang kompanya sa pag-ataking iyon.

“Sino ba ang pwedeng gumawa nito sa atin? Kalabang kompanya?” tanong ni Draco. “This is below the belt. Dahil ba hindi nila tayo masabayan nang mag-comply tayong makiisa na mag-produce ng mas murang gamot?”

“Sana iyong mga gamot na lang ang tinira nila sa kompanya. Not this! Kung kailan pa malapit na ang anniversary ng kompanya.”

Magdamag silang gising para makontrol ang damage na nilikha ng naturang blog entry. Wala silang makuhang trace mula sa site kung sino ang maaring gumawa niyon at ano ang posibleng source nito. Bagamat paninira lang ang lahat para sa marami at walang basehan, alam nila ni Draco ang totoo. May nakakaalam ng madilim na sekretong iyon at ginagamit iyon para ligaligin silang lahat.

“Oras na malaman ko kung sino ang gumawa nito, pipilipitin ko ang leeg at ipapakulong ko! Wala silang karapatan na siraan sila Papa. Patay na ‘yung tao. Hindi na sila makakadepensa. This is unfair,” bulalas ni Diego na maluha-luha na. Sobrang malapit ito sa Papa nito. Kaya nga di rin masabi ni Draco dito ang totoo noon dahil ayaw nitong magtanim pa ng galit ni Diego sa namayapa nitong ama.

Tinapik ito sa balikat ni Draco. “Matulog ka na muna. Pare-pareho tayong walang magagawa sa ngayon. May investigators na ako na nagtatrabaho para dito. In a few minutes, mawawala na rin ang blog entry na iyan.”

“Pero pag-uusapan pa rin tayo,” angal ni Diego.

“Bahala ang publication ni Mattheu. Magandang publicity lang ang katapat niyan. Hindi maaapektuhan ang performance ng kompanya dahil sa mga tsismis na iyan. Tatagan mo lang ang loob nito.”

Pinasundo ni Draco si Diego sa nobya nitong si Frannie. Hindi kakayanin ni Diego ang magmaneho lalo na’t wala pa itong tulog at emosyonal. Si Frannie ang maaring magpakalma dito.

“Hindi ka pa ba matutulog?” tanong niya kay Draco na tinanggal ang necktie nito habang nakatitig sa desk nito.

“Natatakot ako sa pwedeng gawin ng taong iyon. Kung alam niya ang totoo, pwede rin siyang maglabas ng impormasyon na hindi totoo. Sa pagkakataong ito baka direkta nang makasira sa kompanya. Ginawa ko ang lahat para hindi bumagsak ang Montague Pharmaceuticals.”

“At pagtutulungan natin para maprotektahan ‘yan,” aniya at pinisil ito. “Take a rest. Nakaidlip na ako kanina kaya ako na ang bahala dito. Sa couch ka muna.”

“Sa palagay mo ba mahahanap ng private investigator ang gumagawa nito? Hindi ako matatahimik hangga’t di siya nahuhuli. O baka marami sila…”

Kinintalan niya ito ng halik sa noo. “Lalabas at lalabas din ang gumawa nito. May paraan ang Diyos. Basta mag-focus tayo sa paparating na anniversary party ninyo. We must put a brave front.”

“You are right! Thank you!” anito at nakangiting pumikit.

Ginawa lang niya ang normal niyang trabaho. Manaka-naka ay tsine-check niya ang development lalo na’t may bago na namang lumabas na blog entry. Walang katapusang paninira at umiikot sa relasyon nina Delfin at Alaine. Pati ang ilang miyembro ng Stallion Island at ang mismong security team ay tumulong na sa paghahanap ng salarin. Mahirap dahil nagtatago sa likod ng computer ang kalaban nila at puro alias ang ginagamit nito sa kanila.

Dala niya ang lunch ni Draco sa opisina nito habang nasa shower naman ito. Isine-set niya ang mesa nang makatanggap siya ng tawag mula sa isang numerong di niya kilala. “Hello!” Baka mamaya ay reporter na naman itong makulit. Bumabaha sila ng tawag sa mga reporter at ayaw pa ring tumigil ng mga ito.

“Nessie, nagustuhan mo ba ang natuklasan mo tungkol sa pamilya ng boyfriend mo? Pinaghirapan ko talaga iyan para sa iyo.”

“Tommy!” Nahigit niya ang hininga nang mabosesan ang dating nobyo. “Ikaw ang may kagagawan ng lahat ng ito?”

Humalakhak ito na parang demonyo. “Akala kasi ng boyfriend mo pagkalinis-linis niya. Ano ba ang io-offer niya sa iyo? Kaya ka ba talaga niyang alagaan? Sarili nga niyang girlfriend naagaw pa sa kanya ng tatay niya.”

“P-Paano mo nalaman…” nanginginig ang boses niyang tanong.

“I have my sources. Mga taong malapit sa ex-girlfriend niya. Alam mo naman kung gaano ako kagaling sa research. Alam ba ng boyfriend mo na ginago lang siya ng ex-girlfriend niya o nanatili pa rin siyang tatanga-tanga hanggang ngayon? Dapat nga magpasalamat siya dahil ako pa ang nagpakahirap malaman.”

“Walang kinalaman si Draco sa kasalanan ng girlfriend at tatay niya. It was their own doing. Biktima lang siya. Why are you doing this?”

“Para bumalik ka sa akin!” matigas nitong wika. “Iniwan ko na ang asawa at anak ko para sa iyo. Kaya kailangang iwan mo na lang si Draco Montague para maging masaya tayo.”

“Hindi ako sasama sa iyo kahit kailan dahil mahal ko si Draco.”

“Kaya mo pa kaya siyang mahalin sa mga dadating na araw kapag marami pa akong ibinulgar tungkol sa kanya? Kayang-kaya kong sirain ang image niya sa publiko pati na rin ang kompanya niya. Tingnan ko na lang kung gustuhin mo pang makasama siya. I can easily ruin him.”

Biglang nawala ang cellphone sa kamay niya. Inagaw na iyon ni Draco. “Tantanan mo na kami, Ballestro. Sa ginagawa mo, titiyakin kong makukulong ka. Huwag kang pakakasiguro na hindi ka mahuhuli. Nakakakuha na ng ebidensiya ang grupo ko laban sa iyo. Nagsasalita na rin ang mga taong binayaran mo para magsalita tungkol kina Papa at Alaine.” Saka ibinaba ni Draco ang cellphone sa desk nito at niyakap siya. “Huwag ka nang makikipag-usap sa kanya mula ngayon.”

“Draco, baka kung anu-anong paninira pa ang gawin niya sa iyo.”

“I can handle that. Pero kung gusto mong lumayo muna habang hindi pa nase-settle ang isyu na ‘to para di ka maapektuhan…”

. “No! Dito lang ako sa tabi mo. Kahit ano pang kasiraan ang sabihin sa iyo ng ibang tao na umiinom ka ng dugo o kumakain ng tao, dito lang ako sa tabi mo. I love you, Draco.”

Walang Tommy o kahit sinuman ang maaring makapagpalayo sa kanya kay Draco. Mananatili siya sa tabi nito hangga’t kailangan siya nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.