“Congratulations! Maraming nag-enjoy sa party,” puri ni Frannie matapos nilang magpaalam sa mga bisita.
Parang isang grand reunion ang party. Kumpleto ang lahat ng mga tauhan nila mula sa pinakamataas hanggang sa mga ordinaryong empleyado. Dinaluhan iyon ng mga pioneer ng kompanya kahit mga nag-resign na. pinarangalan ni Draco ang mga taong dahilan kung bakit matagumpay ang Montague Pharmaceuticals. Inalala din ang nasira nitong ama.
“Buti nga nakaraos tayo. Ilang araw din kaming walang tulog.”
Bukod sa paghahanda sa anniversary ng kompanya ay kinaharap pa nila ang gulong ginawa ni Tommy. Ilang blog entries lang ay malaking damage na ang nalikha sa kanila. Tinrato na lang nilang publicity iyon para sa kompanya subalit higit niyang nararamdaman ang damage na nagawa niyon sa magkapatid na Montague lalo na kay Draco na pilit na itinatago pa rin ang totoo.
“Mabuti na lang kusang tumigil ‘yung naglalagay sa blog,”sabi ni Frannie.
Kinompronta ni Draco si Tommy kasama ang abogado ng mga Montague at ang mga ebidensiyang nagpapatunay na si Tommy nga ang nagsulat ng malisyosang blog. Handa nang isampa ang kaso dito kundi lang nakiusap ang asawa ni Tommy. Naawa si Draco sa mga anak nito kung sakaling makukulong si Tommy. Wala kasing trabaho ang asawa nito. Nagbigay ng kondisyon si Tommy na lalayo na ito sa kanya at hindi na sila guguluhin pa. Hahayaan na lang nilang matabunan ng iba pang balita ang kontrobersiya sa pamilya ng mga Montague.
Nakita ni Draco sa mga anak ni Tommy ang sarili nito. Nasira ang pamilya nito dahil sa kagagawan ng ama nito. Binigyan pa nito ng pagkakataon si Tommy na magbago. At nakikita niyang magaan ang loob ni Draco na pakawalan si Tommy. Masaya ito habang ine-entertain ang mga bisita nito.
Lumapit sa kanya ang isa sa mga receptionist ng party. “Ma’am Tennessee, may naghahanap po sa inyo sa lobby. Lanie Ballestro daw po.”
Nagtataka man ay nilabas niya ang asawa ni Tommy sa lobby. Sa isa o dalawang beses na nagkita sila nito ay di siya nito halos pinapansin. Alam naman ng lahat na siya ang naging nobya ni Tommy bago ito mabuntis. Nang makipagharap si Draco kay Tommy ay hindi rin siya kasama. Ano kaya ang kailangan nito?
Nakaupo sa couch si Lanie kasama ang dalawang anak nito. Mas bata sa kanya si Lanie ng dalawang taon pero parang mas matanda pa ito ng sampung taon sa kanya habang katabi ang anak nitong anim na taon at kalong pa ang batang dalawang taon. Tumayo ito nang makita siya. “Nessie, pasensiya na. May importante lang sana akong sadya sa iyo.”
“Bakit? Gabi na kasama mo pa ang mga anak mo. Gusto ba ninyong kumain muna sa loob?” tanong niya.
Umiling ito. “Hindi na. Aalis din naman kami.”
“Kasama ba ninyo si Tommy?” tanong niya at luminga. Baka naman hihingi lang ito ng tawad sa mga ginawa sa mga Montague kaya sinadya siya. Ayon kay Draco, gusto na lang ng asawa ni Tommy na bumalik ang mga ito sa Davao.
Napaluha ito at niyakap nang mahigpit ang nahihimbing na bunso. “Nasa ospital siya. Nag-overdose. Ayaw daw niyang iwan ka dito sa Maynila. Ayaw niyang sumama sa amin ng mga anak ko sa Davao. Ni ayaw nga niya kaming makita. Ikaw daw ang gusto niyang makasama.”
Nanlamig siya. Tinangka ni Tommy na magpakamatay. Alam niya ay ilang beses din nito tinangkang magpakamatay lalo na nang malulong ito sa bisyo. “Nababaliw siya. May asawa na siyang tao. Hindi ba siya nahihiya sa iyo?”
Impit na napaiyak si Lanie at pinahid ng manggas ng blouse nito ang luha. “Pero hindi na niya kami mahal ng mga anak ko. Kaya aalis na lang kami. Para mabuhay siya, magpaparaya na lang ako.”
Yumakap sa kanya ang panganay na anak ni Tommy na babae pa mandin. “Tita, ayaw ko pong mamatay si Papa. Huwag po ninyo siyang iiwan. Kahit na hindi ko po siya kasama basta buhay lang siya.”
Parang sinaksak ang puso niya habang pinagmamasdan ang anak ni Tommy. Nakiusap din siya noon sa kabit ng papa niya na ipagparaya ang ama niya pero tinawanan lang siya nito. Wala daw itong pakialam sa kanya dahil ito na ang pinili ng papa nito. Parang sinampal siya nang mga oras na iyon. Paanong nagawa ni Tommy na iparanas iyon sa sarili nitong anak?
“Mrs. Ballestro, ipapahatid ko na kayo sa driver ko sa ospital,” wika ni Draco. Nagulat na lang siya nang makita itong nakatayo sa likuran niya. “Hindi makakasama sa inyo si Tennessee. Pasensiya na.”
Nagsusumamo siyang tiningnan ni Lanie habang paalis ito. “Kung may kaunti ka pang awa man lang sa asawa ko, sana iligtas mo siya.”
Nahulog siya sa malalim na pag-iisip nang makaalis na ang mag-iina ni Tommy. “Kailangan ko talagang makausap si Tommy.”
“Para saan? Para mapilitan kang bumalik sa kanya nang mabuhay siya? Mahal mo pa ba siya hanggang ngayon?”
Maang niyang tiningnan si Draco. Di niya inaasahan ang tanong nito. “Draco, alam mo na ikaw ang mahal ko. Wala ka bang tiwala sa akin? Mag-uusap lang kami ni Tommy.”
Naging matiim ang anyo nito. “Masyado ka kasing malambot. Baka mamaya kung anu-ano ang hingin niya sa iyo. Gamitan ka ng emotional blackmail. Hindi ba ikaw din ang tumulong ka sa kanya. Everytime he messes up, sa iyo siya tumatakbo. Pati nga anak at asawa niya ginagamit pa niya para makuha ka.”
“That’s why I have to settle this.”
Hindi niya pwedeng pabayaan na lang ang ginagawa ni Tommy. Kailangang tapusin na niya ang kahibangan nito.
Hinawakan nito ang balikat niya at ihinarap siya nito. “Tennessee, I know I haven’t told you yet that I love. But I do.”
“Draco, thank you… Hindi ko inaasahan na sasabihin mo ‘to ngayon.” Hindi niya alam kung paanong ipaparamdam kung gaano siya kasaya. Pero parang hindi ito tama sa timing. Hindi ngayong nagkakagulo sila.
“Pero kapag nakipagkita ka kay Tommy, ibig sabihin siya ang pinili mo.”
Nawala ang ngiti sa labi niya. “Draco, huwag naman ganito. Hindi pwedeng bigyan mo na lang ako ng ultimatum habang gusto ko lang ayusin ang gulong ‘to.”
Subalit matigas ang loob nito. Nanatiling matiim ang anyo nito. “Babalik ako sa Stallion Island bukas. Kapag wala ka, ibig sabihin wala ka na sa buhay ko.” Saka siya nito tinalikuran.
Hindi siya nakagalaw sa kinatatayuan. Sobrang bilis ng mga nangyari. Inalisan siya ni Draco ng pagkakataon na mag-isip. “Draco, that’s crazy! Draco!”
Subalit di na nito pinansin ang pagtawag niya at bumalik sa party. SAka lang niya napansin na nakatayo pala doon si Diego. “Make your choice, Nessie. Hindi madali para kay Kuya na magtiwala ulit lalo na’t kinokompronta na naman siya ng parehong problema gaya nang pagtaksilan siya ni Papa at ni Alaine.”
Nahigit niya ang hininga. “Alam mo?”
Marahan itong tumango. “I did my own investigation. Mga taong dating malapit kay Alaine ang mismong nagsabi sa akin ng relasyon nila ni Papa. At sa tinatakbo ng isip ni Kuya ngayon, there’s no room for compromise. Kung sasama ka sa kanya, di ka na lalapit kay Tommy. Kapag nakipagkita ka kay Tommy, ibig sabihin hindi si Kuya ang pinili mo.”
“That’s not fair!” angal niya. “May sarili akong paraan para ayusin ang problema ko. Hindi ganyang parang Komunista siya.”
“If you want to do things your way, do it fast. Baka bumalik na naman siya sa dati niyang mundo kapag nasaktan siya. Ayoko nang masaktan ang kapatid ko.”
MAAGA pa lang ay dumating na si Tennnessee sa hospital room ni Tommy. Inaasikaso ito ng nurse nang dumating siya. Tuwang-tuwa si Tommy nang makita siya. “Nessie, mabuti dumating ka. SAbi ko na nga ba’t di mo ako matitiis.”
Sinampal niya ang magkabilang pisngi nito paglapit niya. “Para iyan sa asawa’t anak mo na sinasaktan mo. Hindi ka na nahiya!”
Sinapo nito ang nasaktang pisngi. “Nessie, akala ko nandito ka dahil mahal mo ako. Ano bang sinabi ni Lanie sa iyo? Sabi niya sa akin tanggap na niya ang pagmamahalan natin. Magpaparaya na sila.”
Tinangka siya nitong hawakan subalit lumayo agad siya. “Kapal mo! Sarili mo lang ang mahal mo. Nakita mo ba ang itsura ng asawa mo? Ni hindi niya maayos ang sarili dahil sa pag-aalaga sa mga anak mo. Tapos gagaguhin mo lang?”
“Ikaw na nga ang mahal ko!” Hinaklit nito ang dextrose nito na nasa kamay nito. “Malaking pagkakamali lang sila. Nagmamahalan naman tayo, di ba?”
Ngumisi siya. Isang baliw na ang nasa harapan niya ngayon. Lalaking nabaliw dahil sa pagiging makasarili nito. “Hindi kita mahal! Ang totoo wala nga akong pakialam kahit na laklakin mo ang lahat ng gamot sa factory namin. At kundi lang ako naawa sa asawa’t anak mo, hindi ako makikipagkita sa iyo. Magpasalamat ka na tinitiis ka nila kahit na wala kang kwenta.”
“W-Wala akong kwenta? Dahil ba hindi ako mayaman katulad ni Draco Montague? Pera lang ba ang tinitingnan mo?”
“Kahit walang pera si Draco, siya pa rin ang pipiliin ko. He has a heart. Mas gugustuhin niyang masaktan kaysa masaktan ang tao sa paligid niya. Sinarili niya ang totoo. At para sa asawa’t anak mo hindi ka niya idinemanda. Ikumpara mo nga ang sarili mo sa kanya. You are nothing! Pero maswerte ka pa rin. Mawawala ang lahat ng tao sa buhay maliban sa pamilya mo. Mahal ka nila,” aniya at nilingon ang asawa’t anak ni Draco na naluluha habang nakatayo sa may pinto.
“Aalis ka?” tanong ni Lanie nang lumabas siya ng kuwarto ni Tommy.
Inabot niya ang calling card niya dito. “Tawagan mo ako kung may maitutulong ako sa iyo. Pero wag ka na ulit makikiusap sa akin na balikan ko ang asawa mo. Kahit pa magpakamatay siya ulit, hinding-hindi ko ‘yon gagawin. Hindi ko iiwan ang lalaking mahal ko para lang magpatangay sa emotional blackmail ng iba.”
Nilingon niya si Tommy na humahagulgol ng iyak habang tinutuyo ng bunsong anak nito ang luha nito. Siguro naman ay matututo na ito ng leksiyon ngayon.
Dali-dali siyang pumara ng taxi. Hahabol pa siya sa flight niya kay Draco. Sinubukan niyang tawagan si Draco subalit di nito sinasagot ang cellphone nito. Tumawag siya kay Diego. “Hello! Nandiyan pa ba ang kuya mo?”
“Kanina pa nakaalis si Kuya. Nasabi ata ng asawa ni Tommy na dumalaw ka sa ospital. Kaya dali-daling umalis. Wala na daw siyang hihintayin.”
“Hahabulin ko na lang siya sa aiport.”
Mariin siyang napapikit nang maipit sa traffic papuntang airport. Mahigit thirty minutes na ang lumipas nang makaalis ang flight ni Draco saka siya nakarating sa hangar. “Nessie, kanina pa nakaalis si Prince Dracula,” sabi ng pilotong si Slade.
“May available seats pa ba sa flight ninyo? Kailangan ko siyang habulin.”
“Pero puro mga supplies lang ang dala ko,” sabi nito.
“Kahit na. Sasama pa rin ako.” Habang nagtatagal silang di nagkikita ni Draco, pakiramdam niya ay lalo silang nagkakalayo.
“I AM sorry, Miss Carson. Pero naka-ban na po kayo dito sa Stallion Island.”
Nanlaki ang mata ni Tennessee sa pagkagulat sa sinabi ng personnel na nag-asikaso sa kanya sa pagpasok niya sa Stallion Island. “What? Anong ban? Tawagin mo si Draco. Sabihin mo nandito na ako.”
“Ma’am, ayaw nga po niyang magpaabala. Iyon po ang sabi niya pagdating niya. Saka siya po mismo ang nagpataw ng ban sa iyo. I am sorry.”
Nasapo niya ang ulo dahil pakiramdam niya ay may humataw sa kanya ng baseball bat. Nababaliw ba si Draco? Bakit siya ipina-ban? Ibig bang sabihin ay hindi na siya nito bibigyan pa ng pagkakataon?
Alam niyang limang taon itong namuhay sa dilim dahil sa pagtraidor ng isang babae dito. Pero di siya dapat magbayad sa kasalanang di niya ginawa.
“Miss Carson, mukhang may problema tayo,” sabi ng security head na si Oliver. “Kung pwede sana pumunta kayo sa security office.”
“Tapos ano? Palalanguyin ninyo ako palabas ng isla ninyo? No way! Kinailangan kong makisiksik sa mga kahon sa eroplano ni Slade para makarating dito. Tapos malalaman ko na ban ako? Gusto kong makausap si Draco. Importante ito di lang sa akin kundi sa inyong lahat. Gusto na naman ninyong may bampira dito sa isla ninyo kapag nag-emo na naman siya dahil sa pagkabigo sa akin?”
Nagkatinginan sina Oliver at ang assistant nitong si Ridge. Alam niyang di komportable ang dalawang ito kapag nasa paligid si Draco. He could really give a chill. “Tulungan na natin si Nessie. Kawawa naman. Saka gusto na naman ba ninyo ng Twilight Zone? Matatakot na naman ba tayo na baka may sumulpot na white lady tuwing dadaan sa villa ni Sir Draco?” sabi ni Arjhilleyne.
“Hindi ako natatakot,” protesta agad ni Ridge. “Saka usaping pag-ibig ‘yan. Wala akong alam diyan.”
“May paraan para ma-lift ang ban mo ,” sabi ni Oliver. “Kailangan mo ng thumbprint mula sa tatlong village lords.”
“Dalawang village lords lang ang nandito sa isla ngayon. Pwede kitang matulungan kay Lord Rouen at kay Lord Alexandros,” sabi ni Arjhilleyne. “Pero sa isang linggo pa dadating ang ibang village lord.”
Tiningnan niya ang CCTV monitor at may lalaking nahagip ang paningin niya. “O! Nandiyan si Prince Rostam. Tatlo! Tatlo ang village lord ngayon.”
“Nessie, sandali!” tawag ni Arjhilleyne sa kanya subalit di na niya ito pinansin. May pag-asa pa na magkaayos sila ni Draco. Gagawin niya ang lahat para lang mabawi ito sa kahit anong paraan. “Prince Rostam!” sigaw niya nang makarating sa terminal.
Lumingon ito at ngumiti nang makita siya. MAganda ang mood nito. Siguro naman ay hindi siya mahihirapang kumbinsihin ito. Bago pa siya makalapit ay hinarangan na ito ng babaeng kasama. “Sorry, Miss. Hindi mo siya pwedeng kausapin. Kailangan na naming umalis.”
“Sandali, Yvankka! Paano ko naman babalewalain ang mga fans ko? May obligasyon ako sa kanila,” sabi ni Prince Rostam.
“Anong fans? Fans mo ‘yung mga mustang sa Nirvana Island. Magpapakain ka pa ng panda bear at ng elepante.”
“Shhh!” saway niya sa dalawa. “Sandali lang! Mamaya na ninyo isipin ang mga elepante at mga panda bear. Importante muna na ma-lift ang ban ko para makausap ko si Draco. Draco Montague.”
“Ah! Si Kumander Paniki!” tatango-tangong sabi ni Prince Rostam. “At kailangan mo lang ng thumbprint ko? Of course. Pero sa isang kondisyon. Kailangan halikan mo muna ako.”
Pinigilan ni Yvankka ang noo nito nang lalapit ang mukha sa kanya para halikan siya. “Miss, hindi siya si Prince Rostam.”
“I am Prince Raschid,” pagpapakilala ng kamukha ni Prince Rostam.
“Frog Prince ka. Impostor. Kapag hinalikan mo siya, magkakakulugo ka.”
“Hindi siya si Prince Rostam?” Parang namamalik-mata siya dahil di niya masabi ang kaibahan nito kay Prince Rostam. Nanlumo siya. “Paano ako makakapasok sa Stallion Island nito?”
“Sa palagay ko hindi mo na kailangan pa ng thumbprint ng pangatlong village lord. Ako lang ang kailangan mo.”
Nilingon niya ang nagsalita. Nanlabo ang mata niya dahil sa luha nang makita si Draco. Hindi siya makagalaw sa kinatatayuan niya. Hindi kasi niya alam kung tatanggapin siya nito o tuluyang itataboy.
Malaki ang hakbang nito palapit sa kanya at niyakap siya. “I am sorry. Naging irrational ako. I gave you a though choice. Judged you for something you didn’t do. Natatakot lang ako kanina dahil si Tommy ang pinili mo.”
“Ikaw ang pinili ko. Idiot!” Isinubsob niya ang mukha sa polo nito. Wala siyang pakialam kung mabasa man ‘yon ng luha niya. “Kinailangan ko lang bigyan si Tommy ng sampal na kinakailangan niya.”
Kinuha nito ang kamay niya at idinampi sa palad nito. “Hindi ba dapat sampalin mo rin ako? Hindi kita nahintay kanina. Nang sabihin sa akin ng asawa ni Tommy na nasa ospital ka, pakiramdam ko talo na agad ako. Ayoko nang marinig pa sa iyo na mas mahal mo si Tommy kaysa sa akin o kaya naawa ka sa kanya.”
“At ipina-ban mo ako?”
“Magulo ang isip ko kanina. Gusto ko na lang ulit magkulong sa mundo ko. Iladlad ang kurtina sa bahay at sarilihin ang sakit na nararamdaman ko. Pero ayoko nang mag-stay sa bahay nang wala ka. Di ko nga gustong mag-stay dito sa isla kasi hindi kita kasama. Kaya nandito ako ngayon para sunduin ka. Kahit kasama mo pa si Tommy, aagawin pa rin kita sa kanya. Kasi ikaw na lang ang pagkakataon ko para tuluyang maging masaya.”
Sa gitna ng mataong terminal ay hinapit nito ang katawan niya at hinalikan siya. His kiss was possessive. He was finally branding her as his. He was kissing her with so much intensity that her heart would burst.
Draco loved her. He had given up his pride just to come to her. Ipaglalaban siya nito kaysa hahayaan lang siya.
“Okay. Hindi dapat gayahin ng mga bata,” sabi ni Andreev na tinakpan ang mata ni Jazzmyre.
“Hindi na ako bata,” angal ni Jazzmyre at pinalis ang kamay ni Andreev. “Nakita ko na kaya ang lahat-lahat sa iyo.”
“Ssshhhh!” saway ni Andreev dito at tinakpan ang bibig nito. Sinibat nito ng matalim na tingin ang ibang nasa terminal na na nakatingin dito. “Wala siyang nakita sa akin, okay?”
“Bakit di ko pa nakikita ang lahat sa iyo?” angal niya kay Draco.
“Stop it! Baka mamaya ano pa ang isipin ng iba dito.”
Sinundo agad nila si Dark Knight sa main stable nang maibigay ang clearance niya. Sakay ni Dark Knight ay pumunta sila sa villa nito.
“I am sorry. Dahil sa akin muntik mo nang halikan ang fake na Prince Rostam para lang ma-lift ang ban mo.”
“Kahit pa palaka hahalikan ko para ma-lift lang ang ban na iyan.”
“Am I forgiven for being stupid?”
Yumakap siya sa leeg nito. “Yung kiss mo kanina, bawi ka na doon.”
He pressed his lips on her forehead. Then he held her for a long time. “I love you. Dahil sa iyo, ayoko nang mag-isa. Ayoko nang malungkot. You taught me that I can trust someone to love me again. Yung walang kondisyon. Kaya next time di mo na kailangan pang humalik ng ibang prince para makasama ako.”
“Just the Prince of Darkness?”
“Just me.”