Stallion Island Series Chapter 131

Para mabawi ni Olay ang kapatid niya ay kailangan niyang makapasok sa Stallion Island. Doon muling nag-krus ang landas nila ni Noah Ames, ang lalaking aksidenteng humalik sa kanya nang manalo siya sa isang gay beauty pageant at ang lalaking ayaw na niyang makita pa.

Nang malaman nito ang sekreto niya na nandaya siya para manalo sa gay beauty pageant ay inani niya ang galit nito. Binigyan siya nito ng dalawang buwan para ibalik ang premyong nakuha niya sa pageant kundi ay paaalisin siya nito sa isla at ibubulgar nito ang sekreto niya.

Pero posible ba na ma-in love siya sa lalaking tiwala sa kanya lalo na’t pinangakuan din siya nito ng isang halik na makakapagpabaliw sa kanya?

Tatakbo na lang ba siya palayo sa tawag ng tukso o isusugal niya ang puso niya kahit na masaktan siya?

Mahigpit ang hawak ni Olay sa kapwa kalahok sa pageant. Malakas ang kaba sa dibdib niya kasabay ng drumroll. Hindi siya halos makahinga. Kailangan niyang manalo sa pageant na iyon. Dumayo pa siya sa malayong pistang bayan ng San Martin para malaking premyo. Kinapalan niya ang mukha niya at nilakasan ang loob niya. Maunlad ang bayang iyon at maraming sponsor na nakuha para sa pageant. Kapag napanalunan niya ang thirty thousand pesos, makukumpleto na niya ang tuition ng kapatid niya na nag-aaral ng Nursing. Makakabayad din sila sa kuryente at tubig pati na rin sa mga utang na natambak sa pagkamatay ng tatay niya at sa pagkakasakit ng nanay niya.

“Our Miss Gay San Martin is…”

Pilit siyang ngumiti habang inililibot ang tingin sa mga tao. May sumisigaw ng number niya. May sumisigaw sa number ng kalaban niya. Walang nakakaalam ng tunay niyang pagkatao maliban sa kaibigan niyang nasa backstage at sumusuporta sa kanya. She felt a pang of guilt. Mababait ang mga kasama nitong contestant sa kanya. Lahat ay nangangarap maging gay beauty queen. Kung mananalo siya, parang ninakawan niya ng pangarap ang mga ito.

Napalunok siya. PAsensiya na. Kailangan lang ng pamilya ko ‘to.

Hindi sapat ang pera na kinikita niya bilang singer sa isang banda na tumutugtog sa iba’t ibang bar. Suma-side line lang siya bilang stand up comedienne sa isang bar. Kulang iyon sa lahat ng bayarin niya. Ginagawa niya ang lahat para sa pamilya niya. Kung makakarma siya pagdating ng panahon dahil dito, bahala na. Sa ngayon ay gagawin niya kung ano ang kailangan.

“…. Miss Orlanda Macabuhay!”

Napatili siya habang sapo ang pisngi. Niyakap at hinalikan siya ng natalo niyang contestant. Napaluha siya. “I am sorry,” nausal na lang niya.

“Bakit ka magso-sorry? Lahat naman tayo wagi!” sports sabi nito.

Pinalis niya ang guilt na nararamdaman. Saka na siya magi-guilty ulit. Saka na rin siya maiinsulto na kinailangan niyang sumali sa gay beauty pageant para masabing maganda. Kailangan niya ng pera mapapanalunan niya.

“Congratulations, Miss Macabuhay,” bati sa kanya ng isa sa mga judge.

Naestatwa siya nang matitigang mabuti ang judge sa pageant na iyon. Noah Ames. Ang guwapong si Noah Ames. Kapatid ito ng Mayor ng San Martin ayon sa mga local candidates na nakausap niya. Kanina pa niya iniiwasang tumingin dito dahil kapag nagsasalubong ang mga mata nila ay natutunaw ang tuhod niya. Nawawala siya sa sarili.

Inabutan siya nito ng bulaklak. “Thank you,” usal niya.

Gosh! Ito ang dream man niya. NGiti lang nito ay naglalabo-labo na ang lamang-loob niya. Sa kasamaang palad ay di nito alam ang tunay niyang pagkatao. Na isa siyang tunay na magandang dalaga. Paano pa niya ito maaakit ng alindog niya? Kapag nga naman minamalas siya. May pera nga siya, wala naman siyang kafafahan.

Pero kailangan niyang makakuha dito kahit isang halik lang. “Sir Noah, pwede bang pa-kiss?”

Pigil niya ang paghinga habang hinihintay ang sagot nito. Nawala ang ngiti nito. Gumapang ang takot sa katawan niya. Paano kung tanggihan siya nito? Tiyak na malaking kahihiyan iyon sa kanya.

“Sure!” anito at nagkibit-balikat.

Humawak siya sa balikat nito at dahan-dahang inilapit ang mukha. Kaakit-akit ang bango nito. Parang gusto niya itong papakin. Okay na kahit walang kanin. Nararamdaman niya ang panginginig ng katawan niya habang dahan-dahang lumalapit dito. Sa pisngi lang naman siya hahalik.

“Fafa Noah! Gusto rin namin humalik!” tili ng mga kaibigan niyang sina Ericka at Jinky at sinugod ng yakap si Noah.

“Whoa!” Nawalan ng balanse si Noah at tumili siya nang maramdaman niya ang sariling bumabagsak sa sahig. Naramdaman niyang sumayad ang likod niya sa stage.

Inaasahan niyang makararamdam siya ng sakit. But instead, she felt heaven because Noah was lip locked with hers.

Hilong-hilo na si Olay sa antok. Magdamag siyang nagtrabaho sa comedy bar. It was a night of fun. Tuwing nasa stage siya, kailangan niyang magkunwari na walang problema sa mundo. Anuman ang problema ng mga taong nasa paligid niya, kailangan niyang ipalimot sa mga ito.

Pero pag-uwi niya, pumapasok sa utak niya ang mga bayarin. Money was never enough. Ang pakanta-kanta at pagho-host sa mga parties ay hindi sapat para makaipon niya sa lahat ng pangangailangan niya at ng pamilya niya. Matatapos na naman ang semester. Wala pa sa kalahati ang naiipon niya. Pamahal nang pamahal ang tuition kada semester. Isama pa ang mga projects at kung anu-ano pang requirements. First year pa lang si MAreschellie. Mahaba-haba pa ang bubunuin niya.

“Ma’am, nandito na po tayo,” untag sa kanya ng taxi driver.

Naidlip na pala siya sa kaiisip niya. Alas kuwatro na ng madaling araw noon. Papasikat pa lang ang araw. Gustong-gusto na niyang matulog.

Inaasahan niyang tahimik ang bahay pagpasok niya. Tulog pa ang nanay at kapatid niya kapag dumadating siya. Nagulat na lang siya nang marinig niya ang pagsigaw ng nanay niya. “Hindi ka na nahiya sa amin ng ate mo. Matagal mo na pala kaming niloloko.”

Nagimbal siya nang makitang nagkalat ang mga damit ng kapatid niyang si Mareschellie at isa-isa nitong dinadampot sa sahig. Galit na galit na ipinagbabato ng nanay niya sa labas ng kuwarto nito ang iba pang gamit nito.

“Nay, anong nangyayari dito?”

“Ang magaling mong kapatid, matagal na palang hindi pumapasok sa eskwelahan. Niloloko lang tayo!” galit na galit na wika ni Aling Lorna habang sapo ang dibdib. “Hindi na pala siya nag-enroll nitong huling sem.”

Nanlamig ang buong katawan niya. “Marie, anong ginawa mo sa pera?”

Hindi sumagot si Mareschellie at isa-isang dinampot ang mga gamit nitong nagkalat. Nakasabog ang mahaba nitong buhok kaya di niya makita ang ekspresyon sa mukha nito.

Dinampot ni Aling Lorna ang isa sa blouse nito. “Ito ang mga pinagbibili niya at mga kolorete niya.”

NAnlambot niya nang makita ang mga damit na pinagbibili nito. Ang mga alahas at ang mga make up. Mahal ang mga iyon. Libo-libo ang halaga. MAnliliit din ang luma niyang cellphone sa bagong-bagong cellphone nito na bagong model. Ang pera na dapat sana ay sa pag-aaral nito, ginastos lang nito sa ibang bagay? Habang nagpapakakuba siya sa pagtatrabaho para lang masuportahan ito.

Hindi niya tunay na kapatid si Mareschellie. Labing-isang taon siya nang magpakasal ang magulang nila. Biyudo na noon ang tatay niya. Pitong taon naman noon si Mareschellie. Hindi siya nito tanggap. Kinailangan pa niya itong suyu-suyuin para lang maging malapit s kanya. Nang mamatay ang tatay niya apat na taon na ang nakakaraan. Tumigil siya sa pag-aaral at nagtrabaho na lang para makatulong. Ito na lang kasi ang pamilyang natitira sa kanya.

“Kailangan ko ‘yan! Investment ‘yan, Nay!” angal ni Mareschellie.

“Investment para saan? Para sa kalandian mo?” singhal ni Aling Lorna.

“Gusto kong maging artista at model. Kailangan ko ‘to. WAla akong mararating kung mag-aaral lang ako. Nakakapagod mag-aral. Maganda naman ako kaya tiyak na mabilis ang magiging pagsikat ko,” katwiran nito.

“Imposible naman ang gusto mong mangyari,” sabi ni Aling Lorna. “Sa palagay mo ganoon kadali ang pag-aartista? Baka mapariwara ka lang.”

Ngumisi si Mareschellie at umiling. “Mangyayari na ang pangarap ko, Nay. Member na ako ng Sirens ni Merian de Vera. Nakilala ko siya sa isang audition. Natuwa siya sa akin. At napansin niya ako. Sabi niya bagay akong sumama sa grupo niya.” Isang artista si Merian de Vera. Ang alam niya ay mayaman ito. Halata naman sa mga mamahaling damit at gamit ng kapatid niya na pinipilit nitong sumabay sa bagong mga kaibigan. Iyon ang pangarap ng kapatid niya.

“Pupunta pa nga kami sa Stallion Island,” pagpapatuloy ni Mareschellie. “Makikita ko na ang mga Stallion Boys. Hindi ko iyon magagawa kung magpapakaburo lang ako sa pag-aaral.”

Nineteen pa lang ang kapatid niya pero kung anu-ano na ang pinapangarap nito. Pero panandalian lang ang pag-aartista. Hindi iyon magtatagal. Baka mamaya ay mapariwara pa ang kapatid niya kapag pumunta sa Stallion Island. Merian de Vera and her friends surely knew how to play the game. Pero hindi ang kapatid niya. Tiyak na masasaktan lang ang kapatid niya.

Pero kung pagsaasabihan niya si Mareschellie ay tiyak na lalo itong magmamatigas. Kailangang kausapin niya ito nang mahinahon.

“Marie, pwede ka namang pumunta sa Stallion Island kung gusto mo. Pero sana ituloy mo ang pag-aaral mo. Alam mo pinag-iipunan ko ang tuition mo. Ipu-full natin para di ka na mapapahiyang magpabalik-balik sa accounting ninyo. Di mo na rin kailangang mag-promisory note kung may exam ka. At kapag naka-raket ako, makakabili ka pa rin ng damit na gusto mo.”

Akmang hahawakan niya ito pero tinabig siya nito. “Pwede ba? Hindi na ako bata para utu-utuin mo. Kaya ayoko nang mag-aral dahil ayoko nang marinig ang mga sakripisyo mo para sa akin. Sa totoo lang hindi ko naman kailangan ang mga sakripisyo mo. Para ba saan iyan?”

“Kapatid kita…”

“Hindi tayo magkapatid!” singhal nito sa kanya. “hindi naman pareho ang nanay at tatay natin, di ba? Kaya huwag ka nang magbait-baitan. Ayoko nang mag-aral dahil ayoko nang magkautang na loob sa iyo. Siguro akala mo touching na sumali ka pa sa gay beauty pageant para lang sa akin. Pero ang totoo sa mga ganoong pageant ka lang naman mananalo. Paano naman kita ipagmamalaki kung reyna ka lang ng mga bading?”

Parang hinampas siya ng malaking alon para lang ihambalos sa isang malaking pader. Ganoon pala kababa ang tingin ni Mareschellie sa mga sakripisyong ginawa niya para dito. Hindi pamilya ang turing nito sa kanya. Ikinahihiya siya nito. At lahat ng kabutihang gawin niya para dito ay hindi nito kayang tanggapin. She could see the hate in her eyes. Bakit ganito katindi ang galit nito sa kanya?

Naramdaman niyang parang may kutsilyong gumuguhit sa puso niya. Mahal niya si Mareschellie na parang tunay niyang kapatid. Walang halaga sa kanya ang hirap ang sakripisyong ginawa niya basta lang mapabuti ito. Ngayon niya naramdaman ang mga kahihiyan at hirap na dinanas niya para dito. Hindi naman pala nito naa-appreciate. Ang masama pa doon, nahihiya ito sa ginagawa niya.

Itinulak si Mareschellie ni Aling Lorna. “Bastos ka! Wala kang karapatan na bastusin ang Ate Olay mo. Tutal pakiramdam mo kaya mo na, umalis ka! Kalimutan mo nang may pamilya ka kung gusto mo. Wala kang kahihiyan.”

Pareho silang nagulat ni Mareschellie sa pagtataboy dito ng nanay nila. HInawakan niya si Aling Lorna sa balikat. “Nay, huwag po…” Nabibigla lang ito.

Nangilid ang luha sa mata ni Mareschellie. “Gusto ninyo akong umalis?”

Matapang itong tinitigan ni Aling Lorna. “Mas gugustuhin ko nang si Olay na lang ang maging anak ko. Wala akong anak na bastos at walang utang na loob. Hindi ka tumulad sa ate mo na kahit kailan di ako binigyan ng sakit ng ulo.”

Tumalim ang mata ni Mareschellie at pinagpalipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa ni Aling Lorna. “Ganyan naman kayo. Walang ibang magaling sa inyo kundi si Ate lang. Huwag kayong mag-alala. Patutunayan ko sa inyo na kaya kong higitan ang ginagawa niya ng walang tulong niya. Ipagmamalaki din niyo ako. Kapag nakapag-asawa ako ng isa sa Stallion Boys, magpapatayo ako ng mansion. Malulunod tayo sa salapi at hindi na ninyo ako mamalilitin kahit kailan.”

Walang sali-salitang hinatak ni Mareschellie ang bag nito at lumabas ng bahay. “Marie, sandali!”

Akmang pipigilan niya ito pero siya naman ang pinigilan ni Aling Lorna. “Pabayaan mo siya. Hindi siya magpapapigil sa atin. Kapag nagdesisyon ang anak ko, hindi natin mababago.”

“Pero Nay, baka po mapahamak siya.”

“Kailangan niyang matuto ng leksiyon sa sarili niya.” Mariin itong pumikit at napaupo sa sofa. “Hindi ko alam kung saan ako nagkamali ng pagpapalaki sa batang iyon. Hindi ba ako naging mabuting ina?”

NIyakap niya ito at hinaplos ang likod nito habang ito ay patuloy sa pag-iyak. “Nay, naging mabuti po kayo sa akin. Ako nga na di ninyo anak, itinuring pa rin ninyong tunay na anak.”

“Pero bakit si Mareschellie. Parang katulad din siya ng tatay niya. Makasarili. Walang inisip kundi ang makakabuti para sa kanya.” Iniwan si Aling Lorna ng ama ni Mareschellie na si Mario noong malamang buntis ito. Isa pa marahil iyon sa dahilan kung bakit galit sa kanya si Mareschellie. Hindi nito nakilala ang tunay nitong ama habang siya naman ay may sariling ama. “Nahihiya ako sa iyo, Olay.”

“Pamilya po tayo, Nay. Kung anuman ang nasabi ni Mareschellie, sa palagay ko mare-realize din po niya na mali siya. Ibabalik ko siya sa atin, Nay.”

Hindi siya papayag na pabayaan lang si Mareschellie na pumunta ng Stallion Island kasama ang mga bago nitong kaibigan. Maganda si Merian de Vera at kilalang artista pero wala siyang tiwala sa hilatsa ng mukha nito. Di siya naniniwala na kabutihan ng kapatid niya ang iisipin nito.

Kailangang protektahan niya ang kapatid niya sa kahit anong paraan. Gagawin niya ang lahat para mabigyan ng magandang kinabuksan si Mareschellie. Dahil kahit ano pang sabihin nito, magkapatid pa rin sila.

PALINGA-LINGA si Olay habang sumisimsim ng strawberry iced tea. Nasa Windy Café siya sa Wind Village ng Stallion Island. Puro karangyaan ang nasa paligid niya. Mula sa magandang view ng dagat at kabundukan sa harapan niya, sa windmills na nakatayo di kalayuan sa café na iyon at pakiramdam niya pati ang mga taong nakikita niya ay amoy pera lahat.

“Hindi pa rin ako makapaniwala na nasa Stallion Island ako,” usal niya at nilingon ang kaibigang si Aya. Kasama niya ito bilang song master sa comedy bar kung saan dati siyang nagpe-perform. Ito ang nag-back up sa kanya para makapag-trabaho sa Stallion Island. “Sa terminal pa lang kanina nang papasok ako, parang nasa ibang bansa na ako. Nasa Pilipinas pa ba tayo?”

Stallion Island was one of a kind. Nang makita niya ang palasyo ni Prince Rostam mula sa cruise yacht na nagdala sa kanya sa isla, pakiramdam niya ay nasa ibang mundo siya. Kahit ang simpleng café na iyon ay may sarili nitong class. Sa Windy Café siya magpe-perform apat na beses sa isang linggo. At ayon sa may-ari niyon, maari din daw siyang mag-sideline na waitress kung kulang ng tauhan lalo at may mga mahahalagang okasyon na doon ginaganap.

“And mind you. Marami ding guwapo dito. Umaapaw sa kaguwapuhan. Kundi lang talaga ako mag-aasawa na, di ko gugustuhing umalis dito agad.”

Patuloy pa rin siya sa pagtingin sa paligid. INaasahan niya na makikita niya ang taong hinahanap niya. Di na niya napansin ang kwento ni Aya tungkol sa mga guwapong member ng Stallion Island.

“Hoy! Nakikinig ka ba sa akin?” untag nito sa kanya at tinapik ang kamay niya. “Sabi ko…”

“Nakita mo ba dito si Mareschellie?” tanong niya kay Aya. “Sinu-sino ang mga kasama niya?”

“Mare, hindi ko nakikita dito ang maldita mong stepsister na walang utang na loob. Nakikita ko ang mga Sirens pero hindi siya kasama.”

“Pero nakikita ko sa mga picture niya sa Friendster at sa Facebook. Kasama talaga niya si Merian de Vera. Hindi nga lang dito sa Stallion Island.”

Hindi na kumontak si Mareschellie mula nang umalis ito sa bahay nila. Kahit na di nagsasalita ay nag-aalala ang nanay niya dito. Kaya pilit niyang hinanap si Mareschellie. Maging ang mga dati nitong malalapit na kaibigan at kaklase ay di na rin daw nito tinatawagan. Kaya si Merian ang sinubukan niyang kontakin.

Hindi lang talaga niya matiyempuhan ang kapatid niya. Di rin niya malapitan si Merian dahil mahigpit ang security nito kapag may shooting ito. Ayaw nitong makikipag-usap sa mga fans.

Wala na siyang choice kundi pumunta ng Stallion Island. Ayaw niyang iwan ang nanay niya pero iyon lang ang paraan para masubaybayan niya ang kapatid niya. Mapipigilan niya itong gumawa ng kahangalan. Kahit pa sino ang makalaban niya, titiyakin niyang hindi maloloko ng kahit sinong lalaki doon ang kapatid niya.

“Ano bang klaseng tao ang mga Sirens?” tanong niya. Gusto niyang malaman kung anong klaseng tao ang mga bagong kaibigan ng kapatid niya. Tinatrato ba ito nang maayos? Baka mamaya ay inaapi lang pala ito.

“Hindi sila mga tao. Malalansa silang isda. Magaganda sana sila kaso feeling nila pag-aari nila itong isla at ang mga Stallion Boys. Lahat ng mga girlfriend ng Stallion Boys gusto nilang awayin. Mukha sanang sosyal kaso minsan parang walang sariling bait.”

“Baka mahawa ang kapatid ko sa kanila,” nag-aalala niyang sabi.

Inikot nito ang mga mata. “Orlanda, for once kalimutan mo nga iyang kapatid mo. Hindi mo na napapansin ang mga kayamanan ng islang ito kung puro si MAreschellie ang iniisip mo. Napansin mo ba na kausap ni Boss si TJ Javellana.”

MUntik nang malaglag ang panga niya nang makita ang musician at elusive na recording artist na si Trinidad Javellana, Jr. “Nandito siya?”

“Oh, yes! At maswerte tayo dahil nagpe-perform siya dito o kaya ang ilan sa mga talent niya.”

“Sino ‘yung isa pang kausap ni Ma’am Ashlan?” At inginuso niya ang matangkad na lalaking may mahaba na medyo wavy ang buhok.

“Si Sir Trick. May-ari siya ng mga bukirin at palaisdaan sa kung saan-saang province. Hot na magsasaka.”

“Mas bagay siyang model,” komento niya. She suddenly became aware of the new comer. Nakangiti nitong binati ang mga bagong dating. Nagsalubong ang kilay niya. There was something familiar about him. Sa tindig at sa kilos nito, parang nagkita na sila dati.

Nahigit niya ang hininga nang hawiin nito ang may kahabaang buhok. Saka niya nakita ang magagandang mata nito na parang laging nakangiti at nang-aakit kung makakatitig. Her breath came in snatches.

It was Noah Ames. Ang guwapong judge sa gay beauty pageant na sinalihan niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.