Stallion Island Series Chapter 133

Minsang naging judge si Noah sa San Martin kung saan mayor ang pinsan niyang si Guilbert. Hindi mawala sa isipan ni Noah ang imahe ni Olay at ng contestant sa pageant na iyon. Parang magkahawig nga ang dalawa. Kahit paulit-ulit niyang gustong burahin ang imahe ng winner ng Miss Gay San Martin na nagawa naman niya sa loob ng limang buwan, biglang napakalinaw sa kanya ng lahat. Even that gay beauty had great legs. Di nga siya makapaniwala noon na may mga kalalakihang pwedeng magkaroon ng perpektong legs katulad ng sa tunay na babae.

Ipinilig niya ang ulo at ibinalik ang tingin kay Olay na hinila ng resident rockstar na si Dare para sa isang duet. They were singing a love song. At pumailanlang ang magandang boses ni Olay.

“There are no perfect strangers. Just what’s meant to be…”

Magkatimbre ang boses ni Olay at ng contestant. Isa nga ito sa pinagpilian nilang manalong Miss Talent dahil babaeng babae ang boses nito. Kagaya ni Olay.

No! Imposibleng si Olay iyon. She was so feminine. Definitely not gay. Tiniyak iyon ng kaibigan nitong si Aya. Hindi naman siguro siya irereto ni Aya sa isang homo. Alam ni Aya na ang pangarap niya ay isang babae na magbibigay sa kanya ng magagandang mga anak. Hindi naman siguro siya nito bibiruin sa isang napaka-seryosong bagay gaya ng pagrereto sa kanya kay Olay.

No. Babae si Olay. Hawig ito ng winner ng gay beauty pageant pero di rin siya sigurado. Five months na ang nakakaraan. Maraming magagawa sa pamamagitan ng make up. Make up lang iyon. Simpleng-simple lang ang make up ni Olay kaya mukhang natural. Tama. Hindi ito ang contestant sa gay beauty pageant. Hindi niya kailangang mapraning.

“May ikinu-kwento sa akin si Stefanos,” sabi ni Cody. “May isang pinsan daw siya na lalaking-lalaki. Nahalikan lang ng bading nang di sinasadya, naging homo na rin daw. Ganoon pala iyon? Kapag hinalikan ka ng bading, mahahawaka ka rin.”

Parang isang bomba ang bumagsak sa harapan niya nang marinig ang sinabi ng kaibigan. Then he remembered the soft lips of a woman with great legs. No! Hindi iyon babae kundi ang winner ng Miss Gay San Martin. Ang contestant na lagi niyang naihahawig kay Olay.

Isang aksidente ang nangyari. Di sinasadyang nagkalapat ang labi nila. Isa iyong alaalang ayaw na niyang balikan pa. Nang maalala niya ang itsura ng contestant na iyon nang maghilayaw ang labi nila – ang mata, ang labi, ang ilong at pati ang ngiti ay hawig na hawig kay Olay. And he was a man!

“Pare, ibig sabihin delikado talaga na mahalikan ka ng homo. Kasi mahahawa ka at magiging homo ka rin,” sabi ni Trick.

Umakbay si Brenton kay Cody. “Pare, pa-kiss nga!”

Namanhid ang buong katawan niya. Pakiramdam niya ay sasabog siya na parang bomba. Nahalikan niya ang isang lalaki. Ngayon ay nagkakagusto siya sa kay Olay na kamukha ng homo na iyon.

Matalim niyang tiningnan si Olay. Paano kung hindi babae si Olay at ito pala ang Miss Gay San Martin? Ibig sabihin ay nagkakagusto siya sa isang homo? At ibig sabihin ay homo na rin siya.

Bigla siyang tumayo at matalim ang bawat paghugot ng hangin sa baga niya. Dali-dali siyang lumabas ng Windy Café na balisang-balisa. Sinenyasan niya ang nakaabang na groom para ipakuha ang kabayo niyang si Starlight. Pinahaginit niya ito sa kadiliman ng gabi. Hinayaan niya ang malamig na hangin na sampalin ang mukha niya baka sakaling matauhan siya.

No! Hindi siya papayag. He is not a homo! Lalaki siya! Lalaki! At sa babae lang siya pwedeng magkagusto.

Nakarating siya sa gilid ng isang cliff. Nasa Thunder Village na pala siya. Pilit niyang kinalma ang sarili. “Lalaki ako!” sigaw niya. “Totoong lalaki! Shit!” Saka niya pinagsisipa ang bato sa paanan niya.

Inilabas niya ang cellphone at tinawagan ang pinsan niyang si Vix. Ito ang kapatid ng mayor ng San Martin na si Guilbert at siyang tumatayong assistant nito. Walang mangyayari kung magwawala lang siya. Kailangang maging malinaw sa kanya ang pagkatao niya o magpapatingin na siya sa resident psychologist ng Stallion Island na si Andrya. Nata-trauma ang buong pagkatao niya.

“Vix, may files ka ba pa ng Miss Gay pageant ninyo? Pictures? Profiles ng mga candidates?” tanong niya.

“Nasa internet site ng San Martin. Bakit?” tanong nito.

“May gusto lang akong i-check. Thank you!” aniya at di na sinagot ang iba pang gusto nitong itanong. Sumunod niyang tinawagan ay ang security head ng Stallion Island na si Oliver. “Yo, Oliver!”

“Videoke Night ngayon, di ba? May problema ba sa Windy Café?” tanong nito.

Ihinalamos niya ang mukha sa palad. “Oliver, I need your help. I want information on Windy Café’s new song master.”

“Ah! ‘Yung may magandang legs na chinita? You got it bad, dude?”

“Yeah, so bad!” Dahil malapit na siyang maghurumentado. Kapag nalaman niya ang totoong pagkatao nito, saka lang siya matatahimik o lalong maguguluhan.

“NAKU! Bakit ba kasi ako nag-boyfriend nang pumasok ako dito sa Stallion Island? At bakit kasi pumayag agad akong magpakasal sa tukmol. Sana may ganito rin akong kagagandang bulaklak na natatanggap,” sabi ni Aya habang pinagmamasdan ang mga bulaklak na padala sa kanya. Ang isa ay mula sa rockstar na si Dare na naka-duet niya nang nakaraang gabi at ang isa ay mula sa village lord na si Ryuhei na nagustuhan ang performance niya nang nakaraang gabi. Nag-enjoy kasi ang lahat dahil sa magaling niyang pagho-host.

Tanghali na noon pero kagigising lang nila. Naghilata pa siya sa kuwarto niya nang isa-isang ipasok ni Aya ang mga padalang bulaklak sa kanya.

Madaling-araw na siya nakauwi mula sa pagpe-perform sa Windy Café. Nag-enjoy naman siya dahil nakiki-cooperate ang lahat. Walang killjoy. Stallion Boys really knew how to have fun.

“Natuwa lang sila sa trabaho ko. Nothing romantic,” sabi niya at nakapangalumbabang pinagmasdan ang mga bulaklak.

“Nothing romantic ka diyan. Mabuti nga Stallion Boys ang nagpapadala ng bulaklak sa iyo. Samantalang ako dati puro DOM ang naaakit sa akin. Kinikilabutan ako, ning!” anito at hinaplos ang sariling braso.

“Puro ka talaga kalokohan!” aniya at binato ito ng unan.

“Hay! Maganda talaga ang flower arrangement ni Sir Noah. Mai-in love ka sa mga bulaklak! Kahit siguro pangit ang nagpadala ng bulaklak, mai-in love ka pa rin.”

Si Noah nga ang gumawa ng flower arrangement pero hindi naman ito ang nagpadala. Mas maganda siguro kung padalhan siya nito.

“Bigla na lang umalis si Sir Noah habang kumakanta ako kagabi,” malungkot niyang usal. “Ni hindi ko man lang narinig na kumanta.”

“May emergency yata. Wala pang na-miss na videoke night si Sir Noah. Prinsipe ng Videoke dito iyon. Palagi na lang mataas ang score.” PInakatitigan siya nitong mabuti. “Crush mo ba si Sir Noah? Nami-miss mo?”

Tinalikuran niya ito at ibinagsak ang sarili sa kama. “Miss? Di pa nga kami matagal na magkakilala. Napansin ko lang umalis siya.”

Gusto niyang kutusan ang sarili. Dapat ay iwasan niya si Noah. Dapat ay hindi na niya ito isipin. Delikado ang kabuhayan niya kapag nalaman nito na siya si Miss Gay San Martin. Sa ibang guwapo na lang niya itutuon ang atensiyon niya at sa pagpapayaman. Huwag na sa lalaking magdadala ng kamalasan sa kanya.

“Napapansin ko kasi kagabi titig na titig siya sa iyo.”

Sumasal ang dibdib niya. Hindi niya alam kung dahil sa excited dahil interesado sa kanya si Draco. Malay ba niya kung ang alindog talaga niya ang dahilan kung bakit siya nito tinititigan. Paano kung namumukhaan na siya nito bilang Miss Gay San Martin? Bawat sandaling isipin niya si Noah, pakiramdam niya ay palapit na nang palapit ang katapusan ng pangarap niya.

“Matutulog na lang ulit ako. Kinapos pa ako sa beauty rest ko.”

Ayaw na niyang pag-usapan si Noah. Ayaw na niyang isipin pa.

Nagsisimula na siyang balikan ng antok nang yugyugin siya ni Aya sa balikat. “Uy! May padala sa iyo si Sir Noah!”

Bigla siyang bumalikwas ng bangon. “Anong padala niya sa akin?” excited niyang tanong.

Iwinagwag nito ang long stemmed rose habang sa kabilang kamay ay hawak nito ang card. “For the new rose of Windy Café. Have a late lunch with me at Island Bloom’s indoor garden. Please say yes because I don’t accept no for an answer. Noah!” tili nito sa pangalan ni Noah at parang mababaliw dahil muntik nang malukot ang card na hawak nito.

Inagaw niya ang card mula dito at ang bulaklak. “Naku! Baka naman niloloko mo lang ako.”

“Hindi ako manloloko, no? Bilis-bilisan mong magbasa diyan dahil baka magbago ang utak ni Sir Noah! May isa nang mai-in love diyan.”

Kinusot niya ang mata at paulit-ulit na binasa ang laman ng card. Katulad nga iyon ng sinabi ni Aya. Hindi nga ito nagbibiro. Hindi rin naman siguro siya nagha-hallucinate. Niyaya nga siya ni Noah ng date.

Nang mahulasan siya ay dali-dali siyang tumakbo ng banyo. Halos mapangalahati niya ang bote ng Stallion Shampoo para tiyaking maganda at mabango ang buhok niya. Isa iyon sa asset niya.

Paglabas niya ng banyo ay namimili na si Aya ng damit para sa kanya. “Ako ang fairy godmother mo ngayon. Nararamdaman ko talaga na si Sir Noah ang babagay sa iyo. Nagkatotoo nga ang hinala ko. He likes you.”

Huminga siya nang malalim habang inaaayos ni Aya ang buhok niya. Hindi naman niya kailangang masyadong mag-ayos. Natural na ang ganda niya. Mas di nga bagay sa kanya ang makapal na make up dahil nagiging matapang ang mukha niya. She could feel her body sizzling with excitement.

“Huwag tatawa ng malakas. Konting hinhin. Dalagang Pilipina dapat. Huwag agad sasagutin. Naku! Gusto ng mga boys dito medyo pakipot.”

Puro tango ang naisagot niya. Hanggang magpahatid siya sa Island Bloom ay hindi siya halos humihinga. Di niya alam kung dapat nga siyang ma-excite lalo na’t maaring malaman ni Noah ang lihim niya. To hell with the warning bells. Pagbibigyan lang niya ang sarili niya. Minsan lang siyang makipag-date. Lagi niyang binabalewala ang boys dahil puro trabaho at pamilya ang iniisip niya.

Isinara niya ang isipan sa mga alalahanin. Saka na niya iisipin ang problema niya sa buhay. Sa ngayon ay magpapakasaya muna siya sa piling ni Noah.

Pagpasok niya ng flower shop na Island Bloom ay may sumalubong sa kanyang nakangiting babae at iginiya siya sa isa pang pinto. “Sir Noah is waiting for you, Ma’am,” magiliw na wika nito.

“Thank you…” Sinulyapan niya ang name tag nito. “Roan.”

Pagpasok niya sa glass door ay parang pumasok siya sa engkantadong mundo. Ang indoor garden ay punong-puno ng naggagandahang namumulaklak na halaman. May mga paru-paro pang nagliliparan. Sinundan niya ang pathwalk at bumulaga sa kanya ang manmade waterfalls na bumabagsak sa batis. Sa harapan niyon ay nakaayos ang mesa na may nakahanda nang masasarap na pagkain. Sinalubong siya ni Noah. Forget the food. Pwedeng si Noah na lang ang papakin niya. The beauty of the garden only made him more masculine and handsome.

“Thank you for coming at such a short notice,” anito at inalalayan siyang umupo.

“Ako nga dapat ang magpasalamat sa pag-i-invite sa akin. This is an honor.”

Sabi ni Aya sa kanya ay bihira ang nakakapasok sa indoor garden na iyon. Kailangan pang magpa-schedule at mangilan-ngilan pa lang ang napagbibigyan. At para doon pa sila mag-date ni Noah, parang pagkahaba-haba ng buhok niya. Kasing haba ng EDSA.

Palinga-linga pa rin siya sa paligid para di ma-focus kay Noah ang excitement niya. Baka magtitili na lang siya doon sa sobrang kilig. Mawawala ang pagiging dalagang Pilipina niya. “Ang ganda-ganda naman dito. Alagang-alaga siguro ‘to,” komento niya habang kumakain sila.

Pasimple lang niyang sinusulyapan si Noah na kanina pa titig na titig sa kanya kahit tipid lang ang ngiti nito. Those eyes definitely made her nervous. Parang may gusto itong sabihin sa kanya. Ano kaya ‘yon? Manliligaw ba ito? Ide-date ulit siya?

“Freezia, my sister, takes care of this indoor garden. This is actually her idea. I am glad you like it here.”

Huminga siya nang malalim at nakangiting tumingin dito. “Parang nasa fairy land ako. Pakiramdam ko diwata ako.”

Naging tahimik ito hanggang ang tanging narinig na lang niya ay ang lagaslas ng tubig sa batis. Nang sulyapan niya ito ay mariing magkadikit ang labi nito habang matiim na nakatitig sa kanya. There was a flash of anger in his eyes.

“Pakiramdam mo ba diwata ka rin nang manalo kang Miss Gay San Martin, Miss Olay Macabuhay?”

Parang bumara ang kinakain niyang carrots sa lalamunan niya. Hindi siya makahinga at hindi rin niya magawang alisin ang tingin sa mukha ni Noah. Mas malinaw na ang galit na mababakas sa mukha nito. He knew!

“P-Paano mo nalaman?” Hindi na niya magagawang magkaila. Sinadya ni Noah na yayain siya doon para komprontahin. Hindi para sa isang romantic date. How stupid of her! Sinasabi na nga ba niya kanina na dapat siyang mag-ingat pero hindi niya pinansin ang lahat ng warning ng sistema niya. She was now caught.

Ngumisi ito. “Hindi mahirap sa akin ang makakuha ng impormasyong kailangan ko. For the record, gusto kong malaman ang totooo. Are you really a woman or a homo?”

Mariin siyang pumikit bago sinagot ang tanong nito. “I am a woman. Pero parang bading lang akong kumilos minsan dahil sa trabaho ko.” Hindi ito sumagot. Nakatitig lang sa kanya na parang walang narinig. “Naintindihan mo ba ako? Ang sabi ko…”

He snapped his fingers. “I heard you! And it makes me wonder. Lahat ng mga papeles mong ipinasa para sa Stallion Island ay nagsasabing babae ka. Kahit ang physical examination mo kino-confirm kung ano ang gender mo. That’s why I want to know. Saan ka ba talaga nagsisinungaling? Sa file mo sa Stallion Island o sa gay pageant na sinalihan mo? Ano ang tunay na ikaw?”

Gumala ang paningin nito sa kanya hanggang tumutok sa dibdib niya. Parang iniisip nitong silicon lang ang mga iyon.

Nakataas ang kilay siyang humalukipkip. “Totoo iyan! Kahit di masyadong malaki! Babae nga ako! Girlash!”

“Iyong totoo!” singhal nito at hinampas ang mesa.

Napapitlag siya. “Babae nga ako! ANg kulit mo!”

Lalo itong hindi nasiyahan sa sagot niya at biglang tumayo. Saka nito idiniin ang mga palad sa mesa. “So you joined the gay pageant under false identity. Hindi ka talaga gay. Babae ka! Pero pinapaniwala mo ang lahat na hindi ka totoong babae.”

Napangiwi siya dahil naramdaman niya ang isang bulkan na nagbabantang sumabog. Makikinig pa kaya ito sa paliwanag niya? “Sir, pasensiya na po. Kasi…”

Ikinumpas nito ang kamay at naglakad paikot ng mesa. “kasi namatay ang ipis ninyo? Ginawa mong katatawanan ang mga contestant at pinagmukha mo kaming tanga. Sa palagay mo ba ginawaang gay pageant para lang pagkaperahan? It’s a celebration for the member of third sex who wanted to celebrate their preferennce. Na kahit ano pang sabihin ng ibang tao, tutuparin nila ang pangarap nila. Pero inagawan mo sila ng pangarap!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.