Stallion Island Series Chapter 134

Dikdik na dikdik na siya. Kung pako lang siya, kanina pa siya nakabaon. Noah made her feel more guilty than ever. Na-guilty rin naman siya nang sumali siya sa pageant pero mas namayani ang pangangailangan ng pamilya niya. Bakit kaya hindi na lang siya nito gawing pataba sa mga halaman? O kaya ay sasakluban na lang niya ng bayong ang ulo niya dahil di na siya makaharap dito sa sobrang kahihiyan.

“Sir Noah, may dahilan naman ako bakit ko ‘yon ginawa. May kanya-kanya tayong pangangailangan. Malaking pera ang kailangan ko nang panahong iyon. May kapatid akong pinag-aaral. Wala akong kita ko noon sa comedy bar dahil nagre-renovate sila. May sakit pa ang nanay ko.”

Tumawa ito ng pagak. “Sa palagay mo ba bibilhin ko ang alibi mo? Kahit ang mga kriminal iyan din ang laging sinasabi kapag nahuhuli siya.”

Nag-alab sa galit ang mga mata niya. “Sinasabi mo bang sinungaling ako?”

“Nagsinungaling ka naman talaga, di ba?”

“Nagsinungaling lang akong minsan sa pageant. Iyon lang. Pero di ibig sabihin pati ang pangangailangan ng tuition ng kapatid ko ipagsisinungaling ko pati ang sakit ng nanay ko. Nagipit lang ako kaya ko nagawa ‘yon. Walang-wala naman talaga akong pera.”

“Kailangan mong manloko para magkapera?”

“Oo na! Mali ako. Inaamin ko naman. Ano ang gusto mong gawiin ko? Mang-hold up ng bangko? Magbenta ng katawan? Palibhasa mayaman kaya madali lang para sa iyo na mag-akusa sa akin na may iba pang madaling paraan. Mas gusto mo ba lumapit na lang ako sa iyo para mangutang? Madali lang iyan sa iyo kasi mayaman ka. Di mo alam ang pakiramdam na maging desperada sa pera.”

“Maraming mahirap sa mundo. Alam ko naman ang iba napipilitang manloko para lang makaagapay sa buhay. Pero iyon ba ang tama? Akala mo ba mapapaikot mo kami? Na walang nakakaalam ng totoo? Pwede kitang ireklamo sa ginawa mo. Hindi ka mapagkakatiwalaan.Tinitiyak ko sa iyo na mawawalan ka ng trabaho.”

Naalarma siya at napakapit sa braso nito. “Sir Noah, huwag po! Please! Kailangan ko ng trabahong ‘to.” Ito ang tsansa niya para mahanap ang kapatid niya. Gusto na niyang iuwi sa bahay ang kapatid niya.

“At sa palagay mo ba dapat lang palagpasin ang ginawa mo? Kalimutan na lang ang lahat?”

“Hindi!” Pinagsalikop nito ang palad. “Babawi ako. Tiyak na may paraan para makabawi. Anong gusto mong gawin ko?”

“Ang gusto ko?” His hot gazed pinned her as it wandered from her head to toe. Parang tinatatakan nito ng pagnanasa ang bawat madapuan ng paningin nito. Iyon ba ang gusto ni Noah sa kanya? Ang katawan niya?

Pinagkrus niya ang braso sa ibabaw ng dibdib. “Oy! Wag ang puri ko.”

Sa pagkakataong ito ay humalakhak ito ng malakas. “Okay. Naniniwala na akong comedienne ka. Wala ka namang puri. Silly!”

Nairita siya sa pang-iinsulto nito. Nilapitan niya ito at namaywang. “Ang yabang mo! Grabe kang mang-insulto.”

“Mas nakakainsulto ang ginawa mo!”

Bumalik ito sa pagiging tigre na handang manira. Kailangan niyang kumalma at mag-isip. Hawak ni Noah ang susi para manatili siya sa isla, makapagtrabaho nang maayos at maiuwi ang kapatid niyang si Mareschellie bago ito mapariwara.

She twisted her hands. “Kung may ibang paraan lang para makuha ko ang perang kailangan ko, hindi ko talaga gagawin iyon.”

“That’s enough! Ayoko nang marinig!”

Tumahimik siya ng ilang sandali habang hinihintay ang pagkalma nito. Di niya pwedeng sabayan galit nito. Baka sa susunod ay tawagan na lang nito ang amo niya para ireklamo siya. Halos sinasamba ang mga miyembro ng Stallion Island Riding and Leisure Club. Kayang-kaya siyang alisan ng trabaho ni Noah. At lahat ng pangarap niya ay magiging bangungot.

“Sir, gusto ko lang naman po na mabigyan ng pagkakataon para maituwid ang ginawa ko,” mahinahon niyang sabi. “Ibabalik ko ang korona pati ang cash prize basta makapag-ipon lang ako. Pero hindi ko iyon magagawa kung paaalisin mo ako dito sa Stallion Island. Mas malaki ang sweldo dito.”

Pinag-aralan siya nitong mabuti. Parang wala itong tiwala sa pangako niya. “I will ask my lawyer to draft a contract regarding this.”

TUmango siya. “Wala pong problema, Sir.”

“Two months. Bibigyan kita ng dalawang buwan para bayaran ang utang mo.”

“Two months?” nanlalaki ang mata niyang tanong. Marami pa siyang kailangang ipunin. Sa loob ng dalawang buwan ay kailangang may naipon na siya para sa tuition ni Mareschellie at sa iba pang pangangailangan nito o kahit pa sa luho nito. Ayaw na niyang nag-aalala pa ang nanay niya. Di naman kaila sa kanya na gabi-gabi itong umiiyak dahil di pa umuuwi ang kapatid niya. Baka magkasakit pa ito. “Hindi ko yata kaya ang twenty thousand sa loob ng dalawang buwan, Sir.”

“At kailan mo pa planong ibalik? Hindi na mararanasan ng mas deserving na contestant ang natitirang panahon ng reign niya. Two months lang.”

“Pero Sir…”

Taas-noo siya nitong tiningnan. “Dalawang buwan. Kung hindi ka makakapagbayad sa loob ng dalawang buwan, ipapaalam ko ito kay Ashlan, sa village lord council at sa mga taga-San Martin. You are doomed.”

Iniwan siya nito sa indoor garden. Parang gusto na lang niyang lumubog doon at huwag magpakita kahit na kanino. Mahirap ipunin ang pera pero magagawan iyon ng paraan. Pero hindi madali para sa kanya na ibalik ang respeto at tiwala ng mga tao oras na malaman ang sekreto niya.

Kailangang mapatunayan niya kay Noah na hindi siya masamang tao. Kaya kailangang makuha niya ang halagang kailangan niya sa lalong madaling panahon.

“BOSS, thank you talaga! Kailangang-kailangan ko lang po talaga ‘to!” tuwang-tuwang sabi ni Olay kay Ashlan. Pumayag kasi ito na mag-part time waitress siya.

“I don’t usually do this, Olay. Sa stage ka mas bagay at hindi sa dining area. Pero dahil nakakahatak ka ng customers, payag ako. Sabi mo nga temporary lang ‘to. Anyway, magpo-post din tayo ng advertisement para sa mga gustong mag-hire sa iyo bilang host sa mga events dito sa island. I am sure makakakuha ka ng maraming response.”

“Naku! Malaking tulong po ‘yan.” Pinapayagan naman silang mag-host sa mga events sa loob at labas ng isla. Four times a week lang naman ang trabaho niya sa Windy Café. Malaki lang talaga ang sweldo doon. Doble ng sahod niya sa comedy bar at gig niya. Mas malaki kasing magbigay ng tip ang mga tao doon.

“Ah! The girl after my own heart,” wika ni Slade nang lapitan niya ang mesa nito. Ito ang playboy na piloto sa isla.

“Hello, Sir Slade!” Nginitian niya ang kasama nitong si Andreev. “Hello, Sir Andreev!” Tiningnan lang siya ni Andreev at hinarap ang laptop nito. May pagka-suplado si Andreev na Vice President ng isang multi-national company.

“Huwag mo na lang pansinin. Ang totoo malapit na ‘yang ikasal,” pabulong na sabi ni Slade.

“Sino naman ang may sabi sa iyo na ipagkalat na ikakasal na ako?” sigaw ni Andreev na ikinagulat niya maging ng ibang customers. “Hinding-hindi ko pakakasalan ang monkey girl na iyon!”

“Congratulations!” bati dito ng village lord na si Alexandros. “Sino naman ang maswerteng babae?”

Umingos si Andreev. “Mag-i-sponsor na lang ako sa next race mo basta huwag mo lang akong tanungin tungkol diyan.” Matalim nitong sinibat ng tingin si Slade. “Kasalanan mo ‘to!”

Itinaas ni Slade ang mga kamay. “O! Huwag mo akong sisihin. Ikaw ang nagsisigaw dito at nag-announce tungkol sa kasal mo.” Nakangiti siyang tiningala ni Slade. “Olay, kantahan mo nga kami para lumamig ang ulo ni Pareng Andreev.”

“Ano ba ang gusto ni Sir Andreev?” tanong niya.

“Nobody Korean Version,” sagot agad ni Slade. “May bonus ka kay Andreev kapag nagustuhan niya.”

Nilingon niya si Ashlan at nag-thumbs up lang ito. Sa Stallion Island, kapag inutos ng member na mag-tumbling sila para sa kaligayahan ng mga ito ay gagawin nila dahil pera naman ang katumbas no’n.

Matapos kunin ang order nina Slade at Andreev ay umakyat siya sa stage at pinindot sa videoke ang number ng kanta. “I want nobody, nobody but you!”

Nang magsimula silang magkantahan at sumayaw, napansin niyang nawala ang stress sa mukha ni Andreev at maging ang ibang customers. Iyon ang gusto niya sa pagpe-perform sa stage. Ang makitang masaya ang mga tao.

“Wanna be your lover. I don’t want any other. I want nobody, nobody…”

“Hey! That is my song! Sino ang nagbigay sa iyo ng permiso para kantahin iyan?” nakapamaywang na sabi ng isang magandang babae. Maganda sana kundi lang ito naka-tube dress na red and white polka dots at may ribbon sa ulo. Nasa likuran nito ang tatlong kababaihan pawang ganoon din ang suot. Pero pinakamalaki ang ribbon ng leader ng mga ito.

Hindi sana niya papansinin ang babaeng gustong manira sa performance niya kundi lang niya ito nakilala. It was Merian de Vera. Ito ang leader ng Sirens na siyang sinamahan ng kapatid niya. Hinagilap ng mata niya ang café at nakita niya si Mareschellie na patalilis ng café.

Patalon siyang bumaba ng stage at inabot ang microphone kay Merian. Bahala na itong mag-perform tutal ay matatapos naman na siya. Mas kailangan niyang habulin ang kapatid niya.

Naabutan niya si Mareschellie nang pababa na ito sa stone steps. “Marie, sandali!” Hindi siya nito pinakinggan at muntik na siyang maalpasan kundi niya nahablot ang braso nito. “Mag-usap tayo.”

“Bitiwan mo ako!” anito at pumiglas. “Ano bang ginagawa mo dito?”

Huminga siya nang malalim. “Gusto ko lang malaman kung okay ka. Nag-aalala kami ni Nanay. Ni hindi ka tumatawag sa bahay.”

“Huwag ka ngang magkunwari na nag-aalala sa akin. Dapat nga matuwa ka dahil solo mo na ang atensiyon ni Nanay. Hindi mo na rin maipapamukha sa akin ngayon ikaw ang nagtatrabaho para sa akin. Masaya na ako sa buhay ko ngayon. Bitiwan mo ako kung ayaw mong ipadampot kita sa guard.”

Napamaang siya lalo na nang maglapitan ang iba pang miyembro ng Siren. “Chellie, ginugulo ka ba ng fan mo. Siguro gusto niyang malaman kung paano rin makakasali sa Sirens,” anang si Raine na may nakaburdang pangalan sa dibdib ng dress nito.

“Hindi niya ako fan. Kapatid ko siya.”

Natutop naman ni Francey ang labi. “Oh! Ikaw ang stepsister. niya na pinagmamalupitan siya. Na ayaw siyang pag-aralin at nagpalayas sa kanya nang malamang mag-aartista siya. The evil stepsister!”

Nagulat siya at nagtatanong ang mga matang nilingon si Mareschellie. Iyon ba ang ipinagkalat nito sa mga kaibigan nito? Wala siyang makitang guilt sa mga mata ni Mareschellie. Galit ang nakikita niya doon. At parang sinaksak ang puso niya. Ganoon ba kasama ang tingin sa kanya nito para siraan siya?

“Sino? Sino ang naiinggit kay Mareschellie?” nahawi ang mga Sirens nang dumaitng si Merian. Tinaasan siya nito ng kilay. “So ikaw pala ang ambisyosang waitress na gusto namang guluhin ngayon si Chellie. Dear, she’s a star now. Dahil part na siya ng Sirens. Kung ayaw mong mag-goodbye dito sa island, huwag mo na siyang lalapitan pa. Let’s go, girls! Gusto kong silawin ang iba pa sa aking kagandahan.” Saka nito hinila si Mareschellie pababa ng hagdan.

Akmang hahabulin niya si Mareschellie nang may pimigil sa braso niya. “You heard them. Huwag mo nang guluhin pa si Mareschellie.”

Gulat niyang nilingon si Noah at sinalubong ng nag-aalab sa galit nitong mga mata. “Sir Noah! Pero…”

“Sinungaling ka! Sabi mo ginawa mo ang lahat para sa pamilya mo. Kailangan ng pang-tuition ng kapatid mo kaya ka sumali sa gay pageant. But it’s a lie. Wala ka nang alam gawin kundi ang magsinungaling.”

Natigagal siya. “Naniniwala kayo… Pero…”

“Kung guguluhin mo pa ang kapatid mo, ako mismo ang makakalaban mo. I will make sure that you won’t step on this island anymore.”

Nanlumo siya. Mukhang hindi lang si Mareschellie at ang Sirens ang kalaban niya ngayon kundi pati si Noah. He believed the worst in her. Hindi niya alam kung paano pa niya maipagtatanggol ang sariili. Minsan lang siya nagsinungaling pero tingin nito ay wala na siyang sasabihing totoo. Paano niya mapapatunayan dito na di siya masamang tao? Paano niya mababawi ang kapatid niya?

“NAY, patatawagin ko po si Marie oras na magkita kami. May mga nakakakilala naman po sa Sirens. Tatanungin ko po kapag nakita ko sila. Iyon pong gamot ninyo inumin ninyo at huwag ninyong pababayaan ang sarili ninyo,” bilin ni Olay habang kausap si Aling Lorna sa cellphone. Malapit na siyang pumasok sa shift niya bilang waitress sa tanghaling iyon dahil wala naman siyang gig sa gabi.

“Ayoko lang mapariwara ang kapatid mo. Alamin mo nga kung mabubuti naman ang kaibigan niya. Kundi ba siya sinusungitan ni Merian. Kasi balita ko maraming reklamo ang ibang tao diyan dahil matapobre daw.”

“Showbiz lang iyon, Nay.” Ayaw na lang niyang sabihin na nakita na niya ang kapatid niya. Na di maganda ang pakiramdam niya sa mga bago nitong kaibigan. Mukhang matataas ang ere ng mga ito. Nakakapasok lang si Merian at ang mga kaibigan nito dahil half brother nito ang isa sa mga miyembro. Sirens’ goal was to seduce each and every members. At hindi iyon ang pinangarap niyang maging buhay ng kapatid niya. Baka mapariwara ito. “Kapag nakita ko po siya pauuwiin ko agad.”

Nadagdagan ang pag-aalala niya matapos kausapin si Aling Lorna. Ayaw niyang magsinungaling pero ayaw din naman niyang masaktan ito sa mga sinabi ni Mareschellie sa kanya. Mas masaya daw ito sa Sirens kaysa ang umuwi sa bahay nila. Kung siya lang ang tatanunggin, mas gusto niyang sa bahay na lang manatili. Mas safe siya sa Manila. Kahit saan basta malayo kay Noah.

Ilang na ilang siya kapag nasa paligid ito. Parang may laser ang mga mata nito na nakasunod kahit saan siya pumunta. At kailangan niyang bantayan ang bawat sinasabi niya dahil baka paratangan na naman siya nitong sinungaling. Na kapag sinabi niyang pula ang red wine ay sasabihan pa rin siyang sinungaling.

Pagdaan sa dining area ay naabutan niyang nakapaikot sa LCD screen ang mga kasamahan niya. “Anong meron? Chismax ba iyan?”

Hinarap siya ni Aya. “Ang bruha mong kapatid, pasimuno sa pagpapakalat ng petition ng mga Sirens laban kay Arjhilleyne. Patalsikin daw dahil inaway si Sir Julian. Nakakaawa naman iyong tao. Wala namang kinalaman pati ang Sirens sa away nila Arjhilleyne saka ni Sir Julian.”

“Nagpapasikat lang ang mga iyon,” sabi ni Kenneth.

Sumakit ang ulo niya sa bagong pakulo ng kapatid niya. She knew Arjhilleyne. Mabait ito at bentang-benta dito ang jokes niya. ALam niyang dedicated din ito sa trabaho nito. Di siya papayag na responsible ang kapatid niya sa pagpapaalis dito. She must do something about it.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.