Stallion Island Series Chapter 135

Malalaki ang hakbang ni Olay pagpasok ng Island Guesthouse. Hindi siya nag-aksaya ng oras. Matapos ang trabaho niya sa Windy Café ay pumunta siya sa guesthouse para makausap si Mareschellie. Maghapon siyang nabagabag sa mga inaakto nito at ng mga Sirens. Makakasira ito ng buhay ng iba.

Kakatok pa lang siya ng suite nito nang bumukas ang pinto at bumungad ito. Nagulat pa ito nang makita siya. Nakasuot ito ng floral na bikini top at skirt at may nakasabit pang lei sa leeg. “Ikaw na naman?” bulalas nito. “Kung pipilitin mo na naman akong bumalik sa bahay, huwag ka nang mag-aksaya ng panahon. Hindi ako uuwi. As you can see, may party akong pupuntahan. At hinihintay na ako ng mga Siren sisters ko.”

Sisters. Ang mga Sirens na iyon na pala ang kapatid nito at hindi siya. Pinigil niya ang sarili niya na maging sentimental. She had to be firm this time. Kundi ay hihilahin siya ng emosyon niya pababa.

“Sa palagay ko makakapaghintay naman sila. Pwede bang pumasok?”

“Ayoko!” tutol agad nito at nagsimulang maglakad. “Kung gusto mo akong kausapin, sabihin mo na lang habang palabas ako ng guesthouse. Walang makakapagpabago ng isip ko. Hindi ikaw. Hindi si Nanay. Masaya na ako sa buhay ko.”

Sinundan niya ito. “Saan ka masaya? Ang manapak ng ibang tao? Ikaw ang pasimuno kung bakit namemeligro si Arjhilleyne Reyes sa trabaho niya dito. Bakit kailangan ninyo silyng siraan sa ibang members?”

Pagak itong tumawa. “That bitch! Wala siyang karapatan na saktan si Fafa Julian. Dapat lang na mapatalsik siya dito. Nobody hurts our boys.”

“Our boys?” tama nga ang impormasyong nasasagap niya. Pakiramdam ng mga Sirens ay pag-aari ng mga ito ang lalaki sa isla. “Si Sir Julian nga hindi nagrereklamo sa nangyari, bakit kailangan ninyong makialam? May pangarap si Arjhilleyne at sinisira ninyo ang mga pangarap niya.”

“Wala akong pakialam sa pangarap niya. Ang importante maipakita namin sa mga Stallion Boys kung gaano namin sila kamahal,” katwiran nito. “Ikaw ang huwag makialam sa akin. Kung naiinggit ka na nakakakuha kami ng atensiyon, gumawa ka rin ng sarili mong video.”

Umakyat na talaga ang hangin sa utak nito. Wala na nga itong respeto sa kanya, wala pa itong respeto sa ibang tao. Naging makasarili na ito.

“Hindi mo ba naiisip na masasaktan si Nanay sa ginagawa mo? Hindi ka niya pinalaki para manakit ng ibang tao. Bumalik ka na lang sa bahay.”

Kahit paano ay kontrolado pa ang kapatid niya nang nasa poder nila. Pero ngayon ay dumayo pa ito sa paghahasik ng lagim. Dadalhin niya sa konsensiya niya kung hindi niya maiaalis sa isla ang kapatid niya. Baka lalo pa itong ma-corrupt ng mga Sirens at mas dumami pa ang masaktan nito.

Tinaasan siya nito ng kilay. “Gagawin mo ba ang kahit ano para lang umuwi ako sa bahay?”

Marahan siyang tumango. “Anong gusto mong gawin ko?”

Tumigil ito tapat ng elevator. “Simple lang. Babalik ako sa bahay kung maibibili mo ako ng lahat ng gusto ko. Designer clothes, gadgets, alahas…”

Napamaang siya. “Pero imposible ang hinihingi mo…”

Marami pa siyang gastusin. Hindi pa rin niya nababayaran ang perang dapat ibalik sa mga taga-San Martin. Paghahandaan pa niya ang pagbabalik sa eskwelahan ni Mareschellie at ang pangako dito na mas magiging madali na ang gastusin sa pag-aaral nito. No more promisory notes. Hindi na rin ito mahihirapan sa paggastos sa mga projects. Pero mukhang di lang iyon ang kaligayahan nito. Para mapabalik ito sa bahay, kailangan niyang ibigay muna ang bisyo nito.

Pinagpag nito ang balikat nito. “Ah! Kundi mo maibibigay sa akin, tatawagan ko si Nanay at sasabihin ko sa kanya na hindi na ako babalik ng bahay. At ikaw ang may kasalanan ng lahat kapag nalungkot siya.”

Hinaklit niya ang braso nito. “Ang sama mo!” Pati ang sarili nitong ina ay intensiyon nitong saktan para lang sa kapritso nito.

“Chellie, ginugulo ka pa rin ba ng kapatid mo?” tanong ni Noah na kalalabas lang ng elevator. Walang emosyon sa mukha nito subalit may banta ng galit sa mga mata nito.

“Hindi. Tinatanong lang ako ng stepsister ko kung pwede siyang sumama sa party. Pero wala siyang invitation. What a pity!” anang si Mareschellie at humalakhak. “Pupunta ako sa beach party ni Lord Gianfranco. Are you coming?”

“Later,” wika ni Noah at bahagya siyang sinulyapan.

Yumakap si Mareschellie sa leeg ni Noah. “Isayaw mo ako, ha?”

“Sure. Of course.”

Tuwang-tuwang humalik si Mareschellie sa pisngi nito. “Thank you! Aasahan ko ‘yan, ha? Ako muna ang isayaw mo bago ibang babae.” Saka dali-daling sumakay sa papasarang elavator bago pa niya mahabol.

Hinarangan agad siya ni Noah. “I told you to stay away from your sister.”

“Ikaw ang dapat na lumayo sa kanya,” matapang niyang sabi. “Huwag na huwag mong paglalaruan ang kapatid ko.”

Nakita niya kung paanong magpapungay ng mata ang kapatid niya ito. Her sister was smitten. Mareschellie won’t stand a chance. Hindi siya manonood na lang habang may banta na masaktan ng isang lalaki ang kapatid niya.

“Oh! Hindi ko alam na nag-aalala ka pala sa kapatid mo. You amuse me.”

Hindi na sana niya papansinin ang pasaring nito pero sumabog na siya sa inis. “Wala akong pakialam kung ano ang tingin mo sa akin. Basta kapag sinaktan mo ang kapatid ko o niloiko mo, magtago ka na sa pinanggalingan mo.”

“Wala pa akong sinaktan o nilokong babae,” sabi nito. “And your concern won’t earn you any favors…”

Pinindot ang button ng elevator at maasim ang ngiti itong hinarap. “Wala akong kailangang patunayan sa iyo maliban sa babayaran kita sa panahong sinabi mo at puputulin ko ang kaligayahan mo kapag sinaktan mo ang kapatid ko.” Hinaplos niya ang maputla at nanlalamig nitong mukha. “Sayang naman ang kaguwapuhan mo kung mangyayari ‘yon.”

HINDI mapakali si Olay nang i-serve ang coconut shake sa kanya. Nasa poolside siya ng Island Guesthouse kasama ang boss niyang si Ashlan.

“Ma’am, hindi ba dapat may trabaho ako ngayon?” tanong niya. Sinundo pa siya nito sa lodge kanina para lang yayaing mag-swimming. Hindi siya makatanggi dahil nagdala pa ito ng swimsuit para sa kanya.

“Huwag mo munang isipin ang trabaho mo. Kasusweldo mo lang, di ba? Haggard na haggard ka na. wala kang ginawa kundi magtrabaho. Kundi ka magre-relax, baka akalain nila nagho-horror ka kapag nag-perform ka at hindi comedy.”

Hindi niya maiwasang mag-alala. Dalawang linggo na siya sa isla. Bawat araw na nagdadaan ay nakikita niya kung paanong nagbabago ang kapatid niya. She was making a spectacle of herself as a member of Sirens. Wala yatang misyon ang mga ito kundi magpa-sexy, gumawa ng eksena at mag-flirt sa mga kalalakihan. Habang laging nakasunod ang mga mata ni Noah sa kanya tuwing nagkikita sila. Ipinapaalala nito ang kasalanan niya. At kailangan niya ng pera.

Para sa kapatid niya at para sa sarili niya.

May mga kumuha na sa kanya na mag-host pero dalawang buwan pa mula noon. Masyado iyong matagal para sa palugit ni Noah. Sana talaga ay may malaking project na dumating sa kanya.

“Just relax! Take a dip,” anito at tinapik ang braso niya. “May biglaang party bukas sa café. Parang ganoon lang kasimpleng maghanda ng party. At huwag ka munang babalik sa trabaho ngayong araw or hindi ko babayaran ang day off mo ngayon. Okay?”

Nawalan siya ng pagpipilian kundi i-enjoy ang day off niya. Lumusong siya sa pool at lumangoy ng ilang laps. Bata pa siya ay mahilig na siyang mag-swimming. Kapag bakasyon ay lagi silang umuuwi sa Bicol kung saan may bahay ang lola niya sa tabing-dagat. Parang inanod ng tubig ang pagod na nararamdaman niya. Kahit sa araw lang na iyon ay kalilimutan niya ang problema niya.

Pag-ahon niya ay may humarang sa kanyang guwapo sana pero may kapayatang lalaki. “Hello, Sexy! You are Olay, right?”

Marahan siyang tumango. “Yes.” Hindi niya ito kilala. Hindi ito miyembro ng club kaya malamang ay bisita ito doon. Medyo di siya komportable sa tingin nito dahil parang gusto siya nitong lamunin ng buo. Wala naman siyang magagawa para takpan ang sarili niya. Di lang talaga siya sanay na magsuot ng sexy na swimwear.

“I’m Fred Frisco. I am a talent scout. Napanood ko na ang performance mo sa Windy Café kagabi. At nakita ko ang advertisement mo kanina habang nagbe-breakfast ako. I have party on my beach house at the mainland on Wednesday. Wala pa rin akong host. Would you be my host?”

“Sure!” sagot agad niya. Lalo siyang naging interesado nang i-quote nito ang presyo. Ten thousand pesos sa gabing iyon at may bonus pa daw siya kapag nagustuhan siya ng mga bisita nito.

“I will ask my friend’s yacht to fetch you. How about three o’clock? Dinner party starts at six.” Sumaludo ito. “See you then.”

Ten thousand pesos at may bonus pa. malaking tulong na ‘yon. Kung lagi siyang makakakuha ng magandang trabaho, baka wala pang isang buwan ay maibalik na niya ang pera sa San Martin. Pati ang kapatid niya ay makukumbinsi na rin niyang bumalik ng bahay.

“Ano ‘yang suot mo?”

Nakakunot ang noo niyang nilingon si Noah. He was wearing a long sleeve beige polo and dark brown trousers. “Swimsuit?”

“Alam ko na swimsuit iyan. Bakit ganyan ang itsura mo?” Hinablot nito ang tuwalya niya sa lounging chair at ibinalot sa kanya. “Para kang daing na nakabilad.”

Anong problema nito? Natural lang na nasa swimming pool siya kaya siya naka-swimsuit. Gusto ba nito mag-gown siya para balot na balot habang nagsu-swimming. Ihinagis niya pabalik ang tuwalya niya sa lounging chair at nag-pose na parang nasa swimming competition siya sa isang beauty pageant.

“Hindi ako daing. Isa akong dalaga. Dalagang-bukid.”

She saw humor in his eyes. Pero sandali lang iyon dahil napalitan iyon ng iritasyon. “Ganyan ang gusto mo? Pagkaguluhan ka ng mga lalaki sa suot mo?”

Napanganga siya at inilibot ang paningin sa paligid. Maraming ibang babae doon na naka-swimsuit din. “Bakit ako ang sinasabihan mo? Sabihan mo rin ‘yung ibang babae dito. Mas daring pa nga ang suot nilang swimsuit sa akin,” angal niya.

Lumapit ito sa kanya. “Kilala mo ba kung sino ang lalaking kausap mo?”

“Fred Frisco. Sabi niya talent scout daw siya. Kinuha niya ako para mag-host sa party niya.”

“At pumayag ka naman?”

“Natural. Pera ‘yon. At kailangan kong magtrabaho para naman wala ka nang isusumbat sa akin.” At malaking blessing si Fred sa kanya.

“Hindi mo dapat tinanggap.”

TInaasan niya ito ng kilay. “Anong problema mo? Nagtatrabaho ako ng matino. Mas gusto mo ba na mamikot na lang ako ng mayamang lalaki para sa perang kailangan ko?” Lumapit siya dito at hinatak ang kuwelyo ng polo mo. “Kung masyado kang concern, pwedeng ikaw na lang ang pikutin ko.”

“Don’t be silly,” anito at iniwas ang mukha sa kanya. As if he was fighting something. Some sort of emotion.

“Baka naman may gusto ka sa akin. Kunyari ka lang galit.”

“In your dreams!” he scoffed then walked away from her.

Tumawa siya dahil takot naman pala ito sa kanya. She let out a wolf whistle. “Ingat ka, Fafa Noah! Isang araw pipikutin na lang kita.”

MAG-AALAS SIYETE na ng gabi nang lumabas ng guesthouse ni Fred si Olay. Nag-ayos muna siya at bahagyang nagpahinga. Dalawang oras din mahigit ang biyahe mula sa isla papuntang beach house ni Fred sa Puerto Princesa.

tMaingay na ang musika sa mula sa malalaking speakers na naka-set sa garden ni Fred. May sariling pool ang resthouse. Nakita niyang may mga bisita na nang dumating siya at pawang naghahanda din sa dinner party.

Inabutan siya ng red wine ni Fred pagbaba niya sa sala. “For the lady.”

Tinanggap niya ang wine at sumimsim. “Thank you. So what’s the program for tonight?” tanong niya. Wala kasi siyang ideya kung ano ang theme ng party na iyon at para saan.

Inalalayan siya nito sa siko. “This is the program,” anito at inakay siya papunta sa garden.

Siya ang na-shock sa nakita niya. The scene was pretty wild and obscene. There were couples doing sexual acts on different parts of the garden. Mukhang free flowing din ang drugs at may pot session pa. Napansin din niya na may mga camera na vini-video ang lahat ng nangyayari.

“Anong ibig sabihin nito?” tanong niya.

“Me and my friends want to indulge ourselves. And you have no idea how much I get from offering videos like these online.”

Umiling siya at ibinigay dito ang baso ng red wine. “I am sorry. Hindi yata ako ang dapat na kinuha ninyong host.” At hindi na rin yata siya tatagal sa lugar na iyon. Parang gusto niyang masuka.

“Huwag kang mag-host. How about one of my actresses? You got great legs. I could think of several things to do…”

“I am sorry. Aalis na lang ako. Hindi na lang ako magsasalita sa mga nakita ko ngayon basta hayaan mo lang akong makaalis dito.”

Pumalatak ito. “Subukan mo kung kaya mong makaalis. This is a cove, my dear. Wala kang ibang dadaanan kundi dagat. Kung lalakarin mo ang daan sa gabi, baka kung saan ka mapunta. This cove is secluded by mountains and forest. You have fifteen minutes to get out of here. Pero oras na matagpuan kita, wala kang choice kundi ang sumama sa party namin. Willingly or not.”

Hindi na niya tinapos pa ang sinasabi nito. Bumalik siya sa guesthouse at kinuha ang mga gamit niya. Wala siyang pakialam kung wala siyang kitain doon. Kung malunod man siya sa dagat o maligaw sa bundok. Basta aalis siya doon. Pero fifteen minutes lang ang mayroon siya. Di niya alam kung saan siya pupunta.

Wala siyang makitang yate o bangka sa may dalampasigan. Hindi niya alam kung saan hihingi ng tulong sa lugar na iyon kung saan ang lahat ay hanap ni Fred. Ten minutes na lang ang natitira. Kailangan pa niyang akyatin ang higanteng batuhan para makarating sa kabilang panig ng cove. Pero di niya tiyak kung may tao doon o kung mas matinding panganib ang naghihintay sa kanya kapag inakyat niya ang batuhan. Pinili niya ang bundok. Bahala na kung saan siya mapunta basta makalayo lang siya doon.

Nakakailang hakbang pa lang siya nang makaramdam siya ng hilo. Tumakbo siya subalit lalo siyang nawawalan ng lakas. “May inilagay siya sa inumin ko,” usal niya. Wala talagang plano si Fred na patakasin siya.

“Olay, where are you?” narinig niyang sigaw ni Fred. Di na siya magtataka kung addict din ito katulad ng mga kaibigan nito. Nagsisimula nang manghina ang buong katawan niya at napasalampak siya sa buhanginan sa likod ng mga bato.

Wala na siyang nagawa kundi magdasal na lang bago tuluyang mawalan ng ulirat. Sana may dumating na tulong sa kanya. Iligtas siya sa masasamang loob. Marami pa siyang kailangang gawin para sa pamilya niya. At si Noah. Ayaw niyang mawala siya sa mundo na isang masamang babae ang tingin nito sa kanya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.