Tinabig ni Olay ang kamay na tumatapik sa kanya. “Ano ba?” ungol niya at isinubsob ang mukha sa unan.
“Olay, wake up!”
Boses iyon ni Noah. Bwisit! Noah na naman. “Inaantok pa ako!” angal niya at ihinilig ang pisngi sa unan. Nandoon nga si Noah sa ibabaw ng kama niya at nakatunghaw sa kanya. “Ilang araw na akong di makatulog sa iyo, ha? Patahimikin mo naman ako kahit sa panaginip ko man lang. Pati sa panaginip mo ginigising mo pa rin ako. Kapag di mo ako tinigilan, hahalikan kita paggising ko mamaya.”
Ilang araw na siyang walang tulog dahil kay Noah. Lagi niyang iniisip ang pangako nitong halik. At kapag nagkikita sila ay parang may pangako sa mga mata nito. Na isa sa mga araw na ito ay ipapakita nito ang expertise nito sa paghalik. Excited siya na ma-experience iyon at mamamatay na siya sa anxiety. Pero siyempre di niya aaminin kay Noah na interesado siya sa halik nito. Pwede niyang sabihin ngayon dahil nananaginip lang naman siya.
Ibinangon siya nito at niyugyog ang balikat. “Olay, we don’t have time for this. Kung gusto mo akong pagnasaan, mamaya na lang. Your sister. Mareschellie is in major trouble. Naka-ban na siya ngayon sa Stallion Island at ie-evict na siya.”
“Ha? Panaginip ba ‘to?” tanong niya at isinubsob ang mukha sa dibdib nito. Parang totoo nga na nandoon si Noah sa kuwarto niya. Kahit ang bango nito ay totoong-totoo. Masarap itong gawing agahan.
“Olay, gumising ka na!” bulyaw nito.
Nagising siya nang tuluyan dahil sa sigaw ni Noah. Ipinilig niya ang ulo. Hindi nga siya nananaginip. Nasa harapan nga niya ito. Nasa loob ng kuwarto niya. At nakikita siya ngayon habang magulo ang buhok niya, di pa siya naghihilamos ni nagtu-toothbrush at malamang ay may panis na laway pa siya.
“A-Anong ginagawa mo dito sa kuwarto ko?” tanong niya habang lumulutang pa rin ang utak niya sa ulap. Nandito ba ito para ibigay sa kanya ang inaasam-asam niyang malupit na halik mula dito?
“Pinapasok na ako ni Ashlan dito sa lodge. It’s an emergency Na-ban ang kapatid mo. Pinapaalis na siya dito sa Stallion Island at kailangang makita mo siya ngayon. She needs you now.”
“Ha? Si Mareschellie? Anong nangyari?”
“Later. Magbihis ka na. Baka hindi na natin siya maabutan.” Marahan siyang tumango. “Hihintayin kita sa labas,” wika nito.
Parang ipo-ipo ang naging kilos niya. Naghilamos at nagsepilyo siya. Kumuha lang siya ng clam para i-pony ang buhok niya. Kumuha siya ng malinis na blouse at pantalon sa closet. Wala na siyang oras. Kailangan siya ng kapatid niya. Ano ba ang ginawa nito para ma-ban? Hindi biro-biro ang parusa dito para mai-ban sa Stallion Island. Napakahigpit ng patakaran para sa mga non-member sa isla. Kahit nga silang mga empleyado ay may mahihigpit na panuntunang sinusunod.
Paglabas niya ng lodge ay naghihintay na si Noah habang nasa tabi ng kabayo nito. “Ready?” tanong nito.
Marahan siyang tumango. Nakakahiya! Sa katirikan ng araw, sana niya naalala ang mga pinagsasabi niya dito. Mukha siyang tanga kanina. Kung anu-ano ang pinagsasabi niya habang nananaginip. Ngayon ay alam na ni Noah na pinagnanasaan niya ito.
Inalalayan siya nitong sumakay sa kabayo nito. It was uncomfortable at first. Minsan lang niya sinubukang sumakay ng kabayo nang ipasyal siya ni Ashlan pero sumuko din siya. Natatakot kasi siyang malaglag. Pero habang nakasandal siya sa katawan ni Noah, alam niyang wala siyang dapat na ipag-alala.
“Anong nangyari kay Mareschellie?” tanong niya habang inaalis ang isipan sa makisig nitong katawan sa likuran niya at sa matipuno nitong braso na nakapaikot sa kanya. Kung mapag-uusapan nila si Mareschellie, kahit paano ay mawawala ito sa isipan niya.
“You are aware that she and the Sirens didn’t like Arjhilleyne from the security team. Para makaganti kay Arjhilleyne, ninakaw ni Mareschellie ang underwear niya at ipinabigay kay Julian. Naghabulan ang dalawa sa pool area hanggang mahubaran si Julian sa harap ng maraming tao kasama na ang mga village lords dahil nanood sila sa pagsisimula ng water tai chi class. Unfortunately, nakuha sa CCTV camera ang ginawa ng kapatid mo.”
Napaungol siya. Isa sa matitinding offense ang pagnanakaw sa Stallion Island kahit gaano pa kaliit ang kinuha. Nakadagdag pa ang gulong idinulot niyon. “Bakit niya ginawa ‘yon?” Di ba alam ni Mareschellie na mahigpit ang security sa Stallion Island? Isa iyon sa gusto ng mga miyembro doon.
“Probably to please the Sirens.”
“Anong nangyari sa Sirens?” tanong niya. “Na-ban din ba sila?”
“No. Inako ng kapatid mo ang lahat ng kasalanan. Kahit ang mga Sirens galit sa kanya. She’s all alone and she needs you.”
Dinala siya ni Noah sa kuwarto ni Mareschellie sa Island Guesthouse. Dalawang miyembro ng security team ang nakabantay doon. Handa nang i-evict si Mareschellie. “Pwede bang makausap ang kapatid ko?”
“Ten minutes na lang ang natitira sa kanya. Naghihintay na ang yacht na maghahatid sa kanya palabas ng isla,” paliwanag ni Ridge.
Tumango siya. “Salamat!”
“Dito muna ako sa labas. Hihintayin kita,” sabi ni Noah.
Ngumiti siya dito bago kumatok. Nang marinig niya ang permiso ni Mareschellie ay pumasok siya. “Hindi pa ako tapos mag-empake,” sabi nito habang isa-isang ipinapasok ang mga damit sa maleta nito.
“Mareschellie…”
Tumuwid ito ng tayo at matalim ang tingin nang lingunin siya. “Anong kailangan mo sa akin? Pagtatawanan mo ba ako dahil na-ban ako at napahiya? Uuwi ako nang walang mukhang ihaharap sa mga tao? Magsaya ka na. Matutupad na ang lahat ng pangarap mo. Uuwi na ako kay Nanay. Gagawin ko na ang lahat ng gusto ninyo. Sira na ang lahat ng pangarap ko.”
Umupo ito sa kama at isinubsob ang mukha sa palad saka humagulgol ng iyak. Tinabihan niya ito at niyakap. “I am sorry. Kahit na gusto kong umuwi ka na lang sa atin at mag-concentrate sa pag-aaral, hindi ko naman ginusto na ma-ban ka dito sa Stallion Island.”
“Totoo? Kahit na naging masama ako sa iyo at sa ibang tao dito?”
“Minsan gustong-gusto nating makuha ang isang bagay, gagawin natin ang lahat para makuha lang iyon. Nakakalimutan natin kung ano ang tama at mali. Ang importante alam mo nagkamali ka. At hihingi ka ng tawad sa taong nasaktan mo.”
“Ate! Sorry!” humagulgol ito ng iyak at yumakap sa kanya. “Sorry! Naging selfish ako. Hindi ko man lang pinahalagahan ang pagpapakahirap mo para sa akin. Minsan kasi pakiramdam ko mas mahal ka ni nanay kaysa sa akin. Ikaw ang mabait. Ikaw ang matalino at masipag. Kaya gusto kong higitan ka sa paraang alam ko. Kaso palpak pa rin ako. Wala na akong kaibigan.”
“Nandito naman kaming pamilya mo.” Hinawakan niya ang baba nito. Pinahid niya ng panyo ang luha nito. “Kahit na magalit pa ang mundo sa iyo, nandito kami para takbuhan mo. Gusto mo ba ng strawberry sundae?”
“Strawberry sundae?” naguguluhan nitong tanong.
“Oo. Hindi ba kapag umiiyak, may umaway sa iyo sa school at nang malaman mong may girlfriend ang first crush mo, strawberry sundae lang ang nagpapatahan sa iyo? Ililibre kita. Masarap ang strawberry sundae nila sa Stallion Wave.”
Napahawak ito sa tiyan. “Pero sabi ni Merian tataba ako sa…” Natigilan ito at saka ngumiti. “Gusto ko ng sundae kahit na tumaba pa ako. Basta ilibre mo ako. Pero kailangan ko nang umalis, Ate.”
“Sandali!” Pinuntahan niya si Noah na nakikipag-kwentuhan kay Ridge. “Pwede bang makasama kong kumain ng sundae ang kapatid ko? Hindi ko siya mapapauwi nang masama ang loob. Kailangan niya ng makakausap.”
“Okay na ba kayong dalawa?” tanong nito.
“Medyo okay na.” GInagap niya ang dalawang kamay nito. “MAlaking tulong talaga kung hahayaan mo kaming magkasama. Kahit kalahating oras lang. Kailangan lang ako ng kapatid ko. Gagawin ko ang lahat…”
“I know. Gagagawin mo ang lahat para sa kanya,” nakangiti nitong sabi. “I have to talk to the village lords. Pati kay Julian at Arjhilleyne.” Nilingon nito si Ridge na nakakunot ang noo. Saka ibinalik ang tingin sa kanya. “Hintayin mo ako dito. Kakain lang naman kayo ng sundae, di ba?”
“IYON ang pinakamasarap na sundae na natikman ko! Thank you talaga, Ate Olay,” sabi ni Mareschellie habang nakayakap sa kanya. Naglalakad sila sa wooden pathway ng Summer Snowflake. Isang cottage ang kinuha doon ni Noah para magkasama silang magkapatid kahit ilang oras lang.
“Huwag ka sa aking magpasalamat. Kay Sir Noah dapat,” aniya at nilingon si Noah na naglalakad sa likuran nila.
Napakiusapan ni Noah ang village lords pati na rin sina Julian at Arjhilleyne na i-extend ang pananatili ni Mareschellie sa isla hanggang alas singko ng hapon. Iyon na marahil ang huling pagkakataon na magkakasama silang magkapatid sa Stallion Island. Gusto niyang maging memorable ang huling sandali nito sa isla. Kahit paano ay mabawasan ang di magandang karanasan nito.
Lumingon si Mareschellie. “Thank you, Sir Noah. Pwedeng pa-kiss.”
“Ayoko!” tutol agad niya at pinigilan si Mareschellie na lumapit dito.
“Sa palagay mo ba may gagawin akong masama sa kapatid mo?” tanong ni Noah. “O nagseselos ka lang?”
“Ako? Nagseselos?” nakataas ang kilay niyang tanong.
“Ayoko na nga kung magseselos si Ate,” sabi ni Mareschellie na may nanunuksong ngiti sa labi.
“Sige! Kakampi ka pa!” Halos kaladkarin niya si Mareschellie at binilisan ang lakad. “Baka maiwan ka ng flight mo.”
Si Noah din ang sumagot sa pag-uwi ni Mareschellie. Sa halip na sa yate ay sa seaplane na lang sasakay si Mareschellie. May driver na rin itong kinuha para ihatid si Mareschellie sa bahay nila. Nakausap na niya ang nanay niya at inaasahan na nito ang pag-uwi ng kapatid niya.
Pasakay na sila ng electronic jeepney na maghahatid sa kanila sa Pavillion Terminal nang dumating ang mga Sirens. “O! Nandito ka pa rin?” magkasalubong ang kilay na tanong ni Merian.
“Baka sasama rin ang Ate niya,” sabi ni Raine. “Dapat magsama sila.”
“Galit pa rin ba kayo sa akin? Nag-sorry na nga ako,” malungkot na sabi ni Mareschellie. “Saka pumayag rin naman kayo sa plano ko.”
“Excuse me! Wala kaming alam diyan,” kaila ni Francey.
“Saka hindi ka naman talaga Siren,” sabi ni Merian. “TInanggap ka lang naming apprentice para may utus-utusan kami. So huwag kang mag-ilusyon. You are never one of us.”
Napasinghap si Mareschellie at nangilid ang luha. “A-Akala ko kaibigan ninyo ako. Kaya ko sinusunod ang lahat ng gusto ninyo.”
“Let’s go! Huwag na ninyo silang pansinin,” sabi ni Noah at inakay sila palayo. “Hindi na mahalaga ang opinyon nila.”
“Noah, huwag kang sumama sa mga ‘yan!” protesta ni Merian. “Baka mahawa ka sa kabulukan ng magkapatid na ‘yan. A thief and a porn star.”
“Anong sabi mo?” tanong niya. “Alam mo nagtitimpi lang ako pero pwede kitang idemanda ng libel sa mga sinasabi mo.”
“Anong libel? Baka label!” sabi ni Merian at humalakhak. Nakihalakhak din ang ibang Siren. “Di ba kinuha ka ni Fred para maging porn star niya? Malamang may video scandal ka na rin…”
A voice boomed from a distance that stopped Merian. “Merian, will you stop harassing them?”
Dahan-dahang nilingon ni Merian ang nagsalita. Namutla ito nang makita ang half brother na si Audric. “K-Kuya… hindi kami ang nauna…”
Matigas ang anyo ni Audric nang lumapit sa kanila. “Gusto mo bang ikaw ang ipa-ban ko dito sa Stallion Island?”
“You can’t do that to me! To us!” tutol ni Merian. “We are this island’s jewel.”
“Then don’t try my patience. Isa pang pagkakamali ang gawin ninyo, kahit anino ng Stallion Island hindi ninyo makikita.”
Mariing nagdikit ang labi ni Merian. Saka sila nagbabalang tiningnan ni Mareschellie. “Magpasalamat kayo!” Ipinitik nito ang daliri. “Girls, let’s go!”
“Sorry. Ginulo pa ng kapatid ko ang mga kaibigan mo,” sabi ni Audric kay Noah. “Kundi lang dahil kay Lola, ayokong makita siya dito.”
“Thank you, Sir,” sabi nila ni Mareschellie.
Tiningnan ni Audric ang papalayong Sirens. “Kung tutuusin dapat ipa-ban rin sila. Alam kong may kasalanan din ang kapatid ko. Responsibilidad niya ang mga members niya.”
“Sir, okay lang po ‘yon,” sabi ni MAreschellie. “Dapat nga nag-aaral ako at wala ako dito. NAtuto na po ako ng leksiyon ko.”
“At pumili ka rin ng sasamahan mong kaibigan sa susunod,” paaalala ni Audric bago sila iwan.
Siniko niya ni Noah habang naglalakad sila palabas ng Pavillion Terminal nang maihatid na nila si Mareschellie. “Thank you, ha? Kundi dahil sa iyo, malamang depressed pa rin ang kapatid ko. saka ipinagtanggol mo kami. Ikinuha mo pa kami ng cottage sa Summer Snowflake at may libre pang sundae. Babayaran rin kita…”
“Wala kang kailangang bayaran. May kapatid din ako at mahal namin ang isa’t isa lalo na kapag may topak si Papa. Dapat talaga magkasundo ang magkakapatid, di ba?”
“Magiging ganoon din kami ni Mareschellie. Salamat sa iyo. Basta gagawa ako ng paraan para makabayad sa iyo.” Kahit madagdagan ang bayarin niya okay lang.
“Sagutin mo lang ang tanong ko.”
“Ano?” Will you marry me? Kung mahal niya ito? Huwag naman sana ganoon. Hindi pa siya ready.
“Totoo bang pinagnanasaan mo ako?”
Muntik na siyang umurangod sa kalsada kundi lang nito nahawakan ang braso niya. “Ano ba ‘yan, Sir? What a question!”
“So, may pagnanasa ka sa akin?”
Hindi talaga siya nito titigilan. “Nananaginip lang ako kaninaz. Noong isang gabi nga napanaginipan ko member ako ng harem ni Piolo Pascual at ginawa akongg sex slave. Pero di ko masyadong pinagnanasaan si Piolo. Siya ang may marubdob na pagnanasa sa akin.”
“Pinagnanasaan ka ni Piolo?”
“So kung gusto mong maging ka-level ni Piolo sa kagwapuhan, pagnasaan mo rin ako,” ngingisi-ngisi niyang sabi.
Napapailing na lang si Noah. “Parang ako ang nabaligtad mo.”
Hinawakan niya ang braso nito. “Sir, wag kayong made-depress. Kahit di ko kayo pinagnanasaan, maswerte naman ang magiging girlfriend ninyo. Mabait kasi kayo,” Sana ay siya na lang ang girlfriend ni Noah.
“Binola mo pa ako. Ituloy mo na lang ang tulog mo at ituloy mo ang pagnanasa mo sa akin.”
“Hindi nga kita pinag…”
Hinapit nito ang baywang niya. “As if I’d believe that.” Pinisil nito ang ilong niya. “Huwag kang magsinungaling. Tumatangos ilong mo.” Saka humahalakhak siya nitong binitiwan.
“Matangos talaga ilong ko!”
Alam ba nito ang pagnanasa niya dito o hinuhuli lang siya nito?