Stallion Island Series Chapter 138

“Anak, huwag mong kalilimutang ibigay ang espasol kay Sir Noah. Sabihin mo luto ko ‘yan. Sana naman magustuhan niya ‘yan,” sabi ni Aling Lorna nang dalawin niya ito. Minsan sa isang buwan ay makakauwi siya ng pamilya niya at natuwa siya dahil maayos na ang kalagayan ng nanay at kapatid niya.

“Magugustuhan talaga niya ‘to, Nay. Pwede bang bawasan ko?” tanong ni Olay at tangkang sisilipin ang Tupperware na lalagyan.

“O! Sabi nang kay Sir Noah lang ‘yan. Parang gayuma na rin ‘yan para magka-boyfriend ka na, anak.”

Nang humagikgik si Mareschellie, alam na niya kung ano ang source ng delusion ng nanay niya. “Ikaw! Kung anu-ano ang ikinukwento mo kay Nanay.”

“Bagay kayo ni Fafa Noah. Super hunk niya lalo na kapag nakapaligid sa kanya ang magagandang bulaklak. Nakaka-in love talaga. Saka obvious naman na gusto ka rin niya.”

“Mabait lang siya sa akin.” May sarili siyang ilusyon kay Noah pero sa palagay niya ay hindi nito papatulan ang katulad niya. Sa dami ng magaganda, matatalino at mayayamang babaeng nagkakagusto dito, himala nang magustuhan siya nito. Hanggang pagnanasa at tukso na lang siya dito.

“Hindi siya ganoon ka-concern sa akin at sa ibang Sirens, Ate. He likes you. Minsan huwag mo kaming isipin ni Nanay. Sarili mo naman ang isipin mo. Mag-boyfriend ka na kung ayaw mong maunahan kita.”

Pinanlakihan niya ito ng mata. “Anong boyfriend?”

Nag-peace sign ito. “Joke lang, Ate. Sa ngayon priority ko ang studies ko.”

Sa maikling panahon ay nagbago si Mareschellie. Simple na lang itong manamit at mag-ayos. Ang mamahaling cellphone nito ay ibinenta nito at pinalitan ng mas murang unit. Ang mga damit nito at accessories ay ipina-auction at ibinebenta nito sa Internet. Inilalagay nito ang mga pictures nito sa Stallion Island suot ang mga iyon at pinagkakaguluhan naman ng mga tao. Ang maiipon daw nito ay ipandadagdag nito sa tuition nito.

Pero wala siyang oras na magpahinga. Bukod sa pamilya niya ay may responsibilidad pa siya sa San Martin. Nangangalahati pa lang ang naiipon niya dahil sa mga utang at iba pang bayarin. Kaunti na lang ang panahong natitira sa kanya.

Pagdating sa Stallion Island ay tumuloy agad siya sa Island Blooms na pag-aari ni Noah. “Hi, Diane! Nandiyan ba si Sir Noah?”

“Nasa indoor garden. Mainit ang ulo. Maya maya kasi may meeting siya sa Papa at Lolo niya.”

“O! Bakit mainit ang ulo niya?” Ang alam niya ay nasa abroad ang lolo at tatay nito dahil may negosyo din ang mga Ames doon.

“Gusto ng Papa niya na gawing subdivision ang isang parte ng taniman nila. Iyon pang tinataniman nila ng gulay. Ayaw ni Sir Noah. Pero siyempre malaking pera kung tatayuan ng subdivision ‘yon, di ba?”

“At ayaw niya ng mas malaking pera?”

“Kasi usapan nila ng lolo niya sila ni Ma’am Freezia ang magmamana ng bukid. Papa naman niya ang kalaban niya dahil real estate developer ang Papa niya. Kundi siya magre-relax, di niya maipagtatanggol ang gusto niya. Ten minutes na lang bago dumating ang Papa at Lolo niya. Ipinapasyal lang ni Sir Tricks.”

“Titingnan ko kung ano ang magagawa ko.”

Tinulungan siya ni Noah. Dapat lang na may magawa siya para dito.

Pumasok siya sa indoor garden. Nagpapabalik-balik ito ng lakad sa mesa. Kapag may problema ito ay sa indoor garden ito naglalagi. Now, even the scent of the flowers couldn’t calm him.

“Pwede kang mmaabala?”

“Olay!” Malungkot itong ngumiti nang mAkita siya. “Hindi kita napansin. I have a lot of things in my mind right now.”

“Nagpadala ng espasol si Nanay.” INilapag niya sa harap nito ang Tupperware. “Masarap ‘yan. Nakakatanggal ng stress. Niluto talaga niya para sa iyo.”

“Salamat!” anito at tipid na ngiti na naman ang ibinigay sa kanya. Pagdating sa pagkain ay wala itong arte. Pero ngayon ay ni di nito matingnan ang espasol.

“Mukhang stressed out ka. Gusto mong aliwin kita?”

Nagsalubong ang kilay nito. “Aliwin?”

“Oo. May alam akong pamtanggal na ng stress, maaaliw ka pa. Pwede mo ‘yong gawin habang kumakain ka ng espasol.”

Sumandal ito at humalukipkip. “Gusto ko muna yatang makita kung ano ‘yang ipang-aaliw mo sa akin at kung matatanggal nga ang stress nito.”

Mabilis na gumana ang isip niya. Isinalang niya ang mp3 player sa speaker ng laptop nito na naglalaman ng karaoke ng kakantahin niya para sa opening ng show niya kinabukasan. Pumailanlang ang intro ng kanta ni Madonna na Like a Virgin.

Naglakad siya palapit kay Noah na parang nang-aakit. “I made it through the wilderness. Somehow I made it through. Didn’t know how lost I was until I found you.” Saka siya umupo sa table.

Nakita niya ang pagkagulat sa mukha ni Noah. Parang di nito alam kung tatawa ito na mamumutla. Bahagya nawala ang stress sa mukha nito. Ibig sabihin ay umeepekto ang performance niya.

She tossed her hair like a sudectress. Saka niya hinaplos ang daliri niya sa hita niya pataas. “’Cause you made me feel. Yeah you made me feel shiny and new.”

Ngumiti na lang si Noah at napailing. Saka nito iniwas ang tingin sa kanya. Pero bago nito iniwas ang tingin ay nakita niya ang apoy sa mga mata nito. “Like a virgin. Aw! Touched for the very first time.” Hinila niya ang kurbata nito hanggang magkalapit ang mukha nila. “When your heartbeat is next to mine.”

Nang magtama ang mga mata niya ay hindi na niya magawang kumanta pa. Hindi rin nakangiti si Noah. He had this fiery look on his face. His eyes were on fire. Galit ba ito sa kanya? No! Hindi ito galit sa kanya. He was enjoying her performance.

Could it be desire? Nahigit niya ang hininga nang unti-unting lumapit ang mukha nito sa kanya. Uh oh! Hahalikan siya nito. Nandito na ang pinakahihintay niyang halik na ipinangako nito sa kanya.

Ilang gabi ba siyang napuyat dahil dito? Wala na siyang inisip kundi ang halik ni Noah. Mukhang hindi lang siya ang kailangan ni Noah. Kailangan din siya nito. Kailangang matapos na ang mga gabing hindi siya makatulog. Halos magdikit na ang mga labi nila. She could almost taste him. Malapit na ang tagumpay.

Parang na-freeze ang mundo niya nang marinig ang palakpakan mula sa entrance ng indoor garden. Isang matandang lalaki na nasa otsenta ang pumapalakpak habang isang lalaking nasa mid-fifties ang katabi nito. Nakakunot ang noo nito na parang older version ni Noah. Ang lolo at Papa ni Noah. Pati ang ibang empleyado ng Island Bloom ay nanonood din sa kanila.

“That’s an excellent performance,” puri ng lolo ni Noah na pumapalakpak pa rin habang palapit sa kanila.

Nagkumahog siyang bumaba ng mesa at binitiwan ang necktie ni Noah. Pasimple din niyang inayos ang magulo niyang buhok. Ano na lang ang iniisip ng mga ito na ginagawa nila ni Noah? Anong excellent performance ba ang sinasabi ng lolo ni Noah? Ang muntik na nitong paghalik sa kanya? Hindi nga natuloy. Anong excellent doon? Excellent ang kahihiyang dinadanas niya.

“Is this how you conduct your business here, Noah?” madilim ang mukhang tanong ng Papa ni Noah. Kung makatingin ito sa kanya ay parang masama siyang babae. Na parang aakitin niya ang anak nito sa pagkasira. “Oras na ng meeting natin pero kung anu-ano pa ang inaatupag mo. Mas importante pa ba ang babaeng iyan kaysa sa meeting natin?”

Nakagat niya ang labi. Sa halip na makatulong ay nakasama pa yata siya. Pati si Noah ay napahamak dahil sa kanya. Masamang impression pa yata ang naibigay niya sa pamilya nito. “Sir, pasensiya na po. Hindi ko po gustong mang-abala. Aalis na po ako. Pasensiya na.”

Nahihiya niyang tiningnan si Noah. He didn’t even offer a smile. Mukhang handa na ito sa giyera. Sana lang ay hindi ito galit sa kanya.

Paglabas niya ng indoor garden ay nagkakantahan ang mga staff ni Noah. Akala mo ay nasa party ang mga ito. “Like a virgin! Aw! Touched for the very first time. Like a….” Natigilan si Diane na mukhang promotor ng lahat nang makita siya. “Olay, ganda ng the moves mo kanina, ah!”

“Pinagkakatuwaan pa ninyo ako. Kita na nga ninyong napahiya ako,” bagsak ang balikat niyang sabi. “Bakit ko pa kasi ginawa ‘yon?”

“Mukha namang nag-enjoy si Sir Noah. At nag-enjoy din kami.”

Nasabunutan niya ang sarili nang nakasakay na siya sa electronic jeepney papunta sa lodge para magpahinga. Hindi niya alam kung matatahimik siya. Sana lang ay hindi siya kamuhian ni Noah kapag sinira niya ang pagkakataon nitong mapanatili ang bukid nito ayon sa gusto nito. Kundi ay magsisisi siya at hinding-hindi na siya kakanta at sasayaw ng Like a Virgin kahit kailan.

NAPUNO ng kantiyawan, halakhakan at palakpakan ang Windy Café. Videoke Night ulit sa Windy Café. Kanina pa niya hindi nakikita si Noah. Baka kasama pa nito ang lolo at Papa nito. O ang masama ay napasama ang pakikipag-usap nito. Kailangan niyang mag-sorry dito at mangangakong di na kakanta ng Like a Virgin.

NIlapitan siya ni Ashlan pagkatapos ng first set niya. Naghahanda na ang second batch ng mga kakanta sa videoke. Mahigpit ang labanan dahil mukhang nag-practice na ang mga kalahok para di makantiyawan at mapahiya. Namomoroblema tuloy ang village lord judge na si Ryuhei.

“Olay, tawag ka sa table number twenty five.”

Nasa bandang labas na ang mesang iyon kung saan tanaw ang magandang view ng Central Town at ang windmill.

Muntik na siyang di humakbang nang makita si Noah kasama ang lolo at papa nito. Kumaway si Noah nang makita siya. He was smiling. Gayundin ang lolo nito. Ang lolo pa nito ang lumapit sa kanya para sunduin siya. “Hija, mukhang nahihiya ka pa. Come! Kanina ka pa namin hinihintay.”

“G-Good evening po!” magalang niyang bati at binati rin niya ang ama ni Noah na tiningnan lang siya. Obvious naman na ayaw nito sa kanya.

“Lolo Marcelo na lang ang itawag mo sa akin. At ang Papa naman ni Noah…”

“Marc Ames. Call me Mr. Ames,” anang Papa ni Noah.

“Nice meeting you, Sir,” aniya at inabot ang kamay. “Ako po si Olay.”

“So I heard,” matabang nitong sabi at uminom ng whiskey. “Akala ko ba pag-uusapan natin ang tungkol sa negosyo, Papa. I need that land.”

“Business is boring without a little fun. And besides, gusto kong makilala ang kaibigan ni Noah. She’s interesting, isn’t she,” sabi ni Lolo Marcelo.

Inalalayan siyang umupo ni Noah at pinisil ang kamay niya. “Si Lolo mismo ang nag-insist na makita kang mag-perform kaninang opening.”

“Gusto ko nga rin sumali sa videoke contest ninyo. Kaso baka mapahiya ang mga batang members dito kapag inilampaso ko.”

“Lolo, pwede naman po kayong mag-special number. Gusto po ba ninyo kayo ang opening number namin para sa second set?” tanong niya. Gusto niya ang lolo ni Noah dahil cool ito.

“That would be nice. Nag-practice na nga ako. Duet kami ni Noah.”

“This is a waste of time,” usal ng Papa ni Noah. “Ibigay na lang ninyo sa akin ang lupa. Wala namang magagawa si Noah. Ako ang ama niya. Kapag nag-mature na siya, maiintindihan din niya ang ginawa ko.”

“But that land is my future, too!” argumento ni Noah. “May karapatan ako sa lupang iyon lalo na’t sa akin iyon ipinangako ni Papa.”

“Para maging taniman lang ng gulay? Anong kikitain natin doon?”

“Hija, kung ikaw ang nasa posisyon ni Noah, ano ang pipiliin mo? Tayuan ng subdivision ang ekta-ektaryang lupa o manatili siyang taniman?” tanong ni Lolo Marcelo.

“Po?” Bakit tinatanong siya nito?

“Pa, bakit kailangan mong tanungin ang babaeng walang alam sa negosyo?” angal ng Papa ni Noah.

“It’s good to hear other people’s opinion every now and then.”

Tiningnan niya si Noah. May pagsusumamo sa mga mata nito. Na parang sa kanya nakasalalay ang ikapapanalo nito. “Lolo, ang totoo po maraming lupa ang Pilipinas. Marami tayong bukid. Pero maraming agricultural land ang hindi naman nagagamit dahil mas gustong i-develop na subdivision balang-araw. Tapos ang mga bukid natin lahat na lang tinataniman. Kung tutuusin di magugutom ang mga tao kung marunong lang magtanim at magbungkal. Kung may sarili lang akong lupa, mas gusto ko magtanim na lang. Ang lupa kapag tinataniman, parang kayamanang hindi nauubos. Pwedeng ipamana hanggang sa kaapo-apuhan.”

“You have a point there, hija. Maganda ngang suportahan ang agriculture sector ng bansang ‘to,” sang-ayon ng lolo ni Noah.

“Papa, may flower farm na si Noah,” protesta ng papa ni Noah. “kung gusto ninyo ng gulay, matagal nang nag-e-export ang Pilipinas.”

“Why export when we can produce our own,” wika ni Noah. “Saka kailangan ni Freezie ang gulayan para sa research niya.”

Nagtatalo pa rin ang mga ito nang bumalik siya sa trabaho. Nang magsara na ang Windy Café ay nakaabang sa labas si Noah. “Hi!” bati niya. “Maganda ang performance ninyo ni Lolo kanina. Hindi ko kayo nabati.”

KInuha nito ang bag niya sa kanya. “Okay lang. Nag-enjoy naman siya. Nasa bahay na sila ni Papa at iniwan ko silang nag-uusap.”

“Noah, sorry talaga. Baka napahamak ka pa dahil sa akin. Promise! Hindi na ako kakanta at sasayaw pa ng Like a Virgin.”

Hindi kumibo si Noah. Siguro ay pinipilit lang nitong maging masaya para hindi siya masyadong ma-guilty pero ang totoo ay malaking damage ang nagawa niya. At hindi na iyon maitatago pa ni Noah.

Pagdating sa lodge niya ay bukas ang ilaw sa porch. May flower arrangement na nakatayo sa tabi ng pinto. May iba’t ibang orchids at calla lily na kasama sa arrangement. “Ano ‘to? May namatay ba at may bulaklak dito?”

“Silly! Ginawa ko ‘yan para sa iyo.”

“Bakit mo naman ako bibigyan ng bulaklak? Maliban na lang kung manliligaw ka…”

“Gusto kong magpasalamat sa iyo. The farm will stay. Hindi na iyon matatayuan ng subdivision ni Papa maliban na lang kung kami mismo ni Freezia ang magbibigay ng permiso.”

“Really? Eeee!” tili niya at niyakap ito. “Ang galing mo!”

Kinintalan nito ng halik ang noo niya. “Thank you! Dahil sa input mo, natuwa si Lolo. Akala kasi niya girlfriend kita. At kung ikaw ang pakakasalan ko, alam niyang pareho nating maalagaan ang lupa.”

“Kahit naman wala ang tulong ko kaya mo ‘yon.” Pero siyempre mas maganda kung sila ni Noah ang magpapakasal kahit sa panaginip lang niya. Natunaw ang puso niya nang mapagmasdang mabuti ang mga bulaklak na bigay nito sa kanya. “Ay! Kakaiba siya. Parang art. Hindi simpleng flower arrangement lang.”

“That’s the beauty of Ikebana. Kulang pa nga iyan. Dahil sa iyo, mai-inspire akong ituloy ang pagtatayo ng Ikebana school para sa mga taga-San Martin. Makakatulong din sa agriculture sector ang mga research ng kapatid ko. At gusto namin na maging magandang example ang San Martin sa iba pang lugar sa Pilipinas para pahalagahan ang agriculture. At makapag-produce ng world class ikebana artists nang hindi na pumupunta pa sa Japan para mag-aral.”

Pinisil niya ang kamay nito. “Thank you! Matutupad lahat ng pangarap mo kasi maganda naman ang hangarin mo.”

Nilingon siya nito. “Ikaw? Ano ang pangarap mo?”

“Makabayad sa utang namin, mapagtapos ang kapatid ko at mabigyan ng magandang buhay sila ni Nanay,” sabi niya at hinaplos ang talulot ng orchid.

“Wala ka bang pangarap para sa sarili mo?”

“Meron din. Kaso parang di pa naman ‘yon matutupad ngayon. Uunahin ko muna ang pangarap ko sa pamilya ko kaysa sa sarili ko.”

“Sige. Bigyan mo ako ng kahit isang pangarap mo lang. Iyong para sa sarili mo.”

Tumingin siya sa malawak na kalawakan. Na parang sa mga bituin nakaguhit ang mga pangarap niya. “Simple lang. Gusto kong makapag-asawa ng lalaking matino. Iyong mamahalin ako tulad ng pagmamahal ng tatay ko sa nanay ko pati kay Nanay Lorna. Iyong tatawa sa mga jokes ko kahit corny. Kapag may sakit ako, aalagaan ako. Tapos magtutulungan kami para matupad ang lahat ng pangarap namin sa pamilya namin. Kahit hindi siya mayaman basta mahal niya ako.”

Nang matapos siya ay wala siyang nakuhang sagot mula kay Noah. Nakatitig lang ito sa kanya na parang hindi ito naniniwala sa mga sinabi niya.

“Ano? Mukha bang weird ang pangarap ko?” tanong niya.

“No! You deserve a man who will love you and cherish you. Kasi maswerte din ang lalaking iyon sa iyo.” Hinaplos nito ang buhok niya. “Goodnight!”

Pinagmasdan niya si Noah habang papalayo. Hindi naman talaga iyon ang pangarap niya. Si Noah ang pangarap niya. Pero imposibleng mangyari iyon kaya hindi na rin nito dapat na malaman pa.

Malapit na rin siyang umalis sa Stallion Island oras na matapos na ibalik ang korona sa San Martin. Ayaw na niyang makita pa ang babaeng mamahalin ni Noah. Baka masaktan lang siya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.