“Special delivery!” anunsiyo ni Olay nang dumating sa Island Bloom. Patapos na ang duty niya bilang waitress. Pero nag-request si Diane, ang staff ni Noah, na siya ang mag-deliver mismo sa Island Bloom.
“Ipasok mo na sa workshop ni Sir Noah,” sabi nito at inginuso ang pinto malapit sa indoor garden. “Malamang gutom na iyon.”
“Ha? Ako pa ang magdadala. Baka mamaya magalit iyon sa akin dahil inaabala ko siya sa trabaho niya.”
Dalawang araw na lang ay aalis na si Noah papuntang Japan para sa Ikebana Grand Prix. Ilang buwan na nitong pinaghahandaan ang prestihiyosong kompetisyon. Makakasagupa nito ang magagaling na ikebana artists sa mundo. At nakasalalay ang pangarap ni Noah doon. Kaya nga hindi niya ito inaabala. Masaya na siya kapag si Noah ang nakipagkita sa kanya o kaya ay tumawag.
“Hindi na naman siya kumain. Kapag ako ang nagpasok ng pagkain sa loob, hindi na naman niya papansinin.”
“Huwag niyang sabihing nagpapakamatay siya para sa competition na ‘yan?” magkasalubong ang kilay niyang sabi. “Paano kung magkasakit siya?”
Pumalakpak ito. “Yan! Iyan mismo ang dapat mong sabihin kapag nagkita kayo. For sure di siya tatangging kumain. Saka miss mo na siya, di ba?”
Pinanlakihan niya ito ng mata. “Atin-atin na lang ‘yon. Kapag nag-ingay ka, gagarutayin ko ang kagandahan mo sa show ko,” banta niya at pumasok sa workshop.
Tumambad sa kanya ang naggagandahang mga flower arrangement. Parang nasa exhibit siya ng mga ikebana. Lulang-lula siya. Noah was really an artist. Hindi niya inaasahan na makakagawa ng artwork sa pinagsama-samang bulaklak, dahon at mga tangkay ng kahoy. Simple pa nga kung tutuusin ang pinadala nitong flower arrangement sa kanya dati. Talented talaga si Noah.
Pumasok si Noah sa connecting door ng workshop at indoor garden. May dala itong mga bulaklak na kinuha marahil nito sa indoor garden at gagamitin sa arrangement na ginagawa nito. “Olay! Napadalaw ka.”
“Dinalhan kita ng lunch. Actually, order ‘to ni Diane. Ako lang ang nag-deliver.” Inilapag niya ang order nito sa bakanteng mesa doon. “Nagulat talaga ako nang makita ko ang mga ikebana mo. Parang nasa exhibit ako.”
“Hindi pa magaganda ang mga ‘yan. Wait til you see my competitors. Kahit yata nakapikit sila or natutulog, nakakapag-ikebana sila.”
“Pero di dahil nape-pressure ka, gugutumin mo ang sarili mo. Paano kung ikaw naman ang magkasakit?” sermon niya.
“Nagsalita ang kumakain.” Hinawakan nito ang kamay niya. “Tingnan mo nga. Puro buto ka na. Dapat nga ikaw ang pinapakain ko.” Saka siya hinila sa kandungan nito. “Parang wala ngang nakakandong sa akin.”
“Sumisimple ka pa!” Tumayo siya. “Hindi ako nagpunta dito para magpaakit sa iyo. Kailangang kumain ka. Baka kailangan pa kitang samaha sa Japan para lang ipaalala sa iyo na kailangan mong kumain?”
Kumurba ang ngiti sa labi nito. “That’s a great idea. Bakit nga hindi ka sumama sa akin sa Japan? Tapos sayawan at kantahan mo ulit ako ng Like a Virgin para ma-inspire naman ako.”
“Huwag na. Baka may magkagusto sa aking Hapon at kidnapin ako.” Kahit na gusto niyang makasama si Noah, marami siyang responsibilidad na kailangang gawin. Tatlong linggo na lang ang natitira para sa deadline niya kay Noah. Di dahil malapit na sila ni Noah sa isa’t isa ay babalewalain na niya iyon.
Tumayo ito at pumaikot ang kamay sa baywang niya. “Kundi ka makakasama sa akin, bakit hindi mo na lang ako bigyan ng goodluck gift.”
“Goodluck gift? Wala akong pera,” protesta agad niya.
“What I want is something you can’t buy.”
He kneaded her face then their lips touched. Hindi niya inaasahan na iyon ang hihingin ni Noah sa kanya. At di rin niya inaasahan ang milyong-milyong volt ng kuryenteng dumaloy sa katawan niya. A sweet kiss turned into something deeper and more passionate. HInapit ni Noah palapit ang katawan niya. Wala siyang nagawa kundi sumunod sa anumang demands nito.
Her toes curled because of the sensation. Ipinikit niya ang mga mata at sumambulat ang mga fireworks sa isipan niya. Pakiramdam niya ay sasabog din siya sa sensasyong nararamdaman niya. Noah made her feel a lot of things with that kiss. He made her feel special and beautiful.
Iyon ba ang halik na ipinangako nito sa kanya? Hindi naman sinabi ni Noah na gusto nitong tunawin ang buto sa katawan niya at guluhin ng daloy ng dugo niya. Posible ba iyon sa simpleng halik lang?
Nang maghiwalay ang labi nila at idilat niya ang mga mata ay liyo pa rin siya. “Siguro naman inspired na ako ngayon. Thanks, Olay.” Ilang beses siyang kumurap. Di pa rin mawala ang ulap sa isipan niya. Parang isang magandang ilusyon lang ang halik na iyon. Too good to be true. Niyugyog ni Noah ang balikat niya. “Olay! Okay ka lang ba?”
“Am I dead na?” pabulong niyang tanong. “Parang nasa heaven ako.”
Kumunot ang noo nito at magaang tumawa. “No! Buhay ka pa.”
Sinapo niya ang noo at nagkunwang hihimatayin. “Can I die na? Now na!” aniya at sumandig sa katawan nito. “Pwede na akong machugi sa Earth! Nalolokah na ako!”
Sa pagkakataong ito ay humalakhak si Noah ng malakas. “I agree. Sa palagay ko nga baliw ka na. Gusto mong patingnan kita kay Andrya?”
Tumuwid siya ng tayo at umiling. “Ayoko!” Matalino si Andrya, ang resident psychologist ng Stallion Island at eksperto pagdating sa pagbasa ng body language. Malalaman at malalaman nito ang namagitan sa kanila ni Noah. Mabuti nang sa kanila na lang dalawa ‘yon. “Kumain ka na.”
“Hindi mo ba ako sasamahan dito para lalo akong ma-inspire?” tanong nitong may nanunuksong ngiti sa labi. He was tempting her.
“Goodluck sa ‘yo! Pagbalik mo na lang tayo kumain.”
Lumabas na siya ng workshop nito at di ito nilingon kahit na tinatawag siya nito. Hindi siya pwedeng magpaakit dito. Kapag hinalikan na naman siya nito, baka tuluyan na siyang masiraan ng bait.
Nang nasa kuwarto niya siya ay nakatulala lang siya sa kisame habang hawak ang labing hinalikan ni Noah. Ganoon pala ang pakiramdam. Parang lalagnatin siya. Ipinikit niya ang mata. Sana ay bumalik agad si Noah. Mami-miss niya ito.
HINDI maganda ang gising ni Olay. Mataas ang lagnat niya at hindi siya makabangon. Nang itawag niya kay Ashlan na may sakit siya at di makakapagtrabaho sa araw na iyon ay sinundo agad siya nito at idinala sa clinic.
“Overfatigue at stress,” sabi ni Doc Nathaniella matapos ang test na isinagawa sa kanya. “Makakabuti kung magpahinga ka muna ng ilang araw. Bed rest. Make that total bed rest.”
“Doc, hindi na ‘to kailangan,” angal niya kay Nathaniella. “Marami po akong trabaho.” Malapit na ang deadline niya kay Noah. Nasa ten thousand pa ang kailangan niya. Malayo pa ang sweldo niya. Nahihiya naman siya kay Ashlan kung mangungutang siya. Tapos ay magkakasakit pa siya.
“Anong hindi kailangan? Responsibilidad kita. Baka mamaya kung ano na pala ‘yang sakit mo. Ayokong masabing hindi ko inaalagaan ang mga tauhan ko,” katwiran naman nito. “Dapat talaga hindi na kita pinagbigyang maging waitress. Sabi na nga ba’t bumabagsak na ang katawan mo.”
Ilang minuto pagkaalis ng doktor ay hangos na pumasok ng kuwarto si Noah. “Ash, anong sabi ni Doc?”
“Pati ba naman si Sir Noah sinabiyan ninyo? Naghahanda iyan para sa competition niya.” BUkas na ang flight ni Noah papuntang Japan.
“Nasa Fusion Mist lang ‘yan. Nagme-meditate lang naman ‘yan. Nothing important really,” sabi ni Ashlan. “Maiwan ko muna kayong dalawa. Tatanungin ko si Doc Nathaniella kung ano pa ang kailangan mo.”
Ginagap ni Noah ang kamay niya at hinaplos ang noo niya. Bakas ang matinding pag-aalala sa mukha nito. “Olay, anong sabi ng doktor?”
“Buntis ako at ikaw ang ama.”
“Ha?” bulalas nito at namutla. Tinangka niyang humalakhak ng malakas pero nanghihina pa talaga siya. Nagsalubong ang kilay nito. “May sakit ka na nga, nagagawa mo pang lokohin ako.”
“Overfatigue lang ‘to. Mag-concentrate ka na lang sa ikebana mo. Hindi ko nga alam kung bakit masyado nilang iniintindi. Ilang araw daw akong magbe-bedrest. Boring yata ‘yon.”
Magkasunod na dumating sina Congressman Evandro at Stefanos. “Narinig namin na may sakit si Olay,” sabi ni Stefanos.
“Overfatigue lang ‘to.” Kahit nanghihina ay nag-thumbs up siya. “baka nga mamaya lang nagtatrabaho na ulit ako.”
Napapalatak si Evandro. “Nakokonsensiya tuloy ako. Dahil sa akin nagkasakit ka. Ni ayaw mong magpabayad nang mag-perform ka sa Provincial Jail namin.” Kinuha siya nito para sa mga preso sa provincial jail ng probinsiyang nasasakupan nito.
“Kahit nang mag-perform siya ospital namin para sa mga cancer patients, tinanggihan din niya ang bayad,” sabi ni Stefanos.
“Hindi naman kaya ng konsensiya ko na singilin kayo dahil doon. Sabi ko naman sa inyo ibigay na lang ninyo sa mas nangangailangan ang pera, di ba? Kung nakokonsensiya pa rin kayo, padalhan na lang ninyo ako ng fruits,” nakangiti niyang sabi. “Okay na ba tayo doon?”
Maya maya pa ay naiwan na lang sila ni Noah. Mariing magkadikit ang labi nito habang di inaalis ang tingin sa kanya. “I don’t know whether to admire you or strangle you. Ganyan ka ba sa lahat ng kliyente mo? Charity case?”
“Noah, kung mayayaman naman ang mga customer ko, di ko manghihinayang na hingan sila ng malaking tip. Pero mga taong may sakit at mga taong nakakulong, gasino bang mapatawa ko sila kahit paano? Di ko naman maatim na magpabayad. Kasi pag-alis ko, mas marami pa silang pangangailangan. Kaya iyong talent fee ko, tulong ko na lang sa kanila. Nangako naman si Lord Evandro at si Sir Stefanos na mapupunta iyon sa mga beneficiaries.”
“Ayoko lang na maabuso ka.”
“Kung inaalala mo ang tungkol sa perang ibabalik ko sa San Martin, mahahabol ko ang deadline. Huwag kang mag-alala.” Magagawan naman niya ng paraan basta gumaling lang siya sa lalong madaling panahon.
“This isn’t about the money. It’s about you.” HInalikan nito ang likod ng palad niya. “Paano na pag-alis ko? Baka magpagod ka na naman?”
“Huwag mo akong intindihin. Kaya ko ang sarili ko.”
Naging matiim ang anyo nito. “Hindi na ako aalis papuntang Japan. Hindi na lang ako sasali sa competition.”
“Ano?” bulalas niya at tinangkang bumangon. “Hindi pwede ‘yan. Noah, matagal mong pinaghandaan ang Ikebana Grand Prix. Tapos itatapon mo lang dahil sa akin? Huwag naman.”
“Hindi rin naman ako makakapag-concentrate sa competition kung alam kong may sakit ka. Ikaw ang inpirasyon ko. At kasalanan ko rin kung bakit may sakit ka. Masyado kitang pinahirapan.”
Nangilid ang luha sa mata niya. Hindi niya inaasahan na may isang lalaking katulad ni Noah na magsasakripisyo para sa kanya sa kabila ng mga pagkakamali niya. “Kasalanan ko naman talaga. Niloko ko ang mga taga-San Martin. Dapat lang naman na ibalik ko ‘yon at ibigay sa totoong winner. Pero hindi naman yata tama na isakripisyo mo ang competition na matagal mo nang pinangarap para sa akin.”
“May ibang competition pa naman. And I will make sure that I will win. Kaya huwag ka nang masyadong mag-isip. Okay?”
Unti-unti na siyang hinila ng antok at di na nagawang makipagtalo pa kay Noah. Kailangan niyang magpagaling agad para hindi na siya intindihin pa ni Noah. And she was glad that he made her feel so important.
MADILIM ang mukha ni Noah nang magkita sila sa Windy Café. Paakyat ito sa stone steps paakyat ng café habang nagse-serve naman siya sa mesa sa labas kung saan isine-celebrate ang engagement nina Jairon at ang nobya nitong si Xandie.
“Good morning!” bati niya at sinalubong ito.
“Anong good morning? Bakit nagtatrabaho ka na? hindi ba dapat nagpapagaling ka pa?” anito at kinuha ang tray na walang laman mula sa kanya. “Hindi ka pa dapat nagpapagod.”
“Four hours lang ang trabaho ko ngayon. Saka tatlong araw na akong nagpahinga. Mas manghihina ako kung wala akong gagawin. Saka kailangan ko ng pera. Malapit na ang deadline ko…”
“Don’t mind the deadline. Kung kailangan mo ng perang ibabalik sa San Martin, pwede naman kitang pahiramin.”
“Ayoko!” tutol agad niya. “Kailangan kong paghirapan ang perang ‘yon. At ibabalik ko rin iyon nang di kinakailangang manghiram ng pera. NAhihiya na ako sa iyo, Noah. Huwag mo nang dagdagan ang kahihiyan ko.”
“Pero Olay…”
“Kuya Noah!” anang isang babae na patakbong lumapit kay Noah at yumakap. “Magaling ka na ba?”
“Freezia!” NIyakap ni Noah ang babaeng kasama ng kapatid nito. “Vix! Anong ginagawa ng mga prinsesa ko dito.”
“Sabi mo total bedrest ka pa rin dapat ngayon. Dinalaw ka namin ni Freezia dahil baka walang nag-aalaga sa iyo,” sabi naman ng pinsan ni Noah.
“Oo. Okay na ako,” sabi ni Noah. “Hindi na ninyo ako kailangang alagaan.”
Ikinatwiran pala ni Noah na may sakit ito kaya di ito nakasali sa competition. Ito pa ang umako sa sakit niya. Nakakahiya talaga.
“Nag-worry lang kami dahil na-cancel ang pagsali mo sa Grand Prix dahil sa overfatigue. Hinihintay ka ni Amber sa Tokyo. Gusto ka daw niyang i-cheer. Mukhang in love pa rin siya sa iyo,” may halong panunuksong sabi ni Freezia.
“She’s still as fine and as elegant as ever. At nag-leave pa siya sa work niya sa embassy para makasama ka,” dugtong ni Vix.
Napayuko siya. May Amber na pala si Noah. Fine and elegant. Nagtatrabaho pa sa Embassy. Ganoong babae pala ang gusto ni Noah. Nakakapanliit naman kung ididikit siya sa ganoong klaseng babae.
“You look familiar,” sabi ni Vix at tinititigan siya. “Hindi ba ikaw ang nanalo sa pageant namin sa San Martin noong nakaraang fiesta.”
“Oo nga! Orlanda! Orlanda Macabuhay,” sabi ni Freezia at kinamayan siya. “Napanood kita sa contest. Ikaw talaga ang bet ko. Ang ganda-ganda mo kasi. Mas maganda ka pa nga sa aking tunay na babae.”
“Kuya Noah, si Orlanda. Di ba judge ka pa nga noon?” sabi ni Vix.
“Yes. I know,” anang si Noah na tumiim ang anyo. Di marahil ito komportableng may nakakilala sa kanya bilang Miss Gay San Martin at kamag-anak pa nito. “She works here as a stand up comedienne.”
“And part time waitress,” dugtong niya. “PAsensiya na po, Ma’am. Hindi ko alam na nakanood din pala kayo ng competition.”
“NAsa audience kami ni Freezia. I am the mayor’s sister,” wika ni Vix.
“Ate, kulang pa tayo ng isang performer para sa birthday ni Kuya Guilbert next week, di ba? Baka pwedeng siya na lang,” suhestiyon ni Freezia.
“That would be nice. Gusto mo bang bumalik sa San Martin, Orlanda? I am sure matutuwa ang mga tao na makita ka ulit,” sabi ni Vix.
“She’s busy,” kontra agad ni Noah.
“Kakausapin ko po ang manager ko kung pwedeng maiayos ang schedule ko. Thank you.” At di niya pinansin ang protesta sa mga mata ni Noah.
“Dadating din si Amber,” sabi ni Freezia at inilayo si Noah sa kanya.
Kailangan na niyang harapin ang katotohanan. Kailangan na niyang pagbayaran ang kasalanan niya sa mga taga-San Martin. At kailangan na rin niyang lumayo kay Noah. Masasaktan lang siya kapag nakita niyang kasama nito ang babaeng mas bagay para dito.
Oo mabait ito sa kanya at hinalikan siya nito. Pero hindi ibig sabihin ay mai-in love ito sa kanya. Kailangan niyang tapusin ang kahibangan niya at harapin ang katotohanan. Hindi siya nararapat kay Noah.