Stallion Island Series Chapter 145

“Sister, galingan mo kapag nasa Stallion Island ka na. Huwag kang makikipag-away. Maging mahinhin ka at laging ngumiti sa mga boys,” bilin ng Kuya Jillian ni Josefa matapos siyang ayusan.

Kinamot niya ang dulo ng ilong niya na nangangati na dahil sa make up. “Ituturo naman sa amin kung ano ang gagawin doon.”

Tinampal nito ang kamay niya. “Kasasabi ko lang na umayos ka!”

Mula nang pumayag siyang sumali sa makeover challenge ng Stallion Shampoo ay gusto na agad ng kapatid niya na i-makeover siya. Para daw may advantage na siya sa ibang kalahok. Tinanggihan niya iyon dahil gusto niyang i-experience ang ibang nalalabing araw bago siya pumunta sa Stallion Island. Di niya alam kung gaano kalaking parte ng pagkatao niya ang isusuko niya para manalo sa contest na iyon. Wala naman siyang gustong baguhin sa sarili niya. Gusto lang niyang iuwi ang tatay niya.

Sa sala ay naghihintay sa kanya ang kapitan ng baranggay at mga kagawad nila. Ang mga kapitbahay niya ay nakatanghod sa labas ng bahay habang hinihintay ang pag-alis niya. Lahat ay gustong sumuporta sa pagsali niya sa contest.

Lumapit sa kanya si Tikboy na naka-long sleeves polo at slacks pa. Parang a-attend ito ng JS Prom. “Nandito lang ako, Josefa. Naghihintay sa pagbabalik mo. Huwag mong papansinin ang mga Stallion Boys kasi ako talaga ang nagmamahal sa iyo.”

Pumagitna naman ang Kuya Jillian niya sa pagitan nila. “Tikboy, ayusin mo muna ang buhay mo. Kasi paliligiran na ng Stallion Boys ang kapatid ko. Kaya pangarapin mong maging Stallion Boylet. Magsumikap ka!”

Tumango na lang si Tikboy. Iyon din kasi ang dati pa niyang sinasabi dito. Na dapat ay ayusin nito ang buhay nito at magsumikap ito.

Biglang nagtilian ang mga kababaihan at bading sa labas ng bahay. “Eeee! Ang guwapo? May Stallion Fafa!”

“Stallion Fafa?” anang Ate Jillian niya at nagtatakbo agad sa labas.

Nagulat na lang siya at sinundan ng tingin ang kapatid niya nang salubungin ang bagong dating. Naestatwa siya nang makita kung sino ang sinalubong ng yakap ng kapatid niya. Si Slade Villacorta.

“Fafa Slade! Sabi na nga ba’t magkikita tayong muli,” sabi ng kapatid niya habang nakasubsob ang mukha sa dibdib ni Slade. “Ang bango mo!”

Alanganin ang ngiti ni Slade habang nakatingin dito. “Ah, ikaw ba si Josefa?” tanong ni Slade sa kapatid niya.

“Hindi. Ako ang ate niya.”

Hinila niya palayo ang kapatid. “Kuya, lumayo ka nga sa lalaking iyan!” Hinarap niya si Slade. “Anong kailangan mo sa akin?”

Naging suwabe ang ngiti ni Slade at ginagap ang kamay niya. “You must be Josefe. I am Slade Villacorta,” Kinintalan nito ng halik ang likod ng palad niya, “your Prince Charming.”

Dali-dali niyang binawi ang kamay mula dito nang makadama ng mumunting kuryente. Nabingi siya. Prince Charming daw niya ito? Hindi siya nito ipapa-baranggay o irereklamo? Baka mamaya ay may nabutasan na naman ng sasakyan at sa kanya na naman isisi.

Pero mukhang wala sa itsura nito ang ipapabaranggay siya. Nakangiti kasi ito sa kanya. Ngiting nakakatunaw ng buto sa kahit na sinong normal na babae at may mga matang nang-aakit. At siya ang inaakit nito. Napansin niya ang camera na nakatutok sa kanila. Ipinadala ito marahil ng Stallion Shampoo para maging Prince Charming niya? Bakit hindi sinabi sa kanya ang tungkol doon?

“Hoy! Hindi mo ba ako natatandaan?” tanong niya at hinila ang kuwelyo nito.

Sa halip na ma-offend sa kabruskuhan niya ay lalo pa nitong inilapit ang mukha sa kanya. “Have we met before?”

Hindi siya nito nakikilala. Saka niya naalala ang ayos niya. Naka-slacks siya at blouse. Mukha rin siyang sopistikada dahil naka-pony ang buhok niya at may light make up. Di tulad nang huli silang magkita na mukha siyang taong grasa dahil sa pag-aayos ng sasakyan ng pinsan nito.

At bakit mas guwapo si Slade kapag malapitan? Mas makinang ang maamong mata nito. At sa sobrang lapit nila sa isa’t isa, di niya maiwasang tumitig sa labi nito. Parang palapit iyon nang palapit sa kanya at hahalikan siya anumang sandali mula ngayon.

Hindi ba hinahalikan ng Prince Charming ang mga prinsesa? Hahalikan kaya siya nito?

“Kap, ipahuli ninyo ang lalaking ‘yan!” utos ni Tikboy habang hila-hila si Kapitan. “Alam ba ninyo na binarat niyan si Josefa, my love? Muntik na siyang hindi bayaran ng ten thousand. Baka mamaya baratin na naman niya.”

“Whoa! Ikaw ang bumutas sa gulong ng kotse ng pinsan ko!” sabi ni Slade. “Ako pa ang ipapahuli mo? Dapat kayo nga nung gusgusin na…” Nawala ang ngiti sa labi nito at saka tinitigan siya. “Babaeng Grasa?” Saka lang siya nito nakilala bilang ang mekanikong muntik na nitong takbuhan. “Oh, damn!”

Mukhang sorpresa lang dito kung sino susunduin nito. Dismayado na ba ito ngayon na makakasama siya nito? Kung dismayado ito sa kanya, mas dismayado siyang makita ito. Sinisira nito ang pinakamahalagang araw sa buhay niya.

“Aba! Mas ayokong maging Prince Charming ka. Naku! Lahat ba ng Stallion Boys katulad mo? Kung katulad mo naman ang makakasalamuha ko, huwag na lang!” aniya at tinalikuran nito. Hindi talaga niya makakasundo ang mga lalaking akala mo ay pag-aari ang mundo.

Natigilan siya nang magkasalubong sila ng tingin ng nanay niya. May pagsusumamo sa mga mata nito na huwag siyang mag-walk out. Oras na gawin niya iyon ay tapos na ang mga pangarap nila.

Mariin siyang pumikit at bumilang ng sampu. Challenge ang pupuntahan niya. Kung kasama sa challenge ang pakikisama sa mga antipatikong katulad ni Slade Villacorta, mabuti nang ngayon pa lang ay malusutan na niya.

The challenge starts now.

Tinimpi niya ang sarili at nakangiting hinarap si Slade. Hinawakan niya ang kamay nito. “Halika na!” Saka niya ito hinila papunta sa naghihintay na van.

Nilingon niya ang nanay niya. May ngiti sa mga labi nito. Nang bumuka ang mga labi nito, alam niyang nagpapasalamat ito sa kanya.

Kung kasama sa sakripisyo niya ang pakisamahan si Slade Villacorta para lang mapalaya ang tatay niya ay gagawin niya.

TULALA pa rin si Slade habang bumibiyahe sila sa van. Di ito maiwasang lingunin ni Josef. Nakamaang na sa kanila ang cameraman at ang isang bading na staff dahil kanina pa sila di nagkikibuan.

“Gusto mo ng tubig?” tanong niya at inabutan ito ng bote ng mineral water. “Ano bang inaasahan mo na susunduin?”

“Taong grasa,” sabi nito habang tuwid pa rin ang tingin. “Iyong mga gumagala sa kalsada na nanlilimos at nagkakalkal ng basura.”

Tumawa siya ng malakas. Weird. Parang mas masaya pa yata itong akitin ang taong grasa kaysa sa kanya. “Taong grasa naman ako.”

Kumunot ang noo nito. “Hindi. Dapat sinabi nila sa akin amasonang taong grasa ang susunduin ko.”

Ngumisi siya. “Bakit? Natatakot ka sa akin?”

Iniwas nito ang tingin. Mukhang wala na sa bokabularyo nito ang i-charm siya. Kung kanina ay inis na inis siya dito, ngayon ay gusto naman niya itong asarin. Paano nito ipapakita sa mundo ang charm nito? Magmumukha lang itong tanga.

“Isn’t this interesting? Mukhang dati pa kayo magkakilala,” sabi ng PA na si Babeth at tinanguan ang cameraman na nagsimulang kumuha ng video.

Dumilim ang mukha nito. “Binutas niya ang gulong ng kotse ng pinsan ko. Tapos pinagbabayad nila ng ten thousand.” Tiningnan nito si Babeth. “Hindi ba ninyo inalam kung miyembro ng sindikato ang babaeng ‘to?”

“Hoy! Pwede kitang idemanda sa mga sinasabi mo. Libelous ‘yan. Ang sabihin mo wala ka kasing alam sa kotse.” Umikot ang mga mata niya. “Huwag mo ngang ipasa sa akin ang kahinaan mo. Mura pa nga ang singil ko.”

Namutla ito subalit tumalim ang mata pagkuwan. “Put that off the record.”

“Ino-note ko ‘yan, Papa Slade,” sabi ni Babeth at inilista agad.

Masisira nga naman ang reputasyon nito on national TV lalo na’t wala namang katotohanan ang mga sinasabi nito sa kanya. Si Tikboy lang ang may pakana. Wala siyang kinalaman doon. At dahil smitten si Babeth dito, susundin nito ang anumang sabihin ni Slade dito.

“Isa lang talagang ilusyon ang mga Stallion Boys. Talaga bang tinanggap ka sa Stallion Island? Wala ka namang tamang quality para sa isang Prince Charming,” nakahalukipkip niyang sabi.

Yumuko ito habang sapo ang ulo. “Babeth, hatakin na lang natin ang pinakaunang taong-grasa na makikita natin sa labas ng kalye. Baka mas may pag-asa pa akong matulungan ‘yong manalo kaysa sa amasonang nakuha ninyo.”

“Excuse me lang, no? Ako ang contestant dito,” maangas niyang sabi at binalingan si Babeth. “At kaya kong manalo sa makeover challenge na ‘to. Pwede bang palitan ninyo ang Prince Charming ko? Wala akong pangarap na maaabot sa lalaking ‘to. Mukhang lalampa-lampa. Saka di naman ganoon kaguwapo. Sus! Nakita ko ibang Stallion Boys. Mas guwapo sila.”

Hinaklit nito ang braso niya. “Are you telling me that I am not good looking enough?”

“Ay! Hindi ka ba nakaintindi ng Tagalog? Sabi ko may mas guwapo pang Stallion Boys sa iyo. Kaya ikaw ang pinakapangit sa kanila!”

Sa wakas ay nasaling niya ang pride nito. Ang totoo ay wala namang itulak-kabigin sa kaguwapuhan ng mga Stallion Boys. Siyempre kasama na si Slade sa mga iyon. Pero di naman ang panlabas nitong anyo ang tinutukoy niya kundi ang ugali nito. Hindi ito deserving na pagkaguluhan ng mga babae. Balahura kasi ito.

Pinisil nito ang baba niya. “Naku! Bumenta na sa akin ang mga babaeng nagsusuplada at nagsusungit. Ang totoo naman patay na patay ka sa akin.”

“Mas may taste naman ako kaysa sa mga babae mo.”

Malas ng mga babaeng nadadala sa panlabas na anyo. Dahil kung ugali ang pag-uusapan, hindi si Slade Villacorta ang perfect Prince Charming. Isa itong palaka.

Sa huli ay ngumiti si Slade habang nakahalukipkip at sumandal sa upuan nito. “I swear. Bago matapos ang contest na ‘to, in love ka na sa akin.”

“Pustahan tayo. Hindi ako mai-in love sa iyo.”

“DIYOS ko! Mamamatay na ako sa kilig! Baka himatayin ako kapag isinayaw na ako ni Conrad,” sabi ng probinsiyanang si Teresa habang pinapanood ang pagsasayaw ng contestant na si Marmy na mukhang istriktang matandang dalagang principal at ng supermodel Prince Charming nitong si Cody.

Nasa superyatch sila na pag-aari ng village lord na si Gianfranco kung saan ginaganap ang opening party ng Stallion Shampoo Makeover Challenge. Mukhang isang fairy tale ang lahat. Kumpleto ng Prince Charming para sa bawat kalahok ang maliban sa mukha silang si Cinderella na di pa natatagpuan ng fairy godmother.

“Ako tiyak na matutunaw ang lahat ng baby fats ko,” sabi naman ng medyo chubby na college student na si Carmilette na di mapigilang sumubo ng chocolate cake habang nanonood. “Ang guwapo kasi ni Trick.”

Inabutan niya ng tissue si Carmilette. “Punasan mo laway mo. Tumutulo.”

Bigla itong na-conscious at pinunasan naman ang gilid ng labi. “Pasensiya na. Literally, makatulo-laway naman talaga ang mga Stallion Boys.” Si Trent naman ang ka-partner nito.

Nilingon niya si Trining na nagtatatalon sa likuran nila. “Anong ginagawa mo diyan?”

“Nagba-ballet. Para sosyalen. Gusto kong ma-impress si Fafa Maksim. Sabi niya sa akin mahilig daw siya sa ballet. Mamahalin niya ako dahil dito”

Walang ibang term si Trining kundi ang pagiging sosyal. May suot pa itong gown na puro balahibo tulad ng ginagamit ng kapatid niya sa gay pageant. Sinundo ito sa bahay nang ganoon ang itsura. Di pa ito nasiyahan sa gown nito at santambak pa ang burloloy nito sa katawan. Mukha itong Christmas tree. Ito rin ang pinakamaingay sa grupo nila. Mukhang pinaghandaan din nito ang kompetisyon na iyon.

Sumakit ang tainga niya nang magtilian ang mga kasama niya. tapos na kasi ang pagsasayaw nina Cody at Marmy. Palapit na ang guwapong si Trent para isayaw si Teresa. Parang noon lang nakakita ng guwapong lalaki.

Hindi niya alam kung bakit nasali-sali siya sa contest na iyon. Mukha namang lahat ng mga kababaihan doon ay addict sa Stallion Boys. At ang inspirasyon ng mga ito ay gumanda para pansinin ng mga Stallion Boys. Iyon naman yata ang konsepto ng kompetisyon na iyon. Ang gumanda ang mga contestant para pansinin ng mga kalalakihan. Paano siya mananalo ngayon?

Dala pa rin niya ang alalahaning iyon habang mukhang gansang naglililipad sa paligid ni Maksim si Trining. Pinagtatawanan ito ng crew ng show at ng mga kasamahan niya pero di niya magawang makisali sa mga ito. May mas matindi pa siyang alalahanin kaysa pagtuunan iyon ng pansin.

Sumasal ang kaba sa dibdib nang sumulpot si Slade. Malamlam at parang nang-aakit ang mga mata nito habang palapit sa kanya.

Taas-noo niyang sinalubong ang mga mata nito subalit isa iyong malaking pagkakamali. Parang matutunaw kasi ang buto niya sa titig nito. Hindi lang naman ito ang guwapong lalaki sa mundo. Hindi rin siya katulad ng ibang kababaihan na hihimatayin sa isang titig lang nito. Pero bakit siya kinakabahan at nanlalambot.

Uminom muna siya ng tubig. Kinakabahan lang siguro siya dahil hindi siya marunong sumayaw at baka pumalpak siya. O baka may nakain lang siyang di maganda kaya nanlalamig siya. Di iyon dahil kay Slade Villacorta.

“Josefa?” anito at inilahad ang palad sa kanya. Mukha talaga itong Prince Charming. At mukha naman siyang manlilinlang. Hindi siya isang prinsesa.

“Josef,” pagtutuwid niya. Hindi niya magawang tanggapin ang nakalahad nitong palad. Pakiramdam niya ay magiging disaster ang susunod na mangyayari. “Ano… Pwede bang mag-CR muna?”

“What? Tayo na ang susunod na sasayaw,” anito at hinila ang kamay niya. Nahigit niya ang hininga nang bumangga ang katawan niya sa matipunong katawan nito. “Huwag kang matakot. I will take care of you.”

Gusto niyang pagtawanan ito. Hindi ito o kahit sinong lalaki ang mag-aalaga sa kanya. Kaya niyang alagaan ang sarili niya. Pero sa panlalambot ng katawan niya ngayon at wala siyang nagawa kundi maging sunud-sunuran lang dito, paano pa niya maaalagaan ang sarili niya.

Okay lang ‘yan. Sayaw lang ‘to. Matatapos din.

Kasama iyon sa kailangan niyang pagdaanan sa contest na iyon. Kung gusto niyang manalo, kailangan niyang tiisin ang pakikipagsayaw dito. Hindi na lang siya hihinga para di niya masyadong maamoy ang mabangong cologne nito at hindi siya titingin dito para walang problema.

“Relax,” anito at pinisil ang baba niya. “This is just a dance. All you have to do is sway your body.”

“Huwag kang magulo. Nagko-concentrate ako sa pagsasayaw,” saway niya dito at nanatiling nakaiwas ng tingin dito. Bakit mabagal ang tugtog? Bakit kailangan pang love song? Pwede bang pang-party na lang para makalayo siya dito?

Pumalatak ito at marahang hinaplos ang pisngi niya. Gumapang ang kakaibang init sa katawan niya lalo na’t di na niya napigilan ang sarili na tingnan ito. “No. Sa palagay ko pinaglalabanan mo lang na ma-in love sa akin kaya ka iwas ng iwas. Ano? In love ka na sa akin, no?”

Maasim siyang ngumiti. Tuluyan nang naglaho ang ulap ng ilusyon nang tangayin siya ng kayabangan ni Slade. “In love? Kapag siguro nalasing ako baka ma-in love ako sa iyo. Pero kailangan tiyakin mo munang mauuna akong malasing sa iyo bago mangyari iyon.”

Lumapad ang ngiti sa labi nito. “Iyon lang? Kapag nauna kang nalasing, ipagsisigawan mo sa mundo na mahal mo ako?” Humalakhak ito. “Ikaw siguro ang tao na nalalasing muna bago masabi ng nararamdaman.”

“Kung kaya mo akong lasingin.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.