Stallion Island Series Chapter 146

Umani ng palakpakan si Josef nang maitumba niya ang pangwalong shot ng Jack Daniels. Ngumisi siya nang makitang nakahilata sa couch ang kalaban niyang si Slade. Sa pang-anim na baso pa lang ay pumungay na ang mga mata nito. Di na nito naubos ang pangwalong shot nito at tuluyan nang nakatulog.

“Lupit! Napatumba agad niya si Slade?” anang si Cody at napakurap.

Inilahad ni Conrad ang palad sa mga kasama. “Paano ba iyan? Talo kayo sa pustahan natin. Na-sense ko nang may itinatagong sekreto ‘tong si Josefa kundi hindi naman siya kakagat sa hamon nitong si Slade.”

Napilitang maglabas ng one thousand si Cody. Inambaan naman ng suntok ng nakasimangot na si Maksim ang nahihimbing na si Slade. “You owe me one grand, Slade. Hinding-hindi na ako pupusta sa iyo.”

Kahit siya ay dismayado kay Slade. Sabi na nga ba niya’t puro yabang lang ito pagdating sa inuman. Hindi nito alam na siya ang malupit sa inuman sa baranggay nila. Sekreto niya ang pagkain ng ice cream kanina bago pa ang party para di siya tamaan ng alkohol. Minsan ay umiinom siya ng gatas. Pero dahil ang mga lalaki na nagsasabing siga ang mga ito pagdating sa inuman ay hinding-hindi iinom ng gatas kaya madali lang tumumba ang mga ito.

“Gusto mo ba ng kape?” alok ni Trick sa kanya. Ito lang ang hindi sumali sa pustahan ng mga kaibigan.

Umiling siya. “Salamat na lang. ‘Yung kaibigan na lang ninyo ang dalhin ninyo sa kuwarto niya. Hindi na siya makabangon.” Sana talaga ay mai-video ang mga pangyayari para maibulgar sa buong bayan ang kayabangan nito.

Pumalatak si Trick. “Ano bang nangyari kay Slade? Di naman siya ganyan kabilis malasing dati,” sabi nito at inangat si Slade sa couch.

Tinulungan ito nina Maksim at Conrad habang in-entertain naman ni Cody ang ibang mga contestant na ine-enjoy ang bumabahang alak sa party. Babalik na sana siya sa ibang contestant pero dinikitan siya ng PA na si Babeth. “Saan ka pupunta? Ikaw dapat ang mag-asikaso kay Fafa Slade.”

“Bakit kailangang ako?”

“Dahil kasalanan mo kung bakit siya nalasing,” nakakunot ang noo nitong sabi. “Hinamon-hamon mo siya. Kawawa naman si Fafa Slade.”

“Di ko kasalanan kung mahina siya.”

“Hindi siya mahina!” protesta nito at itinulak siya. “Sundan mo na siya at asikasuhin mo kung gusto mong manalo sa contest na ito. Saka chance mo na ito.” May himig ng kilig sa boses nito. “Samantalahin mo habang lasing siya.”

Napilitan siyang sumunod kahit na mas gusto niyang hayaan na lang si Slade sa miserableng kalagayan nito. Pero kailangan niyang manalo. Kung magkukunwari siyang nag-aalala sa talunang tulad nito, gaganda nga naman ang imahe niya. Bahala na! Ang importante ay manalo siya sa kompetisyong iyon.

“Ako na ang mag-aasikaso sa kanya,” sabi niya kina Maksim at Conrad na nagbaba kay Slade sa kama.

“Magpapadala na lang kami ng soup o ng kape,” sabi naman ni Trick. “Pasensiya ka na sa kaibigan namin.”

Nagkibit-balikat siya. “Hindi. Okay lang.”

Naiwan siya sa maganda at elegante ang cabin ni Slade. Hindi siya komportable na masolo ang isang lalaki sa kuwarto nito pero lasing naman si Slade at walang malay. Di siya nito kayang kantiin.

Tinanggal niya ang sapatos nito. Kumuha siya ng mainit na tubig at pinunasan ang mukha nito. Umungol ito subalit nananatili pa ring nahihimbing. Guwapo talaga ang ungas. Hindi kataka-takang maraming babae at feeling babae na nababaliw dito. Pantay-pantay ang kayumanggi nitong balat na nagmistulang ginto nang tamaan ng ilaw mula sa native lamp. Matangos ang ilong nito at may kahabaan pa ang pilik-mata. Maiinggit tiyak ang kapatid niya sa pilik-mata nito. At ang labi nito ay nangangako ng sanlibong matamis na halik.

Inalis niya ang tingin sa mukha nito. Nakakadiri naman ang iniisip niya. Contaminated na ang labi nito sa dami ng babaeng nahalikan nito at di siya interesado. Binuksan niya ang butones ng polo nito at tumambad sa kanya ang matipuno nitong katawan. Kundi man ito mahilig mag-workout, tiyak na hilig naman nito ang mga outdoor activities. Saka niya naalalang lahat ng mga miyembro ng Stallion Island ay hilig sumakay ng kabayo. Isa siguro iyon sa dahilan kung bakit makisig ang katawan nito bukod pa sa kailangan iyon sa pagiging piloto.

Nang maglakbay ang bimpo sa dibdib nito ay nagsimula siyang pawisan ng malapot. Nagtaka siya siya dahil malamig naman ang simoy ng hangin sa labas. Napalunok siya nang pababa ng pababa ang bimpo. Saka niya napansin na nanginginig ang kamay niya at pinipigil niya ang paghinga.

Hanggang humantong iyon sa pantalon nito. Nakatitig lang siya sa pantalon nito. Pati ba iyon ay kailangan niyang tanggalin? Naghahati ang kalooban niya at pikit-mata na kinalas ang sinturon nito.

Siga man siya sa baranggay nila pero di pa niya nagagawang hubaran ang isang lalaki. Lalo na ang isang lalaking katulad ni Slade Villacorta. Nagdadalawang-isip siya kung bubuksan niya ang zipper o hahayaan na lang ito sa itsura nito. Pero may pilyang boses na bumubulong sa isipan niya. Hindi ba siya naku-curious kung ano ang itsura nito kapag walang damit?

Ngumisi siya. Matapos ang gabing iyon, wala itong maipagmamalaki sa kanya. Tiyak niyang di naman ito kahanga-hanga sa lower department. Di naman nito malalaman ang ginawa niya. Pero parang nanalo na rin siya kapag lihim niya itong mapagtatawanan tuwing maiisip na wala naman itong maipagmamalaki. At tiyak niyang hindi na siya nito maaakit pa.

Wala na ang kaba niya nang hawakan ang zipper nito. Akmang ibababa niya iyon nang may marinig siyang boses. “Sabi na nga ba’t may pagnanasa ka sa akin.”

Naestatwa siya at marahang inangat ang tingin kay Slade. Akala niya noong una ay lasing lang ito. Subalit dilat ang mga mata nito. At may nanunuksong ngiti sa mga mata habang nakatitig sa kanya.

“G-Gising ka?” tanong niya.

“Siyempre naman,” wika nito at humalukipkip.

Pinagmasdan niya itong mabuti. Hindi malamlam ang mga mata nito. At lalong hindi bulol-bulol ang dila nito. Lumayo siya sa kama. “Hindi ka lasing?”

“Oo naman.” Humalakhak ito na parang nang-iinis at saka hinila ang kamay niya. Nawalan siya ng balanse at napadapa sa katawan nito. Hindi siya makagalaw nang haplusin nito ang buhok niya at amuyin. “You smell good. Sabi na nga ba’t hindi mo ako pababayaan kapag may nangyaring di maganda sa akin. At kahit sungitan mo pa ako, lalabas din kung ano ang tunay na laman ng puso mo.” Hinaplos ng daliri nito ang labi niya. “You desire me!”

Animo’y gumapang ang kuryente sa katawan niya sa simpleng dampi ng daliri nito sa labi niya. Umuugong ang tainga niya. Nararamdaman niyang nabubulabog ang electrons at protons sa katawan niya habang magkadikit ang katawan nila at nakatitig ito sa kanya na parang kakainin siya nito ng buo.

Ano bang nangyayari sa kanya? She should push him away. Patunayang di siya interesado dito. Pero parang may ibang katauhang nakasapi sa katawan niya. Mas gusto niyang singhutin ang eksklusibong men’s cologne nito. Ang maramdaman ang init ng katawan nito. Ang titigan ang labi nito habang palapit sa kanya upang halikan siya.

Halik? Hahalikan siya ni Slade. Tapos halikan, aasahan nitong hihilata na lang siya at magpapaangkin dito katulad ng ibang babae. Hindi siya ganoong klaseng babae. At hinding-hindi niya ibibigay ang sarili sa isang babaerong tulad nito para pagtawanan at itapon lang siya kapag nakuha ang gusto niya.

“Ungas ka!” sigaw niya at inangat ang sarili. Saka awtomatikong inumpog ang ulo nito ng ubod lakas.

Napahiyaw ito sa sakit at sinapo ang noo. “Aw shit!”

Sinamantala niya ang pagkakataon para bawiin ang katinuan niya at bumangon. “Bagay lang sa iyo ‘yan. Subukan mong gaguhin ulit ako. Sasapakin talaga kita!”

Hindi niya ito mapapatawad sa panloloko sa kanya at lalong di niya ito mapapatawad sa pang-aaakit sa kanya at palalabasin na uto-uto siyang babae.

Nagpupuyos siyang lumabas sa kuwarto nito at muntik nang sumubsob si Babeth na kasunod ang cameraman nito. Nag-uusyoso ang mga ito sa kanya. “Eeee!” tili ni Babeth. “Anong nangyari?”

“Interview-hin mo ang ungas na lalaking ‘yan,” sabi niya at itinuro si Slade na sapo pa rin ang nasaktang noo. “Ikuha ninyo ng yelo para sa bukol niya.” Baka kung siya ang magdadala ng yelo ay para ihampas na niya sa mukha nito.

Ngumisi siya dahil sa tagumpay niya. Mabuti na lang at di siya nahalikan ni Slade. Siguro naman ngayon ay malinaw na di siya nito maaakit. At sa kalokohan nito, malabong ma-in love siya dito.

MAGANDA ang umagang iyon para kay Josef. Sa wakas ay nakatapak na siya sa Stallion Island. Nakadaong na ang yate nila sa isla. Sa pagtataka niya ay ang apat na Prince Charmings lang ang nasa deck ng barko na naabutan niya. Dapat ay may courtesy call sila kasama ang pitong village lords ng Stallion Island sa umagang iyon.

“Nasaan sila?” tanong niya.

“Si Slade ba ang hinahanap mo?” tanong ni Cody na magandang-maganda ang ngiti. “Parating na ang Prince Charming mo. Itu-tour ka daw niya sa isla.”

“Hindi siya. Iyong ibang contestant,” sabi niya. Pasado alas siyete na pero wala pa rin ang mga ito. Nagpapaganda pa ba ang mga ito?

Nagkatinginan ang mga lalaki. “Medyo maaga ka palang nakatulog. Medyo kailangan pa nila ng mas mahabang pahinga.”

Subalit sa itsura ng mga ito ay mukhang may nangyaring kakaiba. Malalaman din naman niya kung ano ang nangyari mamaya. Pinili kasi niyang itulog na lang ang inis nang nakaraang gabi kay Slade kaysa maki-party sa mga kasama. Sinulit na rin niya ang pagkakataong makatulog nang mahimbing. Malambot ang kama niya at dahil nasa yate ay parang idinuduyan siya. Isa pa ay masarap sa pakiramdam na naturuan niya ng leksiyon ang buhong na si Slade.

“Good morning!” bati ni Slade sa lahat.

Nang lingunin niya ito ay napansin niya ang maliit na gasa sa noo nito. Lihim siyang ngumiti dahil mukhang masama ang gising nito.

“O! Anong nangyari sa iyo?” tanong ni Conrad.

Pumalatak ito at ikinatang ang kamay sa likod ng rattan chair ni Trick. “Nanaginip ako na may amasona na gusto akong pagsamantalahan. Sinubukan kong manlaban kaya nalaglag tuloy ako. Humampas ang noo ko sa gilid ng bedside table.”

Humalakhak sina Cody at Maksim. Umismid naman siya. Ang galing talaga nitong magpalusot. Sabagay nakakahiya nga naman kung malalaman ng mga ito na inumpog niya ang ulo nito kaya nabukulan. Dapat pala ay pinakunan din niya sa mga cameraman ang pangyayari para kahihiyan ang abutin nito sa buong bansa.

“Di naman yata ako naniniwalang tatakasan mo ang babaeng gusto kang pagsamantalahan,” sabi ni Cody.

“Panaginip nga lang talaga iyan. Kailan mo naman tinanggihan ang babae?” tanong ni Maksim at uminom ng orange juice. “Kahit nga posteng lagyan ng palda papatulan mo.”

“Kahit nga posteng walang palda papatulan niyan,” bulong niya habang hinahalo ang kapeng idinulot sa kanya.

Tumikhim si Trick. “Guys, may kasama tayong babae.”

Nawala ang kapilyuhan sa ngiti ng tatlo pang lalaki habang bigla namang ngumiti si Slade at ibinuka pa ang mga kamay. “Ah! Josefa, my dear. Gusto yata kitang bigyan ng good morning kiss.”

“Baka gusto mong pantayin natin ang bukol mo?” tanong niya.

Lalong umugong ang tawanan nang umurong si Slade. Kahit si Trick ay di mapigilang ngumiti. “Mukhang kilala ko na kung sino ang amasona sa panaginip ko.”

Lumapit sa kanila ang PA na si Babeth. “Kayo na muna ang mag-breakfast. Hindi pa kasi kaya ng ibang girls. Nasobrahan sila ng wine kagabi. Kaya maiiba ang itinerary natin. Cancel muna ang courtesy calls sa village lords at ang tour sa isla. Maliban sa iyo.” Saka itinuro siya ng ballpen. “Ipapasyal ka pa rin sa Stallion Island ng iyong Prince Charming. Pwede ba, Fafa Slade?”

“Sure! Ako ang bahala kay Josefa, my dear,” sabi ni Slade at kinindatan siya.

Umasim ang mukha niya. Pambihira! Pagtitiisan niya ang presensiya ni Slade sa buong maghapon?

Binulungan siya ni Babeth nang pabalik na siya sa kuwarto niya upang magbihis. Malapit na silang dumaong sa Stallion Island. “Samantalahin mo na. After five days pa ulit kayo magkakasama ni Fafa Slade para sa princess trial.”

Princess trial. Doon nila ipapakita ang lahat ng mga natutunan nila sa buong linggo. At makakasama nila sa princess trial ang mga Prince Charming nila. Magbibigay din ng scores ang mga ito. Kasama din daw doon ang mga village lords. May special cash prize sa bawat princess trial na maipapasa niya.

Tulog pa rin ang mga kasama niya dahil sa kalasingan nang silipin niya sa cabin ng mga ito. Pinauna na siyang bumaba ng yate at susunod na lang daw ang ibang mga kasama niya kapag nahulasan na.

Nakakunot ang noo ni Slade na naghihintay sa kanya sa deck ng barko. “Ano ‘yang suot mo?”

Niyuko niya ang sarili. Nakapantalon siya at plain white t-shirt na may kaluwagan sa kanya. Naka-rubber shoes din siya. “Anong problema sa suot ko?” Ganoon naman lagi ang isinusuot niya kapag lumalabas ng bahay.

“Hindi ka man lang nagpaganda para sa akin.”

Bakit naman kailangan niyang magpaganda para dito? Boyfriend ba niya ito? “Hindi pa itinuturo sa amin,” sabi niya.

“O sige. Kahit man lang sana nagpalda ka or sexy shorts?” anito habang nakasunod sa kanya pababa ng rampa ng yate.

Parang gusto siya nitong kaladkarin pabalik sa kuwarto niya at bihisan. Ayaw siguro nitong makita ng ibang tao na may kasamang babaeng kasing-simple niya.

“Wala akong palda o sexy na shorts.”

“Ibibili kita! You are a woman. You have to wear something feminine. Iyon namang mga kasama mo kahit paano nagpapalda.”

“Hindi ako sila,” mariin niyang sabi at tumigil sa paglalakad. “Huwag mo nga akong itulad sa ibang babae mo. Hindi ko babaguhin ang sarili ko para sa iyo o sa kahit sinong lalaki. Kung magbabago man ako, problema na iyon ng mga instructor namin sa contest kung paano kami magmumukhang tao. Dahil hindi naman ako sumali dito para magustuhan ng kahit sinong lalaki.”

Kumunot ang noo nito at mataman siyang pinagmasdan. “Kundi ka nandito para magpaganda sa Stallion Boys o sa kahit sinong lalaki, bakit ka nandito?”

Nagkibit-balikat siya. Wala siyang oras para mag-Maalaala Mo Kaya sa harapan nito. “Hindi mo na problema iyon. Ang mahalaga lang naman maipanalo ko ‘tong contest na ito.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.