Stallion Island Series Chapter 154

“Kung ipapatapon ninyo ako sa islang ‘to at matatanggal ako sa competition na ito, okay lang sa akin. Pero walang pwedeng umagrabiyado sa mga kaibigan ko. Okay lang kung ano ang dinuro-duro niya. Kaso mga kaibigan ko nilait niya,” matigas na sabi ni Josef habang kaharap ang tatlo sa village lords sa village council room. Naroon ang tatlo sa village lords, ang head ng security na si Oliver, si Arik na executive ng Stallion Shampoo at ang kapatid ni Merian na si Audric.

Ramdam na ramdam pa rin niya ang galit sa dibdib niya. Kung anu-anong kasinungalingan na kasi ang sinabi ni Merian. Mabuti na lang at may monitor camera sa Fusion Café kaya nakita ang totoong nangyari. Subalit di niya alam kung ano ang magiging tingin sa kanya ng mga tao. Nasa alanganin ang estado niya sa contest. Pero saka na niya iyon iisipin. Ang importante ay tama ang ginawa niya.

“I apologize for what my sister did,” sabi ni Audric. “Merian is really a difficult one.” Tumayo ito at inikot ang paningin sa ibang nakaupo sa malaking conference table sa gitna ng council room. “Everyone, I am really sorry. Maiintindihan ko kung masu-suspend muna ang kapatid ko dito sa isla… again.”

Nagulat siya. Hindi galit sa kanya ang kapatid ni Merian? Hindi siya ang paaalisin sa isla?

“Miss Josef, sana huwag nang lumabas pa sa TV ang gulong ito. Aric,” anitong may himig ng pakiusap sa executive nila.

“As long as Merian will keep her mouth shut. Kung maglalabas siya ng statement laban kay Josef, ilalabas din namin ang video niya. Kailangan din naming depensahan ang mga contestant namin. They represent our company after all. Kailangan din naming ingatan ang pangalan nila.”

Nang sa wakas ay payagan na siyang bumalik sa guesthouse nang di napapagalitan ay nakahinga siya ng maluwag. Wala naman talaga siyang kasalanan.

Na-drain ang energy niya sa mahabang diskusyong iyon. Gusto na lang niyang magpahinga at matulog. Pagdating ng Island Guesthouse ay naghihintay na sa kanya si Slade. “Pwede bang makausap si Josef, Arik?” tanong agad nito.

“Sure. But she needs rest. She went through a lot today.”

Matiim pa rin ang anyo nito nang papasukin niya ito sa suite niya. Mabuti na lang at nagpapahinga na rin ang mga cameraman at mga staff. Ayaw niyang masama pa ito sa anumang pag-uusapan nila ni Slade. Tiyak na matutuwa ito kapag nalamang inabswelto siya ng mga village lords at ipinagtanggol lang niya ang mga kaibigan niya. Magiging proud ito sa kanya.

“Bakit mo ginawa iyon?” mariin nitong tanong. “Muntik mo nang saktan si Merian kanina. Sasapakin mo daw siya.”

“Muntik nga. Sayang di ko man lang nabangasan. Inapi kasi niya ang mga kasama ko. Akala mo kung sino siya. Perpekto ba siya para api-apihin lang kami ng mga kaibigan ko?” angal niya. Siguro naman ay madadala si Merian na awayin pa silang magkakaibigan. Di na talaga niya ito uurungan.

Hinilot nito ang sariling batok. “Bakit kailangan mo pa siyang patulan? Sana iniwasan mo na lang.”

“Iwasan? Dinuduro na niya ang mga kaibigan ko.” Huminga siya ng malalim. Bumabangon na naman ang inis niya kay Merian. “Hindi ko palalagpasin ang kahit sino na aapi sa mga kaibigan ko. Kahit aso di masusukmura mga sinabi niya sa amin. Umiiyak na mga kasama ko. Tatahimik lang ba ako? Saka bakit parang kinakampihan mo pa yata ang babaeng iyon? siya na nga itong mali.”

“Hindi ko kinakampihan si Merian. Di ko lang gusto ang ginawa mo. Baka nakakalimutan mo na hindi na ikaw ang siga na katulad ng dati. Personalidad ka na sa TV. Imine-make over ka na. Dapat may nagbago na sa iyo. Hindi pwedeng maangas ka pa rin na parang tambay sa kanto. At lahat aawayin mo.”

Tuluyan nang nasira ang ilusyon niya. wala na ang inaasahan niyang pagtanggap sa kanya ni Slade. Na yayakapin siya nito at sasabihin nitong tama lang ang ginawa niya. Na sinusuportahan siya nito. Mali siya. Mabuti pa nga ang kapatid ni Merian, naintindihan ang ginawa niya. Samantalang ito hindi man lang naisip kung bakit niya ginawa iyon. Kung para saan. Mas mahalaga ba dito ang image niya? O ayaw nitong mapulaan ng ibang tao dahil sa pagiging malapit nila sa isa’t isa.

“Slade, ganito ako. Walang kahit anong etiquette at manners lesson na pwedeng magbago sa akin. Walang pwedeng umapi sa mga taong malapit sa akin. Kaibigan ko sila. Dinuro-duro at ipinahiya sila sa harap ng mga tao. Anong gagawin ko? Tatahimik lang ba ako sa isang tabi? Kahit para sa iyo gagawin ko iyon kasi importante ka sa akin. Dahil kundi ko maipagtanggol ang mga taong mahalaga sa akin, hindi ko naman mapapatawad ang sarili ko.”

Tumango lang ito. “Matulog ka na.” At mabigat ang paa nito nang lumabas ng kuwarto. Hindi niya alam kung ano ang nasa isip nito. Hindi niya alam kung natuwa ito o lalo lang itong nagalit sa kanya.

Ibig bang sabihin ay hindi siya magugustuhan ni Slade bilang siya? Mas magiging masaya ba ito kung babaguhin niya ang sarili niya. Kung mamahalin siya ni Slade kapag binago niya ang sarili niya, kaya pa ba niyang mahalin ang sarili niya?

PALAKAD-LAKAD si Josef sa dressing room habang hinihintay na matapos ang performance ni Trining na sumayaw ng hula. Nanlalamig na ang sikmura niya dahil sa belly dance costume niya. Sa kanya pa napunta ang pinakamahirap na sayaw dahil na rin sa costume niya. Di yata niya kayang magmukhang ibebentang babaeng alipin nang labas ang tiyan niya.

“Kinakabahan ka?” tanong ng dance guru nila na si Kaetria.

“Ma’am, hindi naman po kasi maiiwasan.” Iba ang nakakulong sila sa loob ng dance studio at iba ang magpe-perform siya sa harap ng maraming tao. Buong Pilipinas ang makakanood sa kanya. “Hindi talaga ako dancer.”

“You have the best chance of winning. This is a test of seduction. How can you seduce a man with your body language.” Pinapungay nito ang mata. “A simple bat of eyelash.” Ipiniling nito ang ulo dahilan para sumunod ang buhok nito. “You can also flirt with your hair. You are a natural flirt. Di mo lang alam.”

“Ako?” Kinamot niya ang ulo ngunit nahadlangan iyon ng mga brilyantitos sa headdress niya. “Siga kaya ako.”

Inayos ulit nito ang headdress niya. “No. You are a natural seductress, Josef. It is inside you. Huwag mong isipin na di mo kaya. Pumikit ka. Pakinggan mo ang tugtog. At kung gusto mong itaas ang level mo, pwede mong subukan ang mga tips ko para akitin mo ang lalaking gusto mo para sa sayaw na ito.” Niyakap siya nito nang tawagin siya sumilip ang PA para sabihing maghanda na siya. “It’s just you and the music now. I know you can pull this off.”

Nakahinga siya nang maluwag nang pagdating niya sa stage ay dim ang ilaw. Tumalikod siya sa mga judge at umupo sa gitna ng stage. Nang marinig niya ang tunog ng nāy o isang end-nose reed flute ay dahan-dahan siyang tumayo habang iginagalaw ang kamay na parang ahas. Nang bumagsak ang tunog ng tambol ay humarap siya sa manonood at naging mabilis at mapanukso na ang tugtog.

Parang pumasok na lang sa dugo niya ang musika at gumalaw siya ayon sa dikta ng tugtog. Ang mga steps na ikinahihiya niya dati dahil parang masyadong nang-aakit ay awtomatikong ginagawa na ng katawan niya.

Umangat ang gilid ng labi niya nang mahagip ng mata si Slade. Ibinaba niya ang mga mata habang may misteryosang ngiti sa labi. Gusto niyang tingnan ito habang nagsasayaw siya. Para alam niyang para dito ang sayaw niya. Ang bawat imbay ng balakang niya, ang pag-ikot ng baywang pati ang simpleng paggalaw ng balikat niya ay parang inaalay lang niya dito.

Hindi na niya kilala ang sarili niya nang mga oras na iyon pero nilukuban na siya ng musika at ng presensiya ni Slade. Matiim ang titig nito sa kanya at parang di na ito kumukurap. Iyon siguro ang gustong reaksiyon ng kahit sinong babae. Ang di ito hiwalayan ng tingin ng lalaking gusto nito.

Kung anuman ang pinag-awayan nila ni Slade, tiyak niyang nakabawi na siya sa sayaw na ito. Maglalaho ang galit nito sa kanya.

Siya pa ang nagulat nang magpalakpakan ang mga judges. Tapos na ang tugtog. Tapos na rin ang sayaw niya. Pero para sa kanila ni Slade ay parang hindi pa tapos ang sayaw. Nararamdaman niya iyon sa dugo niya. Sa bawat paghinga niya. The dance of seduction had just started.

“Whew! Umiinit ang loob ng villa ni Lord Rouen,” sabi ng host na si Feliztine at ipinaypay pa ang cue card sa sarili. “That’s one hot number. Mekaniko lang ba talaga ang trabaho mo? Baka naman nagbe-belly dance ka sa gabi.”

“Hindi ko alam kung paano ko nasayaw iyon,” wika niya at huminga ng malalim. “Siguro magaling lang talaga ang instructor namin.”

“Tanungin natin si Lord Ryuhei kung ano ang masasabi niya,” sabi ni Feliztine.

“We enjoyed the number. Nakita kasi naming nag-enjoy ka sa pagsasayaw. At parang lumabas ang natural seduction mo. What else can I say? Bansai!” bati nito at itinaas ang dalawang kamay saka yumukod.

Maging ang ibang village lord at judges na mula sa pamunuan ng Stallion Shampoo ay perfect ang score na ibinigay sa kanya.

“Tanungin natin ang Prince Charming mo kung gusto niyang mag-belly dance ka para sa kanya habambuhay,” sabi ni Feliztine. “Prince Charming Slade.”

Pinagsalikop niya ang nanlalamig na mga kamay. Sasabihin ba nitong magandang-maganda siya habang nagsasayaw? Na naakit ito sa kanya? Hindi naman siya naghihintay ng proposal para maging girlfriend nito pero natitiyak niyang proud sa kanya si Slade. At may slot na siya sa puso nito.

“Hindi ko nagustuhan ang sayaw.”

Bumagsak ang puso niya nang marinig ang komento nito at tuluyang nawala ang ngiti sa labi niya. Lahat ay nagulat sa reaksiyon nito.

Nilingon ito ng katabing si Cody. “Hoy! Umayos ka nga ng sagot. Kita mong si Josef ang may pinaka-seductive na performance ngayong gabi.”

“Sa kanya ang pinaka-ayokong performance. Marunong ka pa sa akin.” Then he entered his score. “That’s final.” Tumayo ito sabay nag-walkout.

“Anong problema noon?” narinig niyang tanong ng village lord na si Rouen.

Di niya maitago ang lungkot kahit nang pilit siyang ngumiti nang kausapin ulit siya ni Feliztine. Hindi na niya matandaan ang mga sinabi niya. Gusto na lang niyang matapos ang gabing iyon para malaya siyang makaiyak.

Ayaw ba sa kanya ni Slade? Ganoon ba kapangit ang sayaw niya o ang itsura niya para sa halip na maakit ito sa kanya ay tanggihan siya nito? Kung ayaw pala nito ng sayaw niya, sana habang nagsasayaw pa lang siya ay pinatigil na siya nito. Para hindi na siya umasa. Para hindi maging sampal sa mukha niya ang masasakit na salitang sinabi nito.

At habang paulit-ulit na bumabaon ang isanlibong kutsilyo sa puso niya, natiyak niyang may isa siyang malaking pagkakamali. Mahal na niya si Slade Villacorta at nangyari na ang kinatatakutan niya. aalis siya sa islang iyon na lasug-lasog ang puso niya.

EXCITED si Josef nang bumaba sa lobby ng Island Guesthouse. Excited siyang makita ulit si Slade. Bilang winner ng princess trial nila, itu-tour siya ni Slade sa paligid ng Stallion Island sakay ng eroplano nito. Ito mismo ang magiging pilot niya. Wala silang kasamang crew at cameraman. Mas gusto nga niyang sila lang dalawa ni Slade para naman magmukhang normal ang date nila.

Tuluyan nang nawala ang sama ng loob niya dito nang malaman niya kung ano ang naging reward niya sa princess trial. Siguro sadyang di lang nito hilig ang belly dancing. Siguro ay babawi ito sa kanya sa araw na iyon. At titiyakin naman niyang mag-e-enjoy siya habang kasama ito.

Matapos magpaalam sa mga kasamahan niyang contestant na nagpapahinga nang silipin niya sa kuwarto ay tumuloy na siya sa lobby. Maaga siya ng fifteen minutes kay Slade. Hindi rin naman siya masyadong excited. First time kasi niyang sasakay ng eroplano at ito pa ang piloto niya.

Mukha siyang luka-luka, alam niya. Matapos siyang mapahiya sa harap ng maraming tao ay gusto pa rin niyang makita si Slade. Lintik na pag-ibig iyan. Ganoon pala iyon. Kung sa iba siguro nangyari ay baka mabatukan niya sa katangahan. Pero ganoon nga yata ang in love. Walang ibang laman ang isip kundi makasama ang lalaking mahal niya.

“O! nandito na pala ang bagong seductive goddess,” anang miyembro ng Stallion Island na si Zach. Lumapit ito sa kanya kasama ang iba pang members. Nakilala niya ang mga ito dahil ipinakilala ni Slade kapag lumalabas sila.

“Sana mag-artista ka. Marami akong plano para sa iyo,” sabi ng TV producer na si Quillian. “I love your personality. From Amazon to seductress. Perfect!”

“Naku! Hindi ko na uulitin ang sayaw na iyon,” protesta agad niya. “Saka wala rin po akong balak na mag-artista.”

“I hope you are okay now,” anang si Dare na assistant ng record label producer na si TJ. “Mabuti na lang perfect ang score na ibinigay sa iyo ng judges at nanalo ka pa rin. Mukhang tanga kasi si Slade kagabi. Mukha siyang guilty.”

“Anong mukhang guilty?”

“Katulad sa lumang Diatabs commercial. Masakit ang tiyan kaya bad mood. Tapos para makatakbo agad sa restroom basta na lang nagbigay ng score,” pakenkoy na sabi ni Dare. Umugong ang tawanan sa lobby. Kahit siya ay di mapigilang matawa dahil makulit ang pagkakakwento ni Dare.

“Tapos na ba kayong pagkatuwaan ako? Pwede ko na bang kunin ang date ko?” Sabay-sabay siyang lumingon sa pinanggalingan ng boses ni Slade. Matiim ang anyo nito habang nakatayo di kalayuan sa kanila. Di yata nito nagustuhan ang biro ni Dare dito.

“Nagkakatuwaan lang kami. Tagal mo kasing dumating. Naiinip na si Josef,” katwiran naman ni Darwayne.

“Magkatuwaan kayo but not on my expense.” Hinatak nito ang braso niya. “Halika na para maibalik kita agad dito.”

Tahimik siya hanggang makarating sa hangar kung saan naroon ang eroplano nito. Kung anu-ano kasing instructions ang ibinibigay nito sa kausap nito. Mukhang mainit ang problema nito dahil sa problema sa isang eroplano nito. Napaka-pormal din nito nang sumakay na sila sa Cessna plane nito. Simpleng seaplane lang iyon na para sa dalawang tao. Matapos makipag-usap sa control tower ay tumahimik na ito.

Kinalabit niya ito sa balikat. “Pwede na ba akong magsalita?”

“May sasabihin ka ba?” pormal nitong tanong. Parang ayaw nitong magsalita pa siya. Sira pa rin ang mood nito.

“Gusto ko lang magpasalamat kasi sumama ka pa rin ngayon. Mukha kasing busy ka. Mahirap talaga ang trabaho mo, no? Tapos kasama ka pa sa judge ng princess trial samantalang may flight ka pa.”

“Sinasabi mo ba na dahil pagod ako sa trabaho kaya masama ang mood ko at nadamay ang performance mo kagabi? Kahit sumayaw ka pa ulit ngayon, hindi pa rin magbabago ang desisyon ko. Di ko gusto ang sayaw mo.”

Huminga siya nang malalim. Nagsusungit na naman ito. Ano bang problema nito? “Iba-iba nga siguro ang taste ng mga tao.” Siniko niya ito. “Uy! Sa palagay mo ba kung iba ang sinayaw ko, magugustuhan mo? Argentinean tango halimbawa.”

Nahigit niya ang hininga nang biglang bumagsak ang eroplano at muntik na silang sumayad sa tubig. Mabuti at naiangat ulit ni Slade sa ere. “Wala ka bang sasabihing matino sa akin?”

Tuluyan nang sumambulat ang inis niya dahil na rin sa takot. Akala niya ay mamamatay na siya. “Ikaw! Ano bang problema mo? Dahil pinagtatawanan ka namin kanina? Mukha ka naman talagang tanga kagabi sa judging. May walk out ka pang nalalaman. Ano ba talagang problema mo?”

“Ikaw!” sagot nito. “Ayoko nang makasama ka pa sa competition. Ayoko nang makita ka sa TV. Ayoko nang makita ka sa islang ito!”

Parang may nagbato ng kutsilyo sa kanya at tumama sa lalamunan niya. gusto nitong mag-quit na siya sa program? Ayaw na nitong maging Prince Charming niya. Nakuyom niya ang palad sa ibabaw ng pantalon niya. Nagbabanta na ang luha sa mata niya pero huminga siyang malalim para di tuluyang mapaiyak.

“May ginawa ba akong masama sa iyo?”

“Basta hindi ka na bagay sa contest na ‘to. Parang palala ka ng palala bawat linggo.”

“Hindi ko maintindihan! Sabi ng mga judges nag-i-improve ako.”

Bawat challenge ay ginagalingan niya dahil gusto niyang makitang nakangiti si Slade sa bawat accomplishments niya. Pero bakit hindi iyon ang nangyayari?

Nanatiling tuwid ang tingin nito sa harapan ng eroplano. “You don’t belong here, Josef. You don’t.”

Hindi na niya kaya ang sakit. Tuwid pa rin ang lipad nila pero pakiramdam niya ay bumubulusok siya pababa. Baka nagalit si Slade dahil nararamdaman na nitong mahal niya ito at di siya nito gusto. At sa halip na sabihin pa nitong di siya nito mahal ay itinataboy na lang siya nito sa buhay nito.

Pero kaya ba niyang isuko ang pangarap niya para dito?

“Pasensiya ka na. Hindi ko masusunod ang gusto mo. Kailangan kong lumaban para sa tatay ko.”

Iyon ang ipinunta niya sa Stallion Island. Ang tatay niya. Hindi si Slade.

“Kapag ba nakauwi na ang tatay mo, kaya mong umalis sa contest na iyan?”

“Bakit? Kaya mo bang ibalik ang tatay ko?” Ipinilig niya ang ulo. Ano naman ang motibo ni Slade para alisin siya sa competition at paghihirapan pa nitong ibalik ang tatay niya? Hindi niya maintindihan. Sumandal siya at ipinikit ang mga mata. “Gusto ko nang bumalik.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.