Stallion Island Series Chapter 155

Hindi tinantanan ni Josef hangga’t di nalilinis ang karburador ng ten-wheeler truck na pinapagawa sa kanya. Seryosong-seryoso siya sa pagtatrabaho nang lapitan siya ng tauhan niyang si Paquito.

“Boss, sabi sa inyo ako na ang gagawa niyan. Pagagalitan ako ng Kuya Jillian ninyo kapag nalamang nagrasahan ka naman. Paano pa daw ang magiging itsura mo kapag finals na ng makeover challenge? Paano ka pa mananalo?”

Pinunasan niya ng basahan ang kamay. “Ligo lang ang katapat niyan. Saka ipapa-facial naman kami pagkatapos. Saka ano naman ang gagawin ko dito? Ngingiti sa mga tao na parang beauty queen? O gusto mo palitan ko na lang ng Stallion Shampoo ang mga langis natin sa auto shop?”

Mag-iisang linggo na mula nang bumalik siya mula sa Stallion Island. Sa loob ng ilang araw ay kinuhanan ang pagbabalik niya sa normal niyang buhay. Isang malaking challenge na naman iyon dahil ipapakita kung maia-apply nila ang mga natutunan nila sa isla sa pagbabalik nila sa normal na mundo.

Hindi ganoon kadali. Imposible para sa kanya na pagsamahin ang Josef sa isla at ang normal na Josef. Naninibago lang siya noong una pero nang makahawak siya ng sirang sasakyan ay awtomatikong bumalik sa kanya ang dati niyang alam. Mas gusto niyang maging isang taong grasa.

Napakamot na lang sa ulo si Paquito. “Boss kasi! Sikat ka na ngayon. Sayang kasi magagrasahan ka. Baka naman dinidibdib mo na ipinagpalit ka ni Tikboy sa iba.”

“Ungas! Hindi, no?”

Nang bumalik siya ay nalaman niyang may girlfriend na si Tikboy sa eskwelahang pinapasukan nito. Natutuwa nga siya na bumalik ito sa pag-aaral at hindi na siya ang kinukulit nito.

Si Slade ang di mawala sa isip niya. Dito siya hindi maka-recover. Hindi na kasi sila nagkausap matapos ang date nila. Mabuti na nga rin na umalis na siya sa Stallion Island. Tama naman ito. Hindi siya bagay sa mundo nito. Hindi sila bagay. Kaso hanggang sa pag-uwi niya ay parang multo pa rin itong nakasunod sa kanya. Umaasa siya na basta na lang itong susulpot sa gate nila nang nakangiti. Kahit hindi siya nito mahalin. Kahit man lang sana bilang kaibigan. Nami-miss kasi niya ito.

Noong una ay hirap sa kanya na na-in love siya dito pero di naman siya nito kayang mahalin. Lagi niyang sinisisi ang sarili niya. Gusto niyang kalimutan na lang ito pero di pala madali. Sa huli ay tinanggap na lang niya ang kapalaran niya. Mahal niya si Slade. Na-in love siya sa ngiti nito, sa titig nito at sa panunukso nito. Gusto lang talaga niyang malaman kung saan siya nagkamali.

Naputol ang pag-iisip niya kay Slade nang marinig ang tili ng kapatid niya. “Ano ‘yang itsura mo? Pwede ka nang mamalimos sa harap ng bahay natin. Juzmeh! Maligo ka nga!”

“Bakit ba? Nagtatrabaho pa ako.” Santambak ang nagpagawa ng sasakyan sa kanila mula nang lumabas siya sa TV. Lalong dumami iyon nang bumalik siya ng bahay. Ang iba naman ay gusto lang maki-usyoso pero pinagbibigyan na rin niya. Ang importante lang naman sa kanya ay pera.

Nag-aalala na siya. Nitong nakakaraang araw ay di niya nakakausap ang tatay niya. May importanteng pagdiriwang daw sa bansang iyon kaya di pwedeng basta-basta makipag-usap. Hangga’t di niya nailalabas ang tatay niya sa kulungan ay hindi talaga siya matatahimik.

“Maligo ka na. May pupuntahan tayo nila nanay. Ako na ang bahalang humanap ng damit mo. Dapat iyong bonggang-bongga.”

“Bakit? Magsa-sagala ba ako at kailangang bongga pa.”

“Gaga! Dadating ang mga TV crew. May pupuntahan daw tayo mamayang alas dos. Sana santambak na Stallion Boys ang masilayan ko. I am so excited.”

Parang manager niya ang kapatid niya. Kaya kapag kailangan siyang kunan ng camera, wala siyang magagawa kundi sundin ang utos nito.

“Saan tayo pupunta?” usisa ng nanay niya.

“Maghintay lang po kayo, Tita,” sabi ni Babeth.

Maya maya pa ay nasa MIA Road na sila. Malungkot niyang pinagmasdan ang sunud-sunod na paglipad ng eroplano. Lalo lang niyang na-miss si Slade.

“Andiyan na sila,” sabi ni Babeth.

Nahagip ng mata niya si Attorney Cord de Lara at si Slade. Bumilis ang tibok ng puso niya nang matuon ang mata niya dito. Nakangiti ito habang may sinasabi sa isa pang lalaking kasama nito. Nanlabo ang mga mata niya. Nakita niya ulit ang ngiti ni Slade. Ito ba ang sorpresa sa kanya? Si Slade? Magkakausap na ba sila ulit?

“Tatay! Nandito na si Tatay!” tili ng Kuya Jillian niya. Nagkukumahog itong tumakbo habang hatak-hatak ang nanay niya. “Tatay!”

Saka lang niya nakilala ang tatay niya nang tanggalin ang sumbrero nito at shades. Hindi niya ito nakilala dahil malaki ang ipinayat nito. Hindi niya ito napansin dahil puro si Slade lang ang nakikita niya.

Di siya makaalis sa kinatatayuan at tatay niya ang lumapit sa kanya. “Josef, anak!” Umiyak na lang siya nang yakapin ang tatay niya. “Ang dalaga ko.”

“Tatay, bakit ako hindi ninyo tinawag na dalaga,” angal ng kuya niya.

“Pag-aaralan ko pa, anak. Tutal magkakasama-sama na tayo.”

Nakauwi na ang tatay niya sa tulong ni Attorney Cord at ng Department of Foreign Affairs at ng OFW department ng Department of Labor and Employment. At ayon kay Babeth, malaki rin ang tulong ng impluwensiya ni Prince Rostam. Di lang kasi tatay niya ang makakauwi kundi may iba pang mga Pilipino na mapapalaya. Mate-trace kasi ang dugo ni Prince Rostam sa mga royal blood ng bansang Saudi. Di pa man siya nananalo sa Stallion Shampoo makeover Challenge ay ibinigay na sa kanya ang reward niya. Kahit hindi na siya manalo. Okay lang.

“Nasaan na pala iyong piloto natin?” tanong ng tatay niya. “Hindi man lang ako nakapagpasalamat sa paghahatid niya sa akin.”

Luminga siya. Di niya nakita sa paligid si Slade. Paano itong nakawala sa paningin niya?

“May trabaho pa po si Sir Slade. Kailangan pa po niyang bumalik sa Stallion Island,” paliwanag ni Cord.

“Ni hindi man lang ako nakapagpasalamat sa kanya,” malungkot na sabi ng tatay niya. “Mabait na bata iyon. Sabi ni Attorney Cord magkaibigan daw kayo, anak.”

Mabigat ang loob niyang ngumiti. Iyon ang pinakamasayang araw sa buhay niya pero hindi man lang niya ito nakasama. Gusto niyang i-share iyon kay Slade. Kundi dahil sa encouragement nito noong una, di naman siya tatagal sa competition. At hindi man direkta, ito ang nagbalik sa tatay niya.

Gusto tumuloy sa finals. Tiyak niyang magagalit si Slade dahil gusto nitong mag-quit na lang siya. Pera sa huling beses ay gusto niyang makausap ito. At kung may sapat siyang lakas ng loob, gusto niyang sabihin dito na mahal niya ito. Tutal hindi na sila magkikita pang muli.

“MISS GASTAMBIDE, ano ang mas gusto mo? Ang bago mong anyo na maganda at sopistikada o ang dating ikaw na isang simpleng mekaniko lang at puro grasa?” tanong ni Teresa na ginaya ang judge na village lord na si Evandro Luminares nang tanungin siya para sa finals night ng Stallion Island Makeover Challenge.

Namaywang si Trining na puro balahibo pa rin ang ulo at ginagaya naman siya. “Wala namang nagbago sa akin. Sinuutan lang ako ng magandang damit at naayusan pero ako pa rin ang mekanikong puro grasa. Proud ako sa trabaho ko. Ipinagmamalaki ko kung ano ako. Hindi kailangang baguhin ng damit lang o ng make up ang mga bagay na bumubuo sa pagkatao ko. maraming salamat!”

Tawa siya ng tawa habang pumapalakpak sa panggagaya ng kaibigan niya sa kanya. Nasa The Peak, ang palasyo ni Prince Rostam sa Stallion Island sila kung saan ginaganap ang victory party ng Stallion Island Makeover Challenge. In attendance ang lahat ng miyembro ng Stallion Island at kumpleto ang village lords. Maging ang magkakapatid na Alleje ng Stallion Riding Club at ang mga original Stalllion Babes na naging modelo ng Stallion Shampoo at ang asawa at nobyo ng mga ito na miyembro ng Stallion Riding Club ay naroon din. Bumabaha din ng mamahaling alak at pagkain para ipagdiwang ang okasyon.

“Para sa akin ikaw ang winner,” sabi ni Carmilette at niyakap siya. “Hindi ko talaga ma-imagine kung paanong nanalo si Marmy. Mas magaling at maganda ka sa kanya.” Saka maasim ang mukha nitong tiningnan ang kasamahan nilang naging reyna ng gabi. Kuntodo ito sa pagpapa-picture sa mga reporters habang nakakunyapit sa braso ni Cody.

“Okay lang. Siya naman ang ibinoto ng mga texters. Panalo na ako dahil naibalik na sa akin si Tatay.”

Nilingon niya ang pamilya niyang kausap ang village lord na si Rouen kasama ang miyembrong si Illac at Trent. Buo na ang pamilya niya. May bonus prize pa nga siya dahil kinuha siyang modelo para sa electric jeepney na ila-launch na sa iba pang parte ng bansa. Di siya nag-atubiling tanggapin dahil naniniwala siya sa produkto.

Ano pa ba ang ba ang hihilingin niya? Isa na lang. Ang makausap si Slade.

“Congratulations, ladies!”

Bigla siyang lumingon nang marinig ang masayang boses ni Slade. Isa-isa nitong hinahalikan sa pisngi ang mga kasama niya. “Ang bango mo Fafa Slade,” sabi ni Trining na nangunyapit pa sa leeg ni Slade.

Humalakhak si Slade. Naramdaman niya ang paninikip ng lalamunan niya. Gusto niyang umiyak. Na-miss kasi niya ang tawa nito.

Hinila ito ni Teresa palayo kay Slade. “Huwag ka ngang echuzerang palaka. Iwan muna natin sila.”

“Echuzerang palaka? Ikaw palakang bukid!” kontra ni Trining.

Nakatitig lang siya kay Slade nang maiwan sila nang mga kasama. Di na niya napapansin ang ingay sa paligid o ang mga tao. Ito lang kasi ang nakikita niya. Ayaw na niyang kumurap dahil baka iyon na ang huling pagkakataong matititigan niya ito.

“Ang guwapo natin ngayon, ah!” bigla na lang nanulas sa dila niya. Naka-tuxedo kasi ito at di natitinag ang buhok.

“Ikaw din.”

“Guwapo ako ngayon?”

Tipid itong ngumiti. “You are beautiful.” Inilahad nito ang palad. “Congratulations! Naiuwi na ang tatay mo. Buo na ang pamilya mo.”

Alanganin niyang tinanggap ang pakikipagkamay nito. Bakit kinamayan lang siya nito samantalang nayakap at nahalikan ito ng mga kasama niya?

“Di man ako nanalo, naiuwi na siya. Salamat pala dahil ikaw ang naghatid sa kanya pauwi. Bigla na ka na lang kasing nawala noong nakaraan.”

“Marami akong kailangang gawin.”

“Oo. Busy ka.” Lumunok siya. Marami siyang gustong sabihin dito pero hindi niya alam kung ano ang uunahin. “Sorry. Hindi ako nag-quit para sa iyo kahit nang nakabalik na si Tatay.”

“Forget it. May sapi siguro ako. Di ko alam kung bakit nasabi ko iyon sa iyo dati. Hindi mo kailangang mag-quit para sa akin.” Pinisil nito ang balikat niya. “Ginawa mo iyon para sa sarili mo. Para sa pamilya mo. Kung nandito ka pa rin hanggang sa finals, deserve mo iyon. Kalimutan mo na mga sinabi ko dati.”

Marahan siyang tumango. “Okay.”

“Maiwan na kita. Alam ko na busy ka ngayon. Gusto ko lang batiin ka.” Tumalikod na ito at naglakad palayo.

Iyon lang? Basta na lang siya nitong lalayasan? Hindi pwede. Marami pa siyang hindi nasasabi dito. Ang dahilan kung bakit umabot siya sa finals… na mahal niya. Saka lang ito pwedeng umalis kapag nasabi na niya dito.

“Slade, sandali! May sasabihin pa ako sa iyo!” aniya at hinabol ito.

Subalit hinarangan na siya ng may-ari ng manufacturing company ng Stallion Shampoo na si Neiji Villaranza kasama ang asawa nitong si Winry. “Sa wakas! Na-corner din namin ang crowd favorite sa gabing ito.”

Nanlumo siya dahil hindi na niya nahabol pa si Slade. Nang luminga siya sa paligid ay wala na ito. Basta na lang naglaho. Mukhang hindi na niya masasabi dito na mahal niya ito kahit sa huling pagkakataon.

“Sir, thank you po sa pagbabalik ninyo sa tatay ko,” sabi niya at pinisil ang kamay ni Neiji. “Iyon po ang pinakamagandang bagay na nangyari sa akin.”

“Ha? Wala namang kinalaman ang Stallion Shampoo sa pagbabalik sa tatay mo. Hindi mo ba alam na si Slade ang gumawa ng paraan para maibalik siya. Sabi ni Aric siya pa nga ang kumausap kay Attorney Cord at kay Prince Rostam para mas mapadali ang paglabas ng tatay mo. Dinayo pa niya sa Al Ashiq si Prince Rostam para kulitin. Kaya nga siya mismo ang sumundo sa tatay mo. Kami lang ang nag-cover. Hindi ba niya nasabi sa iyo?”

Marahan siyang umiling. “Hindi po. Thank you po sa pagsasabi sa akin.”

Nilapitan niya ang pinsan ni Slade na si Peachy. “Excuse me. Nasaan si Slade?”

“Si Kuya? Naku! Hindi ko alam. May night flight daw siya kaya di na siya magtatagal. May isang guest yata na kailangang umalis agad. By the way, ang layo na ng itsura mo kaysa dati. Naalala pa ba ako ng mga cute mong friends?”

KANINA pa gising si Josef pero di pa rin siya bumabangon. Nakatitig lang siya sa kisame habang lumulutang ang isip niya. Normal na ulit ang buhay niya. Tapos ang Stalllion Shampoo Makeover Challenge. May nabago rin pala sa buhay niya. Bukod sa naiuwi ang tatay niya, mas kampante na siyang humarap ngayon sa ibang tao. At tiyak niyang di na siya matatakot magsuot ng sapatos na may mataas na takong. Pero malaki naman ang kapalit. Isang lalaki kasi ang dumugas sa puso niya. Hindi na niya nakita pa si Slade hanggang umalis siya sa Stallion Island. Ni hindi man lang siya nakapagpasalamat sa pagbabalik nito sa tatay niya.

Bumalikwas siya ng bangon. “Tantanan na nga ang Slade na iyan!”

Isipin man niya buong maghapon si Slade, wala ring mangyayari. Baka ngayon ay nasa Stallion Island ito at nagliliwaliw kasama ang ibang babae. Bukas na lang ulit niya ito iisipin.

Inaayos niya ang higaan niya nang katukin ng tatay niya ang kuwarto niya. “Josef! Josef! May nagrereklamo sa baba. May kasama pang mga tanod. Kasabwat ka daw sa pambubutas ng mga sasakyan sa kanto para magkaroon tayo ng customer at magpagawa ng sasakyan dito sa atin.”

Nagpanting ang tainga niya. Umakyat ang dugo niya sa ulo. “Ano? Baka markahan ko ng gulong ang pagmumukha niya! Hindi ko kailangang mambiktima dahil marami akong customers.”

Hangos siyang lumabas ng bahay na parang susugod sa giyera. Gulok na lang ang kulang at mukha na siyang bagong gising na Gabriella Silang. Walang pwedeng manira sa kanya nang walang basehan. Makakatikim talaga sa kanya.

“Sino ‘yang sinungaling na ‘yan?” sigaw niya paglabas ng bahay.

“Ako!”

Nanigas siya habang nakatayo sa harap ng pinto ng bahay. “Slade?”

Ilang beses siyang kumurap. Baka naman nag-aagaw-antok pa siya. Si Slade na may dalang bulaklak? Si Slade na mas guwapo pa ngayon kaysa nang huli silang nagkita. Si Slade na…

“Anong ginagawa mo dito?” pabulong niyang tanong.

“Dumadalaw.”

“Ha?” Bigla niyang naalala kung ano ang itsura niya. Humarap siya kay Slade na parang sinabunutan siya ng sampung bakulaw. Oily pa ang mukha niya. “Teka! Teka lang,” sabi niya at nagkukumahog na pumasok ng bahay. Di siya pwedeng makita ni Slade nang ganoon ang itsura niya.

“Sandali! Huwag mo akong takasan!” sabi ni Slade at hinabol siya hanggang sa loob ng bahay. Humarang ito sa hagdan nang aakyat na siya.

“Hindi ako tatakas. Magsusuklay lang ako. Maghihilamos. Maliligo na rin ako saka magtu-toothbrush ulit.” Bakit ba hindi nagpasabi ang kumag na ito na dadating ito? Sana ay nakapagpa-salon pa siya.

“At kailan ka pa naging banidosa? Kahit pa ano ang itsura mo okay lang sa akin basta magkausap lang tayo ngayon.”

“E, bakit ka ba nagmamadaling makipag-usap sa akin?” Hinabol-habol niya ito sa Stallion Island pero di siya nito pinansin. Magandang- maganda siya noon. Saka naman ito makikipag-usap kung kailan wala siya sa ayos.

“Manliligaw ako sa iyo,” anito at inabot ang bulaklak. “Sa akin galing ‘yan. Hindi sa kabayo ko.”

Natigagal siya at tinitigan ito. Mukhang seryoso naman ito. “Liligawan mo ako? Nakikita mo ba kung ano ang itsura ko? Maya maya lang puno na ako ng grasa kapag nagtrabaho na ako. Saka di ba ayaw mo sa akin. Sabi mo di ako bagay sa iyo. Hindi ako bagay sa isla ninyo.”

Inilapag nito ang bulaklak sa hagdan at hinawakan ang balikat niya. “Sinabi ko lang iyon para mag-quit ka sa makeover challenge. Habang nakikita ka ng mga tao sa TV, lalong dumadami ang nagkakagusto sa iyo. Hindi naman nila ma-appreciate ang totoong ikaw. Nainis ako noong nag-belly dancing ka. Pinagtitinginan ka ng mga lalaki. Samantalang gusto ko ako lang ang makakakita sa iyo ng ganoon. Tapos pinagkakaguluhan ka pa ng mga kaibigan ko after mong mag-belly dance. Nakakainis!”

Humalukipkip siya habang pinagmamasdan ang paglalaro ang emosyon sa mga mata nito. “Bakit ka naman naiinis na pinagkakaguluhan ako ng ibang lalaki?”

“Nagseselos ako! Kasi mahal kita.”

Parang may bombang sumabog sa harapan niya at di niya magawang magsalita. Ni hindi siya makakurap.

Bumagsak ang balikat nito at naglakad papunta sa pinto. “Sige. Nasabi ko na ang gusto kong sabihin. Aalis na ako.”

“Hoy! Ungas ka talaga! Sasabihin mong mahal mo ako sabay walk out? Hanggang diyan lang ba ang kaya mo?”

Lumingon ito. “Hindi. May iba pa akong kayang gawin.”

Malalaki ang hakbang nitong lumapit sa kanya at hinapit ang baywang niya. Habang ang isang kamay naman nito ay humawak sa pisngi niya saka inangkin ang labi niya. Tuluyan nang nag-shut down ang utak niya sa halik na iyon. Isa lang ang malinaw sa kanya. Mahal siya ni Slade. At ayaw niyang pakawalan pa siya nito.

Yumakap siya sa leeg ni Slade. Wala siyang pakialam kung gaano katagal siya nitong halikan at kung di na matapos iyon. Kahit mawalan pa siya ng hininga. Basta sigurado siyang di na niya ito pakakawalan pa. Kahit na sabihin nitong joke lang na mahal siya nito, itatali na niya sa baywang niya.

Ngayon lang siya nagmahal sa isang lalaki. Ilang araw din siyang naging miserable dahil kay Slade. Wala siyang ibang pinangarap kundi makita itong muli at masabi na mahal siya nito. Pero mas maganda pa ito kaysa sa pangarap niya dahil mahal siya ni Slade. At hinahalikan siya nito nang parang wala nang bukas.

“Huhulaan ko. In love ka rin sa akin, no?” nanunukso nitong tanong nang maghilay ang labi nila.

Nag-init ang mukha niya. “Oo na! Talo na ako sa pustahan natin. Di na nga ako nanalo sa contest, minahal pa kita. Kaya nga masamang-masama ang loob ko noong itinataboy mo ako. Kasi di ko naman gusto na mahalin mo ako. Tama na sa akin na nasa tabi kita at sinusuportahan mo ako. Kaya akala ko nahalata mo nang in love ako sa iyo at ayaw mo sa akin kaya mo ako itinaboy.”

Umiling ito. “No! Hindi ko napansin. Ngayon lang. Nasira ako pagdating sa mga babae dahil sa iyo. Takot nga ako na sabihing mahal kita kasi baka mabasted ako. Ni hindi ako makapag-isip ng tuwid dahil sa iyo. What have you done to me?” Idinikit nito ang noo sa noo niya. “Gusto kong ma-in love ka sa akin pero ako pa ang unang na-in love sa iyo. Bigla akong naging torpe.”

“Hindi ka ba nahihirapang sabihin sa ibang babae na mahal mo sila?”

“Iyon nga! Di ko naman kailangang mag-effort sa ibang babae. Sila ang lumalapit sa akin. Pero sa iyo, di ko alam kung ano ang tamang diskarte. Ni hindi nga ako interesado sa mga pagkatao nila. Pero interesado ako sa buhay mo. Kung ano ang magpapasaya sa iyo.”

“Kaya gumawa ka ng paraan para iuwi ang tatay ko, di ba?”

Marahan itong tumango. “Actually, I did it for selfish reasons. Gusto ko kasi mag-quit ka na sa show para di ka na tanghuran ng ibang lalaki. Pero sa huli nang yakapin mo ang tatay mo, naisip ko na gusto ko lang sumaya ka.”

Kinintalan niya ito ng halik sa labi. “Thank you. Pinasaya mo talaga kami ng pamilya ko. Pero di ko pa rin maintindihan. Noong nasa party tayo pwede mo namang sabihin sa akin na mahal mo ako.”

“Gusto kong ngayon manligaw sa iyo. Ngayong ordinaryo ka na ulit. Ayokong pagpiyestahan sa TV ang pagmamahal ko sa iyo. At ayokong isipin mo na nagustuhan lang kita dahil maganda ka at naka-make up. Na di ko kayang mahalin ang totoong ikaw. Kaya ngayon ako nanliligaw. Gusto kong ipakita sa iyo na mahal kita kahit bagong gising ka, sabog-sabog ang buhok o kahit puro ka pa grasa.”

“Mas gusto mo ako kay Merian at sa mga Sirens? Magaganda sila. Sila pa nga ang kinampihan mo nang mag-away kami ni Merian.”

Hinaplos nito ang dulo ng ilong niya. “Hindi ko siya kinampihan. Ayoko lang na makipag-away ka dahil baka masaktan ka. Kasi ako naman ang mapapaaway kapag may kumanti sa iyo.”

“Ganyan ang gusto kong maging boyfriend.” Tumingkayad siya para halikan ito nang maalala ang pamilya niya. Nagmukha na yatang teleserye ang buhay niya. Sa himala ng himala ay wala ang mga ito. Sumilip siya sa labas pero walang tao. “O! Nasaan na sila?”

“Namasyal muna sila para magkausap tayo.” Hinila nito ang kamay niya. “Ngayon ano pa ang ibang requirements mo para maging girlfriend na kita?”

Binigyan niya ito ng isang nang-aakit na ngiti. “Bigyan mo lang ako ng malupit na kiss. Galingan mo para di ka mabasted.”

“With pleasure!”

Humagikgik siya bago nagtagpo ang labi nila. Tiyak niyang maraming magwewelgang kababaihan kapag naging boyfriend niya si Slade. Maraming magsasabing di sila bagay pero wala siyang pakialam. Si Slade lang ang nakakapagpasaya sa kanya. Mamatay na lang ang mga ito sa inggit.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.