Gabriella was no Maria Clara. Para sa kanya ay isa siyang matapang na babaeng handang ipaglaban ang lahat ng pinaniniwalaan niyang tama. At hindi siya ang babaeng iiyak-iyak lang sai sang tabi.
Subalit napilitan siyang umaktong Maria Clara para mai-please si Zach Sotelier, ang pinakaguwapong nilalang na nakita.
Paano pa niya maipapakilala ang totoong sarili kung hindi siya ang babaeng type nito? At paano naman babawi ang puso niya oras na malaman nito ang totoo?
Magkasalubong ang kilay ni Gabriella habang nakaupo sa kama at binabasa ang Sulat sa mga Kababaihan ng Malolos ni Jose Rizal. Nakabakasyon siya sa bahay nila sa Nueva Ecija mula sa pag-aaral sa Maynila. Second year college na siya sa kursong Social Science sa UP Diliman.
Pumasok sa kuwarto niya ang nanay niya na si Aling Monette. “Anak, isukat mo nga itong damit na ito. Tiyak na bagay na bagay ito sa iyo.”
MArahan niyang inangat ang tingin mula sa libro. Umasim ang mukha niya nang makita ang bulaklaking palda na ibinabandera ng nanay niya. “Nay, ano ba namang damit iyan? Parang hinalungkat na naman ninyo sa baul ni Lola. Itago na nga po ninyo at kinikilabutan ako.”
“Ito ang uso ngayon. Di mo ba alam?”
Lalo siyang nahindik. Wala sa fashion statement niya ang magsuot ng palda. Mas gusto niya ang magpantalon. At hindi niya kailanman napag-tripan ang saya ng lola niya. Pero di naman niya masisisi ang nanay niya dahil makaluma ang mga trip nito sa damit. Buti na lang at hindi niya namana.
“Alam naman ninyong wala akong hilig sa ganyang saya,” sabi niya at ibinalik ulit ang tingin sa libro. Mas gusto niya ang mga praktikal na damit. Di na rin naman kailangan pa ng nanay niya na bumili ng bagong damit para sa kanya dahil dadating na ang ninang niya galing Switzerland. Tiyak na marami iyong pasalubong.
“Katatawag lang ng ninang mo. Gusto daw ng alaga niyang Kano na ganito ang suot ng babaeng magiging girlfriend niya.”
“Hindi po kano iyon, Nay. Swiss,” pagtatama niya.
“Switch na kung switch.”
“Nay, Swiss po. Parang Swiss chocolate, Swiss watch, Swiss bank.”
Nagtatrabaho sa Switzerland ang Ninang Lilia niya. tumanda na itong dalaga sa pagsisilbi sa pamilya ng amo nito. Purong Filipino ang amo nitong lalaki na ang asawa ay lahing Swiss. Ngayon ay uuwi ito ng Pilipinas kasama ang alagang binata na at mukhang target ng nanay niya para sa kanya.
“Bakit kailangan ko pa pong isuot iyan? Magsasayaw ba ako ng itik-itik para lang po ma-entertain siya?” Pero dahil wala naman siyang talent sa pagsasayaw ng folk dance, malamang ay mukha siyang gaganap sa isang horror film. Ang multo ng isang babaeng nabuhay pa noong panahon ng mga Kastila.
“Gusto daw ng babaeng conservative. Katulad ni Maria Clara. Ganoong klaseng Filipina ang hanap niya.”
Bumulanghit siya ng tawa. “Wala nang ganoong klaseng babae, Nay. Kasama na sila ng mga Kastila na bumalik ng Espanya.” Ihinarap niya ang libro niya dito. “Basahin ninyo, Nay. Si Jose Rizal mismo ang nagsabing hindi katulad ni Maria Clara ang tipo niyang babae. Kailangan modernong mag-isip at matapang. Dahil ang babae ang tagapagmulat ng isip ng bayan.”
“Bakit? Matutulungan ka ba ni Jose Rizal na mag-asawa ng foreigner kung gagawin mo ang gusto niya? Matagal na rin naman siyang patay.”
Kumunot ang noo niya. Pangarap ng nanay niya na makapag-asawa siya ng foreigner. Nahahaling ito dahil ilang kababayan na nila ang nakapag-asawa ng Hapon o kaya naman ay Amerikano na ngayon ay nasa ibang bansa na. Pag-aari ng mga ito ang naglalakihang bahay sa bayan nila na may swimming pool pa.
“Bakit kailangan pa kasing gusto pa ninyong may ibang lahi ang pakasalan ko? Nag-aaral naman po akong mabuti. Maiaahon ko rin po kayo sa hirap.”
“Madami ang graduate diyan pero wala namang trabaho, anak. Marami sa kanila nagpapaalipin din sa ibang bansa. Mabuti nang makapag-asawa ka ng foreigner kaysa naman magpaalila ka.”
Di kaila sa kanya ang matinding hirap na dinanas ng nanay niya mula nang mabiyuda sa tatay niya noong sampung taong gulang pa lang siya. Ito na ang mag-isang bumuhay sa kanya at namahala sa bukid nila. Di naman niya ito masisisi kung gusto nitong umangat sila sa buhay. Hindi nga lang siya naniniwala na kailangang sa lalaki dumepende sa kaligayahan at kabuhayan. Gawain lang iyon ng mga babaeng hindi independent. Naniniwala kasi siya na may lalaki man o wala sa buhay ng isang babae ay kaya niyang pasayahin ang sarili niya.
Nalaman niyang maraming babaeng naaabuso kasama na ang mga kababaihang nakapag-asawa ng foreigner dahil sa mga maling paniniwala. Ang gusto lang naman ng mga ito ay umahon sa buhay pero mas masaklap pala ang kahahantungan. Akala ay makakatakas sa kahirapan pero pagdating doon ay daig pa sa alipin ang nagiging trato. Ayaw niyang magaya sa mga ito. Lalo na’t pagdating sa ibang bansa ay wala kang mahihingan ng tulong.
“Kaya ko pa rin kayong buhayin, Nay. Hindi natin kailangang ng mga lalaking iyan. Mag-aasawa ako sa lalaking gusto ko.”
Ngumiti ito. “Aba’y magugustuhan mo iyon! Guwapo sabi ng Ninang mo. Maganda ang lahi ng magiging apo ko kapag nagkataon.”
Bumagsak ang balikat niya. “Nanay naman! Eighteen lang po ako.”
“O! Eighteen ka na. Pwede ka nang mag-boyfriend basta foreigner na guwapo at mayaman,” nagniningning ang mata nitong sabi at ginagap ang kamay niya. “Pagbigyan mo na ako, anak. Hindi ko naman ipipilit sa iyo iyon kung ayaw mo talaga. Pero sana naman pakisamahan mo nang maayos.”
Pinagmasdan niya ang ina. Pareho lang naman ang pangarap nilang mag-ina. Ang makaahon sa hirap. Kung tututol siya ay tiyak na sasama ang loob nito. Sila na lang mag-ina ang magkasama sa buhay. Ayaw niyang saktan ito.
Kinuha niya ang paldang hawak nito. “Isusukat ko po.”
Nagliwanag ang mukha nito. “Sige! At kapag nagandahan ka, bibili pa tayo ng marami. Okay?”
LUMONG-LUMO si Gabriella nang makita ang itsura niya sa salamin. Kulang na lang sa kanya ay dalawang basong may kandila at pwede na siyang sumayaw ng Pandanggo sa Ilaw. Parang ayaw na niyang lumabas pa ng kuwarto. Kung bakit kasi ipinagpilitan pa ng nanay niya na isuot niya ang mahabang saya at may katerno pang binurdahang barong pang-itaas. Gusto daw nitong Maria Clara ang imaheng ipakita niya sa bisita galing Switzerland. Kundi lang talaga niya mahal ang nanay niya ay baka itinakwil na niya ito sa pinaggagagawa sa kanya.
Kinatok ng nanay niya ang kuwarto niya. “Anak, tapos ka na ba diyan? Halika na at nagsisimula na daw ang party.”
Isang bienvenida party ang ihinanda para sa ninang niya ng pamilya nito. May limang taon din kasi itong di nakauwi ng Pilipinas. Excited na rin naman siyang makita ito dahil ito ang paborito niyang ninang. Kundi lang pinagmukha siya ng nanay niya na galing sa baul.
“Nay, sandali na lang po.”
Tiyak na pagtatawanan siya ng buong baranggay. Baka nga mapagkamalan pa siyang senior citizen mamaya. Kailangan niya ng kaunting sandali pa para tanggapin ang kapalaran at kahihiyan niya sa gabing iyon.
“Ang ganda talaga ng anak ko. Mas maganda ka pa sa akin.”
“Hindi, Nay. Mas maganda kayo sa akin,” pagtatama niya. Baka nga mapagkamalan pang bata ang nanay niya kaysa sa kanya. Ito ay nakasimpleng bestida lang pero maganda naman ang ayos nito.
“Maganda ka, anak. Tiyak ko na mapapansin ka ng alaga ng ninang mo. Basta huwag ka lang masyadong maingay at maging mahinay ang pagsasalita at pagkilos mo. At siyempre lagi ka ring ngingiti.”
Wala na sa bokabularyo niya ang ngumiti nang makalabas siya ng bahay. Nararamdaman niyang pinagtitinginan siya ng mga tao. Nakayuko na lang siya habang naglalakad at nakasunod sa nanay niya. Lalo siyang nanghina nang matanaw ang bahay ng ninang niya. Ang mga bisitang pumapasok ng gate ay pawang bago ang mga disenyo ng damit. Kahit naman probinsiya iyon at mukhang baduy ang ibang mga tao ay nag-e-effort naman ang mga ito na magsuot ng magagandang damit kapag may ganoong kasiyahan. Lumang-luma ang itsura niya.
Gusto na niyang magtatakbo palayo nang makita kung gaano na karami ang tao sa party. Nandoon pa nga ang mayor at iba pang opisyales ng bayan nila na kaibigan ng nanay ng ninang niya.
Nakuha ng matangkad na lalaki ang atensiyon niya. Pinagkakaguluhan ito ng ibang mga babae dahil bukod sa matangkad ay matikas ang anyo nito. Halata ring di ito purong Pilipino dahil sa tangos ng ilong nito at sa kakaibang mga mata nito. Nag-stand out ito sa lahat ng nandoon. It made her stop and look. Isang bagay na di niya nagagawa sa ibang lalaking nakikita niya.
No. Delikado ito. Hindi ito ang tipo niyang lalaki. Mas gusto pa rin niya ng mga Pinoy. Maraming galing ibang bansa ang pedophile at pervert kahit na gaano pa kaguwapo.
Hindi niya alam kung bakit naisip ng nanay niya na magugustuhan nito ang katulad niyang mukhang pindangga. Kahit ang mga mahihinhin na kababaihan sa baryo nila ay nagpa-sexy para dito. For sure hindi na siya nito mapapansin.
“Gabriella, anong nangyari sa iyo?” tanong ng kaibigan niyang si Irene na kasunod ang kababata nilang si Miyong. “Aba! Hindi na kita nakilala.”
Pinanlakihan niya ng mata si Irene. “Subukan mo lang akong pagtawanan. Talagang aahitin ko ang kilay mo.”
“Iyan na ba ang uso ngayon sa Maynila?” inosenteng tanong ni Miyong. Payat ito, hukot at may suot na salamin. Mukha itong nerd at madalas na tampulan ng tukso sa kanila. Siya ang tagapagtanggol nito noong mga bata pa sila.
Ngumisi siya. “Pasalamat ka na lang at alam kong slow ka. Kundi nauna ko nang ahitin ang kilay mo.”
“Ikuha mo nga ng maiinom itong si Gabriella at baka iwasiwas niya ang tabak niya kapag hindi siya kumalma,” utos ni Irene kay Miyong. Dali-dali namang sumunod si Miyong at pumunta sa buffet table.
“Ano ba ang nangyari?” tanong ni Irene.
“Sabi kasi ni Nanay Maria Clara daw ang type ng alaga ni Ninang. Kaya ayun! Ipinagpilitan ‘tong saya yata ng lola ko. Naku! Bakit ba nagkaroon ako ng ganoong klaseng nanay?”
“Ako nga hindi ko alam kung paano akong mapapansin ni Zach. Guwapo talaga siya. Kanina ngang ipinakilala siya sa akin at kinamayan ako, muntik na akong himatayin. Kaya ihanda mo na ang sarili mo. Tiyak na magko-collapse ka sa kilig kapag nakaharap mo siya.”
Humalukipkip siya. “Hindi ko siya type. Nanay ko lang itong mapilit kasi gusto daw niya ng apong iba ang lahi. Iba kaya ng ugali ng mga lumaki sa abroad. Minsan matapobre sila. Mapanlait sa mga Pinoy. Mga pervert sila.”
“Talaga bang hindi mo siya type?” paniniyak ni Irene.
“Oo naman. Baka nga mas magustuhan ko pa si Miyong kaysa sa kanya.” Ngumiti siya sa kadadating pa lang na si Miyong na inaabot sa kanya ang juice na kinuha nito. “Hindi ba, Miyong?”
Natigagal si Miyong at nabitiwan ang basong hawak. Napahiyaw siya sa gulat nang maramdaman ang malamig na likido sa damit niya.
“Miyong, bakit mo naman binitiwan agad?” paninisi ni Irene dito.
“Kasi…Kasi… sorry talaga, Gab...” Hindi alam ni Miyong kung paano siya tutulungan.
“Are you okay, Miss?” malambing na tanong ng isang lalaki sa kanya.
“Mukha ba akong okay?” tanong niya sa mataas na tono at humarap. Nawalan siya ng boses nang matunghayan ang nag-aalalang guwapong mukha ni Zach, ang part Swiss na alaga ng ninang niya at inirereto sa kanya ng nanay niya.
Mas guwapo ito sa malapitan at mas nakakatulala. Kakaiba ang kulay ng mga mata nito. Hindi niya alam kung light brown o olive green. Nakakatunaw kung tumingin lalona’t may pag-aalala sa mga mata nito.
“Gabriella, anong ginawa mo?” may halong inis na tanong ng nanay niya. Nasira nga naman kasi ang pagkikita nila ni Zach.
“Hindi po kasalanan ni Gabriella. Ako po ang may kasalanan,” depensa naman ni Miyong. “Kasi si Gabriella…”
“Uuwi na po ako. Kailangan kong magbihis,” maagap niyang sabi bago pa siya maibuko ni Miyong. Malamang ay nagulat ito dahil sinabi niyang mas gusto pa niya itong hamak kaysa kay Zach. Bilang respeto na lang din sa Ninang niya, ayaw na niyang malaman pa nito ang opinyon niya sa alaga nito.
Isa pa ay kailangan niyang tumakas kay Zach at sa magagandang mga mata nito. Kailangan niyang tumakas dahil namemeligro ang salita niyang binitiwan na hindi siya ito type.
“Huwag ka nang umuwi. May mga damit na binili diyan para sa iyo,” sabi ng ninang niya at pinigilan at braso niya. “Halika sa kuwarto.”
Nakahinga siya nang maluwag. Sa wakas ay makakapagsuot siya ng disenteng damit. Alam ng ninang niya na mga pantalon ang gusto niya at di siya nagsusuot ng palda o kaya ay dress. At pansamantala din siyang makakatakas sa presensiya ni Zach.
Isang peach na dress na may ruffles ang inilabas ng Ninang niya. “Ito na ang isuot mo.”
Ngumiwi siya. “Ninang, akala ko po ba pantalon ang ipapasalubong ninyo sa akin?” Alam kasi ng ninang niya na praktikal iyon lalo na’t araw araw ang pasok niya sa eskwelahan.
“Dalaga ka na. Dapat ganito na ang isinusuot mo. Mas maganda naman ito kaysa sa saya na ipinasuot sa iyo ng nanay mo.”
May punto naman ito. Mas mabuti na ang dress na iyon kaysa sa saya ni Maria Clara. Sakto lang ang damit sa kanya. Magaling talagang pumili ang ninang niya. Tiningnan niya ang sarili niya sa salamin. Di naman pala ganoon kasama ang itsura niya. At parang gumanda rin ang kulay ng balat niya sa peach. Ano kaya ang sasabihin ni Zach kapag nakita siya?
Ano ngayon kung makita siya ni Zach? Ayaw nga pala niya dito kahit pa gaano ito kaguwapo. Kahit na nakakatunaw pa ang magagandang mga mata nito.
Paglabas niya ng kuwarto ay wala na ang ninang niya. Marahil ay bumalik na ito sa mga bisita nito. Subalit may isang nilalang na naghihintay sa kanya nang pababa na siya ng hagdan. Si Zach.
Umalis ito sa pagkakasandal sa barandilya nang makita siya. Nakangiti itong sumalubong sa kanya at bumagal ang galaw ng paligid niya. sana lang madali para sa kanya na huwag itong pansinin pero imposible yata iyon dahil sobrang lakas ng presensiya nito. “Hi!” bati nito.
“H-Hi! I am sorry if a while ago I…” Nasinghalan niya ito sa harap ng maraming tao. Nadala siya ng pagkabigla dahil nabasa siya.
“It’s okay.” Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. May paghanga sa mga mata nito. “Tama nga ako. Bagay sa iyo ang dress na iyan.”
“Alam mo?” naguguluhan niyang tanong. “Paanong… Nagta-Tagalog ka?”
“Of course, I do,” sagot naman nito na parang nagtataka pa sa tanong niya. “Alam mo naman na nagta-Tagalog ako.”
“At ikaw ang bumili ng damit ko?” ulit niya.
“Yes. Tinulungan ko si Yaya nang bumili siya ng pasalubong for you.”
Bakit? Close ba sila at alam nito kung anong bagay sa kanya o hindi? Talaga bang nagta-Tagalog ito at alam nito ang sinasabi nito?
“S-Salamat…” sabi na lang niya. Mas maganda siguro kung sa English na lang niya ito kausapin. Baka mas magkaintindihan pa sila. “Babalik na ako sa party.”
“I already prepared food for you,” anito at inakay niya sa papunta sa verandah. May mesang nakahanda na doon at may nakahaing pagkain. “I fulfilled my promise. I will be your date tonight.”